GUNITA KABANATA 15
[Kabanata 15 - Pasaring]
NAKATULALA ako ngayon sa mga ulap na naghahari sa kalangitan na kulay asul, nakaupo rin ako ngayon sa malaking bato rito sa ilog. Kaninang umaga ay maaga akong gumising dahil sa hindi malamang dahilan, naunahan ko pa si Puring na kay himbing ng tulog. Hindi ko na sya ginising pa at umalis na lamang sa aking tahanan, ibinaba ko na ang suot kong balabal na kulay luntian sa aking balikat.
Kumuha ako ng isang maliit na bato at hinagis iyon sa malinaw na tubig ng ilog, nakita ko pa ang unti-unting paglubog nito tulad ng aking damdamin na tila nalulunod na dahil sa salitang pag-ibig. Muli akong kumuha ng isa at hinagis ulit iyon sa ilog ngunit ngayon ay napalakas iyon, napahinga ako ng malalim at napatulala naman sa katubigan.
"Bakit gano'n?" Nakatulalang tanong ko sa aking sarili, alas-singko pa lang ng umaga at kaonting-kaonti pa lamang ang mga tao sa labas. Ako nga lang rin ang tao rito sa ilog, nais ko sanang basain ang aking paa ngunit ako'y giniginaw sa lamig ng tubig at maging sa hangin na yumayakap sa akin ngayon.
"Ang aking puso..." Wala sa sariling wika ko at napahawak sa tapat ng aking puso, nanatili akong tulala hanggang sa maramdaman ko ang presensyang tumabi sa akin. Umihip ang malamig na hangin kung kaya't nakarating sa aking pang-amoy ang pamilyar nyang bango, muli ko na namang naramdaman ang dahan-dahang pagbilis ng tibok nito.
"Anong mayroon sa kanya?" Rinig kong tanong nya, dahan-dahan akong nag-angat ng tingin sa kanyang mga matang kulay kayumanggi. "Kanino? Sa akin?" Wala sa sariling tanong ko, napakurap sya ng dalawang beses habang nakatingin pa rin ng diretso sa mga mata ko. Ang kanyang mga mata ay tila binabasa ang ikinukubli ng aking damdamin.
"Sa iyong puso," paglilinaw nya, umiwas na ako ng tingin at napatingin sa kaulapan. Napatingin din sya roon, kasabay ng pag-ihip ng hangin ay sabay naming tinanaw ang kagandahan ng mga ulap sa kalangitan.
"Ikaw ba ay may dinaramdam sa iyong puso?" Tanong nya muli, nag-angat ako ng tingin sa kanya kung kaya't muling nagtama ang aming mga mata. Bakit nya tinatanong? Nag-aalala ba sya? Umiling na lamang ako.
"Wala," sagot ko at napaiwas ng tingin, totoong wala naman akong sakit sa puso ngunit may dinaramdam ito dahil sa kanya. Umusog ako ng kaonti papalayo sa kanya dahil kaonti na lang at magtatama na ang aming mga braso.
"Ngunit bakit tila mayroon?" Tanong nya na ikinatigil ko, hindi ko nagawang tignan ang kanyang mga mata dahil nag-iisip ako ng dahilan. Sandali, bakit ba kailangan ko pang magpaliwanag sa kanya? Sino ba sya at sino ba ako sa buhay ng isa't isa? Kaibigan?
"K-kumusta na ang iyong buhay?" Pag-iiba ko bigla ng usapan, ayoko na sa usapang iyon at nais ko na lamang kausapin sya bilang isang kaibigan.
"Bakit nais mong malaman?" Napapikit na lamang ako at napahinga ng malalim dahil sa inis, sinasabi ko na nga ba at itatanong nya na naman iyon. Narinig ko ang mahina nyang pagtawa, idinilat ko ang aking mga mata at nag-angat ng tingin sa kanya. Napatigil ako nang makita ang kanyang ngiti ngunit sa totoo lang ay masaya akong makita syang nakangiti.
"Bakit ba palagi mo na lamang kinekwestyon ang aking pagtatanong?" Nakasimangot na tanong ko at napahinga ng malalim, mabuti na lamang at mahaba ang pasensya ko. "Sapagkat nais kong malaman ang pinagmulan ng iyong tanong at bakit mo naitanong iyon," pagpapaliwanag nya, napatango na lamang ako. Mabuti pa sya at maayos ang lahat ng sagot.
"Sya nga pala, paalam na sapagkat magtutungo na ako sa pamilihan ng bayan. Mauuna na ako, Linang..." Agad akong napatingin sa kanya matapos marinig ang sinabi nya, naalala ko na may trabaho nga pala syang kailangang gampanan upang mabuhay sa mundong ito. Tumayo na sya at nagsimulang maglalakad paalis, ilang hakbang pa lang ang kanyang ginagawa ngunit tumayo na rin ako at pinigilan sya.
"S-sasamahan kita," lakas loob na saad ko, dahan-dahan syang napalingon sa akin at ngumiti. Ang kanyang ngiti na nagdudulot ng pagkabog ng aking puso, naglakad sya papalapit sa akin.
"Bakit?" Tanong nya, namalayan ko na lamang na humakbang na rin ang aking mga paa at sabay kaming naglakad. Anong bakit? "Dahil... Magtutungo rin naman ako sa pamilihan," palusot ko at ngitian sya, napatingin sya sa aking labi mula sa aking mga mata. Agad syang napaiwas ng tingin at tumingin na lamang ng diretso sa daan, napansin ko na sa tuwing ngumingiti ako ay nangyayari iyon.
"Hindi mo ba naisip na maaaring maging usap-usapan kung sabay tayong magtutungo sa pamilihan ng tayong dalawa lang?" Tanong nya, tila bigla akong kinilabutan dahil sa tanong nya ngunit agad akong huminga ng malalim upang labanan ang aking damdamin. Nalulungkot man ngunit sige, hindi na lamang ako sasabay sa kanya dahil ayoko namang madamay sya sa aking adhikain.
Sasabihin ko na sana sa kanyang huwag na lang pala kaming magsabay ngunit dumapo ang aking tingin kay Adriano na tila may hinahanap, muli syang napatingin sa amin. Tila nagliwanag ang aking mukha matapos may maisip na paraan. "Adriano!" Nakangiting pagtawag ko sa kanya at linapitan sya, nawa ay pumayag sya sa aking nais mangyari.
"Nasaan po si Pu— B-bakit po Binibini?" Napalunok sya matapos madulas, napangiti ako dahil tila may ikinukubli ang kanyang damdamin. "Hinahanap mo ba si Purificasion?" Nakangising tanong ko at napatingin kay Markus na lumapit na sa amin, nakita ko nang dahan-dahang mamutawi ang pagkabigla at kaba sa mukha ni Adriano at dali-daling umiling ng paulit-ulit.
"H-hindi po!" Kinakabahang pagtanggi nya, gusto kong humagalpak ng tawa dahil masyado syang halata ngunit hindi ko na ginawa pa upang hindi na sya mahimatay sa kaba.
"Ate Linang! Bakit po kayo umalis nang walang pasabi?" Nanlaki ang mga mata ni Adriano matapos marinig ang boses ni Puring mula sa kanyang likuran, lumawak ang ngiti sa aking labi dahil sa biglaang pagdating ni Puring. Lumapit na sya sa akin at napatingin sa bawat isa.
"Magandang umaga po kuya Markus, ate Linang at..." Hindi na nya natapos ang kanyang pagbati nang magtama ang paningin nila ni Adriano, napatikhim si Puring at napaiwas ng tingin. Mukhang may namumuong pag-iibigan sa dalawang ito, wala akong ibang nagawa kung hindi pigilan ang aking bungisngis na tila isang hibang.
Dumapo ang aking tingin kay Markus na kalmadong nakatingin sa akin, bigla akong napaayos ng tayo at pinigilan ang aking pagngiti. "Ate Linang, saan ka po tutungo? Sasamahan na po kita," magalang na saad ni Puring, napangiti ako dahil sa sinabi nya at sinulyapan si Markus upang ipamukha sa kanya na ganyan dapat ang sinasabi para sa isang binibining tulad ko. Mas maginoo pa ata si Puring kaysa kay Markus.
"Sa pamilihan, tayo'y magtungo na roon." Habang sinasabi ko iyon ay nakatingin lang ako ng diretso sa mga mata ni Markus, hindi naman sya nagpatalo dahil diretso nya rin akong tinignan.
"Sa pamilihan? Hindi ba't papunta rin si kuya Markus doon? Maging ang isa rin diyan," pasaring ni Puring, napatingin ako kay Adriano na mukhang tinamaan sa pasaring ni Puring. Muli akong nag-angat ng tingin kay Markus na kalmado lamang ang hitsura ngunit mukhang malalim ang iniisip.
"Tayong dalawa na lamang ang sabay na magtungo sa pamilihan dahil baka madawit pa tayo sa usap-usapan kung sasabayan natin sila tulad ng isa riyan," tugon ko sa sinabi ni Puring habang nakatingin pa rin kay Puring upang hindi nila mahalata na si Markus ang pasaring na sinasabihan ko, hindi naman sa may sama ako ng loob ngunit parang ganoon na nga.
"Kung tayong apat naman ang magsasabay patungong pamilihan, hindi na malaking bagay pa iyon." Dahan-dahan akong napatingin kay Markus matapos nyang sabihin iyon, hindi ko alam ngunit napangiti ako matapos marinig ang sinabi nya. Ang ibig nya bang sabihin ay nais nya akong sabayan?
"Talaga?" Nakangiting tanong ko kay Markus, kalmado lang na nakatingin sa akin ngayon si Markus habang inuusisa ang aking kilos at sinasabi dahil ang aking ngiti ay tila may masamang planong ibinabalak.
"Kami ay mahuhuli na sa aming trabaho kung kaya't halika na kayong lahat." Napatingin kami kay Adriano nang sya na ang magsalita. Tama nga naman sya, kanina pa kami nag-uusap dito at hindi na lang magtungo sa pamilihan. Tumango ako dahil sa sinabi nya.
"S-sabi ko nga," pilit ang ngiting pagsang-ayon ko at nauna sa paglalakad papanik, sa totoo lang ay mas madaling bumaba kaysa pumanik sa matataas na lugar. Humahawak ako sa mga malalaking bato upang doon kumapit papanik, ang hirap pang pumahik dahil sa suot kong saya.
Talagang pinanindigan ni Markus ang hindi pagiging maginoo dahil nauna pa syang makapanik sa itaas, akala ko ay mauuna na syang maglakad patungo sa tulay dahil nahuhuli na sya sa oras ng trabaho ngunit laking gulat ko nang muling maglakad pababa at inilahad ang kanyang kamay sa akin. Hindi sya makatingin sa akin ngayon dahil sa hiya, aking napagtanto na mukhang hindi sya sanay makisalamuha sa mga binibining katulad ko.
Napangiti ako at tinanggap ang kanyang kamay na nakalahad, sa ikalawang pagkakataon ay muli kong nahawak ang kamay nya. Mas naging mabilis ang aking pagpanik dahil sa tulong nya, habang magkahawak ang aming kamay ay hindi na mapigilan pa ng aking puso sa pagkabog.
Maging sa tulay ay hindi na nya ako binitawan pa dahil mukhang naramdaman nya ang aking takot sa matataas na lugar, ang aking mga mata ay hindi maalis sa kanya at sa kamay naming magkahawak. Sa pagkakataong ito ay may naramdaman na akong kuryente mula sa aking kamay na nakakapit sa kanya, napakasaya sa pakiramdam na damahin ang kanyang sinseryong tulong.
Umaasa ako na hanggang sa dulo ng walang hanggan ay magagawa nya pa ring ilahad ang kanyang kamay sa akin paahon sa dilim ng mundong ito.
********************
#Gunita #PagIbigSerye
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top