[Kabanata 14 - Damdamin]
MAKALIPAS ang ilang araw, tila biglang natahimik ang aking kaluluwa at hindi muna nangulit sa kanila. Ang damdamin ko ay masyadong nagulumihanan kung kaya't doon umikot ang aking mundo sa makalipas na ilang araw, aking napagtanto na ang aking damdamin pala ay mabilis mabihag ng isang tao. Isang simpleng titig at kilos lang, ang damdamin ko ay talo agad.
"Binibining Carolina, masama po ba ang inyong pakiramdam?" Isang umaga ay tanong sa akin ni Puring, naglalakad kami ngayon sa tulay. Dahil sa pakiramdam na tila ikaw ay lumulutang, nakalimutan ko na ang aking takot sa pagtawid at hindi na nagawa pang ihawak pa ang aking kamay sa lubid.
Napatango ako. "Hindi," wala sa sariling sagot ko at muling napatulala sa kawalan, nagtaka ang hitsura ni Puring. "Po? Tumango po kayo tapos hindi po ang sagot nyo? Ano ba talaga po, Binibini?" Tanong ni Puring, natauhan ako at wala sa sariling napalingon sa kanya.
"Ha? Wala, huwag mo na akong intindihin. Ibig ko lang sabihin na tawagin mo na lamang akong Ate Carolina o Ate Linang," palusot ko at napalunok, binuksan ko ang aking abaniko ngunit nadulas iyon sa aking kamay. Tila nakaramdam ako ng pagkataranta kahit pa ako ang señora rito, agad akong umupo upang kuhanin ang aking abaniko ngunit may nauna na sa akin.
Nag-angat ako ng tingin at gulat akong napaupo sa tulay nang makita ko si Markus na syang tumulong sa aking kuhanin ang abanikong nahulog ko, dahil sa aking gulat na pagbagsak ay umalog ang tulay. Napapikit na lamang ako, kusa na sana akong tatayo ngunit tumayo na si Markus at inalalayan akong tumayo. Tila biglang bumilis ang tibok ng puso ko matapos maramdaman ang kanyang hawak, alam ko namang walang malisya iyon ngunit hindi na mapigil sa pagkabog ang aking puso ngayon.
Napaiwas ako ng tingin at muling napalunok, tila biglang uminit ang kapaligiran kahit pa malamig ang pagsimoy ng hangin. Sa loob ng ilang araw ay ngayon pa lamang ulit ako lumabas ng bahay kung kaya't ngayon ko lang muli nakita si Markus, walang nagbago sa kanya at tulad ng dati ay kay gandang lalaki pa rin. Mabuti pa sya at walang problema sa salitang pag-ibig, ako kasi ay biglang naging problemado dahil sa nakalilitong pakiramdam na ito.
"Ate Linang, kinakausap ka po ni kuya Markus." Natauhan ako hindi dahil sa sinabi ni Puring kung hindi dahil nagtama ang aming paningin ni Markus, muli akong napaiwas ng tingin at napahinga ng malalim. Kailangan kong ibalik ang makulit na Carolina!
"M-magandang gabi— umaga," hindi siguradong pagbati ko kay Markus at sinubukan syang ngitian ngunit nanginginig ang aking labi dahil sa kakaibang kaba na nararamdaman ko ngayon, sa sobrang lakas ng kabog ng puso ko ngayon ay tila umabot na ito sa aking lalamunan. Kalmado lang ang mukha ni Markus ngunit nakita ko nang magtaka sya sa aking sinabi, maging ako ay naguguluhan sa sinabi ko dahil kay layo ng gabi sa umaga.
"Tila may mali sa iyo," pang-uusisa nya at nagsimulang umikot sa akin, mas lalo akong kinabahan dahil sa kanyang sinabi at ginawa, pakiramdam ko ay linilitis ako sa hukuman ngayon. Hahawakan ko sana ang braso ni Puring ngunit laking gulat ko dahil nawala na naman sya, sumilip ang sa ibaba at nakita kong hinahabol nya si Adriano na kinuha ang bayong na hawak nya.
Ako'y naguguluhan na sa mga taong nasa paligid ko at maging sa akin, ano ba ang nangyayari sa mundo? "Bakit hindi ka lumabas simula noong lunes?" Tanong nya, nilingon ko sya mula sa aking likuran. Binilang nya iyon?
"Bakit? Hinahanap mo ako ano?" Hirit ko sa kanya, dahan-dahang nawala ang ngiti sa aking labi nang makitang natawa sya ng mahina. Bakit sya tumatawa?
"Masyado bang halata?" Nakangising banat nya na ikinagulat ko, muling bumilis ang pagkabog ng aking puso dahil sa lawak ng kanyang ngiti ngayon. Seryoso ba sya? Bakit ganyan sya magsalita? Totoo bang nangyayari ito?!
"A-ano?" Naguguluhang tanong ko, kaming dalawa lang ang nakatayo ngayon sa gitna ng tulay at walang katao-tao. Kay tahimik ng paligid at patuloy na umiihip ang sariwang hangin, namumutawi ang mga ulap sa kalangitan. Pakiramdam ko ay nasa isang dula ako kung saan espesyal ang lugar na ito sa dalawang bida.
"Wala. Nais ko lang malaman kung bakit tila ikaw ay kinakabahan. Dahil ba sa ibang bagay o dahil sa presensya ko?" Tanong nya at tumingin ng diretso sa mga mata ko, muli akong gulat na napatulala sa kanyang kalmadong mukha na ngayon ay mukhang masaya. Sumandal sya sa hawakan ng tulay, ang kanyang siko ay naroon habang ang mga mata ay nasa akin pa rin.
"Dahil sa presensya mo," diretsong sagot ko, sa pagkakataong ito ay sya naman ang nagulat dahil sa aking sinabi. Ako naman ang napangiti ngayon, nagulat din ako dahil sa biglaang pagsagot ko ngunit ito na ang pagtataon upang hindi nya mahuli ang ikinukubli ng aking mga mata.
"Biro lang! Ako'y kinakabahan dahil... Dahil..." Napapikit na lamang ako dahil wala akong maisip na palusot, napakurap sya ng dalawang beses. "Dahil?" Tila hindi makapaghintay na tanong nya, napahinga ako ng malalim at malalim na napaisip. Dahil nagdilig ako ng halaman?
"Dahil hindi naman talaga ako kinakabahan," palusot ko at nginitian sya nang napipilitan, muli syang napakurap dahil sa sagot ko. Ayos na rin ang sagot na iyon, kaysa naman sabihin kong nagdilig ako ng halaman kung kaya't kinakabahan ako ngayon.
"Kinakabahan ka dahil hindi ka naman talaga kinakabahan?" Naguguluhang tanong nya, napalunok na lamang ako at sinubukang ngitian sya. "Oo?" Patanong na sagot ko, tila hindi naman alam ngayon ni Markus ang mararamdaman. Masyadong halata na palusot iyon ngunit umaasa ako na pakisamahan nya na lamang ang kawalan ko sa sarili.
"Ikaw ba ay kumakain sa tamang oras?" Tanong nya, nagtama ang aming paningin at hindi kalaunan ay sabay na natawa. "Sinasabi mo ba na ako'y nawawala sa aking sarili dahil sa gutom?" Natatawang tanong ko, hindi pa ako tapos tumawa ngunit tumigil na sya kung kaya't napatigil na rin ako. Ayoko namang tumawa mag-isa, baka sabihin nya na ako'y nawawala na sa katinuan.
Namutawi ang nakakailang na katahimikan sa pagitan naming dalawa, hindi naman talaga nakakailang iyon ngunit para sa akin ay oo lalo na't nararamdaman ko ngayon ang kakaibang pakiramdam habang pinagmamasdan ang kanyang mga matang nasa kaulapan. Kay swerte ng mga ulap, palaging nakatingin sa kanila si Markus.
"Linang," pagtawag sa akin ni Markus at tumingin na sa aking mga mata, tila napangiti ang aking puso nang tawagin nya ako sa aking palayaw. Hindi ko makapigilang makaramdam ng kiliti sa aking puso dahil kay lakas ng dating sa akin ng pagtawag nya sa akin, napakasimple lamang no'n ngunit kay laking bagay sa akin.
Hindi ko na nagawang tugunan pa ang kanyang pagtawag sa akin dahil sa kalutangan, nagpatuloy na sya sa pagsasalita. "Alam kong alam mo na ang nakaraan ng ating pamilya, hindi ko alam kung bakit sa paglipas ng labing dalawang taon ay muling nagtagpo ang ating landas at naging magkaibigan sa kabila ng nakaraan ng ating panilya. Ang kanilang nakaraan ay hindi ang ating nakaraan ngunit damay pa rin tayo sa pangyayaring iyon dahil dala-dala natin ang kanilang apilyedo."
"Sa kabila ng lahat ay nais kong malaman mo na tinatanggap kita sa aking buhay at mula sa aking puso, Linang..." Ang mga salitang binitawan nya ay tila isang bala na diretsong tumama sa aking puso ngunit hindi sakit ang naramdaman ko kung hindi saya at galak dahil tinatanggap nya ako mula sa kanyang puso, ang mga salita nya na kailanman ay hindi malilimutan ng aking pusong nakararamdam ng pagkalito sa tuwing tinitignan sya ng diretso sa mga mata.
Sa tuwing nakikita ko si Markus Esguerra.
********************
#Gunita #PagIbigSerye
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top