GUNITA KABANATA 1

[Kabanata 1 - Tulay]

NAKATULALA ako sa tapat ng bintana habang pinagmamasdan ang marahang pagpatak ng ulan, narito na ako ngayon sa tahanang ibinili ko. Binigyan ako ni Ama at Ina ng maraming salapi basta ba ay hindi muna nila makita ang aking pagmumukha, at ang sakit no'n. Simula noong nagsimula ang problema ay nagsimulang dumating ang aking madilim na mundo, ito siguro ang sinasabi ni Gwenaelle noon.

Si Gwenaelle ay aking matalik na kaibigan simula noong bata kami ngunit nagsimula iyong masira ngayong taon at buwan, marami akong nakasalamuha sa europa ngunit hindi ko makasundo ang kanilang ugali. Nagtataglay man sya ng labis na katarayan ngunit nakikita ko ang ang tunay na kabutihan ng kanyang loob, natatakot lamang syang magtiwala sa isang tao.

Nangilid ang aking luha nang maalala sya, ang aking nag-iisang kaibigan. Maging si Danyiel na syang akin ding kaibigan ngunit malamang ay hindi na rin ganoon ang turing nya sa akin matapos ko syang sirain sa lahat, matapos akong mapilitang talikuran silang dalawa. Sa oras ng aking pagbabalik ay hindi ko na ata magagawang tignan sila ng diretso sa mga mata tulad ng dati.

Tapos ko nang ligpitin ang aking mga gamit, isang maliit na tahanan lang ito at gawa sa bato. Magkakalayo ang bahay dito at sobrang tahimik, ito ay nagbibigay ng kapayapaan sa akin. Kay daming puno rito at sobrang sariwa ng hangin hindi tulad sa bayan ng Santa Prinsesa, masyado nang dumarami ang mga gusali roon at nagsisimula nang maubos ang mga puno.

Naglakad na ako pahiga sa aking kama ngunit napatingin ako sa sariling repleksyon sa salamin, hindi ko na makita pa ang saya sa aking mga mata. Ang katotohanang ako na lamang ang natira sa aking sarili ay ang syang nagpapadurog sa aking puso. Napahinga na lamang ako ng malalim at napayuko bago tuluyang mahiga sa kama at magtalukbong, mabilis lamang akong nakatulog dahil sa aking mga luhang hindi maawat sa pagbuhos.

KINABUKASAN, magandang simoy ng hangin ang bumungad sa akin. Maaga akong gumising at naligo sapagkat nais kong balikan ang tulay na aking natanaw kanina ngunit hindi ko nadaanan, ako'y namangha sa ganda ng tulay na iyon at nais kong balikan. Sinusuklay ko ngayon ang kulot kong buhok, bagsak ito ngayon ngunit alam kong ilang sandali lang ay unti-unti na muli itong kukulot.

Mahaba ang aking buhok dahil ito ang sinasabi at payo ng mga matatanda, minsan ay naiinitan na ako ngunit ang sabi ni Ina ay huwag ko raw paputulan. Hinayaan ko na lang ito at palagi na lamang itinatali ng mababa tulad ngayon, ilinagay ko ang hibla ng aking buhok sa aking tainga upang maaliwalas sa pakiramdam.

Habang pinagmamasdan ang aking sarili sa salamin ay napahinga ako ng malalim bago lumabas sa aking munting tahanan, hindi na mahalaga pa sa akin ang pag-aayos dahil wala naman akong kakilala rito at wala rin silang pakielam sa akin. Sana lang ay hindi nakarating sa kanila ang balita tungkol sa kasalanang hindi ko naman ninais.

Kinandado ko ang pinto ng bahay bago magsimulang maglakad, walang kalesang masasakyan at mas gusto ko rin ang maglakad. Habang naglalakad ay napapangiti ako ng kaonti sa tuwing umiihip ang malamig na hangin. Pakiramdam ko ay yinayakap ako nito, mabuti na lang at naririto ang hangin upang yakapin ako sa gitna ng aking pag-iisa.

Basa ba ang mga halaman at punong aking nasa paligid dahil katatapos lang ng ulan, natuyo na ang sahig ngunit may mga parte pa rin sa lapag na umaapaw ang tubig. Itinataas ko na lamang ang suot kong luntiang saya sa tuwing napapadaan sa basa, malinis ang suot kong puting baro ngunit hindi ang aking pagkatao. Napatingin ako sa kalangitan kung saan namumutawi roon ang mga ulap na patuloy sa pag-usad.

Nawa'y hindi na muli pang umulan, wala akong dalang payong de hapon at wala rin ako no'n.

Marahil ay bibili na lamang ako ng bagay na iyon sa oras na malaman ko kung saan ang pamilihan, hindi naman ako tanyag sa probinsyang ito at ngayon pa lamang ako nakapunta rito. Nawa'y may makilala ako rito na makakatulong sa akin.

Ilang sandali pa ay narating ko na ang tulay na aking tinutukoy, hindi ko mapigilang mapangiti dahil abot kamay ko na ngayon ang aking nais. May ganito rin sa Santa Prinsesa ngunit sakto lamang ang haba ng tulay 'di tulad ng tulay na pinagmamasdan ko ngayon. Gawa sa kahoy ang daanan ng tulay at pinagdugtong-dugtong sila gamit ang matibay na lubid, ako'y makakarating sa kabilang daanan sa oras na ako'y makatawid sa tulay na ito.

Sa baba ng tulay ay mayroong ilog na mas malinaw pa sa katotohanan, sa sobrang linaw nito ay nakikita ko na ang mga batong nasa ilalim. Napangiti muli ako bago humakbang sa daanan ng tulay, pagkahakbang ko sa unang kahoy ay napasigaw ako matapos umalog nito. Dali-dali akong napakapit sa makapal na lubid at ilinibot ang paningin, nakahinga ako ng maluwag matapos makitang wala namang tao. Mabuti na lamang ay walang nakasaksi at nakarinig sa aking pagsigaw.

Muli ay dahan-dahan akong nagpatuloy sa paglalakad, nakakapit ang aking dalawang kamay sa magkabilang lubid na bumubuhat sa tulay na ito. May pahabang kahoy din sa taas ng lubig na kasing taas ng balikat ko, ayokong humawak doon dahil sa magaspang nitong pakiramdam. Nararamdaman ko ang panginginig ng tulay dahil nanginginig din ang paa ko, nais kong umatras ngunit nasa kalagitnaan na ako ng tulay.

Napahinga na lamang ako ng malalim at naisipang tumigil muna upang huminahon ang tulay, ipinatong ko muna ang aking magkabilang siko sa hawakan ng tulay na ito at inilibot ang aking paningin. Umihip ang malamig na hangin at kasabay no'n ay ang pagtingin ko sa iba, nagtataka kong hinabol ng tingin ang lumalangoy ngayon sa ilog.

Isda ba iyon o tao?

Inaninag kong muli ito dahil masyadong mataas ang tulay kung nasaan ako ngayon sa ilog na nasa ibaba ko lang, tuluyan ko nang naaninag ang isang lalaking mukhang aliw na aliw ngayon dahil sa kanyang paglangoy. Ilang sandali pa ay umahon na ito at kumapit sa isang malaking bato upang tuluyang makaahon, hindi ko namalayang tila isa na pala akong pusa na nagmamasid sa isang ipis at naghihintay ng pagkakataon upang masunggaban ito.

Nagulat ako nang magtama ang aming paningin, nanlaki rin ang mata nya nang makita ako at dali-daling napayakap sa kanyang sarili. Agad akong napatalikod matapos mapagtanto na wala pala syang suot na damit sa pang-itaas!

Naramdaman ko ang pamumula ng aking pisngi matapos makita ang kakisigan ng kanyang katawan, kay ganda pala ng hubog ng katawan nya. Napaayos ako ng tayo at napalunok matapos mapagtanto na kapusukan na pala ang pumapasok sa isipan ko ngayon, napatikhim ako at pasimpleng nilingon ang ginoong iyon.

Nakasuot na sya ng pang-itaas ngayon at kumpleto na muli ang kanyang kasuotan ngunit basa pa rin sya at maging ang kanyang buhok, nanlaki ang mata ko nang mapagtanto na papalapit pala sya sa akin ngayon!

Dahil sa pagkataranta ay tumakbo na muli ako pabalik sa direksyon pauwi sa aking tahanan, tila bigla kong nakalimutan ang aking takot sa matataas na lugar. Nang tuluyang makalayo ay napasandal na lamang ako sa malaking pader at napahawak sa tapat ng aking puso, sobrang bilis ngayon ng tibok nito dahil sa pagtakbo.

Ngunit patuloy pa ring tumatakbo sa aking isipan ang katotohanang nakakita ako ng isang hubad na katawan nang hindi ko namamalayan!

********************
#Gunita #PagIbigSerye

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top