ADHIKA KABANATA 9
[Kabanata 9 - Simbahan]
ARAW ng linggo, narito ako ngayon sa aking silid habang pilit na pinag-aaralan ang maayos na pagbuburda. Kanina pa natutusok ang aking daliri sa karayom ngunit hindi ko naman iyon ininda, bagkos ay nagpatuloy pa rin ako. Marahil ay kapag nakita ni Doña Luzvimida ang aking ginagawa, sasakit ang ulo nya. Malapit ko nang sukuan ang binuburda ko ngayong simpleng rosas na kulay lila, kay gandang ala-ala para sa pag-iibigan ng dalawang pusong nagmamahalan.
Ngunit mas maganda ang buwan, ang ang aking naging kaibigan simula pa no'ng una. Sa gabi-gabing pagtulo ng aking luhang hindi maawat sa pagpatak, nariyan ang buwan na nagdadala ng saya sa aking puso sa tuwing pinagmamasdan ko sya. Kasuklay, kalahati, at buo man ang hugis.
May kumatok sa aking pinto ngunit hindi ako nag-abalang tignan kung sino ang kumatok, napatigil ako at tila nabuhayan nang maisip na maaaring si Ama ang kumakatok. Araw ng linggo ngayon at maaaring anyayahan ako ni Ama na magsimba, napatango-tango ako dahil doon at tumayo upang pagbuksan ang kumakatok.
Animo'y tila binalot ng dilim ang aking puso nang makitang hindi si Ama ang kumatok kung hindi si Puring, heto ako ngayon at muling nasasaktan dahil umasa ako sa wala. Napabuntong hininga ako at malungkot na bumalik sa silya kung saan ako nakaupo kanina, alam ko naman na mahalaga kay Ama ang kanyang trabaho at ito ang bumubuhay sa akin ngayon ngunit hindi ko mapigilang malungkot dahil hindi ko maramdaman ang gabay ng isang ama.
Napailing na lang ako, marahil ay masyado lang akong madamdamin na hindi napapansin ng lahat. "Señora... Nais nyo po ba na magtungo tayo ng simbahan?" Napatingin ako kay Puring ng lakas loob nyang itanong iyon, napatigil naman ako at tumingin sa kanya. Sa paglipas ng panahon ay nababasa nya na ako, sa totoo lang ay natatakot ako. Natatakot ako na oras na ibigay ko ang tiwala ko sa kanya, unti-unti ko ring makikita ang kanyang tunay na kulay.
Huminga ako ng malalim bago tumango, nais kong makalanghap ng sariwang hangin. Pakiramdam ko ay hindi ako makahinga ng maluwag sa aking silid, napangiti naman si Puring at agad akong tinulungan sa paghahanda.
"SEÑORA, narito na po tayo!" Nakangiting sabi ni Puring, hindi ko na lang sya pinansin dahil halata namang narito na kami sa simbahan ng Santa Prinsesa. Maraming nagkalat na kalesa ngayon sa daan dahil araw ng linggo at maraming nais magsimba, marami ring nagkalat na mga taong nagtitinda ng kung anu-anong bagay.
Nauna na akong lumundag pababa ng kalesa, gulat na napatingin sa akin ang mga binibining nakakita sa aking ginawang paglundag ngunit wala akong pakielam. Tinaasan ko sila ng kilay kung kaya't agad silang nagsibalikan sa mga gawaing dapat lang nilang ginagawa, napatingin ako kay Puring na nagulat sa aking ginawa ngunit nagkibit balikat na lang sya at maingat na bumaba ng kalesa.
Alam kong hindi tama sa paningin ng lahat na lumundag ng walang pakundangan sa kalesa dahil maaaring makita ng ibang ginoo ang aking paa na syang hindi maaari ngunit nakasanayan ko na ito kung kaya't isinasawalang bahala ko na lamang. Sa oras na mahuli ng aking paningin na may ginoong nakatingin sa akin ay agad ko syang paghahampasin ng aking abaniko.
Inilibot ko ang aking paningin, napatigil ako nang mahuli ng aking paningin si Danyiel na nakatingin rin sa akin ngayon. Kabababa lang ni Doña Luzvimida sa kalesa sa tulong ni Don Samuel at mukhang hindi pa nila ako nakikita. "Señora, si Ginoong Danyiel po iyon hindi ba?" Patanong na pagbabalita nya sa akin, ang lahat talaga ng kanyang sinasabi ay nakita ko na bago nya pa sabihin.
Nang akmang lalapit na si Danyiel sa aking direksyon ay dali-dali akong naglakad papasok sa simbahan. "Señora!" Tawag sa akin ni Puring at hinabol ako, napapikit na lang ako dahil maaaring tuluyan na akong nakita ng Pamilya Villanueva dahil sa pagtawag sa akin ni Puring. Nakakagulat dahil hindi ko nagawang magalit kay Puring, kaba lang ang nararamdaman ko ngayon sa hindi malamang dahilan.
Nagsimula na ring dumami ang mga tao sa loob ng simbahan, katabi ko ngayon si Puring na syang inutos ko sa kanya. Ang sabi nya kasi ay hihintayin nya na lamang ako sa labas ngunit hindi ako pumayag at sinabing sa tabi ko na lang sya, alam kong nahihiya sya ngayon dahil nagmula sa mayayamang angkan ang mga taong nasa paligid namin ngunit hindi na mahalaga pa sa akin iyon.
Ayoko sa lahat ay ang hindi pantay na pagtrato sa isang tao, hindi ko maintindihan kung bakit ang mga mayayaman palagi ang nasa itaas at ang mga mahihirap ang kawawa. Kung ako lang ang maaaring masunod, iibahin ko ang ganitong klaseng pagtrato sa mga mahihirap. Karapatan nilang respetuhin kahit pa nagmula sila sa mababang antas, ngunit hindi maaaring mangyari iyon dahil isa akong babae na hindi maaaring magtrabaho o mamuno sa kung ano man. Nakapanghihinayang.
"Señora..." Natauhan ako nang tawagin ako ni Puring, nagtatanong ko syang tinignan ngunit wala naman sa akin ang kanyang paningin. Napalingon ako dahil doon sya nakatingin, laking gulat ko nang makita ang pamilya Villanueva na nasa harapan ko ngayon!
Agad akong napatayo, ano ang dapat kong gawin?! "Magandang umaga hija, ayos ka lang ba?" Sinseryong tanong ni Don Samuel, napatulala ako sa kanya. Mabuti pa sya, nag-abalang tanungin kung ayos lang ba ako. Mabuti pa sya, nagagawang samahan ang kanyang mag-ina. Hindi tulad namin ni Ina na mag-isa bago sya tuluyang nawala sa aking buhay, mabuti pa sya...
"A-ayos lang po," maagap na sagot ko habang pilit na linalabanan ang aking emosyon na nais nang kumawala ngayon, pakiramdam ko ay biglang bumigat ang aking damdamin. "Maaari ba kaming tumabi sa iyo? Malungkot maging mag-isa," ngiti ni Doña Luzvimida, tumango ako at napatingin kay Danyiel. Nakatingin lang sya sa akin ngayon na tila ba binabasa nya ang aking tunay na nararamdaman, umiwas na lang ako ng tingin at umupo na sa tabi ni Puring.
Ang buong akala ko ay tatabihan ako ni Doña Luzvimida ngunit laking gulat ko ng si Danyiel ang umupo sa aking tabi at nginitian ako. Umupo si Doña Luzvimida sa tabi ng anak nya at umupo naman si Don Samuel sa tabi ng asawa nya, napatingin ako kay Puring nang kalabitin nya ako. "Señora, pupuntahan ko lang po ang aking itay. Maaari po ba?" Nahihiyang tanong ni Puring, tumango na lang ako. Ang kanyang ama ay ang aming kutsero na si Mang Eduardo, tumayo na si Puring at nagbigay galang sa amin bago naglakad paalis ng simbahan.
Napatingin ako sa taong aking nasa likuran, tinaasan ko sya ng kilay nang makita ang kanyang mga tingin na nangungutya. Nagitla naman sya at tinago ang kanyang mga mukha sa abaniko, siniringan ko na lang sya at muling ibinalik ang aking tingin sa harapan. Dumistansya ako sa kanya nang makita na malapit ng magtama ang aming mga braso, mukhang hindi naman malaking bagay sa kanya iyon. Kay pusok nya talaga gayong nasa simbahan pa kami ngayon.
"Binibini," rinig kong tawag sa akin ni Danyiel nang pabulong ngunit hindi ko sya pinansin o nilingon man lang. "Binibini," tawag nya ulit sa akin, sa pagkakataong iyon ay kunot noo ko na syang nilingon.
"Ano?" Inis na asik ko. "Magandang umaga," nakangiting pagbati nya sa akin, hinubad nya ang kanyang sumbrelo at itinapat iyon sa kanyang dibdib habang nakatingin ng diretso sa aking mga mata.
Iyon lang pala ang sasabihin nya ngunit hindi ko maunawaan kung bakit tila kay lakas ng dating nito sa akin, ang katotohanang palagi nyang itinatapat ang kanyang sumbrelo sa kanyang dibdib sa akin na tila ba nais nyang iparating palagi na irinerespeto at iginagalang nya ako bilang isang Binibining may itinataglay na katarayan.
********************
#Adhika #Pag-ibigSerye
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top