ADHIKA KABANATA 7
[Kabanata 7 - Kalungkutan]
NARITO pa rin ako ngayon sa Hacienda Villanueva, matapos ang malungkot na sandali kanina ay agad nilang nagawan ng paraan upang humupa iyon. Sa aking palagay ay masiyahin ang pamilyang ito, ang pamilya Villanueva.
Nagbuburda kami ngayon ni Doña Luzvimida, wala akong hilig sa pagbuburda. Kailanman ay hindi ako nakagawa ng isang maganda at maayos na burda, palagi rin akong natutusok ng karayom kung kaya't sinukuan ko na ito noon pa man. Ngayon ay muli akong nagbabalik sa gawaing ito dahil kay Doña Luzvimida, mahilig daw kasi syang magburda. Pinakita nya sa akin ang mga naiburda nyang damit at masasabi kong kay ganda nga ng mga nagawa nya.
"Hija, ikaw ba ay napopoot?" Natauhan ako nang magtanong si Doña Luzvimida, napagtanto ko na pinanggigigilan ko na pala ang puting panyo na hawak ko kung saan sinabi ni Doña Luzvimida na burdahan ko ng simpleng bulaklak ngunit hindi ko magawa. Umiling ako. "Ilagay mo na lang ang pangalan ng taong nasa isip mo ngayon. Iyon bang gumugulo sa iyong isipan," wika ni Doña Luzvimida at ngumiti ng mayumi, nagpatuloy na sya sa kanyang ginagawa ng sobrang hinhin. Tumango na lang ako at sinumulang burdahin ang pangalan ng taong gumugulo sa aking isipan ngayong buong buwan.
"Danyiel?" Patanong na basa ni Doña Luzvimida sa aking ibinurda makalipas ang ilang minuto, napatigil ako. Sa tingin ko ay lumulutang na ang aking isipan dahil hindi ko namalayang ito na pala ang naburda ko. "Bakit po Ina?" Agad kong itinago sa aking likod ang panyo kung saan nakaburda ang pangalan nya, napatingin sya sa akin dahil sa ginawa ko. Muli akong nagpanggap na walang nangyari, nakita ko nang napangiti si Doña Luzvimida.
"Wala, anak. Nais ko lang sabihin na ako'y natutuwa sa iyong kasintahan," ngiti ni Doña Luzvimida, nanlaki ang mga mata ko at nabitawan ang karayom na hawak ko. Kukuhanin ko na sana iyon ngunit pinigilan ako ni Danyiel. "Ako na, Binibini. Baka masugatan ka pa," saad nya at maingat na kinuha ang karayom at linagay iyon sa lalagyan, habang ako naman ay nanatiling gulat. Nararamdaman ko ang pagkabog ng aking puso ngayon dahil sa sinabi ni Doña Luzvimida at maging ni Danyiel.
"Sige na, bumalik ka na sa iyong ginagawa dahil mukhang hindi sanay si Binibining Gwen sa iyong presensya," natatawang sabi ni Doña Luzvimida at mukhang nang-aasar sya, nakita ko nang ngumiti si Danyiel at tumango bago tuluyang umalis sa aming harapan. Sinundan ko sya ng tingin, saan pupunta iyon?
Kinuha ni Doña Luzvimida ang panyong binurdahan ko, sandali nya iyong inusisa. "Naiintindihan ang bawat letra ngunit sa aking palagay ay nararapat ka pang mag-ensayo ng kaonti," ngiti ni Doña Luzvimida, tumango na lang ako. Hindi naman nya kailangan pang pagandahin ang mga salitang bibitawan nya dahil alam ko namang pangit talaga ang paraan ng aking pagbuburda, sabog-sabog ba.
Napatingin si Doña Luzvimida sa kalangitan. "Malapit na palang sumapit ang dilim, malamang ay nag-aalala na ang iyong ama dahil isinama kita rito ng walang paalam sa kanya. Ipapahatid na kita kay Danyiel," wika ni Doña Luzvimida. "Kasama pa po talaga si-" hindi ko na natapos pa ang aking sasabihin dahil nagsalita na muli si Doña Luzvimida. "Maaari mo bang tawagin ang aking anak?" Mayuming pakiusap ni Doña Luzvimida sa isang kasambahay, magalang naman itong tumango at pumanik sa hagdan.
Napatulala na lang ako dahil sa katotohanang makakasama ko na naman sya, hindi na ako nag-abalang lumingon pa ng may marinig na yabag sa hagdan dahil alam kong si Danyiel iyon. Tumayo na ako ngunit nanatiling diretso ang aking tingin sa kung saan at hindi sa kanya, napatingin ako kay Doña Luzvimida nang hawakan nya ang kamay ko. "Maraming salamat sa iyong oras aking anak. Nawa'y hindi pa ito ang huli," nakangiting sabi ni Doña Luzvimida, muli ay tila hinaplos ang puso ko dahil tinawag nya akong anak. Tumango naman ako.
"Maraming salamat po Doña Luzvimida," magalang na pasasalamat ko. "Huwag mo na akong tawaging Doña Luzvimida. Tawagin mo na lang akong Ina," nakangiting nyang sabi, tumango naman ako. Tila isa syang susi na tinanggal ang isang kandado mula sa aking puso. "Muli, maraming salamat po... I-ina," matapos ang paglipas ng mahabang panahon, heto ako ngayon at muling binanggit ang salitang Ina na ilang taon kong hindi sinambit.
Naging malawak ang ngiti ni... Ina? Dapat ko na rin ba syang tawaging Ina sa aking isipan? Marahil ay Doña Luzvimida pa rin ang aking itatawag ko sa kanya sa aking isipan dahil may mahalagang espasyo ang aking orihinal na Ina para sa salitang iyon. Itinaas na ni Doña Luzvimida ang aking kamay at binigay iyon kay Danyiel, matapos no'n ay napahawak sya sa kanyang labi na tila kinikilig sya. Napailing na lang ako, sinermonan nya pa kami kanina sa kalesa ngunit heto sya ngayon na mismong nagbigay ng aking kamay sa anak nya.
Sinulyapan ko na si Danyiel na nakatingin lang sa akin, sa tuwing tumitingin ako ay mata ko lamang ang kumikilos. Sumilay ang ngiti sa kanyang labi bago tumingin sa kanyang Ina, marahil ay nagmana sya kay Doña Luzvimida na palangiti. "Ina... mauuna na po kami," magalang na pamamaalam ni Danyiel kay Doña Luzvimida bago tuluyang maglakad paalis kasama ako dahil hawak nya ang aking kamay, kumaway pa si Doña Luzvimida ngunit tinanguhan ko na lang sya.
"WALA ka bang balak na bitawan ang kamay ko?" Taas kilay na tanong ko, narito na kami ngayon sa labas ng kanilang Hacienda at nasa tapat na namin ang kalesa ngayon. Nakararamdam ako ng hiya nang mapatingin sa amin ang kutsero ngunit hindi naman sya nagulat, marahil ay hindi na iyon malaking bagay sa kanya dahil nakatakda na kaming ikasal. Kalat na rin sa buong bayan na nakatakda kaming ikasal ni Danyiel, talentado talaga ang mga chismosa.
Binitawan na nya ang kamay kong namamawis, marahil ay dahil kanina nya pa hawak ito. Nauna na syang sumampa sa kalesa, pagkasakay na pagkasakay nya ay agad nyang inilahad ang kanyang palad sa akin upang alalayan akong sumakay sa kalesa at ngumiti. Tinignan ko sya ng matalim bago tanggapin ang kamay nya, nakakailan na talaga sya sa akin.
"Saan ho tayo tutungo Señor?" Tanong ng kutsero. "Iyong idiretso na papunta sa Hacienda Fernandez," sagot ni Danyiel at nakangiting sinulyapan ako na tila ba sinasabi nyang isa syang mabuting ginoo, napailing na lang ako at sumandal mula sa aking kinauupuan bago ipikit ang aking mga mata. Naway huwag na syang magsalita dahil ayoko sa mga maiingay. "Kay payapa ng iyong mukha sa tuwing ika'y nakapikit, kailan ko kaya masisilayan ang iyong tunay na ngiti?" Napadilat ang aking mga mata dahil sa mga salitang binitawan nya.
"Hindi mo kailanman masisilayan iyon dahil hindi naman sya masaya," saad ko, tinutukoy ang sarili. Napatango-tango sya at napaisip. "Ano ba ang dapat kong gawin upang sya'y maging masaya?" Tanong nya, sandali ko syang pinagmamasdan. Seryoso ba syang nais nya akong makitang masaya?
"Hindi ko rin alam. Tanging ito lang ang nakakaalam," sagot ko sabay turo sa aking puso, magiging masaya lang ako sa oras na maging masaya rin ang puso ko. Napatigil ako nang mapagtanto na masyado ko nang tinutugunan ang mga tanong nya, hindi nya dapat malaman ang aking nararamdaman. Hindi dapat ako mapalapit sa kanya at hindi ko rin sya nais maging asawa at makasama habang buhay.
"Sa aking palagay ay kailangan nya ng mga taong ipararamdam sa kanya na kamahal-mahal sya," napatingin ako sa kanya nang sabihin nya iyon, sinasabi nya bang walang nagmamahal sa akin? "Anong ibig mong sabihin? Nariyan naman si Ama," walang ganang saad ko. "Ngunit wala naman sya palagi sa iyong tabi. Hindi ka nya magawang kumustahin man lang at hindi nya alam na ikaw ay nalulugmok sa kalungkutan ng mahabang panahon," pagdudugtong nya sa aking sinabi, sa pagkakataong iyon ay napatigil ako at napayuko.
Palaging wala si Ama sa aming tahanan, minsan lang sya umuwi. Sa loob ng mahabang panahon, hindi nya man lang nagawang kumustahin ang tunay ko nararamdaman. Ang akala nya ay naging ganito ako simula nang mawala si Ina ay dahil lumaki na ako. Ngunit ang totoo ay hindi ko nais maging mabait sa paningin ng lahat dahil natatakot ako na magaya kay Ina, natatakot ako na abusuhin nila ang aking nakatagong kabaitan. Mahal ko si Ama ngunit pakiramdam ko ay may kulang, dinaranas ako ang napakasarap na buhay ng isang Señora ngunit hindi ako masaya.
Akala ko ay mamumutawi na ang katahimikan sa pagitan namin ngunit muli ay nagsalita sya. "Huwag kang matakot magtiwala sa isang tao, kung walang ibang taong nariyan para sa iyo... Nandito naman ako," nakangiting sabi nya at tumingin ng diretso sa mga mata ko, kasabay ng pag-ihip ng hangin ay ang tila unti-unting pagkawala ng kandadong nakakabit sa aking puso na ilang taon ding bumabalot sa akin.
********************
#Adhika #Pag-ibigSerye
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top