ADHIKA KABANATA 34

[Kabanata 34 - Kasalanan]

MALUNGKOT kong pinagmamasdan ang kalangitan na ngayon ay makulimlim, napakabigat sa damdamin. Narito ako ngayon sa labas ng aming Hacienda at nakaupo sa eksaktong bangko kung saan nakaupo ako noong araw na mawala si Ina sa aking buhay. Inipon ko ang lakas ng aking loob upang kausapin si Danyiel at upang magkaroon ng kapanatagan ngunit hindi, hindi ako nagkaroon ng kapanatagan.

Mas lalong pang dumami ang mga katanungan sa aking isipan, ang mga katanungan na humihingi ng katarungan ukol sa kamatayan ng aking Ina na wala pa ring hustisya. Napahawak na lang ako sa tapat ng aking puso dahil tila pinipiga ito sa sakit, naninikip ang aking dibdib na palagi kong nararamdaman kung kaya't nasanay na ako ngunit sa kabila noon ay nararamdaman ko pa rin ang salitang sakit.

Hindi rin mawala ang kaba sa aking dibdib dahil makulimlim ang kalangitan ngayon, pakiramdam ko ay may masamang mangyayari at nais itong ipahiwatag ng kalangitan kung saan alam kong nasaan si Ina. Napapikit na lang ako at muling napahinga ng malalim. Kung ano man ang aking maging desisyon sa maaaring mangyari sa hinaharap, sana ay hindi ako mabigo.

Nasa labas ako ngayon at mararamdaman ko ang malamig na pag-ihip ng hangin ngunit pakiramdam ko ay naninikip pa rin ang aking dibdib dahil sa mga nangyayari, lumabas ako upang magpahangin ngunit naroon pa rin ang kung anong bara sa aking dibdib.

Napatingin ako sa kalalabas lang ng tarangkahan, ang aming kutsero. "S-saan ka ho pupunta?" Nagugulumihanang tanong ko, napatingin sa akin si Mang Orlando at napatapat ang hawak na sumbrelong buri sa kanyang dibdib nang makita ako.

"Binibining Gwenaelle, kayo kayo ho pala. Ako'y tutungo ngayon sa daungan upang sunduin ang inyong ama," magalang na saad ni Mang Orlando, nagulat sya ng bigla akong mapatayo at tumingin ng diretso sa mga mata nya. "Sasama ako," ang aking tanging sinabi bago diretsong sumakay sa kalesa. Pakiramdam ko ay may maaaring mangyaring masama kay Ama, nais ko lang makasigurado kung kaya't sasama ako ngayon at sasalubungin ang pagdating ni Ama mula sa kabilang lungsod.

NASA tapat ng aking dibdib ang aking kamay upang hindi tangayin ang suot kong balabal, nasa byahe na kami ngayon patungo sa daungan at tulala lang ako sa kawalan. Sa aking labis na pagkabalisa ay hindi ko na nagawa pang ibaba na lang ang suot kong balabal sa aking balikat upang hindi na ako mahirapan pa.

Narito na kami ngayon sa daan patungong hukuman, malapit na kami sa daungan. Dumapo ang aking malungkot na mga mata sa labas ng hukuman dahil kay daming tao roon. Humigpit ang aking kamay sa pagkakahawak sa balabal at pilit na tinanaw kung anong mayroon doon, mukhang napansin iyon ni Mang Orlando dahil bumagal ang takbo ng kalesa.

Nagulat ako nang tuluyang makita ang mga taong nasa sentro, hindi ako sigurado ngunit ang pamilyar na taong iyon ay ang syang nagdudulot ng pagkababog ng aking puso. "Si Ginoong Danyiel ba iyon?" Napabitaw ako sa pagkakahawak sa aking balabal nang marinig ang tanong ng isang binibini na malapit lang sa gilid ng aming kalesa.

Hindi na ako nagdalawang isip pa at dali-daling lumundag pababa ng kalesa, dahil sa aking paglundag ay tuluyang natumba ang suot kong balabal sa lupa ngunit hindi na mahalaga pa sa akin iyon. Kahit pa ako'y nahihirapang huminga sa paligid kung saan sobrang daming tao ay hindi pa rin ako nag-alinlangan na makipagsiksikan sa mga taong nakikiusosyo sa kung anong nangyayari ngayon.

Nang tuluyan akong makapunta sa harapan ay tila nanigas ako sa aking kinatatayuan matapos makita si Danyiel na syang nasa sentro ng buong kapaligiran, sobrang daming tao ang nakatingin ngayon sa kanya at isa ako sa mga iyon. Nabitawan ko ang hawak kong abaniko nang itali ng isang guardia civil ang kamay ni Danyiel sa kanyang likod, nanatiling nakayuko si Danyiel.

Hindi maintindihan ang mga nangyayari, bakit nila iginagapos ang kamay ni Danyiel? May nagawa ba syang masama na labag sa batas? Ngunit hindi, hindi nya magagawa iyon.

Napatingin ako kay Leviano na naroon din sa sentro at nakatingin ng diretso kay Danyiel, kalmado lang ang kanyang mukha ngunit malalim ang kanyang iniisip. Napatingin naman ako sa mag-asawang Villanueva, pilit pinipigilan ng mga guardia civil si Don Samuel na nagpupumiglas ngayon upang malapitan ang anak. Kitang-kita ko ngayon ang galit sa mga mata ni Don Samuel.

Si Doña Luzvimida naman ay pinipigilan ng kapwa nya Doña at ilang mga binibini sa pagpupumiglas at pag-iyak, tila may kutsilyong tumutusok ngayon sa tapat ng aking puso habang pinagmamasdan ang nakahahabag na sitwasyon ng pamilya Villanueva. Nais kong lapitan si Doña Luzvimida at patahanin sya dahil tinuring ko na rin syang isang tunay na Ina ngunit tila napako ang aking mga paa sa aking kinatatayuan. Naghahalong mga emosyon ang nararamdaman ko ngayon.

Kaba at lungkot ang nangingibabaw sa akin ngayon, tila nanghihina ang aking puso. Tuluyang bumuhos ang namumuo kong luha nang mapatingin si Danyiel sa direksyon ko, nagulat sya nang makita ako ngunit agad syang umiwas ng tingin. "Danyiel! Ano ba ang nangyayari?!" Sigaw ni Doña Luzvimida, laking gulat ng lahat nang mapahawak ang Doña sa tapat ng kanyang puso.

Maging si Don Samuel ay napatigil at dali-daling lumapit sa asawa, lalapit din sana si Danyiel ngunit pinigilan sya ng guardia civil na nagbabantay ngayon sa kanya. Wala syang ibang nagawa kung hindi mapayuko, hindi na nya ako nilingon pa kahit isang segundo lang. Nanginginig na ang aking kamay ngayon dahil sa labis na kaba, maging ang aking labi ay nanginginig na rin.

Hindi na nagawa pang sumunod ng mag-asawang Villanueva sa kanilang anak dahil inatake sa puso si Doña Luzvimida, ipinasok na nila sa loob ng hukuman si Danyiel at alam kong magtatapos ang kanyang lakad sa loob ng selda. Hindi ko na malaman ngayon ang aking gagawin, sobrang bilis ng pagkabog ng aking puso ngayon dahil sa kaba. Nais kong tulungan ngayon si Doña Luzvimida ngunit nais ko ring sundan si Danyiel, naalala ko rin na papauwi ngayon si Ama.

Napahawak na lang ako sa aking noo, ang atensyon ng mga tao ay kay Doña Luzvimida ngunit alam kong nasa isipan pa rin nila ngayon ang nangyari kay Danyiel. Hindi ko alam kung ano ba ang dahilan upang igapos nila ang kamay ni Danyiel, hindi ko rin maunawaan kung bakit tila tinatanggap na ni Danyiel ang mangyayari sa kanya.

Napatingin ako kay Leviano nang hawakan nya ang aking palapulsuhan, hindi ko namalayang nas harapan ko na pala sya ngayon. "Sumama ka sa akin," seryosong saad nya, hindi pa ako nakakasagot ngunit ang kanyang gusto na ang nasunod. Sa huling pagkakataon ay nilingon ko ang mag-asawang Villanueva at ang mga taong nagkakagulo ngayon.

NANLALAMIG na sinundan ko si Leviano, narito kami ngayon sa lugar na napakaraming rehas patungo sa selda. Ito ang kauna-unahang beses na makapunta ako sa ganitong klaseng lugar at masasabi ko na nagdudulot ng takot sa akin ang lugar na ito. Tumigil kami sa pinakadulo ng magkakatabing rehas kung saan naroon ang dalawang guardia civil na seryoso ang mga mukha at may nakasisindak na tindig.

Napatigil ako sa paglalakad nang magtama ang paningin namin ni Danyiel, napatigil sya nang makita ako ngunit tulad ng dati ay umiwas sya ng tingin at yumuko. May guardia civil din sa likuran nya at hawak ang posas na nakatali ngayon sa kamay ni Danyiel. Hindi ko alam kung bakit ako dinala ni Leviano rito. Hindi ko napigilan ang aking sarili na humakbang papalapit kay Danyiel kahit pa naririto ngayon ang taong nakatakdang ikasal sa akin.

Nasasaktan ako na makita syang ganito, nararamdaman kong may itinatago sya. "D-danyiel, anong nangyari? Bakit ka nila iginapos?" Nag-aalalang tanong ko, hindi ko na mapigilan pang mamutawi ito sa aking mukha dahil iyon ang labis na nararamdaman ko ngayon.

"Danyiel," muling pagsambit ko sa kanyang pangalan ng hindi nya ako pansinin, hindi sya umimik at nanatiling nakayuko. Hindi ko na mapigilan pa, hinawakan ko ang kanyang magkabilang braso at yinugyog sya ngunit hindi nya magawang sagutin ako o kahit tignan man lang.

Nagulat ang mga guardia civil at lalong-lalo na si Leviano dahil sa ginawa ko ngunit hindi ko na ito magawang intindihin pa, nanatili akong nakatingin ng diretso kay Danyiel habang pilit na linalabanan ang kabang bumabalot sa akin ngayon.

"Danyiel, ano ba ang nangyayari? May masama ka bang nagawa? Alam kong hindi... Hindi mo magagawa iyon, sabihin mo sa lahat na wala kang ginawang kasalanan. Linisin mo ang iyong pangalan," lakas loob na saad ko at humigpit ang pagkakahawak ko sa kanya. Nanlumo ako dahil hindi pa rin sya nagsasalita, tila may pumipigil sa kanya.

"Danyiel, s-sabihin mo na ang totoo. Alam mong hindi ko nais na paghintayin," muling saad ko, sinubukan kong tarayan ang aking boses ngunit nanginginig ito. Nagulat ako nang dahan-dahan syang mag-angat ng tingin, napatulala ako sa kanya.

"Ako ang pumatay sa iyong Ina," malamig na saad nya at tumingin ng diretso sa mga mata ko, napabitaw ako sa pagkakahawak sa kanya at gulat syang tinignan. Ang kanyang malamig na tingin ay nagdudulot ng kirot sa aking puso. Umiling ako.

"Hindi totoo 'yan, ano ba ang pinagsasasabi mo? Hindi ito ang tamang oras upang makipagbiruan sa 'yo," matigas na saad ko, sa pagkakataong ito ay napataas ang aking boses dahil hindi ko na ikinatutuwa pa ang nangyayari lalo na't nababanggit sa usaping ito ang aking Ina at lalong-lalo na ang kanyang pagkamatay na ang dahilan upang mabalot ng lungkot ang aking puso.

"Hindi rin ako nakikipagbiruan sa 'yo, Gwen. Ang lahat ng iyong paghihinala sa akin ay totoo. Hindi ko akalaing magagawa kong paikutin at kuhanin ang loob ng isang tulad mo," malamig na kanyang saad, namutawi ang poot sa aking puso. Napakasakit ng sinabi nya, pakiramdam ko ay paulit-ulit na tinutusok ngayon ang aking puso.

Hindi ko napigilan ang aking sarili na kwelyuhan sya, nanginginig na ang lahat sa akin ngayon at maging ang aking kamay na mahigpit ang pagkakahawak sa kanyang kwelyo. Binigyan ko sya ng isang nagliliyab na tingin habang patuloy na namumutawi ang lungkot, sakit, poot, at galit sa aking puso. Nanatiling walang emosyon ang kanyang mukha at nakatingin din ng diretso sa mga ko, hindi ako makapaniwalang mangyayari ang sandaling ito kung saan magkakaroon ng nag-aalab na tensyon sa pagitan namin.

"Sinungaling! Sabihin mo ang totoo!" Nanginginig na sigaw ko na naghari sa buong kapaligiran, namuo na ang luha sa mga mata ko habang nasasaktan na pinagmamasdan ngayon ang malamig na hitsura ni Danyiel. Naramdaman ko ang hawak ni Leviano sa magkabila kong balikat at ilinayo kay Danyiel, tuluyan nang bumuhos ang aking luha dahil sa labis na poot at sakit na nararamdaman ko ngayon kay Danyiel.

Malakas nilang inihagis sa loob ng selda si Danyiel, muntik na syang mawalan ng balanse dahil doon. Umupo na lang sya sa pinakasulok at yumuko sa kanyang tuhod habang ako naman ay hindi na maawat sa pag-iyak ngayon.

"AMA!" Sigaw ko at patakbong yumakap kay Ama na nagulat matapos akong makita, malalim din ang kanyang iniisip at nababasa ko ang poot sa mga mata ni Ama. Naramdaman ko ang pagtango ni Ama, mukhang nakipagtanguhan sya kay Leviano na syang naghatid sa akin rito bilang pasasalamat at pamamaalam. Tinapik na ni Ama ang aking likod upang patahanin at damayan ako sa aking nararamdaman ngayon.

Sa buong byahe pauwi ay tahimik lang sya at malalim na nag-iisip. Alam kong nasaksihan nya ang aking paghawak kay Danyiel at narinig nya rin ang mga salitang binitawan ko at ni Danyiel, alam kong napagtanto nyang may ugnayan pa rin sa pagitan namin. Ngunit hindi na ngayon.

Sa tuwing naaalala ko ang masasakit na salitang binitawan ni Danyiel sa akin ay tila may isang itak na diretsong tumatama sa aking puso, naninikip ang aking dibdib ngayon. Pakiramdam ko ay tinalikuran ako ng mundo at sya ang mundong iyon, sya ang aking mundong mapait. Binabalot ng lungkot at poot ang aking puso ngayon, tila nakalimutan ko ang nararamdaman ko para sa kanya.

Hindi ko akalaing magagawa kong paikutin at kuhanin ang loob ng isang tulad mo.

Ang ibig bang sabihin, pinaglaruan nya lang ang aking damdamin? Nasasaktan ako dahil tila ang kasagutan sa tanong iyon ay oo, na hindi nya tunay na inibig si Gwenaelle Fernandez. Ang salitang pag-ibig na akala ko ay totoo, maaari ngang totoo ito ngunit ito man ay parating magdudulot sa 'yo ng sakit.

Hindi na ako naniniwala pa sa salitang pag-ibig.

LUMIPAS ang ilang araw at nagkulong lamang ako sa aking silid, kailanman ay hindi ko binuksan ang aking bintana dahil natatakot akong masilayan ang buwan na ngayon ay nagdudulot na ng sakit sa akin. Hindi mapigil ang aking hikbi, tulad ng dati ay hindi ako nagpapasok sa loob ng aking cuarto at umiyak kasama ang sarili.

Sa tuwing naalala ko ang lahat ng aming pinagsamahan at masasayang ala-ala kasama sya, hindi ko mapigilang manlumo at masaktan. Ang aming ala-ala sa teatro, sa simbahan, sa panciteria, sa hacienda Villanueva at Fernandez, at sa lugar kung saan naging saksi ang buwan sa aking unang pag-ibig na ngayon ay nagugulumihanan. Totoo na sya pa rin ang hinahanap ng puso ko ngunit pakiramdam ko ay may mali na ngayon.

Napatingin ako sa pinto ng may kumatok roon. "Gwenaelle," pagtawag nito sa akin, ayon sa boses ng nagsalita ay si Leviano ito. Ilang araw na akong nagkukulong sa aking cuarto, isa syang heneral at hindi magandang pagsaraduhan sya lalo na't nakatakda syang ikasal sa akin. Napahinga ako ng malalim bago nanghihinang tumayo at pinagbuksan sya.

"B-bakit?" Nanghihinang tanong ko at napatingin sa kanyang mukhang kalmado, nakita ko ang lungkot na namutawi sa kanyang mga mata matapos makita ang kalagayan ko.

Naglakad sya papasok sa loob ng aking silid ngunit hindi ko magawang magulat, nanatiling walang emosyon ang aking mukha tulad ng kay Danyiel noong huli ko syang nakita. Napahawak ako sa tapat ng aking puso at napahinga ng malalim dahil naalala ko na naman ang taong nagtaksil sa akin, iyon lang ang tanging malinaw sa akin. Na tulad ni Purificasion at Carolina, tinalikuran na nya rin ako at ang aking pag-ibig sa kanya.

"Makinig ka nang mabuti, may mahalaga akong sasabihin sa 'yo..." Seryosong saad nya at lumibot ang paningin sa aking cuarto, nakasarado na ang lahat ng bintana sa aking cuarto tulad ng aking nais at nakasara na rin ang pinto kung kaya't nakahinga na sya ng maluwag.

Nagsimula na syang magsalita, at ang mga salitang binitawan nya ay nagdulot ng labis na pagkabigla sa akin.

********************
#Adhika #Pag-ibigSerye

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top