ADHIKA KABANATA 33

[Kabanata 33 - Katanungan]

NAKATULALA kong pinagmamasdan ang pamaypay na na hawak ko ngayon, ito ang pamaypay na isinauli sa akin ni Danyiel noon. Nakaupo ako ngayon sa silya at katapat ko ang pabilog na salamin. Naalala ko na noong araw na iyon ay wala pala akong dalang abaniko, kataka-takang may isinauli si Danyiel na abaniko at sinabing iyon ay naiwan ko sa loob ng simbahan.

Ang pamaypay na ito ay ang syang gamit ni Ina bago sya mawala.

Ang mas nagpapagulo pa sa akin ay paano ito napunta kay Danyiel gayong natatandaan ko na kinuha ng mga armadong lalaki ang abaniko namin ni Ina. May nabubuong paghihinala sa aking isip ngunit pilit kong iniwawaksi iyon, maaari namang aksidente ang mga nangyari hindi ba? Maraming ganitong klaseng abaniko, maaaring...

Napabuntong hininga na lang ako, hindi ko na alam pa kung paano mag-iisip ng dahilan upang tuluyan nang mawala ang isiping ito at mapanatag ang aking loob na walang kinalaman ang taong pinagkakatiwalaan ko ng lubos sa mapait kong nakaraan.

Pilit kong itinatatak iyon sa aking isipan ngunit hindi ako tinitigilan nito, napahawak na lang ako sa tapat ng aking puso. Nakalipas na ang dalawang araw simula noong huli kaming nagkita ni Leviano. Hindi ko alam kung nasaan na sya ngayon ngunit nais ko lang na malinawan, nais kong malaman ang kanyang nalalaman.

Matapos nyang sabihin ang isang makabuluhang bagay tungkol sa pagkamatay ng aking Ina ay nagpaalam na sya, bakas sa kanyang mukha na malalim ang kanyang iniisip bago tuluyang umalis. Maging ako ay naiwang tulala at hindi na alam kung ano ang mararamdaman, sumasakit ang aking ulo sa labis na pag-iisip.

Napasabunot ako sa aking sariling buhok at nagugulumihanang tumayo, napahampas ang aking dalawang kamay sa aking lamesang gawa sa kahoy. Hindi ko na kayang manahimik pa, sapat na ang pitong taon upang ako'y magkaroon ng boses. Kailangan ko na ring kumilos at hindi umasa sa hukuman na kay bagal umusad.

Alas dose na ng hapon, tuluyan nang lumubog ang araw. Dinala ko lang ang abanikong hawak ko bago tuluyang umalis sa aming hacienda at pumunta sa lugar kung saan alam kong nasaan sya.

NAPAANGAT ang aking tingin sa mataas na simbahan, sa pinakataas nito ay naroon ang krus kung saan nakapako ang panginoong diyos. Napahinga ako ng malalim bago lakas loob na pumasok sa loob ng simbahan, pilit kong linalabanan ang kabang bumabalot ngayon sa aking buong pagkatao. Nanginginig ang aking mga kamay, bukod sa hindi pa ako handang harapin sya ay kinakabahan din ako sa aking mga itatanong sa kanya.

Pakiramdam ko, kaonti na lang at bibigay na ako. Kaonti na lang at iaatras ko na an aking mga paa palayo sa kanya at palayo sa paghihinalang nararamdaman ko ngayon. Hindi ako matahimik at mapali kung kaya't kailangan ko nang ilabas ito. Kapapasok ko pa lang ngunit natanaw ko na ang pamilyar na lalaking nakatalikod sa akin ngayon, nasa pinakalikuran sya kung kaya't malapit lang sya sa akin.

Muli akong huminga ng malalim at buong tapang na naglakad paupo sa hilerang kinauupuan nya, sya lang ang nakaupo sa isang helera ng mahabang upuan maliban sa akin. Walang misa ngayon ngunit bukas ang simbahan para sa mga taong nais magdasal. Nasa pinakadulo sya ng upuan at ganoon din ako, nawa'y maramdaman nya ang aking presensya.

Napikit ang kanyang mga mata at nakayuko ng kaonti habang ang kanyang dalawang kamay at magkahawak, kaonti lamang ang tao sa loob ng simbahan at abala sa kani-kaniyang buhay. Sa kalagitnaan ng aking pagtitig sa kanya ay napatingin ako sa altar kung saan magtatagpo sana kami noon, napapikit na lang ako at humiling na sana ay walang masamang mangyari sa aking Adhika.

Ilang sandali pa ay inimulat na nya ang kanyang mga mata, hindi ko namalayang malapit na pala ako sa kanya ngunit hindi naman sobrang lapit. Wala na ako sa pinakadulo ng mahabang upuan tulad nya, malapit na ako sa sentro ng upuan. Akala ko ay tatayo na sya ngunit sumandal sya sa kanyang kinauupuan habang ang nakahahalinang mga mata ay nasa altar.

"May mahalaga sanang pangyayari sa lugar na ito at sa pagitan din natin, nalulungkot ako sa tuwing naiisip iyon at nagiging masaya rin dahil kahit papaano ay minsan akong nakatakdang ikasal sa iyo. Masaya rin ako dahil naririto ka ngayon... Gwen," ang kanyang sinabi bago ako lingunin at tignan ng diretso sa mga mata ko, napatulala na lang ako sa kanyang maamong mukha. Sa kabila ng kanyang ngiti, nakikita ko ang lungkot sa kanyang mga mata.

"Anong kailangan mo?" Tanong nya, tila natiklop ang aking labi habang pinagmamasdan sya. Hindi ko magawang maalis ang aking tingin sa kanyang mga mata na tila nangungusap, naalala ko tuloy ang araw kung saan naging saksi ang buwan sa pangyayaring iyon.

"M-maaari bang huwag dito?" Pakiusap ko, sandali nya akong pinagmamasdan na tila gusto nyang malaman ang nais kong mangyari. Napangiti ako ng kaonti dahil ilang sandali lang ay tumango rin sya.

Sabay kaming tumayo, nagulat ako nang lumapit sya sa akin at itinaas sa aking ulo ang suot kong itim na balabal. Naiintindihan ko naman kung bakit nya ginawa iyon dahil baka may makakilala sa akin, ang kanyang simpleng kilos ay nagdudulot ng kiliti sa aking puso.

"Mag-iingat ka palagi," saad nya at hinawakan ang aking kamay bago ako hatakin palayo sa loob ng simbahan, masaya ako dahil muli nyang hinawakan ang aking kamay ngunit may kaakibat iyong lungkot dahil sa maaaring mangyari mamaya.

PIGIL hininga akong naglakad patungo sa loob ng Hacienda Villanueva, aking inimungkahi lang naman na huwag kaming mag-usap sa simbahan dahil bawal mag-ingay roon. Maaari ring may makakita sa amin at natatakot akong mangyari iyon, nagulat na lamang ako dahil dito kami dumiretso ni Danyiel.

Kinakabahan ako ng sobra, hindi ko pa kayang harapin si Don Samuel at Doña Luzvimida matapos ang mahabang pangyayari. "Huwag kang mag-alala, wala ngayon si Ama at Ina rito. Sila ay may dinaluhang pista sa kabilang bayan." Napatingin ako kay Danyiel na nauuna sa paglalakad, mukhang nakita nya ang aking pagkabalisa. Mas lalo tuloy akong kinabahan dahil sa sinabi nya, nasaan ang mga kasambahay?

"Wala nang trabahador pa rito sa aming Hacienda matapos malaman na may espiya pa lang nagmamasid sa amin," dagdag nya, nakaramdam ako ng lungkot dahil doon. Si Mang Tomas na lang ang nagsisilbi sa kanila, sobrang tahimik ng Hacienda Villanueva ngayon at mararamdaman mo ang lungkot. Kami lang pala ni Danyiel ang naririto sa mansyon nila.

"Nais mo ba ng makakain?" Tanong nya ngunit umiling ako, wala akong ganang kumain. "Ikaw ba ay kumakain pa?" Tanong nya muli na ikinatigil ko, napayuko na lang ako dahil ang sagot sa kanyang katanungan ay hindi. Tulad ng sinabi ko, napababayaan ko na ang aking sarili. Sa dami ng problema at isipin na aking kinahaharap ngayon, hindi ko na magawa pang tulungan ang aking sarili.

Napansin ko na palagi syang nag-aalala sa aking kalusugan, marahil ay dahil doktor sya at ang kanyang trabaho ay pahalagahan ang kalusugan ng isang tao. Wala akong ibang nagawa kung hindi ang maupo sa kanape nang magtungo sya sa kusina at ipaghanda ako ng makakain, ibinaba ko na ang suot kong balabal sa aking balikat.

Inilibot ko ang aking paningin, nakasara ang pinto at tarangkahan ng Hacienda Villanueva. Nakabukas ang ilang bintana na ang dahilan upang pumasok ang sariwang hangin sa loob ng mansyon, tulad ng sa amin ay malaki rin ang Hacienda Villanueva. Hindi ko mapigilang makaramdam ng lungkot dahil kung hindi sana natigil ang kasal namin ni Danyiel, tahanan ko na rin ang mansyong ito.

Tumayo ako at naglibot ng kaonti sa mansyon, sa huli ay umupo na lang ako sa hapag. Ilang sandali pa ay napatingin ako kay Danyiel ng sya'y muling magbalik at may dala ng pagkain, isa-isa nyang ilinapag sa lamesa ang mga plato na naglalaman ng pagkain. Adobo, pinagmamasdan ko pa lang ito ngunit natatakam na ako. Nakagugulat dahil tila ginanahan akong bigla sa pagkain.

Umupo na sya sa kabisera, kalapit ko lang sya ng upuan. Nagulat ako nang hawakan nya ang aking kamay na nakapatong sa lamesa, pinisil nya iyon sandali bago kami nagsimulang magdasal. Ang sabi ng iba ay mas mabuti kung maghawak ang inyong kamay upang mas maging makapangyarihan ang inyong panalangin, ipinikit ko na rin ang aking mga mata at napangiti ng kaonti. Ngiti na mapait, ganito sana kami araw-araw kung hindi natigil ang nakatakda naming kasal.

Nagsimula na akong magsandok ng kanin, napasulyap ako sa kanya at nakatingin lang sya sa akin. Hindi ko akalaing marunong pala syang magluto at ang bilis nya pang kumilos, ako'y napapahanga nya. Hindi ko muna sya pinansin at nagsimulang kumain dahil tila bigla kong naramdaman ang salitang gutom. Napangiti ng kaonti nang matikman ang adobo, mas masarap pa ata syang magluto kaysa sa akin.

Hindi ko namalayang kay bilis ko pa lang naubos ang ilinuto nya, muntik na akong mabilaukan ngunit mabuti na lang at naroon sya upang bigyan ako ng tubig. Sa buong sandali ng aking pagkain ay hindi ko sya nakitang sumandok man lang, nakasandal lang sya sa kanyang kinauupuan at pasulyap-sulyap sa akin. Marahil ay iniisip nya ngayon ang maari naming pag-usapan mamaya.

Hindi nya suot ang kanyang abrigo kung kaya't humahapit ang polong suot nya sa kanyang makisig na katawan, hindi ko namalayang napatitig pala ako doon habang umiinom ng tubig. Natauhan ako nang tumikhim si Danyiel at umayos ng upo tumayo sya at kinuha ang kanyang abrigong nakasabit at muling isinuot iyon, marahil ay nakaramdam sya ng pagkailang sa aking mapupusok na tingin.

Hindi naman ako mapusok, sya kaya iyon.

Peke akong napaubo rin dahil sa hiya, ibinaba ko na sa lamesa ang hawak kong baso. Nang makitang sinimulan nyang iligpit ang pinagkainan ko ay agad ko syang tinulungan, nakakahiya naman kung sya na ang gagawa ng lahat. Habang hawak ko ang mga platito at naglalakad patungo sa kusina ay hindi ko ay nakaramdam ako ng ginhawa, tila nanumbalik ang aking lakas kahit papaano.

NANG matapos namin ang tulungang pagliligpit ay dahan-dahan akong naglakad papalapit sa kanya na nakaupo sa sofa ngayon, napatingin sya sa akin mula sa malalim na pag-iisip. Napatingin ako sa bintana na na nakabukas ngayon kung kaya't natatanaw ko ang kalangitan, makulimlim ito. Sa tuwing kumukulimlim ang kalangitan, hindi ko mapigilang kabahan.

"Nais ko lang sanang may malaman," buong tapang na pagsisimula ko nang usapan at nilingon sya, muli ko na namang nararamdaman ang kaba sa aking puso habang pinagmamasdan syang nakatingin sa akin.

"Sabihin mo ang iyong nais." Napatulala ako sa kanya matapos nyang sabihin iyon, nakaramdam ako ng pag-aalinlangan. Dapat ko pa bang itanong ito sa kanya?

Natatakot ako na napagtanto nya ang ibig sabihin ng aking katanungan, natatakot ako na masaktan sya sa aking katanungan. Napahinga ako ng malalim bago muling tanungin sya ng buong tapang.

"N-nais ko lang malaman kung... Kung kailan ka huling umuwi rito sa Pilipinas? Bago pa ang iyong kasalukuyang huling uwi ngayong taon," nanginginig ang boses na tanong ko, tila tuluyang binalot ng kaba ang aking puso nang makita ang pagkagulat sa mukha nya. Bakit ganoon? Bakit sya nagulat sa aking katanungang humihingi ng katarungan?

Sandali kaming natahimik. Sa bawat pagpatak ng segundo na sya ay nananahimik, mas lalong tumitindi ang kaba sa aking dibdib. Humupa na ang pagkagulat sa kanyang mukha at huminga ng malalim. "Bakit... Bakit nais mong malaman?" Tanong nya habang nakatingin ng diretso sa mga mata ko, ganoon din ako sa kanya. Hindi na matigil pa ang mabilis na pagkabog ng aking puso.

"S-sagutin mo na lamang ang aking katanungan," nanginginig ang boses na saad ko at umiwas ng tingin, itinuon ko na lang ang aking mga mata sa kalangitan. Nais kong kumalma ngunit hindi mawala ang kaba sa aking puso, pumikit ako at pilit hiniling na sana, maling taon ang banggitin nya.

"Ako'y umuwi sa pilipinas noong... Noong taong isang libo walong daan pitompu't tatlo." Tila nanigas ako sa aking kinatatayuan matapos marinig ang sagot nya, napapikit na lang ako at pilit na nakikipagtalo sa aking damdamin. Bakit ganoon? Bakit iyon ang taon na isinagot nya? Ako'y nahihirapan na.

"Sandali lamang akong nanatili rito sa pilipinas noong taong iyon, may mahalaga lang akong ginawa. Buwan ng setyembre ako umuwi. Nakapanghihinayang sapagkat hindi nagtagpo ang ating landas noong panahong iyon," dagdag nya, nanlulumo akong nilingon sya. Bakit ganyan ang mga sagot nya? Bakit isinagot nya ang mga sagot na aking hinihiling na huwag nyang sabihin?

Totoo nga bang hindi nagtagpo ang landas naming dalawa noong panahong iyon?

Tinignan ko sya ng diretso sa mga mata, sa paraan ng kanyang pagsasalita ay tila may tinatago sya. Hindi ko man nais aminin ito ngunit may nabubuong paghihinala sa puso ko dahil sa mga isinagot nya. Buwan ng setyembre sya umuwi at iyon ang buwan kung kailan nawala si Ina at sa eksaktong taon din. Nais kong malaman kung ano ang mahalaga nyang ginagawa noong taong iyon ngunit natatakot ako na tanungin sya at sa maaaring isagot nya.

Marahil ay sapat na ang aking mga itinanong kung kaya't napaiwas na ako ng tingin sa kanya at muling itinaas sa aking ulo ang suot kong balabal, maglalakad na sana ako palabas ng kanilang tahanan ngunit nagulat ako nang maramdaman ang kanyang kamay na yumakap sa akin mula sa likod. Napapikit ako dahil sa kanyang ginawa at pinigilan ang namumuo kong luha, isinandal nya ang kanyang mukha sa aking balikat. Umihip ang malamig na hangin, nais kong hawakan ang kanyang kamay ngunit natatakot ako na hindi ko na magawang bumitaw pa.

Dinama ko na lang ang kanyang yakap mula sa aking likod, nararamdaman ko ang kanyang marahang paghinga sa aking leeg. Malakas at mabilis ang pagkabog ng aking puso, sana ay dumating ang panahon kung saan maaari naming yakapin ang isa't isa ng walang makapipigil sa amin.

"Paumanhin..." Ang kanyang sinabi bago ako tuluyang pinakawala sa kanyang mahigpit na yakap, mabigat sa loob na nagsimula akong maglakad papalayo sa kanya. Hindi ko na sya magawang lingunin pa dahil tuluyan nang bumuhos ang aking luha. Kasabay ng pag-ihip ng hangin ay ang tuluyan kong pagkawala sa kanyang paningin.

Bakit sya humingi ng tawad sa akin?

********************
#Adhika #Pag-ibigSerye

Ika-labing pito ng Oktubre (10/17/2021),

Ating abangan ang nalalapit na pagtatapos ng Adhika, maraming salamat sa pagbabasa! ♡

ᜋᜑᜎ᜔ ᜃᜒᜆ<3

Nagmamahal,
Cess.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top