ADHIKA KABANATA 32

[Kabanata 32 - Ang Nakaraan]

Matapang, palaban, at hindi magpapatalo ang aking Ina. Sa kanya ko natutunan kung paano maging matapang at ipagtanggol ang sarili. Isang kasambahay ang turing nila sa mga kababaihan ngunit iba sa lahat si Doña Gabriella Fernandez. Ang aking Ina, kaibigan, kasiyahan, at katapangan.

Ngunit sa isang iglap, nagbago ang lahat.

Pilipinas, 1873

"INA!" Sigaw ko nang makita ang kararating lang na si Ina at dali-daling tumakbo papalapit sa kanya upang yakapin sya. Agad naman akong pinagalitan ni Ina dahil hindi kaaya-aya ang aking pagtakbo ngunit hindi na mahalaga pa sa akin iyon.

"Gwen, sa susunod ay huwag mo nang gagawin iyon. Susmaryosep, malapit ka ng mag dalawampu. Malapit ka na nga ring magkaasawa," napapailing na sabi ni Ina at dumiretso sa kusina upang magluto, dali-dali ko naman syang sinundan upang humingi ng tawad at lambingin sya. Buwan ng setyembre pa lang naman at bata pa ako, ayokong mag-asawa!

"Ina, mas gugustuhin ko pa pong tumanda ng mag-isa kaysa magkaroon ng asawa." Kunot noo akong tinignan ni Ina dahil sa sinabi ko, nginitian ko sya ng malawak upang hindi na nya ako pagalitan pa ngunit nabigo ako. Ang sungit-sungit talaga ng aking Ina, hindi na ako magtataka kung kanina ako nagmana.

"Mahirap tumanda ng mag-isa. Huwag kang mag-alala, ako ang pipili ng iyong mapapangasawa. Pipiliin ko ang isang ginoong kayang tanggapin ang iyong ugali," saad ni Ina at nagpatuloy sa ginagawa, napahawak naman ako sa tapat ng aking puso. Sinasabi nya bang masama ang ugali ko?

"Ina, para saan ba ang pag-aasawa? Hindi naman ako naniniwala sa salitang pag-ibig," nakasimangot na sabi ko at umupo sa silyang nasa tabi nya, may isang mahabang lamesa kung saan doon may hinihiwang gulay si Ina.

"Huwag ka nang makulit, tulungan mo na lang ako rito ng sa gayon ay matuto ka namang magluto. Ang pagluluto ay maaaring gawin ng isang lalaki at babae, hindi lang ito basta gawain para sa mga babae. Nakukuha mo ba ako?" Tanong ni Ina, tumango na lang ako ngunit tinignan ko lang naman ang kanyang ginagawa. Hindi naman nya napansin iyon dahil abala sya sa kanyang ginagawa.

"Tayo ay tutungo ngayon sa Hacienda Villanueva, inimbitahan tayo ng mag-asawang Villanueva. Hintayin mo ang pagdating ng iyong ama sa labas," utos na naman ni Ina, napakamot na lang ako sa aking ulo dahil utos ng utos si Ina. Tinatamad na naglakad ako patungo sa labas, alas tres pa lang ng hapon at makulimlim ang kalangitan.

Napatingin ako sa kalangitan, nais ko nang sumapit ang gabi upang mamutawi na ang buwan sa kalangitan!

Pagewang-gewang akong naglakad paupo sa isang silya sa labas ng aming tahanan kahit pa hindi naman ako lasing, tinatamad talaga akong gumalaw. Nais ko sanang samahan na lang si Ina sa loob ngunit mahalaga ang pagsunod sa utos ng mga nakatatanda. Nais kong sumandal ngunit wala namang sandalan sa bangkong ito, inisip ko na lang ang sinabi ni Ina kanina.

Mga Villanueva? Sa pagkakatanda ko ay kaibigan iyon ni Ama, hindi ko nga lang sigurado kung tama ba ako. Ayos lang naman sa aking lumabas basta ba ay kasama ko si Ina, sa kanya ako pinaka-kumportable maliban kay Ama na palaging abala sa kanyang trabaho, naiintindihan ko naman kung bakit wala sya lagi sa aming tahanan dahil para rin iyon sa aking kinabukasan. Ako'y nagpapasalamat pa nga sa panginoon dahil may ama akong handang magtrabaho buong araw para lang sa kanyang pamilya.

Hindi ko alam kung may anak ba ang mag-asawang Villanueva, kaonti lang naman ang impormasyon na alam ko sa pamilyang iyon dahil hindi ako interesado sa kahit ano man. Kung makilala ko man ang kanilang anak, magiging kaibigan ko kaya sya?

Napailing ako dahil doon, hindi ko nga alam kung lalaki ang anak nila o babae. Hindi ko nga rin alam kung may anak sila ngunit sa aking gunita ay oo, hindi magtatagal ang pagsasama ng isang mag-asawa kung wala naman silang anak na nagbibigay saya sa kanila. Sa aking opinyon lang naman. Bakit, masama ba?

Naalala ko tuloy ang aking kaibigan na nagtungo na sa Europa upang doon mamalagi, ano nga ba ang pangalan ng babaeng iyon? Carlita? Carmenia? Carolina?

Sa aking pagkakaalala ay Carolina ang kanyang pangalan, limang taon na ang nakalipas simula noong huli kaming nagkita. Uuwi kaya muli sya rito sa pilipinas? Makikita ko kaya syang muli? Hindi ako makapaghintay sa sandaling iyon!

Si Carolina lang naman ang aking naging kaibigan sa tanang ng aking buhay maliban kay Ina, may mga nakikipag-kaibigan sa akin ngunit hindi ako sanay makipag-usap sa mga estranghera kung kaya't lahat sila ay hindi ko pinagpapapansin. Si Carolina lang ang tanging nakatiis sa aking ugali, alam ko namang hindi ako ang binibining ninanais ng lahat ngunit ito ako at hindi na magbabago pa iyon. Mataray ako ngunit hindi naman ibig sabihin no'n ay masama na ang aking ugali, sinabi sa akin 'yan ni Ina dahil mataray din sya.

Hindi pa ako nakakapunta sa Hacienda Villanueva, maganda kaya roon? Sana ay masarap ang kanilang mga pagkain dahil kung hindi ay malulungkot ang aking sikmura, isa sa aking paboritong gawin ay kumain. Si Ina ang palaging nagluluto para sa akin at napakasarap ng mga putaheng inihahanda nya.

Nasa kalagitnaan ako ng pag-iisip ng kung anu-ano nang bigla akong may naramdamang presensya sa aking harapan, nag-angat ako ng tingin sa isang babaeng may inabot sa aking liham."Binibini, nagmula po kay Don Gillermo Fernandez." Tinanggap ko ang liham na iyon. "Salamat Binibini! Naglakad ka lang papunta rito?" Nagtatakang tanong ko, nagulat ako nang tumango sya. Paano nya nakaya iyon?

"Salamat sa iyong pagsisikap, nawa'y makatanggap ka ng malaking salapi dahil sa iyong taos pusong pagsisilbi. Ikaw ba ay kasambahay sa Hacienda Villanueva?" Nakangiting tanong ko, ang turo sa akin ni Ina ay matuto naman daw akong gumalang at ngumiti.

Napangiti sya dahil sa sinabi ko at tumango. "Opo, maraming salamat po Binibining Gwenaelle." Ang kanyang sinabi bago magbigay galang at tuluyang umalis. Ibinuklat ko na ang nakatuping papel at binasa ang liham ni Ama, napatango ako matapos mabasa iyon at mabilis na pumasok sa loob ng aming tahanan upang sabihin ito kay Ina.

NARITO kami ngayon ni Ina sa aming kalesa at magkatabing nakaupo sa upuan, hawak ko ngayon ang dalawang abaniko na kulay itim at lila. Ang isa rito ay kay Ina at ang isa naman ay sa akin, pinahawak nya muna sa akin ito dahil hawak nya ang bakol kung saan doon nakalagay ang mga pagkaing linuto nya. Ang sabi ko ay ako na ang magdadala ngunit hindi sya pumayag dahil baka mahulog ko pa raw.

Nasa daan na kami ngayon ng kagubatan kung saan ang daan upang mapabilis ang aming pagpunta sa Hacienda Villanueva ayon kay Mang Eduardo, madilim ang kapaligiran ngunit natatanaw ko na ang maliwanag na tahanan ng mga Villanueva. May hawak akong gasera upang kahit papaano ay may maaninag ako.

"Gwen—" hindi na natuloy ni Ina ang kanyang sasabihin sa akin ng biglang tumigil ang kalesa. "Mang Eduardo? Bakit—" hindi ko na natapos ang aking sasabihin dahil biglang sumigaw ang kabayo at nagtatalon, doon ko lang napagtanto na may pumana sa kamay at katawan nito na ang dahilan upang tuluyan itong mamatay.

Napasigaw si Ina dahil sa takot lalo na nang may mga kalalakihan na naglakad papalapit sa amin mula sa dilim, natatanaw ko na ang Hacienda Villanueva ngunit masyado pa itong malayo upang kami'y makatakbo roon. Tila biglang nanlamig ang aking buong katawan matapos nilang hatakin papaalis si Mang Eduardo sa kalesa at itali sa isang malaking puno, naiwan kami ni Ina sa kalesa na nanginginig ngayon sa takot.

Nais kong sumigaw at humingi ng tulong ngunit hindi ko magawa dahil sa sobrang kaba, pakiramdam ko ay hinihintay ko na ang kamatayan ko. Laking gulat ko nang may lalaking naglakad papunta sa aking direksyon at itinapat sa puso ko ang hawak nyang rebolber. Tinignan ko ito ng diretso sa mga mata, ayon sa kanyang tindig ay isang lalaki ang nais pumatay sa akin.

Hindi ito nagsalita dahil hindi nya nais na may makaalam sa boses nya, tila nanigas na lang ako sa aking kinauupuan habang diretsong pinagmamasdan ang lalaking nakatingin din ng diretso sa mga mata ko. Nakasuot silang lahat ng kulay itim at nakatakip ang kanilang mga mukha kung kaya't hindi ko sila makilala.

Akala ko ay diretso nang tatama ang bala sa aking puso ngunit laking gulat ko nang dali-dali akong yakapin ni Ina at syang sumalo sa balang dapat ay tatama sa akin. Napapikit na lang ako nang marinig ang ilang ulit pang putok ng baril, napahawak ako sa aking braso nang tamaan ako roon. Napakasakit, pakiramdam ko ay may nagliliyab na apoy na patuloy na namumutawi sa aking braso ngayon.

Akala ko ay ito na rin ang aking katapusan ngunit dumating na ang mga guardia civil matapos marinig ang sunod-sunod na putok ng baril, nagawa nilang takasan ang kanilang kasalanan ng dahil sa dilim na pumapalibot sa buong kagubatan.

Nanginginig kong ginising si Ina na ngayon ay naliligo na sa sarili nyang dugo, ang lahat ng bala ay tumama sa kanya maliban sa isa na tumama sa aking braso. Maging ang aking suot na damit na nababalot na rin ng dugo ngaton. "I-ina!" Sigaw ko at pilit na ginising si Ina ngunit tuluyan nang pumikit ang kanyang mga mata, paulit-ulit kong isinisigaw ang salitang Ina at ginigising sya ngunit hindi na nya nagawa pang idilat ang kanyang mga mata.

Wala akong ibang nagawa kung hindi ang ibuhos ang aking luhang hindi maawat sa pagpatak, nanginginig kong yinakap ng mahigpit si Ina na ngayon ay wala ng buhay. Lumapit sa amin ang dalawang guardia civil at hinawakan ang pulso ni Ina, pakiramdam ko ay unti-unting nadurog ang puso ko nang mapatingin sila sa isa't isa at umiling.

Umihip ang malamig na hangin na syang humawi sa sunod-sunod kong luha na patuloy sa pagpatak, nagsimula nang kumulog ang makulimlim na kalangitan. Habang yakap-yakap ko ng mahigpit si Ina ay hindi ko matanggap ang katotohanang patay na sya, hindi ko matanggap na may masamang taong pumatay sa kanya. Hindi ko matanggap na tuluyan nang nawala ang aking Ina, kaibigan, kasiyahan, at katapangan.

Matapos ang pangyayaring iyon, nagsimulang dumating ang Gwenaelle na tila isang yelo. Ang walang emosyon, walang pakielam sa kanyang kapaligiran, iwas sa mga tao, madaling magalit, at malamig na Gwenaelle. Nawala ang saya sa kanyang ngiti matapos ang isang pangyayaring kailanman ay hindi matatanggap ng kanyang puso.

At hanggang ngayon, wala pa ring hustisya sa pagkamatay ng aking Ina. Sa paglipas ng pitong taon, tila nabaon sa limot ang pagkamatay ng aking Ina na hindi pa rin nabibigyan ng katarungan hanggang ngayon. Dahan-dahang napaangat ang aking tingin kay Leviano na nagawang ungkatin ang aking lungkot at poot, tunay ngang nagtataglay sya ng katapangan.

"Aking pinag-aralan ang lahat ng taong nasa paligid mo, lahat sila ay may kanya-kanyang lihim na ikinukubli. Ano ang gagawin mo sa oras na malaman ang katotohanang ang pumatay sa iyong Ina ay ang syang labis na pinagkakatiwalaan mo ng lubos?" Tanong nya at dahan-dahang napatingin sa hawak kong panyo na syang ibinigay sa akin ni Danyiel, nabitawan ko ito matapos mapagtanto ang kanyang nais ipahiwatig.

Ano nga ba ang katotohanan sa pagkamatay ng aking Ina?

********************
#Adhika #Pag-ibigSerye

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top