ADHIKA KABANATA 28
[Kabanata 28 - Ang katotohanan]
"S-si Danyiel, Ikaw ang tunay na itinitibok ng kanyang puso..." Napatulala ako sa kanya matapos nyang sabihin iyon. Ako ang itinitibok ng puso ni Danyiel? Ngunit bakit gano'n? Linagpasan nya ako sa pamilihan na tila isang hangin, sumikip na naman ang aking dibdib nang maalala iyon.
"Sinungaling," nasasaktan na sabi ko, namumuo na na ang luha sa aking mga mata. Hahatakin ko na sana sya paalis sa aming tahanan ngunit nagpatuloy sya sa pagsasalita, may gaserang nakapalibot sa aming tahanan kung kaya't kitang-kita ko ang kabalisaan sa kanyang mukha.
"N-noong araw na nahuli kami ni Don Gillermo sa kagubatan, w-wala talagang kaalam-alam si Danyiel. L-labis syang nabigla kung kaya't hindi na nya nagawang ipagtanggol ang kanyang sarili. Aking nabalitaan mula sa aking espiya na nagsisilbi sa Hacienda Villanueva na may mangyayaring salu-salo sa pagitan ng inyong pamilya."
"A-aking nalaman din noong araw na iyon n-na pauwi pa lang si Danyiel mula sa trabaho kung kaya't doon ko naisipang simulan ang aking masamang plano," nakayukong saad nya, hindi ko matanggap ang salitang binitawan nya. Hindi ko akalaing ang mahinhin kong kaibigan ay magagawang magkaroon ng sariling espiya at masamang plano, napatulala na lang ako habang patuloy na pinakinggan ang sinasabi nya.
"T-tila dumilim ang aking paningin at dahil sa labis na paninibugho sa iyo, hindi na ako nagdalawang isip pa na ipatupad ang aking plano. Naghintay ako sa kagubatan at hinintay ang pagdating ni Danyiel, n-nang makita nya ako ay agad syang lumapit at tinanong ako kung anong ginagawa ko sa kagubatan. Hindi nya namalayang n-nalinlang ko na sya at nagawang panatilihin sa kagubatan."
"N-nang makita ko ang paparating nyong kalesa ay dali-dali kong hinawakan ang kamay nya, nagulat sya dahil sa ginawa ko ngunit huli na ang lahat dahil tuluyan na kaming nahuli ng iyong ama. Alam kong napagtanto na nya ang aking plano lalo na nang ipagsisigawan ko sa lahat na may namamagitan sa amin kahit pa wala naman talaga, sa sobrang kitid ng aking utak ay hindi ko naisip na ang ginawa kong iyon ay mas lalong nagpalayo sa pag-asang nagustuhan nya rin a-ako." Nanginig ang aking kamay dahil sa mga salitang binitawan nya, hindi ko na alam kung ano ang mararamdaman matapos marinig ang kasamaan nya.
"S-si Purificasion naman... Wala syang kasalanan, ako rin ang dahilan upang mapilitan syang trahidorin ka. T-tinakot ko sya na kung hindi sya susunod sa aking nais, m-mamamatay ang kanyang buong pamilya. Walang kasalanan si Purificasion at Danyiel, a-ako ang may kasalanan ng lahat..." Pakiramdam ko ay bigla akong nanghina matapos marinig ang katotohanan, nanatili syang nakayuko. Napahawak ako sa aking puso.
Ang buong akala ko at tinalikuran na ako ng tuluyan ni Purificasion ngunit nagkamali pala ako, naipit lang pala sya sa sitwasyon kung kaya't napilitan syang talikuran ako. Maging si Danyiel, hindi nya naman pala ginusto ang paghahawak nila ng kamay ni Carolina sapagkat si Carolina lang ang kusang gumawa noon upang tuluyang maputol ang kasal namin ni Danyiel.
"B-bakit? A-anong nagawa kong kasalanan sa 'yo upang ako'y talikuran mo?" Nanginginig na tanong ko, sobrang lalim na ng aking paghinga ngayon. Nanatili syang nakayuko habang patuloy na bumubuhos ang kanyang luha at maging ang ulan na hindi na maawat pa sa pagpatak.
"P-paumanhin, alam kong hindi na nito mababago pa ang sitwasyon at maging ang iyong nararamdaman ngunit nais ko pa ring humingi ng tawad. P-patawad ng sobra Gwenaelle, ikaw ay tinuring ko bilang isang t-tunay na kapatid ngunit ako'y masyadong nabalot ng paninibugho sa 'yo kung kaya't ito na ang kinahinatnan nyo ni Danyiel."
"P-paalam na rin sapagkat bukas ay lilisanin ko na ang bayang ito upang hindi nyo na makita pa ang taong nagdulot ng trahedya sa inyong kapalaran. P-patawad at paalam, aking kaibigan..." Napatigil ako matapos marinig ang kanyang sinabi, aalis na sya. Ako'y iiwan na ng aking nag-iisang kaibigan. Nagawa nya akong talikuran ngunit hinding-hindi mawawala sa aking isipan ang ala-ala ng aming pagkakaibigan simula pa no'ng una.
Nagsimula na syang humakbang paalis, kasabay ng pagbuhos ng ulan ay ang pagbuhos din ng aking luhang kanina ko pa pinipigilan. Sobrang bigat ng aking nararamdaman, nais ko nang mawalan ng pakiramdam. Bago sya tuluyang lumabas ay muli nya akong nilingon sa huling pagkakataon. "Aking gugunitain na lamang ang ala-ala ng ating pagkakaibigan..." Ang kanyang pamamaalam bago tuluyang lumabas ng aming mansyon, kasabay ng kanyang pagtalikod ay ang pagtanaw ko sa kanya sa huling pagkakataon.
Tuluyan nang lumisan ang aking kaibigan.
KINABUKASAN, nanghihina akong bumangon mula sa pagkakahiga. Napahawak ako sa aking mata, namumugto ito at ang sakit sa pakiramdam. Nanghihina akong napahawak sa aking puso, pakiramdam ko ay nanghihina ito.
Matapos kong maligo ay nagbihis na ako ng itim na baro at pulang saya, ito ang sinuot ko noong araw na ako'y napopoot pa sa nakatakdang kasal namin ni Danyiel. Sobrang tagal ko sa palikuran dahil palagi akong napapatulala, sobrang bigat ng aking nararamdaman. Si Ama ay nasa kanyang trabaho na syang aming negosyo kung kaya't wala sya rito upang damayan ako, naiintindihan ko naman.
Hindi na ako nag-abalang mag-ayos pa dahil hindi naman talaga ako palaayos, maging ang aking buhok ay hindi ko na natali pa dahil nanghihina ako. Wala sa sariling lumabas na ako ng aming tahanan, nais kong makita at makausap si Danyiel.
Dinala ako ng aking mga paa sa simbahan, sa panciteria, at sa pamilihan ngunit wala naman akong nasilayan Danyiel roon. Nakakatawa dahil patuloy akong umaasa na matagpuan sya, hindi ko alam ang eksaktong lugar kung nasaan sya kung kaya't wala akong ibang nagawa kung hindi ang hanapin sya.
Nais ko sanang magtungo sa Hacienda Villanueva ngunit iniisip ko pa lang na gawin iyon ay nanghihina na ako, hindi ko alam kung paano haharapin ang pamilya Villanueva matapos ang lahat ng pangyayari. Napayuko na lang ako, nakaramdam ako ng gutom at panghihina dahil nakalimutan kong mag-agahan. Hindi ko na lang ito pinansin at nakayukong nagpatuloy sa paglalakad.
Laking gulat ko nang may malakas na puwersang tumama sa akin, napabagsak ako sa lupa. Naramdaman ko na gumasgas ang aking braso't kamay sa mabatong lupa, sa palagay ko ay nasugatan ito ngunit hindi ko maramdaman. "Susmaryosep! Mang Andres! May nabunggo po tayo!" Rinig kong sigaw ng isang babae at ilang sandali pa ay lumapit na ito sa akin, inalalayan nya akong tumayo ngunit nanatili akong tulala.
"B-binibini, paumanhin. Hindi po talaga namin sinasadya," kinakabahang sabi ng babaeng iyon, dahan-dahan akong nag-angat ng tingin sa kanya. Isang binibining nagtataglay ng maamong mukha, bakas sa kanyang mukha ang pagkabigla at kaba. Napatingin sya sa aking braso't kamay at napatakip sa sa kanyang bibig nang makita ang mga sugat roon.
"Mang Andres! May sugat sya!" Halos mahimatay na ang babaeng ito habang pinagmamasdan ang sugat kong dumurugo, animo'y sya ang nakakaramdam ng sugat na aking tinamo. Bumaba na ang kanyang kutserong bingi at nagulat nang makita ang aking mga sugat.
"Ano kamo? May sugal na nagaganap rito?" Tanong ng kutsero, napasapo sa kanyang noo ang babae. Hindi ko na sila pinansin pa at kusang sumampa sa kalesa nila, alam ko namang dito rin magtatapos ang aming usapan at ayoko nang pahabain pa ito.
Sumandal ako sa aking kinauupuan at ipinikit ang aking mga mata, ilang sandali pa ay naramdaman ko na ang pagsampa ng dalawang tao. Alam kong silang dalawa iyon, idinilat ko na ang aking mga mata at diretsong tinignan ang babaeng nasa harap ko ngayon. Nagitla sya dahil sa aking diretsong tingin at kawalan ng emosyon.
"B-binibini, may balak po ba kayong masama?" Pabulong na tanong nya na tila nais pa akong pagtakpan sa kanyang kutsero, napabuntong hininga na lang ako. Bakit ba sya nangungupo? Mukha na ba akong matanda?
"Maaari bang pakibilisan ang takbo ng kalesa?" Reklamo ko, agad namang isinabi ng babaeng ito sa kanyang kutsero ang aking nais. Makailang beses nya pang inulit ito upang maintindihan ng kutsero ang aking sinabi, nakahinga ako ng maluwag nang bumilis na ang takbo ng kalesa kung kaya't nadarama ko ngayon ang ihip ng hangin na syang yumayakap sa akin.
Napatingin muli ako sa binibining nasa tapat ko ngayon, nakatingin din sya sa akin na tila sinusubukang basahin ang aking emosyon. Nginitian nya ako at tumingin sa magkabilang gilid, nagulat ako nang ilahad nya ang kanyang palad sa akin. "Ako nga pala si Binibining Anastacia, Anastacia De Leon..."
********************
#Adhika #Pag-ibigSerye
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top