ADHIKA KABANATA 27
[Kabanata 27 - Napakasakit]
WALANG emosyon akong naglalakad ngayon papunta sa pamilihan ng mga pagkain, hapon na at nagsisimula na ang pagsapit ng dilim. Nagsisimula na ring magbukasan ang mga ilaw ng bawat tindera't tindero sa pamilihang ito. Sa tuwing kumakain ako, kahit papaano ay gumagaan ang aking kalooban.
Isang linggo na ang nakalipas matapos malaman ng taumbayan ang pag-iisang dibdib namin ni Heneral Leviano, wala sya ngayon dahil nagtungo sya sa maynila upang gampanan ang kanyang sinumpaang tungkulin sa bayan. Nakahinga ako ng maluwag dahil kahit papaano ay wala sya sa aking paligid, mahirap na at baka mapalapit pa ako sa kanya.
Isang linggo na rin ang lumipas simula noong huling nagtagpo ang landas namin ni Danyiel, sariwa pa rin sa aking isipan ang biglaang pagbitaw nya sa aking kamay. Iyon din ang kauna-unahang beses na makita ang walang emosyon nyang mukha, nakakapanibago at nakakakaba. Kailanman ay hindi ko pa sya nakikitang magagalit, natatakot akong makita iyon sa kanya.
Nakasuot ako ng kulay kremang baro at asul na saya, ito ay isa sa mga ternong pinakaiingatan ko dahil kulay asul ito. Narito ako ngayon sa pamilihan at sinuot ang kulay na nagdudulot ng lungkot sa aking puso ngunit sa kabila noon ay nagdadala rin ito ng saya sa aking puso, nais ko ring bumili ng aking paboritong pagkain ngayon dahil nais kong maging masaya kahit sobrang hirap.
Naglalakad na ako ngayon papunta sa pamilyar na tindahan, pamilya na daan, at pamilyar na pangyayari. Matamlay akong naglakad papunta sa tindahang iyon at inusisa ang mga prutas, pumukaw ng aking atensyon ang ubas na aking paborito sa lahat. Ito rin ang binili kong prutas noong una kaming nagkita ni Danyiel ngunit nalaglag ito dahil nabunggo nya ako, ang sandali kung saan nagsimulang magtagpo ang aming landas.
Nakakalungkot dahil nagsimula ngang magtagpo ang aming landas ngunit sa paglipas ng panahon ay pinaglalayo naman ito ngayon, sana ay hindi na lang nagtagpo ang aming landas kung sa huli ay paglalayuin lang din naman kami. Kung kailan nahulog na ang aking puso sa kanya at hindi ko alam kung magagawa nya pa rin ba itong saluhin.
"Hija, ikaw ay tumatangis." Natauhan ako at napatingin sa nagsalita, ang aleng iyon ay syang nagbigay din ng ubas sa akin no'n. Nasaksihan nya rin ang unang tagpo namin ni Danyiel, naaalala nya pa rin kaya ito?
Mabilis kong pinunasan ang aking luha at itinuro ang ubas na aking nais, napangiti naman ang ale at ibinalot na iyon bago ibigay sa akin. Kumuha na ako ng salapi sa aking bulsa, iaabot ko na sana iyon sa ale ngunit naalala ko ang mismong pangyayaring ito kung saan hindi ko tuluyang nabigay ang bayad sa ale ngunit nabunggo ako ni Danyiel. Napatingin ako sa magkabilang gilid ngunit tulad ng buwan ay wala akong Danyiel na nakikita sa aking kapaligiran, napayuko na lang ako at tuluyang ibinayad iyon sa ale.
Malungkot akong umatras at naglakad na sa palabas na direksyon, may ilang mga tao sa mahabang daan na ito ngunit hindi na mahalaga pa sa akin kung nakita man nila ang aking pagluha. Nag-angat na ako ng tingin upang pagmasdan sana ang buwan ngunit nabitawan ko ang hawak kong ubas nang makita ang mismong buwan ng aking buhay.
Napatingin ako ng diretso sa kanyang mga mata, nagulat din sya ng makita ako ngunit umiwas na sya ng tingin at nagpatuloy sa paglalakad na tila hindi malaking bagay sa kanya na makita ako. Sinundan ko sya ng tingin, diretso lang ang kanyang tingin sa daan. Hindi ko makita ang emosyon sa kanyang mga mukha ngunit nababasa ko sa kanyang mga mata na pinipigilan nyang gumawa ng isang bagay na maaaring ikakapahamak nya at maging ako.
Sobrang lapit na nya sa akin kung kaya't nagawa kong pagmamasdan ng malapitan ang kanyang hitsura, hindi ko inaalis ang aking tingin sa kanya habang pilit na hinihiling na tumingin sya pabalik tulad ng palagi nyang ginagawa noon. Ngunit hindi, hindi nya nagawang sulyapan man lang ako hanggang sa magtama ang aming balikat. Katulad ng aming unang pagkikita ay nagtama rin ang aming balikat ngunit sa pagkakataong ito ay nagpatuloy lang sya sa paglalakad, paglalakad palayo sa akin.
Tila nanikip bigla ang aking dibdib habang pinagmamasdan ang kanyang likod, nakatalikod na sya sa akin ngayon tulad ng aking mga pinagkakatiwalaan na tinalikuran ako. Tuluyan na syang nawala sa aking paningin, bakit hindi nya ako pinansin? Bakit linagpasan nya lang ako na tila isang hangin?
Napahawak na lang ako sa tapat ng aking puso at muling ibinalik ang aking tingin sa harapan, sandali akong napatingin sa mga ubas na nagkalat ngayon sa sahig. Tulad ng kanyang sinabi noong una kaming nagkita ay hindi ko na ito muling kinuha pa dahil nahulog na ito at nadapuan ng dumi. Huminga ako ng malalim at pilit na pinigilan ang pagtulo ng aking namumuong luha.
Napasulyap ako sa kalangitan at tulad ni Danyiel ay wala ang buwan, nababalot ng ulap ang madilim na kalangitan tulad ko na nababalot ng kalungkutan. Nababalot sya ng kalungkutan dahil wala ang buwan upang bigyan sya ng liwanag at pag-asa. Napayuko na lang ako at nagpatuloy sa paglalakad. Hindi ko akalaing sa kabila ng saya at ngiting dulot ng pag-ibig, may kaakibat itong lungkot at sakit na syang nararamdamang ko ngayon.
Napakasakit.
NAKATULALA kong pinagmamasdan ang kalangitan mula sa bintana ng aking silid. Hindi ko na nagawa pang ibaba ang aking tingin ng may marinig na tunog ng kalesa sa ibaba, nanatili akong tulala sa kalangitan. Hindi ko maintindihan. Bakit ganoon? Hindi naman ako pisikal na sinaktan ng sino man ngunit nanghihina ako. Bakit ganoon? Wala naman akong sakit sa puso ngunit pakiramdam ko at pinipiga ito sa tuwing naaalala ko si Danyiel?
May kumatok sa aking pintuan at maingat na bumukas iyon, hindi ako nag-abalang lumingon dahil hindi ko maalis ang aking tingin sa kalangitan na nababalot ng dilim tulad ko. "Señora? Naririto po ngayon si Binibining... Binibining Carolina," rinig kong saad ng aking tagasilbi, bakas sa kanyang mukha ang kaba dahil alam nyang hindi ko kailanman magugustuhan ang pagdating nya.
Pakiramdam ko ay biglang nag-alab ang aking damdamin dahil sa inis, poot, lungkot, at galit. Bumaba na ang aking tingin at walang emosyon na naglakad pababa, pakiramdam ko ay biglang nandilim ang aking paningin nang marinig ang pangalan na aking kinamumuhian.
Hindi pa ako nakakababa ngunit natanaw ko na si Carolina na napatayo nang makita ako, wala si Ama at tanging mga kasambahay lang ng aming Hacienda ang naririto. Walang tao sa salas dahil umuwi na ang mga trabahador at mukhang natutulog na sa kubo ang mga kasambahay, ang aking tagasilbi na lang ang natira rito at mukhang magpapahinga na rin sana ngunit inistorbo sya ni Carolina.
Matalim ang aking mga tingin sa kanya, hindi nya naman magawang tumingin ng diretso sa mga mata ko. Hindi ko alam kung paano ngunit nang makarating ako sa kanyang harapan ay diretsong tumama ang aking palad sa kanyang pisngi, sa sobrang lakas ng aking pagkakasampal ay muntik na syang mawalan ng balanse.
Nakatingin ako ngayon ng diretso sa kanyang mga mata habang pilit na pinipigilan ang aking sarili na muling pagbuhatan sya ng kamay, napayuko sya at napahawak sa kanyang pisnging sinampal ko. Tahimik syang naiyak habang ako naman ay pilit pinipigilan ang aking luha na dulot ng galit, maging ang aking malalim na paghinga ay nanginginig na rin dahil sa galit.
"Ang kapal ng mukha mong magpakita sa akin," puno ng galit na saad ko, nanatili syang nakayuko habang dinarama ang sakit ng aking pagkakasampal sa kanya. "Isa kang manloloko at trahidor," dagdag ko at hinawakan ang aking kamay na nanginginig, nais ko syang itulak paalis ng aming Hacienda.
"Ang sabi mo ay wala kang pagtingin kay Danyiel at nag-imbento pa na may ibang nagugustuhan sa Europa, nagawa mong itanggi ang aking paghihinala ng paulit-ulit ngunit hindi ka man lang nakukunsensya. May puso ka ba?" Nanggagalaiting tanong ko, nanginginig syang nag-angat ng tingin sa akin. Namumula ang kanyang kanang pisngi kung saan tumama ang aking palad, hindi ako ang taong nananakit ngunit kapag sobra na ay sobra na.
"H-hayaan mo akong magpaliwanag," nanginginig ang boses na sabi nya at sinubukang lumapit sa akin ngunit agad akong umatras, walang emosyon ang aking mukha tulad ng dati ngunit sa pagkakataong ito ay may namumutawung poot sa aking mga mata.
"Walang saysay na paliwanag. Hindi ko nais marinig ang paliwanag mong baka naglalaman na naman ng kasinungalingan," walang emosyong saad ko at tinalikuran sya, ilang hakbang pa lang ang nagagawa ko palayo sa kanya ngunit nagsalita muli sya.
"H-hindi ako narito upang linisin ang aking pangalan, n-narito ako upang linisin ang pangalan ni Danyiel at maging ni Purificasion. N-nais kong malaman mo na ako ang dahilan kung bakit naririto ka sa ganitong sitwasyon at kung alam mo lang kung paano ako hindi makatulog gabi-gabi dahil hindi ako hinahayaang patulugin ng aking kunsensya. Pakiusap... Gwenaelle," rinig kong mahabang salaysay nya, ang mga salitang binitawan nya ay nagpapukaw ng aking atensyon.
Muli ay dahan-dahan ko syang hinarap, namumugto ang malalim nyang mga mata. Sa totoo lang ay nasasaktan ako habang pinagmamasdan ang kanyang pag-tangis kahit pa trinahidor nya ako, sa mahabang panahon ng aming pagsasama ay tinuring ko na rin syang isang tunay na kapatid ngunit hindi na ngayon.
Hindi na nagdalawang isip pa si Carolina at nagsalita muli lalo na't nakuha nya ang aking atensyon. Nagsimula syang ilahad ang katotohanan, ang katotohanan na nais malaman ng aking hindi maubos-ubos na katanungan.
"S-si Danyiel, Ikaw ang tunay na itinitibok ng kanyang puso..."
********************
#Adhika #Pag-ibigSerye
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top