ADHIKA KABANATA 25
[Kabanata 25 - Siya]
NAKATULALA ako sa hawak kong abaniko na nakatupi, nakalulungkot. Nakalulungkot ang katotohanang papunta na ngayon sa aming mansyon ang pamilya Santiago dahil ito ang araw kung saan iaanunsyo nila sa taumbayan ang pag-iisang dibdib namin ni Heneral Leviano Santiago na syang anak ni Don Flavio Santiago, ang gobernadorcillo ng bayang ito.
Sumisikip ang aking dibdib dahil sa katotohanang ako'y matatali na sa pamilyang hindi ko lubos na kilala at pinagkakatiwalaan, hindi ko pa kayang bumitaw sa nakaraan. Buwan na ng setyembre ngayon. Kung hindi sana natigil ang nakatakda naming kasal ni Danyiel, sya na sana ang kasama ko ngayon. Nakapanghihinayang.
Narito ako ngayon sa aking silid at maingat na inaayusan ng mga kasambahay. Kung hindi sana ako tinalikuran ni Puring at Carolina, isa siguro sana sa kanila ang gumagawa nito para sa akin. Nakakainis, nais kong tumakas ngunit si Ama ang haharap sa aking mga problema't isipin na aking iiwan. May tatlong kasambahay ang narito ngayon sa aking cuarto at inayos nila ang aking buhok, mukha, at pinagsuot ng magarbong baro't saya na may disenyong tunay na diyamante.
Kulay asul ang aking suot ngayon na syang nagpapabigat lalo sa aking nararamdaman, sinulyapan ko ang aking sarili sa salamin. Kay ganda ng ayos ko ngayon ngunit puno ng kalungkutan ang aking mga mata, wala rin ang aking magandang ayos dahil nababalot ng lungkot ang aking puso.
Ang akala ko pa naman ay magiging malaya ako sandali ngunit nagkamali ako dahil naririto na naman ako sa sitwasyon na walang kalayaan, nais kong itangis ito ngunit ubos na ubos na ang aking luha. Ako'y nadidismaya sa desisyon ni Heneral Leviano, hindi ko sya kilala at hindi nya rin ako kilala ngunit pinili nya na makasal kami. Bakit? Ano ba ang mayroon sa isang tulad ko? Bakit nya ako ibig pakasalan?
"Señora... Ayos na po," wika ng isang kasambahay, nagbigay galang sa akin ang tatlong kasambahay bago lumabas ng aking silid ngunit naiwan sa labas ang isa dahil sya ang aking bagong tagasilbi at palagi syang nasa paligid upang bantayan ako.
Nanghihina akong tumayo mula sa aking kinauupuan at naglakad patungo sa bintana, ang rami ng tao sa labas na syang nais malaman kung ano ang iaanunsyo ni Don Flavio mamaya. May mga lamesa rin sa labas at doon lang maaring manatili ang may kaya at mahihirap, tanging ang mga mayayaman lang ang maaari nilang papasukin sa aming mansyon. Kay ganda ng sistema hindi ba? Napakabulok.
Napatulala ako sa kalangitan, dito na nga ba magtatapos ang lahat? Naalala ko si ama na noong nakaraang linggo pa pinalinis ang aming buong tahanan para sa mga inaasahang bisita, ang pamilya Santiago naman ang umako sa mga bayarin tulad ng mga handa at lahat na. Humigpit ang hawak ko sa aking abaniko.
Naalala ko rin ang mga nangyari sa nagdaang linggo, dumating din si Don Flavio at binigyang linaw ang Adhika ng kanyang anak. Mabuti pa ang Adhika ni Heneral Leviano ay agad natupad dahil pumayag si Ama sa kasal na ito, ilang araw lang ang lumipas at tuluyan ng naging isang pamilya ang pamilya Santiago at pamilya ko.
Ngayong araw naman ay ipagbibigay alam na nila ito sa lahat, ano kaya ang mararamdaman ng pamilya Villanueva sa oras na malaman nila na ako'y nakatakda nang ikasal sa iba? May pakielam kaya sila? O tulad ni Ama ay napoot na rin sila sa aking pamilya?
May pakielam pa kaya sila sa nararamdaman ko?
Walang sino man ang nagtanong kung ayos lang ba ako simula noong naputol ang nakatakdang kasal namin ni Danyiel, marahil ay sa isip nila ay wala naman akong pakielam kung matigil man ang kasal namin ni Danyiel dahil sa kawalan ko ng emosyon. Nais kong sabihin ang aking nararamdaman ngunit hindi naman nila ako hinahayaan, tanging ang kanilang mga nais lang ang nasusunod.
Ngunit hindi ko na naman kailangang pang pagtuonan ng pansin iyon dahil naririto naman ako upang tanungin ang aking sarili kung ayos pa ba ako? Ano ba ang nararamdaman ko? Masaya pa ba ako?
At ang sagot sa tanong na iyon ay hindi. Hindi ako masaya at hindi kailanman magiging masaya pa dahil ako'y nakatakda nang ikasal sa iba na hindi ko kailanman ninais, ako'y nasasaktan dahil tila unti-unting napapalayo ang taong tanging nagdudulot ng kasiyahan sa aking puso. Hindi ko alam kung kailan ko muli syang makikita o kung magkikita pa ba kami sa oras na maanunsyo na ang kasal na ito.
Nang matanaw ko ang kalesa ng mga Santiago ay napahinga ako ng malalim at sinara ang aking bintana, hinawakan ko ang nanginginig kong kamay dahil sa kaba. Naglakad ako papunta sa salamin at pinagmasdan ang aking sarili, maganda ang aking damit at ayos ngunit namumutla ako. Marahil ay dahil palagi akong nalilipasan ng gutom at sa dami ng problemang aking iniisip, nais ko munang magpahinga ngunit kahit humiga ako at ipikit ang aking mga mata ay patuloy akong binabagabag ng mga problema.
Nanatili akong tulala sa salamin nang marinig na bumukas ang pinto. "Señora Gwenaelle, narito po si Heneral Leviano." Napapikit ako dahil doon, hindi na lang ako umimik. Naramdaman ko ang presensyang papalapit sa akin, alam ko na kung sino iyon. Sumandal sya sa bintanang nakasara bago ako tignan, sinulyapan ko sya gamit ang aking mga mata. Bakas sa kanyang mata ang pagkamangha nang makita ako, nakasuot sya ng unipormeng pang heneral.
"Tayo'y pinapababa na nila Ama," saad nya, dahan-dahan akong nag-angat ng tingin sa kanya. Sinubukan ko syang kausapin tungkol sa pagtitigil ng kasal ngunit humingi lang sya ng tawad at hindi pa rin pumayag, ka-edad nya lang si Danyiel at ang kanyang edad ay nararapat na upang mag-asawa. Maging ako at si Danyiel ngunit hindi nya dapat piliin ang taong hindi kayang suklian ang kanyang pagtingin, hindi ako ang nararapat na maging kanyang asawa.
Huminga ako ng malalim, alam ko namang hindi ko sya makukumbinse. Inilahad na nya ang kanyang kamay sa akin ngunit hindi ito nagdudulot ng kahit anong pakiramdam sa akin, muli akong bumuntong hininga bago malungkot na tinanggap ang kamay nya. Binigyan nya ako ng maikling ngiti bago kami lumabas ng aking cuarto, lahat ng tao ay napatingin sa amin nang sabay kaming bumaba sa mahabang hagdan ng aming mansyon.
Hindi ko magawang tignan ang mga taong naririto ngayon upang masaksihan ang pagkakataong magiging kabiyak ko na ang Heneral na itinatangi ng karamihan, nakakatawa dahil bumagsak sya sa isang babaeng hindi sya kailanman itinangi at bigyan man lang ng pansin.
Ito na ang pangalawang pagkakasundo na aking dinaluhan na syang ako mismo ang babaeng ikakasal, tunay na mas magarbo ang handaang ito ngunit hindi nito mapantayan ang sayang naramdaman ko noong kasama ko si Danyiel.
Lumipas ang ilang sandali at sabay na inanunsyo ni Ama at Don Flavio ang pag-iisang dibdib namin ni Leviano, nagkaroon ng iba't ibang reaksyon ang lahat dahil sa hindi inaasahang anunsyo na ito. Isang buwan pa lang ata ang nakakalipas nang maputol ang kasal namin ni Danyiel at ngayon ay nakatakda na naman akong ikasal sa iba, pakiramdam ko tuloy ay isa na akong malanding babae na paiba-iba ang bangkang sinasakyan. Isang babaeng may magulong kapalaran.
Maraming bumati sa amin ngunit ilan lang ang mga binibining kasing edad ko, halata naman ang inggit sa kanilang hitsura dahil hindi sila ang napili ni Leviano na pakasalan. Para nila akong pinapatay sa isip nila at sinisiraan para lang sa kapanatagan ng kanilang loob, kung sila na lang kaya ang mapunta sa aking sitwasyon at ako ang pumintas sa kanila?
Maraming mga matatandang nagbigay ng payo sa amin tungkol sa pag-aasawa at mga pamahiin na dapat daw naming sundin. Hindi ko na maalala pa ang mga mukha ng lahat ng tao na bumati sa amin ngunit ang tanging alam ko lang ay wala ang pamilya Mendoza at Villanueva sa pagdiriwang na ito. Mabilis kumalat ang balita, marahil ay nakarating na sa kanila ang balitang nagdudulot ng kaba at lungkot sa aking puso.
Maraming nakikipagkamay at kumakausap kay Leviano ukol sa bayan, politika, at maging sa kanyang propesyon. Sa sobrang abala ng lahat ay hindi nila napansin na ako'y nagtungo na paakyat sa aking silid, hindi ako sanay sa maraming tao at nakakahilo. Wala naman akong maintindihan sa kanilang pinagsasabi at sumisikip lang ang aking dibdib sa aking kinalulugaran doon.
Ilinapag ko na ang hawak kong abaniko at tinanggal ang lahat ng sinuot nila sa aking alahas, hinubad ko na rin ang aking suot na sapatos at maging ang mamahaling panyeta na kakulay ng aking suot. Nakalugay na ngayon ang aking buhok at tanging baro't saya na lang ang natira sa akin. Umihip ang malamig na hangin at naramdaman ko ito, napatingin ako sa aking bintana na nakabukas ngayon.
Sandali akong napaisip, hindi ba't sinara ko ang bintana bago ako tuluyang lumabas sa aking silid? Naglakad ako papalapit sa bintana at sumilip sa ibaba at mga nagtataasang puno dahil baka may kawatan na nagtangkang pasukin ang aking cuarto, isasara ko na sana ang bintana ngunit napatigil ako ng may maramdamang presensya mula sa aking likod.
Bigla akong siniklaban ng takot dahil baka may pumasok ngang magnanakaw sa aking cuarto, napapikit na lang ako. Umihip muli ang malamig na hangin, mukhang masusubok ang aking kakayanan sa pakikipaglaban ngayong gabi. Idinilat ko na ang aking mga mata at mabilis na humarap upang sapakin ang kawatan na kay lakas ng loob upang pumasok sa aking cuarto ngunit tila naistatwa ako sa aking kinatatayuan nang makilala ang lalaking nasa harap ko ngayon.
Dahan-dahang bumaba ang aking kamay at tulalang pinagmamasdan sya, nakatingin din sya ng diretso sa aking mga mata ngayon. Nagkamali ako dahil hindi pala isang kawatan o masamang tao ang nagtangkang pasukin ang aking silid dahil ang taong nasa harap ko ngayon ay walang iba kung hindi ang taong itinitibok ng aking puso.
At sya si Danyiel Villanueva...
********************
#Adhika #Pag-ibigSerye
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top