ADHIKA KABANATA 23

[Kabanata 23 - Kasal]

NAKATULALA kong tinatanaw ang kalangitan na nababalot ngayon ng dilim, gabi na at tuluyan nang nabalot ng lungkot ang aking puso na ang tanging nais lang ay maging malaya at maging masaya. Patuloy pa rin ang pagbuhos ng malakas na ulan, mukhang nakikiramay ang ulan sa aking nararamdaman. Walang buwan at bituin sa kalangitan at tanging dilim lang ang naghahari sa kalangitan na katulad ng aking mundo.

Ilang linggo na ang nakalipas matapos ang pangyayaring iyon, ang pangyayari na syang nagpaguho sa aking mundo. Hindi ko alam kung agosto na ba ngayon, ang tanging alam ko lang ay kay tagal ko nang naririto sa aking silid habang patuloy na nalulugmok sa kalungkutan. Sa totoo lang ay natagpuan ko na muli ang kulay ng mundo dahil sa kanya ngunit ngayon ay nawala muli ito, naging madilim na naman ang aking mundo.

Ako, si Danyiel, at Carolina ang usap-usapan sa buong bayan. Lahat sila ay inaatake si Carolina dahil sa pagiging malandi nito ngunit mas lalo nilang inaatake si Danyiel dahil manloloko raw ito at namamangka sa dalawang ilog. Ako naman ang kinaaawaan ng madla at kinukutya ng iba dahil kaaawa-awa raw ako, nais kong lumabas at pagbuhulin silang lahat ngunit hindi ko magawa dahil nanghihina ang aking puso.

Isang linggo na akong nagkukulong sa aking cuarto ngunit hindi nakatakas sa aking tainga ang mga balita't nangyayari sa kapaligiran. Aking napag-alaman din na sinibak ni Ama si Purificasion at maging si Mang Eduardo sa trabaho dahil hindi nya nagustuhan ang mga salitang binitawan ni Puring at nadamay ang aking pangalan, nakaramdam ako ng awa kay Mang Eduardo dahil wala naman syang ginagawang masama ngunit dahil sya ang ama ni Puring ay nadamay sya.

Hindi ko man lang narinig ang paliwanag ni Puring, hindi ko man lang narinig ang kanyang panig. Nais kong tanungin sa kanya kung bakit nya ginawa iyon, kung bakit nya pinalaki ang gulo. Kung hindi na sana sya nagsalita ay matatakasan naming lahat ang pangyayaring iyon, ako'y nababahala rin sa sinabi nyang usapan ni Danyiel at Carolina tungkol sa pag-ibig nila sa isa't isa.

Totoo nga ba ito? Totoo ang kanyang sinabi na nakita ko nga ang kamay nilang magkahawak ngunit hindi ko nagawang sabihin ito sa kagustuhang iligtas si Danyiel ngunit nabigo pa rin ako. Tinalikuran nya ako, sinira nya ang aking tiwala sa kanya. Ako'y labis na nanghihinayang sa tiwalang binigay ko sa kanya, ako'y labis na nadidismaya.

Isa pa si Carolina, nagsinungaling sya sa akin. Naalala ko ang aming tagpo sa panciteria kung saan sinabi nya na wala syang pagtingin kay Danyiel, marahil ay sinabi nya iyon upang hindi na ako maghinala pa sa kanya. Naalala ko rin na naroon sya sa teatro, anong ginagawa nya roon? Marahil ay nagmamasid sya sa kung anong nangyayari sa amin.

Ako'y nadidismaya rin ng sobra sa kanya, ipinagsigawan nya sa lahat na may relasyon sila ni Danyiel kahit pa alam nyang malaking bagay ito sa paningin ng madla lalo na't nakatakdang ikasal si Danyiel sa akin. Simula nang talikuran nila ako ay tinalikuran ko na rin sila, sinira nila ang tiwala ko sa kanila kung kaya't sinira na rin nila ang aming ugnayan bilang kaibigan.

Pumasok naman sa aking isipan si Danyiel, may tiwala ako sa kanya ngunit nais kong marinig ang paliwanag nya. Nais kong malaman kung bakit magkahawak ang kanilang kamay at nais ko ring linisin nya ang kanyang pangalan sa akin at sa buong madla na hinuhusgahan sya, tulad ni Doña Luzvimida ay naniniwala akong inosente sya.

Kasabay ng pag-ihip ng hangin na yumayakap sa akin ay ang paghawak ko sa tapat ng aking puso, napapikit ako dahil naramdaman ko na naman ang kirot doon. Ang katotohanang naputol na ang ugnayan sa pagitan ng pamilya Villanueva at sa aking pamilya ay nagpapadurog sa aking puso, hindi ako makapaniwalang darating ang araw na iiyakan ko ang bagay na kung dati ay kinaiinis ako.

Galit si Ama kay Danyiel at Don Samuel kung kaya't malamang ay hindi sya papayag kung sakali mang hilingin ko na ituloy ang kasal na hindi na maaari pa dahil galit din si Don Samuel, namuo ang poot sa kanilang puso ng dahil sa pangyayaring iyon. Nakakalungkot isipin na nasira ang kanilang pagkakaibigan sa isang iglap, katulad na lang namin ni Carolina. Kahit pala gaano mo na katagal kakilala ang isang tao, maaari at kaya ka pa rin nyang talikuran.

Nang idilat ko ang aking mga mata ay may namumuo ng luha roon na nag-unahan sa pagpatak, patuloy na umihip ang malamig na hangin na syang humahawi sa aking luhang hindi maawat sa pagpatak. Sumisikip ang aking dibdib sa tuwing naaalala ko ang pagtalikod ni Carolina sa aming pagkakaibigan, ang pagsasalita ni Puring na kailanman ay hindi ko inaasahan, at sa kalagayan ni Danyiel.

Nag-aalala rin ako kay Ama, hindi ko alam kung ano ngayon ang tumatakbo sa kanyang isipan. Nanatili akong tulala sa kalangitan habang ang aking hikbi ay hindi na mapigil pa. Bakit ganoon? Nasasaktan ako, ang sakit sa pakiramdam dahil mag-isa na naman ako. Hindi ko na sya magagawang pagmasdan pa ng malapitan, hindi na nya rin magagawang hawakan ang aking kamay.

Nangungulila ang aking puso sa kanya, nais ko syang makita. Nais kong tumalon muli sa aking bintana ngunit alam ko namang wala na si Danyiel upang ako'y saluhin, hindi na sya maaari pang tumapak sa aming Hacienda. Nakasarado ang aming buong Hacienda at maraming bantay sa labas. Ipinatong ko ang aking noo sa aming tuhod at ipinikit ang aking mga mata, ano kaya ang nararamdaman nya ngayon?

KINABUKASAN, hindi ko namalayang nakatulog na pala ako sa kaiiyak. Nanghihina akong tumayo at sumilip sa bintanang naiwan kong bukas, agad kong sinara ito ng may makitang mga Señorita na nakatanaw sa aking bintana at nagbubulungan. Bumibigat ang aking loob sa tuwing nakikita ko ang mga taong pinag-uusapan ako, hindi ko nais maging kaawa-awa ngunit maging ako ay naaawa na sa sarili ko.

Napadaan ako sa salamin, mas lalong naging malungkot ang aking mga mata nang makita ang aking hitsura. Kay lalim na ng aking mga matang punong-puno ng kalungkutan, kay gulo rin ng aking buhok dahil ilang araw ko na itong hindi sinusuklay.

Wala na si Puring na syang palaging nagsusuklay ng aking buhok at sya ring palaging nagpapaalala sa akin tungkol sa pag-aayos. Napaiwas na ako ng tingin sa salamin at nangingilid ang luha na dumiretso sa banyong katabi lang ng aking cuarto.

Matapos kong maligo ay walang gana akong nagbihis, kulay itim na baro't saya ang aking sinuot. Bumigat na naman ang aking damdamin nang makita ang mga nakahanda kong asul na baro't saya na iba't iba ang disenyo. Dahan-dahan kong kinuha ang abrigong ibinigay sa akin ni Danyiel, naamoy ko agad ang kanyang pamilyar na amoy na nagdadala ng saya at lungkot sa aking puso.

Yinakap ko na lang ang abrigong ito at kasabay no'n ay ang muling pagkawala ng luha sa aking mga mata, hindi pa sya patay ngunit pakiramdam ko ay ganoon na nga tulad ng aking pusong sinubukang mabuhay sa kasiyahan ngunit sa huli ay namatay din sa kalungkutan ng mundo.

MATAPOS ang ilang linggong pagkukulong sa cuarto, sa wakas ay nagkaroon na ako ng lakas ng loob na bumaba kahit pa ang mga mata ko ay syang nagkukubli ng aking tunay na nararamdaman. Bumalik na naman ang kawalan ng aking emosyon, nagulat ang lahat ng kasambahay ng makita ako. Nagbigay galang sila sa aking lahat.

"M-magandang tanghali Señora," hindi siguradong bati ng mayor doma na si Manang Susan, marahil ay nagulat sila sa biglaang pagbaba ko. Dahan-dahan akong nag-angat ng tingin sa Mayor doma ng aming Hacienda, nababasa ko ang awa sa kanyang mukha. Napaiwas na lang ako ng tingin at huminga ng malalim.

"Nasaan si Ama?" Tanong ko, nagkatinginan ang mga kasambahay. Ang kanilang mga galaw ay nagdudulot ng panghihinala sa akin, ngayon ay nais ko nang paniwalaan ang aking agam-agam.

"Alam kong may sikreto kayong itinatago, sabihin nyo na. Ang ayoko sa lahat ay ang trahidor at pagtalikod sa akin," walang emosyong saad ko, kaakibat ng aking mga salitang binitawan ko ay ang nararamdaman ko. Nasindak ang lahat dahil sa sinabi ko, tanging ang mayor doma lang ang nagkaroon ng lakas ng loob upang magsalita.

"Señora, paumanhin ngunit hindi namin maaaring sabihin—" Hindi na natapos ng mayor doma ang kanyang sasabihin dahil sumeryoso ang aking mukha at tinignan sya ng diretso sa mga mata, napatigil ang mayor doma. Alam kong matanda na sya at hindi tama ang ganitong pagkilos ko ngunit hindi ko mapigilang makaramdam ng inis at galit sa mga taong naglilihim sa akin.

"Mas mabuti pa kung si Don Gillermo na mismo ang magsabi sa iyo," patuloy na lamang ng mayor doma, nakaramdam ako ng kaba dahil sa sinabi ni Manang Susan. Bakit ganoon? Bakit may masama na naman akong nararamdaman? May idadagdag pa ba silang sakit sa aking nararamdaman ngayon?

Dahan-dahan akong napatalikod sa kanila at naglakad papunta sa pinto, bubuksan ko na sana iyon ngunit may narinig akong mga boses na nag-uusap sa mismong labas ng pinto kung kaya't naririnig ko ang kanilang pinag-uusapan, pamilyar ang boses ng isa at alam kong si Ama iyon.

Bumukas na ang pinto at pareho silang nagulat nang makita ako, tama nga ako dahil si Ama nga ang isa sa mga nagsasalita. Nagtama ang paningin namin ng kasama ni Ama, isang lalaking nakasuot ng uniporme na pang heneral. Unti-unti kong napagtanto ang mga nangyayari, siniklaban ng kaba ang aking puso lalo na't narinig ko kanina ang salitang 'kasal'.

********************
#Adhika #Pag-ibigSerye

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top