ADHIKA KABANATA 22

[Kabanata 22 - Madilim na mundo]

"ANONG ibig sabihin nito?!" Ang sigaw ni Ama ang naghari sa buong kagubatan, dali-dali akong bumaba dahil baka kung anong magawa ni Ama kahit maging ako ay hindi alam kung anong magagawa ngayon.

Nasa kalagitnaan kami ng kagubatan ngunit hindi alintana iyon sa mga tao basta ba ay malaman nila kung ano ang nangyayari, napapikit ako sa inis nang magsimulang dumami ang tao sa paligid namin. Lahat sila ay nagulat nang makita ang pangyayaring ito, hindi pa malinaw at maging ako ay nagugulumihanan. Napaluhod si Danyiel sa tapat ni Ama at maging si Carolina, nagsimula ang bulong-bulungan ng mga tao, nanatili akong tulala kay Danyiel.

Bakas sa kanyang mukha ang pagkabigla dahil sa mga pangyayari, maging ako ay hindi na malaman ngayon ang mararamdaman gayong ako ang nakasaksi sa kanilang magkahawak na kamay. Nakita rin kaya ni Ama ito? Dahan-dahang nag-angat ng tingin sa akin si Danyiel, naghahalong mga emosyon ang nababasa ko sa kanya ngayon. Nais ko syang lapitan at patayuin mula sa pagkakaluhod ngunit tila napako ako sa aking kinatatayuan habang pinagmamasdan sya.

"Danyiel! Bakit kasama mo ngayon ang anak ni Don Mendozo at kayong dalawa lang?!" Muling galit na sigaw ni Ama, kitang-kita ngayon ang galit sa kanyang mga mata. Huli kong nakita na ganito si Ama ay nang mawala si Ina, maging ako tuloy ay nakaramdam ng takot dahil sa kung anong maaaring magawa ni Ama.

"Ano raw?! Magkasama si Binibining Carolina at Ginoong Danyiel?!"

"Oo! At silang dalawa lang daw!"

"Isang malaking gulo at kataksilan ito!"

"Narito din ngayon si Binibining Gwenaelle, ano kaya ang nararamdaman nya ngayon?"

"Hintayin natin ang sunod nilang sasabihin!"

Rinig kong bulong-bulungan ng mga taong nasa paligid namin ngayon, napapikit na lang ako at napahinga ng malalim. Hindi na maawat pa ang pagtibok ng aking puso ngayon, nanlalamig ang aking mga kamay. Dumating na si Don Samuel at Doña Luzvimida, nagulat silang dalawa ng makitang nakaluhod ang kanilang anak sa harap ni Ama. Lalapitan na sana nila si Danyiel upang patayuin ngunit pinigilan sila ni Ama.

"Nais kong marinig ang paliwanag ng inyong anak matapos ko silang mahuli ng kanyang kalaguyo rito mismo sa kagubatan!" Sigaw ni Ama, nagulat si Don Samuel dahil sa ginawang pagsigaw ni Ama habang si Doña Luzvimida naman ay napahawak sa kanyang bibig. Napatingin sya sa akin at sa buong kapaligiran, malamang ay magiging usap-usapan ang pangyayaring ito sa buong bayan.

"Sandali! Mag-iingat ka sa iyong salitang binibitawan Gillermo, hayaan mo munang magpaliwanag ang aking anak!" Sigaw pabalik ni Don Samuel, nakita ko nang mamula ang mukha ni Ama dahil sa galit. Agad akong lumapit sa kanya at hinawakan sya sa braso, napatingin din sa akin ang mag-asawang Villanueva.

"Danyiel! Sabihin mo ang totoo at linisin ang iyong pangalan," punong-puno ng pag-aalala na wika ni Doña Luzvimida, napatingin si Danyiel sa kanyang Ina at muling napatingin sa akin. Magsasalita na sana sya ngunit inunahan na sya ni Carolina.

"M-may relasyon kaming dalawa," diretsong sabi ni Carolina na ikinatigil ng mundo ko, lumakas ang bulong-bulungan ng mga tao. Muntik ng mawalan ng balanse si Doña Luzvimida ngunit mabuti na lang at nakaalalay sa kanya ang asawa. Pakiramdam ko ay paulit-ulit na tinutusok ngayon ang aking puso dahil sa sinabi ni Carolina. Bakit ganoon? Akala ko ba ay may iba syang nagugustuhan?

"H-hindi totoo 'yan!" Pagtanggi ni Danyiel ngunit mas malaki ang naging epekto sa lahat ang sinabi ni Carolina, nabuhayan ako ng pag-asa dahil sa ginawang pagtanggi ni Danyiel.

"Isang malaking kataksilan iyan! Pinagtaksilan mo ang aking anak!" Sigaw ni Ama at akmang sasampalin si Danyiel ngunit pinigilan sya ni Don Samuel. "A-ama!" Sigaw ko at pilit na pinigilan si Ama, muntik nang magkasakitan si Don Samuel at Ama ngunit mabuti na lang at pinigilan sila ng taong-bayan na saksi sa lahat ng pangyayari ngayon.

Nanlilisik na ang mga mata ni Ama ngayon kay Don Samuel, ganoon din naman si Don Samuel. Pilit na pinigilan ni Doña Luzvimida ang kanyang asawa at malapit nang maluha si Doña Luzvimida sa lahat ng nangyayari. Napatingin ako kay Carolina nanginginig ang kanyang kamay sa kaba, muling nagtama ang mga mata namin ni Danyiel.

Nakararamdam ko ng panghihina dahil sa kalagayan nya, hindi ko na mapigilan pa at akmang lalapit sa kanya ngunit may narinig kaming kalesang paparating. Dali-daling bumaba ang mag-asawang Mendoza at lumapit kay Carolina upang alalayan itong tumayo. Napatingin muli ako kay Danyiel, walang tumutulong sa kanya dahil labis na napopoot ngayon si Don Samuel habang si Doña Luzvimida naman ay abalang pigilan ang kanyang asawa.

Habang nagkakagulo ang lahat, pinili kong maglakad papalapit kay Danyiel. Hinawakan ko ang kanyang kamay at inalalayan syang tumayo, nagulat sya dahil sa ginawa ko ngunit nakita ko ang saya sa kanyang mga mata dahil sa ginawa ko. Nais ko syang iligtas sa kapahamakang ito, hinihingi ko lang ang kanyang paliwanag.

Magsasalita na sana ako ngunit hinatak ako ni Ama papalayo sa kanya. "Anak! Pinagtaksilan ka nya ngunit bakit mo pa rin sya tinutulungan?!" Pasigaw na tanong ni Ama, nakikita ko ang awa sa mga mata ni Ama. Hindi ko na rin mapigilan ang luhang namumuo sa mga mata ko, napaiwas na lang ako ng tingin at pinigilan ang pagpatak ng aking luha.

Narinig kong muli ang bulong-bulungan ng mga kababaihan habang nakatingin sa akin, napayuko na lang ako at pinunasan ang luha ko. "Magmula ngayon ay wala ng magiging ugnayan pa ang pamilya Villanueva at Pamilya Fernandez dahil itinitigil ko na ang nakatakdang kasal na ito!" Sigaw ni Ama na nagpaguho sa aking mundo na ang tanging gusto lang ay maging masaya, napahawak ako sa aking puso dahil tila pinipiga ito. Bakit ganoon? Kung kailan natanggap ko na ang kasal, tyaka naman ito pinigilan ng tadhana.

"Maging ako ay pinuputol na ang ugnayan sa iyo! Wala nang kasal pang magaganap sa pagitan ng ating pamilya!" Sigaw naman ni Don Samuel na namumula na sa galit at inis ngayon, nais ko silang tutulan ngunit nakaramdam ako ng panghihina. Ang aking tanging nagawa ay pagmasdan ang galit at lungkot ng bawat isa.

"S-sandali lang naman! Huwag kayong magpadalos-dalos ng desisyon! Napatunayan na bang nagtaksil ang aking anak?! Wala pa nga tayong sapat na ebidensya upang husgahan ang aking anak!" Sigaw ni Doña Luzvimida, nakikita ko ang poot sa kanyang mga mata dahil hinuhusgahan agad nila ang kanyang anak. Namutawi ang katahimikan sa pagitan naming lahat, ni-isa ay walang nakapagsalita dahil wala namang ibang nakakita sa kauna-unahang pangyayari maliban sa akin.

Ako, nakita mismo ng dalawa kong mga mata ang kamay nilang magkahawak. Ako'y napopoot sa pangyayaring iyon at nais na sabihin ito ngunit malalagay sa kapahamakan si Danyiel sa oras na gawin iyon. Itatago ko na lamang ito at ilalabas sa oras na umaayon na ang sitwasyon ngunit tulad ng aking sinabi, hindi ko hahayaang masadlak sa kapahamakan si Danyiel. Alam kong hindi nya ito magagawa, naniniwala ako sa kanyang pangakong kailanman ay hindi nya ako pagtataksilan.

Nakahinga ako ng maluwag dahil mukhang hindi nakita ni Ama ang pagkakahawak ng mga kamay ni Danyiel at Carolina ngunit sa tuwing naaalala ko iyon ay biglang sumisikip ang aking dibdib, hindi na ako makapaghintay pang marinig ang kanyang paliwanag ngunit hindi ko pa ito maririnig ngayon. Naghihintay ako sa iyong paliwanag dahil may tiwala ako sa 'yo, Danyiel.

Walang pa ring nakapagsalita, ang tanging naabutan lang naman nila ay ang pagluhod ni Danyiel at Carolina sa harap ni Ama. Nang magkaroon ng ideya dahil sa mga isinigaw ni Ama ay nagsimula silang magbulungan lalo na nang sabihin ni Carolina na may relasyon sila ni Danyiel ngunit itinanggi naman ito ni Danyiel, hindi pa rin napapatunayan na totoong may namamagitan sa kanilang dalawa kung kaya't maaari pa silang maligtas.

Napatingin ako kay Ama, marahil ay iniisip nya ngayon na maaaring nagkasalubong lang si Carolina at Danyiel sa gitna ng kagubatan dahil malapit na rito ang tahanan ni Danyiel. Napatahimik na lang ako habang pinagmasdan si Danyiel na nakatingin ng diretso sa akin ngayon, malalim syang nag-iisip ngayon tulad ko. Nararamdaman kong may nais syang sabihin ngunit hindi maaari sa sitwasyong ito.

Akala ko ay doon na magtatapos ang lahat ngunit laking gulat ko ng may isang pamilyar na taong lumabas mula sa pagkakatago sa isang malaking puno, si Puring. Kitang-kita ko ngayon ang kaba sa kanyang mukha, nakatingin na rin ang lahat sa kanya ngayon. Humakbang sya papalapit sa amin at nagsimulang magsalita.

"A-ako, n-nakita kong magkahawak ang kanilang kamay kanina bago pa kayong dumating lahat. N-nakita iyon ni Señora Gwenaelle ngunit hindi ko alam kung bakit h-hindi nya sinasabi, kanina pa ako naririto at narinig ko ang buong usapan ni B-binibining Carolina at Ginoong Danyiel, t-totoo ang sinabi ni Binibining Carolina dahil ang kanilang pinag-uusapan ay tungkol sa pag-ibig p-para sa isa't isa." Tila tumigil ang pag-ikot ng aking mundo dahil sa sinabi nya, napatingin sa akin ang lahat. Nangilid ang luha ko habang pinagmamasdan si Puring na hindi na maawat pa sa pag-iyak ngayon.

Bakit ganoon? Pinagkakatiwalaan ko sya ngunit heto sya ngayon at tinalikuran ako. Bakit ganoon? Tila tinalikuran ako ng mga taong aking pinagkakatiwalaan, napakasakit sa damdamin. Napahawak ako sa aking puso at muli silang tinignan lahat, kay daming tao at sobrang nakakahilo. Tumigil ang aking tingin kay Danyiel na ngayon ay labis na nag-alala para sa akin, tila biglang dumilim ang aking paningin katulad ng aking mundong patuloy na binabalot ng dilim.

Nawalan ako ng balanse ngunit may mabilis na sumalo sa akin, hindi pamilyar ang kanyang amoy at hindi rin pamilyar ang kanyang pagsalo. Pagsalo na akala ko ay si Danyiel ang gagawa ngunit hindi, hindi sya iyon. Pilit kong idinilat muli ang aking mga matang punong-puno ng kalungkutan, nagkakagulo ang lahat ngunit nagawa ko pa ring tanawin si Danyiel na tumatakbo ngayon papalapit sa akin upang hawakan ang aking kamay.

********************
#Adhika #Pag-ibigSerye

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top