ADHIKA KABANATA 12
[Kabanata 12 - Paninibugho]
"BINIBINI at Ginoo. Paumanhin ngunit walang lugar ang kapusukan sa simbahang ito." Pareho kaming gulat na napatayo ng may magsalitang madre sa aming likuran, nakakahiya dahil mukhang kanina pa sya naroon at narinig ang aming pinagsasabi!
Napatingin din sa amin ang ilang tao na nakarinig sa sinabi ng madre, mukhang nakilala pa nila kami. Kami na syang anak ng dalawang makapangyarihang pamilya ngunit mukhang linagay namin sa pagkapahiya ang aming kani-kaniyang pamilya, sa sobrang hiya ay mabilis ang nagbigay galang sa itapat ng altar at dire-diretsong lumabas ng simbahan.
Nakita ko pa si Carolina na nagulat ng makita ako at nagtataka akong sinundan ng tingin, mukhang hindi nya naman narinig ang sinabi ng madre dahil malayo sya sa akin at may kumakausap pa sa kanyang mga madre na mukhang kakilala at kaibigan nya. Mukhang hindi nya rin nakita ang pagtabi sa akin ni Danyiel dahil abala sya sa pakikipag-usap.
Nagdire-diretso ako sa kalesang pagmamay-ari ng pamilya ni Carolina, nagulat pa ang kutsero at mukhang nagising mula sa pagkakaantok dahil sa ginawa kong pagsampa sa kalesa. Nais kong takpan ang aking mukha ngunit nakalimutan ko ang aking abaniko at hindi ko alam kung nasaan iyon.
"Gwenaelle!" Hindi ko nilingon ang tumawag sa aking ngalan ngunit alam kong si Carolina iyon, nanatili lang akong nakayuko. Ramdam ko ngayon ang pag-init ng aking pisngi dahil sa nakakahiyang pangyayari kanina.
"Gwenaelle." Napatigil ako at gulat na napadungaw sa kalesa nang marinig ko ang boses ni Danyiel na tumawag sa akin, pakiramdam ko ay bigla akong kinilabutan nang makita syang diretsong nakatingin sa akin ngayon.
"Anong nangyari? Bakit ika'y nagmadaling umalis sa loob?" Tanong ni Carolina, bakas sa kanyang mukha ang pag-aalala. Napaiwas na ako ng tingin at sumandal na lang sa upuan na tila wala akong maririnig, ipinikit ko na lang ang aking mga mata st malalim na nag-isip. "Sya nga pala, sasama ngayon sa atin si Ginoong Danyiel. Ayos lang sa akin dahil kaibigan ko naman sya at sa tingin ko ay ayos lang din naman sa iyo dahil nakatakda kayong ikasal sa isa't isa." Muli akong napatigil dahil sa sinabi ni Carolina, napapikit ako ng mariin at umayos ng upo.
Nais ko nang umuwi. Ngunit kung uuwi ako, silang dalawa ang magsasama buong gabi? Ngunit anong pakielam ko? Bahala sila sa buhay nila. Sa oras na may makahuli sa kanila, ang panginoong Diyos na ang bahala sa kanila.
Naramdaman ko na may sumakay sa kalesa, nakayuko kong tinignan kung sino iyon. Si Carolina ang sumakay at inalalayan syang sumakay ng kutsero, napatango ako dahil doon. Hindi maaaring maghawak ang kanilang kamay kahit pa sabihing magkaibigan sila, ako lang ang katanggap-tanggap na maaaring gumawa noon.
Napatingin ako sa kasuotan ni Carolina, nakasuot sya ng puting baro at luntiang saya. Napatingin naman ako kay Danyiel, pareho sila ng kulay na suot ni Carolina. Parehong luntian ang kulay ng suot nilang dalawa. Napatingin ako sa aking suot, kulay kremang baro at itim na saya ang aking suot dahil ako'y pinaglihi ngang talaga sa sama ng loob. Mukhang ako pa ngayon ang nakikisali sa kanilang paglabas. Napailing na lang ako, maging ang kulay ng suot ay ginagawa kong malaking bagay. Ako'y nag-iisip bata na.
Napasulyap ako kay Danyiel dahil hindi pa rin sya sumasakay ng kalesa, nakatingin lang sya sa akin. Marahil ay iniisip nya ngayon kung kanino sya tatabi, kung sa isang mahinhing binibini ba o sa isang binibining pinaglihi sa sama ng loob.
Malamang sa malamang ay pipiliin nya ang isang mahinhing binibini na hindi sya palaging susungitan, tatarayan, at sisiringan. Tinalikuran ko na lang sya nang maisip iyon, edi doon na sya sa mahinhing binibini nya!
Ngunit laking gulat ko ng may maramdamang may tumabi sa akin. Agad akong napalingon ngunit sa hindi malamang dahilan, pakiramdam ko ay nakaramdam ako ng pagkadismaya dahil si Carolina pala ang tumabi sa akin. Pinalipat pala sya ni Danyiel sa aking tabi upang sya na ang mag-isang umupo sa katapat namin, marahil ay hindi nya muna nais akong tabihan matapos ang pangyayari kanina.
Sya naman talaga ang may kasalanan noon, sya ang mapangahas na tumabi sa akin at may pasabi-sabi pa na maaari kaming magtabi dahil asawa nya raw ako. Napahinga ako ng malalim at tumingin na lang sa labas, ayoko talagang marinig ang mga banat nya. Kapag ako ay nanggigigil na talaga, sya ang babanatan ko.
"Gwanaelle, saan mo ba nais magtungo? Sa pamilihan o sa panciteria?" Maingat na tanong nya at hinawakan ang balikat ko, malamang ay sa kung saan may pagkain. "Panciteria," maikling sagot ko habang ang tingin ay nasa labas pa rin.
"Mang Baluga, tayo'y dumiretso na po sa panciteria na malapit lang dito sa simbahan." Kunot noo akong napatingin kay Carolina dahil sa pangalang itinawag nya sa kutsero, saan galing ang pangalang iyon?
PAGKARATING namin sa panciteria na malapit lang sa simbahan, agad kaming sinalubong ng isang may hitsurang serbidora ngunit hindi naman ganoong kaganda para sa akin. Nakangiti syang tumingin kay Carolina, sa akin, at kay Danyiel.
Napataas ang aking kilay nang mapatulala sya kay Danyiel, malakas akong tumikhim na ang dahilan upang matauhan sya. Napatingin pa sa amin ang lahat dahil sa lakas ng aking pagkakatikhim, hindi nya ba nabalitaan na nakatakda ng ikasal ang lalaking ito?
Hindi naman sa may pakielam ako o kung ano mang paninibugho ngunit ako'y nag-aalala lang naman dahil damay ako at maging ang aking ama sa kung ano man ang maaaring mangyari sa oras sya ay lumandi. Malawak ang ngiti nya kaming pinaupo sa isang mesa na may apat na silya. Kami na naman ni Carolina ang magkatabi at katapat ko ngayon si Danyiel.
Napapakunot ng kusa ang aking noo sa tuwing tinutugunan nya ang mga sinasabi ng serbidora na wala namang kwenta. Pumupungay pa ang mga mata nito, napatingin ako kay Carolina na pinapaypayan ngayon ang kanyang sarili gamit ang kanyang abaniko. Kinuha ko ang kanyang abaniko at nakasaradong inihampas sa mesa, nagulat naman silang tatlo dahil sa aking ginawa.
"Nais kong bilhin ang lahat ng maaaring mabili sa panceteria na ito," seryosong saad ko, bukod sa naiinis ako ay nagugutom na rin ako. Napanganga naman sa gulat ang serbidora.
"Maging ang mismong panciteria na ito?" Gulat na tanong ng Serbidora, napakunot naman ang aking noo. Itinuro nya ang isang malaking bagay kung saan nakasulat roon na ipinagbibili rin ngayon ang panciteria na ito ngunit ginagamit lang nila sapagkat wala pang bumibili.
"Pagkain lang, ano naman ang aking magagawa sa Panciteria na ito? May ibang tao d'yan na bibili sa lupang ito ngunit hindi ako. Sa susunod kasi ay ilagay nyo sa labas ang paskil na iyan upang maraming makakita at makabasa," pagbibigay ko ng payo, napatango-tango naman ang Serbidora at nilista ang aking mga sinabi na tila kailanman ay hindi nila naisip iyon. Napailing na lang ako, sa aking palagay ay kailangan nila ng taga-payo tulad ng gobernador-heneral.
"Masusunod po binibini," wika ng serbidora matapos nyang maglista, patakbo syang pumunta sa mga katrabaho at sinabi ang lahat ng pinagsasabi ko.
Nagsimula ng magluto ang mga taga-luto, baka sila'y abutin ng magdamag dahil sa dami ng aking biniling pagkain. Sana na lang ay masarap silang magluto tulad ng mga taga-luto sa Hacienda Villanueva. Napatingin ako sa serbidora na naroon sa tapat ng kanilang paskil, nakatali ito sa mahahabang kahoy na kayang tumayo mag-isa dahil sa pagkakakabit ng mga ito. Makapal ang mga kahoy nito kung kaya't mukhang mahihirapan sya.
Tatayo na sana ako upang tulungan sya ngunit naunahan na ako ni Danyiel, sinundan ko na lang tuloy sya ng tingin. Nakita ko nang mamula ang pisngi ng Serbidora dahil si Danyiel na ang nagbuhat nito palabas, kami lang naman nina Carolina, Danyiel, at ang Serbidorang iyon ang nasa paligid dahil nasa loob ng kusina ang mga trabahador ng Panciteria na ito. Napasandal na lang ako sa aking kinauupuan at napaisip.
Maginoo rin pala ang lalaking ito, ngunit bakit sa akin ay hindi? Paborito nya ata ang lahat ngunit maliban sa akin. Muling napatingin ang aking mga mata sa kanila nang marinig ang boses ng serbidora at nagpapasalamat ito kay Danyiel. Tulad ng aking inaasahan ay tinanguhan sya ni Danyiel at ngumiti pa bago bumalik sa aming lamesa, napatingin sya sa akin at napatigil nang makita ang aking nakamamatay na tingin.
"Mukhang naninibugho ang aking kaibigan," gulat akong napatingin kay Carolina dahil sa mga sinabi nya, pilit kong iniwawaksi sa aking isipan ang mga salitang binitawan nya na pakiramdam ko ay tumama nang diretso sa akin.
********************
#Adhika #Pag-ibigSerye
October 8, 2021
Special update dahil kaarawan ni Author ngayon, maraming salamat sa pagbabasa!
ᜋᜑᜎ᜔ ᜃᜒᜆ <3
Nagmamahal,
Cess.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top