Pag-ibig sa Piling Pagkakataon

Isang pigura ang palihim na nakasunod sa karwaheng sinasakyan ng isang Ginoong papunta sa kaniyang kasal. Pagod na pagod na ang Binibini sa kakasunod dito pero pinilit nitong baybayin ang daan papunta sa simbahan. Mabuti na lamang at may kabagalan ang takbo ng karwahe kaya kahit papaano'y nakakasunod ito.

Sa gitna ng paglalakbay ng karwahe at ng Binibining nakasunod dito, nagkaroon ng aberya dahilan para matigil ang karwahe sa pag-andar. Agad naman na bumaba ang Kutsero para pigilan ang anumang namumuong gulo sa gitna ng kalsada sa pag-aalalang maapektuhan at biglang magwala ang Kabayong humihila sa karwahe.

Sa kabilang banda, sinamantala ng Binibini ang pagkakataon para kausapin ang Ginoong kanina pa nito sinusundan. Kakikitaan ng pagkagulat ang mukha ng Ginoo dahil hindi nito inaasahan ang pagsulpot ng Binibining nakasunod sa kaniya.

"Dalisay, ano ang iyong ginagawa dito? Baka may makakita sa atin." Nag-aalalang saad ng Ginoo nang makaharap muli ang Binibining dati nitong kasintahan. Magkahalong kaba at takot ang nararamdaman ng Ginoo sapagkat narito ang Babaeng minsang naging parte ng kaniyang buhay.

"Pilitin ko mang kalimutan ka Bagwis ngunit hindi kaya ng aking puso. Ako'y nangungulila sa tuwing naaalala ko ang pagsasama nating dalawa." Puno ng pananabik na saad ni Dalisay na siyang minamahal ni Bagwis, ang Lalaking magpapakasal alang-alang sa kaligtasan nilang dalawa.

"Ako man ay nangungulila sa presensya mo Dalisay. Ayaw ko mang gawin ang mga ginagawa ko ngayon, wala akong magagawa. Buhay nating dalawa ang nakasalalay kapag hindi ako tumupad sa kasunduan na pakasalan ang isang Señorita na anak ng mag-asawang Kastila kaya bumaba ka na sa karwahe dahil ano mang oras ay maaari tayong makita dito na magkasama. Batid mo kung ano ang kaya nilang gawin kaya kailangan mo nang umalis."

Nag-aalalang saad ni Bagwis habang tinitingnan kung ano na ang nangyayari sa labas ng karwahe, ngunit kahit na anong pangungumbinsi nito kay Dalisay ay tila wala itong narinig at nanatili lamang sa karwahe kung nasaan ang Lalaking minamahal niya.

"Hindi ako aalis dito Bagwis, wala na akong pakialam kung ano ang kayang gawin ng mga malulupit na Kastila. Buong buhay kong pagsisisihan kung hinayaan kitang mapunta sa iba, mas gugustuhin ko na lamang na mamatay kasama ka kaysa maagaw ka mula sa akin."

Sa pagkakataong iyon, bumagsak ang mga luha ni Dalisay dahil hindi na nito kinakaya ang mga nangyayari. Simula kasi nang dumating sa landas nila ang Babaeng pakakasalan ngayon ni Bagwis na si Esmeralda, nawala sa isang iglap ang pag-iibigan nilang matagal na pinagtibay ng panahon na sila'y magkasama.

Inaasahan ni Dalisay na makukumbinsi niya si Bagwis sa gusto nitong mangyari ngunit tila bumagsak ang mga balikat ng Binata nang marinig ang mga tinuran ng dating kasintahan. Tiningnan nito si Dalisay nang may takot sa kaniyang mga mata saka ito umiwas ng tingin.

"Nagdadalawang isip ka. Aalis ako Bagwis, hahayaan kita, pero may gusto akong marinig mula sa iyo." Hindi man makatingin, nakatuon pa din ang atensyon niya sa mga lumalabas sa bibig ni Dalisay, pinakikinggan kung ano ang kaniyang sasabihin.

"Mahal mo pa ba ako? Minahal mo ba talaga ako?" Halos nanginginig na si Dalisay sa pagpigil nito sa kaniyang mga hikbi habang pinipilit nitong itanong ang mga tanong na alam naman niya ang kasagutan. Gulong-gulo na ang isipan ni Dalisay kaya ganoon na lamang ang kaniyang mga ikinikilos.

Gusto niyang pagdudahan ang pagmamahal ni Bagwis sa mga oras na iyon pero ayaw nitong palabasin na walang saysay ang pagtitiwala niya sa Lalaking inibig niya.

"Mahal kita Dalisay, mahal na mahal kita. Ginagawa ko ito para sa ating dalawa, dahil mahal kita. Hindi solusyon ang pagkamatay nating dalawa para tapusin ang hinagpis natin sa mga nangyayari. Gusto kong manatili kang buhay Dalisay, dahil mawawalan ng saysay ang mga sakripisyo natin kung sumuko tayo sa gitna ng laban. Kaya sige na, umalis ka na."

Napilitan si Dalisay na bumaba ng karwahe nang marinig ang pagmamakaawa ni Bagwis. Ang mga pagdududa nito'y nawala dahil sa mga sinabi ng Lalaking kaniyang iniibig. Sa tagal nilang naging magkasintahan, alam nito na si Bagwis ang may mahusay na kakayahang resolbahan ang mga problema sa kanilang pag-iibigan.

Masakit mang tanggapin ang mga naging desisyon ni Bagwis, alam nito na para lamang ito sa ikabubuti nilang dalawa. Muling tinahak ng karwaheng sinasakyan ni Bagwis ang daan papuntang simbahan nang matapos ang kaguluhan sa gitna ng daan. Habang si Dalisay naman ay hindi nagdalawang-isip para sundang muli si Bagwis.

Alam nitong masasaktan lamang ito kung masaksihan nito ang pagpapakasal ng kaniyang iniibig sa ibang Babae pero kahit sa huling pagkakataon, nais nitong masilayan ang mukha ng Lalaking pinakamamahal niya.

Nang magsimula ang kasalan, tahimik na umiyak si Dalisay sa isang tabi at nagtago sa likod ng simbahan sapagkat hindi na nito kinakaya ang mga nasasaksihan. Gusto nitong pagsisihan na sinundan pa nito si Bagwis pero naroon na rin naman na siya kaya hinayaan na lamang niya ang kaniyang sarili na mapagod sa pag-iyak.

Hindi niya batid kung ilang oras na siyang nakaupo sa likod ng simbahan ngunit nang marinig niyang may paparating ay agad itong nagtago sa palikuran hindi kalayuan. Siguradong mapapahamak si Bagwis kung may nakakita sa kaniya. Ayaw nitong masayang ang mga sakripisyo ni Bagwis para sa pag-iibigan nilang dalawa kaya masama man ang kaniyang loob, pinilit niyang itago ang sarili mula sa mga taong nangahas na paghiwalayin silang dalawa.

Dinig niya ang mga halakhakan habang papalapit ang mga taong pinagtataguan niya. Base sa mga boses ng mga ito, isang Lalaki at isang Babae ang papalapit sa kaniyang kinaroroonan. Nanlaki ang mga mata niya nang makita kung sino ang mga taong iyon.

Walang iba kundi ang kaniyang Lalaking pinakamamahal at ang Babaeng pinakasalan nito na si Esmeralda. Puno ng pagtataka ang mukha ni Dalisay sapagkat nasisilayan nito ang mga matatamis na ngiti ni Bagwis kasama si Esmeralda.

"Mabuti na lamang at nakawala ka na sa Dalisay na iyon. Hindi ko akalaing maniniwala siya sa isang palabas na inimbento nating dalawa." Kumunot ang mga noo ni Dalisay sa mga naririnig, nanunuyo ang lalamunan at parang ayaw rumehistro ang mga tinuran ni Esmeralda sa kaniyang isipan.

'Ano ang kaniyang sinasabi?'

"Mabuti na rin iyon, ang mahalaga'y hindi siya nasaktan dahil sa panlilinlang natin sa kaniya dahil ang buong akala niya ay ginagawa ko ito para sa aming dalawa. Kailangan na lamang niyang tanggapin na ang pag-ibig ay nasa piling pagkakataon at sadyang minalas lamang siya na hindi ito ang pagkakataong para sa kaniya."

Napatakip na lamang sa bibig si Dalisay sa mga naririnig, hindi ito makapaniwala na nilinlang siya ng kaniyang nobyo. Nanghina ang mga tuhod nito at sumalampak sa sahig, wala na siyang pakialam kung marinig siya nina Bagwis dahil labis ang sakit na nararamdaman nito ngayon. Hindi niya akalaing ang Lalaking pinagkatiwalaan niya ng sobra ay magagawang lokohin siya.

Wakas...

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top