Ina
Ilang taon na ang lumipas bago ka nagpakita,
Hindi mo nga siguro naisip, buhay pa ba ako o patay na.
Ang layo na po ng nalakbay ko,
Ilang kilometro na, palayo sa'yo.
Ganiyan ka ba talaga magmahal, Ina?
Ang pabayaan ako, do'n ka ba masaya?
Wari ko'y mali yata ang sinasabi nila
Gagawin ng Ina ang lahat para sa anak niya.
Ngayon ang tanong, mahal mo ba talaga ako?
Bakit kay dali sa 'yong iwanan ako?
Naisip mo ba kung maayos ang aking kalagayan?
Kung may hininga pa ba 'ko o baka uuwi kang may lalamayan.
Hindi na nga kita kilala,
Sa tagal ng panahon nang huli kitang nakita.
Elementarya pa lang ako no'ng umalis ka,
Sa awa ng Dios, kolehiyo ko'y tapos na.
Lahat ng naabot ko, wala kang naambag,
Ngayon uuwi ka't tatawagin mo akong anak!
Ina ba talaga kita? Baka binabangungot ka,
Ang iniwan mong anak, binaon ko na.
Ang dami ko talagang nais itanong,
Ano kayang dahilan mo't nagawa mo iyon?
Ang bata ko pa no'ng umalis ka,
Hindi ka ba nagsisisi sa iyong ginawa?
Balita ko nga'y may bago ka ng pamilya,
Galing mo rin, nagawa mo pang maghanap ng iba.
May iniwan ka rito, umaasang babalikan mo.
Paano nga ba? Masaya ka na sa bagong pamilya mo.
Gusto mong kunin ako dahil mayaman ka na,
Ina, hindi mo po ako masisilaw sa pera.
Ngayon mo pa talaga naisipang balikan ako,
Kung kailan kaya ko ng buhayin ang sarili ko.
Sa kabila ng mga ginawa mo,
Hindi mabubura ang pag-ibig dito sa aking puso.
Mananatiling narito ang iyong puwesto,
Subalit hindi rin mabubura ang sakit na dulot mo.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top