4: Bawat Reunion

"Ano? Hindi mo ba itatanong kung pupunta si Snow ngayon?" tanong ng kaibigan niyang si Grace habang inaayos sa isang simpleng updo ang kaniyang buhok.

Nakatanggap si Grace ng mahinang hampas mula sa isa pa nilang kaibigang si Jia. "Ano ka ba, may nobyo na iyan si Dash," saway nito.

Tama nga naman ang kaibigan. Dahil kung sa nakaraaang taon iyon o kaya'y sa taon pa bago iyon, walang pasubali'y itatanong iyon nang pauli-ulit ni Dash. Paulit-ulit na maghihintay si Dash sa Niyebe hanggang sa matapos ang gabi.

Ngunit iba ang reunion para sa taong iyon. May nobyo na ang dalaga. Iba ang taong iyon dahil nawala na sa isipan niya ang pagtatanong kung darating ba ang binata.

"Behave kayo, magagalit si Rince niyan," saway ni Dash sa parehong kaibigan.

Proud na napangiti ang mga kasama niya dahil sa kaniyang sinabi. Mukhang naka-move on na talaga siya sa dating nagugustuhan. Dalawang taon na rin nang huli niya itong makita, hindi kasi ito dumadalo sa kahit anong pagtitipon at reunion nilang magka-batch.

"Basta kapag napadpad si Rince rito sa atin, pakita mo kaagad sa akin ha," paalala sa kaniya ni Grace nang matapos ito sa pag-aayos ng kaniyang buhok.

Masaya siyang sumang-ayon at tumango sa kaibigan. Saka niya isinuot ang kaniyang itim na off-shoulders evening dress at itim na ankle-strap stilettos. Upang maging tugma sa kaniyang porma, mula sa kaniyang cabinet ay kinuha niya ang kaniyang silver clutch bag.

"Bilisan n'yo na riyan, baka ma-late pa tayo," sabi niya sa mga kaibigan nang matapos siyang mag-ayos.

Matapos nilang gawin ang kanilang mga ritwal ay tumungo na sila sa Sunny Point Hotel kung saan gaganapin ang Alumni Homecoming sa taong iyon. Sinundo silang tatlo ni Asul na noo'y nobyo na ni Grace.

Pagkapasok nila sa venue, dilaw na ilaw mula sa mga kumikinang na chandelier ang sumalubong sa kanilang mga mata. Napapalibutan din ang hall ng mga round tables na nilulukop ng mga kulay gintong tela. Ang naka-tile na sahig naman ay tinakluban ng pulang carpet.

"Ang yaman naman talaga ng nag-sponsor ngayong taon," bulong ni Jia kay Dash. Sinang-ayunan ito ng dalaga na manghang-mangha pa rin sa engrandeng venue.

"CR lang ako mga besh," mabilis na paalam ni Dash sa mga kasama. Tukso ang natanggap niya mula sa mga ito, pinagpipilitang nais lamang niyang siyasatin ang itsura ng CR ng hotel at hindi naman talaga ito naiihi.

Napatawa na lamang siya, at dahil na rin bahagyang tama rin naman ang kanilang hinala. Nais niyang tignan kung kagaya nga ba ng mga sinasabi sa reviews ang palikuran roon, na mas engrande pa ito sa mismong hotel.

Hindi naman siya binigo ng kaniyang ekspektasyon dahil kagaya nga ito ng mga nakita niya sa litrato. May chandelier pa sa loob at nilulukop ang silid ng mamahaling marble tiles. Idagdag mo pa riyan na mayroong sariling TV sa loob ng CR.

Matapos siyang kumuha ng samo't saring litrato sa loob ng banyo ay napagdesisyunan din niya sa wakas na lumabas. Pabalik sa mismong hall ay may nakabangga si Dash dahilan upang mahulog ang kaniyang dalang panyo.

"Here." Abot sa kaniya ng nakabangga.

Nahihiya niyang tinanggap ang puting panyo at bahagyang yumukod bilang paggalang. "Thank you..."

"S-snow?" nauutal na tawag ni Dash nang mapagtanto kung sino ang nakabangga.

Ngumiti nang nakakaloko ang lalaki sa kaniya saka siya pabirong tinanong, "Hindi mo ba ako tatawaging Niyebe?"

Hindi siya nakaimik at tila hindi pa rin makapaniwala na naroroon si Snow sa kaniyang harapan. Ilang buwan din ang binilang niya noon, umaasang magpaparamdam ito.

"CR lang muna ako, kita mamaya," masayang bati ng lalaki habang siya naman ay naiwan doong tulala.

Hanggang sa makabalik siya sa loob ng hall ay aligaga pa rin siya, iniisip kung nababaliw na ba siya't bakit mukha ni Snow ang kaniyang nakita.

"Grace, nababaliw na ata ako," kaagad niyang bungad sa kaibigan nang makabalik sa kanilang table.

Inilapat ni Grace ang palad sa noo ni Dash upang siyasatin ang kaniyang temperatura. "Ayos ka lang? Mas namumutla ka, although maputla ka naman talaga," nag-aalala nitong tanong.

"Teka, girl guess who's here..." biglang singit at mapanuksong sabi ni Jia.

Nilingon ito ni Dash at nakitang nakatitig si Jia sa bakanteng silya katabi ng sa kaniya. "Nandito si Snow! After all those years nagpakitang muli ang matigas na niyebe!" masayang anunsyo ng kaibigan.

Saka lamang napagtanto ni Dash na totoong si Snow nga ang nakabangga niya. Mas kumusig ang pustura nito kumpara sa huli nilang pagkikita. Pati bahagyang nag-iba ang kaniyang ayos kumpara sa mala-Koreano niyang style noon.

"Broooy, long time no see. Christian Grey, ikaw ba 'yan?" pabirong bati ni Asul sa kaibigan nang makarating ito sa kanilang table. Ginawa pa ng dalawa ang handshake na gawa-gawa nila noon sa high school sa tuwing nagkakasalubong.

"Broy, pinanindigan natin pagiging Asul ngayon ah," balik nitong bati sa kaibigan at sinaway pa ang dark blue tux na suot. Naupo na ito sa tabi ni Dash at bumaling naman sa dalaga.

"Kumusta?" nakangiti nitong tanong.

Bahagyang tulala si Dash dahil sa kaharap at ang hininga niya'y hindi na naging normal. Kinailangan pa niyang tulungan ang sarili upang mas makalanghap ng hangin sa loob.

Hindi ito ang Snow ni Dash, hindi ito ang Snow na tahimik at itinataboy siya noon. Normal lang naman kung may magbago rito, wala naman kasi talagang permanente sa mundo. Sadyang hindi lamang siguro sanay ang dalaga sa bagong pakikitungo ng dating nagugustuhan. Lalo pa't sanay siyang siya ang naghahabol ng atensyon dito.

Ngunit naroon siya't kinakausap at tinutuunang pansin ng binata.

"A-ayos lang naman ako." Sa wakas ay nahanap na rin ni Dash ang kaniyang boses upang makasagot sa tanong nito.

"May nobyo na iyan ngayon," biglang sabat ni Grace. Hindi ni Dash maintindihan kung bakit bigla na lamang iyong inilahad ng kaibigan. Mukhang wala lang rin naman iyon sa mga kasama kaya't hinayaan na lamang niya.

"Alam ko," hindi inaasahang sagot ni Snow.

Naintriga ang apat sa isinagot ng lalaki lalong-lalo na si Dash. Kung ganoon ay alam nito at may balita ito sa kaniya kahit dalawang taon itong hindi nagpakita.

Siguro iyon ang dahilan. Naisip ni Dash. Ang dahilan kung bakit naging komportable ang pakikitungo nito sa dalaga. Dahil siguro alam nitong hindi na niya ito hahabulin kagaya ng dati. Siguro nga ay nakakahinga na siya ngayon nang maluwag. Dagdag pa niya.

Matapos ang maikling kamustahang iyon, inilibot muna nila ang kinilang mga sarili at nakipagdaldalan sa mga dating ka-eskwela hanggang sa nagsimula na ang programa.

"Pwede ba kitang maisayaw?" biglang tanong ni Snow kay Dash sa kalagitnaan ng party at naglahad ng kamay. Hindi napigilan ni Dash ang pagsinghap dahil sa alok ng lalaki. Inilipat niya ang tingin sa gitna ng hall at doon ay natanaw niya ang mga dating ka-eskwelang nagsasayaw.

Sa paulit-ulit na pagtaboy sa kaniya ng binata noon, hindi niya aakalaing isasayaw siya nito balang-araw. Marahil ay pinangarap niya, ngunit hindi niya pa rin inasahang darating ang araw na iyon.

Napunta ang kaniyang tingin sa mga kaibigan, humihingi ng payo sa gagawin. Si Grace ay tipid na ngumiti habang si Jia naman ay kumindat at mukhang galak na galak pa sa ideya.

Isang sayaw lang, wala namang masama roon. Paalala niya sa sarili. Sasabihin ko kay Rince pagkatapos.

Tinanggap niya ang nakalahad na kamay at dinala siya sa gitna ng hall. Iyon ang unang beses na isasayaw siya nito. Kahit noong mga formal event nila noon sa high school, ni minsan ay hindi siya nito naalok ng sayaw.

Nagpalit ang musika at Wonderful Tonight ni Eric Clapton ang naka-play noong makapwesto sila. Pinagpag muna ni Dash ang suot na evening dress bago ipinatong ang mga kamay sa balikat ni Snow. Pinuwesto na rin ni Snow ang mga kamay sa bewang ng dalaga.

Tahimik lamang silang dalawa habang sinasabayan ang tempo ng kanta. Nakayuko si Dash at nasa paanan ang tingin, habang si Snow naman ay abala sa pagsuri sa pigura ng kaharap.

Mas inilapit ni Dash ang sarili sa lalaki at marahang ipinatong ang ulo sa dibdib ni Snow.

"Ba't 'di ka nagpakita ng ilang taon?" bulong niya. Sobrang hina noon ngunit sapat lamang upang marinig ng kasayaw.

Ilang segundong katahimikan ang bumalot sa dalawa. Akala ni Dash noo'y wala na itong planong sagutin ang tanong niya kaya't mas pinili na lamang niyang ipikit ang mga mata at pakinggang maigi ang kanta.

And I said yes,

You look wonderful tonight...

Nakailang hugot ng lakas ng loob si Snow bago nito nasagot sa wakas ang tanong. "Natatakot akong makita ka," pag-amin nito, "pinapabilis mo ang tibok ng puso ko."

Agad na naalarma ang sistema ni Dash dahil sa narinig. Hindi niya alam kung ano ang magiging reaksyon sa ibinungad ng lalaki.

"Snow, may boy-" nais sana niyang ipaalalang may nobyo na siya kahit alam naman na iyon ng lalaki. Ngunit naputol ang sasabihin niyang iyon dahil sa pagdampi ng labi ni Snow sa kaniyang noo.

Naroroon na naman ang pamilyar na nararamdaman para sa binata. Akala niya'y tuluyan na iyong naglaho. Hindi niya maintindihan kung bakit bigla na lang ulit iyong naramdaman. Akala niya'y wala na talaga. Akala niya'y natapos na ang paghihintay.

"Alam ko. Siguro kasalanan ko rin. Kahihintay ko sa tamang panahon para sa ating dalawa, nawawala ka na pala sa akin." Iniangat ni Snow ang ulo ni Dash na noo'y nakapatong pa rin sa kaniyang dibdib. Gusto nitong masilayang muli ang mga matang dati ay nagniningning para lamang sa kaniya.

Marahang isinabit ni Snow ang ilan sa hibla ng buhok ni Dash na noo'y nakaharang sa kaniyang mukha.

"It's supposed to be messy," pagtukoy ni Dash sa kaniyang buhok. Hindi iyon binigyang pansin ng binata. Sa halip ay ngumiti ito ng matagumpay nang masilayang buo ang maamong mukha ni Dash.

"You look wonderful tonight." Pagsabay nito sa kantang naka-play habang nakatitig sa parehong mata ng binibini.

Walang naisagot ang babae at ilang beses na napalunok. Nag-iwas siya ng tingin at muling yumuko dahil pakiramdamn niya noo'y pinamumulahan na siya.

"Pasensya dahil nahuli ako, Dash." Muli'y inagaw ni Snow ang atensyon ng dalaga. Napakamaingat ng kaniyang boses nang sabihin iyon.

Inilapat nito ang noo sa kay Dash dahilan upang pareho silang mapapikit. Amoy na amoy niya ang pabango ng lalaki at ramdam na ramdam niya ang mainit nitong hininga.

"At kahit medyo nahuli na 'ko, gusto ko pa rin itong sabihin sa iyo," bulong nito. Narinig ng dalaga ang muling paghugot nito ng malalim na hininga bago binitiwan sa wakas ang mga salitang iyon.

"Mahal kita."

Hindi na ni Dash nakayanan at tuluyan nang pinakawalan ang mga luhang kanina pa niya pinipigilan. Nabahala siya sa emosyong naramdaman. Apektadong-apektado pa rin pala talaga siya. Bakit kung kalian dumating na iyong hinihintay niya, saka naman hindi na pwede.

Gulong-gulo si Dash sa nararamdaman. Sigurado siyang mahal na mahal niya si Rince. Mahal na mahal niya ang nobyo, at nagawa pa nga niyang ikwento rito ang dating nararamdaman kay Snow.

Ngunit nalito si Dash sa gabing iyon. Hindi niya sigurado kung iyong nararamdaman ba niya ay dahil sa mahal pa rin niya si Snow o baka'y nasaktanan lamang siya sa ideyang hindi nagawang magtagpo ng mga damdamin nila noon.

Hindi naman nila alam na hahantong sa ganoon.

Na kahihintay nila sa isa't isa, masasaktan lamang silang dalawa.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top