34


"Huwag mo akong kakausapin."


Iyon ang huli kong sinabi sa kaniya bago sinuot ang earphones ko para hindi ko na marinig ang kung ano mang sasabihin niya. Binigay ko naman na sa kaniya ang address ng pupuntahan ko. Tumingin lang ako sa labas ng bintana habang nakakrus ang mga braso sa dibdib at suot ang shades. 


Paminsan-minsan ay nakikita ko siya sa salamin na tumitingin sa akin na nakaupo sa likuran, pero dahil naka-shades ako ay hindi halatang nagtatama ang mga mata namin. Noong sumagot siya ng tawag ay hininaan ko ang volume ng music na pinapakinggan ko. 


"Did you get the documents? Bring it to my office, but hide it in the drawer of my desk. I can't risk it. Baka matunugan..." 


Napakunot ang noo ko nang mapagtantong may ginagawang kalokohan na naman 'tong lalaking 'to na ikakapahamak niya. Oh well, wala naman na akong pakialam. Nilakasan ko na ulit ang volume ng pinapakinggan ko. 


Hindi ko alam na nakatulog na pala ako kaya gulat na gulat ako nang may mag-alog ng balikat ko. Muntik ko na tuloy mahampas si Shan sa sobrang gulat. 


"You've arrived at your destination, Ma'am," sarkastikong sabi niya, nakabukas ang pintuan ng sasakyan. 


Napaubo ako at kinuha ang mga gamit ko. Pagkatapos ay bumaba na ako ng sasakyan at nilagpasan siya. Narinig ko ang pagsara ng pinto pero alam kong hindi pa siya umaalis kaya lumingon ulit ako sa kaniya.


"What are you waiting for? Just go! Baka may makakita pa sa 'yo rito," kinakabahang sabi ko. Ayaw kong ma-issue na may something na naman kami. Ayaw ko nang ma-link sa kaniya. 


"How are you going to get home?" Sumandal siya sa may sasakyan niya. 


"Sasabay ako sa iba or magbu-book ako ng ride. Duh!" Napairap ako. "Umalis ka na!" Tumalikod na ulit ako at naglakad paalis para iwanan siya roon. 


Dere-deretso lang akong pumunta sa office ng site kung saan nagme-meeting na roon ang mga engineers at architects. Hiyang-hiya ako dahil na-late ako. Ang sabi ko na lang ay na-flat ang gulong ng sasakyan ko kaya na-hassle pa ako sa pagpunta. 


"Pa-Manila na rin ako pagkatapos nito. Sasabay ka sa 'kin?" tanong ni Theo sa akin. 


"Oo sana. Pagbabayarin mo ba ako ng gas?" pagbibiro ko habang naglalakad kami palabas ng office pagkatapos ng meeting. 


"Hindi. Ilibre mo na lang ako ng dinner." Kinindatan niya ako at nauna nang naglakad papunta sa sasakyan niya. Tumawa ako at hinabol siya, nakipag-unahan pa. 


Pagkarating ko sa office, nagulat ako nang makita si Luna roon sa office niya. Bukas kasi ang kurtina kaya kitang-kita ko siya sa loob, busy sa ginagawa sa computer. Tuloy-tuloy akong pumasok doon. 


"You're back?!" gulat na tanong ko sa kaniya pagkapasok.


"Tipaklong!" sigaw niya sa sobrang gulat. Muntik pang matapon ang tubig sa hawak niyang tumbler. "Huwag ka ngang nanggugulat! Magugulat din ang pamangkin mo!" 


"Sorry, akala ko narinig mo na akong pumasok." Ngumiti ako at binigyan siya ng peace sign. "Okay na ba 'yong wedding preparations at nandito ka na ulit?" Umupo ako sa sofa niya at sumandal doon na para bang bahay ko 'yon. 


"Okay na lahat! Wedding na lang ang hinihintay!" masayang sabi niya sa akin. "Kaya alam mo na... Back to work work work!" 


"Ano ba 'yan, hindi na kita maaaya uminom." Napasimangot ako. "Bakit kasi nabuntis ka agad?!" 


"Bakit, ayaw mo ba, ha?! Akala ko ba gusto mo na ng pamangkin?!" pakikipagtalo niya sa akin. 


Ngumisi ako at nilagay ang buhok ko sa likod ng tainga ko. "Gusto ko nga! Pero shet, mommy at wife ka na niyan, cousin ko! Mami-miss ko ang pagiging single mo for years." 


"Ako, hindi ko mami-miss 'yon." Inirapan niya ako. "At bakit nandito ka? Bumalik ka sa office mo at magtrabaho!" 


Tumawa lang ako at tumayo na para bumalik sa office ko. Ngumisi pa ako sa kaniya bilang pang-aasar bago kumaway at lumabas ng pinto. Nakasalubong ko rin si Sevi na mukhang nagmamadaling pumunta sa office niya. 


"Good morning!" bati ko sa kaniya. "Stressed na naman si Engineer Camero. Sige ka, magmumukha kang..." Hindi ko tinuloy at ngumisi na lang. 


"Ang dami kong trabaho. Mamaya ka sa akin, Architect Ynares," he warned, pointing at my face. Tumawa ako lalo sa mukha niya at pumasok na sa office ko.


At bumalik na nga rin ako sa pagtatrabaho ko dahil, hindi lang halata, pero ang dami ko ring kailangang tapusin at i-check. Ang dami ko ring meetings araw-araw. Parang hindi talaga nauubos ang gawain, pero at least makakauwi ako nang maaga ngayon dahil nariyan na si Luna at hindi ko na kailangan saluhin ang trabaho niya ngayon. 


Noong lunch ay bumaba kami ni Luna sa cafeteria para roon kumain dahil libre naman, at tinatamad na kaming mag-order. 


"Good noon, Architect Valeria, Architect Ynares." Tumigil kaagad sa paglakad iyong tatlong empleyado para batiin kami.


"Good noon!" masayang bati ni Luna at ngumiti. Ngumiti lang din ako sa kanila habang naglalakad. 


Pagkalapag namin ni Luna ng tray sa table namin ay nagchismisan muna kami tungkol sa mga kakilala namin. Lagi rin naman nila kaming pinag-uusapan ni Luna dahil may mga may ayaw sa amin dito.


"Hindi naman sa judger ako, ha, pero bakit kaya niya jinowa, eh 'di ba cheater 'yon?" 


"Deserve naman ma-judge dahil... may jowa pa si engineer ay may something na sa kanila," bulong ko rin kay Luna. "So, naging kabit muna siya, sis... Ngayon ay magjowa na sila."  


"Oh my gosh..." Napatakip si Luna sa bibig niya habang ngumunguya. "Uy, at ito pa, ha... Galing akong site kaninang umaga, roon sa may QC, grabe, pati ang anak ko ay na-stress. Alam mo namang hindi kami magkasundo ni ano... Alam mo naman na ayaw sa akin noon for some reason. Tuwing pumupunta ako roon, simangot na kaagad siya, sis! Wala man lang hi or hello?!"


"Medyo attitude nga siya, sabi rin ni Theo," bulong ko. "Mabuti pa iyong lagi niyang partner, madali kausap. Mabait 'yon..." 


Ito talaga ang advantage kapag narito si Luna. May kausap ako tuwing break at malalabas ko lahat ng frustrations ko sa trabaho dahil kami lang naman ang makakakuha sa isa't isa. Ang dami talagang gulo pagdating sa mga construction work. 


Pagkatapos kumain ay bumalik na ulit kami sa trabaho. Tatlo ang meeting ko noong hapon, at nagpasa ako ng design sa client bago ako nag-out sa trabaho. Nauna na ako kay Luna dahil abala pa siya, nagme-meeting sila ni Sevi. 


Sana ay pinalitan na iyong gulong ng sasakyan ko. Nagpatawag na ako ng gagawa noon kanina at binilin ko na lang sa guard ng condo, iyong nagbabantay sa parking. 


Hindi pa dumidilim ang langit ay nakauwi na ako at dumeretso sa parking para tingnan ang sasakyan ko. Mukhang napalitan naman na ang gulong at okay na. Aalis na sana ako nang makita ko si Shan mula sa malayo, may kausap na babae sa tabi ng sasakyan niya. 


Hindi na ako nakichismis pa at umalis na kaagad. Baka girlfriend niya dahil hindi naman mukhang si Elyse 'yon. Wala na rin naman akong interes malaman ang tungkol sa lovelife niya pagkatapos namin maghiwalay. Kahit makipag-date pa siya ulit sa lahat ng babae sa Manila, wala akong pakialam. 


Pagka-shower ko ay nagluto ako ng dinner para sa sarili ko. Pasta lang iyon at nag-init na rin ako ng garlic bread. Habang kumakain ay nanood na lang ako ng sci-fi na movie tungkol sa pagpunta sa Mars. Abalang-abala ako sa panonood nang biglang may narinig akong sumisigaw sa hallway.


Nilakasan ko ang volume ng pinapanood ko para hindi ko marinig, pero kasunod naman noon ang mga kalabog. Inis kong hininto ang panonood at tumayo para sumilip sa pinto. Dala-dala ko pa ang plato ng pasta ko nang lumabas ako, ready nang pagalitan iyong nag-iingay sa hallway. 


Ngunit natigilan ako nang makitang may matandang babaeng nakaluhod sa sahig at nakahawak sa binti ni Ciandrei, umiiyak. 


"Wala pong kasalanan ang anak ko... Wala po siyang kasalanan..." pag-iyak niya.


Shan just looked at the woman while trying to mask his emotions. May hawak pa siyang folder sa isa niyang kamay at ang isa ay nakahawak sa pintuan. He was wearing his glasses when he looked down at her. 


"If you believe that, then file for an appeal." Umatras si Shan at umiwas ng tingin. Saktong dumating ang mga security guards at hinatak paalis iyong matanda. Shan sighed heavily and massaged his head. Napahawak pa siya sa gilid ng pintuan na parang nanghina siya. 


Gulat akong nakatayo roon kaya noong nawala na ang matanda at ang security, lumipat sa akin ang tingin ni Shan at tinaasan ako ng kilay. 


"The security in this condo sucks. I will file a complaint," sambit niya bigla. 


"Paano nalaman ang address mo?" Kinabahan kaagad ako dahil magkatabi ang condo namin. Paano kapag nadamay ako?! 


"I don't know, but I'm not surprised anymore. I get stalkers, death threats, and people begging in front of me every fucking day when I'm just doing my job," seryosong sabi niya.


Nahugot ko ang hininga ko. Paano kapag pati ako ay tinarget dahil magkatabi ang condo namin?! Bakit kasi lumipat pa siya rito?! Naisip ko tuloy kung kailangan ko na ring lumipat dahil delikado sa tinitirahan ko! 


Tiningnan ko tuloy ang lock ng condo ko. Pumasok kaagad ako at tumawag sa kakilala ko para magpalagay ng extra lock sa pintuan ko. Kailangan ko 'yon! 


"Mabuti na lang hindi ako nag-abogado," bulong ko sa sarili ko at bumalik na sa may sofa para ipagpatuloy ang pagkain. "Lalo na sa mga criminal cases na ganoon... Grabe, marahas talaga sila..." Napailing ako, naalala na naman ang shooting incident ni Amethyst. 


Takot nga ako sa ipis, sa baril pa kaya?! Buti nakakayanan nina Amethyst 'yon! Hindi ko kaya 'yon. Magki-quit na lang ako kaagad sa trabaho kaysa mapahamak. 


I wasn't looking forward to anything but Luna's wedding. Noong dumating 'yon ay sobrang excited ko, at kinakabahan din dahil dapat perfect ang lahat. Nasa hotel room na ako ni Luna maaga pa lang para panoorin siyang ayusan. Sobrang kabado rin siya at hindi tumitigil ang bibig.


"Paano kapag wala siya roon, Ke? Paano pag ibang wedding pala ang napuntahan ko?!" reklamo niya sa akin.


"Ano na naman ba 'yang naiisip mo... Ikaw lang naman ang ikakasal dito ngayon," paglilinaw ko para kumalma naman siya. 


"Paano kapag wala pa pala roon 'yong cake, o kaya may makatumba ng cake? Paano kung mahatak ang gown ko at napunit habang naglalakad ako? O kaya... Paano kapag may tumutol sa kasal?! Ano ang ire-react ko roon?! O kaya... paano kapag naiihi ako bigla kapag naglalakad? O kaya sumakit tiyan ko at kailangan ko mag-restroom?" 


"Chill ka lang, ano ka ba!" sabi ko sa kaniya. Paiyak na yata siya. "Umihi ka kasi muna bago ka maglakad doon o kaya jumebs ka muna. Naroon na 'yong cake at nag-practice ka naman nang maglakad sa gown mo. Kahit ano namang mangyari, papakasalan ka ni Kalix, eh." 


Sunod-sunod na ring dumating sina Sam. Nauna si Via na nakaayos na, sunod si Sam, tapos si Elyse, at huli naman si Yanna na kasama pa si Avrielle. Noong naayusan na ang lahat ay sabay-sabay kaming pumunta roon sa simbahan. 


"Is my hair okay?" tanong sa akin ni Elyse. Lumapit ako para ayusin iyon nang kaunti bago ako tumango at ngumiti. "Thank you! I'm so nervous to walk down the aisle as if it's my wedding already!" 


"Don't worrry. I'm also nervous," sabi naman ni Sam sa kaniya. "Maybe I need a drink." 


"Avi, doon ka sa bandang harapan, hindi ka rito..." Umalis naman si Yanna para ilagay sa tamang ayos si Avrielle sa pila. 


"Magsisimula na raw kaya umayos na," sabi sa amin ni Via. "Sam, huwag nang kumuha ng cocktail." Hinawakan niya ang braso ni Sam na tatakas pa sana. 


Naglakad na kami sa aisle at pumunta sa kaniya-kaniya naming upuan. Noong naglalakad na si Luna kasama ang magulang niya ay nakatingin lang kami sa kaniya. Nakangiti nang tipid si Kalix, kinakabahan. 


"Iiyak kaya si Kalix?" bulong ko kay Via habang naglalakad si Luna. 


"Parang hindi," sagot naman niya sa akin at umiling. "Bakit naman siya maiiyak?"


"Sira, siyempre, overwhelming o kaya maaalala niya 'yong memories nila together... Ano ka ba! Hindi ba umiyak si Arkin noong kinasal kayo?" nagtatakang tanong ko sa kaniya.


"Hindi." Kumunot ang noo niya. "Ang ingay nga niya noon, eh." 


"Sam, hindi pa nagsisimula." Naputol ang usapan namin ni Via dahil narinig ko si Yanna na kausap si Sam. Hindi pa kasi nagsisimula ay naluluha na siya. 


Noong nagsimula na ang wedding ceremony ay tahimik lang akong nakikinig. Parang ngayon pa lang nagsi-sink in sa akin na ikakasal na ang pinsan ko. Ang best friend ko. Iyong lagi kong kasama simula bata ako. Ngayon... May iba na siyang kasama sa panghabangbuhay. Masaya ako para sa kaniya pero hindi ko naiwasang isipin kung paano na ako... Iyong oras naming dalawa. Siyempre, hindi na pareho 'yon. 


Pero siguro nga... Kailangan ko na rin talagang masanay na lahat ng kaibigan ko ay magkakaroon na ng kaniya-kaniya nilang buhay at pamilya. Ako... Wala pa rin... pero masaya naman ako. Iyon nga lang, naiisip ko pa rin kung makakahanap pa ba ako ng para sa akin. 


Naghiyawan sila noong nag-kiss na ang dalawa. Natawa pa ako at tinakpan ang mga mata ni Avrielle. 


"Hoy, maya na 'yan!" kantyaw ni Adonis, iyong best man ni Kalix. 


Kaunti lang ang tao pero naroon pa rin sina Hiro, Shan, Clyden, Haze, at ang iba pang kaibigan ni Kalix sa law school. Sa side naman namin ay kompleto kami, kasama sina Sevi at Arkin. Sabay-sabay kaming nagpunta sa reception. Sayang wala si Theo dahil may pupuntahan daw sila ng pamilya niya.


"Ate niya ba 'yon?" tanong ko kay Sam habang nasa labas kami ng reception. May nakita kasi akong babaeng hawig ni Kalix. Naka-soft curls at todo ngiti habang nakikipag-usap sa ibang bisita. 


"Yes, that's his sister, Kelsey. She's a doctor," sabi naman ni Sam. "And that boy is Kio, Kalix's brother." Tumuro naman siya roon sa naka-tuxedo. 


Nakapila ulit ang mga bisita papasok ng venue habang kumakanta si Arkin sa background at tumutugtog ng piano. Parang naging red carpet pa rin iyon, at huling pumasok ang bagong kasal na sina Luna at Kalix. Nagpalakpakan at hiyawan kami nang umakyat na sila ng stage at natapos na rin ang kanta ni Arkin. 


Nag-start na ang program with Sam as the host. May welcome speech ang dalawa para sa mga bisita bago nagsimula ang pag-serve ng dinner sa table. Habang kumakain ay nagsimula na ang mga speeches. Una ay 'yong Mommy ni Luna na umiyak doon, sunod naman ang Daddy ni Kalix. Nag-speech din ang Ate Kelsey niya. 


"Malapit na ako," hula ko. 


"Ikaw na ang kasunod," sabi ni Via sa akin. 


At tinawag na nga ako ni Sam. Tumayo kaagad ako at nagpunta sa harapan, kinakabahan humarap sa mga tao. Pinaghandaan ko naman na ang speech ko dahil nasabihan naman ako last time. 


"Hi, Luna and Kalix. First of all, congratulations, nairaos n'yo ang sampung taon." Tumawa kami. "Si Luna... Palagi kaming magkasama niyan simula yata pagkapanganak ko, kaya noong dumating si Kalix, aaminin kong nagselos ako kasi lagi nang wala si Luna at hindi na kami magkasama... Pero okay lang din 'yon, dahil natutunan ko ring magkaroon ng sariling buhay dahil alam ko namang dadating ang araw na 'to..."


"Gagi ka, Ke," sabi ni Luna sa microphone at nagtawanan na naman sila. 


"Hindi, pero... Luna really means a lot to me. Today, I'm letting you, Kalix Jace, take over my place as her number one person." Ngumiti ako. "Always keep her smiling because that's the most beautiful thing about her, and it will really hurt me once I see her lose that smile. Please take care of my cousin like how we take care of her... and love her more than we love her. Luna, I will always stay by your side whatever happens. Kahit magkapamilya ka na't lahat-lahat, nandito pa rin ako, matatakbuhan mo. Hindi ako aalis sa tabi mo, okay? I love you and congratulations ulit sa inyong dalawa. Kalix... I'm watching you!" pagbibiro ko pa. 


Nagpalakpakan sila habang paakyat ako ng stage para yakapin si Luna. Yumakap din ako kay Kalix at nakipag-cheers bago bumalik sa table. 


"Alam n'yo bang wala talaga ako sa program kasi pinaalis ni Kalix 'yong name ko sa mga magde-deliver ng speech..." panimula ni Adonis. Napasapo si Kalix sa noo niya, ayaw nang pakinggan ang kasunod. "He doesn't trust me daw! Kahit ang laki ng ambag ko sa pagbabalikan nilang dalawa! How dare you, Attorney?!" 


Puro tawa lang kami sa speech ni Adonis dahil sa kung ano-anong panlalaglag niya kay Kalix. Kinailangan na ngang bumaba ni Kalix sa stage para agawin ang microphone at hindi na pinatapos si Adonis sa pagsasalita. Inagaw naman ni Leo ang microphone at siya ang nagtuloy ng speech. Nagkagulo na sila roon habang tuwang-tuwa naman si Luna na nasa stage. Pumapalakpak pa siya habang tumatawa. 


Pagkatapos ng speech ay nag-cut na sila ng cake at nagsubuan doon. Napangiwi si Yanna, bitter kahit may asawa naman na at anak. Sunod noon ay bouquet toss. Pumwesto na kaming lahat. Hindi na nag-effort si Yanna at Via na kasal naman na. 


"It's mine! It's mine!" sigaw ni Elyse nang makuha iyong bouquet. "Yay! Babe, look! I got it!" Lumingon siya kay Sevi at tinaas ang bouquet.


"Good job, mahal ko!" Nag-apir pa sila ni Sevi. 


Hindi na rin ako nag-effort para roon dahil alam ko naman kung sino ang susunod na ikakasal. Sunod noon ay first dance na noong dalawa as married couple, sunod ay sayaw ni Luna kasama ang Daddy niya. Pagkatapos noon ay pwede nang slow dance ang lahat doon sa gitna. 


Napangiti ako nang tipid sa sarili ko nang maiwan ako sa table dahil lahat sila ay sinundo ng partners nila. Sumandal na lang ako at napainom sa champagne habang nagsasayawan sila sa gitna. 


Napabuntong-hininga ako kasabay ng paglapag ng champagne glass sa lamesa. Nakatitig lang ako roon habang tumutugtog ang slow music sa background. 


"May I dance with you?" Napaawang ang labi ko nang may mag-alok ng kamay niya sa akin. 


"P-pres!" Nagmamadali akong tumayo nang makita si Acel. Conscious kong inayos ang dress na suot ko dahil sobrang ayos niyang tingnan. Ang gwapo! Parang na-starstruck pa ako bago ako sumunod sa kaniya papunta sa gitna.


"Kierra, right?" He gave me a smile as he put his hand on my waist. Nilagay ko rin ang mga kamay ko sa balikat niya. "Are you feeling okay? You were alone." 


"Okay naman, Pres..." Hindi ko matigilan ang pagtawag sa kaniya ng Pres kahit ang tagal na noon! "I mean... I'm fine, Engineer Peña." Ngumiti ako sa kaniya. 


"Too formal." He let out a laugh. Grabe... Ikekwento ko 'to kina Luna mamaya, lalo na kay Via bilang biro.


We slow-danced for a bit before Hiro's brother took him away from me! "Swap?" Hiro's brother, Haze, pushed Shan over to me. Nagulat pa kaming dalawa. 


"What the fuck is your problem, you asshole?" tanong ni Shan. 


"Thank me later." Kumindat pa ito bago sila nawala sa paningin namin. 


Nakatitig lang ako kay Shan, naiilang na magkaharap kami ngayon. Hindi ko alam kung babalik na ba ako sa table o ano. Matagal kaming nakatayo roon, magkatapat, hindi alam ang gagawin o sasabihin. Tahimik lang kaming dalawa. Ang awkward. 


"Uh-" sabay kaming nagsalita. Sabay rin kaming umiwas ng tingin. "You first," sabay ulit naming sabi. 


"Okay, ako muna. Babalik na akong table," paalam ko sa kaniya.


Tumalikod na ako at maglalakad na sana paalis nang hawakan niya ang palapulsuhan ko para pigilan ako. Kumunot ang noo ko at lumingon sa kaniya, nagtatanong. 


"Would you like to dance?" he asked with his eyes, hopeful. He was wearing a white long-sleeved polo and a grey vest that looked perfectly tailored for him. Maluwag din ang necktie niyang itim na nakatago sa ilalim ng vest. 


"Sige na, Ke." Nagulat ako nang bahagya akong tinulak ni Yanna palapit. Lumingon ako at sinamaan siya ng tingin. Tumawa silang dalawa ni Hiro habang nagsasayaw. 


I looked around and everyone was dancing with somebody. Ako na lang ang wala. Napabuntong-hininga tuloy ako. 


"Okay, pagbibigyan kita. Ngayon lang," seryosong sabi ko. He gave me a small smile that didn't show his teeth. Inalok niya ang kamay niya sa akin at kinuha ko naman 'yon. Muntik na akong mapairap nang ilagay niya ang kamay sa baywang ko at nilagay ko ang kamay ko sa balikat niya. 


La Vie En Rose. Again. Saktong-sakto pa. Same song, same partner, but different mood. I was just looking down on his chest while dancing to avoid his gaze. He was staring at me and it made me feel awkward! Hindi ko alam kung saan titingin. Luminga-linga na rin ako sa paligid. Maybe this was a bad idea. 


"You don't have a partner?" tanong niya sa akin. 


"May nakikita ka ba?" tanong ko sa kaniya pabalik. Tumawa naman siya sa sagot ko. "Ikaw? Nasaan jowa mo?" Hindi ko na napigilan ang bibig ko. 


"Do you also see anyone?" balik niya sa akin.


Napailing ako sa kaniya. "Malay ko ba... Sa ugali mong 'yan..." bulong ko pero mukhang narinig niya. 


"I don't have plans to get a girlfriend," mahinang sabi niya sa akin. "Or even get married... How about you?"


"I want to get married." Hindi ko alam kung bakit sinagot ko pa 'yon. 


"Oh..." Tumango siya at umiwas ng tingin. "I'm happy to still hear that."


"After hurting me? You're happy because I still believe in love, huh?" Umangat ang tingin ko sa kaniya. He stared me down while I gave him a painful smile. That was what he meant. "You're happy because you can now lessen your guilt... because you didn't destroy me completely." 


"That's not what I meant," he defended himself.


Just like on cue, the music stopped and switched to the next one. I stepped back, making him let go of me. "Thanks for the dance," sambit ko na lang bago naglakad pabalik ng table. 


Nakabalik na roon sina Sam kaya nagkayayaan kaming sumayaw-sayaw sa gitna. Nag-change na ng music at naging pang-disco na iyon kaya nag-form kami ng bilog at nagsayawan. Dancing Queen pa ang unang tugtog. Naalala ko tuloy si Sam. 


Nasa gitna si Luna dahil siya ang bride at sumayaw-sayaw kaming girls doon. 


"Hoy, Luna, buntis ka, ha!" paalala sa kaniya ni Yanna.


Lumingon kami sa mga kalalakihang nagsasayawan din doon. Wala na ang mga bata kaya sila ang nagsimulang magpaikot ng mga bote ng alak. 'Yong sayawan ng mga lalaki roon ay may kasamang buhos ng alak sa bibig. Nangunguna si Hiro, Kuya niya, at si Shan sa pagpapa-chug sa mga bisita. 


Napilitan pa si Sevi na tatakas na sana papunta sa amin pero hinatak siya pabalik ni Kalix para madamay siya. Si Arkin ay naka-shades pa at sumasayaw roon na parang lasing kahit hindi pa naman. Normal na niya 'yon. Ang jowa ni Sam ay nakaupo lang sa table, umaasang hindi na siya mapapansin. Akala niya yata ay invisible siya. 


"Okay, drink na, girls!" sabi ni Sam na may dalang mga bote.


"Oh, I can't drink." Ngumiti lang si Elyse at umiling.


"Bakit? Ayaw mo ba?" tanong naman ni Via.


"Uh... No, I just can't," awkward na sagot niya. 


Nagkatinginan kaming lahat, at parang sabay-sabay na na-realize kung anong mayroon. Nanlaki ang mga mata namin at tiningnan ulit siya. "Buntis ka?!" malakas na tanong ni Yanna. Halos nagkasabay-sabay pa kami sa pagtanong.


"Shush, shush!" Tinakpan kaagad ni Elyse ang bibig ni Yanna. "I'm the only one who knows! I didn't want to say it during someone else's celebration, okay?! Let's just enjoy the party!" Sumayaw-sayaw na ulit siya at kinalimutan 'yon na parang hindi 'yon big news! 


Hindi pa rin nagsi-sink in sa akin na buntis na siya! Oh my gosh, nagsisibuntisan na sila! Hindi pa nga ako nakakasal!


Kami-kami na lang ang pwedeng uminom nina Sam, Yanna, at Via. Nawala rin kami sa circle at nakihalubilo na roon sa mga lalaki dahil pinapainom din sila ni Sam. Si Yanna naman ay hindi mahiwalay roon sa asawa niya. Ang clingy naman! 


Sumayaw na lang kami ni Luna. Nasa balikat ko ang mga kamay niya at ganoon din ako sa kaniya. We were swaying our hips to the music. 


"Attorney, inom pa! Hindi pwedeng uminom ang asawa mo kaya ikaw ang sasalo sa kaniya!" Hindi matigilan ni Adi si Kalix. 


"Kung ayaw niya, si Doc na lang!" sabi naman ni Leo at bumaling kay Cy na nakatakip na ng mukha gamit iyong invitation card. 


Grabe, sobrang gulo ng party. Hindi ko alam kung ilan na ang naiinom ko dahil kada lagok ko ay may panibagong dumadating. Naging unli shots bigla. Mabuti na lang talaga ay naka-check in kaming lahat sa hotel kaya convenient sa amin. Wala kaming pakialam kung malasing man. 


Sayaw na kami nang sayaw ni Yanna sa gitna habang si Via ay abalang pinapainom si Arkin doon dahil ayaw niya mag-shot. "May shooting nga bukas!" pagsisinungaling ni Arkin. Wala naman 'yang shooting dahil ang balita ko lalabas sila ni Sevi bukas para mag-basketball. 


"Gago, magba-basketball lang tayo bukas!" sabi naman ni Sevi.


"Shooting naman 'yon, ah?!" pagtatanggol ni Arkin sa sarili. 


"Ah, pota, talino mo, ah." Nag-apir pa silang dalawa. 


"Dami n'yong sinasabi. Just drink!" Tinaas ni Shan ang baso para ipa-chug si Sevi. "You first!" 


"Brother-in-law, please have mercy on me!" Nagmakaawa pa si Sevi. 


"Go, Kuya!" cheer ni Elyse. "Take him down!" 


Hindi ko na sila pinansin dahil pinainom na naman ako ni Sam. Nahihilo na nga ako pero sayaw pa rin ako nang sayaw. Nang mahinto ako ay saka ko lang na-realize na umiikot na ang paningin ko... pero uminom pa rin ako dahil celebration naman 'yon ni Luna! Dapat lahat ay masaya! 


"No one will go home sober!" sigaw ni Haze, kuya ni Hiro, at tinaas ang hawak na bote sa magkabilang kamay. Panibago na naman 'yon, ah?! Hindi ba sila nauubusan?! Nag-cheer naman ang lahat doon! 


Nagkaroon pa kami ng nakapilang shot ng tequila at iinumin lang gamit ang bibig. Nakalima siguro kaming sunod-sunod na ganoon. Wala na ako sa wisyo pagkatapos noon. Hindi ko na alam ang ginagawa ko o sinasabi ko. Pakiramdam ko ay wala na akong matatandaan kinabukasan. 


"I think you're already drunk." My vision was a blur but I could hear Shan's voice. Hindi ko rin alam kung paano kami biglang nagkausap. 


"Sino ka ba?" tanong ko. Kumurap-kurap ako para luminaw ang paningin ko. Nang makita ko siya ay natawa ako nang malakas. "Ah, ikaw! Tangina ka!" Tumawa ulit ako.


"Uh, I think you already had enough to drink." 


Hindi ko alam kung saan ako papunta pero naglakad ako at kumuha ulit ng isa pang shot. Iinumin ko na sana 'yon nang biglang natapon sa sahig at sa damit ko dahil may pumigil sa akin. Si Luna yata 'yon. Kumuha ulit ako ng isa pang baso at ininom, pero dahil sa lasa ay umakyat lahat sa lalamunan ko.


Automatic na may plastic sa harapan ko kung saan ako sumuka. Dinig ko pa rin ang kanta pero hindi ko na alam kung nasaang parte ako ng venue. 


May mga tumatawag sa akin pero hindi ko na rin alam kung sino mga 'yon. May humatak pa nga sa akin para magsayaw. Sumayaw-sayaw ulit ako kahit nahihilo na ako at ang sakit na ng ulo ko. 


"Gagi, Yanna, umiikot ka..." sabi ko sa kausap ko.


"Ke, si Via 'to," sabi niya sa akin. 


"Huh?" Kumunot ang noo ko. "Ano'ng sabi mo, Elyse?" Lumapit pa ako para marinig ko siya nang maayos. 


"Did someone call me?" 


"No, Sam. Walang tumawag sa 'yo!" Tinaas ko ang daliri ko.


"What? I'm Elyse!" 


"Ang pinsan ko, super lasing na! I-akyat n'yo na 'yan!" 


"Hindi pa ako lasing! No!" Nagwala ako roon nang sinubukan akong hawakan nina Sevi sa braso para maalalayan na nila ako pabalik sa room. Umiling-iling ako at umupo sa sahig para hindi nila ako mabuhat. 


Alam kong binuhat na ako ni Sevi pero gumalaw-galaw ako kaya napilitan siyang ibaba ako. Umiyak tuloy ako dahil ayaw ko pang bumalik sa room.


"Okay, hindi na. Huwag ka nang umiyak," sabi naman ni Sevi. 


"Gago ka kasi. Pinaiyak mo," rinig ko ang boses ni Arkin. 


"Ayaw ko nga umakyat, eh!" pag-iyak ko pa rin.


"Oh my gosh, Ke, your mascara!" Hindi ko alam pero narinig ko ang boses ni Sam. Lumapit yata siya sa akin at pinunasan ang luha ko, pati ang mga mata ko. "Hala, kumalat na... Wait, I'm fixing it!" 


"Sam, I think you're drunk, too." I heard Clyden's voice. 


"Love, I'm not drunk kaya! I'm super fine pa, oh!"


"You're wiping her with oil blotting sheets." 


Hindi ko na maintindihan ang mga nag-uusap sa paligid ko. Basta ay bigla na lang tumahimik at bigla na lang akong nakatulog.


Pagkagising ko, sobrang sakit ng ulo ko. Napaupo ako sa kama, pero agad ding tumakbo para hanapin ang C.R. dahil nasusuka ako. Lumuhod ako sa banyo at sumuka sa may bowl. Pagkatapos ay naghilamos ako at halos nakapikit pang bumalik sa kama. 


"Ah!" Napasigaw ako at nagising bigla nang makitang nakaupo si Shan sa sofa ng hotel room at walang suot na pang-itaas. I mean... Mayroon pero polo lang iyon na hindi nakabutones. "Bakit ka nandito?!"


"That's what I should be asking you. Why are you in my hotel room?" Tumaas ang isang kilay niya sa akin.

________________________________________________________________________________

:)

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top