Our Summer Clandestine
INILILIBOT ko ang paningin habang naglalakad kami ni Lola Ossy patungo sa palengke. Ito ang unang pagkakataon na rito ako sa probinsiya nila mama magpapalipas ng bakasyon. Lately kasi laging sinasabi ni Lola Ossy through video call na miss na miss niya na ako. Nagkikita lang kasi kami tuwing may okasyon. Kaya naman napagpasyahan kong ngayong summer ay rito magpunta sa Mindoro kung saan sila nakatira.
Ilang araw na ako rito at ngayon ko lang naisipang lumabas ng bahay. Wala naman kasi akong kakilala rito kaya nililibang ko lang ang sarili sa woodcraft shop ni Lolo Romeo. Pero noong sabihin sa akin ni lola kanina na isasama niya ‘ko sa pamimili sa ay mabilis akong gumayak.
Habang namimili si Lola ay kung saan-saan dumadapo ang paningin ko palengke. Nakuha ang atensyon ko ng isang lalaking namimili sa katabing tindahan. Pamilyar ang mukha at wari ko’y nakita ko na kung saan. Napatitig ako sa lalaking iyon at hindi naiwasang masdan ang kabuuan niya. May kapayatan ang katawan pero bumagay naman iyon sa tangkad niya na hula ko ay naglalaro sa anim na talampakan. Matangos ang ilong, kayumanggi ang kulay ng balat at maganda ang ngiti sa labi habang nakikipagbolahan sa ginang na tindera ng gulay.
Napaiwas ako ng tingin nang maglakad siya patungo sa tindahan kung nasaan kami ni lola. Tumirik ang kilay ko nang batiin niya si Lola at nagmano rito.
“Hindi po kayo sinamahan ni Lolo Romeo na mamili?” nakangiti at magalang nitong tanong.
“Apo ko ang kasama ko ngayon.” Lumapit sa akin si Lola kaya napalingon ang lalaki sa gawi ko. “Ito ang apo ko, si Reese,” nakangiting pakilala ni lola. “Siya 'yong sinasabi ko sa iyo na nag-aaral ng medisina sa Maynila.”
“Ah, siya po pala iyon.”
Tumikhim ako nang manatili ang titig niya sa akin. Nakangiti na para bang natutuwa na sa wakas ay nakilala niya ako, ganoon ang dating ng tingin na ipinupukol niya sa akin. Nailayo ko sa kanya ang tingin ko noong makaramdam ako ng pagkailang. Pero agad lang din na bumalik ang tingin ko sa kanya nang ipakilala siya ni lola.
“Si Milo, apo. Katu-katulong minsan ng lolo mo sa shop.”
Ah! Kaya pala pamilyar. Naaalala ko na ngayon na siya ‘yong minsan kong naabutan sa shop noong unang araw ko rito. Nagpaalam kay lolo na hindi muna makakapasok.
At ano? Milo? Kakatwang ang paborito ko pang inumin ang pangalan niya. Mukhang may bago na akong maiisip kapag iinom niyon.
Naglahad ng kamay si Milo. Masyado naman yata siyang pormal?
“Emilio Caballes, p’re. Pero Milo na lang,” natatawang aniya.
“Reese Cañete,” pakilala ko at tinanggap ang pakikipagkamay niya. Ilang saglit na nagtagal ang pagkakalapat ng mga palad namin habang nakangiti siya’t nakatitig sa akin. Pagkailang ang muli kong naramdaman kaya nang bumitaw siya ay mabilis akong tumalikod.
“O s’ya mauuna na kami, hijo.”
“Sige po, Lola Ossy. Mag-iingat po kayo.”
Nagbigay pa ako ng isang sulyap sa likuran habang naglalakad. Saktong nakatingin din pala si Milo sa akin kaya aksidenteng nagtama ang paningin namin. Pakiramdam mo ay para akong nahuli sa isang kasalanan at mabilis na humarap sa unahan. Pero napangiti dahil bago pa ako makatalikod muli ay nahuli ko ang pagkaway niya.
Inilibot kong muli ang paningin habang sumasakay kami sa tricycle. Pero hindi ko na siya nakita pang muli bago kami makaalis sa palengke nang araw na iyon.
“HILIG mo ba ang basketball, Reese? May liga ng basketball. Baka gusto mong manood para naman malibang ka. Magdadalawang linggo ka na rito pero wala ka pang napupuntahan,” ani lolo habang naghahapunan kami.
“Sige po, 'Lo. Sisilip po ako sa court.” Okay lang naman sa akin dahil marunong naman akong manood ng basketball.
“Malilibang ka roon, apo,” nangungumbinsing sabi pa ni lola.
Pagkatapos maghapunan ay naghanda ako para sa pagpunta sa court. Pinatungan ko lang ng jacket ang suot na white T-shirt. Pagkababa ko ng hagdan ay para akong tinulos sa kinatatayuan at napatitig sa lalaking nasa sala at nanonood ng T.V. Naka-white jersey uniform ito at maski ang suot na running shoes ay puting puti. Tumayo siya nang mamataan ako.
“Ready ka na? Tara, sabay na tayong pumunta sa court.”
Magsasama kami papunta roon? Bakit parang gusto kong umatras! Baka mapanis ang laway ko roon at hindi na kumilos ngayong alam ko na naroon din siya.
Bakit nga ba hindi ko naisip na pupunta rin siya roon? Oo nga’t nakuha niya ang atensyon ko roon sa palengke pero iba ang pagkailang ko ngayon sa kanya. Parang may nagwawala sa dibdib ko!
Hindi pa man ako nakakasagot kay Milo nang pumasok si Lolo sa bahay.
“Oh, nakagayak ka na pala, Reese. Pinadaan ko rito si Milo para may makasabay ka papunta sa court.”
“Tara?” nakangiting yakag ni Milo.
Napahinga ako ng malalim. Kahit ayaw ay wala akong nagawa kung ‘di sumabay nga sa kanya patungo sa court. Tahimik kaming naglalakad papunta roon. Nag-uumapaw ang pagkailang ko. Gusto ko man siyang kausapin pero hindi ko alam kung saan magsisimula. Maging siya ay hindi ako kinakausap pero panay ang sulyap sa akin na ilang ulit kong nahuli. Ngingiti lang naman siya kapag ganoon. Naririnig ko lang ang boses niya kapag may bumabati sa kanya.
“Dito ka na lang maupo para nasa likod lang kita. Sabay na tayong umuwi mamaya,” sunod-sunod na aniya.
“Sige pero bibili muna ako ng water. Nauuhaw ako, eh.”
“Huwag na. Ako na lang ang bibili. Maupo ka na riyan.”
Pagkasabi niya niyon ay lakad-takbo siyang umalis sa harapan ko at lumabas ng covered court. Hindi man lang hinintay ang sagot ko o makapagbigay man lang ng pambili. Pagkabalik ay may bitbit siyang dalawang bottled water at mga chips. Iniabot niya ang isang tubig sa akin at chips. Ang isang tubig ay inilagay niya sa gilid ko. Marahil para sa kanya iyon.
Team nila ang unang sumabak sa laro nang gabing iyon. Sa tangkad niya ay hindi na ako magtataka kung magaling siya sa basketball. Pero kulang ang salitang magaling para purihin siya. Maraming sumisigaw ng pangalan niya roon kaya napagtanto kong kilala na siya roon sa larangan ng basketball, o baka isa lang iyon sa dahilan at unang una roon ang taglay niyang kagwapuhan.
Nang makita ko siya sa palengke one week ago ay may kung ano’ng humatak sa puso ko. Nadagdagan iyon ng paghanga dahil sa maganda niyang ngiti. Ngayon naman ay paghanga sa galing niya sa paglalaro.
“Let’s go?”
Tumango ako at bumaba na ng hagdan.
“Next week na ang semi finals, ‘di ba?”
“Yep!”
“Good luck, Mr. MVP!”
Mahina siyang natawa sa sinabi ko. Eh, kasi naman wala pa man pero matunog na ang pangalan niya bilang MVP daw. Tiyak na raw iyon, ayon sa mga naririnig ko.
“Kapag naging MVP ako ibibigay ko sa ‘yo ang medal ko.”
Napipi ako’t tanging mahinang pagtawa lang ang nagawa.
Pagkatapos ng unang gabi ng panonood, naulit pa iyon nang naulit at gabi-gabi akong dinadaanan ni Milo para maisabay niya. Kapag walang laro ang team nila ay magkasama kaming nanonood sa ibang team. Unti-unti ay naging magaan ang atmosphere sa pagitan naming dalawa. Ipinakilala niya na rin ako sa mga kaibigan niya na kalaunan ay naging kaibigan ko rin. Araw-araw niya rin akong ipinapasyal. Mas na-enjoy ko ang pagbabakasyon dahil sa kanya.
“Gusto kong magtayo ng sariling engineering firm,” aniya nang mapag-usapan ang tungkol sa pangarap namin. Hating-gabi na pero narito pa rin kaming dalawa sa labas ng bahay at nakaupo sa tabing kalsada.
“Makakaya mo 'yon. May tiwala ako sa ‘yo, Milo.”
Mahina siyang natawa. “Pero baka matagalan pa. Ka-ga-graduate ko lang. Paniguradong katakot-takot muna ang dadanasin ko.”
“Okay lang kung matagalan, ang mahalaga ay matupad mo. 'Wag kang susuko hangga’t hindi mo naaabot ang mga pangarap mo. Mas mabuting nagawa mo ang best mo para wala kang pagsisisihan sa huli.”
Nakangiti siyang tumitig sa akin. “Ikaw rin, Reese. Alam kong hindi biro ang pagdo-doktor pero huwag ka ring susuko.”
“Hindi talaga! Ilang taon na lang ang bubunuin ko.” Maginhawang buntong-hininga ang pinakawalan ko. Naiimagine na ang sarili na nakasuot ng white gown at ganap ng isang doktor.
“Dapat libre checkup ako sa ‘yo, ha?”
Matunog akong ngumiti. “At dapat gano’n din ako sa firm mo.”
“Sure, sure,” mayabang na aniya.
“Pero ayokong maging pasyente ka, ‘no!”
Nangunot ang noo niya. “Bakit naman?”
“Syempre ayokong magkasakit ka. Loko ka ba?”
Natatawa siyang tumango. “Oo nga. Bakit nga ba hinihiling kong maging pasyente mo.”
Masarap maging kaibigan si Milo. Mahilig siyang magbiro kaya tawa ako nang tawa ‘pag kasama siya. Maalaga siya na tipong hindi niya hinahayaang gumala kami na hindi ako naipagdadala ng pagkain at tubig. Minsan pa nagugulat na lang ako kapag pinupunasan niya ako ng pawis kapag nag jo-jogging kami sa umaga. Tinuruan niya rin ako sa pagka-craft, kahit nga sa pagbabasketball. Kapag nasa bahay lang kami ay sapat na na tahimik kaming nakikinig ng musika.
Sa ilang linggong pagkakalapit namin ay unti-unting lumalambot ang puso ko para sa kanya. May pagkakataong hindi ko napipigilan ang sariling titigan siya kapag hindi siya nakatingin sa akin o kapag natutulog siya sa tabi ko. Minsan ay pinapangarap ko na sana ang mga kantang inaawit niya ay para sa akin. Madalas ko pang lokohin ang sarili na ang pag-aalaga at mga kakaibang titig niya ay may kahulugan.
Ang sarap mangarap. Ngunit may mga bagay na hanggang pangarap na lang. Hindi ko magawang ipakita o sabihin sa kanya ang nararamdaman ko. Iyon ay dahil ayokong masira ang pagkakaibigan namin. Ayokong pandirihan niya ako at iwasan kapag nalaman niya na ang isang tulad ko ay may pagtingin sa kanya. Ayokong malaman niya ang katotohanan tungkol sa pagkatao ko.
Pero ang mayroon kami ay biglang nagbago. Alas dyis ng gabi noon at nasa labas kami ng bahay nila lola. Kauuwi lang namin galing sa pagtambay sa isang convenience store nang sabihin niya ang mga katagang iyon.
“A-Ano’ng sabi mo?” Nanlalaki ang mga mata at hindi makapaniwalang tanong ko. Pilit isinisiksik sa isip ang sinabi niya.
“I like you, Reese.”
Lalo akong napanganga nang ulitin niya iyon. Mas malinaw kaysa sa nauutal na boses niya kanina. Sa sayang nararamdaman ay gusto ko siyang lapitan at yakapin ngunit hindi ako makakilos at maski paghinga ay nilalayuan ako. Hindi ako makapaniwalang naririnig ko sa kanya ang mga katagang iyon na matagal kong pinangarap na marinig sa kanya kahit pabiro man lang.
“P-pero pareho tayong lalaki, Milo," paalala ko. Baka kasi nabibigla lang siya. Paano kung mali ang nararamdaman niya?
Ang isang dipang layo niya sa akin ay binawasan niya. Nang sapat na ang layo sa akin ay inabot niya ang magkabilang pisngi ko. Hinahaplos iyon habang ang mga mata niya ay nakatitig sa akin
“I like you so much, Reese, and I want to be with you. Aaminin kong naguguluhan ako noong una dahil ngayon lang ako nagkagusto sa kapwa ko lalaki pero masyadong malakas 'to, Reese. Kahit anong tulak ko ayaw lumayo. Kahit anong taboy ko pilit kumakapit. Gusto kong kalimutan ang takot at sumubok. Sana ay tanggapin mo ako, Reese,” may pagmamakaawa ang boses niya.
Tuwa at takot ang nararamdaman ko noong mga oras na iyon. Tuwa dahil sa wakas ay pareho na kami ng nararamdaman. Pero natatakot sa katotohanang ang katulad namin ay hindi tanggap sa lipunang ito. Natatakot akong mahusgahan kami ng mga tao, lalo na siya. Pero handa akong tumaya at sumugal.
“I like you too, Milo!”
Napanganga siya. Nakita ko ang pamamasa ng mga mata niya bago ako yakapin. Parang hinahaplos ng mainit na palad ang puso ko. Ibang gaan ang hatid ng yakap niyang iyon.
“P-pero pwede bang ilihim muna natin ito?”
Mabilis siyang kumalas.
“Why?” kunot-noong tanong niya.
“Nag-aaral pa ako at wala pang napapatunayan sa pamilya ko, Milo. Hindi nila alam na ganito ako. Hindi ko gugustuhing ma-dissapoint sila. S-Sana maintindihan mo ako.”
Kita ko sa itsura niya na marami siyang gustong sabihin ngunit tanging tango ang ibinigay niya sa akin. Mas lumapit pa siya. Matamis na ngiti ang sumilay sa labi ko nang maramdaman muli ang init ng yakap niya.
Simula nang araw na iyon ay mas nakilala namin ang isa’t isa. Mula sa kaliit-liitang bagay tungkol sa aming dalawa ay hindi namin pinalampas na hindi sabihin sa bawat isa. Ang pag-aalaga noon ni Milo ay mas dumoble. Ramdam na ramdam ko rin ang pagmamahal niya sa bawat yakap, titig at halik niya sa akin. Nag-uumapaw ang saya sa puso ko.
“Kailan mo pa 'ko nagustuhan?” tanong ko. Magkaharap kaming nakahiga sa kama niya. Nakapulupot ang mga braso niya sa bewang ko. Hinaplos ko ang pisngi niya habang matamang nakatitig sa gwapo niyang mukha.
“Akala ko gusto lang kitang maging tropa noong unang beses kitang nakita sa palengke,” natatawang panimula niya. “Pero noong nakakasama na kita napansin kong ang sarap titigan ng ngiti mo at ang sarap marinig ng tawa mo. Gusto kitang alagaan. Gusto kong lagi kang nakikita at nakakasama. Hanggang sa ma-realize ko na gusto kita higit pa sa pagkakaibigan.” Humigpit lalo ang yakap niya. “I like you as Reese the Manila boy.” Natawa siya sa huling sinabi. Maging ako ay natawa roon dahil madalas niya akong tawaging niyon.
“Sa palengke, did you notice that I’m… gay?”
Naramdaman ko ang paghagod ng daliri niya sa likod ko. Sumusulat ng mga salitang madalas niya ring sabihin. I love you.
“Yeah, alam ko na simula pa noon. Ikaw, kailan nag-umpisa?”
“Sa palengke.”
Matunog ang ngisi niya. “Love at first sight?"
“Ganoon nga siguro. Ang gwapo mo, eh,” nakangisi kong tukso at marahang pinisil ang pisngi niya.
Dinampian niya ako ng halik sa labi. “Salamat sa pagdating sa buhay ko, Reese. Dahil sa ‘yo napatunayan kong walang imposible sa pag-ibig. I love you, Reese ”
Nag-init ang mga mata ko at parang may bumibikig sa aking lalamunan. Naramdaman ko na lamang ang pag-agos ng mainit na luha sa aking pisngi na agad niyang pinahid. Nag-uumapaw ang saya sa puso ko dahil sa mga sinasabi niya. Noon pa man ay gusto ko ng marinig iyon mula sa isang taong mamahalin ako sa kung sino ako. At ngayong naririnig ko iyon mula kay Milo, labis-labis ang pasasalamat ko sa Kanya dahil dinala Niya sa buhay ko si Reese.
“Gusto ko nang dumating ang araw na makakaya kong ipagsigawan sa buong mundo na ikaw ang mahal ko,” luhaan kong ani.
“Hihintayin ko ang araw na iyon at sabay nating gagawin. I love you, Reese.”
“I love you too, Milo.”
ANG dalawang buwang bakasyon ay mabilis na lumipas. Ang isang buwang relasyon namin ni Milo ay kinailangan naming putulin dahil pareho naming ayaw na umasa ang isa’t isa. Parang milyong patalim ang tumutusok sa puso ko. Napakasakit pero buong puso naming ginawa iyon.
“Kung may darating na tao na mamahalin mo at mamahalin ka ng tapat ay okay lang, Reese. Hayaan mo ang sarili mong maging malaya sa pag-ibig.”
Sa pag-alis ko sa lugar na iyon ay baon ko ang masayang alaala ng summer na iyon at nakatanim sa aking puso ang pagmamahal ni Milo. Kasabay ng paghiling na sana ay magkita kaming muli.
Lumipas ang maraming taon at isa na akong ganap na doktor. Noong nakaraang taon lamang ay nalaman ng mga magulang ko ang tungkol sa pagiging bakla ko. Nalaman nila iyon mula kina Lola Ossy. At ni wala akong kaide-ideya na alam pala nila ang nakaraan namin ni Milo dahil inamin daw nito sa kanila ang tungkol doon pagkauwi ko noon. Handa na sana akong harapin ang galit ng mga magulang ko pero walang nangyaring ganoon.
“Mahal ka namin, anak. Kung saan ka man mas magiging masaya ay susuportahan ka namin,” umiiyak na ani mama nang gabing iyon.
“Walang mali sa iyo, Reese. Huwag na huwag mong ikahihiya kung ano ka,” ani papa na nakapagpahagulgol sa akin.
Natupad ko na ang pangarap kong maging doktor at matanggap nila mama at papa. Isang hiling na lang at ako na yata ang magiging pinakamasayang tao sa mundo. Umuwi ako sa Mindoro ilang linggo matapos ang pag-uusap naming iyon ng mga magulang ko. Ngunit hindi ko siya natanggpuan doon sa loob ng dalawang linggong pananatili ko roon.
“Nasa Manila na siya, Reese, dahil naroon ang firm niya,” ani Roldan—ang bestfriend niya.
Kung ganoon ay natupad niya ang pangarap niya. Labis ang saya ko para sa kanya.
Umuwi ako ng Maynila na bigo pero may baong pag-asa sa puso. Pag-asa na muli kaming magkikita. Na muli kaming pagtatagpuin. At sa itinakda nga ng Diyos na pagkakataon, ilang buwan lang simula noong makauwi ako mula sa Mindoro ay nakita ko siyang muli. Pareho kaming nakatayo sa pinto ng simbahan ng Quiapo. Palabas siya samantalang papasok naman ako.
Sumilay ang matamis na ngiti niya habang nakatitig sa akin. “Long time no see.”
Matagal akong nakatitig sa kanya. Hindi makapaniwalang nasa harap ko na siya ngayon. Ang aking MVP.
“Yeah. It’s been... five years.”
Ilang minuto siyang nakatitig lang sa akin. Mayamaya ay dahan-dahan siyang naglakad palapit sa akin. “Ikaw pa rin, Reese. Ako pa rin naman, hindi ba?” buong pagsusumamong tanong niya.
Isang patak ng luha ang umalpas sa mga mata ko hanggang sa nagmistulang ulan iyon. Bumalik sa aking alaala ang pangako namin sa isa’t isa na kung magkikita kaming muli at may nararamdaman pa rin sa isa’t isa ay magiging matapang kaming ipagpatuloy ang pagmamahalan namin.
Kanina noong makita ko siya naisip kong baka may iba na siyang mahal. Buong puso ko ‘yong tatanggapin at magiging masaya para sa kanya. Okay lang sa akin. Handa akong magparaya dahil ang mahalaga ay ang kasiyahan niya. Pero ngayong narinig ko ang mga katagang iyon mula sa kanya, ang saya sa puso ko ay hindi maihahambing sa sayang naramdaman ko sa mga nakalipas na taon. Nag-uumapaw iyon sa puso ko.
“Reese,” kinakabahang tawag niya sa pangalan ko. Naroon ang lungkot sa mga mata niya kaya mahinang tawa ang kumawala sa bibig ko.
“Ikaw pa rin, Milo.”
Nakita ko ang pagpatak ng kanyang mga luha. Mabilis niya akong niyakap. Mahigpit at para bang ayaw na akong pakawalan pa. Habang magkayakap tahimik akong nagpapasalamat sa Diyos dahil muli Niya kaming pinagtagpo ni Milo at alam kong hindi na muling magkakalayo pa.
WAKAS
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top