Kabanata f(x - 7)
[Kabanata 7]
Our Asymptotically Love Story
( page 28 - 46 )
Ikatlong Kabanata:
Filipinas 1688
"Lumeng" tawag ni Fidel dahilan para mapatingin muli sa kaniya si Salome.
"A-ano po iyon Senor?" maagap na tugon ni Salome, ginagawa niya ang lahat upang hindi mahalata ni Fidel ang kaba na pilit niyang tinatago sa kaniyang loob.
"Marahil ay mahalaga ang iyong patutunguhan dahilan upang magpabasa ka sa ulan ng ganiyan" tugon niya, Natauhan muli sa Salome nang maalala na kailangan na pala ng kaniyang ama ang gamot na dala niya.
"I-ipahpaumanhin niyo po Senor ngunit kailangan ko na pong tumuloy----" hindi na nagawa pang magsalita ni Salome dahil biglang may payat na matandang lalaki ang kumakaripas ng takbo papunta sa kanila. hawak-hawak nito ang sumbrerong nasa ulo na gawa sa banig.
"Senor Fidel! Senor Fidel! Pasensiya na ho, hindi na makakapagbiyahe pa ang aking anak dahil inaatake na naman ho siya ng hika kung kaya't ako na lamang po ang papalit muna sa kaniya ngayon" ani ng matandang lalaki. Agad namang nagbigay galang si Salome sa matanda at binati ito nang makilala niya na ito ay si Mang Berto.
"Magandang hapon po Mang Berto"
Gulat namang napatingin sa kaniya si Mang Berto at napatingin ito kay Senor Fidel, "S-salome... Ano ang iyong ginagawa rito sa labas? sa gitna ng ulan" nagtatakang tanong ni Mang Berto, balak niya muling tingnan si Fidel ngunit nangangamba siya na baka mahalata nito ang paghihinalang nabubuo sa utak niya.
"N-nasugat daw po ang binti ni itay ngayon habang binabaybay nila ang ilog tangis, kung kaya't ako po paparoon sa kanila upang dalhin ang gamot na ito" nag-aalalang tugon ni Salome habang yakap-yakap ng mahigpit ang palayok na dala-dala niya, at ang coat na iniabot ni Fidel ay nakasabit sa kaliwang braso niya.
Gulat namang napatingin si Fidel sa kaniya, "Mahalagang maihatid ang gamot na iyan sa iyong ama" tugon nito at bakas din sa mukha nito ang pagkabigla at pag-aalala. "Mang Berto, maaari na bang makatakbo ang kabayo?" tugon pa nito, agad namang nagtungo si Mang Berto sa kalesa na nakaparada sa likod ng puno ng Malabulak. Marahan niyang hinila ito, noong una'y pumiglas pa ang kabayo ngunit nang maglaon ay sumunod na rin ito.
"Maaari na ho Senor" tugon ni Mang Berto, Humakbang naman si Fidel papalapit kay Salome "Maaari ba?" tanong nito at akmang kukunin ang palayok sa yakap-yakap ni Salome, Nagitla naman ang dalaga at napayuko ito dahil sa hiya, marahan naman niyang iniabot ang palayok kay Fidel at nag-iingat silang dalawa na hindi magdikit ang kanilang mga daliri. Dahil hindi nararapat na magdikit ang kanilang mga balat lalo na't sila'y dalaga't - binata na, at bukod doon ay may ibang tao na nasa paligid nila.
Nang makuha na ni Fidel ang palayok kay Salome na naglalaman ng katas ng bayabas ay inilagay niya ito sa katapat na upuan ng kalesa. Bago pa makaangal si Salome ay nagsalita na ang binatang Kastila. "Marapat lamang na madala mo na ang gamot na ito sa iyong ama sa lalong madaling panahon" tugon ni Fidel at bumaba na ito sa kalesa nang mailagay na niya ng maayos ang palayok rito.
"N-ngunit S-senor---"
"Mang Berto, ihatid mo na muna si Lumeng sa kaniyang ama sa ilog tangis" patuloy pa ni Fidel, "H-hindi ho ba kayo sasama Senor?" gulat na tanong ni Mang Berto, napailing naman si Fidel.
"Ang kalesang ito ay maliit lamang, makakasikip lamang ako kung sasama pa ako" sagot ni Fidel at ngumiti ito ng bahagya. "Ngunit Senor, inyo ho ang kalesang ito, hindi po namin dapat gamitin ito" patuloy pa ni Mang Berto. Napatingin naman si Fidel sa kaniya saka nito ibinaling ang kaniyang mga mata kay Salome, Napangiti naman siya nang makita na yakap-yakap na ni Salome ng mahigpit ngayon ang coat na pinahiram niya rito.
"Ang mahalaga ngayon ay malapatan ng lunas ang ama ni Salome" tugon nito sabay sulyap kay Salome na ngayon ay nakatitig sa kaniya "Hindi ba't kasama ng iyong ama ang iyong nakatatandang kapatid? Hindi na tayo magkakasiya lahat sa kalesang iyab kung kaya't kayo na lamang ang tumuloy" patuloy pa ni Fidel. Nanlaki naman ang mga mata ni Salome dahil sa sinabi ng binata.
Paano niya nalaman na magkasama ang aking itay at kuya?
Biglang naalala ni Salome na kaninang umaga lang ay nahuli niyang nakamasid si Fidel sa kanila habang nagpapahangin ito sa balkonahe sa ikalawang palapag ng mansyon. Hindi niya akalain na maaalala pa ni Fidel ang bagay na iyon.
"Ngunit paano po kayo Senor? Delikado---" Hindi na natapos ni Mang Berto ang sasabihin pa niya dahik agad nagsalita si Fidel.
"Ako'y ayos lamang... Malapit na ang hacienda mula rito" tugon ni Fidel, Napatingin naman si Mang Berto at Salome sa mansyon na natatanaw na, halos pitumpung metro na lamang ang layo ng hacienda mula sa kinatatayuan nila. Napagtanto ni Salome na hindi pa pala malayo ang kaniyang itinakbo, at napakalayo pa ng ilog tangis at aabuti pa siya ng halos isang oras bago makarating doon kung siya ay tatakbo lamang
"Sige na, kayo'y humayo na" dagdag pa ni Fidel, humakbang naman si Salome papalapit sa binatang kastila ay nagbigay galang dito "M-maraming Salamat po Senor" tugon niya, sa pagkakataong iyon ang salitang kaning sinambit ay hinugot niya mula sa kaniyang puso, ang Pagpapasalamat na iyon ay punong-puno ng sinseridad. Sinseridad na naramdaman niya dahil sa kabutihang loob na pinamalas sa kanila ni Fidel, na kung iisipin ay isang purong kastila na dahilan ng kanilang paghihirap at pagkakagulo sa bayang pinagmulan nila.
Tanging ngiti na puno rin ng sinseridad ang isinukli ni Fidel kay Salome. bagay na para kay Salome ay isang kayamanan. Tumango na si Mang Berto kay Fidel at inalalaya si Salome paakyat sa kalesa. Nang makasakay na sila roon ay biglang nakaramdam ng ginaw si Salome dahil sa pagihip ng hangin kung kaya't ipinatong na niya sa kaniyang balikat ang coat na binigay ni Fidel.
"Sa wakas tumila na ang ulan" tugon ni Fidel at napangiti ito habang nakalahad ang palad sa ere upang saluhin ang tubig ulan na ambon na lamang ngayon. Napatingin muli si Mang Berto sa kaniya, nagpaalam muli ito at sinimulan nang patakbuhin ang kabayo.
Sa huling pagkakataon ay napalingon si Salome kay Fidel na ngayon ay nakatanaw sa kaniya habang ang kalesang sinasakyan niya ay papalayo ng papalayo, ilang sandali pa ay natanaw niyang tumalikod na ang binata at sinimulan na nitong maglakad patungo sa kabilang direksyon.
Mabilis na pinatakbo ni Mang Berto ang kalesa, isinuot na ni Salome ang coat upang hindi ito liparin ng hangin na sumasalubong sa kanila. Niyakap niya muli ang palayok dahil masyadong maalog ang kalesa. Lumipas lang ang dalawampung minuto ay narating na nila ang ilog tangis. Namataan nila na nakasandal sa isang malaking puno ng Mahogany si tay Isko habang hinihila ni Ernesto ang maliit nilang bangka paakyat sa damuhan sa gilid ng ilog. "Itay! Itay!" sigaw ni Salome, kahit pa hindi siya sumigaw ay natanaw na sila ni tay Isko at Ernesto malayo pa lang dahil umaalingangaw sa paligid ang yapak at hiyaw ng kabayo.
"Salome!" sigaw pabalik ni Ernesto at agad itong kumaripas ng takbo papasalubong sa kanila. Hanggang sa tulay ng ilog tangis lang makakarating ang kalesa dahil bako-bako na ang daan pababa sa gilid ng ilog. "Kuya! ito ang gamot para kay itay" diretsong tugon ni Salome sabay abot ng palayok na iyon kay Ernesto at agad siyang lumundag pababa sa kalesa at sumunod sa kaniyang kuya na tumatakbo na pabalik sa kinaroroonan ni tay Isko upang dalhin ang gamot. agad namang itinali ni Mang Berto ang kalesa sa gilid ng tulay na gawa sa kahoy at sumunod sa kanila.
"Itay! Humanda po kayo, hihilahin ko na po kahoy" tugon ni Ernesto at bakas na bakas sa mukha nito ang matinding pangamba sa gagawin. Nanlaki naman ang mga mata ni Salome nang masaksihan ang halos dalawang dangkal na haba ng kahoy na bumaon sa binti ng kaniyang tatay. Halos lumubo na ang balat nito sa binti at nangingitim na rin dahil sa namumuong dugo sa loob. Hindi naman sumisirit ang kaniyang dugo dahil nakabaon pa ang kahoy sa kaniyang binti.
"G-gawin mo na anak" nanghihinang tugon ni tay Isko, at napasigaw ito sa sakit nang hugutin na ni Ernesto ang nakabaong kahoy sa kaniyang binti. Dahan-dahang ibinuhos ni Ernesto sa dumudugong sugat ni tay isko sa binti nito ang mainit pang katas ng bayabas. Agad hiubad ni Ernesto ang kaniyang damit pang-itaas at ibinalot niya iyon sa malaking sugat ni Mang Ernesto.
"Mas makabubuti kung dalhin na natin si Isko sa inyong tahanan at doon na lamang ipagpatuloy ang panggagamot, dahil nagbabadya muli ang pagbagsak ng malakas na ulan" tugon ni Mang Berto, napatingala naman si Salome sa kalangitan at agad sumang-ayon kay Mang Berto dahil sobrang kulimlim ng langit.
Agad na nagtulong-tulong sa pagbuhat kay tay Isko sina Mang Berto at Ernesto. Samantala maluha-luhang binitbit naman ni Salome ang balde, pamingwit at palayok na dala-dala nila. "Isa... Dalawa... Tatlo" bilang pa ni Ernesto at sabay nilang pinuwersa ang mga braso nila upang maisakay nila paakyat sa kalesa si tay Isko. Tama nga si Fidel, maliit lang espasyo ng kalesa na hanggang tatlong tao lamang ang kakasya sa loob bukod pa sa kutsero na nasa harap.
Napasigaw si tay Isko dahil naunat ang kaniyang binti, Agad namang hinigpitan ni Ernesto ang pagkakatali ng kaniyang damit sa binti ng kaniyang ama upang hindi na patuloy pang dumaloy ang dugo nito. Iniabot naman ni Ernesto ang kaniyang kamay at hinila papataas si Salome para makasakay na rin ito. Nang maayos na ang lahat, Agad pinakaripas ni Mang Berto ang pagpapatakbo sa kabayo.
Bawat segundong lumilipas habang sumasalubong ang matatalim na patak ng ulan at malakas na hampas ng hangin ay parang isang malaking balakid sa kanilang paroroonan.
Pagdating sa barrio Tagpi, napadungaw ang mga tao sa kani-kanilang bintana at pintuan upang silipin kung sino ang paparating, Bihira lamang sila makakita ng kalesa dahil halos lima lamang ang bilang ng kalesa dito sa San Alfonso sa panahong ito. Kung kaya't laking gulat nila nang makita na ang pamilya Aguantar ang nakasakat sa kalesang iyon na pag-mamayari ng mga Montecarlos. Agad na sinalubong si Mang Berto ng kaniyang asawa at takot na takot ito dahil noong una'y inakala nila na ninakaw nito ang kalesa mula sa hacienda. Mabuti na lamang dahil nakapag-paliwanag agad si Mang Berto habang ang iba pa nilang kababayan ay tulong-tulong na ibinaba si tay Isko sa kalesa.
Agad na ipinasok si tay Isko sa kanilang tahanan at inihiha siya sa papag na malapit sa kusina na tinutulugan ni Danilo. pilit na pinapatigil ni Ernesto ang pagdurugo ng malalim na sugat ng kaniyang ama.
Napayakap na lamang si Salome sa kaniyang ate Felicidad, yumakap din sa kanila ang umiiyak na si Julio habang si Danilo naman ay hindi na mapakali sa pagbabalik panaog dahil sa mga kailangang gamit na inuutos ni Ernesto. Wala ngayon si Nay Delia, naiwan ito sa hacienda Montecarlos dahil masama ang pakiramdam nito. Sinabi ni Manang Estelita na papakiusapan na lamang niya bukas kay Senor Fidel na mahiram ang kalesa upang makauwi muna si Nay Delia at maalagaan ang asawa nito.
Halos lahat ng kanilang ka-barrio ay nakadungaw ngayon sa kanilang mga bintana at nagsisiksikan sa kanilang pintuan upang mapasaksihan ang mga pangyayari. Sa huling pagkakataon ay napasigaw muli si tay Isko nang makuha na ni Ernesto ang pinakahuling maliit na kahoy na bumaon sa kaniyang laman, matapos nito ay unti-unti nang tumigil ang pagdurugo ng kaniyang sugat.
Agad namang lumapit si Julio sa kaniyang tatay Isko. Nakahinga naman ng maluwag ang lahat nang mapangiti na si tay Isko, senyales na nahimaamasan at maayos na ang pakiramdam nito.
Maluha-luha namang yumakap si Salome sa kaniyang itay at bunsong kapatid na magkayakap na ngayon, sumunod na yumakap na rin sa kanila sina Felicidad, Danilo at Ernesto. Doon lamang nila napagtanto ang kakaibang suot ni Salome, ang coat ni Fidel.
Mabuti na lamang dahil nag-alisan na ang kanilang mga ka-barrio na naki-usyuso kanina, nagsimula na rin kasing bumuhos ng malakas muli ang ulan kung kaya't patakbong nagsibalikan na ang mga tao sa kani-kanilang tahanan.
"Lumeng... Saan mo nakuha ang mamahaling kasuotang iyon?" nangangambang tanong ni Felicidad kay Salome sabay turo doon sa coat na maayos na nakatupi sa gilid ng mesa sa salas. Hindi pa iyon nalalabhan ngunit lubos na pinaka-iingat-ingatan ni Salome, kasaluluyan silang kumakain ngayon ng hapunan, at nag-iisang gasera lamang ang nagbibigay liwanag sa kanilang munting tahanan. Hindi man sabihin ni Felicidad ng diretso ang nais niyang sabihin batid naman nilang lahat na nangangamba si Felicidad dahil baka ninakaw ni Salome ang coat na iyon sa hacienda.
"I-ipinahiram ito sa akin ni Senor Fidel kanina" nakayukong sagot ni Salome at naramdaman niya ang biglaang pag-init ng kaniyang pisngi. Nanlaki naman ang mata nilanf lahat, mabuti na lang dahil hindi nila ngayon kasalo sa hapag si tay Isko dahil nagpapahinga na ito sa kwarto.
"B-bakit naman----" Hindi naman na natapos ni Danilo ang sasabihin niya dahil nagsalita na si Roselia, kasalo rin nila ngayong gabi sa hapag sina Ernesto at Roselia dahil wala si Nay Delia na gagabay sa magkakapatid na Aguantar.
"Si Senor Fidel ay sadyang napakabuting Ginoo, Pantay-pantay ang trato niya sa lahat at kailanman ay hindi iba ang tingin niya sa mga Pilipino" Tugon ni Roselia, dahilan para sandaling maghari ang katahimikan sa lahat.
"Madalas bumisita si Senor Fidel dito sa San Alfonso mula nang dumating siya dito sa Pilipinas, kung kaya't matagal na namin siyang kilala bilang isang matulungin at mapagmalasakit na Kastila" patuloy pa ni Roselia na naging sanhi ng mas lalong katahimikan.
"Nawa'y huwag niyo sanang pagdudahan ang kabutihang pinapakita ni Senor Fidel kay Salome, naniniwala ako na walang ibang ibig sabihin anv kabutihang pinapamalas niya kay Lumeng... Hindi ba Lumeng?" tugon pa ni Roselia, Nanlaki naman ang mga mata ni Salome nang tanungin siya ni Roselia. Mas lalo pa siyang kinabahan dahil nakatingin na silang lahat sa kaniya.
"T-tama ka po ate Roselia... S-sadyang mabait lang po si Senor Fidel sa lahat" Tugon ni Salome, Ngunit kakambal ng mga salitang binitiwan niya ay parang may kung anong kirot siyang naramdaman sa kaniyang puso.
Marahil ay likas lang talaga kay Senor Fidel ang pagiging mabait... at isa lamang ako sa mga taong nais niyang tulungan.
Hatinggabi na ngunit hindi pa rin makatulog si Salome kung kaya't bumangon siya sa higaan nila ni Felicidad at naupo sa maliit na mesa na nakaharap sa bintana ng kanilang silid. Sinindihan niya ang isang kandila na halos isang daliri na lamang ang laki at itinindig niya iyon sa gilid ng mesa. Binuksan din niya ng kaunti ang bintana at pinagmasdan ang pagbuhos ng ulan.
Malakas ang buhos ng ulan na naghahatid din ng kakaibang lamig. Naaninag niyang nagtaklob ng kumot si Felicidad dahil pumasok ang lamig sa kanilang silid. Napangiti na lamang si Salome sa kaniyang sarili dahil hindi nagreklamo sa kaniya ang kaniyang ate Felicidad at hinayaan lang siya nito.
Ibinaling na ni Salome ang kaniyang mga mata sa labas ng bintana at lumapit pa doon, inilahad niya ang kaniyang palad tulad nang ginawa ni Fidel upang saluhin ang patak ng mga ulan. Hindi maipaliwanag na saya at ligaya ang nararamdaman ngayon ni Salome habang ang sinasalo ang mga patak ng ulan sa kaniyang palad.
Sa pagkakataong iyon, batid ni Salome na iyon ang unang beses na nakaramdam siya ng pambihirang ligaya sa puso, Muli ay napatingala siya sa kalangitan habang patuloy pa rin ang pagbagsak ng ulan.
Nagpapasalamat ako dahil umulan
Mula ngayon ang puso ko at ang ulan ay mayroon nang ugnayan
Kinabukasan, naalimpungatan sila nang marinig ang kalesang paparating at tumigil ito sa tapat ng palayan na patungo sa kanilang tahanan. Agad na napangiti si Salome nang makita na ang kaniyang inay ang lulan ng kalesang iyon, kasama si Manang Estelita at Mang Berto. May dala-dalang mga lutong ulam at prutas sina Manang Estelita, Agad naman silang tinulungan ni Danilo at batang si Julio sa pagbitbit ng mga prutas at pasalubong.
Samantala, inakay at inalalayan naman ni Felicidad at Salome sina Nay Delia at Manang Estelita papunta sa kanilang tahanan. Pagdating roo'y hindi na nag-aksaya pa ng oras si Nay Delia at agad siyang nagtungo papunta sa kanilang silid kung nasaan nagpapahinga ngayon si Tay Isko. naabutan niyang tintulungan ni Ernesto magbihis si Tay Isko ng pang-itaas na damit.
Agad na yumakap si Nay Delia at maluha-luhang nagpasalamat sa Diyos dahil maayos na ang kalagayan ng kaniyang asawa. Nasa tapat naman ng pinto nakatayo ang magkakapatid kasama si Manang Estelita upang magpasalamat sa kanila.
Naikwento rin ni Tay Isko kay Nay Delia ang buong pangyayari, Ayon kay Tay Isko bigla raw lumakas ang ulan habang nasa gitna sila ng lawa ng luha, hindi naman sila makasagwan papunta sa gilid ng lawa dahil humahampas ang mga tubig sa gilid nito. Kung kaya't sinundan na lang nila ang agos sa ilog tangis hanggang sa makadaan sila sa tulay ng San Alfonso, agad silang humawak sa isang bakawan sa gilid ng ilog, nauna namang bumaba si Ernesto upang itali ang bangka upang hindi ito tangayin ng agos ngunit sa kasamaang palad nang isampa na ni Tay Isko ang kaniyang paa sa pampang bigla namang lumakas ang agos dahilan para gumewang-gewang ang bangka at natumba si Tay Isko, tumama ang kaniyang binti sa dulong bahagi ng bangka na sira na at matalim.
Mabuti na lang dahil saktong napadaan si Manang Estelita kasama si Piyang, galing sila sa bayan, at tanging malalaking dahon lamang ng saging ang pinangtaklob nila sa kanilang ulo habang tinatahak ang daan papunta sa hacienda Montecarlos.
Matapos ang tanghalian, naatasan si Salome, Ernesto at Danilo na magtungo sa bayan upang bumili ng gamot na leblon para sa sugat ng kanilang ama. Mabisa raw ito upang madaling maghilom ang pamamaga ng sugat. Bumalik naman na sa hacienda Montecarlos si Manang Estelita dahil baka kailanganin ni Fidel ang kalesa, inihatid ni Manang Estelita na pinahintulutan ni Fidel na manatili muna si Nay Delia sa barrio Tagpi ng isang linggo upang alagaan ang asawa nito. Ngunit si Salome ay kailangan nang bumalik sa hacienda mamayang hapon bago magtakipsilim.
Ang barrio Tagpi ay ang pinakamalapit na barrio sa bayan ng San Alfonso ngunit dinala ni Ernesto ang kaniyang alagang kalabaw upang may taga-hila ng kaniyang mga bibilhin sa palengke para sa tahanan nila ni Roselia.
Mabuti na lamang dahil tumila na ang ulan kanina pang umaga kung kaya't hindi na sila mahihirapan pa sa kanilang paglalakbay. Maaliwalas na ang kalangitan ngunit ang lupa at daan ay basa pa rin. Bumababa sila sa kalabaw sa tuwing dadaan ito sa putikan dahil nahihirapan ang kalabaw sa paghakbang. Inabot rin ng isang oras bago nila narating ang bayan.
Sinikap naman ni Salome na hindi marumihan ang kaniyang simple at walang kadating-dating na baro't saya dahil pagkatapos nila mamalengke ay diretsong ihahatid na siya ng kaniyang kuya Ernesto sa hacienda Montecarlos. Naka-pusod ang kaniyang buhok sa likod dahilan para lumitaw ang makinis at maputi niyang batok. Sa isang tingin ay mapagkakamalang anak ng mayaman si Salome ngunit ang kaniyang baro't-saya na simple lamang at walang kabuhay-buhay ay isang patunay na nabibilang siya sa mga tagapagsilbi.
Agad na bumaba si Salome sa kalabaw nang marating na nila ang bayan, nakita na niya ito noong nakaraang araw ngunit ngayon niya lang napagtanto na sadyang napakaganda ng simbahan ng San Alfonso na tinatayo pa lamang ngayon. napakaraming trabahador na tulong-tulong sa pagtatayo ng simbahan habang sa kabilang banda naman ay matatanaw ang plaza na ginagawa rin, sa gitna nito ay may kumpulan ng mga tao na nakatayo palibot sa isang Padre na nakatuntong sa isang bato at nagpapangaral ng salita ng Diyos.
Napatingin naman si Salome kay Danilo na hindi na maalis ngayon ang kaniyang tingin at tenga sa mga sermon ng prayle. "Siya si Padre Bernardo" bulong ni Danilo kay Salome sabay turo doon sa padre na nagsasalita sa gitna at may hawak-hawak na bibliya sa kaliwang kamay at sa kanang kamay naman ay rosaryo.
Pinagmasdan mabuti ni Salome ang Kastilang prayle, sa tingin niya ay nasa edad limampu na ito, kulay gray na ang buhok at medyo may katabaan. Bilugan ang mga nito at napakatangos ng ilong, animo'y nakakatusok ang ilong dahil sa sobrang tangos.
"Kailan ka magsisilbi sa simabahan?"
"Ayon kay Padre Bernardo, maaari na raw akong magsimula sa susunod na linggo"
Tango na lamang ang sinagot ni Salome kay Danilo, nang makalagpas sila sa plaza ay natanaw na nila ang palengke sa di kalayuan, maliit pa lamang ang palengke ng San Alfonso ngunit marami na ang nagtitinda rito lalo na dahil malapit lang ito sa daungan.
Tahimik lamang na sumunod si Salome at Danilo sa kanilang kuya Ernesto na nangunguna sa paglalakad habang hila-hila ang kanilang kalabaw. Napatigil sila sa bilihan ng mga sangkap sa pagluluto, sunod naman silang nagtungo sa bilihan ng mga gamot, nalaman ni Salome na mura lang pala ang leblon na gamot na bibilhin nila kung kaya't iminungkahi niya sa kaniyang kuya na dalawa na ang bilhin nila para may madadala siyang gamot sa tinutuluyan nilang silid sa hacienda Montecarlos.
Matapos makapamili ay uuwi na dapat sila ngunit nakilala ng isang Ale na ang pangalan ay Manang Dolores si Danilo na paminsan-minsan ay nagbubuhat ng mga sako ng paninda sa palengke upang kumita, nakiusap si Manang Dolores na buhatin ni Danilo at Ernesto ang kaniyang mga panamiling repolyo, petsay at iba pang mga gulay, ilalagay lang nila iyon sa kalesang nagaabang sa gilid ng palengke. "Kayo po pala ang mayor doma ng mansyon ng pamilya Flores" narinig ni Salome na tugon ni Ernesto kay Manang Dolores habang hinahakot nila ang mga pinamalengke nito.
"Oo hijo, tatlong beses kada linggo ako kung mamalengke para sa mga Flores" nakangiti nitong saad. Nais ding tumulong ni Salome sa pagbubuhat ngunit hindi siya pinayagan ng kaniyang kuya Ernesto kung kaya't nakatunganga lang siya sa isang gilid. Abala naman sa pagkwekwentuhan si Manang Dolores at Ernesto. Kung kaya't iginala na lang ni Salome ang kaniyang paningin sa buong paligid hanggang sa mamataan niya ang isang tindahan ng mga papel, kuwaderno, talaarawan, pluma at tinta.
Tatlong tindahan lang naman ang layo niyon sa kalesang kinakargahan nila Ernesto at Danilo kung kaya't walang paalam na nagtungo roon si Salome. Hindi niya mapigilang mapangit at mamangha sa ganda ng mga kuwaderno at talaarawan na nakabandera sa labas ng tindahan, hindi naman niya iyon magawang hawakan dahil natatakot siya na baka masira ito. Napatigil siya at mas lalong nanlaki ang mga mata niya nang makita ang isang napakagandang itim na pluma, dinampot niya iyon at pinagmasdan ng mabuti habang dinadama ang lambot at tibay nito. Naisip niya na iregalo iyon sa kaniyang kapatid na si Danilo dahil sunog na kahoy lamang ang ginagamit nito sa pagsulat, kung minsan naman ay uling na hinuhubog niya pa pahaba.
Sa susunod na tatlong linggo pa bago sumapit ang kaarawan ni Danilo ngunit nais na niyang mabili ang panulat na iyon. May sapat naman siyang pera dahil inabot na ni Manang Estelita ang unang pasweldo sa kanila sa hacienda. Napalingon siya sa kinaroroonan nila Ernesto at Danilo at abala pa rin ang mga ito sa paghahakot.
Pumasok na si Salome sa loob ng tindahan upang makausap ang tindero o tindera ng nasabing tindahan, nais rin niyang tumawad upang makatipid siya. Pagpasok niya sa loob ay bumungad sa kaniya ang samo't-saring mga papel na iba-iba ang uri at kalidad. Hiwalay-hiwalay ang mga magagandang klase sa hindi gaanong magandang klase ng papel, nakalagay ang mga iyon sa mataas na aparador na may hati-hati.
Napatigil siya nang mamataan ang grupo ng mga binatang kalalakihan na nagkukumpulan sa isang mesa habang nagtatawanan. Aalis na lamang siya ngunit nakita na siya ng isang binatang kastila. "Buenas dias Senorita" bati nito at agad sumilay ang ngiti sa kaniyang mukha.
Nanlaki lang ang mga mata ni Salome sa kanila dahil sa gulat lalo na nang lumapit ang apat na binatang kastilang iyon sa kaniya, hinubad nila ang kanilang sumbrero at itinapat iyon sa kanilang dibdib bilang pagbati.
Ilalahad sana nila ang palad nila sa tapat ni Salome kaya lang biglang napaatras si Salome at lumabas sa tindahang iyon. "Espere!" (Wait!) tawag pa ng binatang kastila na naunang kumausap kay Salome. Napatigil naman si Salome at ibinalik ang plumang hawak niya at inilagay iyon sa lagayan nito kanina.
Napatingin muli siya sa binatang kastila, hindi naman niya maitatanggi na napakagandang lalaki ng binatang kaharap niya. Magaganda ang mga mata nito, pinaghalong itim at brown ang kulay ng mga mata nito, matangos rin ang ilong at maninipis ang mga labi. Makisig ang pangangatawan at matangkad rin ang binata, nanliit naman si Salome sa sarili dahil hanggang leeg lamang siya nito. Maputi rin ang balat ng binata, kulay brown ang buhok nito at may magagandang ngiti.
"Creo que no entiende español" (I think she can't understand Spanish) tugon pa ng isang pandak na binatang kastila na kasama nito. Nakangiti silang lahat kay Salome dahilan para siklaban siya ng matinding kaba at pagkailang dahil hindi siya sanay sa presensiya ng mga kalalakihang nasa mataas na antas.
"Kung gayon... marapat lamang na ako'y magsalita sa inyong wika" tugon muli ng binatang kastila na kumakausap sa kaniya, nagulat naman si Salome dahil matatas din ito magtagalog. "Maaari ba naming malaman kung ano ang iyong pakay dito sa tindahan ng aking kaibigan?" tanong pa ng binatang kastila, napatango-tango naman ang kaniyang mga kasamahan.
"N-nasaan ba ang tagapamahal ng tindahang ito?" sa wakas ay nagawa ng magsalita ni Salome, hindi rin naman niya gustong magmukhang tanga sa harapan nila. "Kasalukuyang nasa plaza ang may-ari ng tindahang ito kung kaya't kami muna ang nagbabantay rito, ito nga pala si Geronimo ang anak ng may-ari ng tindahan" paliwanag ng binatang kastilang iyon at inakbayan niya ang isang binatang kastila rin na pinaka-matangkad sa kanila at pinakapayat din.
Nagtawanan naman sila at batid ni Salome na pinagkakatuwaan siya ng mga binatang iyon. Noong una'y nagbigay galang ang mga ito sa kaniya ngunit nang mabatid nila na ang pananamit niya ay simple lamang nagsimula na silang magmalaki.
"Creo que ella no va a comprar de todos modos, ella no puede pagar nada aqui... mirarla" (I think she's not going to buy anyway, she can't afford anything here... look at her) pakutayng tugon ng isa matabang binatang kastila at nagtawanan sila, pero biglang napatigil ito nang makita si Manang Dolores at nagtago ang talong binata sa loob.
Naiwan naman si Salome sa labas at ang binatang kastilang unang kumausap sa kaniya kanina. "Maaari ko bang malaman ang iyong pangalan Binibini?" patuloy pa nito sabay ngisi. Napakunot naman ang kilay ni Salome batid niya mula sa tono ng pananalita ng lalaking iyon ay hindi ito seryoso sa kaniya. Hindi na rin bago sa bayan ng San Alfonso ang mga bahay aliwan, lalo na sa tuwing gabi ay nagkalat ang mga babaeng bayaran sa palengke.
Batid ni Salome na iniisip ng binatang iyon na isa siyang babaeng bayaran dahil nag-iisa lamang siya sa palengke at pagala-gala. Sinamaan niya lang ng tingin ang binatang kastilang iyon dahilan para matawa na lamang ang binata sa kaniya. "Nababasa ko sa iyong mga mata na ika'y interesado sa akin" patuloy pa nito, at binigyan ng ngiting nakakaloko si Salome.
"Kung gayon... Malabo ang mga mata mo dahil hindi tama ang nababasa mo sa mga mata ko" banat ni Salome dahilan para mas lalong sumilay ang malawak na ngiti sa binata. Ngayon lamang siya nakatagpo ng isang babaeng sumagot ng pabalang sa kaniya. Bukod doon ay hindi siya makapaniwala dahil nagmula lang ito sa mababang antas ngunit nagawa siyang sagutin ng ganoon.
"Ikaw ay kakaiba, batid ko na nais mo lamang itago ang pagkamangha mo sa akin upang ika'y aking habulin" panukso pa nito ngunit tinaasan lamang siya ng kilay ni Salome at napa-pamewang pa ito.
"Iyong tandaan Ginoo, Hindi lahat ng nabibilang sa mababang uri ay magsusunod-sunuran sa inyo, at kailanman ay hindi ako yuyukod o luluhod sa mga katulad niyo na walang ginawa kundi hamakin kaming mga tunay na nagmamay-ari ng bansa---" hindi na natapos ni Salome ang kaniyang sasabihin dahil biglang dumating si Danilo at hinawakan ang braso niya para patahimikin siya.
"Ate Lumeng, saan ka ba nagsususuot? Kanina ka pa hinahanap ni Kuya Ernesto" reklamo nito at nagbigay galang sa binatang kastilang kausap ni Salome, kinurot naman ni Salome sa Danilo sa tagiliran dahil binanggit nito ang pangalan niya. kung kaya't agad na siyang tumalikod sa binata dahilan para mas lalong matawa sa kaniya ang binata dahil sa inasal nito. "Patyong! Ano pang ginagawa mo riyan? Baka makita tayo ni Manang Dolores! Halika rito!" sabay-sabay na tawag ng tatlong binatang kastila na kasamahan niya na nakasilip na ngayon sa pintuan ng tindahan.
"No me llames Patyong! sabes que odio eso" (Don't call me Patyong! You know I hate that) reklamo ng binatang kastilang iyon at naglakad na papasok sa tindahan. "Bien... Senor Patricio" (Fine... Senor Patricio) biro pa ng kaniyang mga kasamahan sabay tawanan.
Napalingon muli si Salome sa binatang kastilang iyon bago siya makalayo at nagulat naman siya dahil napalingon rin ito sa kaniya sabay kindat. Dahilan para biglang pumintig ang puso niya ng biglaan dahil sa ginawa ng binata.
Alas-sais na ng hapon ng makarating sila sa hacienda Montecarlos sakay ng kalabaw ni Ernesto. Bago sila tumuloy sa Hacienda ay dumaan muna sila kanina sa barrio Tagpi at ibinaba ang kanilang mga pinamalengke. Nagluto rin si Nay Delia ng espesyal na maruya at ibinalot iyon sa sariwang dahon ng saging. Ibinilin ni Nay Delia na ibigay iyon kay Senor Fidel bilang pasasalamat sa kabutihan nito sa kanilang pamilya.
Dinala na rin ni Salome ang coat ni Fidel na maingat niyang nilabhan kaninang umaga. Natuyo na rin ito agad dahil sumikat na ang araw kanina. Maingat niyang binalot ang coat na iyon sa isang malambot na puting tela. At hindi niya rin mapigilang mapangiti habang hinimas-himas ang hibla ng tela nito, sinigurado niya ring sarado ang pintuan ng kanilang silid kanina bago niya inamoy-amoy ang coat na iyon. Halos mamula naman ang kaniyang mukha dahil sa kilig.
"Magpakabuti ka Lumeng, wala ngayon si inay upang bantayan ka kung kaya't huwag na huwag kang gagawa ng anumang gulo na makakasira sa pangalan ng ating pamilya" bilin pa ni Ernesto, napatango naman sa kaniya si Salome. Habang bitbit ang mga dalahin nito.
"Sandali nga lang, nagpahid ka ba ng asuete sa iyong labi? Bakit namumula iyan?" puna ni Ernesto kay Salome at tiningnan niya ito ng mabuti. At dahil doo'y agad napayuko si Salome, nakaramdam siya ng hiya dahil napansin pala ng kaniyang kuya ang mapulang labi niya ngayon na palihim niyang pinahiran ng asuete kanina bago sila umalis. Ang kulerete at koleksyon ng pampagandang iyon ay pagmamay-ari ng kaniyang ate Felicidad at palihim niya ring ginamit iyon kanina dahil natatakot siya na baka tuksuhin siya ng kaniyang ate Felicidad kapag nalaman nitong nagpapaganda na siya, ayaw naman niyang aminin na dahil iyon kay Fidel.
"H-hindi po kuya... kumain lamang ako ng pakwan kanina kung kaya't nagkaganito ang aking labi" palusot niya pa. napailing-iling naman si Ernesto, "Hindi naman nagdudulot ng pamumula ng labia ng pakwan" tugon pa nito sabay tawa. Mas lalong napayuko tuloy sa hiya si Salome, tinapik na lamang ni Ernesto ang kaniyang balikat at hindi na inasar pa dahil mukhang kakainin ng lupa si Salome dahil sa hiya.
"Sige na... pumaroon ka na sa loob, at lagi mong tatandaan ang mga bilin ko" patuloy pa nito sabay akap kay Salome. "Maraming salamat kuya at mag-iingat ka rin" tugon naman ni Salome. Ngumiti naman ang kaniyang kuya Ernesto at tumango saka ito nagpaalam at umalis na.
Pagdating sa mansyon, inilapag muna ni Salome ang kaniyang mga dala-dalahan at agad tumulong kina Manang Estelita sa kusina. Abala sila ngayon sa paghahanda ng hapunan, si Manang Estelita muna ang mamamahala sa pagluluto habang wala pa si Nay Delia. Habang nagluluto sila ay napakwento si Salome sa nangyari sa kaniyang ama, taimtim namang nakinig sa kaniya sila Piyang, Susana at Ising.
Nang sumapit na ang oras ng hapunan, hindi lumabas si Salome sa kusina, kinakabahan siya at pakiramdam niya ay hindi pa siya handang makita muli si Fidel. Hindi niya rin alam kung paano niya ibabalik ang coat nito at kung paaano niya sisimulan ang mga sasabihin niya.
Hindi niya mawari kung bakit ganoon na lamang katindi ang kabang dinudulot sa kaniya ni Fidel. At halos mabaliw na siya kakalakad pabalik-balik sa loob ng kusina at nag-iisip kung anong gagawin, kung paano haharapin ng tama at maayos si Fidel.
Alas-otso na ng gabi, at nasa kusina pa rin siya tapos na silang maghugas ng plato nila Ising at nagtungo na ang mga ito sa kanilang munting bahay-kubo sa likod ng mansyon. Hinihintay naman niya si Manang Estelita na nag-aayos pa ng mga sangkap para sa lulutuin nilang agahan para bukas.
Sumilip naman si Salome sa hapag at wala na doon si Fidel na kanina pa nakatambay doon at may sinusulat sa isang papel, inakala niya kanina na kaya tumabay doon si Fidel matapos ang hapunan ay dahil inaabangan siya nitong lumabas sa kusina.
Dahan-dahan naman siyang naglakad at sumilip sa salas, wala rin doon sa Fidel. Naiwan kasi ni Salome ang coat at ang maruyang pinadala ng kaniyang ina sa isang mesa sa gilid ng salas kung kaya't kanina niya pa hinihintay na umakyat na sa kwarto si Fidel para makalabas na siya sa kusina.
Maingat siyang humakbang patungo sa mesang pinaglalagyan ng kaniyang mga dala-dalahan at dali-daling kinuha iyon, "Sus Maryusep!" gulat na sigaw ni Salome at nanlaki ang mga mata niya nang makita si Fidel na nakatayo sa likuran niya. nakatingin ito sa kaniya at may hawak itong baso ng tubig.
"M-magandang gabi po S-senor" bati ni Salome at agad siyang nagbigay galang sa binata. Napa-ehem naman si Fidel bago ito nagsalita, mababakas rin ang pagkabigla at kaba sa kilos ng binata. "N-nandito ka na pala... A-akala ko ay bukas ka pa babalik" tugon nito at agad napaiwas ng tingin kay Salome. Hinawakan rin niya ng mahigpit ang basong hawak niya dahil napansin niyang nanginginig siya dahil sa kaba, dahil sa presensiya ni Salome.
"P-pasensiya na po kung hindi ko kayo naharap kaagad k-kanina, abala po kami sa k-kusina" paliwanag pa ni Salome. Napatango naman si Fidel at pasimpleng sumulyap sa dalaga, kahit madilim ay napansin niya ang mapupulang labi nito.
Akmang aalis na sana si Salome ngunit nagsalita muli si Fidel "M-may importante pala akong sasabihin sa iyo, mabuti dahil nandito ka na, sumunod ka sa akin sa itaas" tugon ni Fidel at nagsimula na itong umakyat sa hagdan.
Napapikit naman sa kaba si Salome, gusto na niyang umalis sa salas na iyon ngunit hindi siya maaaring tumanggi kay Fidel. Huminga na lang siya ng malalim at sumunod na rin paakyat. Pilit niyang pinipigilan ang pangangatog ng kaniyang binti, mas lalo siyang binabagabag dahil sila lamang ni Fidel dito sa loob ng opisina ng mansyon.
May isang mesa sa gitna at may dalawang upuan sa harapan nito. Napapalibutan rin ang buong silid ng mga libro na maayos na nakalagay sa mga shelves. Sa gilid naman ng silid sa kaliwa ay may malaking bintana na kung saan natanaw ni Salome na nagsimula nang pumatak muli ang ulan.
Napangiti naman siya dahil sa tuwing nakikita niya ang ulan ay naaalala niya ang hindi inaasahang tagpo nila ni Fidel kahapon sa ilalim ng puno ng Malabulak. Napalingon si Salome kay Fidel nang bigla itong bumahing, agad namang humingi ng Pasensiya si Fidel dahil sa pagbahing niya.
Siya ba'y sinipon? hindi kaya nagkasakit siya dahil ibinigay niya ang kasuotan niya sa akin kahapon at tinahak niya mag-isa ang daan pauwi sa hacienda.
Naupo na si Fidel sa upuan nito at sineyasan niyang maupo si Salome pero naglakad lamang ang dalaga papalapit sa kaniya at inabot ang coat nito at ang maruyang nakabalot sa dahon ng saging "M-maraming Salamat po Senor... at tanggapin niyo rin po sana ang miryendang niluto po ni inay bilang pasasalamat daw po sa kabutihan niyo sa aming pamilya" tugon ni Salome, napangiti naman ng bahagya si Fidel at kinuha niya ang coat at maruya kay Salome.
"Ang totoo niyan, hindi ko pagmamay-ari ang kasuotang ito, sa pinsan ko ito" tugon pa ni Fidel sabay tawa, napasulyap naman sa kaniya si Salome at hindi na mapigilan ng dalaga na mapangiti rin dahil sa ganda ng ngiti ni Fidel, maputi at pantay-pantay ang mga ngipin nito.
Parang may kung anong ligaya na nararamdaman si Salome sa kaniyang puso, pala-ngiti naman si Fidel ngunit bihira lumabas ang ngipin nito kapag ngumingiti kung kaya't parang isang malaking karangalan sa tuwing nasisilayan ni Salome ang ngiti ni Fidel na labas ang ngipin nito.
Akmang aalis na sana si Salome nang biglang nagsalita muli si Fidel "Oo nga pala, bago ko makalimutan... sa iyo ang kuwadernong ito hindi ba?" tugon ni Fidel sabay abot ng nag-iisang kuwaderno ni Salome. Nanlaki ang mga mata ni Salome dahil sa kaniya nga ang kuwadernong iyon, nabasa niya pa ang pangalan niya na nakasulat sa letrang baybayin sa pinakaharap ng kuwaderno. Marunong magsulat at magbasa ng baybayin si Salome ngunit hindi masyado dahil nang mamatay ang kaniyang Lolo Pablo hindi na sila naturuan pa ni Danilo magsulat at mabasa ng baybayin.
"Nakuha ko iyan sa tapat ng pintuan sa likod ng kusina, noong una ay inakala kong listahan lamang iyan ng ni Manang Estelita ng mga sangkap ngunit nang binuklat ko na ay nabasa ko ang unang pangungusap na nakasulat diyan" paliwanag ni Fidel, naalala ni Salome na minememorya niya ang alpabeto sa likod ng kusina nang biglang dumating si Manang Estelita at ibinalita sa kaniya ang nangyari sa kaniyang tatay Isko kung kaya't nabitiwan niya ang kaniyang kuwaderno at marahil ay naiwan niya iyon sa likod ng kusina.
Nanlaki naman ang mga mata ni Salome dahil naalala niyang may nakasulat sa unang pahina nito,
Ako si Salome at ito ang kwento nating dalawa...
Iyon ang unang pangungusap na isinulat niya roon, balak niya kasing gumawa ng isang maikling kwento tungkol sa isang magkasintahan, pero iyon pa lamang ang nasisimulan niyang isulat dahil kailangan niya pang matuto ng mas malalim na kaalaman sa alpabeto.
Pangarap ni Salome makapagsulat ng isang maikling kwento o alamat at naisip niyang ipangalan iyon sa sarili niya para ang lahat ng makapabasa ay maaalala siya.
"Iyan ba ay iyong talaarawan? Humihingi ako ng pasensiya dahil nabasa ko ang unang pangungusap" tugon ni Fidel at parang may bahid ng lungkot sa mukha nito. Agad namang napailing si Salome, "Kuwaderno ko lamang po ito Senor, nais ko lang magsulat ng maikling kwento ngunit hindi ko masimulan dahil hindi po ako bihasa sa aplabeto" paliwanag ni Salome, napatango naman si Fidel at unti-unting napangiti habang nakatingin ng diretso kay Salome. Samantala, nakayuko naman si Salome dahil hindi niya kayang makipag-titigan kay Fidel.
Nagulat siya nang biglang matapik ni Fidel ang mesa at nang mapatingin siya kay Fidel ay nakangiti na ito "Tamang-tama... sa susunod na linggo ay mag-uumpisa na ang aking klase, nais kong turuan ang mga bata magbasa at magsulat sa alpabeto, tuturuan ko rin silang magbasa at magsulat sa wikang Espanyol, dito lamang sa hacienda Montecarlos sa hardin gaganapin ang klase, ikaw ba'y may mga kapatid na nais ring matuto? Sa ngayon ay may labindalawa na akong mag-aaral" paliwanag pa ni Fidel, napangiti naman sa tuwa si Salome.
"Talaga po Senor? Ang akin pong kapatid na si Danilo at Julio ay nais matuto, maaari ko po ba silang dalhin dito?" tanong ni Salome at hindi na maitago ang saya sa kaniyang mga mata. Napatango-tango at napangiti naman si Fidel.
"Nagagalak akong makasama sila sa klase, dalhin mo sila rito sa susunod na linggo" nakangiting tugon ni Fidel, halos magtatatalon naman sa tuwa si Salome ngunit pinigilan lamang niya dahil hindi iyon kaaya-ayang kilos ng isang dalaga.
"Maraming Salamat po talaga Senor Fidel!" tugon pa ni Salome na ngayon ay halos mapunit na ang mukha dahil sa saya dahil makakapag-aral na ng libre sina Danilo at Julio.
Magpapaalam na sana si Salome kay Fidel ngunit nagsalita muli ang binata "Nais mo rin bang matuto Lumeng? Handa akong turuan ka" tugon pa ni Fidel habang nakangiti ito.
~Nag-iisang pag-ibig ang nais makamit yun ay ikaw
Nag-iisang pangako na di magbabago para sayo
San ka man sana'y maalala mo
Kailan man 'sahan di mag kalayo~
~Tanging ikaw lamang ang aking iibigin
Walang ibang hiling kundi ang yakap mo't halik~
~Hindi malilimutan mga araw natin kay sarap balikan
At lagi mong isipin walang ibang mahal kundi ikaw
Malayo ka man sana'y maalala mo
Kailan man pangako di mag kalayo~
Bigla namang napatulala sa kaniya si Salome, parang biglang bumagal ang paligid at tanging ang mga ngiti lamang ni Fidel ang nakikita ni Salome, kasabay nito ay ang hindi maawat na pagkabog ng kaniyang puso.
Bakit ganito ang nararamdaman ko? bakit pakiramdam ko hindi lang pagbabasa at pagsusulat ang matututunan ko mula sa kaniya... Maaaring maraming bagay pa, mga bagay na ngayon pa lang ay naghahatid na sa akin ng ngiti at ligaya.
*****************
Featured Song:
'Hiling' by Jay-R Siaboc
https://youtu.be/WvRwk8S8wfI
"Hiling" by Jay-R Siaboc
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top