Kabanata f(x - 5)
[Kabanata 5]
Our Asymptotically Love Story
(page 11 - 28)
Ikalawang Kabanata
Filipinas 1688
Ingay mula sa dindikdik na bawang ang umaalingangaw sa buong kusina ng mansyon. Si Nay Delia ang nakatalaga sa pagluluto habang si Salome at ang tatlo pang babaeng tagapagsilbi na sina Piyang, Susana at Ising ang kaniyang naging mga katuwang sa pagluluto. Alas-Kuwatro pa lamang ng umaga ay nagsimula na silang maghanda ng agahan para kay Senor Fidel, Arroz caldo ang ihahain ngayon ni Nay Delia at abala ito sa pagdikdik ng bawang. Habang si Piyang at Susana naman ang nag-aasikaso sa hapag-kainan, Nilinis din nila ang buong salas, azotea at maging ang hagdan. Samantala, si Salome at Ising naman ang nakatalaga sa pag-papanitili ng apoy sa pugon habang ang malaking palayok ay nakaibabaw doon na kung saan niluluto ngayon ang arroz caldo.
Si Manang Estelita naman ay naglilibot upang obserbahan kung tama ba ang ginagawa ng mga bagong tagapagsilbi. Mabait si Manang Estelita ngunit may pagka-masinop nga lang ito sa mga gawaing bahay. Ayaw na ayaw niya ang makakita ng kalat o alikabok, kung kaya't puspusan talaga sa paglilinis si Susana at Piyang araw-araw.
Isang beses kada-linggo lamang maaaring umuwi ang mga tagapag-silbi sa kani-kanilang tahanan at ito ay ang araw ng Linggo. Ang silid naman na tinutuluyan ng mga tagapagslibi ay hiwalay sa mansyon, nasa likod ng hacienda malapit sa lawa ng luha nakatirik ang tatlong bahay kubo na gawa sa kawayan at pawid para sa mga tagapagsilbi. Samantala ang mga trabahador, magsasaka, hardinero at nagpapastol ng mga hayop sa hacienda Montecarlos ay nakakauwi nakakauwi gabi-gabi sa kani-kanilang tahanan at papasok sila araw-araw bago magbukang liwayway.
"Inay, mauubos kaya ni Senor Fidel ang lahat ng inihain niyo?" biro pa ni Salome, sumabay naman si Ising sa pagtawa dahil sa sinabi niya. bukod sa aruzcaldo ay naghanda rin si Nay Delia ng dalawa pang putahe. Agad naman sinuway ni Nay Delia ang pilyang si Salome dahil baka marinig ni Manang Estelita ang sinabi nito.
"Mag-ingat ka sa iyong pananalita Lumeng, nasa ibang bahay tayo at hindi tama ang pag-usapan ang ibang tao" suway pa ni Nay Delia, hindi naman iyon dinibdib ni Salome, sa halip ay pasimple pa silang tumawa ni Ising.
Alas-sais na ng umaga nang matapos sila sa pagluluto, si Susana at Piyang na ang bahala sa pagsasaayos ng hapag, samantala nagtungo naman sa likod bahay si Salome at Ising upang maghugas ng mga ginamit nila sa pagluluto. "Ilang taon ka ng naninilbihan dito?" tanong ni Salome kay Ising na masinop na binabanlawan ang mga palyok habang si Salome naman ang nag-iigib ng tubig sa isang hinukay na balon sa likod ng mansyon.
"Tatlong taon pa lamang akong naninilbihan dito, Dahil apat na taon pa lang naman mula nang maipatayo ni Senor Patricio ang hacienda Montecarlos" sagot ni Ising, napatango naman si Salome at napagtanto niya na kaya pala bagong-bago ang istraktura ng mansyon ay dahil apat na taon pa lang ito.
"Bakit nga pala kayo nagtungo dito sa San Alfonso? Hindi ba't taga Hilaga kayo?" tanong ni Ising, napaupo naman sa gilid ng batong tapakan sa pintuan si Salome, at inalapag niya sa kaniyang gilid ang balde na gawa sa kahoy na may bigat na dalawang kilo kahit wala naman itong lamang tubig.
"Nagkaroon ng hidwaan si Tatay at ang aking tiyo Fernando na isang cabeza de barangay sa Tondo, Hindi malinaw sa akin kung ano ang pinag-awayan nila pero ang sabi ni inay tungkol daw sa pagiging intsik ni ina ang pinag-awayan nila" sagot ni Salome at napayuko siya. Napatigil naman sa paghuhugas ng mga hugasin si Ising at tumabi sa kaniya saka nito hinawakan ang kamay niya.
"Nabalitaan ko rin na maraming ipinapatay na intsik noon ang mga kastila na naninirahan sa Maynila, mabuti na lamang dahil nakalikas na kayo papunta rito" tugon ni Ising, at napangiti ito dahilan para mapangiti na rin si Salome, natutuwa siya dahil mababait ang mga kasamahan nila dito sa hacienda Montecarlos at marunong makisama ang mga mamamayan ng San Alfonso.
"Kung gayon... galit ka sa mga Kastila?" tanong ni Ising, hindi naman agad nakapagsalita si Salome. "Pasensiya na kaibigan, hindi mo naman kailangang sagutin ang----" hindi na natapos ni Ising ang kaniyang sasabihin dahil agad nang nagsalita si Salome.
"Hindi ko alam ngunit kahit anong gawin ko ay hindi mabura sa isipan ko ang kinuwento noon sa akin ni itay, sinabi niyang ang lahi raw namin ay hindi pangkaraniwan dahil nabibilang daw kami sa mga dugong bughaw at maharlika, ngunit ang mga ninuno namin ay napatay ng mga Kastila at sinakop nila ang kaharian ng Tondo at Maynila, kung kaya't ang aking lolo Pablo ay isa sa mga nakatakas noon, nakapangasawa siya at nagkaroon ng dalawang anak na sina tiyo Fernando at tatay Isko, bata pa lamang ako ay napapansin ko na masama ang loob ni tatay kay tiyo Fernando dahil sinasamba nito ang mga Kastila kung kaya't madali itong nagkaroon ng katungkulan bilang cabeza de barangay" paliwanag ni Salome, napapatango naman si Ising habang nagkwekwento siya at bakas rin sa mukha nito na nalulungkot siya sa mga pangyayari sa buhay ng pamilya ni Salome. Madali namang gumaan ang loob ni Salome kay Ising dahil sa maamong mukha nito, si Ising ay may malalaking mata at napaka-kulot na buhok, kayumanggi ang balat nito ngunit maganda ang hubog ng kaniyang katawan.
"Kung hindi siguro nasakop ng mga Kastila ang lugar niyo, marahil ay isa kang tinitingalang maharlilka ngayon... Naku! Hindi ko akalaing makakausap ko at mahahawakan ko ang isang lakambini" biro pa ni Ising dahilan para matawa silang dalawa, lalo na si Salome na napahampas pa sa braso ni Ising dahil sa sobrang pagtawa.
Ngunit bigla silang napatigil sa pagtatawanan nang biglang may nagsalita mula sa kanilang likuran. "Sino sa inyo ang maharlika?" tanong ni Fidel na nakatayo sa tapat ng pintuan habang ang mga kamay nito ay nasa kaniyang likuran. Wala itong suot na sumbrero kung kaya't namangha si Salome sa kulay brown na buhok nito na kakulay rin ng mga mata nito.
Nagitla at agad napatayo ang dalawang tagapag-silbi at nakayukong humingi ng tawad kay Fidel, "P-patawad po Senor, hindi na po mauulit ang aming pagkwekwentuhan sa oras ng trabaho" paumanhin ni Ising habang nakayuko pa rin ito, Hindi naman mapigilan ni Salome na mapasulyap kay Fidel upang tingnan kung anong reaksyon ng mukha nito, ngunit agad din siyang napayuko nang magtama ang mga mata nila.
"Bueno, hindi ko naman ipinagbabawal ang pagkwekwentuhan sa oras ng trabaho, nagagalak akong malaman na nagkakasundo kayong lahat dito" tugon ni Fidel at binigyan niya ng tango ang dalawang tagapagsilbi upang hindi na ito matakot pa sa kaniya.
"Maraming salamat po Senor Fidel, hindi po namin malilimutan ang kabutihan niyo" tugon pa ni Ising, napatango naman sa kaniya si Fidel saka ibinaling ang mga mata kay Salome na ngayon ay nakayuko at walang kibo.
Agad namang sinagi ni Ising si Salome dahil hindi ito humingi ng paumanhin sa kanilang amo. "P-patawad po Senor" iyon lamang ang nasabi ni Salome at hindi na niya magawang tingnan pa sa mata si Fidel.
"Wala iyon... lakambini" tugon ni Fidel at napangiti ito saka tumalikod na at nagtungo na sa hapag. Naiwan namang gulat at hindi makagalaw si Salome sa tapat ng pintuan dahil sa sinabi ni Fidel, Maging si Ising ay nagulat din sa pangyayari, bakas na bakas sa mukha nila ngayon ang matinding pangamba.
"S-sa tingin mo narinig ni Senor Fidel ang usapan natin?" kinakabahang tanong ni Salome kay Ising at maghawak kamay na sila ngayon dahil sa nerbyos na nararamdaman nila.
"Sa tingin k-ko ay Oo"
"P-pinaniwalaan kaya niya ang lahat ng narinig niya?" patuloy pa ni Salome at tumatagaktak na ang pawis sa kaniyang noo ngayon dahil sa kaba.
"H-hindi naman siguro... marahil ay aakalain niya lamang na nagbibiruan lamang tayo dahil imposibleng ang tulad niyo na may dugong bughaw ay naninilbihan na ngayon sa mga tulad nilang dayuhan" tugon ni Ising, hindi naman nakatulong ang mga sinabi niya sa pag-aalala ngayon ni Salome.
"Ngunit... nangyari na nga, kami na ngayon ang naninilbihan at sumasamba sa kanila" dismayadong tugon ni Salome at napahawak na lamang siya sa mukha niya dahil sa sobrang kaba. Nagsisisi siya kung bakit sa tapat pa ng pintuan sa likuran ng mansyon sila nagkwentuhan ni Ising. At bukod doon ay hindi niya dapat kinuwento ang bagay na iyon sa ibang tao dahil mahigpit na bilin iyon ng kanilang Lolo Pablo dahil baka gambalain ng mga Kastila ang pamilya nila kapag nalaman nila na may nabubuhay pa ngayong nagtataglay ng dugong bughaw na orihinal na tagapamahala sana ng bawat pulo sa bansang Pilipinas.
Gabi na, abala muli ang mga tagapagsilbi sa pagluluto at paghahanda para sa hapunan, Bagama't tanging si Fidel lamang ang kanilang pinagsisilbihan dahil kasalukuyang nasa Maynila si Patricio ay nais pa rin ni Manang Estelita na magampanan ng maayos ng lahat ng trabahador ang kani-kanilang tungkulin.
Nag-iigib si Salome ng tubig sa likod ng mansyon nang mapatigil siya dahil nakita niyang nakatayo si Fidel sa tapat ng pintuan at nakatingin sa kaniya, dahilan para mabitawan niya ang balde na puno ng tubig na hawak niya. Mabuti na lamang dahil hindi ito natapon o nasira. At dahil sa pangyayaring iyon agad naglakad papalapit si Fidel sa kaniya.
Maliwanag naman ang buwan sa kalangitan kung kaya't naaaninag nila ang isa't-isa, Agad na napayuko at bumati si Salome sa papalapit na si Fidel. "Sumunod ka sa akin" panimula ni Fidel at tumalikod na ito, sandali namang hindi nakagalaw si Salome sa kinatatayuan niya ngunit nang mapatigil si Fidel sa paglalakad upang lingunin kung sumusunod sa kaniya si Salome ay agad napahakbang si Salome at dali-daling sumunod kay Fidel.
Binagalan lamang ni Fidel ang kaniyang paglalakad upang makasunod si Salome, Kumpara kasi sa kaniyang mahahabang binti ay sadyang maiksi lamang ang binti ni Salome at maliliit ang hakbang nito. Hanggang balikat lamang si Salome kay Fidel dahil maliit lamang siya, samantalang ang binatang si Fidel naman ay nabibiyayaan ng katangkaran.
Pagdating nila sa pintuan, napapikit si Salome dahil sumalubong sa kanila ang liwanag ng gasera sa kusina, patuloy namang naglakad si Fidel patungo sa hapag-kainan. Nanlaki ang mga mata ni Salome nang matunghayan niyang nakaupo rin sa hapag-kainan sina Manang Estelita, Nay Delia, Piyang, Susana at Ising.
May isang malaking gasera sa gitna ng hapag at nakahelera na rin ang mga putaheng iniluto ni Nay Delia. Maayos namang nakaupo ang mga tagapagsilbi na kasamahan niya at bakas sa mga mukha nito ang kaba dahil makakasalo nila ngayon sa pagkain ang kanilang amo.
Naupo na si Fidel sa pinaka-dulo ng hapag-kainan sa gitna. habang nasa magkabilang gilid niya si Manang Estelita at Nay Delia, katabi naman ni Manang Estelita sina Susana, Piyang at Ising. Samantalang bakante naman ang upuang nasa tabi ni Nay Delia.
"Maupo ka na" pag-anyaya ni Fidel at itinuro niya ang bakanteng upuan sa tabi ni Nay Delia na kung saan malapit rin sa kaniya. Napalunok naman sa kaba si Salome at napahawak na lamang siya sa kaniyang magkabilang saya dahil namamawis na ang kaniyang mga palad dahil sa kaba. Samo't saring mga bagay ang tumatakbo ngayon sa isipan niya.
Bakit kami narito ngayon sa hapag? Hindi ba't hindi tama ang makasabay ng mga Kastila ang mga indyo at makasalo sa pagkain?
Napatigil si Salome sa tapat ng bakanteng upuan at napatingin siya kay Fidel, nais niyang itanong kung bakit sila inanyayahan nito ngunit nang mapatingin si Fidel sa kaniya ay hindi na niya nagawa pang ibuka ang bibig niya dahil inunahan na siya ng kaba.
"Bakit Binibini? Hindi mo ba gustong makasalo kami ngayong hapunan?" tanong ni Fidel kay Salome habang nakatingin ng diretso sa mga mata nito, Hindi mabasa ni Salome kung natutuwa ba o dismayado ang ekspresyon ng mukha ni Fidel. Natauhan si Salome dahil nakatayo lang siya sa tapat ng upuan at hindi pa rin niya nagagawang maupo rito.
Hindi namalayan ni Salome na nakatitig na pala siya kay Fidel, natauhan lamang siya nang biglang hawakan ni Nay Delia ang kamay niya at pasimpleng bumulong ito "Lumeng! kinakausap ka ni Senor Fidel" tugon nito dahilan para biglang mapayuko si Salome at magbigay galang muli kay Fidel.
"P-patawad po Senor sa aking inasal" tugon ni Salome, at dahan-dahan siyang napasulyap kay Fidel upang tingnan ang reaksyon ng mukha nito. Hindi naman niya mawari kung galit o ayos lang ito.
"Ayaw mo ba kaming makasalo sa hapag ngayong hapunan... Lumeng?" tugon pa ni Fidel, nagkatinginan naman si Salome at Nay Delia, mukhang narinig pala ni Fidel ang pasimpleng bulong ni Nay Delia dahil nalaman nito ang palayaw ni Salome na binaggit ni Nay Delia.
"G-gusto ko po Senor" tugon ni Salome at agad siyang napatakip sa kaniyang bibig dahil napagtanto niya na hindi akma ang salitang binitawan niya, makapagdudulot ito ng ibang ideya sa mga taong makakarinig lalo na kay Fidel. Bukod doon ay may tonong kalandian ang hatid nito.
Napatingin naman si Salome kay Manang Estelita, Piyang, Susana at Ising na pinipigilan na ang tawa ngayon, maging ang kaniyang ina na si Nay Delia ay natawa na lang dahil sa sinabi ng kaniyang anak.
Napasulyap naman si Salome kay Fidel na ngayon ay pasimpleng napahawak sa labi upang pigilan ang kaniyang pagtawa. Napapikit na lang si Salome at sinubukang makitawa na rin sa kanila upang pagtakpan ang kahihiyang ginawa niya.
Nang mahismasan na sila ay agad na nagsalita muli si Fidel "Bukas ay pinahihintulutan ko kayong umuwi muna sa inyong mga tahanan, Hindi ko naman kailangan ng napakaraming tagapagsilbi dahil nag-iisa lang naman ako rito, kung kaya't maaari muna kayong umuwi at manatili sa inyong tahanan ng tatlong araw" tugon ni Fidel, agad namang napangiti sina Piyang, Susana at Ising. Maging si Nay Delia ay hindi na rin maitago ang kaniyang ngiti dahil sa magandang balitang narinig. Samantala, napatulala naman si Salome kay Fidel.
Totoo ba ang kabaitang pinapakita ng Kastilang ito? Bakit hindi niya kami tinuturing na mga alipin?
"Maraming salamat po Senor Fidel! Pagpalain nawa kayo ng Diyos" tugon pa ni Nay Delia at nagpasalamat rin ang iba pang mga tagapagsilbi. Samantala, pilit na ngiti lamang ang binigay ni Manang Estelita bakas sa mukha nito ang lungkot.
Napatingin naman sa kaniya si Fidel "Maaari naman po kayong manatili muna rito Manang Estelita" tugon nito, mukhang nauunawaan ni Fidel na may dahilan kung bakit hindi nakakauwi si Manang Estelita sa sarili nitong tahanan.
"Bueno, Tayo'y magsimula nang kumain... Napakarami ng inyong inihanda para sa nag-iisa kong sikmura, nagagalak akong makakasalo ko kayo ngayon at huwag kayong mahiya kumain dahil pinaghirapan niyo rin naman ang paghahanda sa mga putaheng nasa harapan natin ngayon" tugon pa ni Fidel at binigyan niya ng isang ngiti at tango ang lahat.
Nang dahil sa kabutihang pinapakita ni Fidel hindi mapigilan ni Salome na magtaka, mas lalo pa siyang kinabahan dahil nabanggit nito na nag-iisa lamang ang sikmura nito at hindi niya kayang ubusin ang lahat ng pagkain na inihanda nila... biglang kinabahan si Salome dahil baka narinig ni Fidel ang biro niya kaninang umaga habang nagluluto sila sa kusina.
Nagsimula na silang kumain, noong una ay nahihiya pa sila ngunit nanguna na si Manang Estelita, kahit papaano kasi ay malapit naman si Manang Estelita sa mga kastilang si Fidel at Patricio dahil parang ina na ang turing ng mga ito sa kaniya.
Hindi naman makakain ng maayos si Salome dahil isang tao lamang ang pagitan nila ni Fidel. Pasimple pa siyang sumusulyap dito upang kilatisin mabuti ang kilos nito ngunit napapatingin din ito sa kaniya dahilan para bigla-bigla siyang mapapaiwas ng tingin. Mabuti na lamang dahil iisang gasera lamang ang nagbibigay liwanang sa kanila at abala rin sa pagkain ang iba kung kaya't hindi nila napapansin ang mga nakaw na tingin ni Salome at Fidel sa isa't-isa.
Mga nakaw na tingin na kapag nahuli ay nagbubunyag ang natatagong lihim.
Kinabukasan, kay Manang Estelita na lamang sila nakapagpaalam dahil madaling araw pa lang ay nagtungo na sa bayan si Fidel. Sa barrio Linga naman nakatira sila Piyang, Susana at Ising. Ang barrio Linga ay nasa kabilang banda malapit sa hacienda Alfonso. Samantala, sina Nay Delia at Salome naman ay magtutungo sa barrio Tagpi na papunta sa kabisera ng San Alfonso, malapit sa hacienda Flores.
Nagsimula nang maglakad ang mag-ina, at habang naglalakad sila ay maraming katanungan si Salome patungkol sa mga bagay bagay sa mundo. Ngunit puro tango at iling lamang ang sagot ni Nay Delia sa kaniya, halatang pagod na ito sa paglalakad at bukod doon ay hindi niya rin alam kung anong isasagot sa mga tanong ni Salome na interesadong matuto magbasa at sumulat.
Pagdating sa barrio tagpi, naabutan nilang nagpapakinis ng kawayan si Tay Isko habang nagtatali naman ng pawid si Ernesto, Napangiti si Salome nang mabatid niyang ang bahay kubo na ginagawa ngayon ng kaniyang itay at kuya ay ang kanilang magiging bagong tirahan.
Nakatayo ito sa gitna rin ng palayan na kung saan may makipot lamang na lupang dadaanan sa pagitan ng mga palayan. Sa di-kalayuan naman matatanaw ang tahanan nila Ernesto at Roselia, Samantala abala rin ngayon sa pagtatayo ng bahay sina Mang Pedro, Mang Kiko, Mang Berto at iba pa. Masaya at tulong-tulong ang lahat sa paggawa ng bahay. Ang mga kababaihan naman ay abala rin sa pagluluto para sa agahan at tanghalian.
"Itay!" salubong ni Salome at agad siyang nagmano at yumakap kay tay Isko, tuwang-tuwa naman sit ay Isko na makita sila at ginulo-gulo niya pa ang buhok ni Salome. "Mukhang masaya ang aking anak ah" puna pa ni Tay Isko, napayakap rin siya kay Nay Delia nang makita ito. Halos dalawang araw pa lang naman sila hindi nagkikita ngunit animo'y taon na ang lumipas dahil sa pagkasabik nila sa isa't-isa.
Agad naman tumakbo si Salome papunta sa kaniyang kuya Ernesto na nakangiti rin ngayon habang nakasampa sa hagdan na gawa sa kahoy at inaayos ang pagkakabit ng pawid sa bubungan. "Sinigurado ko na matibay ang pawid na ito upang maaari kang umakyat dito Lumeng, ngunit huwag lamang magpapataba dahil siguradong hindi nito kakayanin ang iyong bigat" kantyaw pa ni Ernesto, napasimangot naman si Salome at inalog-alog ang hagdan na tinutung-tungan ni Ernesto dahilan para mapasigaw ito at magmakaawa. Tuwang-tuwa naman si Salome dahil sa itsura ng kaniyang kuya, "Lagot ka sa'kin Lumeng!" banta pa nito at akmang hahabulin si Lumeng pero agad itong kumaripas ng takbo papasok sa bahay at isinara ang pinto.
Pinagmasdan niya ang buong bahay, buo na ito at tanging ang pawid na lamang ang tinatapos ni Ernesto, samanatalang bakod naman ang tinatapos ni tay Isko. napangiti na lamang siya dahil sa ganda ng bago nilang tahanan. Ang bawat sulok ng dingding ay gawa lamang sa pinagdikit-dikit na kawayan. Ang sahig ay makinis na lupa lamang. May isang mahabang upuan na gawa rin sa kawayan ang nakasandal sa likod ng bintana sa kaliwang bahagi ng bahay, samantala sa kanang bahagi naman ay may dalawang magkahiwalay na kwarto, naglakad si Salome papunta sa unang pinto at nakita niya ang isang malaking papag na nasasapinan ng banig, at may maliit na aparador sa gilid nito, napagtanto niya na iyon ang silid ng kaniyang mga magulang. Samantala sa ikalawang silid naman ay may isang malaking papag din na kasya ang dalawang tao, may aparador ito sa gilid at may maliit na mesa sa tapat ng bintana, napagtanto niya na ito ang magiging silid nila ng kaniyang ate Felicidad.
Sa gilid naman bago dumating sa kusina ay may isang papag rin na kasya rin ang dalawang tao, Naabutan niyang nakahiga roon at natutulog ang bunsong kapatid nilang si Julio, napangiti siya rito at agad humalik sa noo nito. Parang isang maamong kerubin ang itsura nito kapag natutulog at nakasanayan na ni Salome na pisilin ng dahan-dahan ang malambot na pisngi nito.
Napatigil lamang siya nang biglang bumukas ang pintuan sa likod ng bahay kubo nila na nasa gilid lamang, napangiti siya nang makita si Felicidad na may dala-dalang bilao. Agad siyang kumaripas ng takbo papunta kay Felicidad ay yumakap dito. "Lumeng! Matatapon ang bigas na hawak ko" natatawang reklamo ni Felicidad pero hindi iyon pinansin ni Lumeng sa halip ay lumambitin pa siya sa pagkakayakap sa kaniyang ate.
Silang dalawa lamang ang babaeng magkapatid sa kanilang pamilya kung kaya't marami siyang naikwekwento sa kaniyang ate na hindi niya nakwekwento sa kaniyang ibang mga kapatid. "Sa ngiti at kislap ng iyong mga mata... nagdududa ako na ikaw ay umiibig na" kantyaw pa ni Felicidad kay Lumeng, bigla namang napabitaw si Salome sa kaniyang ate at napaiwas ng tingin.
"H-hindi ba maaaring masaya lamang ako dahil nakita ko ulit kayo" palusot nito pero iling lang ang binigay ni Felicidad habang natatawa pa rin ito. Inilapag na niya ang bilao sa tabi ng pugon at humarap kay Salome. Namangha naman si Salome sa ganda rin ng pagkakagawa sa kanilang kusina, ang pugon ay nasa gilid sa ibaba at nakaayos rin ang mga plato at kubyertos sa isang gilid, may malaking bintana sa tapat ng pugon upang doon lumabas ang usok. Nasa kanang bahagi naman ng kusina ang kanilang palikuran, naglakad papunta roon si Lumeng upang silipin ang kanilang palikuran, may malaking balde na nakapwesto sa gilid nito at may butas sa gitna na kung saan maaaring dumumi at umihi.
Sumunod naman si Felicidad sa kaniya at hindi pa rin mawala ang mapang-asar na ngiti nito "Itago mo na ang lahat Lumeng... ngunit hindi mo maitatago sa akin ang kislap ng mga mata mo" buwelta pa ni Felicidad, at kinikilatis niya ng mabuti si Salome habang nakangiti ito ng todo.
"N-nasaan pala si Danilo? Hahanapin ko lamang siya" palusot pa ni Salome at dali-dali siyang kumaripas ng takbo papalabas sa kusina. Natawa na lamang si Felicidad sa kaniya at nagpatuloy na ito sa paghihiwalay ng mga bato sa bigas.
Pagdating sa labas, naabutan ni Salome na nagsusulat si Danilo sa kuwaderno nito gamit ang panulat mula sa uling ng nasunog na kahoy. Nakaupo si Danilo sa kumpol ng mga malalaking troso na nakalagay sa likod ng bahay nila, tumabi naman sa kaniya si Salome at pinagmasdan ang ginagawa nito.
"Bibilangan kita hanggang dalawampu, dapat mabasa mo ito" kantyaw pa sa kaniya ni Danilo, at dahil doon ay agad napasilip si Salome sa kuwaderno ng kaniyang kapatid at napakunot ang kaniyang noo habang pilit binabasa ang apat salita roon.
"Isa... Dalawa... Tatlo... Apat"
"Mis sueños y metas" (My Dreams and Goals)
"Mahusay!" papuri sa kaniya ni Danilo, pero napakunot naman ang noo ni Salome. "Nabasa ko nga ngunit hindi ko naman maintindihan" tugon nito, tumango-tango naman sa kaniya si Danilo.
"Ito ang unang apat na wikang kastila na natutunan ko ate... kung kaya't ayokong ibahagi sayo" tugon nito, agad namang piningot ni Salome ang tenga ng kaniyang kapatid. "Kahit kailan talaga palagi mong pinagmamalaki na mas marunong kang magbasa at sumulat sa akin... ngunit hanggang dalawampu lang naman ang kaya mong bilangin" kantyaw naman ni Salome kay Danilo. Hindi naman nakapagsalita si Danilo at tawa na lang ang sinagot niya, dahil aminado naman siyang hanggang dalawampu lang ang kaniyang bilangin. Samantala ang kaniyang ate Salome naman ay kayang magbilang hanggang milyon.
"Oo nga pala, baka hindi na rin ako makauwi ng madalas dito sa ating tahanan, nasabi ko na rin kina itay at inay na nais kong magsilbi bilang saksristan at alalay ni Padre Bernardo sa tinatayong simbahan ngayon ng San Alfonso sa bayan" tugon ni Danilo, nagitla naman si Salome dahil sa narinig niya.
"Nais mong mag-pari? hindi ka kayang pag-aralin nila inay at itay, wala tayong sapat na----" hindi na natapos ni Salome ang kaniyang sasabihin dahil agad nagsalita si Danilo.
"Nais ko lamang matuto magbasa at magsulat ate, at handa raw akong turuan ni Padre Bernardo basta't tutulong ako sa kanila" tugon ni Danilo, kahit medyo hindi maganda ang kutob ni Salome sa papasuking trabaho ni Danilo ay wala na siyang magawa rito dahil iyon naman ang kagustuhan ng kaniyang kapatid, bukod doon ay mukhang napapayag naman na nito ang kanilang mga magulang.
Makalipas ang halos tatlong araw na pananatili nila sa barrio Tagpi, kinailangan nang bumalik ni Nay Delia at Salome sa hacienda Montecarlos. Hindi nila namalayan ang paglipas ng mg araw dahil halos gabi-gabi silang nagsasalo-salo sa labas ng bahay kasama ang pamilya pa nila Mang Pedro, Mang Kiko at Mang Berto. Animo'y magkak-pamilya na ang turing nila sa isa't-isa.
Inihatid naman ni Tay Isko at Ernesto si Nay Delia at Salome sa hacienda Montecarlos dahil madaling araw pa lamang at delikado maglakad ang dalawang babae sa gitna ng daan. Tanging ang mayayamang pamilya lamang ang mayroong kalesa sa panahong ito, kung bibilangin ay lilima lamang ang kalesa dito sa San Alfonso at tig-iisa pa ang pamilya Alfonso, pamilya Flores, kay Padre Bernardo, Padre Santiago at kay Senor Patricio.
Alas-sais ng umaga na ng marating nila ang hacienda Montecarlos, kasabay na rin nila pumasok ang ilang mga trabahador. "Mamimingwit kami ni Ernesto sa lawa ng luha ngayon, maaari ba kaming makapasok sa hacienda mamayang tanghali?" tanong nit ay Isko kay Nay Delia, napaisip naman si Nay Delia baguhan pa lamang sila dito at nangangamba siya na baka isipin ng iba na kung sino-sino na ang pinapapasok nila rito.
"Ipagpapaalam ko kay Manang Estelita, mabait naman si Senor Fidel ngunit baka mag-isip ng masama ang iba pang mga kasamahan naming nagtatrabaho rito" tugon ni Nay Delia sa kaniyang asawa, napatango na lang sat ay Isko.
"Kung gayon... didiretso na lamang kami ni Ernesto pauwi" tugon nito sabay yakap sa kaniyang asawa. Niyakap na rin niya si Salome at nagpaalam na sila sa isa't-isa. Tinanaw naman ni Salome ang kaniyang tatay at kuya na naglalakad na ngayon papalayo habang may bitbit itong pamingwit at dalawang balde, hindi niya mapigilang malungkot...
Anim na araw pa, makakasama ko kayo ulit itay at kuya...
"Tayo na Lumeng" narinig niyang tugon ni Nay Delia at nagsimula na itong maglakad. Isinara naman na ng dalawang guardia personal ang malaking gate ng hacienda Montecarlos, tumalikod na si Salome at sumunod na sa kaniyang ina, tinatahak na nila ngayon ang mahabang daan diretso sa mansyon, ngunit biglang napatigil si Salome sa paglalakad nang matanaw niyang nakatayo si Fidel sa balkonahe ng mansyon sa ikalawang palapag at nakatingin ito sa kaniya.
Agad namang napaiwas ng tingin si Fidel at pumasok na sa loob nang magtama ang pangingin nila ni Salome. Sa pagkakataong iyon, nakaramdam ng kakaibang kabog sa dibdib si Salome, at napahawak siya sa kaniyang puso. Hindi niya mawari kung tinatanaw ba talaga siya ni Fidel o nagpapahangin lamang ito sa balkonahe.
Napatingala siya sa kalangitan at napansin niyang nababalot ng makapal na ulap ang araw, kung kaya't makulimlim ang buong paligid. Nagbabadya ito na anumang oras ay bubuhos na ang ulan. Biglang nag-alala si Salome para sa kaniyang tatay at kuya na mamimingwit ngayon sa lawa ng luha, posibleng abutan sila ng ulan sa gitna ng laot.
Nais sanang lumabas ni Salome sa hacienda ngunit naalala niyang hindi maaaring lumabas ang sinumang trabahador sa oras ng trabaho, baka masisante pa sila ng kaniyang ina. Napapikit na lamang si Salome at napatingala sa kalangitan...
Diyos ko, nawa'y gabayan at ingatan niyo po si itay at kuya...
Pagkatapos ng tanghalian, ay oras na ng siyesta. Natapos na rin nila Salome at Ising ang paghuhugas sa mga pinagkainan at nakapagligpit na rin sila ng mga sangkap at gamit sa kusina. Alas-diyes pa ng umaga nang simulang bumuhos ang ulan at paulit-ulit na nananalangin si Salome na makauwi na ng payapa ang kaniyang tatay at kuya.
Nakaupo siya ngayon sa tapat ng pintuan sa kusina sa labas ng bahay kung saan matatanaw ang balon at tinatanaw niya ang malakas na buhos ng ulan sa labas. iniisip niya na mapupuno ngayon ng tubig ang balon at mas mapapadali ang pag-iigib niya dahil mataas ang tubig.
Hawak din niya ngayon ang kaniyang kuwaderno at pilit na minememorya niya ang aplabeto na sinulat roon ng kaniyang kapatid na si Danilo. Nakabuo naman na siya ng mga salita ngunit hindi pa rin siya tumitgil hangga't hindi niya nakakabisado ang lahat.
a- ba- ka- da-
paulit-ulit niyang bigkas ngunit napatigil siya nang biglang may humawak sa kaniyang balikat, agad siyang napalingon at tumambad sa harapan niya si Manang Estelita na basang-basa sa ulan. "Salome! Magmadali ka, kakagaling ko lamang sa lawa ng luha malapit sa tulay ng tangis nang maabutan kong nakasilong sa isang puno ang iyong tatay at kuya, hindi maiwan ng iyong kuya ang inyong itay dahil nagdurugo ang binti nito, nadulas raw sa bangka ang iyong itay at tumama ang binti nito sa matalim na dulo ng bangka dahilan para bumaon ang malaking piraso ng kahoy sa kaniyang binti" panimula ni Manang Estelita at dahil doon ay agad napatayo si Salome dahil sa pagkabigla, binabalot na siya ngayon ng matinding kaba dahil sa nalaman niya.
"N-nasabi niyo na po kay inay?" gulat na tanong ni Salome, napatango naman si Manang Estelita, kasalukuyang nagpapakulo ngayon ng dahoon ng bayabas ang iyong ina at balak niyang dalhin iyon ngayon sa iyong ama ngunit napansin kong masama ang pakiramdam ng iyong ina at madalas ang pag-ubo nito baka may masama pang mangyari sa kaniya sa daan kung kaya't ikaw na lang ang maghatid ng gamot sa iyong ama" tugon ni Manang Estelita, agad namang napatango si Salome at dali-daling tumakbo papunta sa kusina.
Naabutan niyang inilalagay na ni Nay Delia ang pinakulong bayabas sa isang palayok, at binalot na niya ito ng tela. "Inay! Ako na po ang magdadala nito kay itay" tugon ni Salome, tatanggi pa sana si Nay Delia ngunit sinabihan na rin ito ni Manang Estelita na mas mabuti kung Salome na lamang dahil mas bata at mas malakas pa ito kaysa sa kaniya.
"Mag-iingat ka anak, alam mo ba ang daan papunta sa tulay ng ilog tangis?" nag-aalalang tanong ni Nay Delia habang hawak niya ang magkabilang balikat ni Salome. Agad namang napatango si Salome "Opo ina, alam ko po"
"Salome, kung patilain mo na lang kaya ang ulan, wala ang kalesa ngayon gamit ni Senor Fidel na kasalukyang nasa bayan, delikado---" hindi na natapos ni Manang Estelita ang sasabihin niya dahil nginitian na siya ni Salome.
"Ayos lang po ako Manang, Hindi naman po ako mamamatay sa ulan" biro pa nito, napangiti naman si Manang Estelita at napatango. Nagpaalam na sa kanila si Salome at dali-dali itong kumaripas ng takbo at lumusong sa ulan papalabas sa mansyon, pagdating niya sa gate ng hacienda Montecarlos ay agad naman siyang pinagbuksan ng mga guardia personal.
"Maraming Salamat po" tugon pa ni Salome at kumaway-kaway siya sa kanila habang tumatakbo papalayo, batid ni Salome na medyo malayo ang tulay ng ilog tangis ngunit hindi na niya iyon ininda dahil mas mahalaga sa kaniya na madala na agada ng gamot para sa kaniyang ama. Mahigpit niyang yakap-yakap sa tapat ng kaniyang dibdib ang palayok na naglalaman ng gamot habang matapang niyang sinasalubong ang lakas ng bugso ng ulan. Napapapikit na lamang siya dahil tumatama ang ulan sa kaniyang mga mata.
Ilang saglit pa habang tumatakbo siya ay napansin niyang mas lalong lumakas ang ulan, kasabay rin nito ang paglakas ng ihip ng hangin dahilan para matanggal ang pagkakatali ng tela sa ibabaw ng palayok. Nangamba si Salome dahil baka mapasukan ng tubig ulan ang gamot na dala niya kung kaya't pansamantala muna siyang tumigil sa isang malaking puno na kung tawagin ay Malabulak na madadaanan niya, mabuti na lamang kahit hindi ganoon kalago ang dahon at sanga nito ay nakatutulong pa rin na panangga sa ulan at hangin.
Napaupo na lamang si Salome sa lupa habang tinatali ng maayos ang tela sa ibabaw ng palayok, nangangatog na rin siya sa lamig dahil basang-basa na siya sa ulan. Mangiyak-ngiyak na rin siya dahil labis na siyang nag-aalala sa kalagayan ng kaniyang itay, nagsisisi tuloy siya na dapat ay sinundan niya ito kanina at sinabihang huwag nang tumuloy sa laot.
Ilang sandali pa, nagulat siya nang bigla niyang matanaw ang dalawang sapatos na nasa harapan niya, pagkatingala niya ay nagulat siya nang makilala kung sino ang taong iyon...
Si Fidel
Agad siyang napatayo dahil sa gulat at napayuko rito upang magbigay galang. "Marahil ay may importante kang patutunguhan upang magpabasa ka sa ulan ng ganiyan" tugon nito, hindi naman niya mawari kung seryoso bai to o normal lamang na nakikipag-usap sa kaniya.
Napalunok na lamang siya at ramdam na ramdam niya ngayon ang matinding kaba, sa lawak ba naman ng San Alfonso ay dito pa sila magkikita. Hindi mapigilan ni Salome na sulyapan si Fidel na ngayon ay nakatagilid na sa kaniya at pinagmamasdan nito ang malakas na buhos ng ulan. Hindi niya mapigilang mabighani sa ganda ng mga mata nito na animo'y nakakapagpatunaw kapag tinamaan ka.
Napalingon si Salome sa likod ng puno at nakita niya na nakaparada doon ang kalesa, at wala roon ang kutsero nito. Nais sana niyang itanong kay Fidel kung nasaan ang kutsero at kung bakit hindi na ito dumiretso pa sa hacienda Montecarlos dahil may sasakyan naman ito ngunit hindi na niya nagawa pang makapagsalita nang makita niyang ipinikit ni Fidel ang mga mata nito at dinama ang buhos ng ulan.
Pinagmasdan niya mabuti si Fidel, ito ang kauna-unahang beses na nakaramdam siya ng kakaibang kabog sa kaniyang puso dahil sa isang binata. Batid niya na malaki ang pagkakaiba nilang dalawa, si Fidel ay nabibilang sa mataas na antas, samantalang siya naman ay isang hamak na tagapagsilbi lamang. Si Fidel ay isang Kastila, at siya naman ay isang tagalog. Si Fidel ay may propesyon at nagtatglay ng mataas na antas ng kaalaman, samanatalang siya ay nangangapa pa sa pagbabasa at pagsusulat.
Ngunit sabi nga nila, ang paghanga naman sa isang tao ay hindi lamang para sa mga ka-uri mo. maaari namang mangarap ng mataas ang sinuman, maaari sumaya ang sinuman kahit sa pangarap lamang. At sa pagkakataong iyon ay kontento at masaya na si Salome sa umuusbong na paghanga niya sa lalaking nasa tabi niya ngayon.
"Lumeng"
Natauhan at nanlaki ang mga mata ni Salome nang marinig niyang banggitin ni Fidel ang kaniyang palayaw. Hindi siya sanay na may ibang tao bukod sa kaniyang pamilya ang tumatawag sa kaniya ng ganoon.
Iminulat na ni Fidel ang kaniyang mga mata at lumingon siya kay Salome. "Sa iyo muna ito" tugon ni Fidel at hinubad niya ang suot niyang makapal na coat na kulay itim at iniabot iyon kay Salome. Nanlaki naman ang mga mata ni Salome habang nakatingin ng diretso sa mga mata ni Fidel, hindi siya makapaniwala dahil nais ipahiram ni Fidel ang coat nito sa kaniya.
"H-huwag na po Senor, M-maraming salamat na lamang po" tugon niya at napayuko siya, napahawak rin siya sa kaniyang kamay na nanginginig na ngayon at hindi niya malaman kung nilalamig lang ba siya o dahil sa kaba kaya nanginginig ang kaniyang mga kamay.
"Tanggapin mo na... maaari mo ring gamitin iyan pantaklob sa iyong ulo upang makapunta ka na sa pupuntahan mo, sinumpong ang kabayo kanina at ayaw nitong tumakbo kung kaya't hindi kita mahahatid sa destinasyon mo" tugon ni Fidel. Hindi naman nakapagsalita agad si Salome, mas lalong kumabog ang dibdib niya dahil balak pa pala ni Fidel na ihatid siya.
~Sa hindi inaasahang
Pagtatagpo ng mga mundo
May minsan lang na nagdugtong,
Damang dama na ang ugong nito
Hindi pa ba sapat ang sakit at lahat
Na hinding hindi ko ipararanas sayo~
~Ibinubunyag ka ng iyong mata
Sumisigaw ng pag-sinta~
~Ba't di pa patulan?
Ang pagsuyong nagkulang
Tayong umaasang
Hilaga't kanluran
Ikaw ang hantungan
At bilang kanlungan mo
Ako ang sasagip sayo~
Napasulyap siya kay Fidel sa huling pagkakataon, at ngumiti ito ng bahagya sa kaniya. Natulala lamang siya sa ngiting pinakawalan ng binata, kasabay nito ay parang biglang bumagal ang takbo ng paligid sa paningin ni Salome. Unti-unting bumagal ang bagsak ng ulan at marahan ding umihip ang hangin dahilan para mahawi ang buhok ni Fidel na tumatama sa kilay nito.
Sa mga oras na iyon, nagawang ngumiti ni Salome pabalik kay Fidel, nakatingin sila ng diretso sa mata ng isa't-isa. Animo'y hindi na nila alintana ang lakas ng buhos ng ulan at hampas ng hangin sa paligid. At sa pagkakataong iyon, habang nakatitig at nakangiti si Salome kay Fidel ay kasabay nitong umaawit ang salita sa kaniyang isipan...
Saksi ang bawat patak ng ulan sa ating pagmamahalan...
*****************
Featured Song:
'Tadhana' by Up Dharma down
https://youtu.be/_zLW8xb7N7E
"Tadhana" by Up Dharma Down
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top