Kabanata f(x - 39)
[Kabanata 39]
Our Asymptotic Love Story
(page 332 - 363)
Ika-labing siyam na Kabanata
Filipinas 1688
"Ahora, Ising nos dice dónde está la familia restante de Aguantar?" (Now, Ising tell us where is the remaining Aguantar family?) utos ng pinuno ng mga guardia civil kay Ising dahilan upang mapalingon sa kanila si Fidel na tanging nakakaintindi sa wikang kastila.
"Tinatanong ng pinuno kung saan matatagpuan ang pamilya ng binatilyong Aguantar?" tugon ng isang guardia sabay wasiwas sa kaniyang espada, animo'y sinsindak si Ising. Nanatili pa ring nakaluhod si Ising sa harap ng mga opisyal at ngayon ay nanginginig na siya sa takot. Limang piraso pa ng pilak ang inilabas ng pinuno sa kaniyang bulsa at inihagis sa tapat ni Ising.
"¿Hablarás ... o morirás?" (You will speak... or you will die?) tugon ng pinuno na agad isinalin ng guardia sa wikang tagalog. Nanlaki ang mga mata ni Ising at paulit-ulit na lumuhod sa harapan ng mga opisyal.
"M-matatagpuan po ang kanilang m-maliit na tahanan sa nayon ng Bucanan... na m-malapit sa bundok Arayat" saad ni Ising habang nanginginig at naluluha sa takot. Agad namang itong ibinulong ng guardia sa pinuno gamit ang wikang Kastila.
Humiyaw na ng napakalakas ang pinuno nila saka nanguna sa pagpapatakbo ng kabayo patungo sa maliit na baryo ng Bucanan. "Vamos!" (Come on!) sigaw ng pinuno saka pinaikot na niya ang kaniyang kabayo. Agad namang sumunod sa kaniya ang kaniyang mga tauhan.
Dali-dali namang hinila ng isang guardia si Ising at isinakay sa kabayo nito. Habang ang dalawang guardia naman ay pinagtulungang iahon sa ilog ang duguang bangkay ni Danilo saka isinakay sa likod ng kabayo ng isang guardia. Makapal na alikabok ang namayani sa buong paligid dahil sa mabilis na takbo ng mga kabayo sakay ang mga guardia civil na handang-handa na sa pagtugis sa pamilya Aguantar.
Sa kabilang banda, sa likod ng naglalakihang puno sa tabing ilog ay naroon si Fidel at Salome. Hindi na maawat si Salome sa pag-iyak dahil sa sinapit ng kaniyang kapatid habang yakap-yakap naman siya ni Fidel ng mahigpit.
Nang marinig ni Fidel ang pag-uusap ng mga guardia at ang pagturo ni Ising sa kinaroroonan ng pamilya nila Salome, mabilis niyang hinawakan si Salome sa mukha at pilit na pinatingin siya ng diretso sa kaniyang mga mata.
"Lumeng, makinig kang mabuti. Nasa peligro ngayon ang buhay ng iyong pamilya dahil papunta na roon ang mga guardia. Ngayon ang hinihiling ko sa iyo ay tumakas ka na, magtungo ka sa malayong lugar kung saan hindi ka nila matatagpuan. Sa oras na humupa na ang tensyon padalhan mo ako ng liham sa San Alfonso upang mapuntahan kita. Sa ngayon mas makabubuti kung lumayo ka na muna Lumeng... ako na ang bahala sa iyong pamilya. Hindi ko hahayaang saktan nila ang iyong----" hindi na natapos ni Fidel ang kaniyang sasabihin dahil agad hinawi ni Salome ang kamay ng binata na nakahawak sa kaniyang mukha. Dali-dali niyang pinunasan ang kaniyang mga luha at saka hinugot ang dragon na pang-ipit na nakasuksok sa kaniyang buhok.
Napailing-iling na lang si Salome. Nanlalamig na ang kaniyang buong katawan at agad siyang nakaramdam ng panghihina ngunit sa tuwing maaalala niya ang kalunos-lunos na sinapit ng kaniyang ama, kuya Ernesto at maging si Danilo ay tuluyang sumisiklab ang kaniyang galit.
"Hindi! H-hindi ako aalis dito! Hindi ko iiwan ang pamilya ko! ako mismo ang kikitil sa buhay ng mga taong nasa likod nito!" matapang na giit ni Salome sabay talikod sa binata. Tatakbo na sana siya papalayo ngunit agad hinawakan ni Fidel ang kamay niya para pigilan siya dahilan para inis na mapalingon si Salome sa kaniya.
"Sinabi ko nang----" hindi na natapos ni Salome ang kaniyang sasabihin dahil seryosong nakatingin ang binata sa kaniyang mga mata. Napahinga ito ng malalim saka tumitig muli sa kaniya. "Kung iyan ang nais mo... hindi kita iiwan. Anuman ang iyong maging desisyon... sasamahan kita sa laban" mahinahong sagot ni Fidel habang nakatingin ng diretso sa mga mata ni Salome.
Napalingon si Fidel sa kaliwa sabay turo sa kabayong kulay itim na nakatali sa gilid ng puno. "Uunahan natin sila" habol pa ng binata saka hinila niya si Salome papunta sa kabayong itim na iyon na pagmamay-ari niya. Mabilis na binuhat ni Fidel si Salome pasakay sa kabayo at agad niyang tinanggal ang pagkakatali nito sa puno bago siya sumampa sa kabayo.
Nasa unahan niya nakaupo si Salome habang nakakulong ang dalaga sa kaniyang mga bisig. Agad pinatakbo ni Fidel ang kabayo na animo'y wala ng bukas. Ngayon lang napagtanto ni Salome na nakasuot pang-magsasaka si Fidel at suot rin nito ang malaking salakot sa ulo. Napalingon din siya sa gilid ng kabayo at doon nakita niyang nakasabit ang pana at mga palaso nito.
Dahan-dahang itinaas ni Fidel ang pulang tela na siyang panakip niya sa kaniyang mukha upang hindi siya makilala ng sinuman. Ang bawat bahay na kanilang nadadaanan ay napapasilip sa bintana ngunit agad din namang nagtatago dahil sa takot.
Napansin ni Fidel na napahawak ng mahigpit si Salome sa lubid ng kabayo. Ito ang unang beses na makasakay ng dalaga sa kabayong kumakaripas talaga ng takbo. Mabuti na lamang dahil mas maliit lang sa kaniya ang dalaga kung kaya't hindi nakakasagabal ang ulo nito sa kaniyang mata upang makita ang daan.
Hindi maiwasan ni Fidel na makaramdam ng takot at kaba lalo na't hawak-hawak din ngayon ni Salome ng mahigpit sa kaniyang kanang kamay ang dragon na pang-ipit na siyang patalim. Para sa kaniya ang pakikisangkot ni Salome sa laban ay naghahatid ng takot sa kaniya dahil nangangamba siyang masaktan ito.
Sa bawat hakbang ng kabayo ay kasabay nito ang hindi mapigilang pagbagsak ng mga luha ni Salome. Natatakot siya. Muli na na naman siyang nakaramdam ng takot at matinding kaba tulad noong mga huling sandali bago namatay din sa harapan niya ang kaniyang itay at kuya.
At ngayon muli na naman niyang nasaksihan ang bagay na iyon nang mamatay sa harapan niya si Danilo. Sa mga oras na ito, halo-halong emosyon na ang kaniyang nararamdaman lalo na't patungo na ang mga kalaban sa kanilang tahanan kung saan iniwan niyang mahimbing na natutulog ang kaniyang ina, tiyo at dalawang kapatid.
Napatingin si Salome sa mga kamay ni Fidel na nakahawak din sa lubid ng kabayo. Kitang-kita ang higpit ng hawak nito dahil sa galit. Walang segundong sinasayang ang binata at makailang beses niyang hinahampas ang kabayo upang mas lalong bumilis ang takbo nito. Kailangan nilang maunahan ang mga guardia ngunit sa gitna ng daanan ng mga palayan sila dumaan dahil tiyak na makikita sila ng mga guardia kung sa kalsada sila mismo dadaan.
Hindi naman maiwasan ni Fidel na makaramdam ng pagkadismaya nang mapasulyap muli siya sa dragon na pang-ipit na hawak pa rin ngayon ni Salome. Nababalot na rin ito mismo ng dugo. Dugo mula sa unang tao na kaniyang napatay.
"¡Señor! Mira, allá" (Sir! Look, Over there) tawag ng isang guardia sa kanilang pinuno sabay turo sa kanilang gilid mula sa di-kalayuan. Nanlaki ang mga mata ng kanilang pinuno nang makita ang kabayong sakay ang dalawang tao. Ang isa ay nakasuot ng talukbong na itim at ang isa naman ay nakasuot ng salakot.
Nanigas sa gulat si Ising nang makilala na ang nakasuot ng talukbong ay ang pinagtaksilan niyang kaibigan na si Salome. Bigla siyang siniklaban ng takot at pangamba na baka nakita ni Salome ang nangyari kay Danilo. Maging ang pagkakanulo na ginawa niya sa kapatid nito.
"¡Disparales!" (Shoot them!) utos ng pinuno sa isang guardia. Nauuna na ang kabayong sinasakyan nila Salome at Fidel habang tinatahak nito ang kabilang daan na nasa gitna ng palayan. Agad iniangat ng guardia ang kaniyang mahabang baril saka itinutok ng mabuti sa dalawang taong nakasakay ngayon sa kabilang kabayo. Medyo nahihirapan ang guardia sapagkat napakadaming puno na nakaharang sa kanilang pagitan.
"Mierda!" (Shit!) sigaw ng pinuno sabay hugot ng kaniyang rebolber. Agad niyang pinaputok ang baril na hawak ng tatlong beses. Saka ibinato sa pagmumukha ng guardia na kaniyang inutusan na hindi magawang barilin ang pinababaril niya.
Biglang napahiyaw ang kabayong sinasakyan nina Salome at Fidel dahil sa napakalakas na putok ng baril. Maging si Fidel ay napasigaw ng malakas sabay hawak sa kaniyang balikat na tinamaan ng bala, agad siyang nawalan ng balanse at nahulog siya sa sinasakyan nilang kabayo. "Hindi!" sigaw ni Salome at gulat siyang napalingon kay Fidel na ngayon ay nakahandusay na sa lupa at namimilipit sa sakit.
Isang bala muli ang diretsong tumama mula sa katawan ng kabayong sinasakyan ni Salome dahilan upang bigla itong mapahiyaw at bumagsak sa lupa na agad nitong ikinamatay. Maging si Salome ay diretsong sumubsob sa lupa at nagpagulong-gulong sa katabing palayan. Napatigil naman ang pinuno ng mga guardia civil at sinenyasan niya ang kaniyang mga tauhan na puntahan ang dalawang misteryosong taong iyon na nakasakay sa kabayo.
Nanghihina man ay pinilit ni Salome na imulat ang kaniyang mga mata at igalaw ang kaniyang mga braso at binti. Agad niyang natanaw si Fidel na ngayon ay tinadyakan ng isang guardia sa sikmura dahilan upang mapasuka ito ng dugo.
Ilang saglit pa, naramdaman ni Salome ang mga yapak ng sapatos na ngayon ay papalapit na rin sa kaniya. Dahan-dahan niyang inabot ang dragon na pang-ipit sa buhok na nabitawan niya. Nang makalapit ang isang guardia sa kaniya. Agad nitong hinawi ang itim na talukbong na nakabalot sa buong ulo niya.
"Es ella----" (It's her----) hindi na natapos ng guardia ang sasabihin niya dahil nakuha na ni Salome ang patalim na pang-ipit at agad niyang naitusok ito sa leeg ng guardia. Tumagos pa ang matalim na dulo nito sa batok ng kalaban.
"¡Prepararse!" (Get ready!) sigaw ng pinuno, na nakasakay sa kabayo mula sa di-kalayuan. Agad pumwesto ang mga tauhan niya sa kaniyang harapan saka itinutok ang baril diretso kay Salome.
"Fuego!" (Fire!) sigaw ng pinuno. Agad hinila ni Salome ang guardia na sinaksak niya sa leeg at ginawa itong panangga sa mga bala. Nagtago rin siya sa likod ng kabayong sinakyan nila ni Fidel kanina na ngayon ay nakahandusay na rin sa gitna ng palayan at patay na.
Ilang sandali pa, sigaw mula sa mga guardia ang narinig niya. Nagulat si Salome nang makita ang pagtama ng sunod-sunod na pana sa binti, balikat at sikmura ng mga guardia na namamaril. Napalingon siya sa gilid at nakita niya ang isang lalaking nakasuot ng salakot na nakasabit sa isang sanga ng puno. Mabilis nitong pinapana ang mga mga guardia dahilan upang mapaatras ang mga ito at nagtago na rin sa likod ng mga puno.
"Diez de ustedes! ¡Sígueme! mientras la otra mitad se queda aquí y los mata!" (Ten of you! Follow me! while the other half stay here and kill them!) utos ng pinuno saka sineyasan ang sampung guardia na sumunod sa kaniya. Papunta na sila ngayon sa tahanan ng pamilya Aguantar habang ang kalahating hukbo naman ay nanatili roon upang pigilan at hulihin sina Salome at ang tatlong misteryosong lalaki na nakasuot ng salakot.
Nasa walong guardia ang namamaril ngayon sa kanila. Agad namang pinaputukan ng mga guardia ang lalaking nakasuot ng salakot na nakasabit sa puno ngunit napatigil sila at muling nagtago nang sunod-sunod na tinamaan sila ng pana mula naman sa kabilang puno kung saan may isa pang lalaki na nakasuot ng salakot na ngayon ay pumapana sa kanila.
Nang dahil sa pagsulpot ng dalawang lalaking nakasalakot nalihis ang atensyon ng mga kalaban kung kaya't nakatayo si Salome at nakatakbo siya sa likod ng isang puno upang makapagtago. Napalingon siya sa dalawang lalaking nakasuot ng salakot na ngayon ay nakikipagpalitan ng palaso sa mga kalaban. Walang duda ang dalawang iyon ay si Patricio at Geronimo.
Napalingon din si Salome sa kinaroroonan ni Fidel na ngayon ay nakikipag-suntukan sa guardia na bumubogbog sa kaniya. Nasa ibabaw ang guardia at ngayon ay sinasakal niya si Fidel kasabay niyon ay agad nahawakan ng guardia ang pulang tela na nakabalot sa mukha ni Fidel at akmang hihilahin na niya ito ngunit mabilis na inihagis ni Salome ang dragon na pang-ipit diretso sa likod ng guardia na kalaban ni Fidel.
Ang patalim ay diretsong tumama sa spine ng guardia dahilan upang bigla itong manigas at mapahiyaw sa sakit. Agad namang kinuha ni Fidel ang matalim niyang palaso saka isinaksak ito sa dibdib ng kalaban. Habang abala ang ibang mga guardia sa pamamaril kina Patricio at Geronimo na nagtatago sa itaas ng sanga ng mga puno. Dali-daling tumakbo si Salome papunta kay Fidel, agad niyang hinugot ang dragon na pang-ipit na nakabaon sa likod ng guardia na wala na ngayong buhay.
Napatigil siya nang makita ang walang-awat na pagdurugo ng balikat ni Fidel dahil sa malalim na tama ng bala nito. Napapikit na lang sa sakit si Fidel, hindi naman malaman ni Salome ang gagawin kung kaya't niyakap na lang niya ang binata. ito ang kinatatakutan niya. Ang madamay ang mga taong mahalaga sa kaniya.
Isang guardia ang nakapansin kay Salome at Fidel mula sa di-kalayuan. Agad niyang itnutok ang hawak niyang mahabang baril diretso kay Salome na nakatalikod ngayon. Mabuti na lang dahil agad itong nakita ni Patricio, dali-dali siyang lumundag mula sa puno at dinaganan niya ang guardiang iyon.
Napamura naman sa inis si Geronimo dahil sa ginawa ni Patricio na paglundag sa ibaba. Nang dahil doon sunod-sunod na pinaputakan ng mga guardia ang punong pinagtataguan ni Geronimo dahil wala na ang isa pang namamana sa kanila.
Mabilis na naagaw ni Patricio ang baril na hawak ng guardia saka ipinutok ito sa sikmura ng kalaban. Ngunit limang sunod-sunod na bala ang tumama sa direksyon niya kaya agad siyang nagtago sa likod ng isang puno na malapit sa kaniya.
Natatalo na sila ng kalaban. Hindi na ngayon maka-pana si Geronimo dahil pinupuntirya na siya ng mga guardia. Hindi na rin makaganti ng pana at baril si Patricio dahil unti-unti nang nakakalapit sa kanila ang mga kalaban.
Ilang sandali pa, malakas na hiyaw mula sa mga guardia ang umalingangaw nang sunod-sunod na palaso ang tumama sa kanila. Asintadong-asintadong tumama ang mga matatalim na palaso sa sikmura, ulo, leeg, likod at sa dibdib ng mga kalaban na agad nitong ikinamatay.
Sabay na napalingon si Patricio at Geronimo kung saan nanggaling ang mga palasong iyon. Hindi na sila nagtaka pa, hindi na sila nagulat pa dahil tama nga ang hinala nila. Ang asintadong pumana at nakapatay sa mga kalaban ay si Fidel.
Sa palitan ng kanilang mga tingin nila sa isa't-isa ngayon ay nakahinga na sila ng maluwag dahil natalo nila ang kalaban. Ngunit isang nagliliyab na liwanag ang umusbong mula sa di-kalayuan. Napatulala silang apat lalong-lalo na si Salome nang mapagtanto niya na ang nasusunog na bahay sa gitna ng palayan ay ang kanilang tahanan.
Agad lumundag pababa si Geronimo mula sa itaas ng puno "Wala na tayong oras!" giit ni Geronimo saka sumakay sa isang kabayo na pag-mamayari ng mga namatay na guardia civil. Agad namang inalalayan ni Patricio si Fidel na ngayon ay tinitiis ang tama ng bala sa kaniyang kanang balikat.
"Lumeng" tawag ni Patricio sa dalaga na ngayon ay tulalang nakatinginn sa kanilang tahanan na tinutupok na ngayon ng apoy. Agad napalingon si Patricio kay Geronimo.
"Isakay mo siya, hindi na niya kayang magpatakbo mag-isa ng kabayo. Ako na ang bahala kay Lumeng" tugon ni Patricio kay Geronimo. Magsasalita pa sana si Fidel ngunit alam niyang tama si Patricio, hindi niya magagawang mapatakbo ang kabayo dahil hindi na maawat sa pagdugo ang kaniyang sugat sa balikat.
Dali-daling hinawakan ni Patricio ang magkabilang balikat ni Salome at pinilit itong tumingin sa kaniyang mga mata "Lumeng, aalis na tay----" hindi na natapos pa ni Patricio ang sasabihin niya dahil biglang napaatras si Salome sabay hawak ng mahigpit sa patalim na pang-ipit.
"Papatayin ko sila!" giit ng dalaga habang nanlilisik ang mga mata nitong nakatingin sa liwanag ng apoy na sumisira ngayon sa kanilang bahay. Magsasalita pa sana si Patricio ngunit dire-diretso nang umangkas si Salome sa kabayo. Wala nang nagawa pa si Patricio kundi tulungang umangkas sa kabayo ang dalaga.
"Lumeng" tawag ni Fidel na nakaangkas sa kabilang kabayo habang nasa likod nito si Geronimo. Hindi na natuloy ni Fidel ang sasabihin niya dahil biglang lumingon sa kaniya si Salome "Huwag niyo akong intindihin. Kaya ko ang sarili---" hindi na natapos ni Salome ang sasabihin niya dahil biglang umangkas si Patricio sa kabayong sinasakyan ni Salome at bigla niyang hinawakan ang lubid ng kabayo dahilan upang makulong si Salome sa kaniyang mga bisig.
"Hindi kita iiwan..." tugon ni Patricio sa dalaga. Gulat namang napatingin sa kaniya si Salome. At ngayon ay masama na rin ang tingin ni Fidel sa kanila.
"Hindi ako aalis... kahit paalisin mo ako, hindi ako aalis sa tabi mo" giit naman ni Fidel dahilan upang mapalingon sa kaniya si Patricio na seryoso na rin ang tingin. Hindi naman nakapagsalita si Salome, alam nila na hindi ito ang tamang oras para magdiskusyon.
Nabasag lang nabubuong mainit na tensyon nang tumawa at magsalita si Geronimo "Ano na? hinihintay na tayo ng mga mahihinang guardiang iyon" tawa pa ni Geronimo at pinatakbo na niya ang kabayong sinasakyan nila ni Fidel.
Pinatakbo na rin ni Patricio ang kabayong sinasakyan nila ni Salome at tinahak nilang apat ang daan papunta sa kinaroroonan ng tahanan nila Salome na ngayon ay nasusunog na.
Habang papalapit ng papalapit sila sa tahanan ng pamilya Aguantar unti-unti nilang naaamoy ang makapal na usok na bumabalot na ngayon sa kalangitan. May iilang mga mamamayan ang nakasilip sa kanilang mga bintana ngunit nang dumating sina Salome ay agad silang nagsipagtago.
Nabalot ng matindig lamig ang buong katawan ni Salome habang pinagmamasdan ang kanilang tahanan na nilalamon na ng apoy. Nang tumigil ang kabayo na sinasakyan niya ay agad siyang lumundag pababa. Hindi na siya nagawang pigilan pa ni Patricio dahil dire-diretsong tumakbo si Salome papunta sa tapat ng bahay nila.
Kahit hirap na hirap ay sinikap ni Fidel na lumundag sa kabayo at tumakbo upang sundan si Salome na ngayon ay mukhang gustong pasukin ang kanilang tahanan na nasusunog na. "LUMENG!" tawag ni Fidel ngunit hindi siya naririnig nito, mabuti na lang dahil agad nakatakbo si Patricio papunta kay Salome upang pigilan itong pumasok sa bahay na tinutupok na ng apoy.
"INAY! ATE FE! JULIO! INGKONG!" sigaw ni Salome habang patuloy na umaagos ang mga luha sa kaniyang mga mata. Ang puso niya ay parang dinurog ng libo-libong beses at ngayon ay hindi na siya makahinga dahil sa sobrang sakit na nararamdaman niya. Ang bawat usok ng apoy na nanggagaling sa kanilang tahanan ay parang isang malakas na sampal na patuloy na nagpapahina sa kaniyang buong katawan. Tanging pagsigaw, pag-iyak, paghihinagpis at pagpupumiglas ang nagagawa niya ngayon habang hawak-hawak siya ni Patricio.
Napabagsak na lang din si Fidel sa lupa habang pinagmamasdan ang nasusunog na bahay ng kaniyang sinisinta. Ilang sandali pa, narinig nila ang tawag ni Geronimo mula sa likuran habang akay-akay ang isang matandang lalaking duguan.
Nanlaki ang mga mata ni Salome nang makilala kung sino ang matandang lalaking iyon na hinang-hina na at nababalot na ng dugo... si Ingkong Lui.
Dahan-dahang inalalayan ni Geronimo si Ingkong Lui paupo at pinasandal sa isang puno sa gilid nila. Agad ding tumakbo si Salome papunta sa kaniyang Ingkong at agad itong niyakap. Inalalayan na rin ni Patricio si Fidel papunta sa kinaroroonan ni Ingkong Lui.
Hindi na maawat si Salome sa pag-iyak habang nakayap sa kaniyang Ingkong. Hindi na rin niya alintana ang napakaraming dugong dumidikit sa kaniyang damit at mukha mula sa kaniyang Ingkong. Dahan-dahan at nanghihinang tinapik-tapik ni Ingkong Lui ang likod ng kaniyang apo-sa-pamangkin.
"L-lumeng... M-magpakatatag ka Hija" panimula nito sabay hawi sa buhok ni Salome. Dahan-dahang bumitaw na rin si Salome mula sa pagkakayakap niya kay Ingkong Lui at nakinig ng mabuti sa sasabihin nito.
"A-ang iyong inay at mga kapatid ay dinakip ngayon, h-hindi ko alam kung saan sila dinala ngunit ang iyong inay ay malubha ring nasugatan nang lumaban kami sa kanila" saad ni Ingkong Lui kasabay nito ay ang paglahad niya ng kabuuang nangyari...
Malalim ang gabi, mahimbing silang natutulog nang maalimpungatan si Ingkong Lui dahil sa dumadagundong na yapak ng mga paa ng kabayo na mukhang papalapit sa kanila. Agad napabangon si Ingkong Lui at napasilip sa bintana. Laking-gulat niya nang makita ang sampung guardia civil kasama ang Heneral, tumigil ito sa tapat ng kanilang tahanan at sinenyasan ng Heneral ang kaniyang mga tauhan na palibutan ang buong bahay nila.
Nagising na rin si Nay Delia at nagbalot ng balabal. Akmang lalabas siya sa pintuan upang tingnan kung anong mayroon sa labas ngunit napatigil siya nang makita si Ingkong Lui sa salas habang hawak ang mahabang baston nito.
Sa tingin pa lang ni Ingkong Lui ay naintindihan na ni Nay Delia na kalaban ang mga nasa labas ng kanilang tahanan. Kasunod nito ay tatlong malakas na kalabog sa pinto ang sumunod na nangyari dahilan upang gulat na mapabangon si Felicidad at maalimpungatan ang batang si Julio.
"Inay, anong nangyayari?" gulat na tanong ni Felicidad sabay yakap kay Julio na biglang napahikbi dahil sa takot. Magsasalita na sana si Nay Delia ngunit limang sunod-sunod na kalabog sa pinto na naman ang kanilang narinig.
"Nasaan si Lumeng at Nilong?" nag-aalalang tanong ni Nay Delia saka diretsong nagtungo sa kwarto ni Danilo ngunit walang tao roon.
"Marahil ay magkasama silang dalawa ngayon" saad ni Ingkong Lui habang nakapikit ang kaniyang mga mata. Animo'y pinapakiramdaman niya ang buong paligid. "Ngunit ako'y nangangamba na tuluyan nang nakatawid sa kabilang buhay ang isa sa kanila..." patuloy ng ingkong, dahilan upang gulat na mapalingon sa kaniya si Nay Delia, Felicidad at ang batang si Julio.
"S-sino po ang nasa labas?" muling tanong ni Felicidad, agad siyang napabangon at dali-daling nagsuot ng balabal. Binalutan niya rin ng talukbong si Julio at pinatahan ito sa pag-iyak.
Isang malakas na pagkabog sa pinto ang nagpasira sa tanikala ng kanilang pintuan. Napahinga na lang ng malalim si Nay Delia, animo'y tanggap na niya ang kanilang kapalaran. Muli siyang napasulyap kay Ingkong Lui at isang tango ang isinagot nito sa kaniya. kasabay ng pag-tango na iyon ay ang pagdampot ni Nay Delia ng balisong na nasa gilid ng mesa at itinago niya sa loob ng kaniyang balabal.
"Lumabas kayo riyan!" sigaw ng isang guardia mula sa labas. Nagsimula namang humakbang si Nay Delia papalapit sa pinto at dahan-dahang binuksan ito.
Isang matangkad na ginoo na nakasuot ng kompletong uniporme pang-Heneral ang tumambad sa harapan niya. may makapal itong bigote at balbas na siyang bumabalot ssa mukha nito. Napaktangos ng ilong at napakaputing balat ang masisilayan sa Heneral na iyon. Nasa edad apatnapu pataaas na ito ngunit bihasang-bihasa pa rin sa pakikipaglaban.
"No es de extrañar, tu hijo muerto se ve exactamente como tú" (No wonder, your dead son looks exactly like you) saad ng Heneral habang nakatitig ng mabuti sa mukha ni Nay Delia. Isang binatang guardia civil naman ang nasa tabi ng Heneral at siyang nakakaintindi at nakakapagsalita ng wikang tagalog.
"Kayo ba ang pamilya Aguantar?" tanong ng guardia, napatingin naman si Nay Delia sa hawak nitong mahabang espada. Saka ibinalik ang tingin sa Heneral.
"Y me aseguraré de que mueras exactamente lo que le hiciste a mi hijo!" (And I'll make sure that you will die just exactly what you did to my son!) buwelta ni Nay Delia na ikinagulat ng Heneral at ng mga guardia dahil nakakaintindi pala ito ng wikang Kastila. Huhugutin n asana ng Heneral ang kaniyang rebolber ngunit naunahan siya ni Nay Delia na mabilis pa sa kidlat na nahugot nito ang hawak na balisong at dali-daling iwinasiwas sa mukha ng Heneral.
Gulat na napasigaw ang Heneral sa sakit nang mahiwa ang kaniyang mukha. Agad siyang nasalo ng mga guardia na nasa likod niya at dali-daling prinotektahan. "¡MÁTALOS!" (KILL THEM!) sigaw ng Heneral habang nakahawak sa mukha niyang nagdurugo na ngayon.
Hindi naman na nag-aksaya pa ng oras ang kaniyang mga tauhan at agad nilang sinugod si Nay Delia. Ngunit nagulat sila nang bigla itong umikot papalabas at mabilis na nasipa sa ere ang mga kalaban. Napaatras sa gulat ang mga guardia lalong-lalo na nang biglang may anino ng isang matandang lalaki ang lumabas mula sa bahay.
"¡Mierda! ¡Disparales! usa tus armas!" (Shit! Shoot them! use your guns!) galit na utos ng Heneral sa kaniyang mga tauhan, hindi na siya magkamayaw ngayon dahil namimilipit na siya sa sakit ng malalim na hiwa sa kaniyang mukha.
Dali-daling nilabas ng mga guardia ang kanilang mga rebolber at mahahabang baril ngunit kahit ganoon ay nanginginig pa rin sila sa takot. "Ganiyan ba kayo makipaglaban? Hindi patas? Para saan pa't ipagmamalaki niyo na kayo'y nanalo kung sa umpisa pa lang ng laban ay nandaraya na kayo" buwelta ni Ingkong Lui sabay kumpay sa kaniyang mahabang baston.
Nagkatinginan naman ang mga guardia na takot na takot ngayon. Ngunit hindi pa rin nila binitiwan ang mga baril na hawak nila. "¿Qué estás esperando? ¡Disparales!" (What are you all waiting for? Shoot them!) sigaw pa ng Heneral na ngayon ay nagtatago sa likod nila.
Isang nagmamagaling na guardia ang nagpaputok ng baril diretso kay Ingkong Lui ngunit mabilis na nakailag ang matanda gamit lang ang isang hakbang papa-kaliwa. Kasunod nito ay agad humakbang papaikot si Ingkong Lui habang mabilis na pinapaikot-ikot ang kaniyang baston dahilan upang masindak at mapaatras ang mga kalaban.
Dinukot naman ni Nay Delia ang limang maliliit na balisong na kaniyang hawak at mabilis na inihagis sa mga kalaban. Agad napasigaw ang mga ito ng tamaan sa iba't-ibang parte ng kanilang mga katawan. Ang dalawa sa kanila ay sa leeg tinamaan kung kaya't agad itong nabaiwan ng buhay.
Sunod-sunod na malalakas na hampas ng baston ang tumama sa mga guardia, at hindi na nila ngayon malaman ang kanilang gagawin dahil sa bilis ng kilos ni Ingkong Lui. Ang ilan ay napasuka ng dugo ng tamaan sa kanilang mga sikmura, ulo, likod at balakang. "Delia! Tumakas na kayo! Ako na ang bahala rito" giit ni Ingkong Lui, napailing naman si Nay Delia.
"Hindi ka namin iiwan Ingkong" tugon nito habang sunod-sunod na hinahagis ang mga balisong na hawak niya. "Wala ng oras! Tumakas na kayo! Iligtas mo ang mga bata!" giit pa ni Ingkong Lui, parang isang tinik na bumabaon sa puso ni Nay Delia ang pag-iyak ni Julio na ngayon ay yakap-yakap ni Felicidad ng mahigpit at pilit na pinapatahan ito.
"Ingkong----" magsasalita pa sana si Nay Delia ngunit natamaan ng espada sa balikat si Ingkong Lui. "Tumakas na kayo!" sigaw pa nito. Wala nang nagawa si Nay Delia kundi pumasok muli sa loob ng bahay at hinila na niya ang anak na si Felicidad at Julio. Sa likod ng bahay sila dumaan habang hinaharang ni Ingkong Lui ang mga kalaban.
Agad namang napatayo ang Heneral at galit na sinundan sina Nay Delia sa likod ng bahay. Sumakay siya sa kabayo at agad itong pinakaripas ng takbo. Nang marating niya ang likod ng bahay nakita niya ang pintuang naiwang bukas. Maging ang mga bakas ng paa na papunta sa matataas na talahiban.
Dali-daling pinatakbo ng Heneral ang sinasakyang kabayo at hindi nagtagal ay natanaw na niya ang dalawang babae na tumatakbo habang ang isa ay may bitbit na batang lalaki.
"Inay!" tawag ni Felicidad sa kaniyang ina, takot na takot na siya ngayon at kahit mahirap at hinihingal na siya habang karga-karga si Julio ay sinisikap niya pa ring makatakbo ng mabilis. Agad hinawakan ni Nay Delia ng mahigpit ang kamay ng anak.
Agad hinugot ni Nay Delia ang natitirang isang pirasong balisong na nakatago sa kaniyang balabal. Mabilis na inihagis niya ito sa Heneral na humahabol sa kanila ngayon. Diretsong tumama ang matalim na balisong sa balikat ng heneral at napahiyaw ito sa sakit. Ngunit ang tamang iyon ay hindi nakahadlang sa kaniya upang patuloy na habulin sila.
Nang dahil sa matinding galit at pagka-inis, agad binunot ng Heneral ang kaniyang rebolber at itnutok kay Felicidad. Isang bala ang diretsong tumama sa binti ng dalaga na agad nitong ikinabagsak sa putikan. "ANAK!" sigaw ni Nay Delia ngunit dalawang sunod-sunod na bala ang tumama sa kaniyang kaliwang binti at balikat dahilan upang maging siya ay mapabagsak sa lupa.
Nang marinig ni Ingkong Lui ang tatlong sunod-sunod na putok ng baril mula sa talahiban ay bigla siyang sinaklaban ng takot at napalingon sa loob ng kanilang bahay. Naging pagkakataon iyon upang makaatake ang mga kalaban sa kaniya at agad siyang nasaksak ng isang guardia ng espada sa sikmura. Kasunod nito ay ang sabay-sabay na pag-atake ng ilang mga guardia sa kaniya dahilan upang mapabagsak siya sa sahig.
Sa kabilang banda, napangisi naman ang Heneral nang mapatumba niya ang dalawang babae, pinatigil na rin niya ang kabayong sinasakyan. Agad siyang bumaba rito at naglakad papalapit kay Nay Delia at Felicidad na ngayon ay namimilipit na sa sakit. Ngunit biglang napaatras ang Heneral nang bumangon ang batang lalaki at pinagsusuntok siya sa binti.
"Oh, uno difícil" (Oh, a tough one) pang-asar na buwelta ng Heneral sa batang si Julio na ngayon ay umiiyak habang pinagsusuntok siya sa binti. Agad naman niyang hinawakan ang ulo ng bata saka itinulak ng malakas papalayo dahilan upang mapabagsak na rin ito sa putikan.
"Recuerda siempre, nadie podría escapar de mí" (Always remember, no one could escape from me) pang-asar na buwelta ng Heneral saka itinali si Nay Delia, Felicidad at Julio. Kasunod nito ay dumating na ang iba pa niyang mga tauhan. Muling napangisi ang Heneral dahil alam niyang natalo na rin ngayon ang matandang lalaking humarang sa kanila kanina.
"Ponga su casa en llamas, y supongo que la joven que queda vendrá por nosotros" (Put their house into fire, and I assume that the remaining young lady will be coming for us) tugon ng Heneral sa kaniyang mga tauhan. Agad naman itong sumunod at pinasiklaban ng apoy ang buong bahay ng pamilya Aguantar.
"Lumeng... iligtas mo ang iyong pamilya, p-patawad kung hindi ko sila nagawang protektahan" nanghihinang tugon ni Ingkong Lui habang hinahawi ang buhok ni Salome. "N-nakita kong nabihag sila ng mga guardia kanina ngunit hindi ko alam kung saan sila dinala" patuloy pa nito. Dahan-dahan niyang pinunasan ang mga luha sa mata ni Salome.
"N-naniniwala ako na mapagtatagumpayan mo ang laban na ito, at h-hihintayin ko na ibalita mo sa aking puntod ang k-katagumpayan mo apo ko" wika ni Ingkong Lui sa huling pagkakataon, kasabay niyon ay ang pag-ubo niya ng dugo at ang pagtigil ng kaniyang hininga.
"Ingkong! Huwaaag!" pagtangis pa ni Salome sabay yakap ng mahigpit sa kaniyang tiyuhin na siyang naging kasangga nila noong wala na silang mapuntahan. Ito rin ang unang umintindi at nag-aruga sa kanilang pamilya. At si Ingkong Lui rin ang siyang nagturo at nagsanay sa kaniya kung paano makipaglaban. Ngunit ngayon wala na ito, katulad ng kapatid niyang si Danilo, ngayon ay magkasama na silang nakatawid sa kabilang buhay.
Isang kakaibang amoy mula sa pulang kandila ang dahilan upang maalimpungatan si Salome. Agad niyang naramdaman ang sobrang bigat ng kaniyang katawan. Animo'y namamaga ang kaniyang mga braso at binti. Maging ang kaniyang ulo ay napakabigat na rin ngayon. Idagdag pa ang mga sugat, hiwa, gasgas at pasa na natamo niya sa pagtakas nila.
Dahan-dahang iginala ni Salome ang kaniyang mga mata sa buong paligid. Nasa loob siya ng isang di-pamilyar na silid. Nakahiga siya sa malaki at malambot na kama. At laking gulat niya na mapagtanto na iba na ang damit na suot niya.
Agad siyang napabangon sa gulat at kahit masakit pa rin ang kaniyang buong katawan walang ano-ano'y inalis niya ang makapal na kumot na nakabalot sa buong katawan niya. "Maghunos dili ka, Hija" isang boses ng matandang babae ang narinig niya mula sa kaliwa. Gulat siyang napatingin sa kaliwa kung saan naroroon ang pintuan, nanlaki ang mga mata ni Salome nang makilala kung sino ang matandang babaeng nagsalita... si Inay Laya, ang manggagamot sa bayan ng San Alfonso na mula sa lahi ng mga babaylan.
"Ang pabigla-biglang kilos at desisyon ay hindi nakabubuti. Magpasalamat ka dahil hindi maluba ang mga sugat at pasa na iyong natamo" wika pa ni Inay Laya saka nagkalad na papasok sa loob ng kwarto at isinara na rin niya ng dahan-dahan ang pinto.
Medyo madilim ang paligid ng buong kwarto dahil isang malaking pulang kandila lamang ang nagbibigay ng liwanag sa kanila. Nakatirik ang kandila sa ibabaw ng maliit na mesa sa gilid ng kama na hinihigaan ngayon ni Salome.
"N-nasaan ako?" tanong ni Salome, bagama't tuyong-tuyo na ang kaniyang lalamunan ay nagawa pa rin niyang makapagsalita. Hindi naman kumibo si Inay Laya habang abala pa rin ito sa paghahalo-halo ng mga halamang gamot sa iisang lalagyan.
Matanda na si Inay Laya at kitang-kita ito sa kaniya dahil kuba na ito kung tumayo at maglakad. "Nasaan ako? Anong nangyari? Nasaan sina inay at mga kapatid ko? Nasaan si Ingkong? Nasaan sina Fidel?" sunod-sunod na tanong ni Salome. Unti-unti na ring nangingilid ang kaniyang mga luha.
Magsasalita pa sana ulit si Salome pero hinarap na siya ni Inay Laya, bitbit ang isang malaking lalagyan na gawa sa kahoy at isang makapal na puting tela. Naupo na si Inay Laya sa gilid ng kama niya at walang ano-ano'y kinuha nito ang kaniyang kaliwang braso saka pinunasan ng halamang gamot.
"Narito tayo sa tahanan ni Don Epifanio" sagot ni Inay Laya, biglang nanlaki ang mga mata ni Salome. "Narito tayo sa paggamutan? Hindi! Aalis ako" saad ni Salome at akmang tatayo na ngunit hinawakan ng matanda ang braso niya ng mahigpit.
"Hindi ka aalis. Wala nang ibang lugar na ligtas para sa iyo kundi rito" tugon ng matanda habang hawak-hawak pa rin ng mahigpit ang braso ni Salome. "Isa pa, wala kang dapat ipangamba sapagkat hindi ito ang paggamutan, nasa kabilang kalye pa ang paggamutan. Ang tahanang ito ay siyang bahay mismo ni Don Epifanio" tugon pa ni Inay Laya at pinagpatuloy na niya ang pagpunas ng halamang gamot sa braso ni Salome.
Hindi naman na nakapagsalita pa si Salome, sa ngayon ayaw na muna niyang alalahanin na baka makita niya rito si Roselia. "At huwag kang mag-alala ako ang nagpalit ng iyong damit" patuloy pa ng matanda. Kahit papaano ay nakahinga naman ng maluwag si Salome sa nalaman niya.
"Ang totoo niyan, hindi dapat papayag si Don Epifanio na itago ka rito ngunit nang dahil sa pakiusap ni Roselia, pumayag na ang Don. Batid kong alam mo na ang relasyon ni Don Epifanio at Roselia, sa ngayon tanggapin mo na lang ang katotohanan na ang pagtataksil ni Roselia ay siyang makatutulong pala para sa iyo" wika pa ni Inay Laya, bigla namang napayuko si Salome at napaisip ng malalim. Naguguluhan siya kung dapat niya bang pasalamatan si Roselia.
"Bukod pa roon, mukhang hindi makakatanggi si Don Epifanio kay Señor Patricio Montecarlos. Alam naman nating makapangyarihan si Señor Patricio at napag-alaman ko na malaki rin pala ang naitulong ni Señor Patricio sa pagpapatayo ng paggamutan dito sa Pampanga" tugon pa ni Inay Laya saka kinuha ang isa pang braso ni Salome at sinimulang punasan iyon.
"Sa nangyaring pakikipag-usap ni Señor Patricio kay Don Epifanio kagabi, nakita ko ang pag-aalala sayo ng ginoo at aking napagtanto na siya'y umiibig sa iyo" saad pa ng matanda dahilan upang gulat na mapatingin si Salome sa kaniya.
"Ngunit---" hindi na natapos ni Salome ang sasabihin niya dahil biglang nagsalita si Inay Laya.
"Ngunit hindi ka umiibig sa kaniya. Sapagkat ibang binata ang nilalaman ng iyong puso, hindi ba?" patuloy ni Inay Laya sabay tingin ng diretso sa mga mata ni Salome. Hindi naman nakapagsalita si Salome at napaiwas na lang siya ng tingin. Kahit hindi niya sabihin batid niyang alam ni Inay Laya kung sino ang lalaking nilalaman ng puso niya.
"Tunay nga na hindi natin mapipili kung sino ang dapat na mahalin. Ngunit ang paulit-ulit na magkamali ay hindi na katanggap-tanggap, hindi ba?" muling tugon ni Inay Laya habang nakatingin pa rin ng diretso sa mga mata ni Salome, animo'y hinuhukay nito ang mga sikreto na nakatago sa ilalim ng kaniyang puso.
Hindi naman nakaimik si Salome. Pinili na lang niyang umiwas ng tingin at tanawin ang bintana sa labas. Gabi na ngunit nakikita pa rin niya ang dahan-dahang pagpatak ng ulan mula sa labas ng bintana. Napatigil si Salome nang makita ang isang pamilyar na pahabang lumang papel na nakasabit sa gilid ng bintana.
Naalala ni Salome na nakita na niya ito noon sa tinutuluyang bahay ni Inay Laya noong unang beses silang nagkita nang samahan nila ni Ising si Manang Estelita magpagamot sa matandang babaylan.
"Tama ka hija, iyan nga ang nakita mo noon sa aking tahanan" walang ano-ano'y saad ng matanda habang abala pa rin sa pagpunas sa kaniya. Napatitig muli si Salome sa pahabang lumang papel na iyon kung saan nakasulat ang isang salita sa Baybayin...
Pangako
Ilang sandali pa, nagulat si Salome nang kunin ni Inay Laya ang pulang kandila at itinapat ito sa harapan niya. "Pagmasdan mo ang kandilang ito, sa oras na ito'y matunaw at maubos... maaari pa rin itong mabuo at maging panibagong kandila muli" saad ni Inay Laya, hindi naman maunawaan ni Salome kung bakit hindi na niya ngayon maalis ang mga mga mata niya sa pagkatitig sa kandilang iyon.
"Ang pagkakamali ng nakaraan ay maaaring mabuo at mangyari muli" patuloy ng matanda saka inilapit muli kay Salome ang kandila. "Nais mo bang malaman hija kung paano matatapos ang paulit-ulit na pangyayaring ito?" wika pa ni Inay Laya dahilan upang mailbaling ni Salome ang tingin niya sa matanda.
"Simple lang... kailangang mangyari ito..." patuloy ng matanda saka pinatay niya ang sindi ng kandila gamit ang kaniyang hininga.
Kinabukasan, naalimpungatan si Salome nang marinig niya ang pamilyar na tunog ng musika mula sa labas ng silid na tinutuluyan niya. Dahan-dahan siyang napabangon saka inalis ang mga dahon na nakatapal sa kaniyang buong katawan.
Bago siya makatulog kagabi ay naikwento sa kaniya ni Inay Laya ang lahat. Ayon kay Inay Laya, madaling araw na raw nang kumatok sina Señor Fidel, Patricio at Geronimo sa tahanan ni Don Epifanio. Dala-dala nila si Salome na wala nang malay matapos ang matinding paghihinagpis sa pagkawala ng kaniyang kapatid, Ingkong, ang pagdukot sa kaniyang ina at dalawa pang kapatid at ang pagsunog sa kanilang tahanan.
Noong una ay ayaw tanggapin ni Don Epifanio si Salome sa kaniyang tahanan ngunit nagalit si Patricio at pinaalala sa kaniya ang lahat ng naitulong nito sa paggamutan. Kasunod rin nito ay dumating si Roselia na siyang kinakasama na ngayon ni Don Epifanio. Nang dahil din sa pakiusap ni Roselia kung kaya't pumayag si Don Epifanio na itago si Salome sa kaniyang tahanan.
Si Fidel, Patricio at Geronimo naman ay agad ginamot ni Inay Laya noong gabing iyon. Lalong-lalo na si Fidel na may tama ng bala sa balikat. Silang tatlo ay tumutuloy ngayon sa tahanan ng alcalde mayor ng Pampanga at siguradong magtataka ang pamilya ng alcalde mayor sa oras na makita nilang sugatan at duguan ang mga ginoo lalo na si Señor Fidel.
Tanghaling tapat na nang mapag-desisyunan ng tatlong ginoo na bumalik sa tahanan ng alcalde mayor upang hindi sila paghinalaan nito lalo na't hinahanap na rin ngayon kung sino ang tatlong misteryosong lalaki na nakasuot ng salakot at siyang tumulong kay Salome.
Si Inay Laya naman ay ilang buwan nang naninirahan sa Pampanga at siyang kanang kamay ni Don Epifanio sa panggagamot. Matagal nang umalis si Inay Laya sa San Alfonso dahil na rin sa mainit na dugo sa kaniya nina Padre Bernardo.
Napalingon na lang si Salome sa pagkaing nakahain sa mesa sa kaniyang gilid. Batid niyang kailangang manumbalik ang kaniyang lakas kung kaya't kinuha na niya ang pagkain at nagsimula na siyang kumain habang pinapakinggan ang pamilyar na musika na naririnig niya mula sa labas ng kaniyang silid.
Napalingon siya sa bintana, maaliwalas na muli ang kalangitan ngunit kita pa rin ang mga basang puno at halaman sa paligid dahil sa pag-ulan kagabi.
Nang matapos siyang kumain, bumangon na siya sa kama at nagsimulang humakbang papunta sa pintuan. Mabigat at parang namamaga ang kaniyang mga binti ngunit sinikap niya pa ring makarating sa pintuan upang masilip kung anong mayroon sa labas.
Pagkabukas niya ng pinto mas lalong lumakas ang musika na nanggagaling sa labas. Napatulala na lang si Salome nang makita kung sino ang lalaking tumutugtog ng biyolin at siyang pinagmumulan ng pamilyar na musikang iyon.
Marahan na musika na animo'y naglalakbay papasok sa kaniyang tenga at parang kuryente na dumadaloy sa kaniyang buong katawan na siyang nagpapagaan din ng lahat ng alalahanin na kaniyang pasan-pasan.
Nakatayo si Fidel sa tapat ng balkonahe at mula doon ay tinutugtog niya ang 'Canon in D' gamit ang isang itim na biyolin. Nakapikit ang kaniyang mga mata habang dinadama niya ang bawat nota, kasabay nito ang pag-ihip ng marahan na hangin dahilan upang mahawi ang buhok niyang tumatama sa kaniyang kilay.
Ilang sandali pa, biglang napatigil si Fidel sa pagtugtog at nang imulat niya ang kaniyang mga mata nakita niya si Salome na nakatayo na ngayon sa tapat niya at nakakatitig sa kaniya. Isang matamis na ngiti ang nabitiwan na Fidel nang makita ang dalagang pinipintig ng puso niya.
Isang matamis na ngiti rin ang sagot ni Salome sa pag-ibig na pinapamalas ng binatang kaharap sa kaniya. "Desearía poder ver tu sonrisa así cada vez que me despierto" (I wish that I could see your smile like this everytime I wake up) saad ni Fidel habang nakatingin ng diretso sa mga mata ni Salome.
Isang ngiti at tango ang muling pinakawalan ni Salome dahilan upang hindi na mapawi ang pangiti ni Fidel. Inalapag ni Fidel ang hawak na biyolin saka niyakap ang dalaga at niyakap rin siya nito pabalik. "Nawa'y hindi mo pa rin nakalimutan ang sinabi mo noon sa akin sa Simbahan ng San Agustin" bulong ni Fidel sa tenga ni Salome habang magkayakap pa rin sila ng mahigpit.
Napakunot naman ang noo ni Salome "Anong sinabi ko?" nagtatakang tanong ni Salome. Bigla namang napabusangot ang mukha ni Fidel ngunit kahit ganoon ay hindi pa rin siya kumawala sa pagkakayakap sa dalaga.
"Iyong sinabi na ika'y magpapakasal sa akin sa lalong madaling panahon" ngisi ng binata dahilan para mapabitaw sa yakap si Salome ngunit hindi siya nakawala dahil ayaw siyang bitawan ni Fidel na ngayon ay tinatawanan na siya. Isinubsob na lang ni Salome ang mukha niya sa dibdib ng binata dahil sa hiya, namumula na ang pisngi niya dahil sa sinabi nito at nahihiya siyang makita nito ang pamumula ng buong mukha niya.
Sandali silang nag-usap sa balkonahe. Nalaman ni Salome na unti-unti na ring naghihilom ang sugat sa balikat ni Fidel. Nakasuot ngayon ang binata ng makapal na coat upang hindi mapansin ang nakabalot na tela sa balikat nito. Siguradong magtatanong ang mga opisyal kung saan nakuha ni Fidel ang sugat na iyon.
Matapos ang tanghalian, pinapasok na ni Inay Laya si Salome sa silid upang makapagpahinga. Kailangan pa nitong mabawi ang kaniyang lakas. Kung kaya't tinapalan niya muli ng mga halamang gamot ang dalaga. Nasa Maynila ngayon si Don Epifanio kasama si Roselia upang ipakilala sa isang pagpupulong ang bago niyang asawa. Kung kaya't si Inay Laya muna ang pansamantalang namamahala sa mansyon at paggamutan ni Don Epifanio.
Mag-aalas singko nan ang hapon nang magising si Salome mula sa pagsisiyesta. Bago siya lumabas ng kwarto ay muli siyang napatigil at napatitig sa pahabang lumang papel na nakasabit sa gilid ng bintana na kung saan nakasulat ang isang salita sa letrang baybayin... 'Pangako'
Bakit tila pamilyar sa akin ang bagay na iyon?
Nang makarating si Salome sa kusina wala doon si Inay Laya. Maging sa salas, palikuran at sa silid nito ay wala ang matanda. Tahimik ang buong bahay, ngunit maayos at malinis ito. Kitang-kita rin ang karangyaan ni Don Epifanio. Napatigil si Salome nang makita ang iginuhit na larawan na nakasabit sa dingding ng salas.
Naroon ang magkasamang iginuhit na larawan ni Don Epifanio habang hawak ang kamay ni Roselia na medyo umbok na ang tiyan. Ngayon lang napagtanto ni Salome na ikinasal na pala si Roselia kay Don Epifanio, kung kaya't ang pagbubuntis nito ay legal na.
Nagtungo na lang ulit sa kusina si Salome upang kumuha ng isang basong tubig. Masama pa rin ang loob niya dahil nagawang makalimutan agad ni Roselia ang unang asawa nitong si Ernesto na kaniyang kuya. At ngayon may parte na rin sa isipan niya na kahit papaano ay kontento na rin siguro si Roselia sa buhay nito ngayon. malayo sa peligro at mahirap na pamumuhay na dinanas niya sa piling ni Ernesto.
Inilapag na ni Salome ang baso ng tubig na kaniyang ininom at akmang aalis na roon ngunit napatigil siya nang marinig ang pagtama ng palaso mula sa labas. Napalingon si Salome sa bintana ng kusina sa likod ng bahay at doon natanaw niya ang malawak na hardin sa labas.
Sa gitna ng hardin, nakita niya rin si Señor Patricio na seryosong nag-eensayo sa pagpana. Isang malaking puno ng kaymito ang inaasinta ng binata. Hindi naman ito ganoon kalayo mula sa kinatatayuan ni Patricio ngunit hindi pa rin niya natatamaan ang puno ng kaymito.
Dahan-dahang binuksan ni Salome ang pinto sa likod ng kusina at mula doon ay pinanood niya kung paano pumana si Patricio. Nakasuot ang bintana ng itim na coat at sumbrero, sa porma't-dating nito ay kitang-kita ang karangyaan na tinataglay nito. Ngunit kahit ganoon, siguradong magtataka ang sinumang makakakita sa kaniya sapagkat pana at palaso ang ginagamit nitong sandata.
Halos sampung beses nang pinana ni Patricio ang puno ngunit ni isa sa palasong kaniyang pinakawalan ay walang tumama sa gitna ng puno. Hindi naman mapigilan ni Salome na mapailing-iling at matawa dahil mukhang napipikon na ngayon si Patricio.
Hindi pa napapansin ni Patricio na nasa likod lang si Salome at pinapanood siya. At ilang saglit pa, hinugot na ni Salome ang dragon na pang-ipit na nakasuksok sa kaniyang buhok saka mabilis niyang inihagis ito diretso sa puno ng kaymito.
Gulat namang napalingon sa kaniya si Patricio sabay tingin ulit sa dragon na pang-ipit na nakabaon na ngayon ng malalim sa gitna ng puno dahilan upang maglaglagan din ang ilang kaymito na bunga ng punong iyon.
"Tama nga si Señor Geronimo, hindi ka magaling gumamit ng pana" saad ni Salome, napakunot naman ang kilay ni Patricio saka sinubukang panain muli ang puno pero sa huling pagkakataon ay sumablay pa rin siya.
Napailing-iling lang si Salome saka naglakad papunta doon sa puno sabay kuha sa dragon na pangipit na inihagis niya doon at isinuksok niya iyon muli sa kaniyang buhok.
"Sadyang madaldal talaga si Geronimo, ngunit---" hindi na natapos ni Patricio ang sasabihin niya dahil biglang nagsalita si Salome. Animo'y ito na ang pagkakataon niya para makabawi ng pang-aasar kay Patricio.
"Ngunit totoo naman ang kaniyang sinabi, hindi ba?" kantyaw pa ni Salome. Napangisi lang si Patricio sa kaniya.
"Iyan ang hirap sa iyo Lumeng, madali kang naniniwala" saad ni Patricio at napailing-iling pa. "Madali kang naniniwala sa sinasabi nila at madali ka ring nagtitiwala" patuloy pa ni Patricio. Hindi naman agad nakapagsalita si Salome, naalala niya noong sinabi sa kaniya ni Patricio noong nagkita sila sa batis. Sinabi nito na may nakapagsabi sa kanila na nagbago na siya
"Bakit hindi mo sa akin sinabi na si Ising ang nagkwento ukol sa pagbabago ko?" biglang tanong ni Salome, napatigil naman si Patricio sa pagpana doon sa puno saka napahinga ng malalim at lumingon sa kaniya.
"Ikaw ba ay maniniwala kung sinabi ko? Kaibigan mo siya samantala ako naman ay hindi. At bukod doon ang kapatid mo rin naman ang nagsabi kung nasaan ang pamilya niyo. Si Danilo ang nagpadala ng liham kay Ising. Ngunit ang malaking palaisipan sa akin ay kung kay Ising lang ba nagpadala ng liham si Danilo? o baka naman nagpadala pa si Danilo ng liham sa ibang tao bukod kay Ising. Maaaring ang taong iyon ay may alam din noon kung nasaan kayo bago pa mangyari ang lahat ng ito" sagot ni Patricio, napakunot naman ang noo ni Salome. Tila may pinapahiwatig ang binata sa kaniya ngunit hindi niya maintindihan.
Ilang saglit pa, inilapag na ni Patricio ang pana at palaso na hawak niya saka nauopo sa isang mahabang troso sa gilid. Nagpunas din siya ng pawis gamit ang isang puting tela na nasa tabi niya.
"Sinasabi ko na sa iyo Lumeng, huwag kang magtitiwala kaninuman. Kung minsan ang inaakala mong tapat at hindi magtataksil sa iyo ang siyang sisira ng tiwala mo. Ang pangako ay maaaring mapako" giit pa ni Patricio saka uminom ng isang basong tubig na nasa gilid din niya.
Napahakbang naman si Salome papalapit sa kaniya "Paano mo nalaman na taksil si Ising?" nagtatakang tanong ni Salome habang seryosong nakatingin ng diretso sa mata ni Patricio. Inalapag naman na ni Patricio ang baso na hawak niya saka nagpagpag ng kamay at inayos niya ang kaniyang sumbrero.
"Hindi ka maniniwala kung sino ang taong kausap ni Ising noong gabing narinig ko ang plano nila" tugon ni Patricio sabay tingin ng diretso sa mga mata ni Salome. Kasabay niyon ang biglaang pag-ihip ng malamig na hangin na animo'y nadala ng kilabot at kaba sa buong katawan ni Salome
"S-sino ba ang tinutukoy mo?" muling tanong ni Salome, hindi niya maintindihan kung bakit nakaramdam siya ng takot sa isasagot ni Patricio.
Hindi naman nakaimik si Patricio. Nakatitig lang siya sa mga mata ni Salome at ilang sandali pa dahan-dahan siyang lumingon sa kaliwa. Napalingon na rin si Salome sa kaliwa kung saan nakatingin ngayon si Patricio. Nanlaki ang mga mata niya nang makita kung sino ang tinitingnan nito.
Si Fidel.
"Minsan ang pag-ibig ang siyang bumubulag sa mga mata ng taong nagmamahal. Hindi nito nakikita ang dapat makita, Hindi nito naririnig ang dapat na marinig dahil sadyang nangingibabaw ang tibok ng puso na siyang nagtatakip sa katotohanan. Isang katotohanan na sa oras na iyong malaman ay iyong pagsisisihan" patuloy ni Patricio habang nakatingin ng diretso kay Fidel na naglalakad ngayon papalapit sa gilid ng mansyon habang hila-hila ang kabayo.
Anong ibig mong sabihin Señor Patricio?
Makalipas ang tatlong araw, unti-unti nang bumabalik ang lakas ni Salome. Sa susunod na linggo pa raw babalik si Don Epifanio at ang bago nitong asawa na si Roselia. Kung kaya't silang dalawa lang ni Inay Laya ang nag-aasikaso sa bahay ng Don. Halos araw-araw ding bumibisita si Patricio sa kanila, habang si Fidel naman ay tuwing umaga lang dahil abala ito sa pagdating ng tiyahin nito mula sa Espanya.
Isang hapon habang nakatanaw si Salome sa bintana, hindi niya maaalis sa isip niya ang sinabi ni Patricio tungkol sa kataksilan ni Ising at sa kasabwat nito. Magtatakipsilim na ngunit hindi pa rin siya gumagalaw mula sa kinauupuan niya.
Ilang sandali pa, nagulat siya nang biglang sumulpot si Geronimo sa tapat ng bintana dahilan upang mapaatras at mapatayo siya sa gulat. "Nagulat ba kita binibini?" tawa ni Geronimo, napakunot na lang ang kilay ni Salome sa inis.
"Siguro sa ganiyang paraan mo dinaan ang pangliligaw kay Piyang, hindi ba?" buwelta ni Salome. Napatigil naman sa pagtawa si Geronimo at mukhang naging seryoso siya nang mapasok si Piyang sa usapan. Kalat sa buong bayan ng San Alfonso na kinasal ang isang tagapagsilbi na si Piyang sa isang mangingisdang binata na si Paterno, kahit pa si Piyang ay nagdadalang-tao na at hindi raw si Paterno ang ama ng pinagbubuntis nito.
"Matagal nang walang ugnayan sa amin ni Piyang, kayong mga kababaihan talaga anng hilig niyo sa mga kwentong walang kabuluhan" banat pa ni Geronimo. Napailing-iling na lang si Salome, batid niyang nililihis ni Geronimo ang usapan dahil hindi siya komportable na pag-usapan si Piyang at ang anak nilang dalawa.
Sumampa na si Geronimo sa bintana dahilan upang mapaatras si Salome. Nagulat siya nang ilapag ni Geronimo ang isang itim na tela na naglalaman ng iba't-ibang gamit. "Hindi ako naparito upang makipag-kwentuhan sa iyo binibini, ang totoo niyan bukod sa mga gamit na dala ko ay may balita pa akong nasagap mula sa labas" tugon pa ni Geronimo. Nagulat si Salome nang biglang isara ni Geronimo ang bintana.
"Nabalitaan ko na ang matandang kutserong nagturo kay Danilo at Ising sa ilog ay si Mang Pablo, mahirap lang ang pamilya nila kung kaya't ang salap na natanggap nila mula sa mga opisyal ay pinambili nila ngayon ng bagong sakahan at lupa sa tabing ilog" wika ni Geronimo, halos walang kurap namang nakatingin sa kaniya si Salome dahil sa gulat.
"Ang heneral naman na namuno nang gabing iyon sa mga guardia civil ay si Heneral Ramon Cruz na matalik ding kaibigan ni Heneral Martino Alfonso, sa tabi ng tahanan ng alcalde mayor na tinutuluyan namin ngayon nakatirik ang mansyon ni Heneral Ramon. Kakatanggap niya lang kahapon ng parangal mula sa tagapayo at kanang-kamay ng gobernador-heneral dahil sa pagkakahuli sa iyong ina at mga kapatid" patuloy pa ni Geronimo. Napahawak naman si Salome sa gilid ng dingding dahil sa matinding pagkabigla. Lalo nan ang marinig niya ang tungkol sa kaniyang ina at mga kapatid.
"Ang iyong ina at mga kapatid ay bihag ngayon ni Heneral Ramon. Ang balita ko ay nakakulong sila sa himpilan ng mga guardia civil dito sa Pampanga. Malakas ang kutob ko na buhay pa sila sapagkat maaaring hatulan nila ng kamatayan ang inyong pamilya sa gitna ng plaza upang magsilbing babala sa mga mamamayan na huwag kalabanin ang pamahalaan" dagdag pa ni Geronimo. Parang nabalot ng napakalamig na tubig ang buong katawan ni Salome, ang maisip pa lang niya na bihag ngayon ang kaniyang pamilya at nakakulong sa mga selda ay hindi na niya matanggap.
"At ang huli, nabalitaan ko na ang buong pamilya ni Ising ay magtutungo na sa Espanya. Bilang pabuya sa kanila ng tagapayo at kanang-kamay ng gobernador-heneral" tugon ni Geronimo. Sa pagkakataong iyon, biglang nagpintig ang tenga ni Salome. Ang walang hiya niyang taksil na kaibigan ay nakikinabang ngayon sa pagkakanulo nito sa kaniyang buong pamilya.
Sandaling hindi nakapagsalita si Salome. Napapikit na lang siya at pilit na pinakalma niya ang kaniyang sarili. Ilang sandali pa, binuksan na ni Geronimo ang itim na tela na dala niya kung saan nakabalot ang mga iba't-ibang gamit.
"Ito ang ilan sa mga gamit namin nina Patricio at Fidel" panimula ni Geronimo sabay abot ng salakot sa kaniya. naiintinidhan na niya ngayon ang nais ipahiwatig ng binata. Na susuportahan siya nito sa paghihiganti na nais niya.
Ngunit napatigil si Salome at napatingin kay Geronimo "Nais ko lang malaman, paano niyo nalaman na nasa peligro ang buhay namin noong isang gabi nang linlangin ni Ising si Danilo at ang pagtatangka nilang pagtakas?" tanong ni Salome. Napatigil naman si Geronimo at napatingin ng diretso sa mga mata niya.
"Bago mangyari iyon narinig namin ni Patricio ang pag-uusap ni Ising at----" hindi na natapos pa ni Geronimo ang sasabihin niya dahil biglang nagsalita si Salome.
"Tama na! pakiusap huwag niyong guluhin ang isipan ko" tugon ni Salome. Napatahimik naman si Geronimo at muli niyang binalot ang mga gamit na dala niya saka inalapag sa upuan na nasa tapat ni Salome.
"Hindi ka namin masisisi kung ayaw mong maniwala, ngunit bakit hindi mo subukan itanong sa kaniya kung paano niya nalaman na naroon ka at si Danilo sa kagubatan noong gabing iyon?" patuloy pa ni Geronimo at naglakad na siya papalabas sa pinto.
Sa pagkakataong iyon, mas lalong bumigat ang loob at ang isipan ni Salome. Ang mga pangyayari, ang mga kaganapan ay unti-unting nauugnay sa isa't-isa.
Nang gabi ring iyon ay hindi na nagsayang pa ng oras si Salome. Dali-dali siyang nagpalit ng damit pang-magsasaka, sinuot niya rin ang pulang tela na panaklob sa mukha at ang malaking salakot na dala ni Geronimo. Sa likod ng buhok na kaniyang pinusod, isinuksok niya ang dragon na pang-ipit sa buhok.
Kinuha rin niya ang isang matalim na balisong at isinuksok ito sa kaniyang tagiliran. Sa huling pagkakataon, bago siya lumabas sa tahanang iyon ay pinagmasdan muna niya ang kaniyang sarili sa harap ng salamin. Walang duda, hindi na siya makikilala at mula sa likod ng kasuotang iyon... handa na siyang maghiganti.
Bago sumapit ang hatinggabi, narating na ni Salome ang maliit na bahay kubo na tinitirhan ni Mang Pablo, ang kutserong nagturo sa kinaroroonan ni Ising at Danilo. Mabilis na narating ni Salome ang likod ng bahay nina Mang Pablo at mula pagitan ng mga kawayan na siyang dingding ng bahay nito ay sinilip niya ang loob.
Kakatunaw pa lang ng kandila dahilan upang kusang mapatay ang sindi nito. Natanaw ni Salome na mahimbing na natutulog ang buong mag-anak ni Mang Pablo. Hinugot na ni Salome ang dragon na pang-ipit at siyang ginamit upang mabuksan ang pinto, hindi naman siya nabigo dahil madali niya itong nabuksan.
Dahan-dahan siyang pumasok sa loob ng bahay. Hindi niya inaalis ang kaniyang mata sa padre de pamilya na mahimbing na natutulog katabi ang asawa nito. Nang marating niya ang papag na hinihigaan ng mag-asawa. Agad niyang sinaksak ang dibdib ni Mang Pablo dahilan upang bigla itong mapasigaw sa sakit. Kasabay niyon ay biglang napasigaw din ang asawa nito na naliligo sa mga pilak na natanggap nila mula sa mga opisyal.
Dumanak ang napakaraming dugo mula sa dibdib ni Mang Pablo na siyang bumalot sa mga pilak na hinihigaan nito. Kasunod nito ay sinaksak muli ni Salome nang malakas ang puso ni Mang Pablo gamit ang balisong na hawak din niya.
Nagsisisigaw ang gahaman na asawa ni Mang Pablo sabay bitbit sa mga anak nito. Sandali namang pinagmasdan ni Salome ang walang buhay na katawan ni Mang Pablo na ngayon ay naliligo sa sarili nitong dugo at sa mga pilak na tinanggap nito.
Tumalikod na siya at nagsimulang lumabas sa pintuan ng bahay na parang walang nangyari habang ang asawa naman ni Mang Pablo at ang mga anak nito ay tumatakbo sa gitna ng kalsada at humihingi ng tulong.
Hindi na nag-aksaya pa ng oras si Salome at dire-diretso na siyang nagtungo sa bayan kung saan matatagpuan ang malaking mansyon na tinitirhan ni Heneral Ramon. Ngunit nahirapan si Salome na makapasok sa bayan dahil nagkalat na ang mga guardia civil lalo na nang mabalitaang may umatake sa tinitirhan ni Mang Pablo na nasa gitna ng palayan.
Sa ibabaw ng mga bubungan dumaan si Salome at sa tuwing mapapadaan siya sa grupo ng mga guardia civil ay magtatago siya sa mga sanga ng puno. Alas-dos na ng madaling araw nang marating ni Salome ang tahanan ni Heneral Ramon. Sandali niyang pinagmasdan ang buong paligid sa likod ng bubungan ng tirahan ng alcalde mayor na kapitbahay nito.
Napansin ni Salome ang dalawang guadia civil na nagbabantay sa labas ng bahay ni Heneral Martino. May isang guardia na siyang nag-uutos sa mga tauhan dahil ayaw na magpaabala pa ng heneral para lang sa maliit na usapin tulad ng pagkamatay ng oridnaryong mamamayan na si Mang Pablo.
Nang umalis ang dalawang guardia civil na nagbabantay sa heneral, dali-daling tumalon si Salome papunta sa kabilang bubong, ang tahanan ni Heneral Ramon. Walang ka-hirap-hirap na dumaan si Salome sa gilid ng bahay saka sinipa ng malakas ang bintana sa loob dahilan upang magising ang heneral at agad sinindihan ang gasera na nasa tabi niya.
Nakasuot ng magarbong pangtulog ang heneral at ang buong bahay nito ay nababalot ng ginto at mga mamamahaling kagamitan. "Quién está ahí?" (W-who's there?) gulat na tugon ng heneral at nagsisisigaw siya upang maalarma ang mga bantay sa bahay niya ngunit wala na ang mga ito. Ang ilan ay umalis para puntahan ang nangyaring gulo sa barrio nina Mang Pablo at ang ilan naman ay napatay na ni Salome.
Siniklaban ng takot si Heneral Ramon ang makita ang isang anino na papalapit na sa kaniya. nanginginig niyang inabot ang rebolber na nasa ilalim ng kaniyang kama ngunit makailang beses niya itong nabibitawan dahil sa kaba. Animo'y nakalimutan na niya kung paano gumamit ng baril dahil sa matinding takot.
"Batid kong hindi mo naiintindihan ang sasabihin ko... ngunit isang bagay lang ang nakasisiguro akong maiintindihan mo" panimula ni Salome habang humahakbang ng dahan-dahan papalpait sa heneral. Nanlaki ang mga mata ni Heneral Ramon nang marinig ang boses ng anino.
"Tu eres una niña" (Y-you're a girl) tugon nito at nanginginig ang kamay na itinuro siya. Agad inihagis ni Salome ang balisong na hawak niya na dumaplis sa gilid ng mukha ng heneral. Napasigaw ito sa takot, animo'y sanggol na tinatawag ang kaniyang ina.
Napansin ni Salome ang sariwang sugat sa mukha ng heneral. Naalala niya ang ikinuwento ni Ingkong Lui bago ito mamatay, nagawang sugatan ni Nay Delia ang mukha ng heneral noong gabing iyon.
"Marahil ay may awa pa si ina kung kaya't hindi ka niya nagawang paslangin noong gabing iyon, kahit pa ang totoo ay kayang-kaya naman niya" tugon pa ni Salome, patuloy namang napapatras sa kama si Heneral Ramon habang pilit na inaabot ang kaniyang rebolber na hindi niya mahawak ng maayos dahil sa matinding takot.
Napatigil na si Salome sa paglalakad nang marating na niya ang dulo ng kama ng heneral. Sa pagkakataong iyon, dahan-dahang inalis ni Salome ang pulanng tela na nakabalot sa kaniyang mukha. Nanlaki ang mga mata ni Heneral Ramon nang makilala si Salome.
"Ako ang magtutuloy ng sugat na hindi natapos ng aking ina" patuloy ni Salome. Kasabay niyon ay nahawakan na ng heneral ang rebolber at agad niya itong tinutok sa tapat ni Salome ngunit kasing bilis ng kidlat na sinunggaban ni Salome ang heneral at hiniwa ang leeg nito gamit ang dragon na patalim na hawak niya.
Ang malambot na kama nito na puting-puti ay nabalot na ngayon ng dugo mula sa heneral na binigo ng sarili niyang baril.
Magliliwanag na nang marating ni Salome ang Maynila sakay ng kalesa na ninakaw niya kay heneral Ramon. Napatigil siya mula sa di-kalayuan at tinanaw ang malalaking pader ng Intramuros. Bumaba na siya sa kalesa at iniwan ito sa gilid ng isang puno. Alam niyang hindi siya makakapasok sa loob ng intramuros suot ang salakot na iyon. Maging ang kaniyang damit ay nababalot na rin ng dugo, siguradong paghihinalaan siya ng mga bantay sa lagusan ng Intramuros.
Dinukot na niya ang ilang pilak na kinuha niya kanina sa tahanan nina Mang Pablo at siyang ginamit niya upang bilhin ang isang baro't-saya na nakasampay sa maliit na bahay kubo na nasa gilid niya. napag-alaman niya na isang mangangalakal ng bulaklak ang ale na nakatira sa bahay kubo na iyon. Kung kaya't binayaran niya rin ito upang tulungan siyang makapasok sa loob ng Intramuros.
Alas-sais na ng umaga nang makarating sila sa lagusan ng Intramuros kung saan may sampung guardia ang nagbabantay. Bitbit ang mga bulaklak na dala-dala ng ale at ni Salome ay madali silang nakapasok sa loob dahil kilala namang taga-suplay ng bulaklak ang ale na iyon.
Pagpasok nila sa loob, bumungad ang masiglang umaga para sa lahat. Maraming mga nagtitinda ng pagkain sa calle ng kainan. Dire-dretsong sumunod si Salome sa pagdadalhan ng bulaklak at laking gulat niya na ang mga bulaklak na bitbit niya ay ihahatid pala sa panciteria nila Ising.
"Dito na lang ang bulaklak na iyan, huwag mon ang hawakan baka malanta pa iyan!" matapobreng utos ni Aling Teodora na siyang nanay ni Ising. Dahan-dahan namang inilapag ng ale at ni Salome ang bulaklak na dala nila. Bago lumabas ang ale ay inihagis pa ni Aling Teodora sa sahig ang bayad nito. Dahilan upang pulutin pa ito ng ale at magmukhang kaawa-awa ang matanda.
Napapikit na lang sa inis si Salome. Nakalugay ngayon ang mahaba niyang buhok kung kaya't hindi siguro siya nakilala agad ni Aling Teodora. "Lumayas na kayo rito! Malas! Malas!" buwelta pa ni Aling Teodora saka pinagtatabuyan ang ale at si Salome.
Inalalayan na ni Salome papunta sa pinto ang ale na tumulong sa kaniya at ibinigay niya rito ang mga pilak na dala niya bilang kabayaran sa tulong nito sa kaniya.
"Anong pang ginagawa mo riyan? Umalis ka rito sa aming tind-----" hindi na natapos pa ni Aling Teodora ang sasabihin niya dahil napatigil siya sa gulat nang lumingon si Salome sa kaniya.
"L-lumeng?" gulat na tugon nito at napaatras pa dahil sa kaba. Tiningnan naman siya ni Salome ng matalim, animo'y tigre na handa na siyang sunggaban at kainin.
"I-ikaw pala iyan hija, h-hinahanap mo ba si Ising? W-wala siya ngayon----" hindi na naman natapos ni Aling Teodora ang sasabihin niya dahil nagsimulang humakbang si Salome papalapit sa kaniya. Nakasuot ito ng isang lumang baro't-saya tulad ng dati. Taliwas sa suot ngayon ni Aling Teodora na pang-doña na.
"Hindi ka ba nabubulunan sa tuwing ika'y kumakain? Hindi ka ba nababangungot sa tuwing ika'y natutulog? Paano mo naaatim mabuhay ng ganito karangya? Hindi ba kayo inuusig ng inyong konsensiya?" buwelta ni Salome habang humahakbang papalapit sa kaniya. Dali-dali namang nagsisisigaw si Aling Teodora upang tawagin ang kaniyang asawa at mga anak.
Ilang sandali pa ay nagsidatingan na rin ang kaniyang mga anak. Gulat na gulat ang mga ito nang makita si Salome na nasa loob ng kanilang panciteria. Agad hinawakan ni Celestina ang kamay ng kaniyang ina at tinago ito sa likod.
"Bakit kayo natatakot? Ako ito si Salome... isang Aguantar na kaibigan ng inyong pamilya, hindi ba?" banat pa ni Salome. Nang hahakbang muli siya ay sabay-sabay napaatras ang buong pamilya ni Aling Teodora dahil sa takot.
Isa-isang tiningnan ni Salome ang buong pamilya ni Aling Teodora. Magagarbo na rin ang mga kasuotan nito at ang kanilang kainan at tahanan ay nababalot na rin ng mga mamamahaling gamit. Walang duda, ito ang karangyaang kapalit na natanggap nila matapos ituro ang pamilya nina Salome.
Napatigil si Salome nang makita si Ising na nakatayo sa gilid ng hagdan, nakayuko ito at umiiyak. Sa pagkakataong iyon, sunod-sunod na nagpakita sa alaala ni Salome ang ginawang kataksilan ni Ising. Ang pagsisinunggaling nito kay Danilo para mahikayat na magtanan sila. Ang pagturo sa pamilya niya kung kaya't nabihag ngayon ang kaniyang ina at dalawang kapatid. Ang pagsira nito sa pagkakaibigan at tiwala na binigay niya at higit sa lahat ang pagbabale-wala niya sa pag-ibig ni Danilo para sa kaniya.
Mahigpit na hinawakan ni Salome ang dragon na pang-ipit na siyang gustong-gusto na niyang ibaon sa leeg ni Ising. Ngunit hindi niya maintindihan kung bakit hindi niya magawa, hindi niya magawang humakbang papalapit dito upang saksakin ito.
Kung tutuusin anumang oras ay kayang-kaya niyang gawin iyon lalo na dahil walang kalaban-laban sa kaniya ang buong pamilya nito. Ngunit hindi niya mawari kung bakit hindi niya mapatay ang dating kaibigan.
"Lumeng... maghunos dili ka, pakiusap huwag mong gawin iyang binabalak mo" tugon ni Aling Teodora na nagmistulang anghel. Taliwas sa inaasal nito kanina, daig pa ang mayamang doña na matapobre.
Sandaling ipinikit ni Salome ang kaniyang mga mata. At nang muli niyang imulat ito, diretso niyang tiningan si Ising. "Hindi mo na kailangan pang magpaliwanag dahil wala na rin naman itong patutunguhan. Hindi na rin maibabalik pa ang dati nating pagkakaibigan. Sinayang mo ang lahat Ising. Sinayang mo ang mga taong totoong nagmamahal sa iyo" tugon ni Salome at tinalikuran sila. Ngunit bago siya makalabas sa pintuan ay bigla siyang napatigil at napalingon sa gilid.
Kinuha niya ang isang malaking gasera na nasa gilid at ang isang kandila na nakasindi sa kabilang mesa. "LUMENG!" sigaw ni Aling Teodora at ng mga anak nito ngunit hindi rin naman sila makalapit kay Salome. Dali-daling ibinuhos ni Salome ang gas sa dingding at labas ng panciteria nina Aling Teodora, ang kanilang panciteria ay gawa sa kahoy at pawid kung kaya't nang idikit ni Salome ang apoy ng kandila sa dingding ng kanilang tindahan ay mabilis itong nagliyab.
Agad napatakbo papalabas ang buong pamilya ni Aling Teodora at nagsisisigaw ito. Hindi naman na sila magkamayaw dahil mabilis na kumalat ang apoy na ngayon ay nakarating na rin sa bubungan ng kanilang tindahan. Maging ang mga taong naglalakad sa calle ay nagulat sa mga pangyayari. Dali-dali silang sumalok ng tubig upang patayin ang apoy ngunit huli na ang lahat dahil natupok na nito ang buong bahay at tindahan ng pamilya ni Aling Teodora.
Sa kabilang banda, ay naglalakad lang si Salome sa gitna ng calle na parang walang nangyari. Nakakasalubong niya ang mga taong nagmamadali habang buhat-buhat ang banye-banyerang tubig para patayin ang apoy. Ilang sandali pa, nagulat si Salome nang biglang may humawak sa kaniyang braso at nang lumingon siya ay tumambad sa harapan niya si Fidel na seryosong nakatingin ngayon sa kaniya.
Agad hinila ni Fidel si Salome papunta sa isang calle kung saan walang masyadong tao. Siguradong maraming nakakita kay Salome na siyang sumunog sa tahanan nila Aling Teodora. At ang ginawa nito ay siguradong makakarating sa mga opisyal.
"Lumeng! Ano bang ginagawa mo? bakit naririto ka sa Maynila? at bakit lumikha ka ng gulo?!" seryosong tugon ni Fidel. Sinubukang kumawala ni Salome mula sa pagkakahawak ni Fidel ngunit hindi siya binitawan nito.
"Nararapat lang iyon sa kanila! kung tutuusin maswerte pa sila sapagkat hindi ko kinitil ang mga buhay nila!" galit na sagot ni Salome habang pilit na kumakawala mula sa pagkakahawak ni Fidel.
"Lumeng! Gumising ka! huwag mong gawin ito" giit pa ni Fidel at hinawakan niya sa magkabilang balikat si Salome ngunit nagpupumiglas pa rin ito.
"Bitawan mo ako!" sigaw ni Salome dahilan upang mabigla si Fidel at matauhan sa mga nangyayari. Dahan-dahan niyang binitawan si Salome at napahakbang din siya paatras. Hindi naman na ngayon makatingin si Salome sa kaniya at agad nitong pinunasan ang luhang namumuo sa kaniyang mga mata.
Sandali silang napatahimik. Sandaling naghari ang nakabibinging katahimikan sa pagitan nilang dalawa. Ilang sandali pa ay nagsalita na si Salome "S-sabihin mo nga sa akin... ikaw ba ay tapat?"
Napatingin naman ng diretso si Fidel sa kaniya, hindi niya nagustuhan ang tanong nito tungkol sa kaniyang katapatan. "Anong ibig mong sabihin?" seryosong tugon ng binata. Napahinga naman ng malalim si Salome saka tumingin ng diretso sa mga mata ni Fidel.
"Paano mo nalaman na naroon sa ilog si Danilo at Ising noong gabing sinundan ko rin sila?" diretsong tanong ni Salome. Hindi naman nakapagsalita si Fidel at bigla itong napaiwas ng tingin. Napatingala ito sa kalangitan at pilit na pinapakalma ang sarili.
"Pinagdududahan mo ba ako?" seryosong tanong ni Fidel. Si Salome naman ang napaiwas ng tingin at napayuko. "Bakit hindi mo na lang sagutin ang tanong ko" giit ni Salome. Hindi naman nakaimik si Fidel. Sa pagkakataong iyon, nang muling tingnan ni Salome ang binatang inaakala niyang lubusan na niyang kilala. Unti-unting nabuo sa kaniyang isipan na posibleng mali ang inaakala niya.
Nang araw ding iyon, inihatid din ni Fidel si Salome pabalik sa tahanan ni Don Epifanio sa Pampanga. Pinasuot niya ito ng balabal. Habang nasa byahe sila pabalik, walang umiimik sa kanilang dalawa. Nang makarating sila sa bayan ng Pampanga. Bumagal ang takbo ng kalesa dahil maraming tao ang nagkukumpulan sa labas ng tahanan ni Heneral Ramon.
"Anong nangyari rito?" tanong ni Fidel sa kutsero. Napalingon naman ang kutsero sa kaniya at nagbigay galang.
"Señor natagpuan pong patay si Heneral Ramon sa kaniyang silid kaninang madaling araw, may ilang mga guardia rin ang natagpuang patay sa daan. Maging si Mang Pablo na isa sa mga kasamahan kong kutsero ay natagpuang patay din sa kanilang tahanan" sagot ng kutsero. Napatulala naman sa gulat si Fidel. Ilang araw lang siya nanatili sa Maynila dahil sa pagdating ng kaniyang tiyahin ay biglang nagkagulo na ulit.
"Nahuli ba kung sino ang may gawa nito?" tanong ni Fidel, napailing naman ang kutsero.
"Hindi po Señor ngunit isang misteryosong lalaki raw ang nakasuot ng salakot ang may gawa nito" sagot ng kutsero. Sa pagkakataong iyon, biglang napatingin si Fidel kay Salome na ngayon ay nakalingon sa labas ng bintana.
Nang makarating sila sa tahanan ni Don Epifanio. Naabutan nilang kumakain doon ng tanghalian si Patricio, Geronimo at Inay Laya. Dali-daling sinugod ni Fidel si Patricio at hinawakan ang kwelyo nito.
"Anong ginawa mo?! bakit lumikha ka ng gulo sa bayan na ito?!" buwelta ni Fidel at akmang susuntukin si Patricio ngunit agad silang inawat ni Geronimo.
"Tumigil na kayong dalawa!" awat ni Inay Laya at Salome pero hindi pa rin natigil si Fidel. Hindi naman nagpadaig si Patricio at akmang susuntukin na rin si Fidel ngunit napatigil silang lahat nang sumigaw si Salome.
"Tama na! Tumigil na kayo! Ako ang pumatay sa kanila! Ako ang may kagagawan at wala ng iba!" sigaw ng dalaga dahilan upang mapatigil silang lahat at mapalingon sa kaniya.
Agad namang tinulak ni Patricio si Fidel dahil hawak-hawak pa rin nito amg kwelyo niya. "Ako ang nagbigay sa kaniya ng mga gamit" saad ni Geronimo. Napamura naman sa inis si Fidel at si Geronimo naman ang susuntukin niya pero biglang humarang si Salome sa pagitan nila.
"Pakiusap! Tama na!" awat pa ni Salome at tuluyan nang bumagsak ang mga luha sa kaniyang mga mata. Napatigil naman si Fidel at napatitig kay Salome na umiiyak na ngayon. Animo'y biglang lumambot ang kaniyang puso nang makita ang mga luha ng dalaga.
Akmang hahakbang siya papalapit sa dalaga ngunit bigla itong tumalikod tumakbo papasok sa silid na tinutuluyan. Napasabunot na lang si Fidel sa inis dahil sa mga nangyayari. At pinakiusapan naman ni Inay Laya sina Patricio at Geronimo na umalis na muna.
Hapon nan ang lumabas si Salome sa kaniyang silid. Naabutan niya si Fidel, Patricio, Geronimo at Inay Laya sa hapag-kainan. Seryoso silang nag-uusap habang pinapalibutan nila ang mesa. Napatigil si Inay Laya sa pagsasalita nang mapalingon si Fidel sa gilid at nakita niyang nakatayo doon si Salome.
Nagkatinginan silang apat ngunit sa huli ay alam nilang hindi nila maitatago ang balitang dumating para kay Salome. Itinaas ni Inay Laya ang kaniyang kamay at sinenyasan niya si Salome na lumapit sa kaniya. Nagsimula namang humakbang si Salome papalapit sa kanila, napansin niya ang malaking papel na nakalagay sa mesa. May nakasulat doon ngunit hindi niya maintindihan dahil nakasulat ito sa letrang alpabeto.
"Ito ay isang anunsyo mula sa tagapayo ng gobernador-heneral" panimula ni Geronimo. Biglang siniklaban ng kaba si Salome at napatitig muli doon sa malaking sulat.
"Ang pamilya Aguantar ay lilitisin sa plaza ng Pampanga. Inaasahan namin ang presensiya ni Salome Aguantar upang ipaglaban din ang kaniyang sarili at harapin ang mga reklamo ng pagpatay at paninira ng ari-arian na ipinataw sa kaniya. Ang hindi pagsulpot sa paglilitis na ito ay nangangahulugang inaamin mo ang iyong kasalanan..." tugon ni Patricio habang binabasa ang nakasulat doon sa malaking kasulutan. "Iyan ang mga nakasulat dito" patuloy pa ni Patricio.
Hindi naman nakapagsalita si Salome. Batid niyang darating ang araw na malalaman din nila ang lahat. At wala siyang pakialam. Hindi niya pinagsisihan ang paghihiganti na kaniyang ginawa lalo na sa heneral at sa pamilya ni Aling Teodora.
"Anong oras ba ito?" ang tanging nasabi ni Salome. Gulat namang napatingin sa kaniya ang lahat lalo na si Fidel na sinubukan pang hawakan ang kamay niya.
"Lumeng, may iba pang paraan. Delikado ito----" hindi na natapos ni Fidel ang sasabihin niya dahil biglang nagsalita si Patricio.
"Hindi ito magiging delikado. Dahil mayroon din tayong plano" tugon ni Patricio sabay tingin kay Salome na ngayon ay nagtatakang napatitig sa kaniya.
"Hindi ako nagtitiwala sa iyong plano, Patricio" seryosong tugon ni Fidel. Tiningnan din siya ng seryoso ni Patricio.
"Walang dapat pagkatiwalaan sa pagkakataong ito, maging ako ay hindi nagtitiwala sa iyo" tugon pa ni Patricio habang nakatingin ng diretso sa mata ni Fidel. Agad namang hinawakan ni Inay Laya si Fidel dahil bakas sa mukha nito na hindi niya nagustuhan ang sinabi ni Patricio.
Magsasalita pa sana si Fidel ngunit biglang nagsalita na si Salome. "Ano ba ang plano?" seryosong tugon nito. At sa tono ng pananalita ng dalaga, batid na ni Fidel na hindi na ito makikinig sa kaniya.
Madaling araw gaganapin ang paglilitis. Nakahanda na ngayon ang maliit na entablado na gawa sa kahoy na nakatayo sa gitna ng plaza. Naroon na ang ilan sa mga mamamayan na nais mapanood ang paglilitis.
Sunod-sunod na tilaok ng mga manok ang umaalingangaw sa buong kapaligiran. Ilang sandali pa, dumating na ang grupo ng mga guardia civil at siyang pumalibot sa buong plaza. Dumating na rin ang alcalde mayor at ang asawa nito. Maging ang kura paroko ng simbahan ay naroon na rin at naupo sa gitna.
Nababalot pa ng hamog ang buong paligid. Papausbong pa lamang ang araw kung kaya't nababalot pa ng balabal ang mga kababaihan dahil sa lamig.
Sa kabilang banda, lingid sa kanilang kaalaman nagtatago sa likod ng bubungan at dalawang puno si Fidel, Patricio at Geronimo. Nakasuot sila ng damit pang-magsasaka, nakabalot ng pulang tela ang kanilang mga mukha at nakasuot din sila ng salakot.
Taimtim na nakatingin si Fidel kay Salome na ngayon ay nakasuot ng baro't-saya na puting-puti habang naglalakad papalapit sa gitna. Hindi niya maaalis ang kaniyang mga mata sa dalaga lalong-lalo na ang dragon na pang-ipit na nakatusok sa buhok nito.
Ayon sa napag-usapan nilang plano kagabi, kunwareng isusuko ni Salome ang kaniyang sarili sa paglilitis. At sa oras na dumating ang tagapayo ng gobernador-heneral na siyang may pakana sa pagpapahuli sa pamilya Aguantar dahil sa hindi malamang dahilan ay papanain ni Fidel ang tagapayo.
Kalmado lang na nakatayo sa gitna si Salome habang napapalibutan siya ng mga guardia. Marahang umihip ang malamig na hangin dahilan upang mapayakap ang ilan sa kanilang mga sarili dahil sa lamig. Ilang saglit pa, dumating na ang hukbo mula sa Maynila. kasunod nito ang isang magarbong kalesa sakay ang tagapayo (advisor).
Agad nagbigay pugay ang lahat nang tumigil na sa tapat nila ang kalesa. Sumenyas na si Geronimo at Patricio kay Fidel kung kaya't tumayo na ito at itinaas ang kaniyang pana. Dahan-dahan niyang itinaas ang kaniyang pana at itinutok ito sa tagapayo na mukhang iika-ika sa paglalakad.
Inalalayan ito ng dalawang guardia civil pababa sa kalesa at inabot ang tungkod nito na gawa sa ginto. Napatitig ng mabuti ang tagapayo kay Salome. Nasa edad limampu pataas na ito. Matangkad ito, matangos ang ilong, makapal ang balbas. Nangingibabaw din ang dugong kastila.
"Ngayon na" bulong ni Patricio kay Fidel na ngayon ay nanlaki ang mga mata at gulat na napatingin sa tagapayo ng gobernador-heneral.
"Fidel!" tawag pa ni Geronimo ngunit nanatiling tulala si Fidel. Animo'y nanigas na siya sa kaniyang kinatatayuan at halos walang kurap na nakatingin sa tagapayo.
Sumenyas ang tagapayo sa mga gaurdia civil na itutok ang mga baril nito kay Salome. Humakbang naman papalapit ang mga guardia at pinalibutan si Salome habang nakatutok ang mahahabang baril sa dalaga.
"Fidel! Ano pang hinihintay mo!" sigaw ni Geronimo dahilan upang matauhan si Fidel. Binitawan na nito ang matalim na palaso na diretsong dumaplis sa damit ng tagapayo sa bandang balikat nito dahilan upang mapunit ang mangas nito.
Gulat na napalingon si Salome kay Fidel dahil hindi nito nagawang tamaan ang tagapayo. Naalala niya ang kakayahan ni Fidel sa pagpana. Asintadong-asintado ito kung pumana ngunit ngayon ay hindi niya nagawang tamaan ang kalaban.
Nagkagulo ang paligid dahil sa nangyari. Agad prinotektahan ng mga guardia civil ang tagapayo. Bigla namang nanghina ang tuhod ni Salome at napabagsak siya sa lupa dahil sa takot na nabigo sila. dali-dali rin siyang hinila ng mga guardia at iginapos saka sapilitang hinila papasakay sa kalesa.
Sa huling pagkakataon ay napatingala si Salome sa likod ng bubungan kung saan nagtatago si Fidel. Tulala ito at ilang sandali pa, nabitawan na nito ang hawak na pana at palaso na diretsong nahulog at nasira sa lupa.
Kasabay nang pagkabihag sa kaniya ng mga kalaban ang unti-unting pagdaloy ng mga luha sa kaniyang mga mata. Sa katotohanang tumalikod na si Fidel at iniwan siya.
Iniwan siya ng lalaking binigay niya ang lahat ng tiwala at pagmamahal niya dahil ang tagapayo na nais pumatay sa buong pamilya nila ay siyang ama ni Fidel na matagal na nitong hinahanap.
********************
Featured song:
'Maging sino ka man' by Erik Santos
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top