Kabanata f(x - 38)
[Kabanata 38]
Our Asymptotically Love Story
(page 292 - 332)
Ika-Labing Walong Kabanata
Filipinas 1688
"Hindi ko pa pala nasasagot ang iyong tanong kung bakit ko ginagawa ang lahat ng ito para sa iyo" wika ni Fidel habang nakatitig sa mga mata ni Salome na kumikinang dahil sa replica ng libo-libong mga Lantern na nagliliwanag sa kalangitan.
"Te amo, Salomé ... y lo seguiré diciendo hasta que nos volvamos a encontrar" (I love you Salome... and I will still say that until we meet again) tugon ni Fidel, dahan-dahan niyang hinawakan sa baywang si Salome at unti-unti niyang inalapit ang kaniyang mukha sa dalaga. Puno man ng kaba, mas nangingibabaw pa rin ang pananabik at kakaibang saya sa puso ni Salome habang dahan-dahan niyang ipinikit ang kaniyang mga mata at mainit na sinalubong ang pagdampi ng labi ng lalaking matagal na niyang pinapangarap.
Sa pagsalubong ng halik ay dahan-dahang hinugot ni Salome ang pang-ipit na patalim na nakatusok sa kaniyang buhok at inilagay iyon sa kamay ni Fidel.
Isinusuko ko na sa iyo ang lahat... mahal ko.
"Mas maganda pa rin pagmasdan ang mga tala sa kalangitan" panimula ni Salome habang nakatingala sa madilim na langit na punong-puno ng milyong-milyong mga bituin na kumikinang. Ang kaniyang ngiti ay sing tamis ng sariwang pulut-pukyutan.
"Alam mo bang may masaklap na kuwento ang mga bituin?" tanong ni Fidel na nasa tabi niya. Nakaupo sila ngayon sa isang malaking bato habang magkadikit ang kanilang mga braso. Nasa tapat nila ang isang mahabang ilog at kakatapos lamang ng pagpapalipad ng mga Lantern sa kalangitan kanina.
Hindi naman makatingin si Salome kay Fidel na katabi niya ngayon, kanina pa hindi maawat ang lakas ng kabog ng puso niya lalo na nang halikan siya nito sa labi. Hindi na mapawi ang kaniyang ngiti kahit wala namang dahilan upang ngumiti. At sobrang nag-iinit at namumula ang kaniyang pisngi kung kaya't hindi na niya magawang lumingon o tumingin ng diretso sa mga mata ng binata.
"Ang mga bituin ay palaging nariyan, umulan man o umaraw, sa pagdaan ng umaga at gabi, at sa paglipas ng ilang daang siglo palagi silang nariyan sa kalangitan... ngunit ang masaklap ay bihira lamang sila mapansin ng mga tao" wika ni Fidel at napabuntong hininga ito.
"Minsan may isang dalaga na labis ang pagmamahal at paghanga sa mga tala. Ngunit ang pagkahumaling na iyon ay nagsilbi ring ilaw patungo sa kaniyang kamatayan" patuloy pa ni Fidel dahilan upang mapalingon sa kaniya si Salome nang may bahid ng pagtataka ang itsura.
"Isa iyong alamat na ikinuwento sa akin ni Manang Estelita noon, kung kaya't biglang nag-iba ang pananaw ko sa tuwing pinagmamasdan ko ang mga tala sa kalangitan. Maaaring naghahatid nga ito ng Kagandahan ngunit sa likod nito ay may kaakibat na trahedya at kamatayan" tugon pa ni Fidel, bigla namang napatingala si Salome sa mga bituin, nakaramdam siya ng kakaibang lungkot dahil sa kinuwento sa kaniya ni Fidel.
"Kung gayon... mula ngayon hindi ko na rin siguro ibig maging kasing ganda ng bituin sa langit" saad ni Salome habang nakatitig sa isang tala na nangingibabaw ang liwanag at ganda.
Palihim namang sinulyapan ni Fidel ang dalagang nasa tabi, sandali siyang napatulala sa ganda ni Salome. Ang mapupungay na mata ng dalaga ang pinaka-nagpapahumaling sa kaniya. "Mas maganda ka kumpara sa mga tala" biglang wika ni Fidel dahilan para mapalingon sa kaniya si Salome. Agad siyang napaiwas ng tingin ngunit ang mga ngiti niya ay hindi na niya nagawa pang itago.
Sandali silang nanahimik. Matapos ang nangyaring halik sa pagitan nilang dalawa kanina ay ilang minuto rin naman silang napatihimik at parehong pinakarimdaman ang isa't-isa. Hindi inaasahan ni Salome na muli niyang makikita si Fidel at magtatapat ito ng pag-ibig sa kaniya. at hindi rin inaasahan ni Fidel na tutugunin ni Salome ang pag-ibig na buong tapang niyang ipinagtapat sa harapan ng dalaga. Ilang sandali pa, pasimpleng inabot ni Fidel ang kamay ni Salome na awtomatikong namang humawak rin sa kamay niya.
Pareho silang napaiwas ng tingin habang pilit na tinatago ang ngiti sa isa't-isa. Hindi man nila sabihin, batid nilang magmula ngayon pareho ang tibok at sigaw ng kanilang damdamin.
"Hindi pa kumakain ng tanghalian si Roselia, ihatid mo ito sa kaniya Lumeng" utos ni Inay Delia kay Salome matapos itong mag-igib ng tubig. Kakaupo pa lamang ni Salome sa maliit na bangkito nang utusan muli siya ng kaniyang inay.
Dumating naman si Felicidad bitbit ang malalaking palayok na kaniyang hinugasan. Sandaling napatitig si Salome sa kaniyang ate Fe na ngayon ay pagod na pagod na. Mahina ang puso ni Felicidad kung kaya't madali itong mapagod ngunit kahit ganoon ay wala silang magagawa sapagkat wala na ngayon ang kanilang itay at kuya Ernesto na siyang gumagawa ng mabibigat na trabaho.
Tumayo na si Salome at agad inalalayan ang kaniyang ate Fe "Ayos lang ako Lumeng... sige na puntahan mo na si Ate Roselia" wika ni Felicidad sabay ngiti ng marahan sa kapatid. Tumango na lang si Salome at akmang aalis na ngunit biglang hinawakan ni Felicidad ang braso niya.
"Kanina sa bayan nakita ko si Señor Fidel, batid ko na hinahanap ka niya, paano niya nalaman na narito tayo sa Pampanga?" pabulong na tanong ni Felicidad at sabay silang napatingin ni Salome sa direksyon ng kanilang inay na abala sa pagtatahi ng mga damit.
Inalalayan muna ni Salome na maupo ang kaniyang ate sa gilid ng higaan at umupo rin siya sa tabi nito. "Huwag kang maingay ate... nagkita na kami ni Señor Fidel kagabi" pag-amin ni Salome at bigla siyang napangiti, animo'y mabanggit lang ang pangalan ni Fidel ay nagdudulot na ng pambihirang kilig sa kaniya.
"A-ano?" gulat na tugon ni Felicidad at napahawak pa siya sa kaniyang bibig. Agad naman silang napatingin ulit sa direksyon ni inay Delia sa takot na baka narinig nito ang usapan nila pero nanatili pa ring abala sa pagtatahi ang kanilang inay.
"Anong nangyari? Bakit ka niya sinundan dito? Tiyak na mapapahamak siya!" patuloy ni Felicidad at napahawak siya ng mahigpit sa braso ni Salome upang makinig ito sa kaniya. Nabanggit na rin ni Salome noong nakaraang linggo na si señor Fidel ang lalaking nakasuot ng salakot at nakabalot ang mukha na pumana sa kanilang taksil na tiyo na si Fernando.
"Sa oras na malaman ng mga awtoridad na si Señor Fidel ang nagligtas sa atin tiyak na---" hindi na natapos ni Felicidad ang sasabihin niya dahil bigla siyang napatigil at gulat na napatitig sa mga mata ni Salome nang mapagtanto niya ang isang bagay.
"N-nabanggit ba ni señor Fidel kung sino ang dalawa pang kasamahan niya na nagligtas sa atin noon sa plaza San Alfonso?" tugon ni Felicidad, bakas sa kaniyang mukha at pananalita ang matinding kaba na nararamdaman. Maging siya ay nahihiwagaan at nagtataka kung sino pa ang dalawang lalaking nakasalakot at nakatakip ang mukha na tumulong sa kanila bukod kay señor Fidel.
"Si Señor Geronimo Flores at Señor Patricio Montecarlos" sagot ni Salome na mas lalong ikinagulat ni Felicidad. Ilang segundo siyang hindi nakapagsalita at napahawak pa siya sa kaniyang puso nang maramdaman ang biglaang paninikip nito.
"Ate Fe..." tawag ni Salome sa kaniyang ate ngunit napatango-tango na lang ito at napapikit. "Ayos lang ako Lumeng... sadyang hindi ko lang inaasahan na itataya rin ni señor Patricio at señor Geronimo ang buhay at pangalan nila para sa atin" sagot ni Felicidad. Agad naman siyang inalalayan ni Salome na mahiga saglit sa kama upang makapagpahinga.
"Lumeng, sa oras na magkita kayo muli ni Señor Fidel sabihin mo sa kaniya na lumayo na muna sila nina señor Patricio at señor Geronimo sapagkat ang ginawa nilang pagtataksil sa sarili nilang lahi ay hindi palalagpasin ng mga nasa itaas sa oras na malaman nila ang katotohanan. Hindi lang pangalan ng kanilang pamilya at estado ng buhay nila ang nasa peligro kundi maging ang kanilang buhay" patuloy pa ni Felicidad, tanging tango na lamang ang naisagot ni Salome. Alam niyang may punto ang kaniyang ate Fe, nang dahil sa pakikialam nina Fidel, Patricio at Geronimo maging sila ngayon ay nasa peligro na rin.
Tulala lang sa daan si Salome habang naglalakad papunta sa paggamutan ng isang kilalang doktor na si Don Epifanio, siya ay isang purong kastila na sa Pilipinas na ipinanganak at lumaki ngunit nakapag-aral siya sa Europa. Nasa edad tatlumpu't walong taon na si Don Epifanio at isa siyang kilalang dalubhasa sa panggagamot.
Nagtayo siya ng paggamutan na may dalawang palapag. Kadalasan sa kaniyang mga pasyente ay mga principalia na mga mayayamang pamilya. Mayroon siyang labindalawang mga katulong sa panggagamot at isa na roon si Roselia.
Mula nang mamatay ang kaniyang asawa na si Ernesto Aguantar, ginawa niyang abala ang kaniyang sarili at nag-boluntaryo sa paggamutan ni Don Epifanio. Mas lalong nagpadagdag sa hinanakit ng biyudang si Roselia ang hindi inaasahang pagkalalag ng ipinagbubuntis niyang anak nila ni Ernesto makalipas lamang ang ilang araw na pagkamatay nito.
"Nariyan ba si Doktor Epifanio?!" tanong ng isang doña na punong-puno ng alahas ang buong kasuotan. Nakasakay pa ito sa kalesa habang pinapaypayan ng mga tagapagsilbi. Malayo pa lang si Salome sa paggamutan ay rinig na rinig na niya ang sigaw ng matapobreng doña.
"W-wala po doña, n-nagtungo po siya sa Maynila k-kaninang umaga" kinakabahang sagot ng isa sa mga alalay ng paggamutan (nurse). Nakayuko ang dalaga sa harapan ng doña na kung umasta ay parang reyna.
"Nanggaling pa ako sa Maynila at hindi ko rin siya madadatnan dito?!" sigaw ng matapobreng doña sabay hampas sa pamaypay na hawak ng tagapagsilbi at kinuha ito. Animo'y ibabato niya ito sa mukha ng dalagang nars ngunit agad humarang si Salome at nasalo niya ang matigas na pamaypay na muntikan nang tumama sa mukha ng dalagang nars.
"A-ANONG----" hindi na natapos ng doña ang kaniyang sasabihin dahil nagulat siya sa mabilis na pagsangga at paghawak ni Salome sa pamaypay. Animo'y parang isang kidlat na biglang sumulpot at walang kahirap-hirap na nasalo ang pamaypay gamit lamang ang isang kamay.
"Wala po siyang kasalanan. Hindi niya kasalanan na wala ngayon si Don Epifanio at hindi rin niya kasalanan na kayo ay naglakbay pa papunta rito" sabat ni Salome habang nakatingin ng diretso sa mga mata ng doña.
Nasa edad limampu na ito at sa unang tingin pa lang ay mababakas na ito ay isang kastila. Matangos ang ilong, maputi ang balat at nagtataglay din ng pambihirang ganda kahit pa may edad na ito.
Suot ang kulay pula na damit pang-Europa at pulang malaking sumbrero na gawa sa balahibo ng pabo (peacock) umaangat ang karangyaan, kapangyarihan at kagandahan ng doña.
Bigla namang kinuha ng dalagang nars ang pamaypay ng doña na hawak ni Salome at dali-dali nitong ibinalik ng magalang sa doña.
"P-pasensiya na po at paumanhin sa kaganapang ito" nakayukong tugon ng dalagang nars na balak pa sanang lumuhod sa harapan ng doña pero agad na itong nagsalita.
"Hindi ko palalagpasin ang inasal ng babaeng iyan. Walang galang! Walang modo!" buwelta pa ng doña habang nakatingin ng masama kay Salome. Hindi naman natinag si Salome at tiningan din siya ng masama nito.
Magsasalita pa sana si Salome pero agad na siyang inawat ng dalagang nars. Mabuti na lamang dahil inutusan na ng doña ang kutsero na patakbuhin ang kabayo. Ngunit bago pa man makaalis ang kalesang sinasakyan nito isang matalim na tingin ang pinakawalan ng doña kay Salome.
"Siguradong ikapapahamak mo ang ginawa mo" biglang tugon ng dalagang nars. Bakas sa tono ng kaniyang pananalita na nag-aalala siya para kay Salome.
"Kilala mo ba ang matapobreng babaeng iyon?" tanong ni Salome sa dalaga. Napailing naman ito. "Hindi ko siya kilala ngunit batid ko na kabilang siya sa mga principalia" sagot ng dalaga. Napailing-iling naman si Salome. Pumasok na sa loob ng paggamutan ang dalagang nars at sinundan siya ni Salome.
"Nais mo bang maging katuwang din ni Don Epifanio dito sa paggamutan?" tanong pa muli ng dalagang nars at napatigil ito sa paglalakad saka lumingon kay Salome. Halos kasing-edad lang naman ni Salome ang dalagang nars, maputi rin ang balat nito at mapapansin agad na may lahi itong intsik.
Sinuri naman ng mabuti ni Salome ang kasuotan ng dalagang nars. Ang kaniyang puting baro't-saya ay nababahiran ng mga mantsa ng dugo. Doon niya napagtanto na ang trabaho ngayon ng kanilang ate Roselia ay hindi biro.
Sandaling napalingon si Salome sa paligid. May mga higaan sa bawat sulok na kung saan may mga iilang duguang pasyente ang nagpapahinga. Amoy ng natuyong dugo at ilang matatapang na kemikal at halamang gamot ang umaalingasaw sa loob ng paggamutan.
"Pag-isipan mo ng mabuti kung nais mong maging bahagi ng paggamutan na ito hanapin mo lang ako, ako nga pala si Celestina" wika pa ng dalagang nars saka nagtungo sa ikalawang palapag ng paggamutan bitbit ang ilang mga tela at panglinis sa sugat.
Nanatili naman doon si Salome sa tapat ng pintuan habang pinagmamasdan ang mga pasyente. Ngayon niya lang rin napagtanto na mainam kung magiging bahagi rin ng paggamutan ang kaniyang inay sapagkat magaling ito sa panggagamot.
Ilang sandali pa, natauhan na lang si Salome nang may humawak sa kaniyang balikat. "Oh, Lumeng? Anong sadya mo rito?" tanong ni Roselia na kakababa lamang mula sa ikalawang palapag ng paggamutan. Agad namang inabot ni Salome kay Roselia ang dala niyang bayong na naglalaman ng pagkaing pinadala ng kaniyang inay.
"Ipinaabot po ni ina, kumain daw po muna kayo" saad ni Salome. Napangiti naman ng bahagya si Roselia, naghugas ng kamay bago kinuha ang pagkaing dala ni Salome. Nagtungo sila sa likurang bahagi ng paggamutan at doon kumain.
Sa likurang bahagi ng paggamutan ay natatanaw nila mula sa di-kalayuan ang bundok Arayat. Maaliwalas ang sikat ng araw at napaka-presko rin ng hangin sa labas. "Pakisabi kay inay Delia na mabuti naman ang kalagayan ko rito, mababait ang mga kasamahan ko rito lalong-lalo na ang aming amo" panimula ni Roselia habang patuloy itong kumakain na animo'y ngayon lang nakakain sa buong buhay niya. Inalok niya si Salome na saluhan siya ngunit tumanggi ito sapagkat nakakain na siya kanina pa at bukod doon ay para sa isang tao lang naman ang dala niyang pagkain.
"Si Don Epifanio?" tanong ni Salome. Napatango naman si Roselia at napayuko. Halos mag-iisang buwan na nang magsimulang magtrabaho si Roselia sa paggamutan at halos isang buwan na rin siyang nagsimulang manirahan doon.
"Biyudo na si Don Epifanio, napag-alaman namin na namatay sa isang pambihirang sakit ang kaniyang asawa at di-kalaunan ay namatay din ang kanilang anak sa kaparehong sakit na hanggang ngayon ay hindi pa rin niya matukoy" wika pa ni Roselia. Hindi naman agad nakapagsalita si Salome, taimtim niyang pinagmamasdan at inoobserbahan ang kilos ni Roselia na ngayon ay hindi magawang makatingin sa kaniya.
"Mabuti ang kalooban ni Don Epifanio, kailanman ay hindi niya kami pinagtaasan ng boses kahit pa madalas kaming magkamali sa pag-alalay sa mga pasyente, pinapahalagahan din niya ang aming kalusugan at hindi niya kami ginigipit sa pagbibigay ng salapi" patuloy pa ni Roselia na kahit punong-puno ng pagkain ang bibig ay patuloy pa ring nagkwekwento. Hindi maialis ni Salome ang titig niya kay Roselia lalo na dahil sa bilis nito kumain, animo'y gutom na gutom.
"Akin ngang napapansin na ikaw ay lumulusog ate Roselia" wika ni Salome habang nakatitig pa rin kay Roselia, bigla namang napaiwas ng tingin si Roselia at napatigil sa pagkain. Inilapag niya saglit ang mangkok na hawak saka uminom ng tubig.
Nang matapos uminom ay muli niyang kinuha ang mangkok at nagpatuloy muli sa pagkain "Gaya nga ng sinabi ko hindi pinapabayaan ni Don Epifanio ang aming kalusugan. Madalas niya rin kaming kamustahin----" hindi na natapos ni Roselia ang sasabihin niya dahil biglang napatayo si Salome.
"Sa paanong paraan niya kayo hindi pinapabayaan? O mas tama bang sabihin na sa anong paraan ka niya hindi pinapabayaan... ate Roselia?" biglang tanong ni Salome na ikinagulat ni Roselia, nabitiwan niya pa ang mangkok na hawak kung kaya't nabasag at kumalat sa lupa ang laman nitong pagkain.
Agad napaluhod si Roselia sa lupa, nanginginig ang kaniyang buong katawan at nagsimulang mamuo ang mga luha sa kaniyang mga mata. "L-lumeng... pakiusap huwag mo itong sabihin kay Inay Delia at sa mga kapatid mo" pagsusumamo pa ni Roselia at hinawakan niya ang kamay ni Salome.
Napapikit na lang sa inis si Salome ngunit hindi niya magawang kumalas sa pagkakahawak ng kaniyang ate Roselia na itinuring na rin nilang kapamilya sapagkat siya ay asawa ng kaniyang kuya Ernesto.
"P-paano mo ipapaliwanag kay inay na ikaw ay nagdadalang-tao ngayon?" giit pa ni Salome na mas lalong ikinagulat ni Roselia. Napahugolgol siya bigla at paulit-ulit na humingi ng tawad at nakiusap kay Salome habang nakaluhod sa tapat nito.
"H-hindi ko matanggap na isang buwan pa lang nawala si kuya Ernesto ngunit ngayon ay nakahanap ka na ng bago" naiinis na tugon ni Salome at agad niyang hinawi ang luhang namumuo sa kaniyang mga mata. Bumitiw na siya sa pagkakahawak ni Roselia at dali-daling umalis sa lugar na iyon dala-dala ang masakit na katotohanan na ang asawa ng kaniyang pinakamamahal na kuya ay tuluyan nang nakalimot sa pag-iibigan nila.
Nang makarating si Salome sa kanilang tahanan dire-diretso siyang nagtungo sa kwarto ni Danilo at doon niya inilabas ang hinanakit na namumutawi ngayon sa kaniyang puso. Kasalukuyang sinasanay ngayon ni Ingkong Lui si Danilo kung kaya't walang tao sa silid nito.
Ilang sandali pa, napatigil sa pag-iyak si Salome nang marinig niya ang tatlong katok mula sa pinto. Kasunod niyon ay biglang sumilip si Nay Delia sa pintuan. "Ikaw ba ay ayos lang anak ko?" nag-aalalang tanong ni Nay Delia. Hindi napansin ni Salome na nasa salas kanina ang kaniyang inay nang padabog at dire-diretso siyang pumasok sa bahay at nagtungo sa silid ni Danilo.
Hindi naman nakaimik si Salome, batid niyang alam naman ng kaniyang inay na siya ay umiiyak ngayon kung kaya't nagtaklob na lang siya ng kumot at pilit na pinipigil ang paghikbi at pagsinghot. Naramdaman na lang ni Salome na umupo ang kaniyang inay sa kama at himimas-himas nito ang kaniyang ulo.
"Maaliwalas ang kalangitan kanina... ngunit ngayon tila nagbabadya na naman ang ulan" panimula ni Nay Delia saka tumayo at isinarado ang bintana dahil nagsimula nang pumatak ang ulan. Nang maisara na niya ang bintana umupo ulit siya sa kama, sa tabi ni Salome na nakataklob pa rin ng kumot.
"Nang ipinanganak kita naalala kong binalot ka kaagad sa makapal na kumot ng iyong itay sapagkat malakas ang ulan noong gabing iyon, animo'y may bagyo na anumang oras ay gigibain ang ating tahanan. Naalala ko rin ang mukha ni Ernesto at Felicidad noong gabing iyon bukod sa nasasabik silang masilayan ang bago nilang kapatid, magkayakap silang umiiyak dahil napakalakas ng ulan at hangin na may kasama pang matinding pagkulog at pagkidlat" patuloy pa ni Nay Delia. Bigla namang napatigil sa paghikbi si Salome, naaninag pa rin niya ang kaniyang ina dahil manipis lang naman ang kumot na nakabalot sa kaniya.
"Salome... ang wika ng iyong itay habang yakap-yakap ka niya sa kaniyang bisig at pinagmamasdan. Bagama't hindi pa rin tumila ang pag-ulan nang gabing iyon, Salome na ang ibig sabihin ay 'Kapayapaan' ang nais na ipangalan sa iyo ng iyong itay" dagdag pa ni Nay Delia. Ilang saglit pa, dahan-dahan nang ibinaba ni Salome ang kumot na nakataklob sa kaniyang mukha at isang ngiti mula sa kaniyang ina ang kaniyang nasilayan.
"Naalala ko na ganiyan na ganiyan rin kung tumingin ang iyong itay noong wala siyang salapi habang namamasyal kami sa gilid ng ilog Pasig" patuloy pa ni Nay Delia dahilan para biglang mapangiti ng kaunti si Salome dahil magkwekwento na naman ang kaniyang inay nang pagiging mahiyain sa pag-ibig ng kaniyang itay.
"Noong binata't dalaga pa kami ng iyong itay... madalas kaming maglakad-lakad sa gilid ng ilog Pasig, kung minsan ay pinapanood namin ang paglubog ng araw sa dalampasigan. Magaling na mangingisda ang iyong itay noong binata pa lamang siya, naalala ko ang una naming pagkikita..." patuloy pa ni Nay Delia at dahan-dahang sumilay ang kaunting ngiti sa labi ito.
"Magtatakipisilim na noon nang pumunta kami ni Ingkong Lui sa daungan sa ilog Pasig upang bumili ng mga isda dahil darating ang mapapangasawa ng aking ate Lita na isang mangangalakal na intsik. Wala na noon ang aming mga magulang sapagkat isa sila sa mga sumali sa pag-aalsa ng aming lahi noong 1643 (Chinese Massacre of 1643). Kinabukasan ang kasal ni ate Lita at isasama na rin siya ng asawa niyang intsik pabalik sa Tsina kaya malungkot kami noon kahit dapat maging masaya kami dahil ikakasal na siya" tugon pa ni Nay Delia. Habang nagkwekwento siya ay parang naroon din si Salome dahil naglalaro ang kaniyang isipan sa detalyadong kwento ng kaniyang inay.
"Halos lahat ng tao ay nasa daungan nang araw na iyon upang abangan ang pagdating ng mga bangka ng mga mangingisda na nagpalaot, maulan din nang araw na iyon kung kaya't kaunti lamang ang nangisda... hanggang sa nasilayan naming lahat ang paparating na bangka at nang dumaong na ito sa daungan ay nakipag-unahan din kami ni ingkong Lui na makapili at makabili ng mga nahuling isda sa bangkang iyon... doon ko unang nakita ang iyong itay" dagdag pa ni Nay Delia.
"Inaamin ko na naramdaman kong tumibok ang puso ko nang masilayan ko sa kauna-unahang pagkakataon si Fransisco, abala siya noon sa pagbubuhat ng mga banyera ng isdang nahuli nila at hindi ko nagawang maialis ang titig ko sa kaniya, magmula noon palagi na akong sumasama kay ingkong sa pagpunta doon sa daungan at pasimpleng pinagmamasdan mula sa malayo si Francisco hanggang sa isang araw nagkadugtong na rin ang mga linya ng aming kapalaran..."
"Inabot ko ang aking bayad sa kaniya ngunit nadulas iyon sa kamay niya at nahulog sa sahig, nakita ko pa nga kung paano namula ang mga psingi niya dahil hindi niya sinasadyang mahawakan ang aking mga kamay nang kunin niya ang isang pilak sa akin... at mula nang araw na iyon naging magkaibigan na kami hanggang sa lumalim ang aming pagkakaibigan"
"Hindi naman naging madali para sa amin ang lahat dahil tutol si Ingkong Lui na maikasal ako kay Francisco lalo na't nalaman nya na ito ay may dugong maharlika ngunit sadyang matigas ang ulo ko sumama ako kay Francisco at dito sa Pampanga kami unang nanirahan. Nalaman namin na sinundan kami ni Ingkong Lui dito sa Pampanga kung kaya't bumalik na kami ni Francisco sa Tondo doon ko na rin isinilang si Ernesto. Makalipas lamang ang dalawang taon isinilang ko naman si Felicidad at makalipas naman ang tatlong taon ikaw naman ang aking isinilang" patuloy pa ni nay Delia, saka napatigil sa paghimas sa buhok ng anak.
"Ang pagsasama namin ng iyong ama ay hindi ganoon ka-perpekto. Ang tao ay nagbabago, ang lahat ng bagay ay nagbabago. Ang kahapon ay kailanman ay hindi magiging katulad ng kinabukasan. At ang tanging panghahawakan mo na lamang ay ang tiwala mo sa taong iyon na kahit siya ay nagbago naroon at naroon pa rin ang dating katauhan niya na nakilala mo" saad pa ni Nay Delia. Sandaling napatigil si Salome. Sa mga salitang binitiwan ng kaniyang ina patuloy na gumugulo sa kaniyang isipan ang pagbabagong nangyari kay Roselia.
Posible bang mawala ang pagmamahal ng isang tao?
Kinabukasan, maagang nagising si Salome at agad niyang inasikaso ang dalawang malaking palayok na paglalagyan niya ng tubig. kasalukuyan siyang nasa kusina habang pinupunasan ang dalawang palayok nang lumapit ang kaniyang ina sa kaniyang tabi upang sindihan ang pugon.
"Kahapon ko pa hindi nakikita na suot mo ang dragon na pang-ipit na ibinigay ko sa iyo anak" wika ni Nay Delia habang abala sa paglalagay ng siga sa pugon. Agad namang napaiwas ng tingin si Salome at hindi nakapagsalita. Batid niyang hindi matutuwa ang kaniyang ina sa oras na malaman nito na ibinigay niya kay Fidel ang dragon na pang-ipit sa buhok.
"Ilang dekada na ang pinagdaanan ng palamuti sa buhok na iyon Lumeng. At maaaring minsan na rin itong napasakamay mo" patuloy pa ni Nay Delia sabay tingin ng diretso sa mga mata ni Salome. Muntik pang mabitiwan ni Salome ang palayok dahil sa kaba, mabuti na lamang dahil agad niya itong nasalo.
"A-ako po'y magtutungo na sa batis ina habang hindi pa tumitirik ang araw" tugon ni Salome nang hindi tumitingin sa mata ng kaniyang ina at dire-diretso siyang lumabas ng bahay bitbit ang dalawang palayok.
Napailing-iling na lang siya at pilit niyang pinakalma ang kaniyang sarili habang naglalakad patungo sa gitna ng gubat kung saan matatagpuan ang malinis na batis upang sumalok ng tubig na kanilang papakuluan at maaaring inumin.
Natatakot siya na baka magalit sa kaniya ang kaniyang ina dahil pinamigay niya ang ipinamana nito sa kaniya. Makalipas lamang ang halos isang oras na paglalakbay papunta sa batis, narating na rin niya ang kaniyang paroroonan.
Sandali siyang naupo sa gilid ng isang bato at nagpahinga. Doon ay pinagmasdan niya ang sarili niyang repleksyon sa malinaw na tubig ng batis. Napahawak siya sa tapat ng kaniyang puso sapagkat naramdaman na naman niya ang kakaibang pagkirot nito.
Ilang sandali pa, isinawsaw niya ang kaniyang dalawang kamay sa tubig at naghilamos siya ng kaniyang mukha upang makaramdam ng lamig at magising ang kaniyang diwa. Maka-tatlong beses niyang inulit ang paghilamos sa kaniyang mukha bago siya nakahinga ng maluwag.
Anong nangyayari? Bakit ko nararamdaman ito?
Nang aabutin na niya ang dalawang palayok na nasa kaniyang tabi nagulat siya nang biglang may palaso (arrow) na diretsong dumaan sa gilid ng kaliwang tenga niya at tumama sa puno na nasa likuran niya. Ang palasong dumaan sa kaniyang gilid ay humawi sa kaniyang buhok dahil sa bilis nito.
"S-SINO KA?!" gulat na sigaw ni Salome at agad niyang kinuha ang piraso ng kahoy na nasa kaniyang paanan. Sing talas ng agila ang kaniyang mga mata nang kilatisin niya ang buong paligid. Ang marahan na hangin ang pilit na humahawi sa mga punong nagsasayawan. Maging ang mga ibon ay hindi mapakali sa paglipad sa iba't-ibang direksyon.
Isang matalim na palaso ang agad naaninag ni Salome na papasalubong sa kaniya kung kaya't sing bilis ng kidlat niyang inihakbang ang kaniyang kaliwang paa at kinabig ang isa upang makaikot siya sa ere para maiwasan ang palasong tatama sa balikat niya.
Ang matulis na dulo ng palaso ay dumaplis ng kaunti sa baro ni Salome na agad naging sanhi ng pagkabutas ng kaniyang damit sa bandang balikat. Nang tumama ang ikalawang palaso sa puno dali-dali itong hinablot ni Salome at buong pwersa niyang pinaikot sa ere upang tumama pabalik sa pinanggalingan nito.
Agad napabitaw sa puno ang isang lalaking nakasuot ng salakot at bumagsak ito sa lupa. May kalayuan ang pinupwestuhan nito kay Salome kung kaya't agad hinablot ni Salome ang isa pang palaso na nakatusok sa puno at buong pwersa niya ulit itong inihagis diretso sa lalaking nakasuot ng salakot na tumama sa dulong bahagi ng baro nito at ang palaso ay tumusok sa lupa. Kung kaya't ang matalim na palaso ay nakatusok sa dulo ng baro nito na nakatusok rin sa lupa dahilan upang hindi na ito makatakbo dahil nakasabit na ang damit nito.
Dali-daling kumaripas ng takbo si Salome papunta sa lalaking nakasalakot na nakahiga sa lupa habang hawak-hawak ang balakang nito. Nang matunton niya ito agad niyang hinablot ang salakot at tinanggal ang pulang tela na nakabalot sa mukha nito.
Nanlaki ang mga mata ni Salome nang makilala kung sino ang lalaking iyon na ngayon ay nakangisi na sa kaniya. "Hindi ko akalain na magagawa mo akong pabagsakin ng ganito Lumeng" tugon ni Patricio habang nakangisi ng todo. Agad napayuko si Salome at hinila niya ang palaso na nakabaon sa damit ni Patricio at nakatusok sa lupa dahilan upang hindi ito makaalis sa pwesto niya.
"P-paumanhin po Señor Patricio, hindi ko po alam na kayo ang---" hindi na natapos ni Salome ang kaniyang sasabihin dahil biglang napaupo si Patricio sabay pagpag ng damit nito. Tinanggal na rin niya ang pulang tela na nakabalot sa kaniyang mukha at niluwagan niya rin ang butones sa bandang leeg ng kaniyang damit.
"Hindi mo rin alam na isa ako sa tumulong sa inyo" dugtong ni Patricio at biglang napawi ang ngiti nito habang nakatingin ng diretso sa mga mata ni Salome.
"A-alam ko pong kayo na ni Señor Geronimo ang tumulong po sa amin kung kaya't nais ko pong magpasala----" hindi na naman natapos ni Salome ang kaniyang sasabihin dahil biglang napangisi lang si Patricio. Yung tipong ngisi na halatang sarkastiko.
"Hindi mo malalaman hangga't hindi sinabi sa iyo ni Fidel. Batid kong siya lang naman ang nakilala mo noong araw na iyon" dugtong pa ni Patricio sabay iwas ng tingin kay Salome. Hindi naman nakapagsalita si Salome at napayuko na lang dahil totoo naman na hindi niya akalain na magagawa rin siyang tulungan ni Patricio maging ni Geronimo.
Ilang minuto silang natahimik. Pinaglalaruan na lamang ni Patricio ang palaso sa kaniyang kamay habang nanatili namang nakaupo lang si Salome sa lupa sa tabi niya. "Tama nga siya, ikaw pala ay nagbago na. hindi ka na ang dating Lumeng na hindi kayang manakit ng sinuman. Ngunit ngayon isang simpleng hawak mo lamang sa palasong ito ay makapagdudulot na ng kamatayan sa sinumang tatamaan" pagbasag ni Patricio sa katahimikan habang pinagmamasdang mabuti ang matalim na palaso na hawak niya at pinapaikot-ikot niya ito sa kaniyang kamay.
Gulat namang napatingin sa kaniya si Salome "S-sino po ang nagbalita sa inyo señor?" tanong ni Salome at agad naman siyang napayuko nang tumingin sa kaniya si Patricio. Sa tuwing nakakaramdam siya ng konsensiya ay hindi niya nagagawang tumingin ng diretso sa mata ng kausap.
Muli na namang napangisi ng sarkastiko si Patricio "Hindi ka maniniwala kung sino ang taong iyon na nagbalita sa amin" tugon ni Patricio at tumayo na siya sabay pagpag sa kaniyang kasuotan. "Mula ngayon mag-iingat ka sa mga taong dapat mong pagkatiwalaan Lumeng. Ang tiwala ay hindi basta-basta binibigay sa sinuman kahit pa ang taong ito ay malapit sa iyong puso" patuloy pa ni Patricio sabay hila sa palasong nakatusok sa puno kung saan nakapwesto siya kanina.
Napatayo naman si Salome at akmang magsasalita muli ngunit biglang lumingon si Patricio sa kaniya "Sa susunod na pagkakataon batid kong sa puso ko direktang tatama ang palasong ito. Marahil ay tamaan mo na ang puso ko" ngisi muli ni Patricio sabay suot ng salakot sa kaniyang ulo at naglakad na siya papalayo. Hindi naman na siya nagawang tawagin pa ni Salome sapagkat wala na rin namang sasabihin sa kaniya ang dalaga.
Akmang babalik na si Salome sa batis nang biglang may narinig siyang nagsalita sa itaas ng isang puno "Kapag tinamaan nga naman ng pag-ibig, ang mga salita ay agad tumitiklop sa sariling bibig" natatawang tugon ni Geronimo Flores na kampanteng-kampante na nakaupo sa matibay na sanga ng puno.
"Hindi si Patricio ang pataksil na nagpatama sa iyo ng dalawang palaso kanina" patuloy pa ni Geronimo saka lumingon at ngumiti kay Salome. Katulad ni Patricio ay nakasuot din ito ng salakot. Gulat namang nakatitig sa kaniya si Salome, hindi akalain ng dalaga na ganito makipag-usap sa kaniya ang isang Flores na kailanman ay hindi naman siya pinansin.
Agad lumundag mula sa itaas na bahagi ng puno si Geronimo at walang kahirap-hirap itong nakatindig ng maayos sa lupa. Katulad ni Fidel at Patricio, si Geronimo ay nagtataglay din ng pambihirang kagwapuhan at nangingibabaw din ang dugong kastila nito.
"Ngayon naiintindihan ko na kung bakit natatangi ang pagtrato sa iyo ng dalawang Montecarlos na iyon. Tunay nga na nagtataglay ka ng pambihirang karikitan" ngisi pa ni señor Geronimo habang nakatitig kay Salome. Nagulat naman si Salome nang bigla siyang kinindatan ng binata.
"Huwag kang mag-alala Binibini... wala akong balak na maki-agaw pa sa dalawang Montecarlos na nahuhumaling sa iyo" tawa pa ni Geronimo saka naglakad papunta sa harapan, napahakbang naman si Salome sa gilid nang kunin ni Geronimo ang kaniyang pana at ipinuwesto ito diretso sa malaking puno na nasa kanilang tapat.
Halos dalawang daang metro rin ang layo ng malaking puno ng Mahogany na nakapwesto sa dulo ng batis. Dahan-dahang iniangat ni Geronimo ang kaniyang kamay habang hawak ang pana at buong loob niyang pinagmasdan mabuti ang tutudlain (target).
"Nais kong malaman mo Binibini kung sino sa aming tatlo ang nagpakawala ng palaso kahit pa ang aming mga mukha ay nakatago sa likod ng salakot na aming suot" tugon ni Geronimo habang hawak-hawak ng mabuti ang pana, at nang bitawan na niya ang palaso lumihis ito ng landas at tumama sa kabilang puno.
"Hindi asintado, lumilihis ang palaso sa oras na pakawalan ito... iyan ang kakayahang taglay sa pagpana ng kaibigan kong si Patricio" ngisi ni Geronimo sabay dukot ulit ng pangalawang palaso na nakalagay sa kaniyang likod.
Halos wala namang kurap na nakatitig si Salome sa palasong tumama sa kabilang puno. Biglang naalala ni Salome na ang lalaking pumapana noon na nakapwesto sa tuktok ng bubong ng mga tindahan sa palengke sa tabi ng plaza San Alfonso ay hindi nagagawang asintahin ang mga guardia civil na nagtatakbuhan. Napagtanto ni Salome na ang lalaking iyon ay si Patricio.
"Ngayon lamang nagsanay sa pagpana si Patricio kung kaya't hindi pa siya ganoon kabihasa sa paggamit nito" patuloy pa ni Geronimo saka pumwesto ulit upang panain muli ang puno. Makalipas lamang ang ilang segundong konsentrasyon pinakawalan na niya ang palaso na diretsong tumama sa pinaka-gilid ng puno.
"Muntikan na. Hindi man ganoon kaasintado ay magagawa pa ring masugatan at tamaan ang tudla (target)... iyan naman ang kakayahang taglay ko sa paggamit ng pana na ito" wika ni Geronimo. Kasabay niyon ang marahan na pag-ihip ng hangin dahilan upang mahawi ang buhok nito.
"Matagal na akong tinuruan nito ni ama. Marahil ay alam mo namang isang dating miyembro ng hukbo ang aking ama. Ngunit mas bihasa ako sa paggamit ng baril" tugon pa ni Geronimo saka dumukot muli ng palaso sa kaniyang likuran.
Naalala ni Salome na ang lalaking nakasuot ng salakot at nakapwesto sa puno na pumana sa kamay ni Heneral Martino na tumagos sa buto nito ay si Geronimo. Bigla namang napahakbang paatras si Salome nang buong pwersang iniangat ni Geronimo ang kaniyang kamay hawak ang pana saka taimtim na pinagduruhan (concentrate) ang malaking puno ng Mahogany mula sa malayo.
Nang bitawan niya ang pana ay sing bilis ng kidlat na diretsong tumama ang palaso sa pinakagitnang bahagi ng puno. Nanlaki ang mga mata ni Salome at gulat na gulat siya sa asintadong tama ng palaso sa punong iyon.
"Perpekto. Asintado. Walang makakatalo... iyan ang kakayahang taglay sa pagpana ni Fidel Montecarlos" wika ni Geronimo na mas lalong ikinagulat ni Salome. Gulat siyang napatitig muli sa asintadong tama ng palaso sa puno ng Mahogany.
Kasabay niyon ay bigla niyang naalala na si Fidel ang lalaking nakasuot ng palaso na asintadong-asintadong pumana sa guardia civil na babaril sana noon sa kaniyang ama sa gitna ng entablado ng plaza San Alfonso. Si Fidel din ang pumana sa mga guardia civil na nagtatakbuhan, maging ang asintadong pagtama ng palaso nito sa taksil niyang tiyo na si Fernando Aguantar.
"Sa aming tatlo... si Fidel ang may kakayahang makapatay ng isang tao sa isang tama lamang ng palasong ito" saad pa ni Geronimo sabay ayos ng salakot na suot. Tumalikod na ito at nagsimulang humakbang papalayo ngunit napatigil siya nang magsalita si Salome.
"S-sandali Ginoo, nais kong malaman kung bakit niyo nagawang tulungan ang pamilya namin?" tanong ni Salome. Dahan-dahan namang napalingon si señor Geronimo.
"Kung si Fidel at Patricio ay may sapat na dahilan. Para sa akin ang pagtulong sa kaibigan ay higit sa sapat nang dahilan" nakangising sagot ni Geronimo sabay kindat muli kay Salome bago ito tuluyang umalis.
Nanatili namang nakatayo lang doon si Salome habang umiihip ang marahan na hangin dahilan upang magsibagsakan ang mga patay na dahon mula sa mga nagtataasang puno sa paligid ng batis. At sa huling pagkakataon muling napalingon si Salome sa palaso na asintadong tumama sa pinakagitna ng puno ng Mahogany.
Bigla niyang naalala ang sinabi sa kaniya ni Fidel noong isang gabi...
"Hinihiling ko na pakawalan mo ang lahat ng galit na mayroon ngayon sa puso mo at hayaan mong ako ang maghatid ng Kapayapaan sa iyong puso... Lumeng" - Fidel
Sa dahas mo rin ba idadaan ang paghahatid mo ng kapayapaan sa puso ko... Fidel?
"Para saan ito ate Fe?" nagtatakang tanong ni Salome kay Felicidad nang iabot sa kaniya nito ang isang napakagandang baro't-saya na kulay asul. Abot tenga naman ang ngiti ni Felicidad sabay tanggal sa ipit ni Salome at inayos niya ang buhok ng kapatid.
Pinaupo niya ito sa isang maliit na bangkito sa tapat ng kaniyang maliit na salamin. "Magtutungo kayo ni Danilo sa Maynila kasama si Aling Teodora at Ising para sa pagbubukas ng kanilang panciteria roon" tugon ni Felicidad na ikinagulat ni Salome.
"Narito si Ising at Aling Teodora?" gulat na tanong ni Salome habang kumikinang ang mga mata nito dahil sa saya. Napangiti naman si Felicidad at napatango-tango.
"Matagal na palang narito sa Pampanga ang pamilya nila Ising dahil maging sila ay pinag-iinitan na rin ngayon ni Gobernador Filimon Alfonso at Heneral Martino" sagot ni Felicidad habang dahan-dahang sinusuklay at inaayos ang mahabang buhok ni Salome.
"Bakit naman pag-iinitan ang pamilya nila?"
"Hindi ba't may lahing intsik din sila Ising at balita ko ay dumarami na ang naninirahang mga intsik sa San Alfonso kung kaya'y hindi na napapalagay ang mga opisyal" sagot ni Felicidad saka nilagyan ng kaunting kulerete sa mukha si Salome.
"Isa palang selebrasyon ang aming pupuntahan. Bakit hindi ka sasama ate Fe? Si inay at Julio sasama rin ba sila?" tanong pa ni Salome. Napangiti naman si Felicidad at napailing-iling.
"Walang maiiwan dito sa ating tahanan, at nais na lamang ni inay na tapusin ang kaniyang mga tinatahing damit para sa atin. Ako naman ang magbabantay kay Julio at bukod doon napag-alaman ko na narito rin pala sa Pampanga si señor Patricio. Kasalukuyan silang nanunuluyan nila señor Fidel at señor Geronimo sa tahanan ng alcalde mayor" tugon pa ni Felicidad na hindi matago ang kaniyang ngiti at namumulang pisngi nang mabanggit ang pangalan ni Patricio.
Hindi naman nakaimik si Salome lalo na kung ang pag-uusapan lang nila ay tungkol kay Patricio na batid niyang nagpapakita ng motibo sa kaniya. At ang ginagawang iyon ng binata ay makakapag-pasakit sa damdamin ng kaniyang ate Fe sa oras na malaman nito.
Matapos lamang ang halos isang oras nakahanda na si Salome suot ang bagong-bagong baro't-saya na kulay asul na napag-alaman niyang itinahi pala ng kaniyang ina para sa kaniya. Maging si Danilo naman ay presentableng-presentable tingnan, hubog na hubog ang katawan nito suot ang napakagandang barong tagalog.
Isang kalesa ang tumigil sa tapat ng kanilang tahanan. Sakay nito si Aling Teodora, Ising at isang dalaga na agad nakilala ni Salome. "Lumeng! Matagal ko nang hinihintay na makita ka mul!" tuwang-tuwang tugon ni Ising sabay lundag sa kalesa at sinalubong ng malaking yakap si Salome.
"Kamusta ka na Lumeng? Mabuti na lang dahil nakakatanggap ako ng liham mula kay Danilo na narito rin pala kayo sa Pampanga" ngiti ni Ising, bigla namang napaiwas ng tingin si Danilo na nasa tabi nila at napakamot pa ito ng ulo dahil sa hiya. Ngunit kahit ganoon ay hindi niya naiwasang mapangiti ng palihim dahil muli niyang nasilayan ang mga ngiti ni Ising at binanggit pa ng dalaga ang pangalan niya.
"Alam mo namang kahit kailan ay hindi ka matitiis nitong kapatid ko" pang-asar ni Salome kay Ising at Danilo na biglang nagkahiyaan. Agad namang nagmano si Danilo kay Aling Teodora at nagbigay galang kay Ising at sa isa pang dalaga na kasama nila.
"Siya nga pala, ngayon mo lang pala nakilala ang aking nakatatandang kapatid na si Celestina" pakilala ni Ising sa dalagang kasama nila na agad namang nagbigay galang sa pamilya Aguantar. Napatulala si Salome kay Celestina nang maalala niya na ito ang dalagang nars na nakausap niya sa paggamutan ni Don Epifanio noong isang araw.
Magsasalita pa sana si Salome ngunit nauna nang nagsalita si Aling Teodora "Tayo'y humayo na mga hijo at hija sapagkat mahaba pa ang ating paglalakbay, kailangan nating makarating sa Intramuros bago magtakipsilim" saad ni Aling Teodora kung kaya't agad na sumampa na sa kalesa si Ising, Salome at Danilo. Masaya silang nagpaalam habang kumakaway kay Nay Delia, Felicidad at Julio na nakatayo sa labas ng kanilang tahanan.
Makalipas lamang ang halos dalawang oras na byahe sakay ng kalesa ay narating na nila ang Maynila. halos walang kurap na napatulala si Salome sa napakalaki, napakatibay at napakataas na pader ng Intramuros. Alas-kuwatro pa lamang ng hapon kung kaya't abala ang mga tao maging ang mga kalesa sa paligid.
Hindi naman sila nahirapang makapasok sa loob ng Intramuros sapagkat si Aling Teodora ay may panciteriang bubuksan ngayong araw sa loob ng tinaguriang kabisera ng pamahalaang Kastila sa Pilipinas.
Nagagandahang mga kasuotan ng mga kababaihan na naglalakad sa gilid ng mga calle ang agad pumukaw sa atensyon nina Salome at Ising. Maging ang porma ng mga kalalakihan ay hindi rin nakatakas sa mga mata ni Danilo.
Nagtataasang mga istruktura, pagamutan, pamilihan, beateryo, simbahan, mga mansyon at mga Unibersidad at eskwelahan ang agad bumungad sa kanilang paligid. Napakalinis ng bawat calle at sa bawat sulok ay may mga guardia civil na nagbabantay.
Mga magagarbong kalesa ang patuloy na naghahari sa gitna ng kalsada. At mga batang paslit na masisiglang naglalaro ang naghahari sa mga plaza. Hindi na nila namalayan na nakarating na pala sila sa panciteria na ngayon ay pagmamay-ari na ng pamilya nila Aling Teodora.
"Narito na tayo" nakangiting wika ni Aling Teodora at nagagalak siyang makita ang ligaya sa mga mata ngayon ng magkapatid na Aguantar nna kamakailan lang ay nakaranas ng sunod-sunod na trahedya sa kanilang pamilya.
Isang nakakaindak na tugtugan, sayawan, mga palamuti at masigabong palakpakan ang sumalubong sa kanila nang makababa silang lahat sa kalesa. Sinalubong sila ng mga kapwa nila negosyante na may lahing instik na tuwang-tuwa sapagkat magkakaroon na naman ng panibagong negosyo ang kanilang kalahi.
Agad namang hinawakan ni Ising ang kamay ni Salome at dali-dali silang nagtungo sa kusina ng kanilang bagong kainan upang makakuha agad ng pagkain. Samantala, nahihiya namang nakasunod sa kanila si Danilo na hindi na mapakali at panay ang pagkamot sa ulo dahil nahihiya siya sa presensiya ni Ising.
"Ising, paano na pala ang panciteria niyo sa San Alfonso?" tanong ni Salome kay Ising, inilapit pa ni Ising ang kaniyang tenga sa kaibigan dahil hindi niya ito masyadong marinig dahil sa lakas ng tugtugan sa loob ng kanilang kainan. Kasalukuyan silang nakaupo na ngayon sa pinakadulong mesa dahil halos lahat ng panauhin at bisita ay nagkakasiyahan na ngayon sa gitna.
"Nakakalungkot mang isipin ngunit wala na kaming babalikan pa sa San Alfonso" sagot ni Ising at biglang nagbago ang masayang ekspresyon ng mukha nito kanina. "Katulad niyo Lumeng ay hindi rin naging maganda ang sinapit ng kabuhayan ng aming pamilya sa San Alfonso nang sumiklab ang gulo sa plaza noong..." hindi na natapos ni Ising ang kaniyang sasabihin dahil batid niyang magdudulot ng lungkot sa kaibigan sa oras na banggitin niya ang pagkamatay ng tatay at kapatid nito sa plaza San Alfonso.
Sandali naman silang napatahimik. Maging sa alaala ni Salome ay hindi pa rin naghihilom ang sugat mula sa mapait na karanasan na sinapit nila sa bayan ng San Alfonso noong nakaraang buwan. "Ibig sabihin dito na kayo sa Maynila maninirahan?" sabat ni Danilo na nakaupo sa tapat nila. Napatingin naman sa kaniya si Salome at Ising. Kanina pa nais makisali ni Danilo sa kanilang usapan ngunit sa tuwing ibubuka na niya ang kaniyang bibig ay bigla siyang uunahan ng kaba dahil nasa tapat niya lang si Ising.
"Oo, dito na kami maninirahan... Nilong" sagot ni Ising sabay ngiti kay Danilo dahilan upang mapatulala sa gulat si Danilo at bilang namula ang pisngi nito. Ang tawagin siya sa kaniyang palayaw ay labis na nagdulot ng kaligayahan kay Danilo. Animo'y para siyang lumilipad sa ere.
"Ikaw ay napaghahalataan Nilong" biglang kantyaw ni Salome sa kapatid na si Danilo dahilan upang mamula ang tenga nito dahil sa hiya at dali-dali siyang napainom ng tubig dahil sa kaba. Natawa na lamang si Ising dahil sa kinikilos ng binata.
"Saan ba tayo pupunta?" nagtatakang tanong ni Salome, kanina pa sila naglalakad at naglilibot sa buong Intramuros kung kaya't masakit na ang kaniyang paa suot ang bakya na pinahiram sa kaniya ng kaniyang ate Felicidad.
Alas-sais na ng hapon ngunit nag-aagaw dilim pa lamang. Ang langit ay nababalot din ng makapal na ulap kung kaya't marami ang napapatingin sa kalangitan sapagkat mukhang nagbabadya ang ulan.
"Baka abutan tayo ng ulan, mabuti pang bumalik na tayo sa panciter----" hindi na natapos ni Salome ang kaniyang sasabihin dahil biglang kumapit ng mas mahigpit si Ising sa kaniyang braso at naglakad ito ng mabilis dahilan upang mapabilis din ang paglakad niya. "Sandali Ising" reklamo pa ni Salome ngunit patuloy lang sa paghagikhik sa tuwa si Ising habang nakasunod naman sa kanila si Danilo sa likuran.
"Saan ba talaga tayo pupunta?" tanong pa ulit ni Salome habang naglalakad na sila ng mas mabilis. Ang bawat pagtapak ng kaniyang paa suot ang bakya ay mas lalong nagpapabigat sa kaniyang binti. "Babalik tayo sa nakaraan" ngiti ni Ising sabay tingin kay Danilo na napaiwas ng tingin dahil sa kilig.
"Anong babalik sa nakara---" hindi na muling natapos ni Salome ang kaniyang sasabihin at napatigil siya nang makita ang simbahang mula pagkabata ay kaniyang kinagisnan. Ang simbahan ng San Agustin na ngayon ay matibay na nakatayo sa kanilang tapat.
Tahimik lang ang buong paligid. Animo'y silang tatlo lamang ang tao roon. May iilang kalesa ang napapadaan ngunit bibihira lamang. "Araw naman ng linggo ngayon ngunit bakit tila walang tao" tugon pa ni Salome sabay lingon kay Ising at Danilo na nakangiti at napaka-kibit balikat pa, halatang may tinatago sila.
Magsasalita pa sana si Salome ngunit napatigil siya nang biglang tumunog ng malakas ang kampana dahilan upang mapalingon at mapatingala siya sa tuktok ng simbahan. Sunod-sunod na tunog ng kampana ang umaalingangaw sa buong kapaligiran. Ang bawat paghampas ng tunog nito ay naghahatid ng kakaibang pakiramdam kay Salome.
"Ang simbahan ng San Agustin... Iglesia y Convento de San Pablo" natauhan si Salome at gulat na napalingon sa gilid niya. Hindi niya akalain na nasa tabi na niya si Fidel. Nakatingala ito sa tuktok ng simbahan at dahan-dahang napalingon sa kaniya sabay ngiti.
Kasabay ng pagngiti ng binata ang pag-ihip ng marahan na hangin sa paligid dahilan upang mahawi ang buhok nito na tumatama sa kaniyang kilay. Maging ang buhok at kasuotan ni Salome ay dahan-dahang isinasayaw ng hangin.
"Hindi ba't ang simbahang ito ang iyong kinalakihan? Ang simbahang ito ay bahagi ng iyong pagkabata at ang nakaraang buhay niyo sa bayan ng Tondo na iyong kinagisnan" wika pa ni Fidel, halos walang kurap namang nakatitig sa kaniya si Salome. Animo'y isang panaginip na hindi niya pa rin magawang paniwalaan.
"At kung nagtataka kung paano ko nalaman..." patuloy ni Fidel sabay tingin kay Danilo at Ising na nakatayo sa kanilang likuran at parehong nakangiti ng todo sa kanilang dalawa. "Bukod sa naikwento sa akin ni Danilo na kada-araw ng linggo ay nagsisimba kayo rito. Hindi ka maniniwala Lumeng kung sasabihin kong dito rin sa lugar na ito kita unang nakita" dugtong pa ni Fidel sabay turo sa tapat ng pintuan ng simabahan. Dahan-dahan namang napalingon si Salome sa tapat ng pintuan ng simbahan at kasabay niyon ang pangyayari noong kanilang kabataan ang nanumbalik sa kanilang alaala...
"Sampaguita... Sampaguita kayo riyan" masiglang alok ng batang si Salome sa mga taong pumapasok at lumalabas sa simbahan, siya ay halos nasa walong taong gulang pa lamang ngunit hindi hadlang ang kaniyang murang edad upang tumulong na sa kaniyang ina sa paghahanap-buhay.
Sa isang gilid naroon nakalatag ang paninda ng kaniyang inay Delia na mga rosaryong purselas (bracelet) na gawa sa kahoy. Katabi ni nay Delia ang batang si Felicidad at Ernesto na abala naman sa paggawa ng mga sampaguitang kuwintas habang si Salome at Danilo naman ang naglalako at nagtitinda ng mga iyon.
Sa pagsapit ng eksaktong ala-sais ng hapon ay biglang tumunog ang kampana ng simbahan ng San Agustin. Tanging si Salome lamang ang napatigil sa kaniyang gawain at napalingon sa kampana ng simbahan sa tuktok na bahagi nito.
Kakaibang pakiramdam, kakaibang kaba, kakaibang ligaya at pagkasabik ang namumutawi sa kaniyang puso habang patuloy na tumutunog ang kampana. Ilang saglit pa, napatigil si Salome nang makita ang isang batang lalaki na nakatayo sa tapat ng pintuan ng simbahan.
Maging ang batang lalaking ito ay napatigil sa kaniyang gawain at napatingala sa tuktok ng simbahan. Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay biglang nagtama ang mga paningin nila. Animo'y isang pamilyar na pangyayari na minsan na rin nilang naranasan.
Sa lahat ng tao sa paligid, tanging silang dalawa lamang ang nakakaramdam ng kakaibang saya at lungkot habang ang mga tao ay abala pa rin sa paglalakad, pakwekwentuhan at pagtatawanan.
Tanging silang dalawa lang ang nakakaramdam ng hindi maipaliwanag na damdamin na dulot ng tunog ng kampana at ng palitan nang titigan nila sa mata ng isa't-isa.
"N-naalala mo rin? I-ikaw ba ang batang lalaking iyon?" gulat na tanong ni Salome kay Fidel na tanging tango at ngiti ang isinagot sa kaniya.
"Kakaiba... paano nangyari iyon? paanong pareho nating naalala at naramdaman ang---" hindi na natapos pa ni Salome ang kaniyang sasabihin dahil biglang humakbang papalapit sa kaniya si Fidel.
"Ang tawag doon ay... tadhana" sagot ni Fidel at muli siyang humakbang papalapit kay Salome dahilan upang mapatingala si Salome sa kaniya sapagkat matangkad ang binatang nasa tapat niya. "Mula rito sa kinatatayuan mo at mula doon sa kinatatayuan ko..." patuloy pa ni Fidel sabay turo muli sa tapat ng pintuan ng simabahan.
"Mula sa magkalayong distansya at agwat natin sa isa't-isa... narito ang dalawang pa-krus na linya ng isang talangguhit (graph)" saad ni Fidel sabay guhit ng isang linya sa lupa na humahati sa pagitan nilang dalawa ni Salome.
"Magmula sa talangguhit (graph) na ito, magkakaroon ng isang linya na magdudugtong sa ating dalawa. Ngunit ang kabaliktaran nito ay ang tinatawag na asimptota na kung saan ang dalawang linya na pilit na pinaglalapit ay hindi pa rin nagagawang magdugtong sa bandang huli kahit anong pilit" dagdag pa ni Fidel, nagulat si Salome nang biglang tapakan ni Fidel ang linyang ginuhit nito sa lupa at binura ito gamit ang kaniyang sapatos habang nakatitig pa rin ng maigi sa mga mata ng dalaga.
"At kung magkagayon, kung patuloy pa ring manaig ang asimptota sa ating kapalaran... asahan mo na kung hindi man ngayong panahon magdugtong ang ating linya, kung hindi man ngayong panahon magwakas ng masaya ang kwento nating dalawa... ipinapangako ko sa iyo na patuloy kung nanaisin na mabuhay ng paulit-ulit upang muling makita at makapiling ka" pagtatapat ni Fidel habang nakatingin ng diretso sa mga mata ni Salome. Hindi rin magawang alisin ni Salome ang pagkakatitig sa mga mata ng binatang nasa harapan niya. Bagama't hindi niya masyadong maunawaan ang linyang tinutukoy nito sa buhay at kapalaran nila kahit ganoon ay nararamdaman pa rin niya ang na tinutukoy nito ay ang pag-iibigan nila.
Tahimik at taimtim lang na nagdadasal si Ising sa tabi ni Salome habang si Salome naman ay hindi mapakali dahil patuloy na bumabagabag sa kaniyang isipan ang mga sinabi ni Fidel kanina. Maging ang panunumbalik ng alaala ng kanilang kabataan na halos labing-isang taon nang nakararaan.
Nasa loob sila ngayong ng simbahan ng San Agustin. Nakaupo naman sa kanilang likuran si Fidel at Danilo sapagkat hindi maaaring magtabi ang babae at lalaki sa pag-upo lalo na sa loob ng simbahan. Ilang saglit pa, nagpaalam sandali si Ising na pupunta siya sa palikuran sasamahan dapat siya ni Salome ngunit tumanggi ito.
Ilang segundo pa lang nakakaalis si Ising ay nagpaalam na rin si Danilo at sinundan ang dalaga. Mukhang buong tapang niyang kakausapin ito kung kaya't natawa na lang si Fidel. Walang misa ngayon kung kaya't tanging mga nag-rorosaryo at mga nagdarasal lamang ang nasa loob ng simbahan.
Napasandal naman si Salome sa kaniyang upuan ngunit nagitla siya nang biglang magsilat ng pabulong si Fidel sa kaniyang likuran. "Ano ang iyong dasal?" pilyong tanong ni Fidel kay Salome. Para namang nabalot ng kuryente si Salome nang maramdaman ang mainit na hininga ng binata mula sa likod ng kaniyang batok.
Napalingon naman si Salome sa kaniya ngunit napaiwas ulit ng tingin upang itago ang ngiti nito. "Hindi ko sasabihin" pilyang sagot ni Salome dahilan upang mapangiti si Fidel, ngiting nagpapasingkit sa kaniyang mata.
"Batid kong ipinagdarasal mo na ikaw ay maikasal sa lalong madaling panahon" kantyaw pa ni Fidel sa dalaga. Simpleng kantyaw lang ito ngunit para kay Fidel ay nais na niyang alukin ng kasal si Salome.
"Nasa wastong edad na nga ako upang ikasal ngunit hindi pa ako handa, marami pa akong pangarap na gustong maisakatuparan" sagot ni Salome, napatango-tango naman si Fidel at pasimple niyang sinulyapan ang dalaga ngunit nang tumingin ito sa kaniya agad siyang napaiwas ng tingin ngunit ang ngiti sa kaniyang labi ay hindi na mapawi.
"Katulad ng anong pangarap? Oo nga pala hindi na natin natapos ang pagtuturo ko sa iyo ng wikang Espanyol, maging ang pagbabasa at pagsusulat ng alpabeto sapagkat hindi ka sumisipot sa ating klase" tugon ni Fidel, agad namang napalingon sa kaniya si Salome sabay kunot ng noo nito.
"Naging abala ka kasi kasama si señorita Eleanor kung kaya't hindi mo na kami napapansin" giit ni Salome sabay talikod sa binata. Natawa naman si Fidel dahil mukhang nagseselos si Salome. Kung kaya't muli niyang nilapit ang kaniyang mukha sa likod ng dalaga at bumulong ulit siya.
"Magkaibigan lang kami ni Eleanor. Bagama't pilit siyang ipinagkakasundo sa akin ng kaniyang tiyo at ama, batid nilang hindi nila mapapangunahan ang desisyon ko" paglalambing pa ni Fidel na agad namang ikinatunaw ni Salome pero hindi niya pinahalata sa binata na napangiti siya dahil sa sinabi nito.
"Kung kaya't sabihin mo na sa akin na nais mong ikasal sa aki---" hindi na natapos ni Fidel ang sasabihin niya dahil biglang lumingon si Salome sa kaniya habang nakakunot noo pa rin ito.
"Gaya nga ho ng sabi ko sa inyo señor may pangarap pa akong nais na makamtan" saad ni Salome, napahinga naman ng malalim si Fidel. "Bueno, ano ang pangarap na iyan na nais mong makamtan bago tayo magpakasal?" diretsong tanong ni Fidel na ikinagulat ni Salome. Ilang segundo siyang napatulala sa binata, hindi niya inaasahan ang pagpapakasal na sinasabi nito. At ngayon parang hindi na maawat ang pagdaloy ng kuryente sa buong katawan niya. Maging ang pag-iinit at pamumula ng kaniyang pisngi ay hindi na rin niya maitago.
"N-nais ko sanang maging kaagapay sa paggamutan ni Don Epifanio o sa kahit anong p-paggamutan" sagot ni Salome sabay iwas ng tingin sa binata. Napahawak na lang siya sa kaniyang puso na ngayon ay dumadagundong na sa lakas ng kabog.
Napaisip naman ng mabuti si Fidel at napasandal sa upuan. "Nais mong maging bahagi ng paggamutan?" tanong niya pa. sandali namang napasulyap sa kaniya si Salome at napatango-tango.
Napatitig na lang si Fidel kay Salome at namalayan na lang niya na napangiti siya dahil sa pangarap at ambisyon ng babaeng sinisinta. "Bueno, kung magiging bahagi ka ba ng paggamutan ay maari ka na ring magpakasal?" tanong pa ulit ni Fidel sabay ngiti. Napalunok naman si Salome at napatakip sa mukha niya na ngayon ay pulang-pula na.
"M-magpapakasal lamang ako kung dito mismo sa simbahang ito ako ikakasal" giit pa ni Salome dahilan para mas lalong mapangiti si Fidel at muli niyang inilapit ang mukha niya sa likod ng dalaga.
"Dito sa simbahang ito?" tanong muli ni Fidel, napatango-tango naman sa hiya si Salome. "Masyado mang mataas ang ambisyon kong maikasal sa simbahang ito ngunit mula pagkabata talaga ay pangarap ko nang maikasal dito. Minsan lang ikasal ang isang binibini na tulad ko kung kaya't dapat ay pinaghahandaan talaga iyon ng ginoo... na tulad mo" diretsong sagot ni Salome, agad siyang nagtakip ng abaniko sa mukha dahil batid niyang sobrang nakakahiya ang kaniyang sinabi lalo na ngayong halos mapunit na ang mukha ni Fidel sa sobrang ngiti habang nakatitig pa rin sa kaniya.
"Kung gayon... nawa'y paghandaan na sana ng binibining katulad mo na maikasal sa lalong madaling panahon sa simbahang ito sa lalaking... katulad ko" wika ni Fidel, maging siya ay napaiwas na rin ng tingin at pasimpleng napatakip sa mukha dahil sa pamumula ng kaniyang pisngi.
"Saan kayo nanggaling? Bakit ang tagal niyo?" tanong ni Salome kay Danilo at Ising na magkasama ngayon sa labas ng simbahan ng San Agustin. Agad naman silang napaiwas ng tingin at napahakbang palayo sa isa't-isa.
"N-naisipan kasi naming maglibot-libot sandali dito sa labas" palusot ni Ising. Napatango-tango naman si Danilo.
"Kaya hindi niyo kami sinabihan upang makapag-solo kayong dalawa" buwelta ni Salome na ikinawindang ni Ising at Danilo. Nasamid pa si Danilo sa sarili niyang laway dahil sa matinding pagkabigla.
"Nais niyo bang mamasyal dito?" tanong ni Fidel, napatango-tango naman si Ising at Danilo. "Bueno, ito na lang ang kapalit ng pagtulong niyo sa akin na isama dito sa Maynila ang aking nobya" sagot ni Fidel kay Ising at Danilo. Gulat namang napalingon sa kaniya si Salome lalo na dahil sa pagtawag nito sa kaniya na 'nobya'
Magsasalita pa sana si Salome ngunit biglang tumingin sa kaniya si Fidel habang nakangiti ito ng pagka-tamis-tamis sabay kindat dahilan upang maistatwa na lang si Salome sa kinatatayuan niya.
Nagtungo sila sa pamilihan ng mga damit, palamuti at mga mamahaling mga gamit sa bahay. Halos kumikinang ang mga mata ni Ising at Salome habang isa-isang pinagmamasdan ang nagagandahang palamuti na nasa kanilang harapan.
Madilim na ang gabi ngunit maliwanag ang buwan at napakaraming mga sulo at gasera ang nakakalat sa buong sulok ng Intramuros kung kaya't maliwanag ang paligid. Napakarami ring tao ang namimili sa pamilihang kinaroroonan nila at kadalasan ay mayayamang mga principalia.
Napakaganda ng suot na baro't-saya na kulay asul ni Salome kung kaya't hindi siya napagkakamalan na kabilang sa mababang antas. Gayon din si Ising napaka-garbo ng suot nitong kulay dilaw na baro't-saya. Sa kabilang banda, hindi naman maalis ni Fidel at Danilo ang titig nila kay Salome at Ising habang abala ang mga ito sa pagtinging-tingin sa mga panindang palamuti. Ang mga pasimpleng sulyap ay naghahatid ng kakaibang kilig sa dalawang binata.
Nang makalabas sila sa pamilihang iyon, tuwang-tuwa si Ising sapagkat binilhan siya ni Danilo ng isang kuwintas na gawa sa pilak. May kamahalan ito ngunit para kay Ising ay gagawin ni Danilo ang lahat. Samantala, wala namang imik na lumabas si Salome sa pamilihan habang pinagmamasdan ang tuwang-tuwang si Ising at Danilo na nauna nang naglalakad sa kanila.
Hindi maiwasang madismaya ni Salome sapagkat si Ising na hindi naman kasintahan ni Danilo ay nagawa nitong bigyan ng regalo ang dalaga. Ngunit ang lalaking nasa tabi niya na si Fidel ay wala man lang binili para sa kaniya. Hindi naman sa umaasa ngunit hindi niya mapigilang umasa lalo na kanina habang namimili sila.
"Napakaganda ng buwan, hindi ba?" panimula ni Fidel habang naglalakad sila sa isang calle kasunod ni Ising at Danilo na kanina pa nagtatawanan at nagngingitian sa isa't-isa. Napakunot naman lalo ang noo ni Salome at napatingala sa kalangitan kung saan naghahari ang kabilugan ng buwan.
"Wala akong nakikitang maganda sa buwan na iyan" pagsusungit ni Salome at binilisan niya ang paglakad niya para habulin sina Ising at Danilo ngunit nasabayan pa rin siya sa paglakad ni Fidel dahil mahahaba ang binti nito samantang maiiksi lamang ang kaniya.
Mas lalo siyang nainis sapagkat ngingisi-ngisi lang si Fidel habang ang kamay nito ay nasa kaniyang likuran. "Salome... Salome... sa tuwing binibigkas ko ang pangalang iyon hindi ko mawari kung bakit naghahatid ito ng kakaibang pagpintig ng puso ko" hirit pa ni Fidel ngunit mukhang hindi naman tumalab kay Salome na ngayon ay hindi pa rin siya pinapansin.
"Sa lahat ng salita na aking nababatid ang pangalan mo ay tulad ng isang malambing na himig na sa akin ay hatid" tugon pa ni Fidel, unti-unti namang nawala ang kunot sa noo ni Salome dahil sa pinagsasabi ng binata. Hindi na naman tuloy siya ngayon makatingin sa kaniya.
"Nais kong malaman mo na ang pangalan mo ang pinakapaborito kong ulit-uliting sambitin at marinig" dagdag pa ng binata, napalingon naman sa kabilang direksyon si Salome dahil hindi na niya mapigilang mapangiti, ayaw niyang makita ni Fidel na tumatalab sa kaniya ang pinagsasabi nito.
Pasimple naman siyang sinulyapan ni Fidel at inakala nitong nagtatampo pa rin ang dalaga sa kaniya kaya napahinga na lang siya ng malalim at muling nagsalita. "Kanina sa pamilihan naghahanap ako ng pinakamagandang palamuti na babagay sa iyo ngunit wala akong nasumpungan" saad ni Fidel, hindi naman siya pinansin ni Salome at nagpatuloy lang ito sa paglalakad. Batid ng binata na nagtatampo ang dalaga sa kaniya.
"Wala akong nasumpungan doon dahil matagal ko na palang nasumpungan ang pinakamagandang palamuti na babagay sa iyo" patuloy pa ni Fidel at bigla itong napatigil sa paglalakad dahilan upang magtaka si Salome at mapalingon sa kaniya.
Isang nakakatunaw na ngiti ang sumalubong kay Salome mula kay Fidel at nang humakbang ito ng tatlong beses papalapit sa kaniya, tanging tibok ng puso na lamang niya ang kaniyang naririnig.
Dahan-dahang dinukot ni Fidel ang isang bagay mula sa kaniyang bulsa. Nanlaki ang mga mata ni Salome nang makita na ang bagay na iyon ay ang dragon na pang-ipit na bigay ng kaniyang ina ngunit isinuko niya kay Fidel noong isang gabi.
Maingat na itinusok ni Fidel sa naka-pusod na buhok ni Salome sa likod ang dragon na pang-ipit na iyon. halos walang kurap namang nakatitig si Salome sa mukha ng binata lalo pa't katapat na niya ang leeg nito. "Ibinabalik ko na sa iyo ang palamuti na ito, ngunit nais kong ipangako mo sa akin na hindi dadaloy ang dugo mula sa patalim na pang-ipit na ito" wika ni Fidel sabay tingin ng diretso sa mga mata ni Salome. Isang tango na may halong pagsilay ng ngiti ang tanging naisagot ni Salome sa binata. At sa pagkakataong iyon, nakahinga na ng maluwag si Fidel sapagkat batid niyang hindi na muling gagamit ng dahas ang dalagang sinisinta.
Sa kalagitnaan ng kanilang paglalakad, napadaan sila sa 'Palacio del Gobernador' ang malaking mansyon na gawa sa bato na tahanan ng Gobernador-Heneral. Napakaraming mga bantay at kawal na nakapalibot sa labas ng himpilan.
Bigla namang napatigil sa paglalakad si Salome dahilan upang mapalingon sa kaniya si Fidel. "May problema ba Lumeng?" tanong ng binata at sinundan niya ng tingin ang 'Palacio del Gobernador' na tinititigan ngayon ni Salome.
Palacio del Gobernador
Maging si Ising at Danilo ay napatigil na rin sa paglalakad at napalingon sa kanilang dalawa. "Wala... naalala ko lang ang kwento sa akin noon ni itay na matatagpuan ang Palasyo at Kaharian sa loob ng malaking pader na ito ng Intramuros" saad ni Salome habang nakatitig pa rin sa istrukturang iyon. Ang 'Palacio del Gobernador' ay ang unang naging tahanan at himpilan ng Gobernador-Heneral ngunit nang nasira ito ng isang malakas na lindol noong 1863. Kung kaya't matapos ang pagkasira ng 'Palacio del Gobernador' sa intramuros noong 1863 lumipat na ng tirahan ang Gobernador-Heneral sa Malacañang.
"Ang tunay na Hari, Reyna, Prinsipe at Prinsesa ay napalitan na ng bagong kaharian na ito" patuloy pa ni Salome habang nakatitig ng mabuti sa 'Palacio del Gobernador'. Ngayon naiintindihan na niya ang nais na ipahiwatig ng kaniyang ama sa ikinwento nito noon sa kaniya.
"May namamagitan na ba sa inyo ni Nilong?" nakangising tanong ni Salome kay Ising nang makalabas ito sa palikuran. Kakatapos lamang ni Ising maligo at magpalit ng damit pangtulog habang si Salome ay kanina pa nakahiga sa kaniyang kama.
Sa ikalawang palapag ng panciteria nila Ising matatagpuan ang kanilang bahay. Maliit lamang ito ngunit kasya na ang kanilang buong pamilya. At ngayong gabi ay sa kanilang tahanan muna makikitulog si Salome at Danilo dahil gabi na.
Hindi naman nakapagsalita si Ising at bigla itong namula sa hiya. Dali-dali siyang lumundag sa kama at nagtaklob ng unan sa mukha. "Patawad Lumeng sadyang hindi ko na kaya pang pigilan ang nararamdaman ko sa iyong kapatid" pag-amin ni Ising habang nakatalob ng unan sa mukha. Natawa naman si Salome at bigla niyang pinaulanan ng kiliti ang kaibigan.
"Sinasabi ko na nga ba bibigay ka rin sa kapatid kong iyon!" pang-asar pa ni Salome kay Ising na ngayon ay pumipiglas sa pangingiliti niya. Nabalot ng ingay at tawanan ang buong kwarto at napatahimik sila nang biglang kumatok ang nakatatandang kapatid ni Ising na si Celestina at sinuway sila.
"Malalim na ang gabi, natutulog na ang iba nawa'y tumahimik kayong dalawa" suway ni Celestina sa dalawang magkaibigan. Napatango-tango naman si Salome at Ising sa kaniya at nang isara nito ang pinto napahagikhik na lang silang dalawa.
"Basta masaya ako at tiwala ako na aalagaan mo ang puso ng kapatid ko. May pagka-masungit man si Danilo ngunit sa aming lahat siya ang may pinaka-malambot na puso" tugon ni Salome kay Ising. Napatango-tango naman si Ising at napatakip sa mukha niya dahil sa kilig.
Nagsimula namang bumanat si Ising at inasar-asar naman niya si Salome kay Fidel kung kaya't si Salome naman ngayon ang halos mamatay sa pamumula ng pisngi. Ginaya-gaya pa ni Ising ang boses at kilos ni Fidel kung kaya't nabalot muli ng tawanan at asaran ang kanilang buong silid.
Kinabukasan, maaga pa lang ay bumyahe na si Salome at Danilo sakay ng isang kalesa pabalik sa Pampanga. Naiwan naman sa Maynila sina Ising at ang buong pamilya nito sapagkat doon na sila maninirahan. Samantala, hindi naman makakasabay sa kanila pabalik sa Pampanga si Fidel dahil may importanteng salo-salo itong dadaluhan sa Maynila.
Maaliwalas ang kalangitan at napakabango ng simoy ng hangin habang mabilis na tinatahak ng sinasakyan nilang kalesa ang daan pabalik sa Pampanga. Kasalukyan silang napadaan sa isang malawak na palayan. Abala si Salome sa pagmamasid sa buong paligid, naalala niya bigla ang bayan ng San Alfonso.
"Ate Lumeng..." tawag ni Danilo na nakaupo sa tabi niya. Agad siyang napalingon sa kapatid at laking gulat niya nang makita ang hawak nitong isang makapal na kuwaderno. "Para sa iyo ate Lumeng" wika pa ni Danilo sabay abot sa kaniyang ate ng bagay na iyon.
Napakurap-kurap naman si Salome at hindi siya makapaniwala na bibigyan siya ng ganoon ni Danilo na kilala niyang kuripot at palagi siyang sinusungitan. "Isa iyang talaarawan kung kaya't huwag mong sayangin ang bawat pahina niyan" paalala pa ni Danilo, napaayos naman ng upo si Salome at dahan-dahang binuklat ang talaarawan na bigay sa kaniya ng kaniyang kapatid.
Napatigil si Salome nang makilala ang sulat-kamay na nakasulat sa unang pahina ng talaarawan. Ako si Salome at ito ang kuwento nating dalawa...
"Sandali! parang namumukhaan ko ang sulat na ito ah, sa aking kuwaderno ito" tugon ni Salome sabay tingin ng masama sa kapatid na ngayon ay tatawa-tawa na lang. "Ikaw talaga Nilong! Akala ko pa naman binilhan mo ako ng bago" reklamo pa ni Salome at isinara na niya ang talaarawan na kung saan iyon pala ang kuwaderno na dati niya pang pagmamay-ari.
"Naubos kasi ang aking salapi nang bilhan ko ng pilak na kuwintas si Ising kagabi kung kaya't naisip kong pagandahin at dagdagan ng maraming pahina upang kumapal ang iyong kuwaderno at magmukha itong talaarawan" saad ni Danilo sabay kamot sa ulo. Bigla namang lumambot ang puso ni Salome. Napangiti siya dahil nagawa pang pagbuhusan ng oras at pagod ni Danilo ang pagsasaayos ng kaniyang kuwaderno.
"Magagamit pa naman iyan, sayang lang kung bibili pa tayo ng bago, tingnan mo may nakasulat pa na baybayin sa harap oh" saad pa ni Danilo sabay turo ng titulo na nakasulat sa pinakaharap na bahagi ng talaarawan.
Filipinas 1688
"Bukod doon nariyan din ang sulat-kamay ni Señor Fidel at ang mensahe niya para sa iyo" pang-asar pa ni Danilo sabay tawa dahilan upang biglang nanlaki ang mga mata ni Salome at agad niyang binuklat ang talaarawan sa bahagi kung saan may isinulat noon si Fidel dito.
"Rezo para que nos encontremos en una situación diferente, donde no hay nadie que pueda evitar que nos enamoremos" (I pray that we find ourselves in different situation, where there is no one who can stop us from falling inlove) nakangising wika ni Danilo sabay halakhak. Agad namang hinamapas-hampas ni Salome ang balikat ng kapatid dahil walang pahintulot na binasa ni Danilo ang nakasulat doon at inaasar-asar siya nito.
"Aray!" reklamo pa ni Danilo sabay agaw kay Salome ng talaarawan. "Naiintindihan mo ba ang ibig sabihin ng mga salitang iyon sa wikang Kastila ate?" tawa pa ni Danilo, batid niyang hindi iyon naiintindihan ni Salome dahil naudlot noon ang pagtuturo sa kaniya ni Señor Fidel.
Mabuti na lamang dahil natutong makaintindi ng wikang Espanyol si Danilo kung kaya't isinalin niya iyon sa wikang tagalog "Ipinagdarasal ko na muli nating matagpuan ang isa't-isa sa ibang sitwasyon, na kung saan walang sinuman ang makahahadlang sa ating pagmamahalan" tugon ni Danilo, bigla namang napatigil si Salome sa paghampas sa kapatid at napatitig sa mga letrang nakasulat doon sa kaniyang talaarawan.
Maging si Danilo ay napatigil din at napatulala sa mga letra. "Bakit tila may nais ipahiwatig si Señor Fidel sa mga katagang ito?" nagtatakang tanong ni Danilo sabay tingin sa kaniyang ate. Hindi naman maalis ni Salome ang pagkakatitig sa mga letrang iyon at bigla ulit siyang nakaramdam ng kakaibang kirot sa kaniyang puso.
"Kung iisiping mabuti, tila may ideya si señor Fidel sa mga mangyayari" saad pa ni Danilo at bigla siyang napasandal sa kaniyang kinauupuan. Sandali niyang ipinikit ang kaniyang mata upang makapag-isip ng mabuti. sa kanilang magkakapatid, si Danilo ang pinaka-matalino sa kanilang lahat.
Ilang sandali pa muli na niyang iminulat ang kaniyang mata at bigla siyang napatingin kay Salome "Ate Lumeng, naniniwala ka ba sa muling pagkakatawang tao? (Reincarnation)" seryosong tanong ni Danilo kay Salome. Bigla namang napakunot ang noo ni Salome.
"Minsan na rin iyong nasabi sa akin ni inay lalo na dahil mananampalataya pa rin siya ng kinagisnan niyang relihiyon ngunit imposibleng mangyari ang muling pagkakaktawang tao" sagot ni Salome, napatango-tango naman si Danilo. Batid niyang imposible ngang mangyari iyon.
Sandali silang napatahimik. Kinuha na lang ulit ni Salome ang talaarawan na hawak ni Danilo. "Maraming Salamat nga pala dito, hindi ko akalaing bibigyan mo ako ng regalo dahil ikaw ang pinaka-pilyo kong kapatid" tugon ni Salome at ginulo niya ang buhok ni Danilo dahilan upang mainis ito at magreklamo.
Natawa na lang si Salome dahil naiirita na si Danilo dahil sa ginagawa niyang panggugulo sa buhok nito kung kaya't agad gumanti si Danilo at kiniliti niya ang kaniyang ate. "Kung totoo nga ang muling pagkakatawang tao nais kong ikaw pa rin ang maging ate ko upang makaganti ako sayo" tawa pa ni Danilo at hindi na niya tinantanan ng kiliti ang kaniyang ate. Hindi na rin magkamayaw sa kakatawa si Salome habang umiiwas sa kiliti ng kaniyang kapatid. Napapalingon na lang sa kanila ang kutsero ng kalesang sinasakyan nila at maging ito ay natatawa sa kulitan ng dalawang magkapatid na Aguantar.
Dumaan ang halos isang linggo at patuloy na sinasanay ni Ingkong Lui si Salome at Danilo. Madalas din silang panoorin ni Inay Delia, Felicidad at Julio. Ipinangako rin ni Ingkong Lui na sa susunod na taon ay si Julio naman ang tuturuan niyang lumaban. Samantala, gusto man ni Felicidad matuto ngunit mahina ang kaniyang puso kung kaya't hindi niya kakayanin ang pag-eensayo.
Buwan na ng Enero ngunit malamig pa rin ang ihip ng hangin lalo na sa gabi. Naalimpungatan si Salome sa kalagitnaan ng hatinggabi dahil sa lamig ng hamog na pumapasok sa kanilang bahay. Dahan-dahan siyang bumangon at nakita niya ang isang bintana malapit sa salas ang nakabukas.
Napatingin siya sa kaniyang ate Felicidad na ngayon ay mahimbing na natutulog. Nasa kabilang kama naman natutulog ang kaniyang inay at kapatid na si Julio na magkayakap pa. Samantala, sa tapat naman ng kanilang kwarto malapit sa salas natutulog si Ingkong Lui. Walang pintuan ang kanilang kwarto dahil hindi pa ito nagagawa ni Danilo kung kaya't tumatagos ang lamig mula sa bintana ng salas.
Kinusot muna ni Salome ang kaniyang mata saka bumangon sa kama at naglakad papunta sa salas upang isara ang naiwang bintana na bukas na bukas. Dahan-dahan pa siyang naglakad papunta roon upang hindi magising si Ingkong Lui na ngayon ay humihilik pa at mahimbing din ang tulog.
Nang maisara na niya ang bintana agad niyang pinagpagan ang kaniyang kamay. Babalik na sana siya sa kanilang silid nang mapatingin siya sa tapat ng pintuan ng kwarto ni Danilo. May isang papel na nakaipit sa pinto nito. Dahan-dahang humakbang si Salome papalapit sa pinto, kinuha niya ang nakasuksok na papel at binasa ito...
Patawarin niyo ako. Hindi ko na nagawang magpaalam pa ng maayos sapagkat wala ng oras. Nabalitaan ko na ginahasa ng dalawang guardia civil si Ising noong isang gabi at ngayon ay itatakas ko siya. Magtutungo kami sa malayong lugar malayo sa mga hayop na lumapastangan sa kaniya. Hinahanap na siya ngayon ng mga opisyal at hindi ako makapapayag na makuha nila siya sa akin. Nawa'y maintindihan niyo sana ang desisyon kong ito. Ina, Ingkong Lui, Ate Fe, Ate Lumeng at Julio patawarin niyo ako at palagi niyong tatandaan na mahal na mahal ko kayo.
Nagmamahal,
Danilo
Gulat na nabitawan ni Salome ang papel na iyon. Parang biglang nabalot ng napakalamig na tubig ang kaniyang buong katawan. Gigisingin na sana niya sina Ingkong Lui at ang kaniyang ina at mga kapatid ngunit napatigil siya at muling napalingon sa liham na iniwan ni Danilo.
Agad niyang binuksan ang kwarto ng kapatid at hinalughog ang gamit nito. Wala na karamihan sa mga damit nito maging ang tampipi na sisidlan ng kaniyang mga gamit. Kasabay niyon ay biglang narinig ni Salome ang mga yapak ng kabayo mula sa labas ng kanilang tahanan. Dahan-dahan siyang sumilip sa maliit na uwang sa bintana ng kwarto ni Danilo at doon ay nakita niya ang rumurondang mga guardia civil na nagtatawanan at naghahagisan pa ng mga alak.
Sa oras na mahuli ng mga naglilibot na mga guardia si Ising at Danilo siguradong mapapahamak sila!
Agad napalingon si Salome kay Ingkong Lui at nay Delia na mahimbing pa ring natutulog. Nais niyang ipaalam sa mga ito ang ginagwang pagtakas ni Danilo ngunit batid niyang parehong matanda na ang kaniyang ina at tiyo. At bukod doon mas lalong makakalikha ng ingay kung tatlo pa silang maabutan ng mga guardia sa labas.
Muling binuksan ni Salome ang bintana sa salas. Mukhang doon dumaan si Danilo dahil nakasarado ang bahay at na kay Ingkong Lui ang susi. Pinagmasdan niyang mabuti ang labas ng bintana. Maliwanag ang buwan kung kaya't kitang-kita niya ang paligid.
Agad napansin ni Salome ang dalawang bakas ng yapak ng paa na bumaon sa lupa na nasa tapat ng kanilang bintana. Pinagmasdan pa iyon ng mabuti ni Salome at doon niya napagtanto na ilang minuto pa lang nakaalis si Danilo dahil hindi pa naninigas sa putik ang bakas ng yapak ng paa nito.
Napapikit na lang sa kaba si Salome. Buo na ang kaniyang desisyon, hindi niya hahayaang mapahamak ang kapatid maging ang kaibigang si Ising. At hindi niya rin gustong madamay pa si Ingkong Lui at ang kaniyang ina kung kaya't dali-dali siyang bumalik sa kwarto nila upang kunin ang kulay itim na talukbong (hood) na pagmamay-ari ng kaniyang Ingkong Lui.
Dali-dali rin niya pinusod ang kaniyang buhok saka isinusok doon ang dragon na pangipit. Kinuha rin niya ang isang itim na panakip sa mukha upang itago ang kaniyang katauhan. Nang mapadaan siya sa salas kinuha niya ang isang gasera saka binuksan ang bintana.
Walang kahirap-hirap na nakalundag si Salome papalabas ng bintana at dahan-dahan niya iyong isinara. Agad na sumalubong sa kaniya ang napakalamig na hangin sa labas at ang makapal na hamog sa buong paligid.
Mabilis na sinundan ni Salome ang bakas ng yapak ng paa ni Danilo na mukhang papunta sa gitna ng kagubatan. Ingay mula sa mga uwak at kuwago ang umaalingangaw sa gitna ng masukal na kagubatan. Ngunit ilang sandali pa ay napatigil siya dahil biglang nawala na ang bakas ng paa ni Danilo dahil napakaraming mga patay na dahon ang nakakalat sa daananan kung kaya't hindi na niya malaman kung saan dumaan si Danilo at Ising.
Ilang sandali pa, nagulat si Salome nang marinig niya ang kumakaripas na takbo ng mga kabayo at iilang sigawan ng mga guardia. "¡Por ahí!" (Over There!) sigaw ng pinuno nila. Halos dalawampung mga guardia civil ang nagmamadali ngayong tumakbo sakay ng kani-kanilang mga kabayo papunta sa pueblo ng Pampanga. Dali-daling tumakbo si Salome at sinundan ang mga nagsisigawang mga bantay. Hindi naman nagtagal ay narating na nila ang plaza malapit sa palengke.
Agad umakyat si Salome sa bubungan ng mga tindahan sa palengke na gawa lamang sa kawayan, matitibay na tabla at pawid. Mula doon ay napadapa siya sa isang bubungan habang nagtatago sa makapal na pawid nito. Taimtim niyang pinagmasdang mabuti at pinakinggan ang usapan ng mga guardia civil na napatigil sa gitna ng palengke.
Napapamura sa inis ang kanilang pinuno suot ang napakagandang uniporme nito. Pinapagalitan niya sa wikang Kastila ang kaniyang mga tauhan. Ilang sandali pa, may isang matandang lalaki na naka-damit pang-kutsero ang kumakaripas ng takbo papalapit sa kanila.
Nanlaki ang mga mata ni Salome sa gulat nang makilala kung sino ang matandang lalaking iyon. Siya ang kutsero nang kalesang naghatid sa kanila ni Danilo pabalik dito sa Pampanga noong nakaraang linggo.
"Señor, nasa tabing ilog po ang binatilyo at dalagitang hinahanap niyo, mukhang sasakay po sila ng bangka patawid sa kabilang bayan!" sumbong ng matandang kutsero. Napamura naman sa inis ang pinuno ng mga guardia civil nang isalin ng isa sa kaniyang tauhan na nakakaintindi ng tagalog ang sinabi nito.
"¡Consígalos!" (Get them!) sigaw ng pinuno at agad niyang pinakaripas ng takbo ang kabayong sinasakyan. Dali-dali namang sumunod sa kaniya ang kaniyang mga tauhan. Ibinigay naman ng isang guardia ang pabuyang limang pirasong pilak sa matandang kutserong nagturo sa kinaroroonan ni Danilo at Ising.
Agad napatayo si Salome, dapat niyang maunahan ang mga guardia civil papunta sa ilog kung kaya't sa ibabaw ng bubungan ng mga tindahan siya dumaan. Animo'y tulad ng balahibo ng ibon ang kaniyang gaan habang tumatakbo sa bubungan ng mga tindahan.
Nang makarating siya sa pinaka-dulong tindahan, walang kahirap-hirap siyang lumandag sa ibaba at agad kumaripas ng takbo papasok sa kagubatan. Medyo malayo na sa kaniya ang mga guardia dahil mabibilis ang takbo ng kabayo na sinasakyan nila.
Dali-daling umakyat si Salome sa isang puno at doon ay lumundag siya ng lumundag sa magkakabilang sanga ng pun upang mas maabutan niya ang mga guardia. Bumagal naman ang takbo ng mga kabayo sa gitna ng kakahuyan dahil masukal ang kagubatan ng Pampanga kung kaya't ilang segundo lang ay naabutan sila ni Salome dahil sa itaas ng sanga ng mga puno siya dumaan.
Ngunit bigla siyang napatigil nang biglang tumigil ang mga guardia nang magsalita ang isa sa kanila. "Espera escuché algo" (Wait, I heard something) biglang wika ng isang guardia. Agad namang inilabas ng mga kasamahan niya ang kanilang mga baril at armas dahil sa kaba.
Sandali silang napatahimik lahat at pinakiramdaman ang buong paligid. Nakatago naman sa isang malaking sanga ng puno si Salome habang nasa baba lang ng pinagtataguan niya nakatigil ang mga guardia.
"¿Qué quieres decir? ¡Tenemos que atrapar a ese niño!" (What do you mean? We need to catch that young boy!) sigaw ng pinuno nila. Saka nagpatuloy na ito sa pagtahak sa gitna ng kagubatan. Agad namang sumunod sa kaniya ang labinlimang mga tauhan niya. Samantala, naiwan naman ang lima pa dahil naramdaman nila na may sumusunod sa kanila.
"Tal vez sea solo un pájaro" (Maybe it's just a bird) saad ng isa sa mga guardia saka nagpatuloy na, sumunod na rin ang iba sa kaniya. Magsasalita pa sana ang guardia na nakarinig ng paghakbang at paglipat-lipat ni Salome sa mga sanga ng puno pero mukhang hindi na siya pinaniwalaan pa ng kaniyang mga kasamahan.
Kinakabahan naman si Salome na nakasilip sa ilalim lalo na't mukhang mababali ang pinakadulo ng sanga ng puno na pinagtataguan niya. Walang ano-ano'y biglang nahulog ang maliit na sanga at diretso itong tumama sa ulo ng guardia civil na nakakutob na may sumusunod sa kanila. Sing bilis ng hangin na lumundag si Salome at sinunggaban niya ang guardia sakay ng kabayo nito dahilan upang mahulog ito sa kabayo at tumama ang likod sa matigas na lupa.
Gulat na napatingin sa kaniya ang guardia at akmang sisigaw ito ngunit agad tinakpan ni Salome ang bibig nito saka pinulupot ang kamay at paa ng kalaban at buong pwersa niyang binali. Nagpupumiglas at nagsisigaw naman ang guardia kahit pa madiin na hawak ni Salome ang bibig nito. At dahil mukhang mapapalingon ang ilan sa mga kasamahan niyang medyo malayo na sa kanila agad hinila ni Salome ang dragon na pang-ipit na nakatusok sa kaniyang buhok at diretso niya itong hiniwa sa lalamunan ng guardia.
Agad sumirit ang dugo ng guardia at napaubo pa ito ng dugo habang nanghihingalo na. Lumipas lang ang ilang segundo agad na rin itong binawian ng buhay. Napapikit na lang si Salome, maging siya ay nagulat at hindi nakapaniwala sa kaniyang nagawa. Iyon ang unang beses niyang kumitil ng buhay ng isang tao.
Napatayo na lang si Salome at agad niyang pinatakbo ang kabayo sa ibang direksyon upang hindi malaman ng mga kasamahan nito na nawawala ang sakay na guardia ng kabayong iyon. Umakyat na muli sa puno si Salome at nagpatuloy siya sa pagtahak papunta sa ilog. Agad niyang pinunasan ang mga luhang namumuo sa kaniyang mga mata. Maging ang kaniyang mga kamay ay nanginginig na ngayon. Para sa kaniyang kapatid at kaibigan nagawa niyang pumatay.
Naunahan ni Salome makarating sa ilog ang mga guardia dahil nahihirapan ang mga ito sakay ng kani-kanilang mga kabayo. Narinig na ni Salome ang agos ng ilog mula sa di-kalayuan ngunit hindi niya masyado maaninag kung may tao doon kung kaya't bumaba muna siya sa isang puno at inilapag ang dala niyang gasera sa isang bato.
Napapikit si Salome sabay takip sa kaniyang mata nang masindihan na niya ang gasera dahil sa nakasisilaw nitong liwanag (na parang isang flash ng camera). Ngunit di kalaunan ay luminaw na rin ang kaniyang paningin. Dahan-dahan siyang humakbang patungo sa ilog. Naaamoy na niya ang tubig at ang mga isdang tabang na naroroon.
Ilang saglit pa, natanaw na niya si Danilo at Ising na magkahawak kamay. May isang maliit na bangka na nakapwesto sa tapat nila. at inaalalayan ni Danilo si Ising na sumapa roon. Halos umabot naman sa lalamunan ni Salome ang kaba na nararamdaman niya. Batid niyang malapit ng dumating ang mga guardia at kahit anong gawin nila ay maabutan sila nito.
"Nilong! Isabela!" tawag ni Salome sa dalawa ngunit hindi nila narinig sapagkat napakalakas ng agos sa ilog. "Danilo! Ising!" tawag pa muli ni Salome habang kumakaripas siya ng takbo. Nabitawan na niya ang gaserang hawak sa pagmamadaling makalapit agad sa kanila.
"Sandali! Nilong!" muling tawag ni Salome napatigil naman si Danilo at agad siyang napalingon sa kaniyang ate Salome. Napangiti ang binatilyo nang makita ang kaniyang ate ngunit isang putok ng baril ang tumapos sa pagitan ng tinginan nilang dalawa.
Isang bala ang diretsong tumama sa ulo ni Danilo at tumagos pa ito sa kaniyang noo dahilan nang biglang pagdanak ng dugo nito. Parang biglang bumagal ang takbo ng paligid. Animo'y nabagsakan ng langit at lupa si Salome nang masaksihan niya ang dahan-dahang pagbasak ng kaniyang kapatid diretso sa ilog. At mula doon lumutang ang bangkay nito habang unti-unting nababalot ng kaniyang dugo ang tubig at ang dahan-dahang pagtangay ng agos sa walang buhay niyang katawan.
"N-nilong... H-hindi!... H-huwag..." gulat na gulat at tulalang tugon ni Salome. Animo'y bigla siyang nanigas sa kinatatayuan niya at tuluyang nanlambot ang tuhod niya habang sinusundan ng tingin ang walang buhay na katawan ng kapatid na tinatangay na ng ilog.
"¡Gran trabajo!" (Great job!) tugon ng pinuno ng mga guardia civil sabay hagis ng dalawampung pirasong pilak sa tapat ni Ising na ngayon ay nakadapa pa rin sa lupa. Nagsidatingan na rin ang iba pang mga guardia civila at agad ipinag-utos ng pinuno nila na kunin ang bangkay ni Danilo.
Biglang sumiklab ang galit sa puso't-isipan ni Salome na dumadaloy na ngayon sa kaniyang dugo at buong katawan. Nakita niya kung paano nagbigay galang si Ising at nagpasalamat sa pinuno ng mga guardia civil at ibinulsa na niya ang pabuyang natanggap niya dahil sa paglilinlang at pagkakanulo kay Danilo.
Galit na galit si Salome na napatayo at akmang susugurin na niya ang pinuno ng hukbo at si Ising ngunit biglang may humila sa kaniya pabalik at pinigilan siya. Nanlaki ang mga mata ni Salome nang makilala kung sino ang lalaking iyon na pumigil at yumakap sa kaniya.
Si Fidel.
Sa pagkakataong iyon, tuloy-tuloy na kumawala ang mga luhang naiipon sa mga mata ni Salome habang nakatitig sa mga mata ng lalaking kahit anong mangyari ay nariyan sa piling niya. At ngayon unti-unting nang nadudurog ang kaniyang puso dahil wala na si Danilo... wala na ang kaniyang kapatid na bagama't madalas silang hindi nagkakasundo ay mahal na mahal pa rin niya.
"Ahora, ¿Ising nos dice dónde está la familia Aguantar restante?" (Now, Ising tell us where is the remaining Aguantar family?) utos ng pinuno ng mga guardia civil kay Ising dahilan upang mapalingon sa kanila si Fidel na tanging nakakaintindi sa wikang kastila.
***********************
Sources of Palacio del Gobernador: http://www.phtourguide.com/palacio-del-gobernador-in-intramuros/
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top