Kabanata f( x - 35)

[Kabanata 35]

Our Asymptotically Love Story

(Page 266 - 292)


Ika-Labing Pitong Kabanata

Filipinas 1688



"BAKIT? ERNESTO! BAKIT MO AKO INIWAN?" sigaw ni Roselia habang pilit na naglulupasay sa lupa, hawak-hawak siya ng ilang mga kababaihan upang patahanin sa pagtangis. Gulo-gulo na ang kaniyang buhok, maputla na rin ang kaniyang mukha at tuyot na rin ang kaniyang labi. Pilit siyang pinapakalma ng ilang mga kababaihan na kasama nilang tumakas ngunit hindi na siya maawat ngayon sa pag-iyak habang sinusunog ang bangkay ng kaniyang asawa.


"ISKOOOO!"


"ITAAAAAY!"


Maging si Nay Delia at Felicidad ay naglulupasay na rin sa lupa. Mapuputla na rin ang kanilang mga mukha at animo'y wala ng luhang mailabas pa dahil sa sobrang paghihinagpis at pagdurusa sa pagkawala ni Tay Isko, ang ama ng kanilang tahanan.

Makulimlim ang kalangitan habang patuloy ang pagpatak ng marahan na ulan. Bagama't umaambon hindi naman nito naapula ang apoy na sumusunog ngayon sa bangkay ni Tay Isko at Ernesto. Napagdesisyunan ng pamilya na sunugin na lamang ang katawan ni Tay Isko at Ernesto upang madala nila ito, bukod doon ay iginiit din ni Nay Delia na sunugin ang bangkay ng kaniyang asawa at panganay na anak alinsunod sa tradiyon ng mga Intsik. Ang bawat usok na kumakawala sa ere ay nagdudulot ng matinding bigat sa kanilang mga puso. Papalubog na rin ang araw, mag-iisang oras na nang marating nila ang lalawigan ng Aklan matapos nilang makatawid sa kabilang isla ng Iloilo.

At sa lupain ng Kalibo, Aklan na nila nagpagpasiyahan na sunugin ang mga bangkay ni Ernesto at Tay Isko. Maging ang dalawa pang kalalakihan na nasawi na anak ni Mang Pedro.

Habang si Danilo naman ay nakaratay sa isang higaan na gawa sa kawayan na hila-hila ng kalabaw.Tahimik lamang siyang humihikbi habang pinagmamasdan ang unti-unting pagtupok ng katawan ng kaniyang ama at kuya.

Samantalang, nakatayo naman sa tabi ni Felicidad si Salome habang tulala at wala sa sariling tinatanaw ang paglamon ng apoy sa wala ng buhay na katawan ng kaniyang pinakamamahal na ama at kuya. Maputlang-maputla at nagdurugo na rin ang labi ni Salome dahil sa matinding pagkatuyo nito, Hindi na rin niya alintana ang padaloy ng dugo mula sa sugat sa kaniyang noo na natamo niya nang maipit sa tulakan at bungguan sa plaza San Alfonso kaninang umaga lamang.

Hindi na napigilan pa ni Salome ang pagpatak ng kaniyang mga luha habang. Parang unti-unting dinudurog ang kaniyang puso habang sumisiklab ang apoy sa dalampasigan ng dagat na kanilang dinaungan. Ibinalot lamang sa banig at inalayan nila ng dasal at bulaklak ang mga yumao bago ito pasiklaban ng apoy.

Sa pagkakataong iyon, batid nilang kailangan na rin nilang makarating sa malayong lugar, malayo sa bangungot na naranasan nila sa Timog.

Tulala na lamang si Salome habang patuloy na umaagos ang luha sa kaniyang mga mata. Kasabay niyon ang sunod-sunod na pagsariwa niya sa mga magagandang alaala niya kapiling ang kaniyang kuya Ernesto.

Halika rito Lumeng! Napaka-pilya mo talaga!


Kuya Nestong! Ano baaa!


Sandali lamang... bakit mapula ang iyong labi? Ikaw ba ay naglagay ng kolerete Lumeng?


Ang aming Lumeng ay mukhang umiibig na sa isang ginoo ah...


Napahawak na lamang si Salome sa kaniyang puso habang inaalala ang mga pangangatyaw sa kaniya ng kaniyang kuya Ernesto. Bagama't hindi gaanong malambing ang kaniyang kuya at kahit pa palagi siya nitong inaasar, ramdam na ramdam pa rin niya ang pagmamahal at pag-aalaga sa kanila ng kaniyang kuya Ernesto. Palagi itong nasa kanilang bahay at naghahatid ng mga prutas at mga putaheng iniluto ni Roselia. Palagi rin silang inihahatid ni Ernesto sa hacienda Montecarlos tuwing alas-kuwatro ng madaling araw. Palagi rin silang sinusundo nito sa tuwing sasapit ang hapon ng Sabado sa hacienda Montecarlos. Todo suporta rin ang kaniyang kuya Ernesto sa kanila sa lahat ng bagay at ang pinaka-paborito nitong gawin ay ang asarin si Salome sa tuwing nagsisimba sila sa bayan at namimili sa palengke kada Linggo.


"ISKOOO! BAKIT? BAKIT HINDI MO TINUPAD ANG IYONG PANGAKO? BAKIT MO KAMI INIWAN?! PAANO NA KAMI NG IYONG MGA ANAK?!" hagulgol ni Nay Delia habang nakahandusay na sa putikan at pilit na naglulupasay sa lupa. Pilit naman siyang hinihila pabalik ng mga kasamahan, ramdam na ramdam din nila ang paghihinagpis ng isang babae na ngayon ay biyuda na.

Ang tagpong iyon ang mas lalong nagpadurog sa puso ni Salome, Namamanhid na rin ang kaniyang katawan sa katotohanang hindi na nila alam ang saysay ng kanilang buhay dahil wala na ang kanilang itay. Ang kanilang itay na siyang nakakaaalam ng lahat ng kanilang gagawin at desisyon, ang kanilang itay na siyang laging sandalan at takbuhan nila sa tuwing may problema sila. Ang kanilang itay na palaging nakangiti at kailanman ay hindi sila pinagalitan. Ang kanilang itay na kumakayod buong araw at gabi para lang may maipakain sa kanilang mag-anak, ang kanilang itay na kilalang palabiro at may prinsipyo sa buhay. Ang kanilang itay na handang ibuwis ang buhay para sa kapakanan ng kaniyang pamilya.



Biglang naalala ni Salome ang pag-uusap nila noon ng kaniyang itay sa kanilang tahanan sa Tondo noong limang taong gulang pa lamang siya...


"Ganito ang tamang pagpapanday anak... Teka! Mali iyan, Ikaw talaga Lumeng palagi mo na lang pinagkakatuwaan ang mga bagay-bagay" tawa ni Tay Isko at ginulo-gulo ang buhok ni Salome na noo'y paslit pa lamang. Nasa loob sila ng pinagtatrabahuan ng kaniyang itay na isang pagawaan ng mga espada, kutsilyo at armas.

Hindi na mapigilan ni Tay Isko ang pagtawa dahil ginawang lapis ni Salome ang isang piraso ng maliit na bakal. Gumuhit si Salome ng isang larawan ng haring araw sa lupa.

"Aba... patingin nga ako ng iyong obra anak" usisa pa ni Tay Isko habang nakangiti ng todo dahil sa pinaggagawa ng kaniyang anak. "Iyan ba ay haring araw... ang sabi nila, kapag nagbabadiya ang ulan gumuhit ka lamang ng haring araw sa lupa upang hindi matuloy ang pag-ulan" patuloy pa ni Tay Isko, at napatingin ito sa kalangitan, "Hindi naman po ata uulan itay" wika ni Salome dahil maaliwalas naman ang langit. Napangiti naman si Tay Isko dahil sadyang makatwiran talaga ang kaniyang anak na si Lumeng. "Hindi sa ngayon... malay natin sa susunod na araw ay biglang umulan, Hindi sa lahat ng oras nakasisiguro tayong palaging maganda ang sikat ng araw" paliwanag ni Tay Isko, napatango-tango naman si Salome at ngumiti pa siya kung kaya't kitang-kita ang bungi sa kaniyang dalawang ngipin sa harap.

Muli namang hinimas ni Tay Isko ang ulo ni Salome "Alam mo ba na ang Haring araw ay simbolo ng pagiging isang pinuno na nagbibigay liwanag sa buong nasasakupan" tugon ni Tay Isko, natawa na lang ulit siya nang ngumiti ang paslit na si Salome dahil bungi ito.

"Ang sabi po ni Lolo Pablo magiging hari raw po kayo itay" ngiti ni Salome, napangiti naman si Tay Isko at naupo sa isang bangkito. Binuhat niya si Salome at kinandong saka itinuro ang napakalawak na lupain na kanilang natatanaw sa di-kalayuan. Nasa ikalawang palapag sila ng pagawaan ng mga armas kung kaya't kitang-kita nila ang lawak ng lupain ng Bagumbayan. Natatanaw rin nila ang malaki at masiglang ilog ng Pasig. Habang sa kabilang banda naman ay natatanaw nila ang itinatayong malalaking pader ng Intramuros.

"Ako pa rin naman ang mahal na hari ng ating pamilya, at ang iyong inay ang aking mahal na reyna... ang kuya Ernesto mo at Ate Felicidad ang iyong mga nakakatatandang kapatid na prinsipe at prinsesa habang ang iyong kapatid na si Danilo ang sanggol na prinsipe at syempre ikaw ang pinaka-magandang prinsesa... Lumeng" ngiti pa ni Tay Isko, tuwang-tuwa naman si Salome at napahagikhik pa.

"Eh, nasaan na po ang ating Kaharian itay? Gusto ko ng malaking palasyo" wika pa ni Salome at inikot niya pa ang kaniyang kamay para ipakita kung gaano kalaki ang tinutukoy niyang palasyo dahilan para matawa na lang si Tay Isko.

"Nakikita mo ba iyon anak? Diyan tayo magtatayo ng ating palasyo... diyan mismo sa bakanteng lupain na iyan... pagkatapos araw-araw tayong lalangoy sa ilog Pasig at mamimitas ng mga pinya sa kabilang lupain" wika pa ni Tay Isko sabay turo ng isang napakagandang malawak na bakanteng lupain malapit sa labas ng ginagawang istruktura ng Intramuros. Mas lalo pang ikinatuwa ni Salome ang ideyang araw-araw silang kakain ng pinya na siyang pinakapaborito niyang prutas.

"Eh, bakit hindi na lang po tayo doon sa loob ng palasyong iyon manirahan?" nagtatakang tanong ni Salome sabay turo sa malaking pader ng Intramuros na nakakalula sa taas at tibay. Napailing naman si Tay Isko.

"Hindi iyan ang ating palasyo anak, pagmamay-ari iyan ng mga dayuhan... huwag na huwag kang papasok diyan... dito lang tayo sa labas dahil ang buong lupaing ito ay ang ating Kaharian, mas malawak at mas maganda pa ang ating Kaharian kumpara doon" sagot ni Tay Isko sabay turo sa malawak na lupain ng Pilipinas. Wala namang kamalay-malay si Salome na ang tinutukoy ng kaniyang itay ang Kaharian ng Tondo at Maynila. Ang dalawang Kaharian na tuluyan nang nabaon sa limot sa paglipas ng panahon.

"May mga hari, reyna, prinsipe at prinsesa rin po bang nakatira sa palasyong iyon itay?" tanong ni Salome habang nakatitig ng mabuti sa Intramuros. Natawa naman ang kaniyang itay dahil paniwalang-paniwala si Salome na isa iyong palasyo kahit ang totoo ay ang Intramuros ay isang depensa at siyang sentro ng Gobyerno ng mga mananakop na Kastila.

"Oo anak, may hari, reyna, prinsipe at prinsesa rin na naninirahan sa palasyong iyan..." sagot ni Tay Isko, Maging siya ay napatulala na lang din sa ganda ng itinatayong Intramuros. Naalala niya na minsan na rin siyang naging bahagi ng pagtatatayo niyon noong isang taon.

"Maaari ko po ba silang maging kaibigan?" tanong ni Salome, sandali naman siyang tinitigan ng kaniyang itay. Sa isip-isip nito ay wala pang kaalam-alam ang kaniyang anak sa totoong kalagayan ng kanilang lipunan.

"Oo naman anak... maaari mo rin silang maging kaibigan, may mga mabubuting dayuhan din naman na nakatira sa palasyong iyan, ngunit kahit anong mangyari huwag na huwag mong ibibigay ang tiwala mo sa kanila... huwag na huwag kang mahuhulog sa mga katulad nila" tugon ni Tay Isko habang nakatitig sa mga mata ng kaniyang anak, nais niyang niyang maunawaan ni Salome ang ibig niyang sabihin sa mga huling salitang kaniyang binitiwan.

Batid niyang hindi malabong mangyari na maugnay ang kaniyang anak sa mga Kastila sa darating na panahon dahil maging ang kaniyang kapatid na si Fernando ay nakapangasawa ng isang babaeng Kastila.

"Ang isang prinsesang tulad mo anak ay hindi maaaring umibig sa isang prinsipeng naninirahan sa palasyong iyon" muling wika ni Tay Isko sabay tingin sa Intramuros na siyang pangunahing tirahan at sentro ng mga dayuhang Kastila.


Napangiti naman si Salome at tumango ng tatlong beses sa kaniyang itay bilang sagot. Sa mga oras na iyon ay inakala niyang kinuwkentuhan lamang siya ng kaniyang itay ng mga kwentong pambata, wala pa siyang kamuwang-muwang na ang kwentong iyon tungkol sa Palasyo, Kaharian, Hari, Prinsesa at Prinsipe ay isa palang malaking katotohanan... isang katotohanan na siya ring magpapahamak sa kanilang pamilya.


Hindi ko akalain na ang lahat ng ikinuwento mo sa akin noon itay ay hindi pala isang kwento-kwento lamang. Katulad ng Haring araw na siyang nagbibigay liwanag sa buong lupain na nasasakupan... ikaw ang aming Hari na patuloy na magbibigay ng liwanag. Natapos man ang pagsikat ng araw hindi ibig sabihin nito ay natapos na rin ang laban... At sa muling pagsikat ng araw Lalaban kami itay! Pangako iyan!


Ang mga salitang iyon ang pilit na nagpalakas sa loob ni Salome, unti-unti siyang nakaramdam ng kakaibang init na dumadaloy sa kaniyang dugo, animo'y naghahatid ito ng lakas sa kaniyang pisikal na katawan at emosyon.



Sunod-sunod na bumalik sa kaniyang alaala ang lahat ng sakit, paghihirap at paghihinagpis na naranasan nila sa kamay ng mga kalaban. Maging ang pagtakas nila kaninang umaga sa San Alfonso ay naging isang bangungot na batid nilang kailanman ay hindi na nila matatakasan...


Animo'y namanhid ang buong katawan ni Salome at bigla na lang siyang napabagsak sa lupa nang makitang wala ng buhay ang kaniyang itay at kuya na nakahandusay sa lupa at naliligo na rin mismo sa kanilang mga sariling dugo. Habang sumisigaw at humahagulgol naman si Nay Delia at Felicidad at pilit na ginigising si Tay Isko at Ernesto. Samantalang pilit naman silang hinihila nila Mang Berto, Mang Isko, Mang Islao at Mang Pedro papalayo sa nagkakagulong mga tao sa plaza San Alfonso.

"LUMENG!" gulat na sigaw ni Felicidad dahilan para matauhan si Salome at mapalingon siya sa kaniyang likuran. Nanlaki ang mga mata niya nang makitang nakatutok na ang baril ni Fernando sa ulo niya, kakalabitin na ni Fernando ang gatilyo ng ng rebolber na hawak nito ngunit bago pa man mangyari iyon ay biglang may matalim na palaso na mabilis at diretsong tumama sa likuran ni Fernando na tumagos sa kaniyang sikmura dahil sa husay ng pumana nito.

Asintadong-asintado ang sikmura ng taksil na si Fernando na agad napaluhod at gulat na gulat na napatingin sa palasong nakabaon sa kaniyang likod na tumagos pa hanggang sa kaniyang sikmura. Napatingin din si Fernando kay Salome na nasa tapat niya lang, nanlilisik ang mga mata nito ngunit hindi na niya nagawa pang magsalita dahil agad siyang bumagsak sa lupa.

Laking gulat ni Salome nang makita ang pagbagsak sa lupa ng kaniyang tiyo Fernando sa mismong harapan niya. Nanginginig siyang napatingin sa likod ng kaniyang tiyo at nanlaki ang mga mata niya nang makita ang isang lalaking naka-suot ng salakot na siyang pumana sa kaniyang tiyo.

Hawak pa rin ng lalaking iyon na nakasuot ng salakot ang pana na nakatutok sa wala ng buhay na si Fernando. Diretsong napatingin si Salome sa mga mata ng lalaking iyon na nakatakip ang mukha upang itago ang pagkakakilanlan nito. Nakasuot din ito ng salakot upang hindi makita ang buhok at ulo, nakasuot din ito ng isang maduming damit na isinusuot na karaniwang sinusuot ng mga magsasakang Indio. Nakatago man ang buong pagkatao ng lalaking iyon ngunit ang mga mata nito ay hindi magagawang magkubli kay Salome. S-senor Fidel.


Sa pagkakataong iyon, sandaling bumagal ang takbo ng paligid habang ang lahat ay nagkakagulo na, nagtatakbuhan, nagsisigawan, nagmamakaawa sa takot, nagpapaputok ang mga guardia civil ng kanilang mga baril sa iba't-ibang direksyon dahil sa kaliwa't-kanan na pagtama ng mga palaso (arrow) sa kanilang mga kasamahan. At sa bandang gitna ng kaguluhan ay naroon ang dalawang taong pilit na pinaglalapit ng tadhana.

Kasabay ng pagbuhos ng ulan, habang nakatitig silang dalawa sa mata ng bawat isa. Batid nilang kahit anong mangyari, kahit anong oras at kahit saang lugar makikilala at makikilala nila ang isa't-isa.





"Nakahanda na ang agahan, Tayo'y kumain na muna" wika ni Felicidad, baka sa tono ng kaniyang boses na wala siyang gana. Maging ang lahat ay wala ring gana at imik. Alas-singko pa lang ng umaga ngunit gising na silang lahat. wala rin ni isa sa kanila ang nakatulog ng maayos, bukod sa batang si Julio na walang kamalay-malay sa mga nangyayari.

Lumipas na ang apat na araw mula nang mangyari ang madugong trahedya sa kanilang pamilya. at ngayon ay nasa lupain na sila ng La Pampanga. Kahapon lamang ng tanghali sila nakarating sa lalawigan ng La Pampanga. Bitbit ang mga naisalbang gamit at ang dalawang palayok na naglalaman ng abo ni Tay Isko at Ernesto.

"Nagsaing ako ng saba at kamote" patuloy pa ni Felicidad habang inihahain sa mesa ang bagong luto na saba ng saging at kamote. Ilang sandali pa ay biglang bumukas ang pinto ng bahay kubong kanilang tinutuluyan at pumasok si Ingkong Lui, ang tiyo ni Nay Delia. Si Ingkong Lui na lamang ang nag-iisang kamag-anak ni Nay Delia matapos mapatay ang buong pamilya niya noong nag-alsa ang mga Intsik sa Laguna noong taong 1643 na kilala rin bilang 'Chinese massacre'.

"Mawawala ang swerte kapag hindi niyo ginalaw ang pagkaing nakahain sa hapag" tugon ni Ingkong Lui habang ibinababa ang mga kagamitan niya sa pagsasaka. Matanda na si Ingkong Lui, nasa edad pitumpu na ito (70) ngunit malakas pa rin at nagagawa pang magsaka buong araw.

Singkit na singkit ang mga mata nito at maputi rin ang balat, medyo nakakalbo na rin ang kaniyang buhok ngunit mahaba pa rin ang kaniyang balbas na katulad ng mga ermitanyo. Kulubot na rin ang kaniyang balat at payat rin ang kaniyang pangangatawan ngunit kahit ganoon ay maliksi pa rin siya kumilos at hindi nakikitain ng senyales ng katandaan.

Tumayo na si Nay Delia na kanina pa nakatulala sa bintana habang hinihimas ang ulo ni Julio. Kinandong na ni Nay Delia si Julio at sinubuan ng pagkain. Tumayo na rin si Salome na kanina pa nakayakap sa palayok na pinaglalagyan ng mga abo ng kaniyang itay at kuya Ernesto.

"Kailangan niyong kumain upang manumbalik ang inyong lakas..." patuloy pa ni Ingkong Lui sabay tingin kay Danilo na nakahirata pa rin sa kama dahil hindi nito maigalaw ang kaniyang buong katawan. "Lalo ka na Nilong, kailangan mong magpagaling" dagdag pa nito sabay abot ng tsaa kay Danilo. Matatag na rin magtagalog si Ingkong Lui dahil halos limampung taon na siyang naninirahan sa Pilipinas ngunit naroon pa rin ang tono ng kaniyang pagsasalita.

Napatingin naman si Ingkong Lui kay Salome na yakap-yakap pa rin ang palayok. "Lumeng Hija... hindi ka makakausad hangga't hindi mo binibitawan iyan" tugon pa ni Ingkong Lui sabay turo sa dalawang palayok na hawak ni Salome na siyang huling alaala ng kaniyang itay at kuya.

Hindi naman agad nakapagsalita si Salome, batid niyang may mas malalim pang tinutukoy ang kaniyang tiyo sa mga huling salitang sinabi nito sa kaniya. Dahan-dahan na niyang inilapag sa isang gilid sa tabi ng higaan ni Danilo ang dalawang palayok na iyon. "At kayo, hindi rin kayo makakausad hangga't hindi niyo binibitawan ang mabibigat na bagay na iyan sa puso niyo" wika pa ni Ingkong Lui sabay upo sa mesa at nagsimula na itong kumain.

Ni isa sa kanila ay walang nangahas na magsalita. May pagka-prangka at seryoso magsalita si Ingkong Lui at isa rin ito sa mga tumutol noon na maikasal ang kaniyang pamangkin na si Delia kay Francisco na isang indio na may dugong maharlika. Kung kaya't nilunok na lang ni Nay Delia ang lahat ng kaniyang natitirang (pride) at sa huling pagkakataon ay lumapit sa nag-iisang kamag-anak niya sa Pilipinas, si Ingkong Lui.

Mag-isa na lang din sa buhay si Ingkong Lui, namatay ang asawa nito sa sakit na puso habang ang kanilang nag-iisang anak na lalaki naman ay nalunod sa karagatan noong binatilyo pa lamang ito. At sa loob ng ilang dekada na nagdaan mag-isang hinarap ni Ingkong Lui ang buhay sa maliit na nayon ng Bucanan, Pampanga.

Inabutan na ni Salome ng pagkain si Danilo at sinubuan ito. Tahimik lang silang lahat. mula nang dumating sila sa Pampanga noong Huwebes ay hindi pa sila nag-uusap-usap. Pare-parehong dala ang mabibigat na alaala sa kanilang mga puso't-isipan.

Nasa kabilang kubo naman pansamantalang tumuloy ang pamilya nila Mang Berto, Mang Islao, Mang Pedro at Mang Kiko. Nasa gitna ng palayan nakatayo ang bahay ni Ingkong Lui habang nasa likod nito namamayagpag ang napakalaking bundok ng Arayat (Mount Arayat).

"Ang sugat mula sa trahedya sa paglipas ng panahon ay unti-unti ring maghihilom... ngunit ang peklat na makukuha rito ay habambuhay nang mananatili" wika pa ni Ingkong Lui sabay tayo, at uminom ng tubig. "Kung minsan ang paraan upang maghilom ang peklat... ay takpan ito ng panibagong sugat" saad ni Ingkong Lui sabay kuha sa kaniyang balisong na pinaikot-ikot niya pa sa kaniyang kamay saka mabilis na naisuksuk iyon sa kaniyang bulsa.

"Ipagpapatuloy ko na ang pagsasaka malapit nang matapos ang tag-ulan baka hindi makayanan ng mga binhi ang init ng araw sa darating na tag-araw" wika pa ni Ingkong Lui at naglakad na ito papalabas sa kaniyang kubo.

Napatingin naman si Salome sa kaniyang inay at mga kapatid. Ang kalungkutan na nararamdaman ng bawat isa ay namamayani sa buong bahay. ramdam na ramdam ang malungkot na awra sa paligid. Ilang sandali pa, tumayo na si Nay Delia at inilapag si Julio sa tabi ni Danilo.

Lumabas naman si Felicidad upang hugasan ang kanilang mga pinagkainan. Samantalang pinagmamasdan naman ni Salome ang ginagawa ng kaniyang inay. Sumasandok si Nay Delia ng pagkain at inilalagay ito sa apat na maliliit na mangkok saka isinilid sa bayong.

"Lumeng, ikaw na muna ang bahala kay Nilong at Julio" bilin ni Nay Delia saka binitbit ang bayong pero napatigil siya sa bandang pintuan nang tumayo si Salome at sundan siya. "Nay, saan po kayo pupunta? Sasama ako" giit ni Salome. Magsasalita na sana si Nay Delia ngunit biglang pumasok si Felicidad dala-dala ang mga nahugasang pinagkainan.

"Sige na po nay, isama niyo na po si Lumeng... ako na po ang bahala dito" wika ni Felicidad saka inasikaso palitan ng damit si Danilo. "Mas mabuting may kasama kayo sa inyong lakad" patuloy pa ni Felicidad, tumango na lang si Nay Delia saka humawak sa braso ni Salome at lumabas na sila.



Agad silang sinalubong ng maaliwalas na sinag ng araw sa labas. ngunit kahit ganoon kaganda ang sikat ng araw ay hindi pa rin ito nakakatulong upang mawala ang kalungkutan na nadarama nila. nagsimula na silang maglakad sa gitna ng palayan habang nakahawak si Nay Delia sa braso ni Salome at si Salome na rin ang nagbitbit ng bayong na puno ng pagkain.

Natanaw naman sila ni Ingkong Lui na siyang nag-aararo na ng sakahan gamit ang kaniyang nag-iisang kalabaw. Bagama't nagalit siya noon sa kaniyang pamangkin na si Delia nang sumuway ito sa utos ng kanilang pamilya na huwag sumama kay Francisco ngunit nang makita niya ang kalunos-lunos na sinapit ng pamilya ng kaniyang pamangkin nang kumatok ito sa kaniyang pintuan apat na araw na ang nakararaan ay biglang humupa ang kaniyang galit at tampo sa nag-iisang kamag-anak at kadugo.

"Inay, saan po tayo pupunta?" tanong muli ni Salome, dahan-dahan lamang ang kanilang paglalakad dahil mahina na si Nay Delia. Ilang araw na itong hindi nakakakain at nakakatulog ng maayos. "Sa bahagi ng bundok na iyon anak" sagot ni Nay Delia sabay turo sa bundok Arayat na napakalapit lang sa kanila.

"Anong pong gagawin natin----" hindi na natapos ni Salome ang kaniyang sasabihin dahil biglang nagsalita ang kaniyang inay.

"Iyong malalaman sa oras na tayo'y makarating doon" sagot ng kaniyang inay. Parang may kung anong kirot na naramdaman si Salome sa kaniyang puso dahil sa sagot ng kaniyang inay, hindi na ito tulad ng dati na sasawayin siya at sasabihang tumahimik at mas gusto niyang ganoon ang kaniyang inay kaysa ngayon na halos wala nang gana mabuhay.



Matapos ang halos dalawang oras na pagakyat sa bundok ng Arayat ay narating na nila ang gitnang bahagi nito na kung saan may nakatayong malaking puno ng Mahogani (Mahogany). Bumitaw na ni si Nay Delia sa pagkakakapit kay Salome at naupo siya sa tabi ng puno sakay isa-isang inilabas ang apat na mangkok na laman ng bayong.

Nagsimula namang humakbang si Salome papalapit sa kaniyang inay at pinagmasdan mabuti ang ginagawa nito. Ilang sandali pa inilagay ni Nay Delia ang apat na mangkok na naglalaman ng sinaing na saging ng saba at kamote sa gilid ng mga bato at lumuhod siya sa tapat. Kasabay niyon ay kinuha niya ang apat na insenso sa kaniyang bulsa at sinindihan ito gamit ang apoy na nakuha niya nang pagkiskisin niya ang dalawang magaspang na bato.

Sa pagkakataong iyon, napagtanto ni Salome na ang mga pagkaing dinala ng kaniyang inay ay alay sa kaniyang itay at kuya na yumao na. isinasagawa rin ni Nay Delia ang pagdarasal na siya ring tradisyon ng mga intsik.

Sandaling ipinikit ni Salome ang kaniyang mga mata at doon ay naramdaman niya ang malamig na hangin na yumayakap sa kaniya. Naamoy rin niya ang mga malalagong puno sa paligid. At nang imulat niya ang kaniyang mga mata ay doon niya lang nakita ang napakagandang tanawin mula sa ibaba ng bundok.

Napakalawak na halos kulay berde na sakahan mula sa ibaba ang kaniyang natatanaw, at sa di-kalayuan ay naroon ang pueblo kung saan nakatayo ang Simbahan, palengke, plaza, at ang ilang malalaking mansyon ng mga Kastila.

Natatanaw din niya ang mga ilog sa na patuloy na umaagos sa buong paligid. Animo'y ang kulay berde at asul ay tumitingkad sa kaniyang mga mata. Naalala niya bigla na ganitong-ganito ang tanawin na ipinakita sa kaniya ng kaniyang itay noong limang taong gulang pa lamang siya, noong kinuwentuhan siya nito tungkol sa mga palasyo at kaharian.

"Minsan ang ating pinapangarap na buhay ay nagiging kabaliktaran nang dahil sa biglaang pagbaliktad ng kapalaran" biglang wika ni Nay Delia dahilan para matauhan si Salome at mapalingon sa kaniyang inay na nakaluhod pa rin habang hawak-hawak ang insenso sa kaniyang kamay.

Nakadilat na rin ito at nakatitig sa napakagandang tanawin sa ibaba ng bundok. "Ang inakala mong magiging maganda at payapang buhay ay mauuuwi sa trahedya nang hindi mo inaasahan..." patuloy pa ni Nay Delia habang nakatulala pa rin ito sa kawalan. Hindi naman nakapagsalita si Salome, hindi niya alam ang kaniyang sasabihin.

"Hindi lahat ng pangarap ay natutupad... Hindi lahat ng trahedya ay nakakalimutan at hindi lahat ng pangako ay naisasakatuparan" wika pa ni Nay Delia at dahan-dahan itong tumayo, napakabig pa siya sa katabing puno at mabuti na lamang dahil mabilis siyang nahawakan ni Salome upang maalalayan.

"At higit sa lahat... hindi lahat ng alaala ay nabubura" muling wika ni Nay Delia sabay lingon kay Salome. Sa pagkakataong iyon, hindi maintindihan ni Salome kung bakit parang may malalim na pakahulugan ang nais ipabatid sa kaniyang ng kaniyang inay.

Ilang sandali pa, hinawakan ni Nay Delia ang kamay ni Salome at pinagmasdan ang guhit sa palad nito. "Ang sabi nila, ang kapalaran ng isang tao ay nakaukit na sa kaniyang kamay bago pa man ito isilang" tugon ni Nay Delia at pinagmasdan niya mabuti ang mga guhit sa palad ni Salome. "Katulad ito ng mga bituin na nakaguhit sa langit... ang paniniwala ng Astronomiya" patuloy pa ni Nay Delia, nagtataka namang napatingin si Salome sa kaniyang palad, bigla niyang naalala na sinabi rin sa kaniya iyon ng isang matandang babaylan ng San Alfonso na si Inay Laya.

"Ang kapalaran daw ng isang tao ay nakatakda na at sa oras na malihis ito, mabago o maligaw ng landas ang kaniyang kaluluwa, diwa, puso at isipan ay muling isisilang sa susunod na panahon" paliwanag pa ni Nay Delia at binitawan na niya ang palad ni Salome saka naupo muli sa tabi ng puno at pinagmasdan ang buong paligid. Inilagay na rin niya ang mga insesong hawak sa tabi ng mga mangkok ng pagkain na alay para sa mga patay.

"Ang mga paghihirap, sakit at hinagpis na naranasan ng isang tao, ang kawalan ng kaniyang pagiging kontento sa mundo na kilala sa ating lenggwahe na 'Dukhha' ay magiging dahilan upang maranasan ng taong iyon ang 'Samsara' o ang paulit-ulit na pagsilang sa iba't-ibang panahon hangga't hindi natatagpuan ng taong iyon ang kapayapaan sa kaniyang puso... hangga't hindi niya nahahanap ang kaniyang sarili at hindi siya nakokontento sa kaniyang buhay ay hindi niya mararating ang 'Nirvana'..." tugon ni Nay Delia at muli siyang lumingon kay Salome, napatitig siya saglit sa rosaryong purselas na suot ng kaniyang dalagang anak.

"At alam mo ba ang pinakamasaklap sa lahat... hangga't hindi natututo sa pagkakamali, hangga't hindi natatanggap ng taong iyon ang mga naging trahedya sa kaniyang buhay... paulit-ulit siyang isisilang sa mundong ito sa magkakaibang panahon at hindi matatapos iyon hangga't hindi siya nagkakaroon ng Kapayapaan at Kasiyahan na daan patungo sa 'Nirvana'" patuloy ni Nay Delia habang nakatitig sa mga mata ni Salome, kasabay niyon ang pag-ihip ng marahan na hangin na nagpalaglag sa mga patay na dahoon sa puno ng Mahogany na kanilang kinatatayuan.

"A-ano pong ibig niyong sabihin inay?" nagtatakang tanong ni Salome, ang bawat salita at aral na ipinaliwanag sa kaniya ng kaniyang inay ay parang isang mabigat na katotohanang lalong nagpapadurog sa kaniyang puso at naghahatid sa kaniya ng kilabot.

"Ngunit hindi lahat ng tao ay walang ideya sa paulit-ulit na pagsilang na ito, dahil may mga taong mas gugustuhing paulit-ulit na isilang sa mundo... at ito ay ang 'Bhava-tanha' na ang ibig sabihin ay ang pagkauhaw sa muling pagkabuhay (rebirth) sa magkakaibang panahon" tugon pa ni Nay Delia, ilang sandali pa ay tumayo na siya at naglakad papalapit kay Salome saka hinawakan muli ang mga kamay ng anak.

"Marahil ay naguguluhan ka sa mga sinasabi ko sayo ngayon anak... ngunit gusto ko lang na malaman mo na sa mundong ito maraming bagay ang hindi natin inaasahang mangyari... at sa buhay na ito gusto kong ngayon pa lang ay hanapin mo na agad ang Kapayapaan at Kasiyahan sa iyong puso upang hindi ka na muling isilang pa sa susunod na pagkakataon" seryosong tugon ni Nay Delia, ilang segundo pa ang lumipas na nakatitig lang siya sa mga mata ng anak.

Batid niyang posibleng hindi matagpuan ni Salome ang Kapayapaan sa buhay na ito dahil sa sunod-sunod na pasakit na nangyari sa kanilang pamilya. at bukod doon, hindi rin niya maiwasang mangamba sa pagiging malapit nito sa isang binatang Kastila na maaaring maging dahilan ng pagbaliktad ng kanilang kapalaran.




Mag-tatanghali na nang marating na nila ang paanan ng bundok Arayat. Muling kumapit si Nay Delia sa braso ng anak at dahan-dahan ulit silang naglakad sa gitna ng palayan papunta sa maliit na barong-barong ni Ingkong Lui.

Tulala naman si Salome habang naglalakad sila, pilit siyang binabagabag ng mga sinabi ng kaniyang inay kanina habang nasa itaas sila ng bundok. napansin naman ni Nay Delia ang malalim na iniisip ng anak. "Narinig mo na ba ang alamat ng Bundok Arayat... Lumeng?" tanong nito dahilan para matauhan si Salome at mapatingin siya sa kaniyang inay.

"Noong unang panahon, may isang diwata na nagngangalang Maria Sinukuan, siya ay nakatira sa kagubatan ng bundok Arayat, sinasabing nakakahalina ang taglay na kagandahan ni Mariang Sinukuan at bukod doon ay may busilak din siyang kalooban. Madalas siyang tumutungo sa lupa upang bigyan ng mga prutas at pagkain ang mga mahihirap. Inilalagay niya iyon sa tapat ng pintuan ng mga kabahayan at nagpapasalamat sila sa Maykapal sa biyayang kanilang natatanggap tuwing umaga. Mayaman sa mga prutas at mga hayop ang tirahan ng diwatang si Maria Sinukuan, at ilag ang mga tao na magtungo noon sa bundok Arayat dahil itnuturing nila itong sagradong tirahan ng diwata... ngunit sa paglipas ng panahon ay naging sakim at mapang-abuso na ang mga tao hanggang sa nagtungo ang ilang mga kalalakihan sa gubat, nagpaalam naman sila kay Maria Sinukuan at sinabihan sila ng diwata na kumuha lang ng mga prutas at hayop na sasapat sa kanila ngunit nang makaalis na ang diwata ay umiral pa rin ang pagiging gahaman nila, namitas sila ng mga prutas at nanghuli ng mga hayop na sobra-sobra pa sa kailangan nila. At nang tinatahak na nila ang daan papalabas sa bundok naramdaman nila na parang bumibigat ang kanilang mga dala-dalahin at doon ay napagtanto nila na biglang naging bato ang mga prutas na kanilang pinitas. Ang katotohanan ay nagalit sa kanila ang diwata dahil sa pagiging ganid at paglapastangan nila sa mga likas na yaman" kwento ni Nay Delia medyo malapit na sila sa tahanan ni Ingkong Lui, ilang sandali pa ay biglang napatigil sa paglalakad si Nay Delia dahilan para mapalingon sa kaniya si Salome.

"Bakit po inay? Pagod na ho ba kayo?" tanong ni Salome ngunit nagtaka siya kung bakit nakalingon ang kaniyang inay sa bundok Arayat. "Inay?"


Napahinga naman ng malalim si Nay Delia saka muling hinarap ang anak "Nakakalungkot lang isipin na ang ating bansa ay katulad ni Mariang Sinukuan, tayo ay sinamantala, inabuso, at naging gahaman ang mga mananakop sa mga likas na yaman at pagmamay-ari ng ating bansa... Katulad ni Mariang Sinukuan darating din sa punto na mauubos din ang ating pasensiya at magiging sukdulan din ang ating galit dahil sa mga ganid at gahaman na tao" tugon ni Nay Delia at nagulat si Salome dahil biglang may dinukot ang kaniyang inay sa bulsa nito at iniabot sa kaniya ang isang matalim na pang-ipit sa buhok. May disensyo itong dragon na kulay pula sa kabilang dulo. Gawa sa matibay na metal ang pang-ipit sa buhok na iyon ngunit ang dulo nito ay napakatalim na maaaring makapatay.

"Ibinigay pa sa akin ng aking inay ang pang-ipit na iyan noong bata pa ako, ang sabi niya ito raw ay simbolo ng pinaghalong Kagandahan at Kamatayan..." paliwanag ni Nay Delia sabay kuha sa kamay ni Salome at inilagay doon ang pang-ipit sa buhok na iyon. halos walang kurap na nakatitig si Salome sa pang-ipit sa buhok na iyon, napakaganda nito at nakikita rin niya ang repleksyon ng kaniyang mga mata dahil sa kintab ng metal na iyon.

"Sa likod ng Kagandahang taglay ng pang-ipit na iyan na isinsilid sa buhok ng mga kababaihan ay kakambal nito ang nakamamatay na talim na tatagos sa kalamnan ng sinumang tatamaan" tugon pa ni Nay Delia sabay diretkang hagis nito sa kawayan na hawak ni Ingkong Lui na gamit nito sa pagaararo.


Nanlaki ang mga mata ni Salome nang makita ang kakayahan ng kaniyang inay, asintadong-asintado ang tama ng matalim na pang-ipit sa kawayang hawak ni Ingkong Lui. Agad namang kinuha ni Ingkong Lui ang patalim na pang-ipit at mabilis na inihagis patungo sa direksyon ni Nay Delia, alerto namang nakaiwas si Nay Delia at paikot niyang sinipa ang patalim dahilan para tumusok ito sa lupa.

Gulat na gulat si Salome nang masaksihan ang mabilis at maliksing galaw ng kaniyang inay at ni Ingkong Lui, animo'y nagkaroon ng sandaling pasiklaban sa pagitan ng dalawa. Diretso namang naitapak muli ni Nay Delia ang kaniyang mga paa sa lupa matapos sipain sa ere ang patalim na pang-ipit.


"Mabuti na lang at hindi mo pa rin nakakalimutan ang mga itinuro ko sayo Delia" puri ni Ingkong Luis aka dinampot ang patalim na pang-ipit at inabot ito sa kaniyang pamangkin. "Matagal man akong hindi nakapag-ensayo ngunit hindi ko makakalimutan ang mga itinuro mo Ingkong" sagot ni Nay Delia sakay nagbigay galang sa kaniyang maestro.

"Ang patalim ng Kagandahan at Kamatayan... hindi ko akalaing itinatago mo pa rin ito Delia, alaala ito ng iyong yumaong ina" tugon pa ni Ingkong Lui at pinagmasdan mabuti ang patalim na pang-ipit, ang ipit na iyon ay pagmamay-ari ng kaniyang kapatid na babae na nanay ni Delia.

Inabot na ni Ingkong Lui ang patalim na ipit kay Nay Delia ngunit umiling ito "Si Salome na ang mag-yari niyan ngayon Ingkong" sagot ni Nay Delia dahilan para gulat na mapatingin si Ingkong Lui kay Salome. Samantalang, kanina pa gulat na gulat si Salome at gulong-gulo sa mga pangyayari.


"P-paanong... I-inay? Ingkong Lui? Paano kayo natutong mag..." hindi na natapos ni Salome ang sasabihin dahil inunahan siya ni Ingkong Lui.


"Kung Fu... ang paraan na iyong magiging depensa laban sa kalaban" sagot ni Ingkong Lui sabay abot sa kaniya ng patalim na pang-ipit. "Isa itong lihim na hanggang kay Delia lamang naituro at naipasa ng ating angkan dahil sa nangyaring trahedya noong 1643" sagot ni Ingkong Lui sabay hawak sa balikat ni Salome.

"Batid kong may pagnanais kang mabigyang hustisya ang pagkamatay ng iyong itay at kuya Ernesto... hindi ko sinasabing tuturuan kita lumaban upang maghiganti lamang... nais kong maunawaan mo Lumeng na ikaw, ang iyong mga kapatid at ang iyong ina ay nasa panganib pa ngayon dahil dumadaloy pa rin sa inyong dugo ang pagiging Maharlika na siyang nais tapusin ng mga kalaban" paliwanag ni Ingkong Lui habang nakatingin ng diretso sa mga mata ni Salome. Napalingon naman siya sa kaniyang inay na ngayon ay nakatitig din sa kaniya.


Hindi maitanggi ni Salome na sumagi na rin sa kaniyang isip ang maghiganti lalong-lalo na noong masaksihan niya ang pagkamatay ng kaniyang itay at kuya sa kaniyang harapan. naalala niya bigla ang sumpang binitiwan niya sa kaniyang isipan noong sinusunog nila ang bangkay ng kaniyang itay at kuya Ernesto.


Pagbabayaran nila ang lahat... sisiguraduhin kong mabibigyang hustisya ang pagkamatay niyo Itay at kuya!


Iyon ang mga salitang naghari sa kaniyang puso nang maramdaman niya ang galit at poot dahil sa karumal-dumal na sinapit ng kaniyang pamilya.


Ngunit napayuko na lamang siya nang mga oras na iyon nang niya maalala niya ang huling sinabi ng kaniyang itay sa kaniya.


Lumeng... Naniniwala akong sa buhay na ito mahahanap mo rin ang Kapayapaan anak...



Paano ko mahahanap ang Kapayapaan kung ang daan patungo rito ay kaguluhan at paghihiganti? Pero, kung ang tanging paraan upang mahanap ko ang Katahimikan at Katarungan para sa aking pamilya ay naniniwala ako na ito ang magiging sandata ko.


Napatitig na lamang si Salome sa pang-ipit na patalim na inaabot sa kaniya ni Ingkong Lui, dahan-dahan niyang kinuha iyon sa kamay ng kilalang magaling sa larangan ng Kung Fu. Si Ingkong Lui ay isa sa mga tinuturuan ng mga monghe sa kabundukan sa Timog Tsina bago pa ito nagtungo sa Pilipinas upang sundan ang kaniyang pamilya at mga kapatid na nanirahan na rin sa Pilipinas.

Biglang hinawakan ni Nay Delia ang balikat ng anak at iniharap niya ito sa kaniya "Naalala mo ang sinabi ko sa iyo kanina anak? Hangad ko na mahanap mo ang Kapayapaan sa buhay na ito... at naniniwala ako na mahahanap mo lamang ang Kapayapaang iyan sa puso mo at sa desisyong nais mong gawin...kahit ano man ang iyong maging desisyon asahan mong nandito lang kami palagi para sa iyo" wika ni Nay Delia saka inakap ang anak. Sa pagkakataong iyon, napapikit na lamang ng mata si Salome at dinama ang yakap ng ina at ang pag-unawa nito sa halo-halong emosyon na nararamdaman niya at sa naglalaban na ideya sa kaniyang isipan. Sunod-sunod niyang naalala ang mga salita at bilin ng kaniyang itay, kuya Ernesto at inay...


Kahit anong mangyari huwag na huwag mong ibibigay ang tiwala mo sa mga Kastila...


Katulad ni Mariang Sinukuan darating ang panahon na mauubos din ang ating pasensiya sa mga taong ganid at gahaman.


Hindi lahat ng trahedya ay nakakalimutan... dahil ang Katarungan ay patuloy na uusig abutin man ito ng walang hanggan.


Sa pagkakataong iyon, hinawakan ni Salome ng mahigpit ang pang-ipit na patalim na may disenyo ng pulang dragon. Buo na ang desisyon niya... handa na ang puso at isipan niya... batid niyang ang paghanap ng Katarungan sa karumal-dumal na pagkamatay ng kaniyang itay at kuya, maging ang paghihirap na dinaranas ng kaniyang pamilya ay siyang daan upang mahanap niya ang Kapayapaan sa buhay na ito.


Handa na ako!





Umulan man o umaraw, maaliwalas man ang kalangitan o makulimlim, mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito ay tuloy-tuloy ang pageensayo ni Salome habang tinuturuan siya ni Ingkong Luis sa abot ng makakaya nito.

Sa itaas ng bundok Arayat, sa gitnang bahagi nito kung saan natatanaw ang buong kalupaan sa ibaba ay naroon si Salome na determinadong-determinado matuto. Naituro na sa kaniya ni Ingkong Lui ang tamang paghawak ng balisong at ng patalim na pang-ipit na pagmamay-ari na niya. maging ang asintadong pagbato nito diretso sa kalaban ay natutunan na rin niya.

Ang maliksing galaw at pag-ilag sa mga suntok, sipa, tadyak at hampas ay mabilis niyang natutunan mula kay Ingkong Lui. Ang mabilis na paggalaw na parang isang matulin na unggoy at ahas, ang magaan na paglipad at pag-ikot sa ere na tulad ng ibon, at ang malakas na suntok, sipa at hampas na tulad ng mabangis na tigre ay madaling naisaulo ni Salome.

Sa loob ng halos limapung araw, lumipas na rin ang buong buwan ng Nobyembre at hindi nahirapan si Ingkong Luis a pagtuturo at pagsasanay kay Salome. Bilib na bilib siya sa bilis nitong matuto at sa lakas na ipinapamalas ng dalaga.

Maging si Danilo ay kaniya na ring sinasanay, bagama't iika-ika na sa paglalakad si Danilo ngunit ang galing nito sa pag-iwas at ang mabilis na galaw ay hindi matatawaran.

"Lumapit ka sa akin ate Lumeng" kantyaw pa ni Danilo, kasalukuyan silang nagduduelo at pinapanood sila ni Ingkong Lui. "Halika dito Nilong" banat naman ni Salome sabay sunggab sa kapatid na madali namang nakaiwas. Pero agad nakaikot si Salome at pinadaanan ng sipa sa mukha si Danilo na hindi naman niya natamaan dahil nakaiwas ito pailalim saka mabilis na tinalisod ang kaniyang ate pero agad nakakabig si Salome sa lupa sabay kabig ng paa niya sa ere na ikinagulat ni Danilo dahil sa bilis.

Agad dinukot ni Danilo ang kaniyang balisong at akmang ihahagis iyon kay Salome ngunit kasingbilis ng kidlat na nasipa ni Salome paitaas ang balisong. Sabay silang napatingin ni Danilo sa itaas at nag-unahan sa pagkuha ng balisong na nasa ere, agad sinipa ni Danilo ang talampakan ni Salome dahilan para mapaatras si Salome. Abot kamay na ni Danilo ang balisong sa ere ngunit dali-daling hinugot ni Salome ang pang-ipit na patalim na nakasuksok sa kaniyang buhok at diretso itong inihagis sa ere para tamaan ang balisong at mag-iba ng direksyon.

Dismayado namang napabagsak si Danilo sa lupa nang hindi man lang nahawakan ang balisong at ang mas lalo niya pang ikinadismaya ang katotohanang mabilis na nasunggaban ng kaniyang ate pabalik ang pang-ipit na patalim nito sabay tutok sa leeg niya. "Huli ka" tawa ni Salome, napasuntok naman si Danilo sa lupa dahil sa pagkatalo pero natawa na lang din siya dahil natalo siya ng isang babae.

Hindi naman masusukilan ang ngiti sa labi ni Ingkong Lui habang pinagmamasdan ang dalawang magkapatid na Aguantar. Mahigit isang buwan din ang kanilang naging pag-eensayo at natutuwa siyang malaman na napakagaling na ngayon ni Salome at Danilo.

"Naaalala kong ganiyan rin ang iyong ngiti Ingkong nang maglaban kami ni Ate Lita sa harapan mo" tugon ni Nay Delia na nasa gilid na pala. Napalingon naman sa kaniya si Ingkong Lui at hindi pa rin mawala ang saya sa mukha nito.

"Nakikita ko kayo ni Lita kay Salome at Danilo ngayon... ganiyan na ganiyan rin kayong dalawa palaging nagduduelo... at sa huli magtatawanan matapos ang laban" ngiti pa ni Ingkong Lui sabay kuha sa tsaa na dala-dala ni Nay Delia.

"Kamusta na kaya si Ate Lita? Halos ilang dekada na akong walang balita sa kaniya" saad ni Nay Delia, bigla namang napawi ang ngiti ni Ingkong Lui. Paborito niya sa lahat ang pamangking si Lita.

"Marahil ay payapa siyang nabubuhay ngayon kasama ang kaniyang asawa sa Tsina... Ikaw ba Delia? Hindi ba sumagi sa iyong isipan na bumalik na lamang sa ating bansa?" tanong ni Ingkong Lui sabay lingon sa pamangkin. Napaisip naman ng malalim si Nay Delia at napabuntong-hininga.

"Hindi ko alam Ingkong ngunit mayroon na akong takot ngayon sa paninirahan sa mga bagong lugar, naroon ang takot at pangamba na baka tulad ng pagtira namin sa San Alfonso ay mauwi sa trahedya ang lahat" sagot ni Nay Delia, bagama't mahigit isang buwan na rin ang nakalipas mula ng mamatay ang kaniyang asawa at panganay na anak ay nababakas pa rin sa tono ng pananalita nito ang pangungulila.

Hindi naman na nakapagsalita si Ingkong Lui, batid niyang wala rin naman na siyang magandang maipapayo. Ngunit sa pagkakataong iyon habang pinagmamasdan ang dalawang apo-sa-pamangkin na si Salome at Danilo ay nakikita niya ang pag-asa.




"Binibini! Ginoo! Halikayo pumili lang kayo ng ibig niyo rito sa mga alahas na ito" aya ng isang tindera, pinagkakaguluhan naman na ngayon ang mga paninda niya. karamihan ay mga babaeng ambisyosa ang naroon at nagpapasiklaban sa mga alahas na suot.

Sandali namang sumulyap sa mga panindang alahas si Salome, kasalukuyan siyang naglilibot-libot sa palengke upang hanapin si Danilo, sinabi kasi sa kaniya ni Danilo na magkita sila sa daungan dahil ililibre siya nito. Suot ang kaniyang lumang baro't-saya at medyo pudpod na sandalyas ay tanging ang purselas na suot lamang niya at ang pang-ipit na patalim na may diesnyong pulang dragon ang bago sa kaniyang mga kasuotan.

"Ikaw ba ay bibili? Mukha namang wala kang pambili Hija... tumabi ka na lamang dito dahil nakakaharang ka sa aking paninda" pagtataboy sa kaniya ng tindera. At ang ilang mga dalaga naman ay nandidiring pinagmasdan siya mula ulo hanggang paa.

Malinis naman ang kaniyang kasuotan iyon nga lang luma na ito at kupas nang tinganan. At wala rin siiyang suot na mga mamahaling alahas na siyang mag-aangat sa kaniyang kagandahan. Umalis na lang doon si Salome, nakaramdam siya ng kaunting inis dahil sa asal ng tinderang iyon. katulad lamang niya ay isa rin itong Indio ngunit kung makaasta sa sarili ay akala mo na kung sino. Nagpatuloy na lang si Salome sa paglalakad-lakad sa gitna ng palengke.

Ilang sandali pa, nang medyo makalayo na siya ay biglang napatigil ang lahat nang sumigaw ang tinderang iyon ng mga alahas. "MAGNANAKAW! TULONG! PIGILAN NIYO SIYA!" sigaw ng tindera na halos maglupasay na gitna ng palengke. Natangay ng magnanakaw ang lima sa kaniyang mga alahas at dali-dali itong tumatakbo patungo sa kinatatayuan ni Salome.

Napatigil din sa paglalakad ang mga tao at nagsitabi sa gilid dahil sa takot na madamay sila sa kaguluhan. Tanging si Salome lamang ang nanatiling nakatayo sa gitna ng palengke kung saan papasalubong na sa kaniya ang binaliyong magnanakaw na kumakaripas ng takbo. "PIGILAN MO SIYA!" pakiusap ng matapobreng tinderang iyon kay Salome pero hinayaan lang ni Salome na dumaan ito sa harapan niya.

"PAKIUSAP! PIGILAN MO SIYA!" sigaw muli ng tindera, nakikiusap ang mga mata nito kay Salome dahil tanging si Salome lamang ang pinakamalapit sa magnanakaw na iyon na kakaraan lamang sa harapan niya.

Napatingin naman si Salome sa matapobreng tindera "Pasensiya na nakakaharang ako sa iyong paninda kanina" wika ni Salome sabay ngiti, saka mabilis niyang hinugot ang pang-ipit na patalim sa buhok na nakasuksok sa kaniyang buhok at dali-dali niyang inihagis iyon diretso sa binti ng binatliyong magnanakaw na tumatakbo papalayo dahilan para mapasigaw ito sa sakit at madapa sa lupa.

Nasindak ang lahat sa pangyayaring iyon, lalong-lalo na ang matapobreng tindera ng mga alahas. Lumapit naman si Salome sa binatilyong magnanakaw saka hinugot niya ang kaniyang pang-ipit sa buhok na nakatusok sa binti nito.

"Minsan na ring napagbintangang magnanakaw ang aking kapatid... ngunit ang pagkakaiba lamang ay totoong ginawa mo ang magnakaw kung kaya't dapat mong pagbayaran iyan" tugon ni Salome sa binatilyo at dinaanan niya ito saka naglakad papalayo. Pilit namang inaabot ng binatilyo ang mga alahas na kaniyang ninakaw na nagakalat na sa lupa pero agad siyang pinatayo ng mga mamamayan at dinala sa kanilang cabeza de barangay.



Nakarating na siya sa dulong bahagi ng palengke "Sariwang-sariwang mga prutas! Sa halagang isang pilak lamang!" napalingon si Salome sa tawag ng isang matandang lalaki na nagtitinda ng prutas na pinya. Agad siyang napahawak sa kaniyang sikmura at natakam sa asim at sarap ng paborito niyang pinya.

"Halika hija, tikman mo ang pinya na ito... ubod ito ng tamis" aya pa ng tindero, napahinga na lang ng malalim si Salome at napailing dahil wala naman siyang pera pambili. Nagpatuloy na lang siya sa paglalakad at nagtungo sa pinakamalapit na ilog sa tabi ng palengke.


Doon ay hinugasan niya ang kaniyang pang-ipit sa buhok na nabahiran ng dugo. Napa-upo siya saglit sa gilid ng isang bato at pinagmasdan mabuti ang pang-ipit na iyon na bigay sa kaniya ng kaniyang inay. Paulit-ulit na sumasagi sa kaniyang isipan ang pangalan ng pang-ipit na iyon... 'Kagandahan at Kamatayan'


Ilang sandali pa, nabaling ang kaniyang paningin sa rosaryong purselas na bigay sa kaniya ni Senor Fidel.


"Mahigit isang buwan na rin kitang hindi nakikita Senor Fidel... kamusta ka na? Hindi pa pala ako nakakapagpasalamat sa tulong na ginawa mo noong nasa bingit kami ng kamatayan" wika ni Salome habang pinagmamasdang mabuti ang purselas na nakasuot sa kaniyang kaliwang kamay.


"Walang anuman Binibini" nagulat si Salome nang marinig ang isang pamilyar na boses ng lalaki mula sa kaniyang likuran. Nanlaki ang kaniyang mga mata nang makita kung sino ang taong iyon...



Si Senor Fidel.



Nakangiti ito sa kaniya habang hawak-hawak ang isang malaking pinya na nahiwa na. "Bakit ang hirap mo hanapin? Mahigit isang buwan din akong naghanap sa iyo" patuloy pa ni Senor Fidel sabay iwas ng tingin dahil nakatitig talaga sa kaniya si Salome dahilan para mailang siya.


"H-hindi ka ba masaya na makita ako? hindi ba't kinakumusta mo ako? H-heto na ako" wika pa ni Fidel sabay pasimpleng sulyap sa dalaga ngunit tulala pa rin ito sa kaniya. "M-may dumi ba sa aking mukha?" nagtataka niyang tanong dahilan para matauhan na si Salome.


Agad napatalikod si Salome at kinurot-kurot niya ang kaniyang sarili.


Totoo ba ito? Hindi ba ako nananaginip? Baka isa na naman ito sa aking panaginip?!


"Lumeng?" muling wika ni Fidel dahilan para magulat si Salome at mapaatras dahil nasa gilid na pala niya si Fidel at nakatitig ang binatang Kastila sa kaniyang mukha. "P-paumanhin po Senor" saad ni Salome sabay usog ng kaunti papalayo sa binata.

Naupo naman si Fidel sa gilid ng bato at pareho na silang nakaharap ngayon sa ilog. "A-anong ginagawa niyo rito Senor?" panimula ni Salome, panaka-naka siyang susulyap sa binata pero agad siyang iiwas ng tingin at ibabaling sa ilog ang mata.

"Hinahanap ka" diretsong sagot ni Fidel dahilan para biglang tumigil ang pagtibok ng puso ni Salome at ngayon ay nanlalamig na rin ang kaniyang kamay. "Mabuti na lang dahil nagpadala sa akin ng liham si Danilo noong nakaraang Linggo... at nalaman ko na narito pala kayo sa Pampanga" saad ni Fidel, maging siya ay napaismid pa dahil natutuyot ang laway niya sa kaba. Panaka-naka rin ang sulyap niya sa dalagang katabi pero babawiin din ang tingin kapag si Salome naman ang pasimpleng sumulyap sa kaniya.

Naalala ni Salome na malapit na malapit nga pala si Danilo kay Senor Fidel at iniidolo niya pa ito. "Bakit hindi ka man lang nagpadala ng liham sa akin... Lumeng?" tanong ni Fidel dahilan para mapalingon sa kaniya si Salome. Magtatakipsilim na at nababalot na ng kulay asul at orange ang kalangitan.

"A-abala lang ho ako sa maraming bagay Senor" sagot ni Salome at napayuko na lamang siya. ilang beses din niyang tinangkang magsulat para kay Fidel ngunit inuunahan siya ng takot. Hangga't maaari ay nais na lang sana niyang kalimutan si Fidel dahil batid niyang imposibleng magkita sila muli.

"Katulad ng ano?" usisa ni Fidel sabay tingin sa kaniya. Nawala na rin ang ngiti nito kanina-kanina lang. napaiwas naman ng tingin si Salome at muling napatitig sa ilog. napayuko na lamang siya at hindi na nakapagsalita pa, batid niyang nahihirapan siyang magsinunggaling sa harapan ni Senor Fidel.

Ipinusod na lang muli ni Salome ang kaniyng buhok at itinutsok doon ang pang-ipit na patalim. "Sa loob ng mahigit isang buwan... hindi ko akalaing marami na ang nagbago sayo Lumeng" patuloy pa ni Fidel, may lungkot at panghihinayang sa tono ng pananalita nito dahilan para makaramdam si Salome ng kaba.

"Nakita ko ang ginawa mo kanina sa isang binatilyo sa palengke..." dagdag pa ni Fidel, at sa mga oras na iyon gulat na napatingin si Salome sa kaniya.


Hindi maaari... alam na niya...


"Batid kong galit, poot at hinanakit ang nag-udyok sa iyo upang tahakin ang landas na iyan... ngunit naniniwala ako na ikaw pa rin si Salome... ikaw pa rin ang Lumeng na nakilala ko sa San Alfonso na ang nais lang sa buhay ay matutong magbasa at magsulat, pakainin at kausapin si ChingChing araw-araw at naghahatid ng saya at ngiti sa lahat" tugon ni Fidel, napayuko naman si Salome. Wala na siyang mukhang maiharap sa binata lalong-lalo pa dahil pinapaalala nito ang dating siya.

"Hindi ko rin akalain na makikilala mo ako nang araw na iyon, kahit pa ikinubli namin ni Patricio at Geronimo ang aming pagkatao suot ang mga salakot at damit ng mga magsasaka sa hacienda upang iligtas kayo sa kamay nila Gobernador Filimon at Heneral Martino... hindi ko akalaing makikilala mo ako" saad ni Fidel, naalala nila ang tagpong iyon kung saan sandali silang nagkatitigan ni Salome bago matapos niyang panain sa sikmura si Fernando.


Agad hinila ni Mang Berto si Salome papalayo upang makatakas na sila, binuhat siya ni Mang Berto papunta sa talahiban na patungo sa lawa ng luha at sumakay silang lahat sa bangka patawid sa kabilang isla. Samantalang dali-dali namang tumakbo si Fidel paakyat sa ibabaw ng mga bubong ng mga kabahayan sa gitna ng plaza at naglaho siya sa kagubatan. Doon ay nagpapalit na rin ng damit si Patricio at Geronimo sa kanilang nakagawiang bihis na mga mamahaling kasuotan mula sa Europa upang hindi sila paghinalaan nila Gobernador Filimon dahil nawawala sila sa kaguluhan.


"Ang paghawak ng patalim at armas ay mahirap... sa tuwing naaalala ko kung ilang buhay ang kinitil ko noong araw na iyon ay hindi na ako makatulog at makakain ng maayos. Walang kapayapaan sa paggamit ng dahas Lumeng... kundi isa itong lason na patuloy na papatay sa dating ikaw" tugon ni Fidel, parang isang malakas na sampal sa realidad ang humampas kay Salome dahil sa mga tinuran ng binata.


Tumayo na lang si Salome at akmang aalis na pero agad hinawakan ni Fidel ang kamay niya para pigilan siya. "Hayaan mong ako ang magdala ng katarungan para sa iyong pamilya Lumeng... hayaan mong ako ang gumamit ng dahas upang mabigyang hustisya ang pagkamatay ng iyong itay at kapatid" giit ni Fidel habang seryosong nakatingin sa mga mata ni Salome. Sinubukan namang alisin ni Salome ang pagkakahawak ng binata sa kaniyang kamay ngunit parang nanghihina siya... parang awtomatikong sumusuko siya dahil sa hawak at presensiya ni Senor Fidel na nasa harapan niya.


Tuluyan nang lumubog ang araw kung kaya't madilim na sa bahagi ng ilog na nasa tabi ng palengke at kagubatan na kung saan sila naroroon. Ngunit kahit ganoon ay malinaw na malinaw pa rin kay Salome ang mukha ni Senor Fidel na malapit lamang sa kaniya.


"B-bakit mo ginagawa ito? H-hindi mo naman kailangang pakialaman ang buhay ko" giit ni Salome, hindi naman agad nakapagsalita si Fidel. Ilang sandali pa, nakita niya ang isang maliit na liwanag na rumrepleka sa malinaw na tubig ng ilog.


Biglang sumilay ang ngiti kay Fidel na pinagtaka naman ni Salome, ilang saglit pa ay unti-unting dumarami ang liwanag na rumerepleka sa tubig ng ilog hanggang sa mapatingala na lamang si Fidel sa kalangitan "Ngayon pala ang taunang pista ng inyong tradisyon" wika ni Fidel habang nakangiting nakatingala sa kalangitan. Hawak-hawak pa rin niya ang kamay ni Salome.


"Anong---" hindi na natapos ni Salome ang kaniyang sasabihin dahil nanlaki ang mga mata niya nang makita ang libo-libong mga Lantern na nagliliwanag sa buong kalangitan. Bigla niyang napagtanto na kaya siguro siya sinabihan ni Danilo na magtungo sa daungan ay upang masaksihan nila ang pagpapakawala ng mga Lantern sa ere.

Ang kaninang puno ng galit, poot, lungkot, hinagpis at pagkalito ng kaniyang puso ay biglang napalitan ng kakaibang saya habang pinagmamasdan ang nagagandahang mga Lantern na nagliliwanag sa madilim na kalangitan.


"Alam mo ba ang ibig sabihin ng pagpakawala ng parol na ito sa kalangitan?" tanong ni Fidel, napatingin naman si Salome sa kamay niyang hawak-hawak pa rin ng binata hanggang ngayon. "P-para matupad ang iyong hiling" sagot ni Salome, ramdam niya ang pagdaloy ng kuryente sa kaniyang buong katawan dahil maghawak sila ng kamay ngayon ni Senor Fidel.

"At bukod sa katuparan ng kahilingan, ang pagpapakawala raw ng parol sa kalangitan ay nangangahulugang pinapalaya mo na ang lahat ng problema, galit, poot at panghihinagpis na nanahan sa iyong puso" tugon ni Fidel sabay tingin ng diretso sa mga mata niya.

"Nais kong pakawalan mo ang lahat ng galit, poot, lungkot at hinanakit na namumutawi sa iyong puso... Lumeng" wika pa ni Fidel sabay hakbang papalapit kay Salome. Nanlaki naman ang mata ni Salome at nang humakbang siya paatras ay agad siyang hinila ni Fidel papalapit sa kaniya, dahilan upang mapahawak siya sa dibdib ng binata.

Ilang sandali pa, nagulat si Salome nang biglang kunin ni Fidel sa kaniyang likuran ang isang Lantern na inilagay niya pala sa likod ng batong inuupuan nila kanina at hindi niya iyon napansin. May sindi na ito at hindi niya rin napansin kanina dahil nakakubli ito sa ilalim ng bato.

"Hinihiling ko na pakawalan mo ang lahat ng galit na mayroon ngayon sa puso mo at hayaan mong ako ang maghatid ng Kapayapaan sa iyong puso... Lumeng" patuloy pa ni Fidel saka pinakawalan niya sa ere ang Lantern na hawak niya.


~Di kita malimutan
Sa mga gabing nagdaan
Ikaw ang pangarap
Nais kong makamtan
Sa buhay ko ay
Ikaw ang kahulugan~


~Pag-Ibig ko'y
Walang kamatayan
Ako'y umaasang
Muli kang mahagkan~


Tinanaw nila ang napakagandang Lantern na iyon na patuloy na umaangat at kumakawala sa kalangitan habang humahalo sa iba pang mga kahilingang naroon. Muling napasulyap si Fidel kay Salome at napangiti na lamang siya nang muli niyang masaksihan ang matamis na ngiti ng dalaga habang nakatingala sa kalangitan at pinagmamasdan ang libo-libong mga Lantern. Matagal na rin niyang hindi nasaksihan ang ngiti ni Salome at iyon ay labis na ikinagagalak niya.


~Ikaw at ako'y
Sinulat sa mga bituin
At ang langit
Sa gabi ang sumasalamin~


~Mayroong lungkot at pananabik
Kung wala ka'y kulang ang mga
Bituin~


~Aasa ako, (aasa ako)
Babalik(babalik)
Ang ligaya,
Aking mithi(sa kin mata)~


~Hanggang sa muling(Hanggang)
Pagkikita(pagkikita)
Sasabihin mahal kita~

~Ikaw pa rin ang hanap ng
Pusong ligaw
Ikaw ang patutunguhan at
Pupuntahan,
Pag ibig mo ang hanap ng
Pusong ligaw
Mula noon, bukas at Kailanman~


Ilang sandali pa, muling napalingon si Salome kay Fidel nang bigla nitong hawakan ulit ang kaniyang mga kamay. "Hindi ko pa pala nasasagot ang iyong tanong kung bakit ko ginagawa ang lahat ng ito para sa iyo" wika pa ng binata habang nakatitig sa mata ng dalagang matagal na niyang sinisinta.


"Te amo Salomé ... y seguiré diciendo eso hasta que nos encontremos de nuevo" (I love you Salome... and will still say that until we meet again) tugon ni Fidel, dahan-dahan niyang hinawakan si baywang si Salome at unti-unti niyang inalapit ang kaniyang mukha sa dalaga. Puno man ng kaba, mas nangingibabaw pa rin ang pananabik at kakaibang saya sa puso ni Salome habang dahan-dahan niyang ipinikit ang kaniyang mga mata at mainit na sinalubong ang pagdampi ng labi ng lalaking matagal na niyang pinapangarap.


Kasabay niyon ang pag-ihip ng malamig at marahan na hangin na dumadampi sa kanilang balat. Ang liwanag ng gabi na mas lalong pinasigla ng dalawang pusong nagmamahalan.


Sa pagsalubong ng halik ay dahan-dahang hinugot ni Salome ang pang-ipit na patalim na nakatusok sa kaniyang buhok at inilagay iyon sa kamay ni Fidel.


Isinusuko ko na sa iyo ang lahat... mahal ko.



*******************

Featured Song:

'Pusong Ligaw' by Jericho Rosales


A/N: Hindi ko mapigilang kiligin habang pinapakinggan ko ang 'Pusong Ligaw' by Jericho Rosales. Tagos sa heart yung line na 'Mula noon... bukas... at kailanman'


https://youtu.be/O42ZTjx0_q0

'Pusong Ligaw' by Jericho Rosales

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top