Kabanata f(x - 31)
[Kabanata 31]
Our Asymptotically Love Story
(page 227 - 243)
Ika-LabingLimang Kabanata
Filipinas 1688
"LADRON! (THIEF!) malakas na sigaw ng isang guardia civil na nagpasiklab ng takot sa mga taong nakikinig ng misa. Kasunod nito ay umalingawngaw sa paligid ang tatlong magkakasunod na putok ng baril dahilan para mapasigaw ang lahat ng tao at magsitakbuhan. Ang ilan ay nagkabanggan pa at natapakan ang isa't-isa. Agad namang pumaligid ang mga guardia civil paikot sa plaza San Alfonso at prinotektahan ang mga principales na malapit sa entablado.
Agad hinawakan ni Fidel ang kamay ni Salome, "Umalis na tayo rito!" sigaw ng binata, napatingin naman si Salome sa kaniyang itay, kuya Ernesto at Ate Roselia na agad din siyang hinila papalayo. Muling napalingon si Salome sa kinaroroonan ng guardia civil na nagpaputok ng baril.
Parang biglang huminto ang pag-ikot ng kaniyang paligid, animo'y nabuhusan siya ng napakalamig na tubig na naging dahilan upang hindi na siya makagalaw ngayon sa kaniyang kinatatayuan nang makitang nagkalat ang dugo at nakahandusay na sa lupa si...
Danilo.
"NILONG! HINDI!" sigaw ni Salome sabay piglas sa pagkakahawak ni Fidel at dali-dali siyang tumakbo papunta sa kinaroroonan ni Danilo ngunit napatigil siya nang bigla siyang niyakap ni Fidel pabalik upang pigilan dahil kasalukuyang pinaghahabol ng mga guardia civil ang dalawa pang binatilyo na kumakaripas ng takbo papunta sa kagubatan.
"DANILO! ANAK!" sigaw ni Tay Isko at siyang tumakbo papunta kay Danilo na nakahandusay pa rin sa lupa ngunit maging siya ay nakatikim ng lupit mula sa mga bantay.
"MIERDA!" (SHIT!) sigaw ng isang guardia civil sabay hampas sa likod ni Tay Isko dahilan para mapasubsob din ito sa lupa. "¡BAJATE! ¡MATARÉ A ESTE LADRÓN!" (GET OFF! I WILL KILL THIS THIEF!) buwelta pa nito sabay hampas at sipa sa likod ni Tay Isko. kasalukuyang kinakapkapan ngayon ng iba pang mga guardia civil ang walang malay na katawan ni Danilo habang patuloy na dumadanak ang dugo mula sa tiyan, labi at binti ng binatilyo.
Kasabay niyon ay agad nilang hinila papalayo si Tay Isko at siyang ginulpi naman ng tatlo pang guardia. "¡De tal palo tal astilla! Los Indios son realmente dolor en el culo!" (Like father, Like son! Indios are really pain in the ass!) buwelta pa ng mga ito habang patuloy na tinatadyakan at hinahampas si Tay Isko gamit ang kanilang mahahabang mga baril.
"ITAAAY!"
"TAMAAA NA! PAKIUSAP!"
"MGA H*YOP!" galit na sigaw ni Ernesto sabay tulak sa mga guardia at yakap sa ama. Inako niya ang hampas at sipa ng tatlong guardia civil sa kaniyang ama. "TAMA NA!" pagmamakaawa pa ni Roselia pero sinagi lang siya ng malupit na Kastilang guardia. Hindi naman sila makalapit kay Danilo dahil patuloy pa rin itong kinakapkapan ng ilang mga guardia.
"¡PERSÍGUELOS!" (CHASE THEM!) sigaw pa ni Padre Bernardo sabay turo sa dalawa pang binatilyo na halos magkandarapa na sa pagtahak sa masukal na kagubatan na nasa likod ng ginagawang Simbahan.
"DETENER!" (STOP!)" biglang sigaw ni Fidel dahilan para mapatigil ang mga guardia, gulat namang napalingon sa kaniya sina Padre Bernardo, Gobernador Filimon Alfonso, Don Antonio Flores at Senorita Eleanor. Maging si Salome na hawak-hawak niya ay napatigil sa pag-iyak at gulat ding napalingon sa kaniya.
"Necesitas pruebas para probar que es un ladrón. Un juicio debe ser hecho antes del castigo" (You need evidence to prove that he is a thief. A trial must be done before punishment) buwelta ni Fidel habang seryosong nakatingin sa mga kapwa Kastilang nasa posisyon ng Gobyerno. "Y matar a un niño inocente sólo demostrará lo sucio del sistema de Justicia aquí" (And killing an innocent child will only prove how dirty the system of Justice here) patuloy pa ni Fidel sabay tingin kay Gobernador Filimon Alfonso na napatikhim pa at napaiwas ng tingin sabay inayos ang kaniyang sumbrero.
Napahinga ito ng malalim saka umakyat sa maliit na entablado na tinatayuan kanina ni Padre Bernardo. Nakatutok ang lahat ng mamayan ng San Alfonso sa kaniyang sasabihin, mga buntong-hininga at mahihinang hikbi lamang ang naririnig na ingay sa paligid. Ang naging pag-aresto at hakbang ng pagpataw ng parusa ng mga guardia sa binatilyong si Danilo at ang ama at kapatid nito na si Tay Isko at Ernesto ay labis na nagdulot ng matinding takot sa lahat ng mamamayan ng San Alfonso.
"¡Por lo tanto, declaro detenerlos! Y haremos un juicio mañana antes del crepúsculo" (I therefore declare to arrest them! And we will conduct a trial tomorrow before twilight) seryosong tugon ni Gobernador Filimon Alfonso habang nakatingin din ng diretso kay Fidel. Animo'y may pasibol na hidwaan at hindi pagkakaunawaan sa kanilang dalawa.
Bumaba na ang Gobernador sa entablado at dire-diretso itong sumakay sa kalesa, pinigilan pa siya ni Senorita Eleanor ngunit pinilit din niyang sumakay ang pamangkin. Nabalot naman ng pagtataka at takot si Eleanor habang tinatanaw si Fidel. Batid niyang ang ginawang pagtatanggol ni Fidel sa mga Indio at pagkuwestiyon sa pangyayari kanina ay nakapagdulot ng matinding kahihiyan sa kaniyang tiyo na siyang Gobernador ng bayan.
Nang gabi ring iyon ay hindi na nag-aksaya pa ng oras sina Salome, Nay Delia, Felicidad at Roselia. Halos tatlong oras na silang nakatayo sa labas ng himpilan ng mga guardia civil kung saan nakakulong sina Tay Isko, Ernesto at Danilo.
Bagama't mabigat ay hindi alintana ni Salome ang dala-dala niyang malaking palayok na naglalaman ng halamang gamot para sa sugat na tinamo ng kaniyang itay at dalawang kapatid. Halos wala ng katao-tao na naglalakad sa kalsada dahil sa nangyaring kaguluhan kanina sa plaza San Alfonso.
Tanging mga ingay na lamang mula sa kuliglig at mga yapak ng mga nagroronda na mga guardia civil ang umaalingangaw sa buong paligid. "Por favor déjanos entrar" (Please let us in) pakiusap ni Nay Delia bigla namang natawa ang dalawang bantay na guardia sa labas nang magsalita si Nay Delia sa wikang Kastila.
"Un indio que habla nuestro idioma" (An Indio speaking our language) tawa nila habang minamaliit ang mga kababaihan kanina pa nakikiusap na madalaw ang mga bihag. Ilang sandali pa ay biglang napatigil sa pagtatawanan at pangungutya ang dalawang guardia civil nang huminto ang isang kalesa sa kanilang tapat.
Agad silang yumukod at nagbigay galang nang bumama si Senorita Eleanor Alfonso sa kalesang iyon. "No es correcto dejar que las mujeres esperen aquí afuera, ¿es esto lo que un hombre debe actuar?" (It is not right to let the women wait here outside, is this what a man should act?) seryosong tugon ni Eleanor, kasunod namang bumaba sa kalesa ang dalawang batang lalaki na kaniyang pamangkin na anak ni Gobernador Filimon Alfonso.
"Y no es correcto burlarse de nosotros ... mujeres" (And it is not right to make fun with us... women) saad pa ni Senorita Eleanor dahilan para manginig sa kaba ang dalawang guardia civil. Hawak niya sa kaniyang magkabilang kamay ang dalawang pamangkin na idadaan niya sana sa pamilihan bago sila umuwi.
Napalingon si Senorita Eleanor sa kinatatayuan nila Salome, nakaramdam ng awa ang dalaga dahil sa kalunos-lunos na sinapit ng pamilya ni Salome. "Déjales entrar" (Let them in) utos ni Eleanor sa dalawang guardia civil na nagkatinginan pa dahil sa gulat.
"Pero el Gobernador nos ordenó ----" (But the Governor ordered us----)
"Dije que los dejara entrar" (I said let them in) muling utos ni Eleanor, napakibit balikat na lang ang dalawang guardia saka binuksan ang pinto. Agad hinawakan ni Salome ang kamay ni Eleanor upang magpasalamat ngunit umiwas ang Senorita.
"Es lo menos que pude hacer ..." (It is the least I could do...) wika ni Eleanor sabay tingin kay Salome at sa pamilya nito. Nagtataka namang napatingin sa kanila ang dalawang batang Alfonso bago ito pinasakay muli ni Eleanor sa kalesa. "M-maraming Salamat po Senorita Eleanor" muling wika ni Salome ngunit isang tingin lamang ang isinukli sa kaniya ng Senorita.
Amoy ng tabako ang sumalubong sa kanila nang makapasok sila sa himpilan ng mga guardia civil. madilim ang buong paligid, tanging mga ilaw lamang mula sa maliliit na sulo ang nagbibigay liwanag sa loob ng istruktura na gawa sa makapal na bato.
Pahaba at makipot ang daan, may sampung selda na nakahelera sa bawat gilid ng pasilyo. Ilang sandali pa, ay natanaw na nila ang dalawang selda sa pinakadulo. Naunang tumakbo si Roselia at agad itong napabagsak sa sahig nang makita ang kalunos-lunos na kalagayan ng kaniyang asawa na si Ernesto.
"Nestong!" wika ni Roselia habang dahan-dahan na inaabot ang kamay ni Ernesto sa pagitan ng rehas. Sa katabing selda ay naroon naman si Danilo na hinang-hina habang nakahandusay sa sahig. Nakapulupot na sa tiyan at binti nito ang damit ni Tay Isko na hinati sa dalawa upang pigilan ang pagdanak ng dugo.
Habang bakas na bakas naman sa katawan ni Tay Isko ang mga sugat, galos at pasa na tinamo niya nang bugbugin siya kanina sa plaza. "Itaay! Nilong!"
Naalimpungatan si Tay Isko habang nakasandal ito sa malamig na pader na gawa sa bato, napatong naman ang ulo ni Danilo sa kaniyang binti. "P-paano kayo---"
"Ssshh... sa ngayon Mahal, kailangan munang magamot ang inyong mga sugat" tugon ni Nay Delia na kahit nanginginig ay nagawa pa rin niyang ngumiti upang itago ang takot at sakit na nararamdaman. "Baka mahuli kayo ng mga guardia..." wika pa ni Tay Isko, agad namang isinawsaw ni Nay Delia at Salome ang piraso ng tela sa halamang gamot na dala nila at dahan-dahan itong ipinahid sa katawan ni Tay Isko. Si Salome naman ang nag-angat sa ulo ni Danilo na kinakapos na ng hininga.
Mabuti na lang dahil malalaki ang pagitan ng rehas kung kaya't hindi sila nahihirapan na maabot ang isa't-isa. Agad nilinis ni Salome ang mga nabuong dugo sa tiyan at binti ni Danilo bago niya ito binuhusan ng katas ng bayabas. Napasigaw naman sa sakit si Danilo ngunit agad hinagkan ni Felicidad ang ulo ng kapatid.
Mabilis na itinali ni Salome ang piraso ng tela sa sugat ni Danilo upang hindi na dumanak muli ang dugo. Hindi naman niya mapigilang maluha habang ginagamot ang kapatid dahil namumutla na ito at hinang-hina na rin. Ang paraang iyon ay natutunan niya pa mula sa kaniyang inay, at dahil wala na sa sarili si Nay Delia, siya na mismo ang nagpataw ng paunang lunas kay Danilo.
Ilang sandali pa, ay natapos na rin si Roselia sa paglilinis ng mga galos at sugat na natamo ni Ernesto. Habang si Nay Delia naman ay maingat na ipinapahid ang gamot sa sugat ni Tay Isko.
Nabasag ang katahimikan sa pagitan nilang lahat nang magsalita si Tay Isko. "Natutuwa akong makita na hanggang dito ay magkakasama at nagtutulungan pa rin tayo" wika ni Tay Isko dahilan para mapatigil sila sa kani-kanilang mga gawain. "Nasaan nga pala si Julio?"
"Iniwan po muna namin siya Itay sa tahanan nila Aling Teodora at Ising" sagot ni Felicidad, napatango lang si Tay Isko at hinawakan ang kamay ni Felicidad. "Ikaw... ang una naming prinsesa, nang isilang ka ng iyong ina hindi matatawaran ang saya sa amin dahil matagal nang pangarap ng iyong ina na magkaroon ng babaeng anak, Naalala ko pa na halos araw-araw at gabi-gabi nagdarasal sa harap ng imahe ni Buddha ang iyong ina noong ipinagbubuntis ka niya" panimula ni Tay Isko sabay hawak sa mukha ni Felicidad. "Hindi naman kami nabigo dahil biniyayaan kami ng napakagandang dilag... na masunurin at maalalahanin" patuloy pa ni Tay Isko, kasabay niyon ang pagpatak ng luha sa mga mata ni Felicidad at agad siyang yumakap sa kaniyang tatay. Hindi man siya ganoon kalapit sa kaniyang itay dahil palaging ang kaniyang inay ang kasama niya ngunit kahit ganoon ay ramdam pa rin niya ang pagmamahal at pag-aaruga ng isang ama.
Napatingin naman si Tay Isko kay Danilo na nakahiga pa rin sa kaniyang binti. Muli niyang hinimas-himas ang ulo nito. "Ang pinaka-pilyo kong anak na binatilyo... Danilo. Alam mo bang sa tuwing nakikita kita ay napapangiti ako, lalo na sa tuwing ibabalita mo sa akin ang iyong karanasan sa mga pinapasukan mong mga trabaho, noon pa man ay natutuwa na ako dahil marunong ka ng magbanat ng buto sa murang edad, at naniniwala ako na hindi mo magagawang magnakaw... hindi ba anak?"
Tahimik lang silang lahat na nakikinig ngayon sa sinasabi ni Tay Isko, animo'y bawat salitang binibitiwan nito ay nagpapabalik sa mga alaala ng pamilya nila noong masaya at payapa pa silang namumuhay sa Tondo.
"Ano po ba ang tinutukoy nilang ninakaw ni Danilo?" tanong ni Felicidad, napahinga naman ng malalim si Tay Isko bago muling nagsalita "Tinangka raw ipuslit ni Danilo, Paterno at Felipe ang limang baso na gawa sa tanso na gamit ng Simbahan"
"Imposible! Hindi iyon magagawa ni Danilo... at hindi rin iyon gagawin ni Felipe at ni Paterno... Hindi ba't asawa na ni Paterno si Piyang? Imposibleng gagawa ng ganoon si Paterno dahil malalagay sa panganib ang kaniyang pamilya" wika ni Felicidad na sinang-ayunan naman ni Roselia.
Hindi naman nakapagsalita si Salome, naalaala niya bigla ang pamilyar na itsura ng dalawang lalaki na kumakaripas din ng takbo papalayo nang magkagulo sa plaza. Nahahawig ang dalawang lalaking iyon na tinutugis ng mga guardia kay Paterno at Felipe.
"Nahuli ba ang dalawang binata na hinahabol din ng mga guardia kanina?" tanong naman ni Roselia, napailing naman si Tay Isko bilang sagot. "Kung gayon, paano nasabing si Paterno at Felipe ay kasama ni Danilo? Paano nasabing nagnakaw sila?" habol pa ni Roselia. Pare-pareho na silang nag-iisip ng malalim ngayon.
"Matapos ang gulo kanina sa plaza, ipinatawag at pinapila ang lahat ng kalalakihan sa San Alfonso at napag-alaman na tanging si Paterno at Felipe ang nawawala sa lahat ng listahan. Ang listahang ginamit ay ang listahan ng mga pangalan ng mga kalalakihan na kasapi sa polo y servicios, tiningnan din nila ang listahan ng lahat ng mamamayan na nagbabayad ng Tributo... tanging si Paterno at Felipe lamang ang nawawala sa buong bayan kanina" sagot ni Ernesto. Maliit pa lamang ang bilang ng populasyon sa bayan ng San Alfonso kung kaya't halos magkakakilala ang mga tao.
Naalala bigla ni Salome noong isang araw na nakita niyang may bitbit na apat na sakong trigo si Danilo.
Ibinigay na sa akin ito ni Padre Bernardo, sobra-sobra ang natatanggap na handog ng mga mamamayan para sa Simbahan - Danilo
"Itay! Nasabi po sa akin ni Danilo na ibinigay raw sa kaniya ni Padre Bernardo ang apat na sako ng trigo na nasa ating tahanan" sabat ni Salome, hindi magawang makapagsalita ni Danilo dahil sobrang nanghihina pa ito.
"Maaaring pakana ito ng prayleng iyon... ngunit bakit? Bakit niya ipapahamak si Danilo?" tugon ni Ernesto. Wala namang nakaimik sa kanilang lahat, pare-parehong hinahanap ang kasagutan sa kanilang mga katanungan.
"Ipaglalaban natin iyan sa hukuman bukas!" patuloy pa ni Ernesto, bagama't nanghihina na, hindi pa rin napapawi ang galit na kaniyang nararamdaman.
"Sa tingin niyo ba ay may pag-asa tayo sa hukuman? Na ang magsisilbing hukom ay isang Kastila rin?" tugon ni Nay Delia, isang malakas na sampal ng realidad ang tumama sa kanilang lahat. Sandali silang natahimik, ang Sistema ng hustisya para sa kanilang mga Indio ay tulad ng pagsuong sa butas ng karayom.
"Ngunit kakampi natin ang bayan, batid ng lahat na hinding-hindi magagawa ni Danilo, Paterno at Felipe ang magnakaw!" wika pa ni Ernesto, magsasalita pa sana siya ngunit nagsalita na ang kaniyang ama. "Ikaw Ernesto ang pinaka-matanda sa iyong mga kapatid, kung kaya't ikaw rin ang pinaka-nararapat na umunawa sa lahat... sa mundong ito walang pagkakapantay-pantay, ang mga maliliit ay patuloy na tatapakan ng mga malalaki, ang mahihirap ay patuloy na pahihirapan ng mga malalakas, ang mga mababa ay patuloy na ibababa ng mga nasa itaas" pangaral ni Tay Isko, kahit mahirap ay pilit niyang inabot ang balikat ni Ernesto na nasa kabilang selda.
"Upang magkaroon ng pagkakapantay-pantay... kailangang lumaban ang mga maliliit upang hindi na tapak-tapakan pa, kailangang umahon sa kahirapan ang mahihirap upang sila naman ang maging malakas... at upang makamtam iyon... kailangang umakyat patungo sa itaas ang mga aba nang sa gayon ay magapi ang mga nasa itaas ng kapangyarihan" bagama't nanghihina ay nagawang palakasin ni Tay Isko ang loob ng kaniyang pamilya.
"Mahal... anuman ang iyong nais ipabatid, patuloy ko pa rin inaalala ang buhay na pangako mo sa ating pamilya nang magtungo tayo sa bayang ito" wika ni Nay Delia sabay hawak ng mahigpit sa kamay ng kaniyang asawa. Ang mga salita nito ay nagpapalakas nga sa kanilang mga kalooban, nagpapalakas sa puntong nag-uudyok sa digmaan.
Tila isang pana na tumama sa puso ni Tay Isko ang mga salitang binitiwan ng kaniyang asawa. Ang pangakong kaniyang binitiwan nang lisanin nila ang bayang kinalakihan, ang bayan ng Tondo.
Mahal... huwag kang mangamba, Isang buhay na payapa at masaya ang ating haharapin sa bayan ng San Alfonso. Ating masasaksihan ang paglaki ng ating mga anak hanggang sa magkaroon sila ng kani-kaniyang pamilya. Masasaksihan natin ang paglaki ng ating mga inapo at ang unti-unting pagbabago ng mundo.
Hindi na nakapagsalita pa si Tay Isko, tahimik na pagtangis at yakap na lamang sa kaniyang asawa ang kaniyang nagawa. Ang pangako na malabo nang mangyari ay mababaon na lamang sa alaala ng bawat isa.
Agad napayakap ang magkakapatid sa kanilang ina at ama. Inaalala ang mga sandali na hawak kamay nilang kinakaharap ang lahat ng problema. Sa huling pagkakataon ay muling iniangat ni Tay Isko ang kaniyang ulo, at ang tumatangis na si Salome ang kaniyang unang nakita. "Lumeng... sa tuwing binibigkas ko ang iyong pangalan ay nagkakaroon ako ng Kapayapaan. Naalala ko noong panahong ipinagbubuntis ka pa ng iyong ina, inakala naming isa kang lalaki dahil ikaw daw ay malikot sa sinapupunan ng iyong ina" ngiti ni Tay Isko habang pinapahid ang luha ni Salome.
Sa kanilang limang magkakapatid si Salome ang pinakamalapit at pinakamalambing sa kaniyang tatay. Palagi siyang katuwang nito sa pangingisda, pagsasaka, pag-aararo, paghuhulma ng palayok, pagkakarpintero, pagpapanday at paggawa ng mga armas noong bata pa siya.
"H-hindi ko pa pala nasasabi sa iyo anak na ako mismo ang pumili ng iyong pangalan... Salome" muling wika ni Tay Isko habang nakangiti ito, bagama't patuloy rin ang pagtulo ng mga luha sa kaniyang mga mata, nais pa rin niyang pagaanin ang loob ng kaniyang paboritong anak.
"Kapayapaan ang dala mo sa aming lahat... at naniniwala akong sa buhay na ito mahahanap mo rin ang Kapayapaan anak" tugon ni Tay Isko sabay yakap kay Salome. Yumakap na rin si Nay Delia, Felicidad, Roselia at Ernesto sa kanila. Sa pagkakataong iyon, hindi man nila sabihin, hindi man nila isipin, batid nila na ang panganib na paparating sa kanilang pamilya ay malapit na nilang kaharapin.
"Nay... kumain na po kayo" pakiusap ni Salome sabay abot ng mangkok ng lugaw kay Nay Delia na hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang pagtangis. Mag-hahatinggabi na ngunit ni isa sa kanila ay hindi pa rin natutulog.
Sa kabilang kwarto naman ay inaaliw ni Felicidad ang batang si Julio na walang kamalay-malay na nasa bingit na ng kamatayan ang kaniyang itay, kuya Ernesto at kuya Danilo. Kinukuwentuhan na lang ni Felicidad ng mga alamat si Julio habang pinapatulog ito.
Samantala, nasa salas naman si Roselia at patuloy na nanalangin hawak-hawak ang kaniyang rosaryo. Mag-aapat na oras na siyang hindi tumitigil sa pananalangin habang patuloy ang pagpatak ng luha sa kaniyang mga mata. Labis siyang nag-aalala sa kalagayan ng kaniyang asawa na si Ernesto.
"Kung nakinig lamang sana ako sa mga banta, kung hindi ko sana binalewala ang mga senyales na aking nakikita, kung hindi sana ako umasa na mamumuhay tayo rito ng payapa... hindi sana natin sinapit ang lahat ng ito" tugon ni Nay Delia habang nakatulala sa tapat ng bintana, kasabay niyon ay ang walang awat na pagpatak ng kaniyang luha.
Ngayon na lamang muli nakita ni Salome na umiyak ang kaniyang Inay, at masakit para sa kaniya ang makitang nagkakaganoon ang kaniyang nanay. "S-siguradong malulungkot po si itay kapag hindi po kayo kumain" saad ni Salome sabay abot muli ng mangkok ng lugaw sa kaniyang inay pero hindi pa rin nito pinansin ang pagkain.
"Wala ng mas lulungkot pa sa katotohanang ikaw ay maiiwang mag-isa..." muling tugon ni Nay Delia habang nakatulala sa labas ng bintana habang pinagmamasdan ang unti-unting pagpatak ng ulan na nagpalala sa kalungkutang kanilang nararamdaman.
"Inay, huwag niyong sabihin iyan" tugon ni Salome ngunit nanatili lang tulala ang kaniyang inay sa tapat ng bintana. "Tulad ng malamig na ihip ng hangin sa gabi, Tulad ng napakadilim na paligid sa ilalim ng kabilugan ng buwan at Tulad ng walang humpay na pagpatak ng ulan... Ang kalungkutang nararanasan ng puso ng taong naghahanda na sa katapusan" muling saad ni Nay Delia na animo'y wala sa sarili.
Dahan-dahan namang napatingin si Salome sa labas ng bintana, maging siya ay nakaramdam ng kakaibang kalungkutan habang pinagmamasdan ang patuloy na pagpatak ng ulan.
Wala na ngang mas lulungkot pa sa kalungkutang hatid ng bawat patak ng ulan...
Makalipas ang dalawang oras, naalimpungatan si Salome nang makarinig siya nang kaluskos mula sa labas ng kanilang bahay. hindi niya namalayan na nakatulog na pala siya kanina sa papag ng kuwarto sa tabi ng kaniyang inay. Paupos na rin ang liwanag mula sa kandila na nasa tabi niya, at napangiti siya ng kaunti dahil sa wakas ay nakatulog din pala ang kaniyang ina.
Napatingin siya sa mangkok ng lugaw sa gilid nito at napahinga na lang ng malalim dahil hindi ito ginalaw ng kaniyang inay. Ilang sandali pa, nakarinig muli siya ng kaluskos mula sa labas kung kaya't dali-dali siyang bumangon upang isara ang binata ngunit nagulat siya nang biglang may kamay na humarang sa kanilang bintana upang hindi ito maisara.
Muntikan na siyang mapasigaw dahil sa gulat ngunit biglang tinakpan ng taong iyon ang kaniyang bibig, at agad siyang hinila papalapit sa bintana sabay hawak sa kaniyang baywang upang hindi siya makagalaw.
"Ako ito..." bulong nito, nanlaki naman ang mga mata ni Salome nang makilala ang boses at ngiti ng taong iyon. Senor Fidel?
A-anong ginagawa niya rito?
"Sumunod ka sa akin, hihintayin kita sa labas ng inyong tahanan" bulong pa ni Fidel at dahan-dahan na niyang binitiwan si Salome. Ilan segundo ring natulala ang dalaga dahil sa naging tagpo nila. napahawak siya sa tapat ng kaniyang puso dahil sa lakas ng pagkabog nito. Napahawak rin siya sa kaniyang labi at baywang na kung saan ramdam na ramdam pa rin niya ang mainit na haplos ng binata.
Natauhan lamang siya nang muling sumulip si Fidel sa kanilang bintana, "Lumeng?" muling tawag nito. Nakabalot ng itim na panaklob sa mukha ang binata at may suot din itong itim na sumbrero. Ang kaniyang kasuotan ay nababalot din ng itim. "O-opo Senor" sagot ni Salome sabay hakbang ng dahan-dahan palabas sa silid ng kaniyang inay.
Nang makalabas na siya sa kwarto, naabutan niyang nakatulog na rin ang kaniyang ate Roselia sa salas habang yakap-yakap nito ang rosaryo, natuyo na rin ang kaniyang luha at pawis na naghalo.
Sumilip din muna si Salome sa silid ng kaniyang ate Fe at nakita niyang tulog na rin ito habang yakap-yakap si Julio. Pinatay na muna niya ang mga naiwang sindi ng kandila, saka binitbit ang gasera na nasa ibabaw ng kanilang hapag.
Dahan-dahan siyang naglakad papunta sa pinto sa likod ng kanilang kusina, at nang buksan niya ang pinto agad sumalubong sa kaniya ang malamig na hangin na hatid ng ulan, maging ang talamsik ng tubig ulan ay sumaboy rin sa kaniyang mukha at katawan.
Mabuti na lamang dahil nasa gilid lamang ng pinto si Fidel at agad ibinalot ng binata ang isang makapal na talukbong na kulay itim sa kaniya. Agad siyang inalalayan nito papalabas sa pinto habang hawak-hawak ang kaniyang balikat. Sa sobrang bilis ng pangyayari ay wala ng nagawa pa si Salome kundi sumunod kay Fidel kung saan man siya nito dadalhin.
Tinahak nila ang daan gamit lamang liwanag mula sa gaserang dala ni Salome, nakaakbay sa kaniya ang binata habang magkasalo sila sa malaking kulay itim na talukbong upang panangga sa ulan. Ilang sandali pa ay narating na nila ang isang malaking puno na nasa likod lamang ng maliit na barong-barong ng pamilya Aguantar. Medyo may kalayuan ito sa kanilang tahanan kung kaya't hindi na nila kailangan pang mag-usap ng pabulong.
Nabalot na rin ng putik ang yapak at dulo ng saya ni Salome dahil sa maputik na daan na kanilang tinahak. Mabuti na lamang dahil hindi siya gaano nabasa dahil sa makapal na talukbong na ibinalot sa kaniya ni Fidel. "Sshh... huwag kang maingay Carisa" suway ni Fidel sa itim na kabayong nakatali sa malaking puno na kanilang sinisilungan na ngayon.
Nanlaki ang mga mata ni Salome nang makita ang tatlo pang kabayo sa likuran nila. tanging ang kabayo lamang ni Fidel na si 'Carisa' ang walang nakasabit na kalesa. Habang ang tatlo pang kabayo ay punong-puno ng kagamitan.
"M-mang Berto?" gulat na tugon ni Salome nang makilala ang isang lalaki na abala sa pagtatali ng mga kagamitan sa isang kalesa. "Mang Kiko?" muling tugon ni Salome nang makita ang isa pang lalaki na naghahakot ng gamit.
Hindi narinig ni Mang Berto at Mang Kiko ang pagtawag sa kanila ni Salome dahil abala ang mga ito sa pagbabalik-panaog sa kani-kanilang mga tahanan. Nagtatakang napalingon si Salome sa paligid, ang limang pamilya na kasama nilang nagtungo rito sa bayan ng San Alfonso ay nag-iimpake na ngayon.
"Ito ang plano Lumeng... lilisanin niyo ngayong gabi ang lugar na ito" narinig niyang tugon ni Fidel mula sa kaniyang likuran. Agad siyang napalingon sa binata, ramdam niya ang lungkot sa tono ng pananalita nito.
"N-ngunit... paano si itay? Si kuya Ernesto? Si Nilong?" pag-aalala ni Salome, kasabay naman niyon ang pagtakbo ni Mang Berto papunta sa tahanan nila Salome upang gisingin at hikayatin na mag-impake na ang buong pamilya Aguantar.
"Nasa sampung guardia lamang ang bantay sa himipilan ng mga guardia civil, naroon na sina Mang Pedro at ang ilang kalalakihan na kasama ng inyong pamilya at bago sumikat ang araw itatakas nila ang iyong itay at mga kapatid" sagot ni Fidel sabay hakbang papalapit kay Salome. Napatigil si Salome nang marinig ang huling sinabi ni Fidel 'Itatakas nila ang iyong itay at mga kapatid'
"Ngunit-Hindi, Delikado ang gagawin nila----"
"Wala nang ibang paraan... hindi tayo makakaasa sa pantay na hustisya ng hukuman para sa inyo" sagot ni Fidel, ang mga salita niyang iyon ang mas lalong nagpalinaw kay Salome na nasa magkaibang katayuan nga sila ni Fidel.
Isa siyang hamak na Indio na may dugong Intsik. At ang lalaking nasa harapan naman niya ay isang Kastila... isang mayaman, kilala at tinitingalang Kastila.
"Sa dulo ng lawa ng luha nakaabang ang tatlong bangka na inyong gagamitin upang makatawid sa kabilang isla, batid ni Patricio ang planong ito, kasalukuyan siyang nag-aabang ngayon sa labas ng himpilan ng mga guardia civil kung sakaling magkagulo ay agad nilang patatahimikin ang tensyon" saad pa ni Fidel, nanlaki naman ang mga mata ni Salome sa gulat.
Si Senor Patricio?
"Kung handa ka na Lumeng ay maaari ka nang sumakay sa kalesang iyon" turo ni Fidel sa kalesang nasa likuran nila. kasunod nito ay ang paglabas sa kanilang maliit na bahay kubo nila Nay Delia at Roselia na magkakapit-bisig, habang si pasan-pasan naman ni Felicidad si Julio sa kaniyang likuran.
Hindi na ganoon kalakas ang patak ng ulan, tanging ambon na lamang. Ngunit nahihirapan sila sa paghakbang dahil maputik ang daan. Muling pinagmasdan ni Salome ang paligid, isa-isa nang sumasakay sa kalesa ang ilan sa pamilya nila Mang Berto, Mang Kiko at Mang Pedro.
Ang isang kalesa na nasa likuran naman nila ay bakante pa ngunit patuloy na kinakargahan ng gamit. Tulong-tulong ang mga kababaihan at kabataan sa pagbubuhat ng mga gamit ng pamilya Aguantar sa kalesa. Napatigil si Nay Delia, Roselia at Felicidad nang makita si Fidel at Salome na nakasilong sa isang puno.
Tanging tango lamang ang naipamalas ni Nay Delia kay Fidel bilang pasasalamat sa ginawa nitong pagtulong sa kanila. hinubad naman ni Fidel ang kaniyang sumbrero at itinapat ito sa kaniyang dibdib bilang senyales ng pagtugon sa pasasalamat ni Nay Delia.
"Mag-iingat kayo sa inyong paglalakbay..." muling wika ni Fidel, bakas sa kaniyang boses ang kalungkutan na dala nito, animo'y nagpapaalam.
Napalingon naman si Salome kay Fidel, hindi niya maunawaan kung bakit naging ganito kabilis ang mga pangyayari. Parang kailan lang ay naranasan niya ang kakaibang saya habang lihim na humahanga sa binata. Ang pagtulong at kabutihang ipinamalas nito sa kaniya at sa kaniyang pamilya ay hindi matatawaran.
Magmula sa pagtanggap nito sa kanilang pamilya na maging tagapagsilbi sa hacienda Montecarlos. Hanggang sa alukin siya nitong matuto magbasa at magsulat sa wikang alpabeto. Maging ang pagtulong nito sa mga kabataan na matuto lalong-lalo na kay Danilo at Julio. Ang masayang mga karanasan niya habang naninilbihan sa hacienda Montecarlos, ang mga tawanan at biruan nila nina Manang Estelita, Ising at Piyang habang nagluluto sa kusina. Maging ang araw-araw na pagpapakain sa mga manok at pag-iigib ng tubig mula sa balon ay isang masayang karanasan din para kay Salome.
Ang araw-araw na palihim niyang pagaabang sa labas ng silid ni Senor Fidel upang masulyapan ang binata sa umaga. Ang mga araw na tanging silang dalawa lamang ni Fidel sa ilalim ng puno ng Narra sa tapat ng lawa ng luha habang tinuturuan siya nito magbasa at magsulat at kung minsan naman ay siya ang nagtuturo sa binata kung paano magsulat at magbasa sa paraang Baybayin.
Ang mga gabi kung saan palagi siyang nagpapahuli sa kusina upang abangan ang pag-akyat ni Senor Fidel sa silid nito sa itaas. Ang mga gabi kung saan mas madalas niyang masulyapan ang binata dahil madilim ang paligid kung kaya't walang nakakahuli sa kaniyang ginagawang pagtitig at lihim na pagngiti.
Ang mga gabi kung saan madalas siyang dumungaw sa bintana ng kanilang tinutuluyan sa likod ng mansyon ng Montecarlos upang pagmasdan ang liwanag ng buwan at mga bituin at upang hinatayin din na mawala ang liwanag mula sa bintana ng silid ni Senor Fidel.
Ang mga nagdaang buwan, linggo, araw, gabi, oras, minuto at segundo kapiling ang mga mahahalagang tao na tumatak sa kaniyang pananatili sa bayan ng San Alfonso ay hindi niya akalaing... magwawakas na ngayon.
Ang mga pangyayari ay kasingbilis ng pagsikat at paglubog ng araw. hindi mo namamalayan hangga't hindi mo pinapakiramdaman.
"May nais pala akong ibigay sa iyo... Lumeng" tugon ni Fidel sabay dukot sa kaniyang bulsa ng isang bagay, kinuha niya ang kamay ni Salome at inilagay ang bagay na iyon sa palad ng dalaga. Halos walang kurap na napatingin si Salome sa purselas (bracelet) na rosaryo na gawa sa kahoy na nasa kaniyang palad na ngayon.
"Ang sampung bato (beads) sa purselas na iyan ay katumbas ng sampung dasal... Naalala mo noong tinanong mo sa akin ang kahulugan ng numero? Naalala mo rin ba ang aking sagot sa iyong katanungan?" tanong ni Fidel, dahan-dahan namang ibinalik ni Salome ang kaniyang paningin sa binatang kaharap.
Napatango naman si Salome "Ang numero ay paulit-ulit at walang katapusan" sagot ni Salome, napangiti naman ng kaunti si Fidel sabay tango sa dalaga. Kasunod niyon ay itinaas ni Fidel sa ere ang kaniyang sampung daliri "Ang numero ay maaari mo ring bilangin sa pamamagitan ng sampung daliri sa iyong mga kamay..." patuloy nito habang nilalaro ang kaniyang sampung mga daliri dahilan para matawa si Salome.
"Ang purselas na iyan ay nabili ko sa pista ng Birheng Maria ng La Naval... nais mo bang malaman ang kahulugan niyan?" tugon pa ni Fidel, napatango naman si Salome bilang sagot. Animo'y pareho nilang nakalimutan ang panganib na nagbabadya.
"Bawat bato sa purselas na iyan ay nangangahulugan ng 'Isang dekada'... ang bilang ng bato sa purselas na iyan ay 'Sampu'... kung kaya't sa kabuuan ang purselas na iyan ay nangangahulugan ng 'Isang Siglo'..." seryosong tugon ni Fidel habang nakatingin ng diretso sa mga mata ni Salome.
Magsasalita pa sana si Salome ngunit agad na siyang tinawag nina Mang Berto "Ipagpaumanhin niyo po Senor ngunit nakahanda na po kami" tugon ni Mang Berto na patakbong sumakay sa kalesa dahil sa patuloy na pagpatak ng ulan.
Isang tango ang pinakawalan ni Fidel, isang senyas na nagpapahiwatig na maaari nang umalis si Salome. Labag man sa kalooban ng dalaga, wala na siyang nagawa kundi ang humakbang patungo sa kalesa, agad siyang inalalayan nina Mang Berto pasakay sa kalesa.
Nang makasakay na si Salome, iwinagayway nina Mang Berto, Mang Kiko at ang ilang mga kalalakihan ang kanilang mga sumbrero bilang pagsaludo at pamamaalam kay Senor Fidel. Samantala, ang mga kababaihan naman ay kumakaway bilang pasasalamat sa Kastilang tumulong sa kanila.
Tanging si Salome lamang ang hindi umiimik at nanatiling nakatingin ng diretso kay Fidel habang dahan-dahang kumakaripas ang kalesang sinasakyan nila. Muling tiningnan ni Salome ang kaniyang palad kung saan hawak-hawak niya ang purselas na binigay ng binata. Parang may kung anong kirot siyang naramdaman sa kaniyang puso. Hindi niya inaasahang ito na ang magiging huli nilang pagkikita.
~Ilang ulit nang nasaktan
Ang pusong ito sa iyo
Subalit di ko magawang
Tuluyang umiwas sa 'yo~
~Ngunit bakit tuwing ika'y nakikita
Ay Naalaala ating nakaraan
Di ko kayang iwanan ka bakit ba
kahit na akoy nasasaktan oh~
~Di ko kayang mag-isa kung wala ka
Kay hirap isipin, ika'y hindi na sa 'kin
Kasalanan ko ba kung iba kung ika'y mahal pa
Kahit sarili'y pilitin
Di ka pa kayang limutin, mahal~
Sa huling pagkakataon ay muling tinanaw ni Salome si Fidel. Nakatayo lamang ang binata sa ilalim ng puno kasabay niyon ang patuloy na pagpatak ng ulan habang unti-unting nagiging malabo ang paligid dahil sa hamog na dala ng gabi, ngunit bago tuluyang maglaho ang paningin nila sa isa't-isa... nabasa ni Salome ang huling sinabi ni Fidel mula sa labi nito...
"Te esperare por siglos... Lumeng"
Sir Nathan?!
**********************
Featured Song:
'Di ko kayang Limutin' Liezel Garcia
A/N: Maraming Salamat marikitdreams sa iyong napakagandang obra! Grabe! Nabuhay ulit ang Baybayin feels ko <3
"Di ko kayang Limutin" by Liezel Garcia
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top