Kabanata f(x - 30)
[Kabanata 30]
PAALALA: Basahin mabuti dahil ang Kabanatang ito ay naglalaman ng mga Makasaysayang Labanan ng mga Datu, Rajah at mga Maharlika laban sa mga mananakop na mga Kastila noong 1500s.
********************
Our Asymptotically Love Story
(page 208 - 227 )
Ika-Labingapat na Kabanata
Filipinas 1688
"¡Dar una buena acogida! Amigos General Martino Alfonso" (Welcome back! Amigos! General Martino Alfonso) tuwang-tuwang salubong ni Don Romulo sa dalawang kalalakihan na lulan ng malaki at magarbong kalesang kakarating lamang, halos nasira ang kasiyahan sa buong kahabaan ng daan dahil sa sigaw at walang habas na pagpapatakbo ng kutsero at mga guardia civil na nakapalibot sa kalesa.
Sumaludo si Don Romulo sa isang matangkad na lalaki na nasa edad 40 na si Heneral Martino Alfonso, ang ama ni Senorita Eleanor Alfonso at nakababatang kapatid ni Gobernador Filimon Alfonso.
Malaki at matikas ang pangangatawan ni Heneral Martino Alfonso, at kitang-kita ang dugong kastilang dumadaloy sa dugo nito. May mahabang balbas at bigote at ilang peklat sa gilid ng mata na sumisimbolo sa mga digmaan at gyera na kinaharap niya.
"¡Hace mucho tiempo que es mi amigo!" (It's been a long time my friend!) sarkastikong tawa ni Heneral Martino sabay saludo sa alcalde mayor ng Balintawak na si Don Romulo. Nakayuko naman bilang paggalang ang iilang mga tauhan, guadia personal, serbidora at mga bisita sa pagdating ng kanilang pinakamahalagang panauhin. Si Heneral Martino Alfonso ay ang kasalukuyang kanang kamay ng Gobernador-Heneral ng Pilipinas, si Heneral Martino Alfonso rin ang Punong-Heneral ng Hukbong Kastila at Pilipino na nakabase sa Fort Santiago. Sa Intramuros, Maynila.
Walang imik at nababalot naman ng takot at pagtataka ang iilang mamamayan ng Balintawak dahil sa dami ng mga guardia civil na kasama ng Heneral. Maging si Don Romulo ay nabalot rin ng pagtataka at mariin na pinagmasdan ang halos isang daang guardia civil na nasa likuran ng kalesa ni Heneral Martino Alfonso.
Pasimpleng lumapit si Don Romulo sa tainga ni Heneral Martino at bumulong ito "Si no te importa mi amigo, ¿por qué ..." (If you don't mind my friend, why did you----)" hindi na natapos ni Don Romulo ang tanong niya kay Heneral Martino dahil biglang humalakhak ng malakas ang makisig na Heneral sabay tapik sa balikat niya.
"¿Recuerdas lo que te dije el mes pasado? El Gobernador General nos ordenó encontrar los descendientes restantes de Rajah Soliman y Lakandula" (Do you remember what I have told you last month? The Governor-General ordered us to find the remaining descendants of Rajah Soliman and Lakandula) tugon ni Heneral Martino kay Don Romulo na naging dahilan nang paglaki ng mga mata nito dahil sa gulat.
"¿En serio?" (Are you serious?) gulat na tugon ni Don Romulo na sinuklian naman ng tango at ngisi ni Heneral Martino. "Estoy muy dedicado a esta misión, si me ayudan les aseguro que nuestro nombre será escrito en Historia, traeremos éxito y gloria a nuestro amado país! ¡Viva Espana!" (I am very much dedicated to this mission, if you help me I'll assure you that our name will be written in History, we will bring success and glory to our beloved country! Viva Espanya!) seryosong tugon ni Heneral Martino na may halong ngiting tagumpay sa labi.
Napaisip naman ng mabuti si Don Romulo ngunit di-kalaunan ay napangiti na rin siya at sumang-ayon, lalong-lalo na sa ideyang magiging tanyag ang kanilang pangalan at kikilalanin ng Kaharian sa Espanya.
Patuloy pa rin ang pagtataka ng mga tao, lalong-lalo na ang mga Pilipino dahil sa tawanan at sa pinag-uusapan ng kanilang alcalde mayor at ang kararating pa lang na Heneral mula Maynila.
Umakbay muli si Heneral Martino kay Don Romulo, kasabay niyon ang paghatid ng isang baso ng alak sa kaniya ng isang dalagitang serbidora na agad niyang tiningnan ng may pagnanasa. Ngunit naputol din ang malagkit niyang tingin sa dalagitang Pilipina dahil bumaba na sa kalesa ang isa pang Ginoo na kaniyang kasama. "Y nuestra misión se llevará a cabo con la ayuda de mi querido amigo, me gustaría que conocieras a mi amigo, él es la cabeza de barangay en Tondo ... Fernando Aguantar" (And our mission will be accomplish with the help of my beloved friend, I would like you to meet my friend, He is the cabeza de barangay in Tondo... Fernando Aguantar) patuloy pa ni Heneral Martino habang nakaakbay kay Don Romulo, kasabay naman niyon ang pagbaba ng isang matangkad, matipuno at seryosong-seryosong Ginoo na si Fernando Aguantar.
Suot ang kaniyang mamahaling puting damit pang Europeo at sumbrerong puti, taas noo siyang humarap at nagbigay galang sa alcalde mayor ng Kalilayan na si Don Romulo. "Buenos días Don Romulo, es un placer conocerte" (Goodmorning Don Romulo, It's nice to meet you) bati ni Fernando sabay abot ng kaniyang palad upang makipag-kamay kay Don Romulo.
Sandali namang natigilan si Don Romulo at gulat na nakatitig kay Fernando Aguantar, pinadaanan niya pa ito ng titig mula ulo hanggang paa, animo'y hindi siya makapaniwala na ang taong nasa harap niya ngayon ay kamag-anak ng mga Rajah, Datu at Maharlika na nakalaban nila noon.
"La familia Aguantar ..." (The Aguantar family...) tulalang wika ni Don Romulo sa sarili. Muli niyang naalala ang labanang kinaharap niya noong 1643 sa Malolos, Bulakan. Nang mag-aklas si Pedro Ladia na isang Moro-Borneo na sinasabing kamag-anak at tagapagmana ng trono ni Rahaj Soliman at Rajah Matanda ng Maynila.
Pedro Ladia
Walong taon matapos agawin ng mga Kastila ang Maynila mula kay Rajah Soliman at Rajah Matanda, pinasok ng mga Español noong 1580 ang munting nayon ng Li Han at pinalitan ng ito ng pangalan na 'Malolos'.Sinakop ng mga Kastila ang mahigit 4,000 mamamayan ng Li Han (Malolos na ngayon). Sa mga sumunod na taon, marami at madalas ang aklasan ng mga tao laban sa pagsakop ng mga Español sa pali-paligid ng magiging lalawigan ng Bulacan subalit tahimik at nanatiling masunurin ang mga taga-Malolos hanggang noong 1643.
Naligalig ang mga taga-Malolos sa pag-aaklas ng isang taga-Borneo, si Pedro Ladia, na itiwalag ng mga tao ang mga Español. Ipinagmalaki ni Ladia na ka-angkan at tagapagmana siya ni Rajah Matanda ang huling Rajah ng Maynila. Masugid at lihim na hinikayat ni Ladia ang mga tao, sinabayan ng pag-inom ng alak at pananalangin sa mga anito at mga dating diwata ng mga katutubo. Dumami ang mga nakinig kay Ladia at nagsimula siyang kumilos at tawagin ang sarili ng 'Hari ng mga Tagalog'
Natunugan ng isang pari sa Malolos na si Padre Cristobal Enriquez na isang prayleng Augustinian ang tungkol sa pag-aaklas at pag-aangkin ni Pedro Ladia sa Malolos. Maging ang ilang Pilipinong kaanib ng mga Kastila ay nagsumbong sa kumpisalan ng simbahan tungkol sa mga pakana ni Ladia.
Katulong ang mga Español at mga katutubong guardia civil sa nayon, lihim niyang ipinadakip si Ladia. Dinala nila sa Maynila at doon hinatulan ng kamatayan at binitay si Pedro Ladia noong 1643.
"Es un placer conocerte también ... Fernando Aguantar" (It's nice to m-meet you too... Fernando Aguantar) kinakabahang tugon ni Don Romulo at inabot na rin niya ang kaniyang palad upang makipag-kamay kay Fernando. Bagama't nagawa na niyang makipag-kamay sa isang dugong bughaw na tulad ni Fernando ay naroon pa rin ang kaniyang pangamba na muling makasagupa ang mga iba pang kamag-anak nila Rajah Soliman at Lakandula na nakatakas noong lupigin ang Kaharian ng Maynila at Kaharian ng Tondo.
Sa kabilang dako naman, sa gilid ng malaking bahay ni Don Romulo ay dahan-dahang napatayo si Salome dahil sa gulat, nabitiwan niya ang maliit na batong hawak na ginamit niya pangguhit sa haring araw sa lupa.
"Lumeng? Anong problema?" tanong ni Fidel na nasa tabi niya at agad ring napatayo. "Lumeng?" tawag muli ng binata ngunit hindi pa rin siya kinikibo ng dalaga dahil hindi nito maialis ang kaniyang mga mata sa Ginoong kasama ni Heneral Martino na kausap na ngayon ni Don Romulo...
Si Fernando Aguantar.
Ang cabeza de barangay ng Tondo. Ang nakatatandang kapatid ng kaniyang tatay Francisco (Tay Isko).
Batid ni Salome na ang kaniyang Tiyo Fernando ay kakampi ng mga Kastila, galit rin ito sa kaniyang inay Delia na may lahing Intsik. At alam niyang handa silang ipagkanulo ng kaniyang tiyo Fernando sa mga Kastila na nais lupigin at ubusin ang natitirang kamag-anakan ng mga dugong bughaw mula sa Kaharian ng Tondo.
Hindi maaari... Narito na si Tiyo Fernando!
Tandang-tanda pa ni Salome ang naging huling pag-uusap ng kaniyang tatay at ng kaniyang Tiyo Fernando noong gabing bago sila nag-impake at lumisan sa kanilang tahanan sa Tondo...
Marso 1688 sa Tondo
"Isa kang Taksil! Hambog! At Ganid sa Kapangyarihan at Kayamanan Fernando!" paratang ni Tay Isko habang nagsisisigaw sa labas ng bahay ni Fernando. Malalim na ang gabi at halos tahimik na ang buong kabahayan sa Tondo ngunit naalimpungatan ang lahat nang marinig ang pagwawala at sigaw ni Francisco (Tay Isko) sa labas ng bahay ng kaniyang kapatid na si Fernando.
Kinakalabog ng malakas ni Tay Isko ang malaking pintuan ng tahanan ni Fernando, at makailang ulit niya pa itong pingasisipa. Nasa kaniyang likuran naman sina Mang Berto at Mang Kiko upang awatin si Tay Isko na nakainom ng alak at may hawak na tabak. Agad kinuha ni Mang Berto ang matalim na tabak na hawak ni Tay Isko at inilayo ito sa kaniya.
"Isko! Sus Maryusep!" tawag ni Nay Delia na noo'y nakapang-tulog na ngunit dali-dali pa ring sumunod sa kaniyang asawa nang marinig ang sigaw nito. Halos sampung bahay lang naman ang layo ng tahanan nila sa tahanan ni Fernando.
Ilang sandali pa ay sumunod na rin sina Felicidad at Salome. Samantalang, naiwan naman sa kanilang tahanan si Danilo upang bantayan ang batang si Julio na noo'y umiiyak na sa takot. "Itay! Tama na po iyan!" awat pa ni Felicidad ngunit hindi pa rin natinag si Tay Isko sa pagkalabog sa pintuan ni Fernando kahit pa hawak-hawak na siya nina Mang Berto at Mang Kiko ay hindi pa rin nila nakayanan at pagmamaktol at lakas ni Tay Isko.
Ang ilan sa kanilang kapitbahay ay nakadungaw na sa kani-kanilang mga bintana at may hawak na mga gasera upang makiusyoso sa kaguluhang nangyayari sa labas ng bahay ng kanilang cabeza de barangay. "Itay! Tumigil na po kayo!" awat din ni Salome sabay yakap sa kaniyang ama na naging dahilan ng unti-unti nitong panghihina.
"Hayop ka! Fernando! Handa mo kaming ipagkanulo sa mga kastila dahil lang diyan sa ambisyon mo!" sigaw pa ni Tay Isko na ngayon ay humahagulgol na sa pag-iyak. Yumakap na rin sa kaniya si Nay Delia at Felicidad upang awatin siya.
"Papatayin kita! Hindi kita kapatid! At hindi kita igagalang! Isinusumpa ko iyan sa libingan ng ating mga magulang!" sigaw pa ni Tay Isko at akmang sisipain ulit ang pintuan ngunit agad siyang napigilan ng mga taong nakisusyoso na rin.
Ilang sandali pa, bumukas na rin ang pintuan sa tahanan ni Fernando, tumambad sa kanilang harapan ang Kastilang asawa nito na si Dona Ignacia Aguantar, na kilalang matapobre at napakataas ang tingin sa sarili. Hawak nito ang mamahaling abaniko na mula pa sa Europa na ikinakampay sa kaniyang mukha. "¡Qué verguenza! Todo lo que podría hacer es actuar como un cerdo salvaje perdido en la naturaleza! ¿Y sabes qué les pasó a esos cerdos? Morirán al final" (Shame on you! All you could do is to act like a wild pig lost in the wild! And you know what happened to those pigs? They will die in the end) sarkastikong tugon ni Dona Ignacia Aguantar sabay halakhak. Ang inasal ng matapobreng Donya ang mas lalong nagpaalab sa galit na nararamdaman ni Tay Isko, maging si Nay Delia ay hindi na rin nakapagtimpi pa dahil sa sinabi ng Dona.
Akmang susugod na rin si Nay Delia upang sabunutan at sampalin si Dona Ignacia ngunit agad siyang napigilan at naawat nila Felicidad at Salome. Tanging si Tay Isko at Nay Delia lamang ang nakakaintindi ng kaunti ng wikang kastila.
"Ang kapal ng---" Hindi na natapos pa ni Nay Delia ang kaniyang sasabihin dahil biglang napatigil ang lahat ng sumigaw si Fernando na nasa tapat na rin ng pintuan. "EL SILENCIO! (SILENCE!) galit na sigaw ni Fernando na nagpatahimik at nagpatigil sa lahat. sumiklab ang matinding takot nang makita nila ang hawak nitong mahabang baril.
"Tumigil na kayo! At kung hindi kayo titigil ako na mismo ang papatay sa inyo!" banta pa ni Fernando sabay tutok ng baril kay Tay Isko. Ramdam na ramdam ang tensyon sa paligid, ang ilang mga taong nakikisusyoso ay nagsitakbuhan na papalayo at nagsipasok na sa kani-kanilang mga tahanan.
Naiwan naman ang pamilya Aguantar at ang ilang kalalakihan na nakaagapay sa likuran nila Tay Isko at Nay Delia. "Kung iyan ang nais mo... Isinusumpa ko rin sa libingan ng ating mga magulang na ako ang papatay sayo... Francisco!" muling banta ni Fernando habang nakatutok pa rin ang baril na hawak niya sa kaniyang kapatid.
Ilang segundo rin ang lumipas na walang kumibo ni isa sa kanila. Nanginginig na rin ang mga kamay ni Salome dahil sa takot habang hawak-hawak ang laylayan ng damit ng kaniyang inay. "Bakit? Bakit mo kami ipagkakanulo sa mga Kastila? Baka nakakalimutan mo dumadaloy rin sa dugo mo ang dugong bughaw! Hindi ka naiiba sa akin at sa mga anak ko!" palabang sagot ni Tay Isko, maging ang presensiya ng baril na nakatutok sa kaniya ngayon ay hindi niya alintana.
"Narinig ko ang pag-uusap niyo ng asawa mo, balak mong ipagkanulo kami sa mga Kastila upang maitaas ang iyong posisyon!... Ang pagiging cabeza de barangay mo pa nga lang ay isa nang kahihiyan at kasuklam-suklam na titulo na siguradong ikasasama ng loob ng ating mga ninuno na nakipag-laban at walang-awang pinatay ng mga Kastila!" sigaw ni Tay Isko habang dinuduro-duro ang pagmumukha ni Fernando na nanlilisik na ang mga mata ngayon sa galit...
Ang tinutukoy ni Tay Isko ay ang naging pag-aaklas ng mga Rajah, Datu at mga Maharlika laban sa mga Kastila noong 1587 - 1588. Halos isang daang taon na rin ang lumipas ngunit sariwa pa rin sa lahat ang alaala ng malagim na sinapit ng mga tinaguriang mga Rajah, Datu at Maharlika. Ang pag-aaklas na ito ay kilala bilang 'Tondo Conspiracy of 1587 - 1588' o mas kilala rin bilang 'Conspiracy of the Maharlikas'
Sa pagitan ng taong 1587 hanggang 1588, nagkaisa ang mga kilalang Datu at mga Rajah na mag-aklas laban sa mga Kastila. Ito ay ang panahon kung kailan nakuha na ng mga Kastila ang Maynila at Tondo. Ngunit ang presensiya ng mga Datu at Rajah at ng kanilang mga kamag-anakan na may dugong bughaw ay nagkalat pa rin sa iba't-ibang dako ng Pilipinas.
Ang pag-aaklas ay binuo ng mga kilala at makakapangyarihang mga DaTu at Rajah mula sa iba't-ibang panig ng Pilipinas. Pinangunahan ito ni Agustin de Legazpi (pamangkin ni Lakandula) at ang pinsan nitong si Martin Pangan na siyang gobernadorcillo ng Tondo.
Katuwang rin nila ang ilan sa mga kilalang datu na sina...
1. Magat Salamat - anak ni Lakandula
2. Juan Banal, Pitonggatan, Luis Amanicaloa - mga Datu ng Tondo
3. Esteban Taes - Datu ng Bulakan
4. Pedro Balinguit - Datu ng Pandacan
5. Felipe Salonga - Datu ng Polo (Valenzuela)
6. Geronimo Basi at Gabriel Tuambacar - kapatid ni Agustin Legaspi (pamangkin din ni Lakandula)
7. Dionisio Capolo (Kapulong) - Datu ng Candaba (Pampanga)
8. Juan Basi - Datu ng Taguig
9. Felipe Salalila - Datu ng Misil
10. Felipe Amarlangagui - Datu ng Carangalan
11. Omaghicon - Datu ng Navotas
eskrimadores: " Maharlika - The ancient native Warrior class The Japanese have samurai
Nagsimula ang kanilang plano nang humingi ng tulong si Agustin Legazpi kay Juan Gayo na isang Hapon (Japanese) na kapitan ng Barkong pandigma. Si Juan Gayo ang maghahatid sa kanila ng mga baril, armas at mga karagdagang hukbo sa gagawing pagaaklas laban sa mga Kastila. Ang kapalit ng pagtulong ni Juan Gayo at ng mga hukbo nito ay ibibigay ng mga Datu at Rajah ang kalahati ng kanilang kinikita sa mga Tributo o buwis. Sumang-ayon din ang lahat na si Agustin de Legazpi ang kikilalaning 'Hari ng Filipinas'
Bukod sa mga Hapon ay nakahanda ring tumulong ang mga taga-Borneo, Laguna at Batangas. Ang plano ay nailahad ng maayos: Magsisimula ang pag-aaklas sa oras na dumating na ang mga barkong pandigma ng mga taga-Borneo sa look (Bay) ng Maynila. Lulusubin nila ang Maynila na kung saan naka-base ang karamihan ng mga Espanyol at doon magsisimula ang digmaan.
Sa kalagitnaan ng byahe nina Magat Salamat (anak ni Lakandula) at ng ilan sa kaniyang mga kasamahan ay tumigil sila sa bayan ng Calamianes (isla sa Palawan) upang kumbinsihin na makiisa sa kanila ang Datu ng Calamianes na si Sumaclob. Sumang-ayon si Sumaclob sa gagawing pag-aaklas at nangakong magbibigay ng 2,000 karagdagang hukbo para sa mangyayaring digmaan.
Ngunit nang malaman ito ni Antonio Surabao na isang mamayan ng Calamianes ay agad niyang isinumbong ang plano ng mga Datu, Rajah at mga Maharlika laban sa mga Kastila. Ibinalita niya kay Kapitan Pedro Sarmiento na isang Kastilang encomiendero ng Calamianes ang nasabing balak na pag-aaklas ng mga dugong bughaw.
Agad na nagtungo sa Maynila si Kapitan Pedro Sarmiento noong Oktobre 26, 1588 at ibinalita kay Gobernador-Heneral Santiago de Vera ang malawakang pag-aaklas na gagawin ng mga Maharlika.
Hindi na nagdalawang-isip si Gobernador-Heneral Santiago de Vera at agad na pinadakip ang lahat ng taong sangkot sa nasabing plano. Ang lahat ng mga Datu, Rajah at mga Maharlika na kaanib sa plano ay inimbestigahan at brutal na pinarusahan upang umamin.
Noong 1588, Binitay sina Agustin de Legazpi at Martin Pangan. Pinugutan din sila ng ulo at isinabit iyon sa labas upang magsilbing panakot at babala sa sinumang mga nais na mag-aklas laban sa mga Kastila. Kinuha rin ang lahat ng kanilang ari-arian.
Ang iba sa mga Datu, Rajah at mga Maharlika na kaanib sa planong pag-aaklas sa mga Kastila na sina Pedro Balinguit, Pitonggatan, Felipe Salonga, Calao and Agustin Manuguit ay ipinatapon sa Mexico. Ang Mexico ay ang tinaguriang (New Spain) na siyang namamahala at sumusuporta sa Pamahalaang Kastila na naka-base sa Pilipinas.
Tulala, Takot, at Pangamba ang naghahari ngayon sa puso ni Salome habang tinatanaw ang kaniyang Tiyo Fernando mula sa malayo. Sa pagkakataong iyon, sinundan ni Fidel kung saan nakatingin si Salome, muli niyang ibinaling ang tingin niya sa dalaga at unti-unti nang nagiging malinaw din sa kaniya ang takot na nababasa niya sa mga mata ni Salome.
Dahan-dahang humakbang si Fidel sa tapat ni Salome upang harangan ang direkyon ni Fernando Aguantar. "Hindi mo kailangan pagmasdan muli ang takot... hindi mo kailangang harapin muli ang lungkot... Hindi mo kailangang alalahanin muli ang pangamba dahil... Maaari mo namang ipikit ang iyong mga mata dahil narito lang ako sa tabi mo, at hindi ko hahayaang muling maulit ang madilim na nakaraan na iyong naranasan" tugon ni Fidel sabay hawak sa kamay ni Salome. Dahilan para gulat na mapatingin sa kaniya si Salome, dahan-dahan namang gumuhit ang ngiti sa labi ni Fidel na animo'y nagpawala sa lahat ng takot at pangamba na nararamdaman ni Salome.
Sa ilalim ng puno ng Malabulak, sa gitna ng kahabaan ng kalye ng Balintawak at sa gitna ng ginuhit na larawan ng haring araw na nakangiti (smiley face) ay naroon si Fidel at Salome na parehong nakangiti sa isa't-isa.
"Ano? Bakit? Kararating lang natin dito, mahaba-haba rin ang ating naging paglalakbay... nakapanghihinayang naman kung kayo'y uuwi na" malungkot na tugon ni Eleanor nang magpaalam si Tay Isko at Nay Delia na babalik na sila sa San Alfonso. Kasalukuyang nagkakasiyahan ang mga tao sa loob ng tahanan ni Don Romulo habang hinihintay ang paglalakbay nila mamaya papunta sa Intramuros Maynila, upang salubungin ang imahen ng Birheng Maria ng La Naval sa Simbahan ng Santo Domingo.
"Kailangan na po naming magbalik sa San Alfonso, nag-aalala po ako sa kalagayan ng aming bunso na si Julio" pakiusap ni Nay Delia, silang tatlo ay nasa azotea ng bahay ni Don Romulo. "Hindi ba't naiwan naman ang dalawa niyong anak doon upang alagaan ang inyong bunso?" usisa pa ni Eleanor na halatang nagdududa sa katwiran ng mag-asawang Aguantar.
Nagkatinginan naman si Tay Isko at Nay Delia, parehong nababalot ng takot dahil nakita nila si Fernando na bumaba ng kalesa kanina kasama ni Heneral Martino. Mabuti na lamang dahil nakapagtago agad sila sa kusina ng bahay ni Don Romulo. Ang isa pa nilang pangamba ngayon ay kung nasaan si Salome... Tiyak na makikilala ni Fernando si Salome sa oras na magkasalubong sila dito sa loob ng bahay ni Don Romulo.
"Hindi po kakayanin ng aming anak na si Felicidad ang pangalagaan mag-isa si Julio, Sakitin at mahina rin po ang pangangatawan ng aming dalaga" muling tugon ni Nay Delia, sa kaniyang kaloob-looban ay nagdadasal na siya na huwag nang maging matanong at mausisa pa si Senorita Eleanor at payagan na lang silang umalis hangga't hindi pa sila nakikita ni Fernando na hanggang ngayon ay abala sa pakikisalo sa hapag-kainan kasama sina Don Romulo, Heneral Martino Alfonso at Patricio Montecarlos.
Tiningnan naman ng mabuti ni Eleanor ang mag-asawang Aguantar, at sa huli ay napahinga na lang siya ng malalim. "Sige, maaari na kayong umuwi, nanghihinayang nga lang ako dahil nais kong makasama kayo sa prusisyon ng imahen ng Birheng Maria ng La Naval mamayang gabi... Ah! maiiwan naman si Lumeng hindi ba? hayaan niyong makasama namin siya mamayang gabi sa prusisyon" wika pa ni Eleanor, muli namang nagkatinginan si Tay Isko at Nay Delia at sabay pa silang napailing.
"Bakit hindi maaaring maiwan si Lumeng?" muling pagtatakang tanong ni Eleanor, habang tumatagal ay mas lalo na siyang nagdududa. "D-dahil----" hindi na natapos pa ni Nay Delia ang kaniyang sasabihin dahil biglang nagsalita si Fidel na noo'y kakarating lang, nakasunod naman sa kaniyang likuran si Salome.
"Mukhang masama rin ang pakiramdam ni Lumeng, hayaan na lang natin siyang sumama sa kaniyang mga magulang pabalik ng San Alfonso, siguradong hindi rin siya makakasama mamayang gabi sa prusisyon" sabat ni Fidel sabay tingin at tango kay Tay Isko at Nay Delia, nakahinga naman ng maluwag ang mag-asawa dahil sa pagsagip sa kanila ni Fidel.
Napatingin naman si Eleanor kay Salome na noo'y nasa likuran ni Fidel. Agad niyang inusisa ito ng tingin mula ulo hanggang paa. "Saan ka nanggaling Lumeng? Kanina ka pa hinahanap nina Manang Estelita, Ising at Susana" usisa pa ni Eleanor, agad namang napatingin si Salome kay Fidel na noo'y nakaramdam din ng pagdududa mula kay Eleanor.
"N-nakipaglaro lang ho ako sa mga bata sa labas... Senorita" sagot ni Salome sabay turo sa mga batang babae na naglalaro ng taguan sa labas. mukhang hindi naman kumbinsido si Eleanor at ibinaling naman niya ang tingin niya kay Fidel. "Saan ka naman nanggaling Ginoo? Kanina pa kita hinahanap, nais kang makita at makausap muli ni ama" wika ni Eleanor sabay hawak sa braso ni Fidel. Animo'y binabakuran at tinatali na niya ang binata sa kaniya.
"Nagpahangin lang ako sa labas... masyadong magulo at maingay sa loob" tugon ni Fidel, agad namang napangiti si Eleanor at muling kumapit sa braso ng binata. "Halika na, nasasabik na si ama na muling makita ka" ngiti pa ni Eleanor sabay hila kay Fidel papasok sa loob. kumaway na rin siya at nagpaalam kay Tay Isko, Nay Delia at Salome.
Maging si Fidel ay napalingon sa kanila at sumenyas kay Tay Isko na gamitin na lamang ang kalesa ng Montecarlos pauwi. Muli siyang tumingin kay Salome at sumenyas rin na ngumiti ito, agad namang sumilay ang ngiti kay Salome dahil sa ginawa ng binata.
Si Tay Isko ang nagpatakbo sa kalesa, habang tahimik naman na nagmamasid si Salome sa paligid, habang tahimik lang din si Nay Delia sa tabi niya. ilang sandali pa, napalingon si Salome sa kaniyang inay nang hawakan nito ang kaniyang kamay.
"Lumeng... marahil ay alam mo na siguro ang dahilan kung bakit tayo umalis sa ating tahanan noon sa Tondo" panimula ni Nay Delia habang nakatingin sa tanawin sa labas. maging si Tay Isko ay nakiramdam din at nakikinig sa kanilang usapan. "Inakala naming maitatago namin ng inyong itay ang totoong dahilan kung bakit tayo nanirahan sa San Alfonso, ngunit naisip ko na hindi tamang ilihim pa sa inyo ang problemang kinakaharap ng ating pamilya... Batid kong nakita mo rin ang iyong Tiyo Fernando kanina sa tahanan ng alcalde mayor ng Balintawak, at mukhang kumikilos na sila ngayon" patuloy pa ni Nay Delia. Ang huling sinabi nito ay mas lalong nagpakaba kay Salome.
Kumikilos na sila ngayon...
"A-ano na pong gagawin natin inay?" tanong ni Salome, napatingin siya sa kaniyang itay na noo'y mas lalong pinabilis ang pagpapatakbo sa kabayo upang makarating agad sila sa daungan sa Batangas. "Hindi ko alam anak... pero sa ngayon mas mabuti kung hindi na muna natin gagamitin ang ating Apelyido, Tayo'y maswerte dahil walang nakakaalam sa San Alfonso ng ating Apelyido" tugon ni Nay Delia. Bigla namang napatahimik si Salome, naalala niyang nabanggit niya kay Fidel ang kaniyang Apelyido nang minsang tinuturuan niya itong magsulat sa letrang Baybayin.
Nabasa rin ni Fidel ang kaniyang pangalan sa letrang Baybayin na nakasulat sa kaniyang kuwaderno noon, 'Salome Aguantar'
"Hindi dapat tayo magtiwala kaninuman... sa mundong ito, ang iyong kaibigan, maging ang iyong kapatid o kahit pa ang iyong iniibig ay hindi mo dapat pagkatiwalaan... Ang tiwala ay hindi dapat binibigay nang madalian at kung kani-kanino lang..." wika pa ni Nay Delia sabay tingin ng diretso kay Salome, nais niyang ipaunawa rito na huwag magtiwala kahit kanino.
Gabi na nang makarating sila sa daungan ng Batangas at makasakay ng barko papunta sa San Alfonso, halos isang araw ang naging byahe. Magtatakapisilm na rin nang makarating sila sa daungan ng San Alfonso, agad na tumambad sa kanila ang masiglang pamilihan at kabisera, patuloy pa rin ang paggawa sa daungan at pagpapatayo sa Simbahan ng San Alfonso. Ang plaza San Alfonso naman ay punong-puno ng mga taong nag-aabang sa gaganaping misa ni Padre Bernardo.
Pagdating nila sa Barrio Tagpi, naabutan nilang nagsasaing si Roselia, ang asawa ni Ernesto. Habang nag-iigib naman ng tubig sa sapa si Ernesto at nagsisibak naman ng kahoy panggatong si Danilo. Samantala, nasa loob naman ng bahay si Felicidad habang inaayos ang hapag-kainan.
"Inay! Itay! Lumeng!" salubong ni Felicidad ngunit agad itong napakabig sa mesa nang makaramdam ng hilo at napahawak rin siya sa tapat ng kaniyang dibdib. "Fe!" sigaw ni Nay Delia at Salome sabay hawak kay Felicidad na muntikan pang matumba.
"Inaabuso mo na naman siguro ang sarili mo, ilang beses na kitang pinaalalahanan na magpahinga na lang at hayaang na lang sina Danilo na siyang kumilos dito sa bahay" sermon ni Nay Delia kay Felicidad habang inaalalayan itong mahiga sa kama.
"Delia... huwag mo nang pagalitan pa si Fe... baka hanggang sa pagtulog ay mapanaginipan niya ang nakakunot mong noo" biro pa ni Tay Isko sa kaniyang asawa. Napangiti naman si Felicidad sa kaniyang ama dahil ito ang palaging nagliligtas sa kanila sa oras na sinesermonan na sila ng kanilang nanay. Maging si Salome ay napangiti rin dahil madalas din siyang iligtas ng kaniyang tatay kapag pinapagalitan siya ni Nay Delia.
"Sinasabi ko lang naman na----"
"Ssshh... inaantok na ang bunso nating si Julio, baka maging siya ay dalawin ng sermon mo sa panaginip" tawa muli ni Tay Isko dahilan para magsitawanan ang lahat. napakunot naman ang kilay ni Nay Delia na animo'y naiinis pero bakas sa kaniyang mukha na kinikilig din siya sa paglalambing na ginagawa ng asawa. Para silang mga dalaga't-binata na nagbibiruan at naghaharutan.
"Tama na iyan... baka maiinggit si Lumeng at Fe sa tamis ng pag-ibig niyo" biro naman ni Ernesto habang nakayakap sa kaniyang asawa na si Roselia. Sabay namang napakunot ang noo ni Salome at Felicidad. "Teka nga, si Danilo naman ay wala rin namang kasintahan ah" banat ni Salome pero biglang ngumisi lang si Ernesto sabay akbay sa kapatid.
"Anong wala? Maraming mga kababaihan ang naghahabol sa kapatid nating ito, kita mo ang pagbubulungan at pagpapansin sa kaniya ng ilang mga dalaga sa palengke? Sadyang habulin ng babae itong si Nilong!" tawa pa ni Ernesto habang ginugulo ang buhok ni Danilo na kanina pa pumapalag sa akbay niya.
"Tumigil na nga kayong apat... basta si Fe muna ang mauunang ikasal sa inyong dalawa, kung sino ang nakatatanda ay siyang unang ikakasal bago ang mga nakababata" bilin pa ni Nay Delia na noo'y namumula sa akap sa kaniya ng kaniyang asawa.
"Paano ba iyan? Mukhang matagal pa ang hihintayin ni Maestro Fidel kay Ate Lumeng!" tawa ni Danilo turo kay Salome na biglang namula sa hiya. "Hoy! Nilong tumigil ka nga diyan! Mukhang hindi naman ikaw hihintayin ni Ising" banat naman ni Salome at akmang hahabulin si Danilo pero agad silang inawat ng kanilang kuya Ernesto at inakbayan pareho.
"Hindi ba't nagpaparamdam din sa iyo si Senor Patricio... Lumeng? Madalas kong marinig na pinag-uusapan ka ni Senor Patricio at Senor Geronimo Flores sa tuwing naghahatid ako ng mga binhi ng mga bulaklak sa hacienda Flores" pang-asar pa ni Ernesto kay Lumeng, kumawala naman si Lumeng sa pagkakaakbay ng kaniyang kuya sa kaniya ngunit sadyang malakas ito at pilit siyang pinapaamin.
Napatigil lamang sila nang biglang bumulong si Roselia, "Ernesto tama na iyan..." bulong nito sabay tingin kay Felicidad na hindi na maipinta ang itsura ngayon. "M-matutulog na ako" biglang tugon ni Felicidad sabay sara ng pinto sa kaniyang silid. Napatahimik naman ang lahat lalong-lalo na sina Ernesto, Salome at Danilo. Nakalimutan nilang humahanga nga pala si Felicidad kay Senor Patricio.
"Kahit kailan ay napakadaldal mo talaga kuya Nestong!" banat pa ni Salome kay Ernesto sabay hila sa patilya nito at dali-dali siyang tumakbo papasok sa kwarto ni Tay Isko at Nay Delia. "Hala ka kuya Nestong! Magpaliwanag ka kay Ate Fe!" banat naman ni Danilo sabay takbo papalabas ng bahay. napakamot naman ng ulo si Ernesto habang tinatawanan siya ni Roselia. "Lintik na pag-ibig oh" tawa na lang ni Ernesto sabay akbay sa kaniyang asawa at sabay silang nagtungo sa kanilang bahay kubo na limampung metro lang naman ang layo mula sa tahanan nila Salome.
Kinabukasan, naalimpungatan si Salome nang marinig ang ilang pagbagsak ng sako mula sa kanilang kusina. Nakatulog pala siya sa papag sa gilid ng higaan ng kaniyang itay at inay kagabi. Hindi na rin niya nagawa pang kumatok sa kwarto nila ni Felicidad kagabi dahil hindi niya alam ang sasabihin patungkol kay Patricio na umaaligid din sa kaniya.
Batid niyang may pagsinta si Felicidad kay Patricio at kahit pa wala naman siyang nararamdaman para sa binata, hindi niya pa rin gusto ang ideyang mapunta ang kaniyang ate sa hambog at babaerong lalaki na tulad ni Patricio.
"Nilong? Ano iyan?" tanong ni Salome nang makalabas na siya sa kwarto, tumambad sa kaniyang harapan ang apat na sako ng trigo na nakalagpak sa sahig. Pinapagpagan naman ni Danilo ang kaniyang kamay at balikat na puno na ng alikabok. "Saan mo nakuha iyan?" tanong muli ni Salome sabay lapit sa apat na sako ng trigo. Hindi na nila aalalahanin ang kanilang pagkain sa loob ng tatlong buwan.
"Ibinigay na sa akin ito ni Padre Bernardo, sobra-sobra ang natatanggap na handog ng mga mamamayan para sa Simbahan" sagot ni Danilo sabay kuha ng sinaing na saba ng saging sa palayok at iyon ang kanilang almusal.
Napangiti naman si Salome, kahit pala papaano ay may kabutihang taglay din si Padre Bernardo kahit pa palagi niya akong pinaparinggan at ng kaniyang pamangkin na si Senorita Florencia.
Nagtungo na rin si Salome sa pugon at sumandok ng sinaing na saba saka naupo sa mesa sa tapat ni Danilo. Sabay silang kumain ng almusal. Ilang sandali pa, lumabas na rin si Felicidad sa kanilang silid. Wala pa rin itong imik kahit pa sabay siyang binati ni Danilo at Salome.
Dire-diretso lang nagtungo sa palikuran si Felicidad. At makalipas ang ilang minuto ay lumabas na rin ito at bumalik sa kwarto. nang isasara na niya ang pinto ng kaniyang kwarto ay saktong may kumatok ng tatlong ulit sa kanilang pintuan sa salas.
Tatayo na sana si Salome ngunit biglang nagsalita si Felicidad "Ako na ang magbubukas" wika nito sabay tungo sa salas at binuksan ang pinto, "Magandang Umaga Binibi----" hindi na natapos ni Patricio ang kaniyang pagbati dahil biglang sinara ni Felicidad ang pinto dahil sa gulat.
"Sino iyon ate Fe?" nagtatakang tanong ni Salome sabay subo ng sinaing na saging. Napasandal naman si Felicidad sa pinto habang nakahawak sa kaniyang puso. "Bakit ganiyan ang reaksyon mo ate Fe?" tanong muli ni Salome sabay tayo sa upuan at akmang magtutungo na sa salas ngunit bigla naman silang nakarinig ng katok mula sa pinto na nasa likod ng kusina. Agad naglakad papunta sa kusina si Salome, "Lumeng! Sandali! huwag mong bubuksan----" halos pabulong na sigaw ni Felicidad pero huli na ang lahat dahil nahawakan na ni Salome ang pinto sa likod ng kusina.
"Sino ba iyan? Kay aga-aga----" hindi na natapos ni Salome ang kaniyang sasabihin na may halong pagkairita sa kaniyang boses dahil tumambad sa harapan niya si Fidel na nakangiti habang nakatapat ang sumbrero nito sa kaniyang dibdib. "Magandang Umaga... Binibini" ngiti ni Fidel, pero biglang naisara ni Salome ang pinto dahil sa kaba. Agad siyang napasandal sa pinto sabay hawak sa kaniyang puso.
Nagkatinginan sila ngayon ni Felicidad na kabadong-kabado rin dahil nasa labas lang din si Patricio. "Ano ba kayong dalawa? Magagalit si itay at inay kapag naabutan nilang hindi niyo pinagbubuksan ng pinto sina Senor Fidel at Senor Patricio" reklamo ni Danilo sabay hila kay Felicidad paalis sa tapat ng pinto, at pinabuksan si Senor Patricio.
"Magandang Umaga po Senor Patricio, tuloy po kayo sa aming munting tahanan" bati ni Danilo sabay takbo naman papunta sa pinto sa kanilang kusina at sinagi si Salome upang pagbuksan ng pinto si Senor Fidel.
"Magandang Umaga po Maestro!" masiglang bati ni Danilo sabay akap kay Fidel, halos isang linggo na rin siyang hindi nakakapasok sa klase ni Fidel dahil abala siya sa pagiging sacristan sa Simbahan. "Oh! Nilong! Mabuti na lang narito ka, mukhang hindi kami pagbubuksan ni Lumeng" tawa pa ni Fidel sabay ngiti at tingin ng matagal kay Salome. Maging siya mismo ay naninibago na sa kaniyang sarili dahil mula nang makilala niya si Salome ay natuto na siyang magbiro at tumawa.
"Siya nga pala, may dala-dala kaming mga prutas at kakanin mula sa Balintawak sayang nga lang dahil hindi kayo nakasama, ang aga rin umuwi nila Lumeng" sabat naman ni Patricio sabay lapag ng ilang suman at prutas sa mesa. "M-maraming Salamat po mga Ginoo... ngunit ano po ang inyong sadya rito?" tanong ni Salome. Nagtungo naman sa kusina si Felicidad upang hatiran ng sinaing na saba ng saging ang dalawang panauhin.
"Nabalitaan ko kasi na masama raw ang pakiramdam mo Lumeng kaya umuwi na kayo nila Mang Isko at Manang Delia noong isang araw" sagot ni Patricio habang nakangisi kay Salome. Inayos-ayos pa nito ang kaniyang buhok sabay suot muli ng sumbrero.
Napatingin naman si Salome kay Fidel, mukhang hindi pala sinabi ni Fidel kay Patricio na nagdahilan lang sila na masama ang pakiramdam ni Salome para pumayag si Eleanor na umuwi sila. "Ikaw naman Maestro? Ano po ang inyong sadya dito?" usisa naman ni Danilo kay Fidel sabay ngisi rito. Natawa naman si Fidel dahil sa pang-aasar na ginagawa ni Danilo sa kanila ngayon.
"Dinadalaw ko si Lumeng" diretsong sagot ni Fidel, muntikan pang mabulunan si Salome dahil sa hindi inaasahang sagot na iyon mula sa binata. Napaismid naman si Patricio sabay tingin kay Fidel at Salome. Nararamdaman niyang may kakaiba sa palitan ng tingin ng dalawa.
Biglang lumingon si Patricio kay Fidel at seryoso itong nakatingin sa kaniya "Baka nakakalimutan mo na----" hindi na natapos pa ni Patricio ang kaniyang sasabihin dahil biglang nagsalita si Salome upang ibahin ang usapan.
"Ah! siya nga pala... Senor Patricio, nais ko pong ipakilala sa iyo ang aking ate Felicidad" tugon ni Salome sabay tawag kay Felicidad na gulat na gulat dahil sa biglaang pagbanggit ni Salome sa kaniyang pangalan. Tumango naman si Patricio at inilahad ang kaniyang sumbrero sa tapat ng kaniyang dibdib bilang pagbati "Nagagalak akong makilala ka Binibini" tugon ni Patricio habang seryoso lang ang mukha nito. Wala sa kaniyang itsura ang sinabi niyang 'Nagagalak' siya.
"A-ako rin Ginoo... n-nagagalak din akong makilala ka" sagot ni Felicidad sabay yuko upang magbigay galang. Muli niyang tinitigan si Patricio ngunit hindi na ito muling tumingin sa kaniya. Agad namang humawak si Salome sa braso ng kaniyang ate Fe. "Ang pagkakaalam ko ay magkasing-edad lang kayo Senor Patricio at Ate Fe... ang sabi sa kalendaryong Lunar maswerte at nakatadhana ang mga taong pinanganak sa magkaparehong taon" ngiti pa ni Salome, hindi naman mapigilan ni Fidel at Danilo sa pinaggagawa at pinagsasabi ni Salome para lang paglapitin si Patricio at ang kaniyang ate.
Napangiti naman si Felicidad pero wala pa ring imik si Patricio, "Ang sabi pa sa kalendaryong Lunar ay-----" hindi na natapos ni Salome ang kaniyang sasabihin dahil biglang nagsalita si Patricio. "Hindi ako naniniwala sa Kalendaryong Lunar" seryosong sagot nito sabay diretsong naglakad papalabas ng pinto. Naiwan naman silang tulala at gulat na gulat sa inasta ni Patricio, lalong-lalo na si Felicidad.
"Paumanhin mga Binibini... ako na ang bahala sa aking pinsan" paalam ni Fidel sabay tingin ng matagal kay Salome bago sumunod kay Patricio na dire-diretsong sumakay na sa kalesa. Napailing-iling naman si Salome habang pinagmamasdan ang galit na mukha ni Patricio.
"Tsk Tsk... tingnan mo ate Fe, sadyang nakakainis talaga ang Montecarlos na iyan" tugon ni Salome, bigla namang inalis ni Felicidad ang braso niya na hawak-hawak ni Salome. "Walang taong natutuwa na inaasar siya mismo sa iba ng taong gusto niya" diretsong sagot ni Felicidad at muli itong nagkulong sa kwarto.
"Lintik na pag-ibig nga naman oh" banat pa ni Danilo at ipinagpatuloy na lang niya ang pagkain ng almusal.
Bakit nagkaganito? Paano na?
Kinahapunan, nagtungo sa bayan sa Plaza San Alfonso sina Salome, Tay Isko, Ernesto at Roselia upang magsimba. Naiwan naman sa bahay si Felicidad at Julio. Nagdahilan lang si Felicidad na masama ang kaniyang pakiramdam kahit pa alam naman nilang lahat na labis itong nasaktan dahil sa inasal ni Patricio kaninang umaga.
Nasa labas sila ngayon, sa tabi ng ginagawang Simbahan ng San Alfonso. Si Padre Bernardo ang nangunguna sa misa, nakatayo siya sa isang maliit na entablado na gawa sa kahoy habang binabasa ang Banal na Bibliya na tanging mga Prayle lamang ang maaaring magbasa nito.
Masigla at naglalakad paikot si Padre Bernardo habang binabasa ang isang berso mula sa Bibliya. Ayon sa 1 Corinto 13:4 - 7: Ang pag-ibig ay matiyaga at magandang-loob, hindi maiinggitin, hindi mayabang ni mapagmataas man, hindi magaspang ang pag-uugali, hindi makasarili, hindi magagalitin, o mapagtanim sa kapwa. Hindi niya ikinatutuwa ang gawaing masama, ngunit ikinagagalak ang katotohanan. Ang pag-ibig ay mapagpatawad, mapagtiwala, puno ng pag-asa, at mapagtiis hanggang wakas.
"Iyan ang kahulugan ng Pag-ibig" biglang tugon ni Fidel malapit sa tainga ni Salome dahilan para mapaatras si Salome dahil sa gulat at mapalingon sa kaniyang likuran. "Nagulat na naman ba kita Binibini" muling ngiti ni Fidel kay Salome habang ang kaniyang kamay ay nasa kaniyang likuran. Ilang segundong natulala si Salome sa kagwapuhan at kakisigan ni Fidel na ngayon ay mukhang maamong bata na nakangiti sa kaniya.
Matangkad si Fidel at hanggang balikat lamang siya nito kung kaya't yumuko pa si Fidel upang bumulong sa kaniyang likuran. "S-senor Fidel, n-narito po pala kayo" iyon na lamang ang naisagot ni Salome, hindi na rin siya makapag-isip ng maayos dahil sa lakas ng kabog ng kaniyang puso, lalo na't napakalapit lang ng binata sa kaniya, amoy na amoy niya ang mabangong amoy rosas na pabango nito na mula pa sa Ehipto.
Napalingon si Salome sa kaniyang itay, kuya Ernesto at ate Roselia na nasa harapan lang nila at taimtim na nakikinig sa pangaral ni Padre Bernardo. "Iyan ang paborito kong berso sa Bibliya" patuloy pa ni Fidel habang nakikinig sa misa.
Napatingin na lang din si Salome sa harapan, at pilit na inintindi ang bersong iyon ngunit hindi siya mapakali dahil sa presensiya ni Fidel na nasa likuran lamang niya, idagdag pa ang nakakaakit na bango ng binata na hindi niya mapigilang amuyin. "Kung iisipin, sadyang napaka-perpekto ng pag-ibig, at ang mga perpektong bagay ay mahirap makamit..." wika pa ni Fidel may bahid ng katotohanan ang kaniyang sinabi kung kaya't napalingon si Salome sa kaniya.
"Sa pag-iibig nagsisimula ang lahat Lumeng... pag-ibig sa Diyos, pag-ibig sa buhay, pag-ibig sa pamilya, pag-ibig sa bayan, pag-ibig sa kaibigan at pag-ibig sa iisang tao..." tugon pa ni Fidel habang nakatingin ng diretso sa mga mata ni Salome. "Ngunit hindi lahat nagtatapos sa pag-ibig dahil kung minsan... hindi man makamtan ang pag-ibig, mahalaga pa rin makamtan ang kapayapaan sa puso" wika pa ni Fidel sabay turo sa kaniyang puso.
Halos wala nang kurap na nakalingon sa kaniya si Salome. Ilang sandali pa, nagsimulang pumatak ang ulan. Napatingin ang lahat sa kalangitan, mataas naman ang sikat ng araw ngunit patuloy ang pagpatak ng ulan.
"At ang ibig sabihin ng iyong pangalan 'Salome' ay.... Kapayapaan" tugon pa ni Fidel, kasabay niyon ang pag-ihip ng marahan na hangin sa kanilang paligid. Nagsimula maghanap ng masisilungan ang mga tao, maging si Padre Bernardo ay bumaba na rin sa entablado dahil sa biglaang pagpatak ng ulan.
Taliwas sa kanilang lahat, nanatili lang na nakatayo sa gitna si Fidel at Salome, animo'y pareho nilang hindi alintana ang patuloy na pagpatak ng ulan. "At kahit anong mangyari... hindi man ito magtapos sa pag-ibig... umaasa akong mahahanap mo ang kapayapaan sa puso mo Lumeng..." patuloy ni Fidel, sabay ngiti ng marahan kay Salome.
Ang kapayapaan ay kakambal ng Pag-ibig... ngunit kadalasan ang Pag-ibig ang nagiging sanhi ng kaguluhan. Paano ko makakamtan ang Kapayapaan kung sa simula pa lang ng kabanata ng ating kwento ay nakasulat na ang lungkot na kaakibat nito?
Magsasalita na sana si Salome ngunit napatigil ang lahat nang biglang sumigaw ang isang Kastilang guardia civil "¡LADRÓN!" (THIEF!) sigaw nito sabay paputok ng tatlong beses dahilan para mapasigaw ang lahat ng tao at magsitakbuhan. Ang ilan ay nakabanggan pa at natapakan ang isa't-isa. Agad namang pumaligid ang mga guardia civil paikot sa plaza San Alfonso at prinotektahan ang mga principales na na malapit sa entablado.
Agad hinawakan ni Fidel ang kamay ni Salome, "Umalis na tayo rito!" sigaw ng binata, napatingin naman si Salome sa kaniyang itay, kuya Ernesto at Ate Roselia na agad din siyang hinila papalayo. Muling napalingon si Salome sa kinaroroonan ng guardia civil na nagpaputok ng baril.
Parang biglang huminto ang pag-ikot ng paligid ni Salome, animo'y nabuhusan siya ng napakalamig na tubig na naging dahilan upang hindi na siya makagalaw ngayon sa kaniyang kinatatayuan nang makitang nagkalaybang dugo at nakahandusay na sa lupa si...
Danilo.
*********************
A/N: Ang Pag-aaklas ni Pedro Ladia noong 1643 at ang Tondo Conspiracy na kilala rin bilang "Maharlika Conspiracy of 1587 -1588" ay nakatala rin sa ating Kasaysayan. Narito po ang ilan sa mga link upang mas lalo niyong maunawaan ang mga rebolusyon na pinangunahan ng ilang mga Datu, Rajah at Maharlika noong panahon ng pananakop ng mga Kastila.
Source of 1643 Pedro Ladia Revolt: http://www.elaput.org/ladia.htm
The Philippine Islands, 1493-1898, by Emma Helen Blair and James A. Robertson, Manila, 1903-1909, Bank of the Philippine Islands, commemorative CD re-issue, 1998
Source of Tondi Conspiracy 1587 - 1588: https://www.slideshare.net/ilovejuliuspatrick/tondo-conspiracy
https://prezi.com/cvbtcy-wk8do/the-tondo-conspiracy-1587-88/
https://sites.google.com/site/truelakandula/urbandictionaryonlakandula
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top