Kabanata f(x - 23)


[Kabanata 23]


Our Asymptotically Love Story

(page 176 - 191)


Ika-Labing Isang Kabanata

Filipinas 1688



"Mula ngayon... wala ng luhang papatak mula sa iyo" wika ni Patricio sabay punas sa luhang dumadaloy sa pisngi ni Salome na hindi niya namalayang pumatak kanina habang pinagmamasdan si Fidel at Eleanor. "Hindi ka na luluha pa"

Muli ay napatingin si Salome ng diretso sa mga mata ni Patricio, "Hindi ko akalaing mababaw pala ang iyong luha, parang isang sugat lang iniiyakan mo na" biglang bungisngis ni Patricio sabay turo sa kamay ni Salome na may sugat mula sa mga tinik ng rosas. Napapikit na lang sa inis si Salome dahil kinakantyawan siya ngayon ni Patricio na siya'y iyakin habang kumakaripas ito ng takbo.

Napapadyak na lang sa inis si Salome, Kahit kailan talaga palagi mo na lang sinisira ang araw ko Senor Patricio!




Nang makapitas na siya ng mga bulaklak, dumiretso na siya sa loob ng mansyon at inilapag sa mesa ng salas ang mga rosas. naupo na rin doon si Ising at tinulungan siyang tanggalin ang mga tinik nito bago ilagay sa isang plorera na gawa sa porcelana. "Siya nga pala Lumeng, ikakasal na si Piyang at Paterno sa susunod na linggo iniimbitahan nila tayo" wika ni Ising, napatingin naman si Salome sa kaniya.

"Pakakasalan ni Paterno si Piyang kahit pa hindi siya ang ama ng dinadala nito?" nagtatakang tanong ni Salome, napatango naman si Ising habang maingat na tinatanggal ang mga tinik sa rosas. "Oo raw, handa raw tanggapin ni Paterno si Piyang kahit anong mangyari... Sadyang nakakabilib ang pagibig ni Paterno para kay Piyang" ngiti ni Ising habang pinagmamasdan mabuti ang mga bulaklak.

"Nawa'y makatagpo rin ako ng isang ginoong katulad ni Paterno na handang tanggapin ang lahat para sa minamahal" patuloy pa ni Ising, ang mga huling salitang binitiwan ni Ising ay sandaling tumatak sa isipan ni Salome.


Si Senor Fidel kaya? Handa kaya niyang tanggapin ang lahat para sa kaniyang minamahal?


"Kailan ko kaya mahahanap ang lalaking para sa akin?" wika pa ni Ising habang nakangiti sa kawalan. Bigla namang naisip ni Salome ang kaniyang kapatid na si Danilo na may lihim na paghanga kay Ising.


Ang pag-ibig para kay Ising ay romantiko at mukhang sasablay si Danilo.


"Ikaw Lumeng? Naranasan mo na ba ang umibig?" ngiti pa ni Ising dahilan para matigilan si Salome, napatitig na lamang siya sa rosas na hawak niya. "Hindi ko alam... hindi ako sigurado" sagot ni Salome, nagtataka namang napatingin sa kaniya ang kaibigan.

"Sabi nila, walang tama at eksaktong sagot sa tanong kung bakit mahal mo ang isang tao dahil maraming bagay ang bumubuo sa pag-ibig... hindi ka mag-aalala kung hindi mahalaga sa iyo ang taong iyon, hindi ka masasaktan kung hindi ka apektado sa ginagawa ng taong iyon at higit sa lahat hindi ka iiyak kung hindi mo mahal ang taong iyon" wika ni Ising maging siya ay mukhang may malalim na pinaghuhugutan din.

"Dahil ang pag-ibig ay mahirap ipaliwanag, mahirap itanggi, mahirap itago, mahirap takasan at mahirap panindigan at ipaglaban" patuloy pa ni Ising, sandali silang natigilan ni Salome dahil sa hindi pangkaraniwan ang kanilang pinag-uusapan. Ngayon lamang sila nakapag-usap ng ganito kaseryoso, biglang nabasag ang katahimikan nang pareho silang natawa sa isa't-isa.

"Ikaw ang nagsimula nito Ising" tawa pa ni Salome sabay hagis ng tangkay kay Ising, gumanti naman si Ising at hinagisan din siya ng tangkay ng bulaklak "Ikaw kasi Lumeng dinaig mo pa ang mga gumaganap sa tanghalan at parada" tawa naman ni Ising at nagbatuhan sila ng mga kalat.


Napatigil lamang sila nang biglang dumating si Florencia na dire-diretso lang pumasok sa mansyon kasama ang dalawang alalay nito na nakasunod sa kaniya "Mga Iresponsable! Tama nga si Tiyo mga tamad at iresponsable kayong mga Indio!" sermon ni Florencia, agad namang napatayo si Salome at Ising at sabay na napayuko sa tapat ni Florencia.

Napakagarbo ng kasuotan ng Senorita, kulay berde na damit pang Europa ang suot nito habang hawak-hawak ang malaking abaniko. Tinernohan pa ng malaking sumbrero na kulay berde at may balahibo ng peacock. Ang kaniyang porma ay katulad ng mga kababaihan sa Inglatera.


"TU!" (YOU!) sigaw ni Florencia sabay turo kay Salome "Ven Aca!" (Come here!) tawag niya pa kay Salome at sumenyas ito na lumapit sa kaniya, nagkatinginan naman si Salome at Ising na parehong kinakabahan na ngayon sa gagawin ni Florencia, wala naman nang nagawa si Salome kundi humakbang na lang papalapit sa Senorita.


Nang makalapit na si Salome kay Florencia ay agad na itiniklop ng Senorita ang kaniyang malaking abaniko sabay hampas sa kaliwang balikat ni Salome. "Hindi ka nadadaan sa isang utos ano? Hindi ba't pinagsabihan na kita na umalis ka na rito sa hacienda Montecarlos!" sigaw pa ni Florencia, napayuko na lamang si Salome gusto man niyang patulan si Florencia ngunit inaalala niya ang mangyayari sa kaniyang pamilya sa oras na lumaban siya kay Florencia na pamangkin ni Padre Bernardo na siyang kura at isa sa pinakamakapangyarihang tao dito sa San Alfonso, kapantay ni Gobernador Filimon Alfonso.


Hindi pa nakontento si Florencia at agad niyang hinampas muli ang kaniyang abaniko sa kabilang balikat ni Salome. "Kailangan pa sigurong parusahan ka upang ikaw ay magtanda----" hindi na natapos ni Florencia ang kaniyang sasabihin dahil biglang may nagsalita mula sa itaas ng hagdan.


"Senorita Florencia itigil mo na iyan" seryosong suway ni Fidel, natigilan naman si Florencia at agad napaatras. Nakasunod naman kay Fidel si Eleanor.

Agad nagbigay galang si Florencia kay Fidel at Eleanor "Buenos días Señor Fidel y Senorita Eleanor" (G-goodmoring Senor Fidel and Senorita Eleanor) bati ni Florencia at bakas sa kaniyang boses ang kaba lalo na nang makita si Eleanor na pamangkin ng Gobernador.


"Senorita Florencia Ano ang iyong ginagawa rito?" tanong ni Eleanor, bigla namang ngumiti si Florencia sinusubukan niyang pagtakpan ang kabang nararamdaman, sa huli ay naisip niyang hindi siya dapat kabahan dahil makapangyarihan din naman ang kaniyang tiyo. "Nais ko sanang bisitahin si Patricio" ngiti pa ni Florencia ngunit seryoso lang ding nakatingin sa kaniya si Eleanor.

"Nasa hacienda Flores ngayon si Senor Patricio" wika pa ni Eleanor. "Kung gayon... hihintayin ko na lamang siya rito" tugon pa ni Florencia at agad siyang naupo sa salas. Inutusan niya munang pagpagan iyon ng kaniyang mga alalay bago siya naupo.

Agad namang lumapit si Ising kay Salome at hinila na ito sa gilid. "Senorita Florencia ako mismo ang tumanggap kay Salome dito sa hacienda at ako lang din ang maaaring magdesisyon sa pananatili niya rito" seryosong wika ni Fidel pero ngiti lang din ang isinukli ni Florencia sabay kampay ullit sa pamaypay nito.


"Ganoon ba? naalala ko lang na si Senor Patricio ang nagmamay-ari ng hacienda" ngiti pa ni Florencia na may halong pananakot. Magsasalita pa sana si Fidel ngunit biglang may dumating na kalesa at nakita nilang bumaba mula roon si Patricio kasama si Geronimo Flores. Nagtatawanan ang dalawang magkaibigan.


Natigilan si Patrico nang makita si Florencia na agad tumayo at nagbigay galang sa kaniya, iniabot pa nito ang kaniyang kamay upang halikan ng binata. "F-florencia... Qué estás haciendo aquí?" (F-florencia What are you doing here?) gulat na tanong ni Patricio ngunit iginiit muli ni Florencia na halikan nito ang kaniyang kamay kung kaya't wala na siyang nagawa kundi halikan iyon.

"Susunod si Tiyo mamaya upang mapag-usapan na natin ang paghahanda sa ating kasal" ngiti pa ni Florencia dahilan para magulat ang lahat ng nakarinig lalong-lalo na si Patricio na halos himatayin sa bigla. Habang ang kaibigan naman niyang si Geronimo na babaero rin ay tumawa-tawa pa.





Nagmamadaling naghanda ng masarap na tanghalian si Nay Delia katuwang ang mga tagapasilbi habang si Manang Estelita naman ang nag-aasikaso sa mga panauhin. Naroon na rin si Padre Bernardo sa hapag-kainan at ibinibida na nito ang nalalapit na pagtatapos ng pagtatayo sa simbahan ng San Alfonso. "Nais kong ang aking pamangkin na si Florencia at ikaw Senor Patricio ang unang ikakasal sa simabahan ng San Alfonso... sa aking tantiya ay sa susunod na taon sa buwan ng Mayo matatapos ang simabahan" ngiti pa ni Padre Bernardo habang nilalasap ang mamahaling alak na inilabas ni Patricio kanina.

"Buwan pa lang ng Agosto ngayon... hindi ba't masyado pang matagal upang pag-usapan natin ang bagay na iyan" tugon ni Patricio habang nakangiti rin ito. Nasa kabilang dulo naman si Fidel at Eleanor na parehong hindi nakikisali sa mga ngitian nilang mapagkunwari. Habang si Geronimo Flores naman ay patuloy na pinipigilan ang tawa dahil ang kaniyang kaibigan na si Patricio ay nakikipaglaro ngayon sa kapalaran.

"Pitong buwan na lang naman... ikaw Senor nais mo bang mapaaga ang kasal? Maaari nating pagtrabahuin ng buong araw at gabi ang mga indio upang mabilis na matapos ang simbahan" ngiti pa ni Padre Bernardo, napangiti rin si Florencia animo'y kinilig siya dahil mukhang mapapaaga ang kanilang kasal.

Tumawa lang si Patricio, isang tawang puno ng sarkastiko. "Maaaring mapaaga... maaaring mapatagal ng mapatagal ng mapatagal" wika pa ni Patricio habang pinapaikot-ikot nito ang alak na nasa kaniyang baso. Bigla namang humalakhak si Padre Bernardo "Sadyang mapagbiro ka talaga Senor Patricio iyan ang gustong-gusto ko sa katangian mo" tawa pa ni Padre Bernardo ngunit napailing lang si Patricio.

"Madalas nga akong magbiro ngunit may mga pagkakataon na ang biro ko ay totoo" wika pa ni Patricio, unti-unti namang nawala ang ngiti ni Padre Bernardo maging si Florencia ay natigilan din dahil sa sinabi ni Patricio. Napaismid pa si Padre Bernardo bago muling nagsalita "Baka nakakalimutan mo Senor Patricio... ang lupang tinitirikan ng iyong hacienda ay pagmamay-ari ko" ngiti muli ni Padre Bernardo, si Patricio naman ngayon ang natigilan. Batid niyang ang lupang nabili niya ay pagmamay-ari ni Padre Bernardo noon nang minsan itong naging encomiendero, regalo ang lupang iyon ng gobernador-heneral kay Padre Bernardo na ibinenta niya noon kay Filimon Alfonso ngunit dahil isang encomiendero rin si Filimon Alfonso hindi na niya kailangan pa ng marami pang lupa kung kaya't inirekomenda niya si Patricio na siyang bibili ng lupa.

Bagama't nabili na ni Patricio ang lupa mas makapangyarihan pa rin sa kaniya si Padre Bernardo na may malaking koneksyon at pinagkakatiwalaan talaga ng gobernador-heneral. Bago pa man bilhin ni Patricio ang mga lupain hindi naman niya inakala na nais ring iugnay ni Padre Bernardo ang pamangkin nitong si Florencia sa kaniya. "Hinding-hindi ko makakalimutan Amigo" tugon ni Patricio sabay ngiti na lang, ikinampay na rin niya ang baso ng alak na hawak niya at nag-salo-salo na sila.


Habang kumakain sila muling nagsalita na naman si Padre Bernardo "Senor Geronimo Flores ano itong usap-usapan na naririnig ko na ikaw raw ay nakadisgrasya ng isang indio na alipin dito sa hacienda Montecarlos" napatigil naman si Geronimo ngunit napangiti rin ito ng di-kalaunan. Ang lahat na ngayon ay nakatingin sa kaniya, maging si Patricio ay napatahimik din naalala niyang si Piyang ang tinutukoy ng kura.

"Pawang paninira lamang ang nais ng nagpasimula ng tsismis na iyon, malamang gusto lamang ng atensyon at makakuha ng pera mula sa aming pamilya" wika ni Geronimo Flores na hindi nagustuhan ni Fidel, matagal ng naninilbihan si Piyang sa hacienda Montecarlos at ang lahat ng manggagawa sa hacienda ay kaniyang pinapahalagahan.

"Senor Geronimo... kadalasan ang mga tsimis ay may kalahating katotohanan" seryosong tugon ni Fidel. Napalunok naman si Geronimo ngunit hindi niya nagustuhan ang tono ng pananalita ni Fidel, at kahit ganoon ngumiti na lang siya "Ganoon ba Senor Fidel? Ibig sabihin kung kalahati nito ay totoo... kalahati rin naman nito ay maaaring kasinunggalingan" banat ni Geronimo. Lihim namang napangiti si Padre Bernardo at Florencia dahil sa palitan ng sagot ni Fidel at Geronimo. Nakikinita na niya ang simula ng lamat sa relasyon ng pamilya Flores at pamilya Montecarlos dahil sa pagtatanggol ni Fidel sa isang indio.




Sa kabilang banda naman ay lihim na nakikinig si Salome at Ising sa likod ng pinto ng kusina. "Kailangan mapuksa ang kumakalat na tsismis kay Piyang at Senor Geronimo dahil malalagay sa panganib ang pamilya nila" bulong ni Ising kay Salome, kinakabahan na ngayon silang dalawa. "Anong ibig mong sabihin?"

"Kung patuloy na kakalat ang tsismis na nabuntis ni Senor Geronimo Flores si Piyang at napatunayan nga ito siguradong hindi papayag si Don Antonio Flores na mabuhay ang bata, ang isang bata na may lahing indio" wika pa ni Ising dahilan para mas lalong kabahan at mangamba si Salome.

"Ang hindi ko lang maintindihan bakit mabilis na kumalat ang tsismis? Imposible namang isa sa atin ang nagkalat niyon? At wala namang pinagsabihan na iba si Piyang bukod sa atin at kay Paterno" patuloy pa ni Ising, biglang napaisip ng malalim si Salome naalala niyang inamin ni Piyang na si Geronimo ang ama ng bata noong isang gabi sa harapan lamang ni Senor Patricio, Senor Fidel, Senorita Eleanor, Manang Estelita, Ising at... Susana.

Biglang napatigil si Salome nang sumagi sa kaniyang isipan ang pangalan ni Susana, sakto namang biglang dumating sa kusina si Susana dala-dala ang mga pinagkainan. Nagkatinginan silang dalawa ngunit sinamaan lang siya ng tingin ni Susana at nagpatuloy na ito sa trabaho.

Posible kayang si Susana ang nagkalat ng balita? Ngunit bakit naman niya gagawin iyon? Anong mapapala niya?





Nag-iisa ngayon si Salome sa gilid ng lawa ng luha, oras ng siyesta kung kaya't karamihan ay nagpapahinga. Nagtungo siya sa lawa ng luha upang makapag-isip isip. Napakaraming bagay ngayon ang gumugulo sa isipan niya, maging ang problema ng kaniyang mga kaibigan ay nagiging problema na rin niya.

Nakakita siya ng maliit na bato at inihagis niya iyon sa lawa. "Ang hilig mo pagdiskitahan ang mga inosenteng bato" biglang wika ni Patricio na naglalakad patungo sa kaniya. Napalingon naman si Salome at napabuntong-hininga.


Narito na naman ang nakakainis na lalaking ito!


"Paano kung aksindente mong mabato ang sarili mo? paniguradong iiyak ka na naman" tawa pa ni Patricio at umupo ito sa tabi niya, agad naman siyang umusog papalayo sa pangambang kung anong gawin ng binata sa kaniya.

"Iniisip mo bang katulad ako ng aking kaibigan na si Geronimo?" ngisi pa ni Patricio, napakunot naman ang noo ni Salome at hindi na lang niya pinansin ang binata.

"Sabi nila, kung ano ang ugali ng mga kaibigan mo ay siyang ugali mo rin" patuloy pa ni Patricio, nakatulala na sila ngayon sa lawa ng luha. "Nakuha mo Senor..." tugon ni Salome na mas ikinangisi pa ni Patricio.

"Hindi ba't Patricio na ang nais kong itawag mo sa akin... at bukod doon naniniwala ka rin pala sa kasabihang iyon... kung gayon naiintindihan ko na katulad mo rin ang iyong kaibigan na si Piyang, parehong nais maging posible ang imposible... parehong umaasa sa maling tao" tugon pa ni Patricio dahilan para mapalingon sa kaniya si Salome.


Alam na kaya ni Senor Patricio ang lihim kong pagtingin sa kaniyang pinsan?


"Ahh! Kaya pala hilig mo ang magpalipas ng oras dito sa lawa ng luha dahil kaibigan mo rin ang babaeng nasa alamat nito" ngisi ulit ni Patricio sabay kuha ng bato at inihagis iyon sa lawa. Naalala ni Salome ang alamat ng lawa ng luha at ilog tangis na kinuwento sa kaniya noon ni Fidel, umiyak ng umiyak ang babae hanggang sa mapuno ang lawa at ilog ng luha niya dahil sa lalaking minamahal nito.

"Ang pag-ibig ay hindi dapat sineseryoso... dahil masasaktan ka lang, ituring mo lang na isang larong sugal ang pag-ibig nang hindi ka tumataya ng pera para kahit matalo ka man hindi ka pa rin nawalan" patuloy pa ni Patricio sabay hagis ng sunod-sunod na bato sa lawa.

"Siguro kailangan nating batuhin ng maraming bato ang lawa ng luha para magising na sa katotohanan ang babaeng iyon noh?" tawa pa ni Patricio sabay abot ng bato kay Salome, sa pagkakaong iyon nakita ni Salome na may pait at lungkot na tinatago si Patricio sa mga mata nito.

"Bakit ganiyan ang pananaw mo sa pag-ibig Senor?" biglang tanong ni Salome dahilan para biglang mapatigil si Patricio. "Bakit kailangan paglaruan lang ang damdamin ng iba?" patuloy pa ni Salome. Ibinaba naman na ni Patricio ang batong hawak niya at saka ibinaling nito ang kaniyang paningin sa napakagandang lawa.

"Napakahabang kwento... at hindi ka maniniwala kapag nalaman mo" sagot ni Patricio sabay ngiti ulit ng nakakaloko. Magsasalita pa sana si Salome ngunit kinulit siya ni Patricio na batuhin nila ng bato ang lawa para raw matauhan na ang babae sa alamat na nagpakabulag sa pag-ibig.





Araw ng linggo, ginanap ang simpleng kasal ni Paterno at Piyang sa gilid mismo ng simabahan ng San Alfonso dahil hindi pa ito tapos gawin. Si Padre Rogelio ang nanguna sa seremonya. Maraming tao ang dumalo karamihan ay mga ordinaryong mamamayan na kaibigan ng mga magulang ni Paterno at Piyang.

Masayang-masaya si Paterno habang kitang-kita naman na napipilitan lang si Piyang. Medyo maumbok na rin ang tiyan nito na naging pangunahing paksa ng mga tsismosang nakikiusyoso sa kasal. Nang matapos ang kasal dumiretso na ang lahat sa kainan na dinaos sa bahay nila Piyang sa barrio linga na malapit sa hacienda Alfonso.

Ang kasal ay pinaghandaan at pinaggastusan talaga kahit pa naisangla ng mga magulang ni Paterno ang ilan sa mga alaga nilang kalabaw at baka. Napakaraming pagkaing inihanda na nakalatag sa mahabang mesa sa labas. ang mga bisita naman ay tuwang-tuwa habang nagkakainan at nagkwekwentuhan. Si Salome at Ising ay nakasuot din ng puting baro't saya na mas maganda at mas malinis kumpara sa simpleng damit na suot nila araw-araw. maayos din ang buhok nila na nakapusod ng buo lalong-lalo na ang buhok ni Salome dahil may maliliit na kulot pa ito na diretso sa kaniyang patilya.

"Salamat at nakarating kayo sa aming kasal" pasasalamat ni Paterno at nagbigay galang siya kay Salome at Ising, ang lahat ng panauhin ay binabati niya at pinasasalamatan. "Parang kailan lang pabiro kong sinabi sa iyo na pumunta ka sa aking kasal at ngayon nagkatotoo nga dahil kaibigan mo pala si Piyang" ngiti pa ni Paterno, napangiti naman si Salome. "Napakaliit talaga ng mundo, hindi ko rin akalain na ang babaeng tinutukoy mo ay matagal ko na palang kilala" ngiti pa ni Salome at nagtawanan sila.

"Siya nga pala nasaan si Piyang?" tanong ni Ising bigla namang nagbago ang ekspresyon ng mukha ni Paterno ngunit pinilit niya pa ring ngumiti "Ah! masyadong napagod sa seremonya kanina ang aking asawa kung kaya't nagpapahinga na siya ngayon" sagot ni Paterno, hindi naman maialis ni Salome ang tingin niya kay Paterno lalo na't batid niyang nasasaktan ang binata dahil hindi naman niya anak ang pinagbubuntis ng asawa niya.

Nais sanang makausap ni Salome si Paterno upang malaman ang saloobin nito ngunit biglang dumating si Felipe na nakagayak din at posturong-postura. Agad niyang binati ang dalawang binibini at namula sa hiya nang batiin at ngitian din siya pabalik ni Salome. Habang si Danilo naman ay nakabuntot lang sa kaniyang kuya Ernesto at Ate Felicidad at kunwaring inaalagan si Julio para hindi siya tawagin nila Paterno at Salome na lumapit kay Ising.

"Mukhang may susunod na ikakasal na ah" biglang kantyaw ni Paterno sabay tabig sa likod ng kaibigan ngunit bigla silang napatigil nang biglang may magsalita mula sa likuran nila.


"Inihahatid ko ang aking pagbati sa matagumpay niyong kasal Ginoong Paterno" sabat ni Fidel sabay abot ng kamay kay Paterno. Sandali namang napatigil si Paterno dahil hindi niya akalaing makakamayan at kakausapin siya ng isang elitistang katulad ni Fidel Montecarlos.

Agad napayuko ng tatlong ulit si Paterno at labis-labis ang kaniyang pasasalamat sa pagdating ni Fidel. May iniabot pang regalo ang kastilang binata na isang mamahaling kumot mula pa sa Tsina. "Napakabuti niyo ho talaga Senor Fidel, napakswerte po ng aking asawa na maging tagapagsilbi ninyo" wika pa ni Paterno, tinapik naman ni Fidel ang balikat ng bagong kasal.

"Alagaan mong mabuti ang iyong asawa, ngayong kayo'y pinag-isa na harapin niyo ang lahat ng problema ng magkasama" bilin pa ni Fidel na nagpaluha kay Paterno dahil sa labis na saya. Ngumiti naman si Fidel sabay tingin kay Salome na agad umiwas ng tingin at nagpaalam na kukuha lamang ng tubig na maiinom.


Bakit ba hanggang dito ay makikita ko pa rin si Senor Fidel? Linggo na nga lang ang araw na hindi ko siya makikita ngunit sadyang napakakulit talaga ng tadhana


Nagsalin na ng tubig sa baso si Salome at dire-diretso niyang ininom iyon ng isang lagukan lang. muntik pa siyang masamid nang maramdaman niyang nasa likod na niya si Fidel dahil naaamoy na niya ang pabango nito. "Lumeng..." panimula ni Fidel, nakatayo silang dalawa ngayon sa mahabang mesa kung saan nakalatag ang lahat ng pagkain. Habang ang ibang panauhin ay kani-kaniyang nagsasaya at nagkwekwentuhan sa bawat gilid. ang ilang maliliit na batang paslit ay nagtatakbuhan pa.


"Nabigla ba kita? Paumnhin" patuloy pa ni Fidel dahil tuluyan nan gang nasamid si Salome. Tatapikin niya sana ang likod ng dalaga ngunit naalala niyang hindi niya maaaring gawin iyon lalong-lalo na dahil isang kapusukan ang paghawak sa isang dalaga.


"H-hindi naman po Senor" wika ni Salome sabay lapag ng basong hawak niya, akmang aalis na sana siya roon ngunit nagsalita muli si Fidel. "Bakit hindi ka na dumadalo sa ating lektura? Ayaw mo na bang matuto magbasa at magsulat?" habol ni Fidel, hindi naman agad nakapagsalita si Salome at ibinaling na lang niya ang kaniyng paningin sa mga pagkain sa mesa.


"Lumeng?"


"M-masyado lang pong maraming bagay ang bumabagabag sa aking isipan nitong mga huling araw at bukod po roon nakakahiya po kina Manang Estelita at sa iba ko pong mga kasamahan kung hindi ko po nagagampanan ng maayos ang aking trabaho" sagot ni Salome nang hindi tumitingin sa mata ni Fidel.


"Maraming bagay ang bumabagabag sa iyong isipan? Katulad ng ano?" tanong pa ni Fidel animo'y hindi niya titigilan si Salome hangga't hindi nalalaman ang mga sagot dito.


Katulad ng nararamdaman ko sa inyo Senor Fidel... alam kong mali ngunit hindi ko rin kayang pigilan...


"Basta ho Senor maraming bagay" wika na lang ni Salome, aalis na sana ulit siya ngunit biglang humarang na naman sa kaniya si Fidel dahilan para mas lalo siyang kabahan dahil nasa gitna sila ng napakaraming tao, baka kung anong isipin ng mga ibang nakakakita sa kanila.


"Tungkol ba sa pangungulit sa iyo ni Patricio?" diretsong tugon ni Fidel habang nakatitig kay Salome dahilan para matigilan ang dalaga. "Ano bang mayroon sa inyo ni Patricio?" habol pa ni Fidel sa bakas ng pananalita nito animo'y nobyo na naninibugho. Lingid sa kanilang kaalaman nakita rin sila ni Fidel na magkasama sa lawa ng luha habang naghahagis ng mga bato roon noong isang araw.


"A-ano pong sinasabi niyo Senor?" gulat at litong-lito na tanong ni Salome.


"Wala... kalimutan mo na lamang ang aking sinabi" wika ni Fidel sabay iwas ng tingin sa dalaga at umalis na ito.


Hindi na kita maintindihan Senor Fidel...





Kinagabihan, hindi makatulog ng maayos si Salome lalo na dahil sa mga huling sinabi at ikinilos ni Fidel sa handaan sa bahay nila Piyang kanina. Matapos siyang kausapin ni Fidel ay bigla na itong nagpaalam pauwi at umalis na.


Anong bang nangyayari? Bakit ganito ang nararamdaman ko?


"Lumeng hindi ka rin ba makatulog?" tanong ni Felicidad sa kapatid dahil galaw ng galaw si Salome sa higaan nila. napakadilim ng buong paligid dahil nakapatay na ang gasera at wala ring buwan ngayon. "Minsan darating ka sa punto ng buhay mo na kung saan hihilingin mo na sana hindi mo na lang nalaman dahil mas mabuti ng paniwalaan ang kasinunggalingan kaysa sa katotohanan na mas masakit palang tanggapin" panimula ni Felicidad, napayakap naman si Salome sa kaniyang ate.


"Anong ibig mong sabihin ate Fe?"


"Hinihiling ko na sana hindi ko na inalam pa ang katotohanan at hamabuhay ko na lang pinaniwalaan ang kasinunggalingan" sagot ni Felicidad sabay yakap din sa kapatid. Mas lalo namang naguluhan si Salome sa sinasabi ng kaniyang ate.


"Ano ba ang iyong tinutukoy ate Fe?"


Sandali namang hindi umimik si Felicidad ngunit rinig na rinig ni Salome ang pagbuntong-hininga nito "Ang katotohanan kung bakit tayo umalis sa Tondo" diretsong sagot ni Felicidad na nagdulot ng hindi maipaliwanag na kaba kay Salome.

"Hindi ba kaya tayo umalis roon ay dahil sa away ni Tiyo Fernando at itay?" tanong ni Salome ngunit panibagong pagbuntong-hininga lang muli ang narinig niya mula kay Felicidad.

"May mas malalim pang kwento Lumeng... at nitong isang araw ko lang din nalaman" wika pa ni Felicidad, at niyakap ng mahigpit ang kapatid. "Narinig ko kahapon habang nagkwekwentuhan si itay at sila Mang Berto sa labas ng bahay, nangangamba sila dahil mukhang dumarami na ang intsik dito sa San Alfonso..." patuloy ni Felicidad. Hindi naman nakakontra si Salome dahil batid niyang dumarami na nga ang populasyon ng mga intsik sa kanilang lugar at nitong huling linggo lang ay may napagdeskitahan ulit na mga tinderong intsik sa palengke.

"Kung gayon... aalis na tayo rito sa San Alfonso?" tanong ni Salome kasabay niyon ay naramdaman niya ang kakaibang bigat sa dibdib dahil ayaw niyang lisanin ang San Alfonso lalong-lalo na ang hacienda Montecarlos.

"Hindi ko alam Lumeng... ngunit batid kong hindi lang matatapos sa pag-alis dito sa San Alfonso ang lahat" wika pa ni Felicidad, sandali itong napabuntong-hininga bago muling nagsalita "Dahil sa oras na malaman nila na tayo'y nagtataglay ng dugong bughaw... hindi ko na alam kung anong mangyayari sa atin"

Sa pagkakataong iyon, biglang pinagharian ng matinding takot at pangamba si Salome nang marinig niya ang sinabi ng kaniyang nakatatandang kapatid. Wala ng umimik sa kanilang dalawa, parehong binalot ng takot sa mga posibleng mangyari sa kanilang pamilya kung hindi sila mag-iingat.





Kinabukasan, maagang hinatid ni Ernesto si Nay Delia at Salome sa hacienda Montecarlos. Marami pa itong pinadalang mga saging ng lakatan na ikinatuwa ni Manang Estelita na sumalubong sa kanila. Nang umaga ring iyon, pinakain na muna ni Salome ang mga alagang manok lalong-lalo na si ChingChing na binuhat niya pa at pinatuka sa kaniyang palad.

"Mabuti ka pa ChingChing ikaw ay magana kumain... wala ka sigurong pinoproblema ngayon" wika pa ni Salome habang hinihimas at pinapakain ang paboritong alaga. Pumutak-putak naman si ChingChing habang ganadong-ganado sa pagkain.

"Pansin ko nga na ikaw ay lumulusog din... hinay-hinay lang baka maging agaw pansin ang iyong kalusugan at ikaw na ang isunod na gawing litson sa handaan" biro pa ni Salome pero biglang napatigil sa pagkain si ChingChing at nagpupumiglas ito sabay lundag sa lupa.

"Ako'y nagbibiro lang kaibigan" tawa pa ni Salome ngunit animo'y naalarma si ChingChing at nagtatakabo sa loob ng malawak na kulungan, dali-dali itong lumabas sa nakabukas na harang na nakalimutan isara ni Salome kanina nang pumasok siya, "ChingChing!" sigaw ni Salome sabay habol sa tumatakbong manok papalayo.


Sadyang napakabilis at ang liksi-liksi tumakbo ni ChingChing habang kinakampay-kampay pa nito kaniyang pakpak dahilan para mahirapan si Salome sa paghabol sa kaniya. Narating na nila ang kwadra ng mga kabayo ngunit hindi pa rin tumigil si ChingChing sa pagtakbo hanggang sa mapadaan sila sa sapa na puno ng mga gansa at pato ngunit hindi pa rin nagpaawat sa pagtakbo si ChingChing. "Sandali! Saan ka ba pupunta? Ako'y nagbibiro lang hindi ka namin iluluto" tawa pa ni Salome kahit pa hinihingal na siya sa paghabol sa alaga.


"Ching! Huwaaag!" sigaw pa ni Salome dahil biglang lumusot si ChingChing sa isang maliit na lagusan sa bakod na gawa sa bato ng hacienda. "Pasaway na manok!" inis na tugon ni Salome at agad siyang sumampa sa bakod, mabuti na lang dahil walang ibang bantay o tao mula doon kaya hindi na siya nagalinlangan na sumapa pa roon.

Nang makababa na siya sa bakod na hindi naman ganoon kataas tumambad sa kaniya ang kakaibang Paraiso na natatago roon. Naglalakihang puno ng Narra ang nakahelera sa gilid ng kalsada na gawa sa lupa, at sa di kalayuan ay nakaabang ang isang malaking lupain na puno ng mga bulaklak na rosas na may iba't-ibang kulay.

"Ching!" tawag pa ni Salome sa kaibigang manok na patuloy pa ring kumakaripas ng takbo papunta sa lupain ng mga rosas. Ang malawak na lupain na natatanaw ni Salome ay tinatawag na lupain ng mga rosas, walang nagmamay-ari nito at bukas ito sa lahat. Sa pinakagitnang bahagi ng lupain ng mga rosas ay may nakatirik na maliit na silungang kubo na gawa sa pawid at tanging apat na haligi lang ang nakatayo roon, wala itong pader kung kaya't kitang-kita ang dalawang mahabang upuan na magkatapat sa loob.


napangiti naman si Salome sabay takbo ng mabilis papunta rin doon "Ikaw talaga! gusto mo lang palang gumala" tawa pa ni Salome ngunit bigla siyang napatigil nang makita ang isang pamilyar na lalaki na nakasilong sa kubo at nakatalikod sa kanila. May hawak itong biyolin (violin) at nagpapatugtog ng musika mula sa instrumenting iyon.


Naistatwa lamang si Salome sa kaniyang kinatatayuan sa gitna ng mga bulaklak ng rosas habang nakatanaw kay Fidel na nakapikit habang dinadama ang musika mula sa pinapatugtog na biyolin. Tila bumagal ang pagtakbo ng oras sa pagitan nila habang pinagmaamsdan ni Salome si Fidel mula sa di-kalayuan.


Kasabay niyon ay ang pag-ihip ng marahan at napakasariwang hangin na nagdulot ng kaginhawaan sa pakiramdam ni Salome lalong-lalo na ang musika na nililikha ni Fidel. Maaliwalas din ang kapaligiran, kulay asul ang kalangitan habang ang mga nakatanim na rosas sa paligid ay nagsasayawan.


Naramdaman muli ni Salome ang kakaibang pagtibok ng kaniyang puso na minsan na rin niyang naramdaman nang una niyang makita si Fidel at sa pagkakataong iyon ay mas lalo pang tumindi ito. Ilang sandali pa ay nagulat si Salome nang biglang may maramdaman siyang naglalakad mula sa likuran niya. bago pa man siya makalingon ay narinig na niyang nagsalita ito "Napakaganda ng musikang tinutogtog ng aking pinsan ano?" wika ni Patricio habang nakatingin din kay Fidel. Napaatras naman si Salome nang tumabi na sa kaniya si Patricio.


"A-anong ginagawa mo rito?" tanong ni Salome pero hindi ito pinansin ni Patricio, "Ang pamagat ng musikang tinutugtog niya ay Kanon Und Gigue In D-Dur o mas kilala bilang Canon na nilikha ni Senor Johann Pachelbel na taga-Alemanya (Germany)" wika pa ni Patricio, napatingin naman si Salome kay Fidel habang patuloy pa rin itong tumutugtog ng biyolin. Animo'y hindi pa niya napapansin na naroon sila at pinapanood siya.


"Mahiwaga ang musikang iyan... ang sabi nila, ang Canon ay nakapagdudulot ng magkahalong saya at lungkot na sabay mong mararamdaman katulad na lamang ng pag-ibig" tugon pa ni Patricio sabay tingin kay Salome.


"Pag-ibig na puno ng saya at kalungkutan na sa di-kalaunan ay magwawakas din katulad ng musika na may hangganan" patuloy pa ni Patricio habang nakatingin ng diretso sa mga mata ni Salome, kasabay nito ay ang pag-ihip muli ng malamig na hangin.


"A-ano pong ibig niyong sabihin Senor?" nagtatakang tanong ni Salome na ikinaseryoso muli ng itsura ni Patricio, isang seryosong mukha na may hatid na awa para kay Salome.


"Bago pa man mag-umpisa tumugtog ang musika mas makabubuti kung lumayo ka na at huwag mo nang tapusin pang pakinggan ito dahil sa huli masasaktan ka lang" wika pa ni Patricio habang nakatingin pa rin ng malalim sa mga mata ni Salome. "Masasaktan ka lang Lumeng kung ipagpapatuloy mo iyan" dagdag pa ni Patricio. At sa pagkakataong iyon parang biglang tumigil ang pag-ikot ng mundo ni Salome at kasabay niyon ay parang biglang may kung anong kirot na muli siyang naramdaman sa kaniyang puso.


Bakit hindi ako maaaring mahulog kay Senor Fidel?



********************

A/N: Ang Lupain ng Rosas sa San Alfonso ay isa sa mga setting din sa I Love you since 1892 kung naalala niyo pa haha. Also, The violin, viola, and cello were first made in the early 16th century, in Italy. While piano was made from Italy around 1709. And originally Canon in D by Johann Pachelbel was written for three violins with a bass accompaniment and a gigue around 1680.

Hope you enjoy this chapter 😊 Vote and comments are highly appreciated ❤


Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top