Kabanata f(x - 21)


[Kabanata 21]


Our Asymptotically Love Story

(page 156 - 176)


Ika-Sampung Kabanata

Filipinas 1688



"At ayoko rin marinig ang salitang Paalam muna sa iyo... Lumeng" tugon ni Fidel habang nakatingin ng diretso sa mga mata ni Salome, Napatitig lang din ng diretso si Salome sa mata ni Fidel habang pilit na inuuwa ang mga salitang binitiwan nito. Sandaling tumigil ang oras sa pagitan nilang dalawa habang nakatitig sa mata ng isa't-isa.

At sa mga oras na iyon, sa bawat segundong pumatapatak hindi pa rin inaalis ni Fidel ang kamay niya sa noo ni Salome. Hanggang sa matauhan na lang si Salome at kusang mapahakbang paatras papalayo sa binata.

Maging si Fidel ay natauhan na rin sa kaniyang mapangahas na paghawak sa dalaga kung kaya't agad niyang ibinaba ang kaniyang kamay ay itinago ito sa kaniyang likuran. "P-paumanhin sa aking inasal, N-nais ko lamang suriin ang iyong temperatura" tugon pa ni Fidel at nagpalingon-lingon ito sa paligid upang iwasan ang nagtatakang mata ni Salome na nakatingin sa kaniya. "Mukhang maayos naman na ang iyong pakiramdam, magsabi ka lang kung kailangan mo ng gamot" wika pa ni Fidel at pasimple itong sumulyap kay Salome na nakayuko na ngayon at bakas sa mukha nito na siya'y nabigla talaga sa mga pangyayari.

"A-ako'y papanhik na sa loob" paalam pa ni Fidel at dali-dali itong pumasok sa loob ng mansyon. habang si Salome naman ay nakatanaw sa kaniya habang nakatalikod itong naglalakad papalayo, napahawak din siya sa kaniyang noo, ramdam niya pa rin ang palad ni Fidel na dumampi sa kaniyang noo kani-kanina lang.

Bakit Senor Fidel? Bakit kailangan mo akong lituhin ng ganito?


Lingid sa kanilang kaalaman, nakatanaw si Eleanor mula sa bintana ng ikalawang bahagi ng mansyon. natunghayan niya ang tagpo ni Fidel at Salome.




Kinabukasan, maaga pa lang ay pinatawag ni Manang Estelita ang mga tagapag-silbi dahil may gagawin silang importanteng bagay. Nakapalibot sila ngayon sa malaking mesa sa gitna ng kusina na kung saan nakalatag doon ang iba't-ibang sangkap na langis, pampabango at marami pang iba.

"Ito ay mga sangkap pa mula sa Europa" panimula ni Manang Estelita sabay hawak sa labander at lemon. Sa kaniyang likuran ay may palayok na nasa apuyan na ngayon. "Ano ba ang gagawin natin ngayon Manang?" tanong ni Ising. Napangiti naman si Manang dahil hindi na mapakali ngayon si Ising, Salome at Piyang sa kakausisa sa mga sangkap.

"Tayo'y gagawa ng sabon" sagot ni Manang Esetelita sabay kuha ng taba ng baboy at isinalang ito sa palayok upang makuha ang langis mula sa taba nito. Nilagyan pa ni Manang Estelita ng kaunting tubig at asin. Matapos ang proseso ng pagkuha ng langis isinalang nila ito sa isang palayok habang sinasala ang langis sa isang puting tela.



Matapos ito palamigin ay inihalo na rin ito sa iba pang mga sangkap gamit ang Leeching Barrel upang mabuo ang lye water solution. Sunod namang pinainit ni Manang Estelita sa palayok ang langis ng olive at niyog. Matapos ito ay pinag-halo-halo na ang lahat ng dahan-dahan sa isang malaking palayok, inilagay na rin nila ang katas ng lemon na pinili ni Ising at Salome dahil sa nakakaakit na amoy nito.

"Ngayon ko pa lang po nakita ang hulmahan na iyan Manang at mukhang mamahalin pa" magiliw na wika ni Salome at Ising ng ilabas ni Manang Estelita at ilagay sa mesa ang malaking pa-kuwadraro na hulmahan ng sabon na gawa sa kahoy. "Pasalubong ito ni Senorita Eleanor sa akin, Nabalitaan daw niya kasi kay Fidel na mahilig akong gumawa ng sabon" nakangiting sagot ni Manang habang hinihimas ang bagong-bagong hulmahan.

"Nasaan nga po pala si Senorita Eleanor?" tanong ni Ising habang aliw na aliw pa rin silang lahat sa paghalo ng marahan sa mga sangkap. "Kanina ay nasa itaas lamang si Senorita Eleanor at nagbabasa ng libro" sagot naman ni Piyang. Tulong-tulong naman nilang binuhat ang malaking palayok at isalin ang laman nito sa hulmahan.

"Umuwi na kanina si Senorita Eleanor, masama raw ang kaniyang pakiramdam pinahatid siya ni Senor Fidel kay Mang Berto sa hacienda Alfonso" sagot ni Susana sabay tingin kay Salome. Nagtaka naman si Salome kung bakit nakatingin sa kaniya si Susana kahit pa hindi naman siya ang nagtanong kung nasaan si Eleanor.

"Kay ganda! Maaari po ba nating lagyan ito ng palamuti?" tuwang-tuwang tanong ni Ising habang nakatutok ng maigi sa sabon na nasa hulmahan na ngayon. "Kailangan pa nating hintaying tumigas ito bago natin maaaring sulatan" wika ni Manang Estelita, labis ang saya na nararamdaman niya habang pinagmamasdan ang mga dalagang tuwang-tuwa ngayon sa kanilang bagong natuklasan.

"Mga hija palagi niyong tatandaan na ang buhay ay katulad ng mga sabong iyan, marami kang kailangang pagdaanan at haraping proseso bago mo makamit ang magandang resulta mula sa bagay na pinaghirapan mo" patuloy pa ni Manang Estelita sabay turo sa sabon na natapos na nila gawin at itinabi na nila upang hayaang tumigas ng kusa. "Kayo'y mga bata pa, marami pa kayong haharapin sa mundong ito... at sa bawat desisyon na gagawin niyo palagi niyong piliin ang tama" saad pa ni Manang Estelita at isa-isa niyang tiningan ang mga dalaga habang nakikinig ito sa mga pangaral niya, ngunit napatigil siya nang ibaling niya ang paningin niya kay Salome, sandali niyang tinitigan ang dalaga sabay wika, "Dahil sa huli ang tamang desisyon pa rin ang siyang nararapat"





Araw ng linggo, matapos magsimba sa bayan ay nagtungo ang mag-anak na Aguantar sa palengke at dumaan sa panciteria ni Aling Teodora. Si Nay Delia naman ay kanina pa nasa panciteria habang magiliw na kakwentuhan si Aling Teodora na kapwa niya may lahing intsik. Kanina pa sila nag-uusap patungkol sa kanilang mga nakagawiang kultura, tradisyon at relihiyon.


Si Salome, Felicidad, Ising at Julio naman ay nasa kabilang mesa habang pumapapak sila ng keso. Kalong-kalong ni Felicidad ang batang si Julio at tuwang-tuwa ito makatikim ng keso. Si Danilo naman ay hindi makapasok sa panciteria dahil naroon si Ising kung kaya't naggagala na lang ito sa palengke. Habang sit ay Isko ay kasama sila Mang Berto, Mang Kiko at Mang Pedro na nagkukumpulan sa labas ng panciteria kasama ang cabeza de barangay ng barrio Tagpi na si Mang Lito. "Kahit anong gawin natin ay mainit pa rin ang mga mata ng kastila sa mga intsik" saad ni Mang Lito, napahimas naman sa noo si Tay Isko, kamakailan lang kasi ay napabalitang may dalawang intsik na nagtitinda ng mga alahas ang pinagmalupitan ng mga kastila at kinuha pa ang mga paninda nito.


"Ayaw ng mga kastila na maulit muli ang ginawang pag-atake nila Limahong kahit pa imposible ng mangyari muli iyon" wika pa ng cabeza de barangay. Napailing-iling naman ang mga kausap nito.

"Posible pang mangyari iyon, ang pagatake sa Tondo at Quiapo ng mga intsik na naghimagsik sa mga Kastila noong 1603 lang at ang mapangahas na kautusang inilabas ni Gobernador-Heneral Corcuera na sapilitang pagtrabahuin ang mga intsik sa Calamba noong Nobyembre 19, 1639 ang nagpasimula na naman ng ikalawang rebolusyon ng mga intsik, hindi ba't napatay ng mga rebelde ang alcalde mayor ng Laguna na si Don Marcos Zapata. Maging ang mga paring kastila ay napatay rin nila, sinunog din nila ang mga gusali at simbahan ng Santa Maria at simbahan ng Cavinti" paaalala ni Mang Pedro at mas napatigil sa pag-uusap ng may mapadaang apat na guardia civil sa gilid nila na romoronda sa palengke.

Nang makalagpas ang mga guardia civil ay muli silang nagkumpulan. "Hindi ba't halos tatlong buwan din sila nakipaglaban sa mga kastila habang nagtatago sa kabundukan ng Laguna?" tanong pa ni Mang Kiko, natapatango naman silang lahat.

"Tama ka Kiko, lumaban sila ngunit natalo rin, ang ilan sa kanila ay sumuko kay Gobernador-Heneral Corcuera sa Pagsanjan ngunit halos 20,000 naman sa panig ng mga rebelde ay napatay rin" wika ni Mang Berto. Sandali silang napatahimik, pare-parehong nalulungkot sa pag-alaala ng nangyaring kagimbal-gimbal na masaker. At ngayon nagsisimula na rin silang mangamba dahil dumarami na ang populasyon ng mga intsik sa San Alfonso.

Isang senyales na muling mangangamba na naman ang pamahalaang Kastila. Kahit anong gawin ni Tay Isko ayaw man niyang isipan ang mga posibleng masamang mangyari sa kanilang pamilya sa oras na magkaroon na naman ng tensyon sa pagitan ng dalawang lahi, ang pamilya pa rin ni Tay Isko ay maiipit dahil ang asawa niyang si Nay Delia ay intsik at kung kaya't ang kanilang limang anak na sina Ernesto, Felicidad, Salome, Danilo at Julio ay siguradong madadamay.



"Napakasarap naman ng kesong ito Ising" puri pa ni Felicidad at kanina pa sila nagkwekwentuhan, ngayon pa lang nagkakilala si Felicidad at Ising at naging malapit na agad sila sa isa't-isa lalo nan ang binulong ni Salome sa kaniyang ate Felicidad na si Ising ang babaeng napupusuan ng kapatid nilang torpe na si Danilo. At mukhang palagay na rin ang loob ni Felicidad kay Ising.

"Magkamukha pala kayo ate Felicidad ni Salome... para kayong kambal" puri naman ni Ising kay Felicidad na ikinasaya nito "Talaga? ibig sabihin mukha pa akong bata" biro pa ni Felicidad at nagtawanan sila. "dalawang taon lang naman ang tanda mo sa akin ate Fe" reklamo pa ni Salome pero tinawanan lang siya ni Isng at Felicidad at inasar pa nila na mukha ng matanda si Salome kung kaya't agad silang kiniliti ni Salome.

Habang si Julio naman ay nagpakarga na kay Nay Delia dahil inaantok na ito, magkausap naman sa kabilang mesa si Nay Delia at Aling Teodora at patuloy pa rin sila sa masaya nilang pagkwekwentuhan.

"Napaka-pilya mo talaga Lumeng!" tawa pa ni Felicidad habang pilit na umiiwas sa kiliti ni Salome, pinagtulungan naman nila ni Ising na kilitiin si Salome ngunit sadyang magaling talaga sa kilitiin itong si Salome kaya natatalo sila. Ilang saglit pa napatigil sila nang biglang may napatikhim mula sa labas ng bintana ng panciteria. "M-magandang hapon sa inyo mga Binibini" bati ni Felipe, hinubad nito ang kaniyang sumbrero at itinapat iyon sa kaniyang dibdib upang magbigay galang sa mga dalagang nasa harapan. Malinis ang kasuotan ngayon ni Felipe, puting damit pang-itaas na ang manggas ay hanggang siko, bagong-bago rin ang salakot na suot nito at mukhang nag-ahit na rin ng tumutubong bigote "K-kamusta ka na Binibining S-salom-----" hindi na natapos ni Felipe ang kaniyang sasabihin dahil biglang dumating si Paterno na kumakaripas ng takbo habang hila-hila si Danilo.

"Buenas dias mga Binibini" ngiting tagumpay na bati ni Paterno at nagbigay galang siya sa mga binibini, samantalang si Danilo naman ay naistatwa na lang sa kinatatayuan habang nakayuko ng todo, nagbigay galang din siya sa mga dalaga ngunit para siyang kuba kung makayuko ng todo. "Danilo...umayos ka nga" tawa pa ni Felicidad, agad namang sinagi ni Paterno si Danilo dahilan para mapatayo na ito ng diretso.

Bigla namang sumilay ang malaking ngiti mula kay Felicidad at Salome "Siya nga pala Ising, si Danilo nga pala ang binata naming kapatid" tugon pa ni Salome sabay hila nilang dalawa ni Felicidad kay Ising papalabas sa panciteria para dalhin kay Danilo na tatakbo n asana pero agad siyang hinarang ni Paterno. Habang si Felipe naman ngayon ang naistatwa sa kinatatayuan habang pinagmamasdan si Salome na papalapit sa kanila.

"Nagagalak akong makilala ka Ginoong Danilo" bati ni Ising kay Danilo na hindi na ngayon mapakali at mukhang anumang oras ay hihimatayin na sa kaba "Pare, ayos lang iyan nagagamot din naman ang pagkatorpe, hindi ba Felipe?" tugon pa ni Paterno sabay akbay kay Danilo at Felipe na parehong muntikan ng maihi sa kaba habang kaharap ang dalawang binibini na nagpapatigil sa pagtibok ng puso nila.

"Tayo'y kompleto ngayon... sa tingin ko ay maganda ang mamasyal at maglibot-libot tayo sa plaza San Alfonso" magiliw na wika ni Felicidad na sinang-ayunan naman ni Paterno. Pareho namang napangiti si Salome at Ising dahil mamamasyal sila sa plaza, agad namang pumasok sa loob ng panciteria si Felicidad upang magpaalam kay Nay Delia at Aling Teodora. Nakita naman ni Salome ang kaniyang ama na si Tay Isko sa gilid ng panciteria habang kausap pa rin nito ang mga kaibigan, agad siyang naglakad papunta sa kaniyang itay ngunit napatigil siya nang mapagtanto na sumunod pala sa kaniya si Felipe, "Bakit Ginoong Felipe?" tanong ni Salome sa noo'y kabadong-kabadong si Felipe.


"Batid kung ikaw ay magugulat sa aking sasabihin lalong-lalo na dahil kamakailan lang tayo nagkakilala ngunit sa tingin ko ay kailangan ko ng sabihin sa iyo ang nararamdaman ko dahil hindi ko na kayang itago pa ito..." panimula ni Felipe at hindi na ito mapakali sa pag-padyak ng paa dahil sa kaba, sa kabilang banda naman ay napatingin sa kanila si Tay Isko at nagtataka ito kung bakit may kausap na binata ang anak niyang si Salome, agad napatigil ang pag-uusap nila Tay Isko at nila Mang Berto dahil naglakad si Tay Isko papunta sa kinaroroonan ni Salome at ng binatang kausap nito.

"Ano ba iyon Ginoo?" tanong pa ni Salome habang nakatingin kay Felipe na pinagpapawisan na rin ngayon dahil sa kaba. "K-kung iyong mamarapatin... n-nais ko sanang----" hindi na natapos ni Felipe ang kaniyang sasabihin nang biglang may magsalita mula sa likuran nila.


"Ang pangliligaw ay hindi isinasagawa sa gitna ng palengke" seryosong wika ni Fidel na nakatayo likuran nila. napatulala naman si Salome sa kaniya, maging si Felipe ay nagulat din ngunit may halong inis dahil sa pagdating ni Fidel.


Napatigil naman si Tay Isko sa paglalakad at bumalik na lang sa kaniyang mga kasamahan dahil kasama naman na ni Salome si Senor Fidel.

"M-magandang hapon po Senor Fidel..." bati ni Salome kay Fidel at nagbigay galang siya "N-nagkakamali ho kayo, hindi po nanliligaw sa akin si Ginoong Felipe" paglilinaw ni Salome, napayuko naman si Felipe, nagsisisi kung bakit hindi niya pa dineretso kanina ang nais niyang sabihin habang hindi pa umeeksena si Senor Fidel.

"Ano ang iyong ngalan?" seryosong tanong ni Fidel kay Felipe na ikinagitla ng binata "A-ako ho si Felipe Almanor, kaibigan po ako ni Danilo" sagot ni Felipe, ngunit di kalaunan ay nagawa rin niyang tingnan ng diretso sa mata si Fidel at hindi papatalo dito kahit pa isang makapangyarihang tao ang katapat niya.

"Iyong pakatatandaan na si Salome ay labis na pinapahalagahan ng kaniyang mga magulang hindi basta basta----" hindi natapos ni Fidel ang kaniyang sasabihin dahil nagsalita agad si Felipe.

"Akin pong nauunawaan Senor sa katanuyan ho----"hindi na natuloy ni Felipe ang kaniyang sasabihin nang makitang nakatingin sa kaniya si Tay Isko, batid niyang strikto si tay Isko pagdating sa usaping panliligaw sa kaniyang dalawang dalagang anak. Napatingin naman si Salome kung saan nakatingin ngayon si Felipe na napalunok na lang sa kaba, seryosong nakamasid sa kanila ang tatay niya, maging siya tuloy ay kinabahan din.

Magsasalita na sana si Fidel kaya lang biglang dumating si Eleanor at may dala-dala itong mga magagandang baro't-saya. "Nakapamili na ako Fidel, tara na" aya pa ni Eleanor sa kaniya, napangiti naman si Eleanor ng makita si Salome at yumakap pa sa dalaga, sandali itong nagkwento ukol sa mga pinamili nila ngunit kinailangan na rin nilang umalis dahil hinahanap na sila ni gobernador Filimon Alfonso.

Sa huling pagkakataon ay tinanaw ni Salome mula sa di-kalayuan ang pag-alalay ni Fidel kay Eleanor paakyat sa magarbong kalesa ng gobernador at kasama rin nila doon si gobernador Filimon Alfonso. Napasulyap naman si Felipe kay Salome na nakatulala sa papaalis na kalesa.




Kinabukasan, araw ng Lunes nang hapon ding iyon ay nagtungo sila sa ilog tangis upang maglaba ng mga malalaking sapin sa mesa, sapin sa kama at naglalakihang kurtina. Maaliwalas ang kalangitan habang ang malinaw na ilog tangis ay marahang umaagos. Si Manang Estelita at Susana ang naglalagay ng mga natapos ng labhan sa kalesa upang maisampay na sa hacienda. Nakatatlong balik na si Mang Berto sa paghahakot ng mga nalabhan. Habang si Salome, Ising at Piyang naman ang naglalaba.

Magkatabing naglalaba si Salome at Ising habang pasimple nilang winiwisikan ng tubig si Piyang na nakaupo sa malaking bato sa gitna ng ilog habang abala sa pagkuskos ng mga labahan. Natatawa na lang ang dalawang magkaibigan dahil hindi napapansin ni Piyang na siya'y nababasa na dahil nakatuon ang buong atensyon nito sa nilalabhang kobre kama. "Oo nga pala Lumeng, nasabi na ba sa iyo ni Piyang?" pagiba ni Ising ng usapan, sumuko na ito sa pangungulit kay Piyang dahil tutok na tutok talaga ito sa paglalabada.

Samantala si Salome naman ay hindi pa rin sumuko at winisikan pa si Piyang ngunit hindi pa rin ito lumingon. "Ang alin?" takang tanong ni Salome, pinigilan naman ni Ising si Salome na balak na namang wisikan ng tubig si Piyang. "Hindi mo ba napapansin nitong mga huling araw na balisa si Piyang?" tanong ni Ising kay Salome, napaisip naman ng mabuti ang dalaga.

"Bakit? May problema bang pinagdadaanan ngayon si Piyang?" tanong ni Salome at sabay silang napalingon ni Ising kay Piyang na seryosong naglalaba pa rin. "Ikakasal na si Piyang sa katapusan ng Agosto" bulong ni Ising na ikinagulat ni Salome.

"Paanong----? Wala naman siyang nasabi sa akin" nagtatakang saad ni Salome, nabigla siya sa balitang narinig mula kay Ising. "Batid kong ayaw niyang sabihin sa atin dahil nahihiya siya at tutol siya sa kasal" bulong pa ni Ising na mas lalong lumapit kay Salome para walang ibang makarinig sa usapan nila. hindi kasi ganoon kalakas ang ingay mula sa umaagos na ilog at tahimik din ang buong paligid.

"Kahapon ko lang nalaman mula kay Inay na ikasasal na raw si Piyang sa anak ni Manang Dolores na mangingisda at tagabuhat ng banyera sa palengke" bulong pa ni Ising, napatango-tango naman si Salome habang nakikinig sa kaniya ng mabuti. "Sino ang maswerteng ginoo? Bakit tutol si Piyang sa kasal? At bakit naman ikahihiya niya ang pagpapakasal?" tanong pa ni Salome, napahinga naman ng malalim si Ising dahil sa sunod-sunod na tanong ni Salome.

"Ang sabi ni inay, usap-usapan daw sa bayan ang biglaang pagkakatakda ng kasal ng pamilya ni Piyang at ng pamilya ni... Paterno ba iyon? Tama! Si Paterno na nasa panciteria kahapon, siya ang mapapangasawa ni Piyang... matagal ng pinagkasundo si Piyang at Paterno dahil magkaibigan talaga ang kanilang mga pamilya ngunit itong si Piyang matagal ko ng kilala iyan, matagal na siyang may gusto kay Senor Patricio" paliwanag pa ni Ising, napatulala naman si Salome sa kaniyang narinig. Naalala niyang isa sa kaibigan ni Danilo na dinala niya noon sa kanilang bahay ay nagngangalang Paterno, naalala pa ni Salome na sinabi ni Paterno na malapit na itong ikasal.

Ibig sabihin si Piyang pala ang siyang papakasalan ni Paterno!


Natigilan din siya nang marinig ang tungkol sa pagkakagusto ni Piyang kay Patricio.

"Sa tingin ko ay magiging maligaya naman si Piyang kay Paterno dahil mabait naman ito" saad ni Salome ngunit napailing-iling naman si Ising "Oo mabait nga si Paterno ngunit may isa pang problema, buntis si Piyang at hindi si Paterno ang ama" tugon pa ni Ising na mas lalong ikinagulat ni Salome. Muntikan niya pang mabitawan ang nilalabhan niyang sapin sa mesa at tangayin ito ng agos ng ilog pero buti na lang agad itong nakuha ni Ising.

"Paano mo nalaman na buntis si Piyang at hindi si Paterno ang ama ng batang dinadala niya?"

"Nabasa ko ang sulat ni Piyang noong isang gabi, labis na akong naghihinala sa mga kilos niya at sa madalas niyang pagkahilo kung kaya't pinakialaman ko ang mga gamit niya, may isang sulat siyang ginawa na hindi niya pa natatapos ngunit nakasulat na siya ng halos kalahati, ayon doon sa sulat...


Ako'y nadadalang tao at ikaw ang ama Senor. Naalala mo noong nakaraang gabi na tayo'y nagsama, sinabi mo sa akin na ako ang pinakamagandang babae sa balat ng lupa kahit pa batid kong marami ka ng pinagsabihan niyon, at kahit pa nakatakda na akong ikasal sa anak ni Manang Dolores handa akong sumuway sa aking mga magulang para sayo Senor, matagal na kitang mahal alam mo iyon, at kahit pa alam kong hindi mo ako mahal bubuhayin ko ang anak natin


"Sigurado ka ba riyan Ising?" gulat na tanong ni Salome sabay tingin kay Piyang na hindi pa rin sila pinapansin ngayon. "Ibig sabihin posibleng si Senor Patricio ang ama ng pinagbubuntis ni Piyang?" patuloy pa ni Salome at napahawak na lamang siya sa kaniyang bibig dahil sa gulat.

"Malaki ang posibilidad dahil matagal nan gang may lihim na pagtingin si Piyang kay Senor Patricio noon pa man bago ka pa dumating dito sa San Alfonso" wika pa ni Ising at nagpatuloy na ito sa paglalaba. Napatulala lamang si Salome dahil sa kaniyang mga nalaman.


Sinasabi ko na nga ba! Sadyang disgrasya at kamalasan talaga ang hatid ni Patriciong iyan!



Magtatakipsilim na nang matapos sila sa paglalaba, ang lahat ng kanilang nalabhan ay naisakay na sa kalesa, si Manang Estelita, Mang Berto at Susana lang ang nakasakay sa kalesa dahil hindi na sila kasya.


"Uh---Susana maaari bang si Piyang na lang ang sumakay sa kalesa? Mukhang maputla kasi siya" pakiusap ni Salome kay Susana na nakasakay na sa kalesa, tinaasan naman siya nito ng kilay. Habang gulat namang napatingin sa kaniya si Piyang.

"At bakit ko naman gagawin iyon?" reklamo ni Susana, nagkatinginan naman si Salome at Ising. Hindi nila pwedeng sabihin na buntis si Piyang at maging si Piyang ay hindi pa handang malaman na may nakakaalam na ng sikreto niya.

"K-kasi... kaibigan mo siya, tingnan mo namumutla na si Piyang marahil ay sa kakalaba kanina" patuloy pa ni Salome at sinubukan niyang ngumiti, napatingin naman si Susana kay Piyang at ilang saglit pa bumaba na ito sa kalesa "Baka sabihan ako ng iba diyan na walang puso... sige na Piyang ikaw na ang sumakay sa kalesa" saad pa ni Susana, tatanggi pa sana si Piyang pero hinila na siya ni Salome at Ising at inalalayan paakyat sa kalesa.

"Mag-iingat kayo mga hija, bilisan niyo ang paglakad" bilin pa ni Manang Estelita, hindi na kasi sila mababalikan pa ng kalesa dahil gagamitin iyon ni Senor Patricio papunta sa bayan mamayang gabi.

Nagsimula ng maglakad ang tatlo, nauna ng maglakad si Susana at mukhang wala itong balak sumabay sa dalawa. Habang si Salome at Ising naman ay magkasabay na naglalakad sa likuran habang magkakapit ang kanilang mga braso. "Kahit kailan talaga ang sungit nito ni Susana" bulong pa ni Ising kay Salome sabay tawa. "Kahit paano naman nagpaubaya siya para kay Piyang" bulong naman ni Salome at sabay silang nagtawanan ng marahan dahilan para mapalingon sa kanila si Susana at umikot pa ang mga mata nito.

Ilang sandali pa, natatanaw na nila ang hacienda Montecarlos mula sa di-kalayuan, masayang nagkwekwentuhan si Salome at Ising patungkol sa mga bagay-bagay nang biglang narinig nilang may paparating na kalesa, mas magarbo at mas malaki ito dahil dalawang kabayo na ang nagpapatakbo. "Iyan ang kalesa ni Gobernador Filimon Alfonso" bulong ni Ising kay Salome at napatigil sila sa paglalakad at gumilid sa daan.

Nang mapadaan ang kalesa sa kanilang harapan ay sabay-sabay silang napayukong tatlo, hindi naman mapigilan ni Salome na mapasulyap ng mabilisan sa kalesa upang makita ng mas malapitan ang pinakamakapangyarihan at pinaka-may mataas na posisyon sa buong San Alfonso. Matangkad na ginoo si Don Filimon at nasa edad 40 na ito. Maputi ang balat at bakas na bakas ang ganda ng hubog ng pangangatawan. Maging sa pananamit ay kitang-kita rin ang karangyaan. Balbas sarado ito at may bigote pa.

Nasa tabi ni Don Filimon Alfonso ang dalawang batang lalaki na anak nito na nasa edad pito at sampu lamang. At sa katapat nila nakaupo naman si Senorita Eleanor habang nilalaro ang mga pamangkin nito, mabilis lamang nakalagpas ang kalesa dahil sa matulin nitong takbo.

Napatakip naman sa ilong sina Salome, Ising at Susana dahil sa nagsiliparan na alikabok sa daan mula sa matulin na kalesa. Ilang saglit pa ay natanaw nilang tumigil ang kalesa sa tapat ng hacienda Montecarlos at bumaba mula roon si Senorita Eleanor at nagpaalam sa kaniyang tiyo at pamangkin.

"Mukhang sa hacienda muli maghahapunan si Senorita Eleanor" wika ni Susana sabay tingin kay Salome, hindi naman maunawaan ni Salome kung bakit sa tuwing babanggitin nito ang pangalan ni Senorita Eleanor ay titingin sa kaniya si Susana. "Dapat tayong maghanda ng napakasarap na pagkain para sa hapunan" masayang wika ni Ising sabay hila sa kanilang dalawa patakbo sa hacienda Montecarlos. Si Ising kasi ang pinaka-tagahanga ni Senorita Eleanor.

Ngunit agad bumitaw si Susana at pinagpagan niya pa ang sarili niya, "Umayos nga kayong dalawa" suway niya pa kay Salome at Ising na napatigil na rin sa pagtakbo. Si Susana ang pinakamatanda sa kanila kung kaya't dapat silang sumunod dito. "Lalong-lalo na mamayang gabi, huwag kayong gagawa ng mga bagay na ikaiilang ni Senorita Eleanor, mabait si Senorita at alam kong alam niyo iyon ngunit kahit pa siya ay makipagkaibigan sa atin kailangan pa rin nating tandaan na siya'y nakatataas sa atin, igalang natin siya" paalala pa ni Susana, nagkatinginan naman si Salome at Ising at napatango na lang sa kaniya.

"Bukod doon, alam naman nating nakatakdang ikasal noon si Senor Fidel at Senorita Eleanor" wika pa ni Susana dahilan para gulat na mapatingin sa kaniya si Salome at Ising. "Hindi niyo alam? Wala kayong ideya na noon pa man ay magkasintahan na sina Senor Fidel at Senorita Eleanor?" tanong pa ni Susana habang nakatingin ng mabuti kay Salome upang hulihin ang ekspresyon ng mukha nito.

"Ang ina ni Senor Fidel na si Donya Victoria ay kaibigang matalik ng ama ni Senorita Eleanor na si Heneral Martino Alfonso, noon pa man ay pinagkasundo na silang dalawa, naalala ko pa nga na ikakasal na sana sila noong labimpitung taong gulang pa lamang sila ngunit hindi natuloy ang kasal" patuloy pa ni Susana, sa kanilang lahat si Susana na ang pinakamatagal sa hacienda Montecarlos at dati na rin itong nanilbihan sa hacienda Alfonso kung saan bumibisita-bisita noon si Senorita Eleanor.

"Ngunit bakit hindi natuloy ang kasal ni Senor Fidel at Senorita Eleanor?" nagtatakang tanong ni Ising, kahit pa si Ising ang nagtanong nakatingin pa rin si Susana kay Salome, pilit na inoobserbahan reaksyon nito. "Hindi ko alam... ngunit mukhang sa ngayon ay muling matutuloy ang kasal" ngisi pa ni Susana habang nakatingin kay Salome.

"Maganda iyan! Aabangan ko talaga ang pag-iisang dibdib nila!" masayang wika ni Ising at napatalon pa ito sa tuwa habang si Salome naman ay pilit na ngumiti upang itago ang pagkadurog ng kaniyang puso dahil sa kaniyang mga nalaman.


Ano kayang dahilan kung bakit hindi natuloy noon ang kasal nila?

Ngunit wala rin namang saysay kung malaman ko pa dahil sa ngayon mukhang sigurado ng matutuloy ang naudlot na pag-iisang dibdib nilang dalawa... at wala na akong magagawa roon.




Kinagabihan, habang nagsasalok ng tubig si Salome sa balon sa likod ng mansyon napaupo siya saglit sa gilid ng balon at napatitig doon, maliwanag naman ang buwan kung kaya't kahit isang gasera lang ang dala niya ay nagbibigay pa rin ito ng liwanag sa paligid.

Napaupo na muna si Salome sa gilid ng balon, kumuha pa siya ng maliit na bato sa gilid at inihulog iyon doon.


Anumang oras... Anumang araw dapat maging handa na ako sa paparating na balita tungkol sa kasal nilang dalawa. Siguro mas makabubuti talaga kung aalis na ako dito sa hacienda


Dumampot ulit siya ng bato at napatitig doon.


Parang ako ang batong ito... napakadaling mahulog at ngayon hindi ko na rin alam kung paano makaahon mula sa pagkakahulog sa balong ito.


Inihulog na ni Salome ang pangatlong bato na hawak niya ng mas malakas, kung kaya't nakalikha ito ng ingay sa loob ng balon.


Muli ay dumampot pa siya ng bato at akmang ihuhulog na iyon sa balon nang mapatigil siya nang biglang may nagsalita mula sa likuran niya "Napakahina mo naman" pang-asar pa ni Patricio habang nakangisi kay Salome, dumapot pa ito ng mas malaking bato at buong pwersang inihagis iyon sa balon.


Anong ginagawa niya rito? Napaka-malas naman oh!


Tumayo na lang si Salome sabay bitbit sa gasera balak niyang umalis na lang doon ngunit biglang hinarangan ni Patricio ang daraanan niya. "Sandali lang, kailangan ko ng gaserang iyan" ngisi pa ni Patricio dahilan para mas lalong kumunot ang noo ni Salome sa kaniya.

"Nakarating ka rito Senor ng walang dalang ilaw, sa tingin ko ay makakabalik ka rin sa mansyon kahit walang ilaw----Opo Senor masusunod" pagsusungit ni Salome ngunit natauhan din siya na hindi niya dapat sagutin ng ganoon si Patricio dahil ito ang nagpapaswledo sa kanila, kung kaya't inabot na lang niya kay Patricio ang gasera.

"Ganyan nga... masunurin ka rin naman pala Lumeng" tawa pa ni Patricio sabay hakbang papalapit sa kaniya dahilan para biglang kabahan si Salome.


A-anong gagawin niya?


Napatayo naman si Salome dahil sa kaba hanggang sa mapasandal na siya sa isang puno na malapit doon sa balon at patuloy pa rin si Patricio sa paghakbang papalapit sa kaniya, bigla niyang naalala na nabuntis ni Patricio si Piyang at mukhang siya naman ang balak isunod nito lalo na ngayon na silang dalawa lang dito sa paligid ng balon sa labas at medyo malayo pa ang mansyon


WALA NA AKONG PAKIALAM KAHIT MATANGGAL PA AKO SA TRABAHO AT MAMATAY SA GUTOM! HINDING-HINDI AKO PAPATOL SA BASTOS NA LALAKING ITO!


Akmang susuntukin na sana ni Salome si Patricio sa mukha ngunit agad itong nakailag sabay hawak sa kaniyang kamay at tumawa pa ng malakas. "Titingnan ko lang sana mabuti ang iyong mukha dahil mukhang umiiyak ka... Ano bang iniisip mo Lumeng?" tawa pa ni Patricio at binitiwan na rin niya ang pagkakahawak sa kamao ni Salome. Napaupo pa siya sa lupa habang humagalpak sa pagtawa.

Agad namang inayos ni Salome ang kaniyang sarili at pinagpagan ang kaniyang baro't saya na nadumihan, "Wala ka ba talagang respeto sa babae Patricio!" inis na sigaw ni Salome dahilan para mapatigil si Patricio sa pagtawa at gulat na mapatingin kay Salome. "Oo! Patricio na ang itatawag ko sa iyo mula ngayon dahil wala na akong pakialam kung sibakin mo ako sa trabaho! Mas mabuti na iyon para makalayo na ako sa inyo!" sigaw pa ni Salome, ang lahat ng inis, lungkot at galit na dati niya pa dinadamdam ay sumabog na ngayon.

Napatayo naman si Patricio habang pinapagpagan ang kaniyang sarili, pero nagtaka si Salome nang biglang sumilay na naman ang nakakalokong ngiti mula kay Patricio "Gusto ko iyan, Patricio na lang ang itawag mo sa akin, kay gandang pakinggan mula sa iyong labi" pang-asar pa ni Patricio, mas lalo namang kumulo ang dugo ni Salome dahil kay Patricio na hindi sineseryoso ang sinasabi niya at ginagawa pang biro.

"Ako'y labis na napupuno na sa iyo Patricio! Hindi dahil mayaman ka magagawa mo na ang lahat ng bagay! Tigilan mo na ako! tumigil ka na diyan sa mga kalokohan mo! maging disenteng lalaki ka naman! Panagutan mo si Piyang!" sigaw ni Salome, nanlaki naman ang mga mata ni Patricio dahil sa sinabi ni Salome. Samanatala, wala naman ng pakialam si Salome kung may makarinig pa sa pag-aalboroto niya.

"Si Piyang? Si Piyang na kasambahay ko din dito sa hacienda ba ang tinutukoy mo? Ano namang ginawa ko kay Piyang?" nagtatakang tanong ni Patricio at napaisip pa ito ng matagal. Napasabunot naman si Salome sa kaniyang sarili dahil sa inis. Nais sana niyang mapag-isa dito sa balon upang harapin ang problema niya ng mapayapa at makapag-isip-isip pero sinira iyon ni Patricio. Patuloy na ginugulo ni Patricio ang buhay niya.

"Nabuntis mo si Piyang! Panagutan mo siya!" sigaw pa ni Salome na mas lalong ikinagulat ni Patricio at ilang segundo pa ay bigla itong natawa "Seryoso ka ba riyan? Nabuntis ko si Piyang? Saan mo naman nakuha ang balitang iyan? Walang namamagitan sa amin ni Piyang" tawa pa ni Patricio, at nagsimula na naman itong tumawa na animo'y walang hanggan.

"Huwag mo ng ipagkaila! Maging responsableng ama ka naman Patr---!" buwelta pa ni Salome ngunit hindi na niya natapos ang sasabihin niya nang biglang may magsalita mula sa gilid nila. "Lumeng! Tumigil ka na" awat ni Piyang at patakbong lumapit sa kanila at lumuhod sa harapan ni Senor Patricio.

"P-patawad po Senor... hindi po alam ni Salome ang buong kwento kung kaya't huwag po kayong magalit sa kaniya at patawad din po kung inilihim ko po sa inyo ang pagbubungis ko" pagsumamo pa ni Piyang, agad naman siyang pinatayo ni Salome ngunit ayaw nitong tumayo mula sa pagkakaluhod at pagmamakaawa.

"Piyang! Huwag kang luluhod sa harapan ng iresponsableng lalaking iyan!" sigaw pa ni Salome, gustong-gusto na niya sugurin ngayon si Patricio at sabunutan.

Napailing-iling naman si Patricio "Ilang buwan ka na bang buntis Piyang?" tanong nito ng walang bakas ng ngiti o pangaasar. Napahagulgol naman si Piyang, ilang sandali pa ay dumating na rin sina Manang Estelita, Ising, Susana.

"Ano bang nangyayari rito? May narinig kaming nagsisigawan... Lumeng ikaw ba ang sumisigaw kanina?" nag-aalalang tanong ni Manang Estelita at nagulat sila nang makitang nakaluhod si Piyang sa tapat ni Senor Patricio. "Sus Maryusep anong nangyayari?" wika pa ni Manang at agad inalalayan si Piyang na tumayo ngunit ayaw pa rin nitong tumayo.

Agad namang tumakbo si Susana pabalik sa mansyon at tinawag si Fidel at Eleanor. Ilang saglit pa ay dumating na ang dalawa. Nagulat naman si Fidel sa natunghayang tagpo, agad siyang napatingin kay Salome na naluluha na ngayon sa galit.

"P-patawa po Senor Patricio... ako po'y uuwi na lang sa amin" tugon pa ni Piyang habang humahagulgol sa pag-iyak. Hindi na naman nakatiis si Salome kung kaya't sumabat na naman siya, wala na rin siyang pakialam kahit pa naroon na rin sa harapan nila si Fidel at Eleanor.

"Piyang huwag mong hahayaang lapastanganin lamang ng Patriciong iyan ang iyong puri!" sigaw pa ni Salome na ikinangisi lalo ni Patricio, at ikinagulat ng lahat ng nakarinig ng walang pakundangang sinabi ni Salome sa harap ni Patricio habang dinuduro-duro pa ito.


"Ano? Patricio!" gulat na tugon ni Fidel, maging si Eleanor ay napahawak din sa bibig dahil sa gulat.

Napatigil naman si Piyang sa pag-iyak at napalingon kay Salome. "Lumeng! Ano ba? Bakit kanina mo pa pinagpipilitan na panagutan ako ni Senor Patricio? Hindi siya ang nakabuntis sa akin!" wika ni Piyang na mas ikinatigil ng mundo ni Salome dahil sa gulat.


ANO? BAKIT NGAYON MO LANG SINABI PIYANG!


"K-kung gayon... sino ang nakabuntis sa iyo?" sabat ni Ising, napatingin naman ang lahat ngayon kay Senor Fidel. Nagulat naman si Fidel dahil nakatingin na ang lahat ngayon sa kaniya, maging si Patricio ay napailing-iling pa habang nakangisi pa rin.


"S-senor Fidel ikaw ho ba?" gulat na tanong ni Manang Estelita na ikinagulat ng lahat, maging si Fidel ay halos mahimatay na rin sa gulat dahil siya na ngayon ang pinagbibintangan. "H-hindi ako----" hindi na natapos pa ni Fidel ang kaniyang sasabihin dahil nagsalita na si Piyang. 


"S-si Senor Geronimo Flores po" sagot ni Piyang, na ikinatahimik ng lahat maliban kay Patricio na nakangisi pa rin ng nakakaloko kay Salome. 


Sa pagkakataong iyon, napalunok na lang sa kaba si Salome habang nakatingin kay Patricio na nakangisi pa rin sa kaniya ng nakakaloko. Habang si Fidel naman ay seryosong nakatingin sa kanilang dalawa.




Kinabukasan, maagang bumangon si Salome, hindi rin siya nakatulog ng maayos dahil sa nagyari kagabi. mabuti na lang dahil sinabi na lang ni Manang na ipagpabukas na ang pag-aayos ng problema ni Piyang. Dali-dali namang kumapit si Salome kay Ising, Piyang at Manag para hindi na siya maharang pa ni Patricio dahil hindi niya pa ito kayang harapain dahil sa hiya.


Nakakahiya ka talaga Lumeng! Dapat sigurong mag-alsa batulan na ako, mukhang papalayasin na ako dito ni Senor Patricio...


Kinuha na ni Salome ang kaniyang mga damit ngunit napatigil siya nang utusan siya ni Manang Estelita na manguha ng mga sariwang bulaklak sa hardin, nais daw kasi ni Eleanor na umaga pa lang ay sariwa na agad ang loob ng mansyon dahil sa mga bulaklak na ilalagay nila doon.


Mamaya na nga lang ako mag-iimpake...



Alas-sais na ng umaga, abala na sa paghahanda ng almusal ang mga tagapagsilbi, nasa salas naman si Senor Fidel, Senorita Eleanor at Manang Estelita habang nagkwekwentuhan ang mga ito. Wala naman si Senor Patricio dahil may pinuntahan ito sa bayan kasama si Don Filimon Alfonso kung kaya't nakahinga ng maluwag si Salome dahil hindi niya makakaharap ngayong araw si Patricio, ngunit nasa mansyon mulis si Eleanor at kasama na naman nito si Fidel kung kaya't hindi na naman niya mapigilan ang kakaibang lungkot na nararamdaman.

"Masyado pong tahimik si Fidel noong mga bata pa kami, sa sobrang tahimik nga po niya hindi siya sumasagot sa tanong ng kaniyang ina kapag hinahanap nito ang mga babasahing libro" tawa pa ni Eleanor habang tinutukso-tukso si Fidel na ngayon ay tumatawa na rin habang binabalikan ang mga alaala nila.

"Ikaw naman ay napaka-iyakin, hindi ka lang nakauwi agad sa inyo umiyak ka na agad" tukso naman ni Fidel kay Eleanor at maingay silang nagtatawanan sa salas, si Manag Estelita naman ay tuwang-tuwa habang pinagmamasdan silang dalawa, animo'y nagsilbi siyang hukom sa pagkakantyawan ni Fidel at Eleanor.

"Ikaw kaya ang iyakin sa atin, naalala ko pa nga na sinuway ka lang ng iyong ina sa pagkain umiyak ka na" banat pa ni Eleanor dahilan para magitla si Fidel dahil binunyag iyon ni Eleanor.

"Hindi ako umiyak, inaantok lang ako noong panahong iyon, hindi tulad mo tinulugan mo ang misa noon ng iyong ninong sa simbahan" asar pa ni Fidel kay Eleanor na ikinagulat din ni Eleanor dahil binunyag ni Fidel ang nakakahiyang bagay na iyon na nangyari pa sa Espanya.


Habang sa kabilang banda, sa loob ng madilim at magulong kusina naroon si Salome na naghihiwa ng sibuyas. Parang unti-unting nadudurog ang kaniyang puso habang naririnig ang tawanan at asaran ni Fidel at Eleanor sa isa'-isa. Hindi man niya ito nakikita batid niyang napakasaya ngayon ni Fidel habang inaalala ang masasayang alaala nila ni Eleanor mula pagkabata.

"Oh? Lumeng, bilisan mo ang paghiwa ng sibuyas talagang hahapdi ang mata mo niyan" sita ni Nay Delia sabay kuha ng kutsliyo at sibuyas sa kamay ng anak at siya na ang naghiwa niyon. "Maghugas ka na muna ng iyong kamay baka maipunas mo pa iyan sa mata mo" bilin pa ni Nay Delia agad namang sumunod si Salome at naggtungo na sa balon upang sumalok ng tubig, nang makasalok na siya ng isang balde ng tubig ay agad siyang naupo sa gilid at naghugas ng kamay, inilublob na rin niya ang kaniyang mukha sa balde upang maghilamos ng mukha.

Napatulala lamang siya sa balde ng tubig at ilang saglit pa ay muling pumatak ang kaniyang luha kung kaya't naghilamos muli siya ng mukha, paulit-ulit lang siyang naghilamos hanggang sa mapagod na siya at ang kaniyang mata sa pagluha.

Matapos ang almusal ay inutusan ni Manang Estelita si Salome na mamitas ng bulaklak sa hardin. Kinuha na ni Salome ang bilao at isang matalim na balisong at nagtungo na sa hardin, kumpara sa hacienda Flores hindi pa ganoon kalago ang mga bulaklak sa hardin ng hacienda Montecarlos ngunit maganda pa rin naman ang hardin sa hacienda.

Mas nakadadag pa sa ganda ng hardin sa hacienda Montecarlos ang limang baitang na na gawa sa marmol ang nasa sentro ng hardin. Hindi pa ito tapos gawin ngunit doon na nilagay sa pinakagitna ang mga bulaklak ng puting rosas.

Medyo matataas ang taas ng bawat baitang at dahil maliit lamang si Salome napapakapit pa siya sab wat baitang para makaakyat. Nang marating niya ang ikalimang baitang ay napaupo muna siya saglit.


Nang makapagpahinga sandali ay tumayo na si Salome at nagsimulang mamitas ng mga sariwang rosas gamit ang maliit na balisong na hawak niya. ilang sandali pa ay nagulat siya nang maramdaman niyang may humahakbang papaakyat din doon sa mga baitang na iyon. "Magandang Umaga Lumeng!" nakangiting bungad ni Patricio sabay hubad ng sumbrero at itinapat iyon sa kaniyang dibdib. Napapikit naman sa inis si Salome lalo nan ang makita ang disenteng-disenteng porma ni Patricio.

Nais na lang niyang talikuran si Patricio ngunit kabastusan iyon kung kaya't nilunok na lang niya ang laway niya "magandangumagadinposenor" sagot niya sabay balik ulit sa kaniyang gawain. Sumilay na naman ang nakakalokong ngiti mula kay Patricio.

"Tama ba ang rinig ko? Tinawag mo akong Senor Patricio?... Hindi ba't sinabi kong Patricio na lamang ang itawag mo sa akin" loko pa ni Patricio at tumabi na siya kay Salome na ikinagulat naman ng dalaga kaya umusog siya papalayo. Naamoy din niya ang mabangong pabango ng binata.

Hindi na lang sumagot si Salome bagkus ay nagpatuloy lang sa pamimitas ng rosas "Ikaw ba ay nakatulog kagabi Lumeng?" ngiti pa ni Patricio sabay lapit ulit sa kaniya kung kaya't umusog na naman siya papalayo.

Tumango lang si Salome, lapit naman ng lapit si Patricio habang siya naman ay layo ng layo hanggang sa naikot na nila ang palibot ng hardin sa itaas.


Lumayo ka nga sa akin Patricio!


Napatigil sila sa pag-ikot doon sa itaas ng hardin ng mapatigil si Salome dahil nakita niyang magkasamang lumabas sa mansyon si Fidel at Eleanor habang nakahawak si Eleanor sa bisig ni Fidel at nagtatawanan sila.


Pinagpatuloy na lang ni Salome ang pamimitas ng rosas at sa pagkakataong iyon ay mas napadiin ang kaniyang paghila sa mga bulaklak bagay na pinagtaka ni Patricio pero natawa na lang siya habang pinagmamasdan ang ginagawa ni Salome.


"Kawawa naman ang mga rosas, mukhang maging sa kanila ay wala kang awa" biro pa ni Patricio ngunit siya lang ang tumawa kung kaya't napatahimik ulit siya. hindi niya maunawaan kung bakit hindi siya sinasagot ng pabalang ngayon ni Salome bagay na hindi normal para sa kaniya.


Napasulyap muli si Salome kay Fidel at Eleanor na naglalakad na papalapit sa kanila habang nakangiti sa isa't-isa. Napayuko na lang si Salome nang makita ang paborito niyang ngiti ni Fidel na labas ang ngipin, ngunit sa mga oras na iyon ay kay Eleanor niya binibigay ang matamis na ngiting iyon.


Napatiitg na lang si Salome sa mga bulaklak, parang bigla siyang nawalan ng lakas, kung kanina lang ay naiinis siya ngunit ngayon ay nakaramdam siya ng panghihina... Panghihina na nararamdaman lamang ng isang tao sa tuwing nawawalan ng pag-asa dahil sa pagkatalo.


"Sariwa pa sa akin ang lahat ng mga mararahas na salitang binitiwan mo sa akin kagabi" muling pang-asar ni Patricio habang pilit na inaasar pa si Salome ngunit hindi siya iniimik nito. Kung kaya't napatikhim na lang siya at inayos niya ang kaniyang tindig, batid niyang hindi na umeepekto ang pangaasar niya kay Salome kung kaya't nais niyang ipakita dito ang pagiging makapangyarihan niyang tao. ginaya niya pa ang tindig ni gobernadora Filimon Alfonso.


"Hindi ka ba natatakot na ika'y mawalan ng trabaho? Sa tingin ko kasi ay sapat ng dahilan ang pag-aakusa mo sa akin kagabi upang---" hindi na natapos ni Patricio ang kaniyang pagiging seryoso kuno dahil napatigil na si Salome sa pamimitas ng bulaklak.


"Ayos lang po sa akin Senor kung ako'y papalayasin niyo na" wika ni Salome nang hindi tumitingin sa kaniya, napatahimik naman si Patricio at nagtatakang napasulyap sa dalaga, batid niyang may mali ngayon kay Salome.


Magsasalita pa sana si Patricio ngunit biglang narinig nilang nagsalita si Fidel mula sa ibaba kung kaya't agad silang napalingon na dalawa. "Naghanda ng kakanin si Manang Estelita, kumain daw tayong lahat" tugon ni Fidel habang seryosong nakatingin sa kanila. nagbigay galang naman sa kanila si Eleanor at kumaway pa kay Salome habang nakangiti ito ng matamis.


"Susunod kami" saad ni Patricio, ngunit hindi pa rin umalis doon si Fidel habang nakatingin kay Salome na hindi man lang tumingin sa kaniya at nagpatuloy ito sa pamimitas ng bulaklak. "Lumeng..." tawag pa ni Fidel ngunit biglang kumapit ng mas mahigpit si Eleanor sa kaniyang bisig.


"Tara na mahal ko" tugon pa ni Eleanor kay Fidel habang nakangiti ito ng matamis sa binata, napatigil naman si Salome nang marinig na tinawag ni Eleanor kay Fidel. Maging si Fidel ay nagulat sa sinabi ni Eleanor ngunit ngumiti na lang din siya sa dalaga bilang tugon, bagay na natunghayan ni Salome.


Sandali namang tumigil ang pag-ikot ng mundo ni Salome habang nakatingin sa kanilang dalawa, hinila na ni Eleanor si Fidel at sumama naman ito sa kaniya, sa huling pagkakataon ay umasa si Salome na muling lilingon sa kaniya si Fidel ngunit... hindi iyon nangyari, hindi lumingon si Fidel dahil abala ito suklian ang ngiti ni Eleanor sa kaniya habang naglalakad sila papalayo.


Magmula ngayon malinaw na sa akin na ang ngiting iyon ni Senor Fidel ay hindi talaga orihinal na sakin, dahil ang totoo si Eleanor talaga ang orihinal at siyang nag-mamayari ng puso niya noon pa man.


Nagulat naman si Salome nang biglang humakbang si Patricio paharap sa kaniya at hinarangan siya para hindi na niya makita pa si Fidel at Eleanor na naglalakad papalayo. Gulat namang napatingin si Salome sa mukha ni Patricio na ang lapit sa kaniya, hahakbang na sana siya paatras pero biglang hinawakan ni Patricio ang balikat niya para pigilan siya, "A-ano pong----" hindi na niya natapos ang sasabihin niya dahil biglang ngumiti si Patricio, isang ngiti na kailanman ay hindi niya pa nakita dito. Isang ngiting totoo na walang halong pang-aasar o pangloloko.


Ngayon lamang nakita ni Salome na ngumiti ng totoo si Patricio, ang ngiti nito ay biglang nagpagaan sa kalooban niya, ilang sandali pa mas ikinagulat niya ang sunod na ginawa ng binata habang nakatingin ng diretso sa mga mata niya "Mula ngayon... wala ng luhang papatak mula sa iyo" wika ni Patricio sabay punas gamit ang kamay niya sa luhang dumadaloy sa pisngi ni Salome na hindi niya namalayang pumatak kanina habang pinagmamasdan si Fidel at Eleanor. Muli ay napatingin si Salome ng diretso sa mga mata ni Patricio, nakangiti pa rin ito sa kaniya at muli itong nagbitaw ng limang salita na unti-unting nagpagaan sa mabigat na kalooban niya.


"Hindi ka na luluha pa"



*********************

Featured Song:

'Pakisabi na lang' by Aiza Seguerra


A/N: Ang second Chinese rebellion, which began in Calamba on November 19, 1639 ay totoo po, kasunod ito ng 1603 Chinese massacre in Laguna na nagsimula din dahil sa pag-aalsa ng mga intsik sa mga kastila dito sa Pilipinas.


Source of soap process during the 17th century: http://www.pennsburymanor.org/its-made-of-what-making-17th-century-soap/



Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top