Kabanata f(x - 2)


[Kabanata 2]

"Baby, I know the story,
I've seen the picture,
It's written all over your face
Tell me, what's the secret that you've been hiding?
And who's gonna take my place?"
 

-Westlife (Fool Again)



"Ngets? Nakikinig ka ba? Kanina pa ko nagpapaturo dito oh" reklamo ni Jen dahilan para matauhan ako. Nandito na kami ngayon sa library at nagrereview kami para sa exam namin mamayang 3 pm. Kakatapos lang din ng first class and second class namin at hanggang ngayon hindi pa rin ako maka-get over sa nangyari kanina.


Matapos ang nakakahiyang nangyari sa'kin kanina sa klase sa harapan ni Prof. Nathan, hindi ako makapag-concentrate ng maayos sa exam lalong-lalo na kasi naglalakad palibot si Prof.Nathan para siguraduhing walang nangongopya. Hindi ko alam pero sobrang lakas ng kabog ng dibdib ko lalo na nang mapadaan siya sa gilid ko at mapatigil sandali. Muntik na ngang tuluan ng pawis ang test paper ko dahil sa sobrang kaba ko.

Sobrang naweweirduhan na ako sa sarili ko, hindi naman ako ganito pagdating sa mga lalaki. At hindi naman ako ilag sa mga lalaki kasi may lalaki rin naman akong kapatid pero bakit pagdating sa kaniya... kakaiba ang nararamdaman ko?

Pagkalipas ng ilang oras natapos na ang iba kong blockmates sa exam at isa-isa silang tumayo para ipasa ang test papers nila kay Prof.Nathan na nakaupo na sa teacher's desk sa harapan. Patapos na rin ako at mas lalo akong kinabahan kasi lalapit ako sa kaniya para ipasa yung test papers.

Buti na lang natapos na rin si Jen at tumayo na siya, hinulaan ko na lang yung last three questions ng test paper ko at dali-daling sumunod kay Jen para kahit papaano may kasabay ako sa pagpasa. Pagdating sa harapan sa tapat ni Prof.Nathan, inilagay ko na rin yung test paper ko habang nakayuko lang, hindi ko rin magawang tumingin ng diretso sa kaniya.

Pero hindi ko alam kung bakit parang may lungkot akong naramdaman noong palabas na kami ni Jen sa classroom na iyon. Parang may iniwan kang bagay na hindi mo dapat nilisan pero alam mo sa sarili mo na kailangan.


"Ha? A-ano ba yun?" tanong ko na lang, napa-tsk tsk naman si Jen. "Nakasinghot ka ba ng katol ngets? Kanina ka pa tulala diyan parang wala ka sarili... may sakit ka ba?" tanong niya pa at hinawakan niya ang noo ko at napailing-iling. Wala naman akong sakit, sadyang hindi ko lang talaga mapaliwanag kung anong nangyayari sa'kin ngayon.

Hindi rin ako nakapag-focus sa second class namin kanina at hindi rin ako nakakain ng maayos kaninang lunch, hindi ko rin maintindihan kung bakit panay ang sulyap ko sa mga bintana sa labas na kung saan patuloy pa rin ang pagbuhos ng ulan.

"Haays... sana talaga ma-suspend na ang class may babasahin pa ko mamaya eh tsk" narinig kong reklamo pa ni Jen habang nilalagyan niya ng highlights yung mga key words sa notes niya.

Magsasalita na sana ako kaso biglang dumating sila Iryn at Leana, naki-upo sila sa table namin dito sa library. "Aly! Jen! Nakita niyo ba si Sir Nathan?" kinikilig na tugon ni Iryn, kaibigan din namin sila at madalas kaming magkakagrupo kapag may mga group works. Cute and chubby si Iryn, medyo maliit din siya pero maganda ang features ng mukha niya at masiyahin din siya. Samantalang, matangkad at pang-super model naman si Leana, may lahi siyang Indian kaya ang ganda-ganda ng mata niya.

"Sir Nathan? Ah! yung gwapong proctor natin kanina" tugon ni Jen at napatango-tango naman na may halong kilig si Iryn at Leana. Natawa na lang din ako sa kanila, parehong-pareho kasi ang type nila kaya palagi silang share sa crushes nila.

"Oo siya nga! Grabe! Alam niyo ba kaya pala ganun kagwapo si Sir Nathan kasi may dugong Spanish siya!" kinikilig na tugon ni Iryn at halos mamula na siya ngayon, hindi rin maawat sa kakatango at tawa si Leana.

"Whoah? Kaya pala mestizo siya tingnan" pag-sang ayon ni Jen at mukhang nahahawa na siya sa kilig nila Iryn at Leana. "Paano niyo naman nalaman yan?" tanong ko naman sa kanila at dahil dun nilabas ni Iryn yung phone niya at pinakita sa'kin ang fb account ni Sir Nathan.

"Hindi naman kami nahirapan i-search si Sir kaya lang naka-private ang account niya pero nagawan namin ng paraan ni Leana" tugon pa ni Iryn at nag-evil laugh siya dahilan para mapalingon sa amin yung iba pang mga estudyante na seryosong nag-rereview dito sa library. Agad naman kaming napatahimik at nagkumpulan pa kami lalo.

"Oh? Ano pang nalaman niyo?" tanong pa ni Jen at halatang interesadong-interesado siya, kung sabagay kahit ako interesado rin sa chikahang ito. "27 years old na pala si sir, and last week lang siya nagsimulang magturo dito sa school natin" dagdag naman ni Leana, napatango-tango naman kami na parang mga killers at nagsasagawa ng plano ng palihim haha.

"Eh anong tinuturo niya?" tanong pa ni Jen, magsasalita na sana si Iryn at Leana kaso napatigil kami nang biglang may napa-ehem sa likod namin. Nanlaki ang mga mata namin nang makita ang librarian na si Ma'm Diane na seryosong nakatayo sa likod namin at naka-crossed arms pa.


Sabay-sabay kaming napasandal sa upuan at parang natuod kami dahil sa pagkabigla. "First Warning" sabi ni Ma'm Diane at binigyan niya kami tig-iisa ng matalim na tingin saka umalis na matapos niyang pagbantaan ang buhay namin chos haha.




Ngayong araw na rin ang last day of second semester namin kaya nag-celebrate kaming apat sa Seaside dampa dito sa Pasay. Bumili kami ng fresh na mga seafoods gaya ng hipon, pusit at crabs saka ipinaluto namin sa isang restaurant dito. Malakas pa rin ang buhos ng ulan sa labas pero walang makakapigil sa amin gumala haha.

Nakaupo kami sa tabi ng glass window ng restaurant, nasa tabi ako ng bintana habang katabi ko naman si Jen at nasa tapat naman namin nakaupo si Iryn at Leana. Hinihintay pa namin ang order namin at kanina pa nagrereklamo si Jen at Iryn kasi natatakam na daw sila sa seafoods. Habang abala naman si Leana sa pagsusulat sa isang blue na notebook na mukhang pang-High School. Samantala, nakatanaw naman ako sa labas at pinagmamasdan ko ang buhos ng ulan. Halos lahat ng tao ay nakasilong ngayon at ang ilan ay nakitambay lang dito sa loob ng restaurant para magpatila ng ulan. Nakita ko rin ang ilang mga batang nanglilimos na nagtatampisaw sa ulan at naghahabulan pa. Buti pa sila saya ang naidudulot sa kanila ng ulan samantalang ako... Hindi ko alam.

"Leana! Ano ba yan? Tapos na ang sem pero nag-aaral ka pa rin diyan" reklamo ni Iryn at kinuha niya yung notebook na sinusulatan ni Leana. Agad naman siyang binatukan ni Leana at inagaw sa kaniya yung notebook "Bruha! Sa kapatid ko to' kailangan niya kasing mapasa to para hindi siya mag-summer class" buwelta naman ni Leana sabay hampas ulit kay Iryn, at dahil dun naghampasan ulit silang dalawa. Ewan ko ba natawa na lang kami ni Jen, ang weird siguro talaga namin kasi ang brutal namin sa isa't-isa.

Biglang inagaw ni Jen yung notebook at binasa iyon habang hindi maawat sa hampasan sa braso si Iryn at Leana na sobrang kinasasaya naman nila. "Oh! Math pala to eh, bigay mo kay Aleeza sisiw lang to sa kaniya" tugon pa ni Jen at hinampas niya sa braso ko yung notebook. Napatigil naman si Iryn at Leana sa paghahampasan at napatingin sa akin "Omg! Oo nga pala! Math genius ang friend nating to" pagmamalaki pa ni Leana at invisible na pinasa niya sa akin ang korona. Natawa na lang ako mukha kasi kaming shunga.

Kinuha ko na yung notebook at tiningnan iyon ng mabuti, Rational Expressions and Equations of Algebra pala ito. "Ayan na! kumapit na kayo magiging living calculator na yan!" pang-asar pa ni Jen at naghawak kamay silang tatlo habang ineecheos ako.

"Tigilan niyo nga ko, di ako makapag-focus" banat ko pa sa kanila pero mas lalo lang nila akong inasar. Kinuha ko na yung ballpen ni Leana at sinimulang sagutan iyon. Pero napapatigil ako kasi nakikisilip sila sa ginagawa ko at ang sarap punitin ng mga ngiti at mata nilang sobrang nakaka-echeos haha.

"Aly! Kaya mo bang i-relate ang math sa totoong buhay?" echoes pa ni Leana at pinakita niya sa amin yung isang post sa fb na hugot lines.


Math tells us three of the saddest love story...

TANGENT- lines that had one chance to meet then parted forever.

PARALLEL- lines that will never meant to meet.

ASYMPTOTES- lines who can get closer and closer but it will never be together.



"Ouch! Ang saklap naman ng Asymptote!" buwelta ni Jen napahagalpak sila sa mesa, at inasar na nila si Iryn na hanggang ngayon ay friendzoned pa rin sa bestfriend nito mula elementary. Maganda at cute naman talaga si Iryn kaya lang hindi kasi siya napapansin ng besfriend niya na si Bryan kasi mas prefer nito ang mga hot and sexy chicks. Medyo chubby kasi si Iryn at sobrang gana kumain.

Ilang saglit pa dumating na ang order namin at nag-agawan na kami, mas gusto kasi namin yung malutong na calamares na nag-cucrunch sa tuwing kakagatin. Itinabi ko na muna yung notebook at nakipagbakbakan sa agawan sa kanila, ang bilis kasi kumain ni Iryn, samantala halos masuka naman na kami nila Leana at Jen sa sobrang dami ng sinasalpak namin sa bunganga namin. Napatanaw ulit ako sa bintana habang kumakain kami, Hindi pa rin tumitila ang malakas na buhos ng ulan pero kahit ganoon ay saglit kong nakalimutan ang bigat ng pakiramdam ko dahil sa mga kalog na kaibigan ko kasalo ko ngayon.




Bakasyon na at abala naman kami ngayon ni Alexander sa pagtulong kay mama dito sa palengke. Halos dalawang linggo na ang lumipas nang hindi ko namamalayan kasi sobrang busy ngayon dito, matapos dumaan ang bagyong Nina, gumanda na muli ang panahon dahil summer na rin at lumakas na rin ang bentahan ng mga isda. Alas-siyete ng umaga na dito sa palengke at napakarami na ring taong bumibili.

Pero makulimlim ata ang kalangitan ngayon at mukhang uulan. Medyo mahangin din kanina kaya nagliparan yung ibang mga trapal sa labas ng palengke. Buti na lang dito sa loob ng wet market area ng palengke nakapwesto ang tindahan namin kaya kahit umulan nasa loob naman kami ng palengke.

Si Alexander ang taga-buhat ng banyera ng mga isda na dinedeliver, natatawa na lang kami ni mama kasi halos lahat ng mga inday na nagtitinda rin dito sa palengke ay may crush sa kaniya, napapatulala sila kapag pasan-pasan ni Alex yung mga banyera. "Tanggalin mo nga yung salamin mo" utos ko kay Alex pero tinaasan niya lang ako ng kilay. Paano ba naman kasi ang hot niya tingnan ngayon habang suot ang sandong puti at black shorts kaso naka-eye glasses naman siya. Lakas maka-nerd.

"Kung si superman at spiderman nga tinatagal ang salamin pag sasabak sa labanan... dapat ikaw din!" pang-asar ko pa sa kaniya, pero napailing-iling lang siya, ang sungit talaga ng kapatid kong to tsk. Sayang naman gusto ko pa man din magsagawa ng pustahan na mapapatanggal yung eye glasses niya, siguradong malaking pera ang kikitain ko dahil mukhang madaming mga tindera rito ang kakagat sa raket ko. haays.



Ilang saglit pa dumating na si papa at hinalikan niya sa pisngi si mama, pinagmalaki niya sa amin na nakabili siya ng sariwang karne ng manok para sa tanghalian namin. At sinabay na rin niya si Alex pag-uwi sa bahay dahil tapos na itong maghakot ng mga banyera. Ganito lagi kami araw-araw kapag bakasyon. Gigising ng maaga, magkakape at pandesal lang muna tsaka ihahatid kami ni papa sa palengke bago siya magsimula magpasada ng jeep.

Pagkatapos mabenta ng tatlong banyera ng isda na binibili ni mama tuwing umaga ay uuwi na kami at susunduin ulit kami ni papa para sa tanghalian. Mamayang hapon bago sumapit ang gabi babalik kami ulit sa palengke para magtinda naman ng mga isdang binilad sa araw katulad ng mga tuyo, daing na tinuyo, dilis at marami pang iba.

"Aleng, ayusin mo nga ang pagtanggal ng kaliskis" narinig kong suway ni mama at dahil dun natauhan ako. Napatingin ako sa bangus na tinatanggalan ko ng kaliskis, mukhang namurder ko yung isda kasi nasama ko na yung laman nito. "Ayos ka lang ba? Bakit bigla kang naging matamlay ngayon?" tanong ni mama at kitang-kita ko sa itsura niya na nag-aalala siya. hindi naman niya mahawakan ang noo o leeg ko kasi malansa rin ang kamay niya.

Napahinga na lang ako ng malalim, nagsisimula na naman kasing sumikip ang dibdib ko "Ma... may history po ba tayo ng sakit sa puso?" tanong ko sa kaniya, napaisip naman si mama. "Wala naman anak, walang may sakit sa puso sa side ng mga kamag-anak ko at sa papa mo naman ang pagkakaalam ko ay wala rin" paliwanag ni mama, napayuko na lang ako. Alam ko namang wala talaga sa lahi namin ang sakit sa puso, pero bakit ang kirot-kirot ng puso ko?

"Anak... tungkol na naman ba yan sa iniinda mong sakit sa dibdib?" tanong ni mama at hinawakan niya ang kamay ko, pareho namang malansa ang kamay namin ngayon. Napatango na lang ako bilang sagot sa tanong niya. Mula pagkabata ay iniinda ko na to lalo na kapag umuulan, hindi ko alam kung bakit pero naninikip ang dibdib ko sa tuwing nagbabadya umulan. Dalawang beses na rin ako napa-check up nila mama, noong una ay nung 5 years old ako, wala naman daw problema sabi ng doctor kulang lang daw ako sa vitamins at pagkain ng masusustansiyang pagkain na kailangan sa paglaki ko. Nag-pacheck up din kami noong 9 years old ako kung saan hindi ako nakapasok ng isang linggo kasi ang kirot-kirot ng puso ko. Buti na lang suspended din ang klase noon kasi may bagyong Milenyo. At sa dalawang beses na check up ay wala naman akong problema sa puso sabi ng doctor.

"Ayos lang po ako Mama" sabi ko na lang at pinilit kong ngumiti para hindi na siya mag-alala pa. Kailangan naming mapaubos ngayon ang mga paninda namin para hindi na kami bumalik mamayang gabi kasi mukhang uulan ngayon.

At heto dahil nagbabadya na naman ang pag-ulan... nagsisimula na namang kumirot ang puso ko.




Kinagabihan, nakaupo ako ngayon sa study table dito sa kwarto namin habang tinatapos ko yung requirement na kailangang sagutan ng kapatid ni Leana, ipapasa na ito bukas pero hindi ko pa natatapos nitong mga huling araw kasi abala kami sa palengke. Suot ko ngayon yung black nerdy glass na lagi kong sinusot kapag napapasabak ako sa math, feel ko kasi madali kong naalala ang mga formulas at maaayos kong natatapos ang mga solutions kapag suot ko ang eye glass na iyon.



Napatitig ako sa last three questions... at biglang napukaw ng atensyon ko yung salitang...



Asymptote



Naalala ko bigla yung hugot sa fb na pinabasa sa amin ni Leana, Lines who can get closer and closer but it will never be together.


Ito na ata ang pinaka-masaklap na pangyayari sa Mathematics. May mas sasaklap pa kaya sa Asymptote?



Napatingin ulit ako sa bintana ng kwarto namin, umuulan pa rin ngayon. Kanina pang tanghali bumuhos ang ulan buti na lang napaubos na namin ni mama ang mga natirang isda at nakauwi na rin kami kaya makakapagpahinga na kami ngayong gabi. Alas-diyes na ng gabi at hindi pa umuuwi si papa kaya hinihintay namin siya, nagtext siya kanina kay mama na magpapasada siya hanggang hatinggabi kasi malakas ang pasada ngayon kasi kaunti lang ang mga jeep na bumyahe dahil malakas ang ulan kaya madaming mga pasahero ang nastranded at nakikipag-agawan para makauwi na.

Napatigil ako sa pag-iisip ng biglang bumukas yung pinto, napalingon ako sa likod at nakita kong basang-basa sa ulan si Alex at mukhang bad trip siya. "Saan ka galing? Bakit lumusong ka sa ulan----" hindi ko na natapos yung sasabihin ko kasi bigla niyang hinagis sa sahig yung dala niyang paper bag na halos madurog na dahil basa na rin ito. Hindi niya ako pinansin sa halip ay padabog niyang binuksan yung cabinet namin at nagpalit na siya ng t-shirt.


Dinampot ko naman yung basang paper bag na tinapon niya at kinuha ko ang laman nito. Isang libro.


"Ano to? lumabas ka para bumili ng libro?" natatawa kong tanong sa kaniya pero sinamaan niya lang ako ng tingin "Ate! Sabihan mo nga yung epal na kapatid ni Ate Jen na tigilan na ko, nabasa tuloy ako ng ulan dahil sa kaniya" reklamo ni Alex, napataas naman yung kilay ko. Nabasa siya ng ulan dahil kay Lily? Kaklase ni Alex si Lily na kapatid ni Jen at matagal ko ng alam na patay na patay si Lily sa masungit kong kapatid na kung magalit ay parang si King Kong. Ano bang nagustuhan niya dito kay Alex? Tss.

"Teka! Taga-Bacoor pa sila Lily ah... ibig sabihin galing ka sa Bacoor?" gulat kong tanong sa kaniya, hindi naman siya nagsalita pero alam kong tama ako. "Anong ginawa mo dun? Bakit nakarating ka pa doon? Umuulan kaya at gabi na" sermon ko naman sa kaniya. Pinupunasan na niya ngayon yung buhok niya gamit ang tuwalya niya.

"Basta! Sabihin mo kay Ate Jen na lubayan na ko ng kapatid niya... naiirita na ko! at Oo nga pala pakitapon na lang din ang librong yan o kaya sunugin mo na lang kung gusto mo" pagsusungit pa sa'kin ni Alex, tinanggal ko na sa paper bag yung libro pero nakabalot pa rin ito ng see through na color red na panyo at nanlaki yung mga mata ko nang mabasa ko ang nakasulat doon sa harapan.


It's my Birthday pero kahit wala kang regalo sa'kin, mas gusto ko naman na ako ang magreregalo sayo... Please accept this - Lily


Omg! Iba talaga ang Charisma ng kapatid ko.


"Bakit mo itatapon? Bigay niya to sayo dapat nga magpasalamat ka eh" sabi ko pa pero in-erapan lang niya ako. "Love stories? I don't believe in love pang mga hopeless romantic lang ang mga yan" tugon ni Alex at dahil dun in-erapan ko siya. Yan ang problema kapag sobrang talino eh minsan nakakalimutan na ang magmahal.

Kinuha na niya yung mga damit na pamalit niya at padabog na sinara yung pinto, feel ko mangangatog siya mamaya sa lamig kasi mukhang balak niya pang maligo. Tsk

Humarap na ulit ako sa study table at tinanggal ko na yung pulang see through na panyo na nakabalot doon sa libro. Tinabi ko na rin yung note na iniwan ni Lily at dinikit iyon sa mirror ni Alex na nakalagay sa gilid ng study table namin.


Napatigil ako nang mabasa ko yung title nung libro...



Our Asymptotically Love Story



Isang graph at asymptotes ang book cover nito, habang nakasulat ang title sa pinakagitna at kulay pula ang font nito. Napataas naman yung kilay ko sa pangalan ng author na nakasulat sa baba...


By f(x-1)


Seryoso? f(x-1) ang screen name ng author nito?


Parang may kung anong pwersa na nag-uudyok sa akin buksan ang librong iyon, napatitig ako sandali sa title ng libro, Nabasa ko pa lang ang salitang Asymptote ay parang may kung anong kirot akong naramdaman sa puso ko.


Nilakasan ko na ang loob ko at binuksan ang librong iyon, tumambad sa akin ang linya sa unang pahina ng aklat...



Saksi ang bawat patak ng ulan sa ating pagmamahalan

Ang ihip ng hangin ay naghahatid ng magkahalong pait at tamis na ating naranasan

Asahan mong ang pag-sinta ko sa iyo'y di mapaparam

Tanging ang pag-ibig mo lamang ang aking inaasam



Hindi ko namalayan na may luhang unti-unting namumun sa mga mata ko nang mabasa ko ang mga linyang iyon. Napahawak ako sa dibdib ko dahil parang unti-unting nadudurog ang puso ko at hindi ko maintindihan kung bakit nararamdaman ko ito...


Napasulyap ako sa bintana at napansin ko na mas lalong lumakas ang ulan sa labas. Maging ang hangin ay pilit na tinutumba ang mga punong nagsasayawan na ngayon. Napahinga na lang ako ng malalim at muli kong binaling ang mga mata ko sa aklat na nasa tapat ko ngayon.


Sinimulan ko nang ilipat ang pahina at binasa ko ang Unang Kabanata,



Ako si Salome, at ito ang kwento nating dalawa....




******************

Source of Math hugot: https://web.facebook.com/permalink.php?story_fbid=425390157671336&id=408978055979213&_rdc=1&_rdr

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top