Kabanata f(x - 17)


[Kabanata 17]

Our Asymptotically Love Story 

(page 119 - 141)


Ika-Walong Kabanata

 Filipinas 1688



"Eleanor pakiusap..."

Dumaloy ang luha mula sa mata ni Eleanor habang yakap-yakap ng mahigpit si Fidel, animo'y ayaw niyang pakawalan ang binata. "Lo siento... por favor.... te amo" (I'm sorry... please... I love you) wika pa ni Eleanor at hindi na ito maawat sa pag-iyak. Napahawak na lamang si Salome sa kaniyang bibig dahil sa gulat. Muntikan niya pang mabitawan ang mainit na kapeng hawak niya.

Ilang sandali pa, unti-unting nadurog ang puso ni Salome nang makita niyang niyakap na rin ni Fidel pabalik si Eleanor.


Tuluyan na ngang nabitiwan ni Salome ang hawak niyang tasa ng kape, nagulat si Fidel at Eleanor nang marinig nila ang ingay ng nabasag na tasa sa sahig, maging si Salome ay gulat na napayuko at dali-daling pinulot ang mga piraso ng nabasag na mamahaling tasa na gawa pa sa procelana mula Tsina.


Nako! Nako! Nako!


Hindi na mapakali si Salome habang maiging pinupunasan ang nagkalat na kape sa hagdan, mas lalo pang nakadagdag sa kaniyang tensyon ang papalapit na sina Fidel at Eleanor. "Lumeng..." tawag pa ni Fidel at akmang tutulungan patayo si Salome ngunit naunang lumapit si Eleanor sa kaniya sabay hawak sa magkabilang balikat nito. "Baka masugatan ang iyong daliri... hayaan mo na iyan" nag-aalalang tugon ni Eleanor kay Salome sabay ngiti ng bahagya.

"P-pero----" hindi na natapos ni Salome ang kaniyang sasabihin dahil maluha-luha na siya, hindi niya batid kung dahil ba sa nabasag na mamahaling tasa ang dahilan ng kaniyang pag-luha o dahil sa nakita niyang tagpo ni Fidel at Eleanor na magkayakap.

"Sasamahan na kita sa iyong silid..." tugon pa ni Eleanor at inalalayan na niya patayo si Salome. Nakayuko lamang si Salome at hindi niya magawang tingnan si Eleanor at lalong-lalo na si Fidel. Nagulat siya nang biglang lumapit si Fidel sa kaniya at hinawakan ang kamay niya para kunin ang isang piraso ng nabasag na porcelanang tasa na hawak pa rin niya.

"Nakasusugat ang dulo nito, huwag mong hahayaang masugat ka nang dahil lang sa bagay na ito" paalala ni Fidel kay Salome sabay kuha ng piraso ng tasang iyon. Napatango na lamang si Salome kay Fidel nang hindi tumitingin sa mga mata nito, hinawakan naman muli ni Eleanor ang balikat ni Salome "Marahil ay pagod ka na munting binibini..." nakangiting tugon ni Eleanor kay Salome habang hinihimas-himas ang balikat nito. Napalingon naman si Salome sa napakagandang kastilang binibini na nakangiti sa kaniya, maamo ang itsura nito at talagang nakakahalina ang gandang taglay ng dalaga.

Naalala ni Salome na ang babaeng iyon ay ang babaeng bumili ng pluma sa palengke na bibilhin niya sana para kay Fidel noong isang araw. hindi niya nabili iyon para kay Fidel dahil naunahan siya, at ngayon mukhang hindi na rin niya mabibigay ang plumang ginawa niya na kinuha niya pa sa balahibo ni ChingChing dahil mukhang naunahan na rin siya ng babaeng nasa tabi niya ngayon.


"Lumeng! Ano ba iyan? May narinig akong nabasag" tawag ni Manang Estelita at nakasunod na sa kaniya sina Ising, Piyang at Susana. Napatigil sila sa ibaba ng hagdan at bumati kay Fidel at Eleanor.

"Magandang gabi po Senor Fidel at Senorita Eleanor" sabay-sabay nilang bati bago nagpatuloy sa pag-akyat sa hagdan upang lapitan si Salome, nagulat sila nang makita ang nagkalat na bubog at kape sa hagdan.

"Sus Maryusep! Ang tasang regalo ni Gobernador Filimon Alfonso kay Senor Patricio noong nakaraang taon" gulat na tugon ni Manang Estelita at agad namang nilinis ni Ising at Piyang ang basag na tasa at kape.

"P-patawad po" paghingi muli ng tawad ni Salome ngunit binigyan lamang siya ni Fidel ng ngiti "Ayos lamang Lumeng, Huwag mo ng intindihin iyon, ako na ang bahala magpaliwanag sa aking pinsan" sagot ni Fidel, hinihintay niyang tumingin sa kaniya si Salome ngunit nanatili lang itong nakayuko.

"Mabuti pa't magpahinga ka na Lumeng, mukhang maputla ka ah" tugon naman ni Manang Estelita at hinawakan niya ang braso ni Salome. "Nais ko po sanang ihatid siya sa kaniyang silid" nakangiting tugon ni Eleanor dahilan para mapangiti si Manang Estelita.

"Huwag na po kayong mag-abala Senorita Eleanor, kami na po ang bahala kay Lumeng" saad pa ni Manang Estelita at inalalayan na niya si Salome pababa ng hagdan. Nakayuko pa rin ang dalaga at tulalang tinatahak ang hagdan pababa. Nakasunod naman na rin sa kanila ang iba pang mga tagapagsilbi.

Sa huling pagkakataon ay umaasa si Fidel na lilingunin siya ni Salome ngunit hindi lumingon ang dalaga hanggang sa tuluyan na itong makaaalis.





"Lumeng... Bakit gising ka pa? Masama ba ang iyong pakiramdam? Nais mo bang dalhin ka namin sa manggagamot? Kay Inay Laya?" nag-aalalang tanong ni Manang Estelita kay Salome at hinipo nito ang noo ng dalaga. Mag-mamadaling araw na nang magising si Manang Estelita at naabutan niyang nakadungaw lang sa bintana si Salome habang pinapanood ang mahinang pagbagsak ng ulan.

Napailing na lamang si Salome habang nakatingin pa rin sa labas. "Manang... nais ko sanang umuwi muna sa aming tahanan, maaari po ba?" pakiusap ni Salome sa matanda, napatitig muna si Manang Estelita sa kaniya bago ito muling nagsalita.

"Maaari naman... kung sasabihin mo sa akin ang dahilan" wika pa ni Manang Estelita dahilan para mapatingin sa kaniya si Salome. Hindi man sabihin ng dalaga kung ano ang tinatago nito sa kaniyang damdamin, sa kalungkutan pa lang na namamayani sa mukha nito at sa kilos nito ay batid na ni Manang Estelita kung ano ang pinagdadaanan ngayon ni Salome.

Hindi naman nakapagsalita si Salome at ibinaling na lang niya muli ang tingin niya sa labas ng bintana "Kalimutan niyo na lang po Manang, dalawang araw na lang naman po bago mag-linggo, makakauwi na muli ako sa amin" tugon pa ni Salome, hinawakan naman ni Manang Estelita ang magkabilang balikat niya upang iharap si Salome sa kaniya.

"Hindi ko na tatanungin pa ang dahilan kung bakit gusto mong umuwi muna sa inyo, hihintayin kong dumating ang araw na sabihin mo iyon ng kusa sa akin... sige na mag-ayos ka na at umuwi muna sa inyo pagbukang liwayway, sasabihin ko na lang kay Senor Fidel na masama ang iyong pakiramdam" nakangiting tugon ni Manang Estelita dahilan para mapangiti si Salome at mapayakap sa matanda.

"Maraming Salamat po talaga Manang!" akap pa ni Salome ngunit sinuway siya ni Manang Estelita dahil baka magising sila Ising, Piyang at Susana dahil sa ingay nila. si Nay Delia naman ay pinayagan na araw-araw na makauwi sa kanilang tahanan tulad ng ibang mga trabahador sa hacienda. Kung kaya't maya-maya pa makakarating si Nay Delia, hatid sundo rin ito ni Ernesto.



Bago pa sumikat ang araw ay nakaalis na si Salome, ligtas naman na maglakbay pauwi dahil marami na rin siyang makakasalubong na mga trabahador na papasok na sa hacienda Montecarlos. Naglagay na lamang siya ng balabal habang naglalakad upang hindi na maharang pa ng iba niyang mga kakilalang manggagawa. Nais niyang mapag-isa muna kahit sandali.

Nang marating niya ang barrio Tagpi, naabutan niyang naggagayak na si Nay Delia papasok sa hacienda, Samantala si Felicidad naman ay abala sa pagluluto ng almusal. "Lumeng? Oh! Biyernes pa lamang ngayon ah" takang tanong ni Nay Delia ngunit sinalubong din niya ng yakap ang anak na balisang-balisa na ngayon. agad namang iniwan ni Felicidad ang niluluto niya at nagtungo kay Salome na nasa tapat pa lang ng pintuan ng bahay nila. "May nangyari ba sa hacienda?" patuloy pa ni Nay Delia habang hawak hawak ang magkabilang mukha ng anak. Napailing na lamang si Salome bilang sagot sa kaniyang tanong. "M-masama lamang po ang p-pakiramdam ko, pinayagan po ako ni Manang Estelita na magpahinga ng d-dalawang araw"

Nagkatinginan naman si Nay Delia at Felicidad, alam nilang bihira lang kung tamaan ng sakit si Salome dahil malakas ang resistensiya nito, kung kaya't sa tuwing nagkakasakit si Salome ay natatagalan bago gumaling. "Halika na, magpahinga ka na muna sa kwarto, ihahatid ko na lamang sayo ang almusal" tugon naman ni Felicidad sabay himas sa ulo ng kapatid at inalalayan na niya ito papasok sa kanilang silid.

Nagpaalam naman na si Nay Delia at humalik pa sa noo ni Salome bago ito umalis patungo sa hacienda Montcarlos. Kasalukuyang nasa kabilang barrio si Tay Isko at nakikigapas sila ng palay nila Ernesto at Mang Pedro dahil panahon na ng anihan. Ang kanilang katabing palayan kasi sa kanilang tahanan ay napabayaan ng pamilya Flores na siyang nakakasakop sa barrio Tagpi kung kaya't hindi ito nakasabay sa anihan dahil inaaararo pa lamang ngayon.

Si Tay Isko ay nakapasok din bilang magsasaka at karpintero sa hacienda Flores. Si Ernesto naman ay naninilbihan sa pamilya Alfonso bilang pastol ng mga baka at kambing. Marami ring hanapbuhay si Ernesto tulad ng pagtatanim ng mga bulaklak na palaging binibili ni Don Antonio Flores.

Samantala, wala rin ngayon sa kanilang tahanan si Danilo dahil kada umaga bago magbukang liwayway ay nagtutungo na ito sa bayan upang tulungan sila Padre Bernardo at Padre Rogelio sa ginaganap na misa araw-araw tuwing umaga upang lalo pang mahikayat at maipalaganap ang Kristiyanismo sa buong San Alfonso. May iilang mga liblib na lugar pa kasi lalo na sa gitna ng masukal na kagubatan sa dulo ng San Alfonso na hindi pa nararating ng mga misyonaryong pari, karamihan sa mga naninirahan sa mga liblib na lugar na iyon ay mga katutubo na ayaw umanib at tumangkilik sa kahariang Espanya at sa pinapakilala nitong relihiyon.

Habang si Julio naman ay naglalaro na ngayon sa labas kasama ang mga kapwa bata. Mamayang alas-diyes ng umaga ay dadaanan siya ni Danilo dahil sabay silang papasok sa klase ni Maestro Fidel. "Kumain ka na muna Lumeng" tugon ni Felicidad at may bitbit itong mangkok na gawa sa pinakinis na bao ng niyog. Nakalagay doon ang niluto niyang almusal na sinaing na saging ng sabat at kamoteng-kahoy.

"Maraming Salamat ate Fe" tugon ni Salome at bumangon siya sa kama upang kumain, naupo naman si Felicidad sa kama at tinitigan siyang mabuti. "Marahil ay masasarap ang pagkain niyo roon sa hacienda noh? Nais ko rin sana manilbihan upang kahit papaano ay makatulong ako sa ating pamilya dahil may kalakihan ang tributong hinihingi ni Mang Lito" wika ni Felicidad dahilan para matigilan si Salome sa pagkain at mapatingin sa kaniyang ate.

Si Mang Lito ang cabeza de barangay ng kanilang barrio, siya rin ang nangangasiwa ng pangongolekta ng mga tributo mula sa mga mamamayan ng barrio Tagpi, Ang Tributo ay isang sistemang pagbubuwis na siyang pangunahing pinagkukunan ng pondo o salapi ng mga Espanyol sa panahon ng pananakop nila sa Filipinas. Ipinatupad ang sistemang ito batay sa Recopilacion de leyes de los Reynos de las Indias ng ang Hari ng Espanya ay naglabas ng malaking halaga para sa kanyang paglalayag sa Pilipinas at bilang ganti, marapat na bayaran ito ng mga Filipino sa pamamagitan ng tributo.

Lahat ng mamamayan ay obligadong magbayad ng kaukulang halaga sa pamahalaan upang maituring na lehitimong sakop ng Hari ng Espanya, maliban na lamang sa mga gobernadorcillo, cabeza at ang kanilang mga delegado, mga kalalakihang kabilang sa sandatahan, mga may sakit at baldado, mga walang sapat na ani sa taon at mga mamamayang edad animnapu pataas. May dalawang uri ng tributo - pagbabayad ng salapi, at pagbabayad ng pananim, kalakal o tanim. Sakaling tumanggi ang isa na magbayad ng tributo, ituturing siyang bandido at kalaban ng kolonya.


"Ang lahat ng kinikita ni kuya Ernesto sa pagtatanim ng bulaklak ay napupunta lamang sa pagbabayad ng tributo, si itay naman ay naghahanap pa ng karagdagang trabaho sa bayan upang makapagbayad ng tributo, narinig ko kagabi na pinagtatalunan ni itay at inay ang panibagong trabahong nais pasukin ni itay" patuloy pa ni Felicidad, bakas sa kaniyang mukha ang matinding pangamba at pag-aalala.

"A-anong bagong trabahong nais pasukin ni itay?" ang kaninang kabalisaan na nararamdaman ni Salome ay napalitan na ngayon ng pangamba.

"Nais niyang sumama sa paglalayag sa barkong Galyon (Galleon) sa Maynila" sagot ni Felicidad dahilan para matigilan si Salome at hindi nakapagsalita ng ilang segundo dahil sa gulat.

"Batid kong nag-aalala ka rin sa nais tahakin ni itay, hindi biro ang maging tauhan ng barko sa paglalayag dahil marami na ring pagkakataon na lumubog ang barko na ginagamit sa Galyon at kung minsan naman ay naaagaw ng mga pirata ngunit mukhang determinado si itay na makapasok doon dahil malaki ang kikitain mula roon" saad pa ni Felicidad. Pareho silang hindi nakaimik ni Salome ng ilang minuto, nangangamba sa mga desisyunan ng kanilang magulang. Kailanman ay hindi pa sila nagkakahiwalay na magkakapamilya kung kaya't ang balitang iyon ay labis na naghahatid ng pangamba sa kanila.

"Kung ako ang masusunod nais ko ng makasal sa mayamang binatang anak ni Don Antonio Flores ngunit ipinagbawal na ni Manang Dolores na ako ay magpunta roon" malungkot na wika ni Felicidad, napatingin naman sa kaniya si Salome at napaisip pa ito ng mabuti.

Sigurado akong magiging miserable ang buhay ni ate Fe sa hambog at bastos na Patriciong iyon!


"Ate Fe... huwag na lang ang binatang anak ni Don Antonio Flores" tugon ni Salome sabay hawak sa kamay ng kaniyang ate upang makumbinse ito. "Marami pa naman diyang iba, si Aling Teodora na may ari ng panciteria sa bayan ay maraming kilalang parokyanong mayayaman" patuloy pa ni Salome, mula kasi pagkabata ay nahubog na sa kanilang isipan na malaki ang posibilidad na makaasawa ng mayaman si Felicidad dahil sa taglay nitong pambihirang kagandahan.

Ngumiti naman si Felicidad ngunit bakas pa rin sa kaniyang itsura ang kalungkutan "Nais ko rin sanang pag-ibig ang magiging dahilan ng pagpapakasal ko at kay Patricio ko nakikita iyon" sagot ni Felicidad, napailing-iling naman si Salome.

"May pagka-matapobre ang kaniyang ama, marami akong naririnig na usap-usapan tungkol kay Don Antonio Flores, gahaman daw ito sa salapi at ang lahat ng kinikita nito sa negosyo ay iniimbak lamang sa kanilang tahanan at hirap din itong magpakawala ng pera ni isang kusing" paliwanag pa ni Salome, natawa naman sandali si Felicidad dahil seryosong-seryoso si Salome habang nagkwekwento at may pagalaw-galaw pa ito ng kamay habang pinapaliwanag ang pagiging gahaman ni Don Antonio Flores.

"Sige na kumain ka na riyan baka ikaw ay mabulunan pa sa mga pinagsasabi mo" tawa pa ni Felicidad at muli na itong bumalik sa kusina para maghanda na ng tanghalian. Si Salome naman ay naiwan doon sa loob ng silid, tulala sa kaniyang pagkain habang ang isipan ay patuloy na ginugulo ng mga panibagong suliranin na kaniyang nalaman.

Mas lalo pa atang nadagdagan ang problema ko ng umuwi ako rito.




Kinahapunan, nagulat si Salome nang biglang sumulpot si Ising sa kanilang tahanan, "Lumeng!" tawag ni Ising sabay akap sa kaibigan, may dala-dala rin itong isang balot ng bagong lutong tikoy. "Galing kami ni Manang sa palengke at dumaan kami sa aming panciteria, pinadala sa akin ito ni inay nang malaman niya na masama ang pakiramdam mo" paliwanag pa ni Ising at tuwa-tuwa niyang inilapag sa mesa ang dalang tikoy at mga prutas. Si Manang Estelita naman ay naiwan pa sa labas ng bahay habang kausap si Felicidad.

Kakarating lang din nila Danilo at Julio, nagitla naman si Danilo nang makita si Ising sa kanilang hapag kung kaya't dali-dali itong umikot sa likod ng bahay at nagtago muna sa imbakan ng mga kahoy. "Ano bang nangyari sa iyo Lumeng? Bakit bigla ka na lang nawala kaninang umaga, nag-alala tuloy sa iyo si Senor Fidel" patuloy pa ni Ising, agad namang lumapit sa kanila si Julio habang nakangiti ito, pitong taon na si Julio ngunit hindi pa rin ito nagsasalita. Pinatingnan na siya noon sa doktor at sa lahat ng klase ng mga manggagamot ngunit iisa lamang ang sinasabi nila, maikli raw ang dila ng bata kung kaya't hirap itong bumigkas ng mga salita.

Noon naman ay sinusubukan ni Julio na magsalita kahit pa pag-ungol lang ang nalilikha ng bibig niya, ngunit hindi katagalan tinukso siya noon ng kaniyang mga kalaro noong nasa Maynila pa sila kung kaya't mula noon hindi na siya nagsalita pa, ngiti, walang tunog na pagtawa, simangot, kunot ng noo at pag palakpak lamang ang naging paraan niya upang ipakita ang kaniyang emosyon.

"Oh? Julio halika rito may dala akong tikoy" tawag ni Ising kay Julio na agad yumakap sa kaniya, tuwang-tuwa naman si Ising at pinaggigilan pa ang matambok na pisngi ng bata. Samantala si Salome naman ay napatulala na lang dahil sa sinabi ni Ising kanina na nag-alala raw sa kaniya si Senor Fidel.

"Makakapasok ka na ba bukas Lumeng?" tanong pa muli ni Ising habang nilalaro si Julio. Natauhan naman si Salome at tumikim na lang ng tikoy upang mapawi ang gumugulo sa kaniyang isipan. "H-hindi ko pa sigurado"

"Siguradong mag-aalala na naman niyan si Senor Fidel" habol pa ni Ising habang sinusubuan si Julio. Napalunok naman si Salome sa kaba at tinitigan niya mabuti si Ising, mukhang nagsasabi naman ng totoo si Ising.

Bakit naman mag-aalala sa akin si Senor Fidel? Sino ba naman ako para isipin pa niya...


"Ngunit baka hindi na muli pang magtanong si Senor Fidel bukas kung nasaan ka dahil palagi namang naroon si Senorita Eleanor sa mansyon, kanina nga tinulungan niya kami sa paghahain ng tanghalian para sa mga estudyante ni Senor Fidel, ang bait pala talaga ni Senorita Eleanor" tugon ni Ising, hindi naman alam ni Salome kung ano ang dapat na maging reaksyon niya sa sinabi ng kaibigan. Ngunit kahit ganoon, aminado rin naman siya na unang kita pa lang niya kay Eleanor ay mabait talaga ito.

Mabait siya, maganda, mayaman, edukada, nagmula sa kilalang pamilya. Ano ba namang laban ko sa kaniya?




Araw ng Linggo, umaga pa lang matapos magsimba ng mag-anak sa bayan ay naging abala na silang lahat sa paghahanda ng mga pagkain para sa gaganaping salo-salo mamayang gabi sa kanilang tahanan dahil kaaarawan na ni Danilo.

Inimbitahan din nila ang kanilang mga ka-barrio lalong-lalo na ang pamilya nila Mang Berto, Mang Pedro at Mang Kiko na kasama pa nila mula Tondo. Si Salome at Nay Delia ay gumagawa ngayon ng noodles, pinaghalo-halo nila ang harina, mantika, asin at itlog hanggang sa ihulima nila ito pahaba at putol-putulin upang maging noodles.

Nais na ni Nay Delia na ipagpatuloy pa rin ang tradisyong intsik sa pagdidiwang ng kaarawan ni Danilo, isa sa pinakamahalagang pagkain na inaalay sa kaarawan ng mga intsik ay ang noodles, sagisag ito ng mahabang buhay.


Si Felicidad naman ay abala sa paggawa ng paboritong panghimagas sa pagkaing intsik na tinatawag na 'TangYuan' ito ay gawa sa bigas na dinurog hanggang sa hugising pabilog at lagyan ng iba't-ibang palaman sa loob tulad ng maitim na linga (black sesame), mung bean, abitsuwela (red bean) at gabi o taro. Ang TangYuan naman ay sumasagisag sa muling pagbubuklod o pagsasama-sama ng pamilya.

Si Ernesto naman ay abala sa paglalaga ng itlog sa malaking palayok. At matapos ito malaga ay mahalagang kulayan ito ng pula dahil ang pulang itlog ay sagisag ng swerte. Samantala, si Tay Isko naman at ang kaniyang mga kaibigan ay abala sa pagaayos ng mga mesa sa labas ng kanilang bahay. nag-ipon na rin sila ng maraming pangsiga para mamayang gabi.


"生日快乐" (Sān Yā Fāi Lo) Happy Birthday


Sabay-sabay na bati ni Nay Delia, Salome at Felicidad kay Danilo nang pumasok ito sa loob ng kanilang tahanan upang magbihis ng mas maayos na damit. Nabigla siya dahil halos lahat na pala ng kapitbahay nila at kaibigan ay nasa loob na ng kanilang bahay at hinihintay lang siyang pumasok, nilibang laman siya nila Tay Isko at Ernesto sa labas ng bahay kanina at pinakuha pa ng mga siga upang maisagawa nila ang kanilang surpresa para kay Danilo.

Nagulat si Danilo at napangiti sa hiya dahil sa di inaasahang surpresa. Kinantahan na rin siya ng Maligayang bati habang nagpapalakpakan at sumasabay sa indak ang mga bisita. Agad napayakap si Danilo sa kaniyang ina at ama, hindi naman nakapagpigil ang magkakapatid na sina Salome, Felicidad, Ernesto at Julio na makisali sa yakapan nila. nauwi tuloy sa tawanan na may halong iyakan ang nangyari dahil naluha pa si Danilo.


Ilang sandali pa nagsimula na ang kainan, inilabas na nila sa mahabang mesa sa labas ang lahat ng pagkain, ang mga kanin, isda at karne ng manok na inihaw ay nakalagay na sa mahabang dahon ng saging. Habang ang 'Misua Noodles' naman na niluto ni Nay Delia ay nakalagay sa malaking palayok, halos lahat ng bisita ay nakapila na roon upang matikman iyon. Bihira lamang sila makatikim ng ganoong klaseng pagkain dahil madalas saging at kamote lamang ang kanilang kinakain mula almusal hanggang hapunan.

Nabalot ng tawanan, kwentuhan at kanitayawan ang selebrasyon ng kaarawan ni Danilo. Ang malaking siga ng apoy sa pinakagitna nila ang nagsisilbing liwanag sa buong paligid sa labas ng tahanan ng pamilya Aguantar. Naroon din ang ilang mga kaibigang binatilyo ni Ernesto sa palengke at ngayon ay inuusisa nila kung sino ang dalawang kapatid ni Danilo. "Si ate Fe ay naka-reserba na" tugon ni Danilo sa mga binatang kasama niya, karamihan sa mga ito ay nasa edad dalawampu na. "Ang tinutukoy ko ay ang babaeng iyon" wika ni Felipe sabay turo kay Salome na ngayon ay nag-aasikasong magsalin ng Misua sa mga nakapilang bisita.

Pinaulanan naman ng kantyaw ng iba pang mga binata si Felipe, "Si ate Salome ba ang tinutukoy mo? nako! Wala pang nobyo ang ate kong iyan ngunit may pagka-masungit iyan si Ate Lumeng sa mga kalalakihan" tawa pa ni Danilo, nakaupo sila ngayong magkakaibigan paikot sa siga. Si Felipe ang pinaka-magandang lalaki sa kanila, matikas ang pangangatawan nito dahil sa pagbubuhat ng mga banyera ng isda sa palengke mula pa pagkabata. Si Paterno naman ang pinaka-maingay at puno ng kalokohan, ngunit may nobya na ito at nakatakda na silang ikasal sa susunod na buwan. Samantala si Danilo naman ang pinakabata sa kanilang magkakaibigan, hindi pa rin niya nasasabi sa kanila na humahanga siya kay Ising na anak ni Aling Teodora na kaibigan ni Salome.

"Maaari ba akong umakyat ng ligaw sa iyong ate Salome?" tanong ni Felipe kay Danilo, bakas sa mukha nito na nahihiya at kinakabahan. Dahilan para kantyawan na naman siya ni Paterno. "Aba'y bakit ako ang tinatanong mo ukol diyan? Si ate Salome ang tanungin mo" tawa pa ni Danilo at nagtawanan sila ni Paterno dahil napalunok lamang sa kaba si Felipe habang tinatanaw si Salome.

"Nangangamba ka na sungitan ka ni ate Salome noh? Aba'y dapat ka nga mangamba dahil sadyang palaban talaga ang ate kong iyan" pang-asar pa ni Danilo kay Felipe, mas lalo nilang kinatuwa ang itsura ng binata dahil mukhang kinakabahan na ito. "Lapitan mo na baka ikaw ay maunahan pa ng iba----" hindi na natapos ni Paterno ang sasabihin niya dahil biglang may kalesang dumating sa tapat ng tahanan ng pamilya Aguantar.


Napalingon ang lahat sa magarang kalesang iyon at nabigla sila ng bumaba mula roon si Senor Fidel Montecarlos.


"MAESTRO! MAESTRO!" tawag ni Danilo at agad itong napatayo sabay takbo papunta kay Fidel at sinalubong ito. Maging si Julio ay kumaripas din ng takbo at yumakap pa kay Fidel na kinatuwa naman ng binata. Kinarga ni Fidel si Julio at inakbayan naman si Danilo. "Maraming Salamat at nakarating kayo rito Maestro" nakangiting tugon ni Danilo, labis ang saya na nararamdaman niya dahil pinaunlakan ng kaniyang guro ang imbitasyon niya.

"Maligayang kaarawan sa iyo Nilong" bati pa ni Fidel kay Danilo at inabot na rin niya ang regalo niya kay Danilo na sumbrero na gawa sa makapal na leather. Tuwang-tuwa namang isinuot iyon ni Danilo "Maraming Maraming Salamat po talaga Maestro!" ulit pa muli ni Danilo at masayang niya ipinakita iyon sa kaniyang mga kaibigan. Agad namang sumalubong si Nay Delia at Tay Isko kay Fidel, "Magandang gabi ho Senor Fidel" bati nila at nagbigay galang sa kastilang binata. Nagbigay galang din si Fidel sa pamamagitan ng paghuhubad ng kaniyang sumbrero at paglagay niyon sa kaniyang dibdib.

"Magandang gabi rin ho at maraming salamat dahil inimbitahan niyo ako rito" nakangiting tugon ni Fidel at pasimple niyang inilibot ang kaniyang paningin upang hanapin si Salome ngunit agad nakapagtago si Salome sa likod ni Mang Berto na masiglang kumakain ng Misua.

"Halika Senor, marami po kaming inihandang pagkain" aya pa ni Nay Delia, halos lahat namang ng bisita ay magiliw ding bumati kay Senor Fidel. Ang iba ay hindi pa makapaniwala at manghang-mangha dahil kasama nila ngayong makakasalo sa kainan ang isa sa pinaka-maimpluwensiyang tao sa San Alfonso.

"Dito po kayo maupo Senor Fidel" magiliw na wika ni Nay Delia habang nilalabas nila Tay Isko ang pinakamaganda nilang bangko. Pinunas-punasan pa iyon ni Danilo ng mabuti bagay na pinatigil ni Fidel dahil nais niyang maupo kasama nila sa palibot ng siga. "Nako! Senor Fidel masyado po mausok diyan" paalala ni Nay Delia ngunit naupo pa rin si Fidel katabi nila Danilo, Felipe, Paterno at ng iba pang mga ordinaryong mamamayan. "Ako po'y mas nasisiyahan na maupo rito Aling Delia, huwag niyo na po akong alalahanin" nakangiting wika ni Fidel at inilibot niya muli ang kaniyang pangingin upang masumpungan si Salome ngunit kanina pa nakatakbo papasok sa loob ng bahay si Salome.


Halos lahat namang tao ay nakatingin na ngayon kay Fidel, sinimulan naman silang kausapin ni Fidel upang hindi mahiya ang mga ito sa kaniya. Hindi nagtagal ay nag-umpisa ng magkwento sila Mang Pedro at Mang Kiko, mga bagay tungkol sa kabuhayan at kaunlaran ng San Alfonso ang pinag-uusapan nila. samantalang hindi naman maawat si Nay Delia at Felicidad sa pagpapabalik-balik sa loob ng bahay upang abutan ng pagkain si Fidel. "Heto ho Senor, kumain na po kayo" tugon ni Felicidad kay Fidel, napatango naman ang binata at tiningnan siyang mabuti "Ikaw ba ang nakatatandang kapatid ni Lumeng?" tanong ni Fidel kay Felicidad, napatango naman ang dalaga at biglang nahiya dahil sa presensiya ni Fidel.

"N-nasaan pala si Lumeng?" patuloy pa ni Fidel, halos kalahating oras na siya naroon at kanina pa atat na atat malaman kung nasaan si Salome. "Ho? Ah! nasa loob po siya ng bahay, pinapatulog na po niya si Julio" sagot naman ni Felicidad at nagbigay galang ito bago umalis.

Dahil sa sinabing iyon ni Fidel napalingon sa kaniya si Felipe at Paterno. Hindi naman napansin ni Fidel na tinititigan na siyang mabuti ng dalawang binatang iyon dahil abala siya sa pakikipagkwentuhan sa iba pang bisita. Lalong-lalo na kina Mang Berto, Mang Pedro, Mang Kiko at Tay Isko na nag-iinuman na ngayon, Lambanog ang kanilang pinagsasaluhan.

"Magkakilala ba ang ate Salome mo at ang hilaw na kastilang ito?" bulong ni Felipe kay Danilo sabay turo kay Fidel na masayang nakikipagkwentuhan sa mga ordinaryong tao. "Oo... nagsisilbi rin sa hacienda Montecarlos si Ate Salome at tinuturuan din siya ni Maestro Fidel" sagot ni Danilo habang nakatitig pa rin sa mamahaling sumbrerong regalo sa kaniya ni Fidel.

Nagkatinginan naman si Felipe at Paterno "Mukhang naunahan ka na nga Peng" kantyaw ni Patern kay Felipe sabay sagi sa tagiliran nito. "Wala namang relasyon si ate Salome at Senor Fidel... huwag niyo ngang gagawan ng tsismis ang ate ko" suway ni Danilo sa dalawang kaibigan dahilan para matigil sa pangangantyaw si Paterno.

"May kasintahan na si Senor Fidel... si Senorita Eleanor" patuloy pa ni Danilo dahilan para gulat na mapatingin sa kaniya si Felipe at Paterno. "Si Senorita Eleanor? Ang pamangkin ni Gobernador Filimon Alfonso?" ulit pa ni Felipe at unti-unting sumilay ang ngiti sa kaniyang labi.

"Ang dalawang maimpluwensiyang pangalan sa San Alfonso ay magsasanib pwersa, nako! Siguradong uunlad agad ang bayang ito" wika pa ni Paterno, maging siya ay nasiyahan sa balitang may relasyon ang isang Montecarlos at Alfonso.

"At mukhang may pag-asa na rin ako" habol naman ni Felipe habang nakangiti ito sabay tingin sa bintana ng tahanan nila Salome sa pag-asang muling masusulyapan ang dalaga.




Alas-otso na ng gabi ng magsimulang mag-uwian ang mga tao. halos lahat ay maaga pa ang pasok sa trabaho bukas kung kaya't kailangan na nilang makapagpahinga. Hindi naman na lumabas ng bahay si Salome mula ng dumating si Fidel, naroon lang siya sa papag ni Danilo na malapit sa kusina habang pinapatulog si Julio.


"Ang batang makulit

Siya ay pilyo at paslit

Ngiti ang sa amin ay hatid

At ang ngalan niya ay Juliong Paslit"


Paulit-ulit na kinakanta iyon ni Salome sa kaniyang kapatid, ngunit ssa pagkakataong iyon ay mas mabagal at nakakantok ang tono ng kaniyang awit upang mahimbing na makatulog si Julio. "Ang batang makulit... Siya ay pilyo at paslit...Ngiti ang sa amin ay hatid... At ang ngalan niya ay------"


"Lumeng na makulit" patulog ni Fidel na nakadungaw na ngayon sa gilid ng pintuan dahilan para mabigla si Salome at mapahampas sa pisngi ni Julio dahil sa matinding pagkagulat. Muntikan pang magising ang natutulog na si Julio pero agad na hinimas-himas ni Salome ang buhok nito para makatulog ulit.


"Napakaganda ng iyong awitin... maging ang iyong tinig" saad pa ni Fidel habang nakangiti sa dalaga. Agad namang napaiwas si Salome ng tingin sa kaniya at hindi na siya mapakali kung anong gagawin.


Ano ba Senor Fidel! Bakit ka sumusulpot sa buhay ko ng bigla-bigla at walang pasabi!


Kung kaya't patuloy na lang niyang hinimas-himas ang ulo ni Julio at nagkunwaring abala pa rin sa pagpapatulog sa kapatid "Mukhang mahimbing na makakatulog ngayon si Julio dahil sa iyong awitin" wika pa ni Fidel, napatango na lamang si Salome sa kaniya ng hindi tumitingin sa binata. Napaisip pa ng sasabihin si Fidel at napalingon sa labas ng bahay, nakita niyang abala pa doon ang pamilya ni Salome at ang ilang kaibigan ni Tay Isko na kasalo nito sa inuman.

Tiningnan muli ni Fidel si Salome ngunit halatang walang balak itong kausapin siya, at iyon ang labis na pinagtataka niya. iginala na lang niya ang kaniyang mata sa loob ng bahay nila Salome "Napakaganda rin ng inyong tahanan, naikwento sa akin noon ni Danilo na tulong-tulong lamang kayo sa pagtatayo ng inyong tahanan, masasabi kong ang bawat haligi nito ay puno ng masasayang alaala niyo habang binubuo niyo pa ito" patuloy pa ni Fidel sabay tingin ulit kay Salome at umaasang kausapin na siya nito pero tumango lamang si Salome sa kaniya habang pianpatulog pa rin si Julio.

Humakbang na papasok sa loob ng bahay si Fidel dahilan para mas lalong kabahan si Salome, silang dalawa lamang ni Fidel ang nasa loob ng bahay, bukod kay Julio na bata pa at natutulog na ngayon.


Nakalimutan ata ni Senor Fidel na hindi nararapat na maiwan ang isang dalaga at isang binata sa loob ng tahanan ng walang ibang kasamang nakatatanda. Ipapaalala ko ba sa kaniya? Ngunit ayoko pa siyang makausap... Ano ang aking gagawin?


Napapadiin na sa paghagod si Salome sa ulo ni Julio dahilan para medyo maalimpungatan ang bata, napangiti na lamang ng palihim si Fidel dahil sa kinikilos ni Salome "Sa palagay ko ay tulog na si Julio" saad niya pa. Natigilan naman si Salome, mas lalo siyang nabalot ng kaba dahil ramdam niyang nakatingin sa kaniya ngayon si Fidel at hindi na niya alam ang gagawin niya kung kaya't dahan-dahan na niyang binitiwan si Julio at kinumutan ito saka tumayo na para lumabas na sa bahay ngunit tinawag siya ni Fidel pero hindi niya iyon pinansin nagpatuloy pa rin siya sa paglalakad sa papalabas pero napatigil at nagulat siya nang bigla siyang unahan ni Fidel maglakad sa tapat ng pinto para haranagan siya at pigilang makalabas.

"Bakit ka umalis noong umaga ng Biyernes?" diretsong tanong ni Fidel habang nakatitig kay Salome, napaatras naman si Salome at napalunok na lang dahil sa kaba, hindi na rin mapakali ang mga mata niya na kung saan-saan na tumatama ang tingin ngayon makaiwas lang sa mata ni Fidel.

"M-masama po kasi ang pakiramdam ko S-senor" sagot ni Salome sabay yuko. Napahinga naman ng malalim si Fidel habang nakatitig pa rin sa dalaga. "Bakit hindi mo pinaalam sa akin? Umalis ka na lamang ng hindi nagsasabi" wika pa ni Fidel, hindi man magawang tingnan ngayon ni Salome si Fidel batid niyang seryoso ang binatang kausap niya.

"P-patawad po Senor ngunit maaga pa po nang ako ay umalis, a-ayoko na po kayong maabala" sagot pa ni Salome, "Kahit kailan ay hindi ka naging abala sa akin dahil-----" hindi na natapos ni Fidel ang kaniyang sasabihin dahil biglang bumukas ang pinto at pumasok si Danilo.

"Senor Fidel narito pa po pala kayo, kanina ko pa po kayo hinahanap, si kuya Ernesto na lang daw po ang magkukutsero sa inyo dahil lasing na po si Mang Berto" saad ni Danilo, napatango naman sa kaniya si Fidel. Pero napatigil saglit si Danilo at nagtatakang napatingin kay Salome sabay tingin kay Senor Fidel at ibinalik niya muli ang tingin kay Salome.

Bigla namang sumilay ang ngiti kay Danilo dahilan para biglang manlaki ang mata ni Salome at kabahan naman si Fidel "T-tayo na..." tugon na lang ni Fidel at humakbang na siya papalabas sa bahay, samantalang naiwan naman doon si Salome habang nakangiti pa rin ng nakakaloko si Danilo "Huwag kang mag-alala ate Lumeng, hindi ko sasabihin ang tagpo niyo ni Senor Fidel" tawa pa ni Danilo at agad itong kumaripas ng takbo papalabas dahil akmang sasabunutan siya ni Salome.


"Nilong!" habol pa ni Salome kay Danilo na kumakaripas na ngayon ng takbo papaikot sa siga, bigla namang napatigil si Danilo nang makitang naroon pa rin sina Felipe at Paterno. Naabutan na ni Salome si Danilo ata agad piningot ang tenga nito "Ikaw talaga! kahit kelan ka Nilong ka" reklamo pa ni Salome habang pinipingot ang tenga ng kapatid. Napapasigaw naman sa sakit si Danilo, Ngunit bigla ring napatigil si Salome nang mapagtanto niyang nakatingin sa kaniya ngayon ang dalawang binatang kasama ni Danilo na hindi niya kilala.


Nagitla si Felipe nang magtama ang mga mata nila ni Salome ata agad itong nagbigay galang sa dalaga, mabilis na hinubad ni Felipe ang kaniyang sumbrero na gawa sa banig at itinapat iyon sa kaniyang dibdib "M-magandang gabi binibining Salome" bati ni Felipe kay Salome ngunit bigla siyang natigilan dahil sa maling sinabi.

"K-kilala mo ako? paano mo nalaman ang ngalan ko?" nagtatakang tanong ni Salome, hindi naman na makatingin sa kaniya si Felipe na namumula na sa hiya ngayon at pilit na sinasagi si Paterno upang uhmingi ng tulong pero maging si Paterno ay natulala na lamang kay Salome.

"Mga kaibigan ko sila... naitanong nila kung sino ang mga kapatid ko kanina" tugon ni Danilo habang pilit na kumakawala pa rin sa pag-pingot sa kaniya ng kaniyang ate, binitiwan naman na ni Salome sa Danilo at bumati na rin sa dalawang binata na kaibigan ng kaniyang kapatid "Magandang gabi rin sa inyo mga Ginoo" bati ni Salome sabay yukod.

Tiningnan naman ni Salome ng mabuti ang dalawang kaibigan ni Danilo. "Kung gayon, kayo'y ka-edaran lamang ni Danilo? Bakit ang pandak mo Nilong" kantyaw ni Salome sa kapatid na kinaasar naman nito. Natawa naman si Felipe at Paterno dahil sa kantyawan ng dalawang magkapatid.

"K-kami'y mas nakatatanda kay Danilo, si Paterno ay dalawampu't dalawang taong gulang na at ikakasal na rin siya sa susunod na buwan... habang ako naman ay dalawampung taong gulang pa lamang" paliwanag ni Felipe sabay ngiti kay Salome. Ang kaninang kaba ay napalitan na ngayon ng labis na galak sa kaniyang puso.

"At malapit na rin siyang ikasal" sabat naman ni Paterno na mukhang nawala na rin ang kaba sa presenisya ng magandang dalagang kausap nila. agad namang itinanggi iyon ni Felipe at sinagi pa si Paterno "Binibini... huwag kang maniwala sa kaibigang ito, ako'y binata pa" tugon ni Felipe, na mukhang kabado dahil baka maniwala si Salome sa sinabi ni Paterno.

"Ang ibig kong sabihin ay... malapit ng ikasal itong si Felipe dahil natagpuan na niya ngayon ang babaeng pakakasalan niya" pang-asar pa ni Paterno sa kaibigan sabay akbay rito. "Mabuti kung ganoon" nakangiting wika ni Salome ngunit nagsalita na naman si Paterno.

"Nais mo bang malaman kung sino ang babaeng nais maging kabiyak ng aking kaibigan?" tawa pa nito sabay akbay kay Felipe dahilan mas lalong kabahan si Felipe habang nakatitig kay Salome.

"Sino? Kilala ko ba ang babaeng iyon? Imbitahan niyo na lamang ako sa kasal" tawa naman ni Salome dahilan para mas lalong mapahalakhak ang pilyong si Paterno, maging si Danilo ay tuwang-tuwa rin sa itsura ngayon ni Felipe na tumatagaktak na ang pawis dahil sa kaba. "Ang babaeng nais ligawan ng aking kaibigang ito na si Felipe ay ika----" hindi na natuloy ni Paterno ang sasabihin dahil biglang sumigaw si Nay Delia mula sa pintuan ng bahay.

"Lumeng! Nilong Halikayo!" tawag ni Nay Delia, nagpaalam naman na si Salome sa dalawang binata at umalis na roon. Hinabol naman ni Felipe si Paterno papalayo dahil sa ginawa nitong paglalaglag sa kaniya sa harapan ni Salome.



Nang makalapit si Nay Delia ay agad niyang inutusan si Danilo na buhatin ang mesa at itabi na iyon, patayin na rin ang siga dahil umuwi na rin ang lahat ng bisita. Tanging sila tay Isko, Mang Berto, Mang Kiko, Mang Pedro at... Senor Fidel na lang ang nakukumpulan doon sa isang mesa sa labas.

Nagulat si Salome nang makita na naroon pa si Fidel at nakatingin ito sa kaniya kahit pa nagtatawanan sila Tay Isko at ang mga kaibigan nito. "Ikaw Lumeng tawagin mo na si Senor Fidel at sabihing hinihintay na siya roon ni Ernesto sa kalsada" utos pa ni Nay Delia, magrereklamo pa sana si Salome kaso pumasok na sa loob ng bahay si Nay Delia at tinulungan na nito si Felicidad na maghugas ng mga pinagkainan.

Napalingon na lang ulit si Salome kay Fidel na ngayon ay tumutungga na rin ng lambanog. Agad nanlaki ang mga mata niya at patakbong pumunta sa mesa nila tay Isko at inagaw niya kay Fidel ang lambanog na iniinom nito.

"S-senor... magagalit po si Manang kapag umuwi po kayong lasing na lasing" paalala pa ni Salome, si Manang Estelita na kasi ang parang tumayong magulang ni Fidel dito sa San Alfonso. Lahat ng sinasabi ni Manang ay sinusunod ng binata na parang ina niya ito, kahit pa si Manang Estelita ay isang mayor doma lamang.

Hindi naman magawang hawakan ni Salome ang braso o ang balikat ni Fidel dahil hindi iyon kaaya-aya lalo na sa isang dalagang tulad niya. kung kaya't tinawag niya si Ernesto at pinaalalayan si Fidel. Hindi naman na nakapagpaalam pa ng maayos si Fidel dahil tinamaan na agad siya ng tapang ng lambanog. Pagewang-gewang itong lumakad sa gitna ng palayan habang inaalalayan ni Ernesto at nakasunod naman sa likod nila si Salome. Nang marating nila ang kalesa, hindi naman nahirapan si Ernesto dahil nakaya pa ni Fidel na umakyat mag-isa sa kalesa. "Sandali! naiwan ko ang gasera, madilim na ngayon sa daan" tugon pa ni Ernesto, "Ako na ang kukuha----"

"Ako na, hindi moa lam kung saan ko nilagay iyong pinakamaliwanag na gasera natin, bantayan mo na lang muna dito si Senor Fidel" sambit pa ni Ernesto at dali-dali itong tumakbo pabalik sa bahay. naistatwa naman si Salome sa kaniyang kinatatayuan habang pasimpleng sinulyapan si Fidel na nakasakay na sa kalesa ngayon, habang siya naman ay nasa baba.

"S-senor? Ayos lang po ba kayo?" panimula niya ngunit wala siyang narinig na sagot, "Senor Fidel? Nahihilo na po ba kayo?" ulit pa niya ngunit hindi pa rin sumasagot si Fidel. Tumingala siya upang makita si Fidel dahil medyo mataas ang kalesa, naaaninag niyang nakayuko ang binata habang nakapikit ang mga mata nito.

"Huwag po kayong mag-alala maingat naman pong magpatakbo ng kabayo si kuya-----" hindi na niya natapos ang sasabihin niya dahil biglang iminulat ni Fidel ang mga mata nito sabay tingin sa kaniya.

"M-matagal mo na bang kakilala ang mga binatang iyon?" tanong ni Fidel sabay iwas ng tingin kay Salome. Nagtaka naman si Salome dahil mukhang normal na at hindi na lasing si Fidel. "P-po? Sino pong mga binata?" taking tanong ni Salome at napaisip pa siya.


"Wala" sagot na lang ni Fidel sabay sandal sa upuan. Ilang saglit pa bigla namang pumatak ang ulan, dahilan para bigla siyang mapatingin kay Salome na naaambunan na ngayon dahil nakatayo lang ito sa kalsada sa gilid ng kalesa. "Halika rito, mababasa ka ng ulan" tawag ni Fidel kay Salome sabay lahad ng palad sa dalaga. Napatulala naman si Salome sa mga kamay ni Fidel, "Lumeng... umuulan na" tawag pa ni Fidel sa natulalang si Salome kung kaya't kusa na niyang kinuha ang kamay nito at hinila papasok sa kalesa.


Gulat namang napatitig sa kaniya si Salome dahil sa mapangahas na ginawa ni Fidel na paghawak sa kaniyang kamay. Nakaupo na siya ngayon sa tabi ng binata kung kaya't agad siyang napausog paatras dahil sa kaba. "P-pasensiya na... hinawakan ko lang bigla ang iyong kamay upang hindi ka mabasa ng u-ulan" paliwanag ni Fidel sabay iwas ng tingin kay Salome.

"A-ayos lang po Senor" nahihiyang sagot ni Salome at hindi niya batid kung bakit ikinasaya niya ang mapanahas na paghawak ni Fidel sa kaniyang kamay.


Kapusukan man kung ituring ngunit bakit naghahatid ito ng kuryente at ngiti sa akin.


"Siya nga pala... nagagalak ako dahil nakilala ko ang buong pamilya mo, napakasaya ng inyong pamilya... napakaswerte mo Lumeng dahil buo at masaya ang pamilya niyo" patuloy pa ni Fidel habang nakatingin sa tumutulong tubig ulan mula sa bubungan ng kalesa.

Ilang saglit pa, naghari muli ang nakabibinging katahimikan sa pagitan nilang dalawa. Tanging ang buhos lang ng ulan ang naririnig nila. napatanaw naman si Salome sa kanilang tahanan at nakita niyang kakapasok pa lang ng kaniyang itay sa bahay nila, wala na rin ang malaking siga ng apoy sa labas kanina dahil napatay na ito ng ulan. Habang ang loob naman ng bahay nila ay may maliwanag pa rin dahil gising pa ang lahat bukod kay Julio.


"Lumeng..." tawag muli ni Fidel sa kaniya dahilan para bigla siyang mapalingon sa binatang katabi niya ngayon sa loob ng kalesa. Nagulat naman siya ng biglang hinubad ni Fidel ang sumbrero nito at itinapat iyon sa dibdib nito. "Ako nga pala si Delong" nakangiting tugon ni Fidel, napatulala naman si Salome sa kaniya at halo-halo na ngayon ang tumatakbo sa isipan niya.


Delong? Delong ang palayaw ni Senor Fidel?


"Maaari mo akong tawaging Delong kahit kailanman mo naisin" ngiti pa ni Fidel at nagbigay galang kay Salome, animo'y ito pa lang ang unang pagpapakilala nila sa isa't-isa. Hindi na napigilan ni Salome ang matawa dahil sa kalokohan ni Fidel.

"Kung iyan po ang nais niyo Ginoong Delong... Ako nga po pala si Lumeng" tawa pa ni Salome at yumuko siya upang magbigay galang sa binatang kausap. Maging si Fidel ay natawa na lang din sa kalokohan nilang dalawa.

Sa kalagitnaan ng gabi, habang nakasilong sa loob ng kalesa at patuloy ang pagbagsak ng ulan mula sa madilim na kalangitan, naroon si Fidel at Salome sa kalaigtnaan ng madilim at malungkot na kapaligiran ngunit pareho nilang hindi alintana ang kalungkutang hatid ng paligid dahil silang dalawa ngayon ay masayang nagtatawanan at nakangiti sa isa't-isa.





"Mag-iingat ka Lumeng, sigurado ka bang kaya mo na magtungo sa hacienda mag-isa?" tanong ni Ernesto sa kapatid habang nakatayo sila sa labas ng bahay. alas-sais na ng umaga, patungo na si Salome sa hacienda Montecarlos, hindi naman makakapasok ngayon si Nay Delia dahil masakit ang braso nito kakaluto kahapon.

"Opo kuya ako pa" magiliw na sagot ni Salome, tinapik naman ni Ernesto ang kaniyang ulo na ikinareklamo niya dahil masisira ang ayos ng buhok niya na palihim niya pang pinaghandaan kanina para makita ni Fidel ang ganda ng ayos ng buhok niya.

"Ikaw talaga Lumeng, sige na" tawa pa ni Ernesto, nagpaalam naman na sa kaniya si Salome at nagsimula na itong maglakad papunta sa hacienda Montecarlos. Hindi siya mahahatid ngayon ni Ernesto dahil kinailangan niya nang magtungo sa hacienda Alfonso para sa pamimigay ng sweldo tuwing araw ng katapusan ng buwan.

Masayang naglakad si Salome sa tahimik na daan patungo sa pinakadulong barrio sa San Alfonso kung saan naroon ang hacienda Montecarlos. Napahawak pa siya sa kaniyang buhok na maingat niyang sinuklay at inayos ang pagkakapusod nito sa likod. napatigil siya sa tubig ulan na nabuo sa lubak na bahagi ng daan, nakita niya roon ang repleksyon ng mukha niya. napangiti na lang siya habang pinagmamasdan ang sarili.

Naglagay din kasi siya ng kolerete sa mukha at pinapula niya muli ang kaniyang labi gamit ang asuete. Maging ang baro't-saya niya ay pinakaingat-ingatan niyang suotin kanina upang hindi ito magusot. Ilang saglit pa, hindi pa tapos si Salome sa paghanga sa kaniyang sarili habang pinagmamasdan ang repleksyon niya sa salamin nang biglang bumuhos ang ulan.


Ang malas naman!

Agad napatakbo si Salome sa ilalim ng isang malaking puno ng Malabulak at sumilong doon. Inis din siyang napatingin sa dulong bahagi ng kaniyang saya dahil naputikan na ito agad dahil sa ulan.


Akala ko pa naman kakampi kita ulan, pero bakit ngayon hinayaan mo akong madumihan ng ganito, paano pa ako haharap niyan kay Fidel----


Napatigil si Salome nang marinig niya at matanaw ang kumakaripas na kalesa sa di-kalayuan. Ilang saglit pa bigla iyon tumigil sa harapan niya. "Lumeng! Halika... sumabay ka na" tawag ni Fidel sa kaniya, sabay lahad muli ng palad nito, pero sa pagkakataong iyon hindi siya nakaramdam ng kilig bagkus ay sakit, dahil kasama ngayon ni Fidel si Eleanor na nakaupo sa tabi nito.

"Lumeng, tara na! ang lakas na ng ulan" tawag naman ni Mang Berto na siyang kutsero ng kalesa. "Lumeng" ulit naman ni Fidel, wala na siyang nagawa kundi kumapit na sa binata at sumakay na rin sa kalesa.

Tatlo silang magkakatabi ngayon sa upuan ng kalesa, si Eleanor ang nas gitna at siyang nakadikit na ngayon sa bisig ni Fidel dahil masikip ang loob ng kalesa para sa kanilang tatlo. "Tara na po Mang Berto" nakangiting saad ni Eleanor, habang namumula ang pisngi nito dahil magkadikit sila ni Fidel. Samantalang hindi naman mapigilan ni Salome na mapatitig sa kanilang dalawa.

Ilang saglit pa, lumingin na sa kaniya si Eleanor "Ako nga pala si Eleanor Alfonso, pamangkin ako ni Don Filimon Alfonso" pakilala ng napakagandang kastilang binibining iyon. Tumango lamang si Salome "S-salome Aguantar" pakilala naman ni Salome napangiti naman sa kaniya si Eleanor at kumapit pa sa braso niya.

"Napakaganda ng iyong pangalan, magaan na agada ng loob ko sa iyo, sa tingin ko ay magkakasundo tayo" magiliw na wika pa ni Eleanor habang nakakapit sa braso ni Salome, napangiti naman si Fidel dahil mukhang nakakapagpalagayan na ng loob si Eleanor at Salome.

"A-ako rin" iyon na lang ang naisagot ni Salome, at sa pagkakataong iyon batid niyang mabuting tao at masiyahin talaga si Eleanor, katangian ng isang babae na makakapagpasaya sa kahit sinumang kausap nito.

Sa buong byahe ay kinuwentuhan siya ng kinuwentuhan ni Eleanor, nalaman niyang noong isang linggo pa lang ito nakarating dito sa San Alfonso at pansamantala siyang nakikita sa kaniyang tiyuhin na si Don Filimon Alfonso. Marami pang kinuwento si Eleanor tungkol sa mga pangarap nito at sa ganda ng bansang Pilipinas. nalaman din niyang purong kastila talaga si Eleanor ngunit sa Maynila na ito lumaki nang ma-destino ang kaniyang ama sa Pilipinas bilang isa sa mga heneral.



Pagdating sa hacienda Montecarlos ay unti-unti ng tumigil ang ulan hanggang sa ambon na lamang ito. Nauna nang bumaba sa kalesa si Fidel at inalalayan ang dalawang dalaga. Ayaw na sanang humawak ni Salome sa kamay ni Fidel ngunit baka kung anong isipin nila Eleanor at Mang Berto kung tatanggihan niya ang nakaabang na kamay ng binata para alalayan siyang makababa sa kalesa.

Pagbaba ni Salome ay agad siyang bumitaw sa pagkakahawak ni Fidel bagay na pinagtaka ni Fidel kung kaya't tiningnan niya ng matagal si Salome. Nauna naman ng pumasok si Eleanor sa mansyon habang kausap si Mang Berto. "B-bakit Lumeng? Anong proble-----" tanong ni Fidel sa nakayukong si Salome pero hindi na niya natapos ang sasabihin niya dahil biglang may maingay na nagsalita mula sa tapat ng pintuan ng mansyon.

"Buenos días! ¡Volví!" (Good Morning! I'm back!) masigla nitong sigaw na umalingangaw pa ang boses sa buong hacienda dahil sa lakas.


Nanlaki naman ang mga mata ni Salome at hindi niya namalayan na napanganga siya nang mabatid kung sino ang lalaking nakatayo ngayon sa tapat ng pintuan ng mansyon.



Si Patricio.



"Patricio! ¿Cuándo llegaste?"(Patricio! When did you arrive?) masayang bati ni Fidel sabay akap kay Patricio, "Bueno, yo solo ... ¡Espera! ¡Te conozco!" (Well, I just---- Wait! I know you!) saad pa ni Patricio sabay turo kay Salome. Nagtataka namang napalingon si Fidel at Eleanor kay Salome na ngayon ay nakanganga pa rin dahil sa gulat habang nakatitig kay Patricio.


"Cómo sabes entre sí?" (Do you know each other?) nagtatakang tanong pa ni Fidel ngunit dire-diretso lang na naglakad pababa sa hagdan si Patricio at sinalubong si Salome at bumati sa dalaga "Ito ang ikaapat na pagkikita natin... gaya ng sinabi ko sa iyo, pagtatagpuin at pagtatagpuin talaga tayo ng tadhana" ngisi pa ni Patricio sa gulat na gulat na si Salome.


At ang mas ikinagulat pa ng lahat nang biglang kunin ni Patricio ang kamay ni Salome sabay halik rito. "Nagagalak akong muling makita ka... Lumeng" ngisi pa ni Patricio sabay kindat kay Salome na ikinagulat ni Salome, na ikinangiti ni Eleanor at ikinaseryoso ng mukha ni Fidel.



Halos mahimatay naman sa gulat at kaba si Salome at hindi pa rin makapaniwala na...



ANG HAMBOG AT BASTOS NA PATRICIONG ITO ANG SIYA PALANG SENOR PATRICIO MONTECARLOS NA NAGMAMAY-ARI NG HACIENDA!... AT PINSAN NI SENOR FIDEL!



************************

Source of Tributo: http://fil.wikipilipinas.org/index.php/Tributo


Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top