Kabanata f(x - 11)
[Kabanata 11]
Our Asymptotically Love Story
(page 62 - 80)
Ika-Limang Kabanata
Filipinas 1688
"Gusto mo bang malaman kung bakit hindi lahat ng istorya ay nagtatapos ng masaya?"tanong pa muli ni Fidel. At sa pagkakataong iyon parang may kung anong kirot nanaramdaman si Salome sa kaniyang puso. Hindi niya maintindihan kung bakit angmga tingin ni Fidel ay nagdudulot ng matinding kalungkutan sa kaniyang puso.
Bakit may kalungkutan akong nababasa sa iyong mga mata... Fidel?
Magsasalita pa sana si Fidel ngunit biglang pumatak ang ulan. Napatingala sa kalangitan si Salome at agad sumilay ang mga ngiti sa kaniyang labi. "Senor Fidel! Tayo'y sumilong sandali" sigaw ni Mang Berto, agad niyang inihagis ang mga pinamiling kuwaderno, talaarawan at pluma sa kalesa at patakbo siyang nagtungo kina Fidel at Salome na nakatayo pa rin sa gitna ng palengke habang ang mga tao ay nagtatakbuhan na upang maghanap ng kani-kaniyang masisilungan.
"Kayo po'y magkakasakit dahil sa ginagawa niyo" paalala pa ni Mang Berto at agad niyang hinawakan sa braso si Fidel at hinila na rin niya si Salome na hindi nila maintindihan kung bakit nakangiti ito upang pinagmamasdan at dinadama ang pagpatak ng ulan.
Sa isang panciteria sila nakisilong, mabuti na lamang dahil nakarating na sila doon bago tuluyang lumakas ang ulan. Kani-kaniyang pagpag ang mga taong nabasa ng ulan sa kanilang mga kasuotan.Maging sina Fidel, Salome at Mang Berto ay nagpapagpag na rin. "Senor Fidel? Kayo ho pala iyan, maupo ho kayo" tugon ng isang ale na nasa edad kuwarenta, singkit ito at medyo may katabaan.
"Maraming Salamat po Aling Teodora" tugon ni Fidel at nagbigay galang ito sa ale at naupo na. "Maupo ka na rin Hija" anyaya pa ni Aling Teodora kay Salome habang nakangiti ito. Ngumiti naman si Salome at naupo na sa katapat na upuan ni Fidel, napapagitnaan sila ng isabg mesa na gawa sa matibay na puno ng narra.
"Mang Berto kayo po pala iyan, maupo na rin ho muna kayo" patuloy pa ni Aling Teodora, ngumiti at tumango naman si Mang Berto at naupo na sa tabi ni Salome. Habang nasa tapat naman nila nakaupo si Fidel.
"Mabuti naman ho ay nagawi kayo rito sa aming kainan Senor Fidel, may nais ho ba kayong kainin? Nalulugod ho akong paglutuan kayo" nakangiting wika ni Aling Teodora, napangiti naman si Fidel at inilapag na niya ang kaniyang sumbrero sa mesa.
Hindi mapigilan ni Salome na mapatitig sa buhok ni Fidel na medyo basa na ngayon, mas lalong tumingkad ang kulay brown na buhok nito. "Maraming Salamat na po Aling Teodora, kami po ay magpapalipas lamang ng ulan dito kung maaari lamang" wika ni Fidel, napangiti naman si Aling Teodora at tumango-tango ito. "Wala hong problema Senor Fidel, maaari ho kayong manatili rito hanggang anong oras at hanggang kailan niyo naisin" magiliw na sagot ni Aling Teodora at bigla niya naibaling ang tingin niya kay Salome at ibinalik niya ang tingin niya kay Fidel.
"Mawalang galang na po Senor, ngayon ko lamang nakita rito ang binibining inyong kasama ngayon, Siya po ba'y kapatid niyo?" tanong ni Aling Teodora dahilan para mapangiti si Fidel at nagitla naman si Salome sa kaniyang narinig dahil kanina pa siya nakatitig sa buhok ni Fidel.
"Nagkakamali po kay Aling Teodora, siya po si Salome----" hindi na natapos ni Fidel ang kaniyang sasabihin dahil nagsalita na si Salome.
"Ang ngalan ko po'y Salome, Ako po ay isa sa mga tagapagsilbi sa haciebda Montecarlos, Mag-dadalawang linggo pa lang ho kami rito, ang pamilya po namin ay kasama rin nila Mang Berto na dumayo po dito sa San Alfonso upang manirahan, gaya po nila Mang Berto kami po ay nagmula sa hilaga, sa Tondo" sagot ni Salome, hindi naman mawala ang ngiti sa labi ni Aling Teodora habang nagsasalita si Salome, lalo na ng malaman niya na nagmula rin ito sa hilaga at nagsisilbi sa mga Montecarlos.
"Nako, pasensiya na Hija, sa ganda mong taglay napagkamalan ko pa kayong magkapatid ni Senor Fidel" natatawang tugon ni Aling Teodora at humingi rin siya ng paumanhin kay Fidel, wala naman iyong problema kay Fidel sa katanuyan nga ay natawa pa siya.
"Kung gayon, marahil ay magkakilala na rin kayo ng aking anak na si Ising"
"Talaga ho? kayo ang inay ni Ising? Nagagalak po akong makilala kayo" gulat na tugon ni Salome at nababakas din sa kaniyang mukha ang saya.
"Oo Hija, si Ising ang aking bunsong anak, at tatlong taon na mula nang tanggapin siya ni Senor Fidel at Senor Patricio sa hacienda Montecarlos" tugon pa ni Aling Teodora at nagpasalamat muli kay Senor Fidel, ngiti naman ang isinagot ni Fidel. Nagpatuloy pa ang usapan at naupo na rin si Aling Teodora sa mesa nila.
"Salome Hija, magkababayan pala tayo, Ako ay nagmula rin sa hilaga sa kalakhan ng Maynila, ngunit nang makilala ko ang aking asawa na taga-rito sa San Alfonso ay nanirahan na rin ako rito... Sandali lamang hija, ikaw ba ay may lahi ring intsik tulad ko?" mas lalong lumaki ang ngiti ni Aling Teodora habang pinagmamasdan ang dalagang si Salome.
"O-opo, ang akin pong inay ay may lahing intsik"
"Nakakatuwa naman, nais kong makilala ang iyong ina upang magkaroon ako ng kakwentuhan ukol sa bagay-bagay sa ating kultura" tugon pa ni Aling Teodora, magsasalita pa sana siya ngunit naalala niyang nasa harapan din pala nila si Fidel na isang kastila. Bagaman matagal na niyang kilala si Fidel na isang mabuting Kastila, kailangan niya pa ring mag-ingat sa mga salitang bibitiwan niya. Nais kasi niyang banggitin kay Salome ang mga kasiraan na sinasabi ng mga Kastila tungkol sa kanilang mga intsik, dahil ang mga intsik ay may ibang kultura at pinaniniwalaang diyos kung kaya't sila ay ibinilng sa pinakamababang uri ng estado ng pamumuhay, mas mababa pa sa mga indio o purong pilipino.
naputol naman ang kanilang usapan ng napansin nilang mas lalong lumakas ang ulan, nasa tabi ng bintana sila nakapwesto ngunit wala namang hangin kung kaya't hindi sila natatalsikan ng tubig ulan. "Nako! Senor Fidel kailangan ko pong isilong ang kabayo sa mas maayos na lugar, baka may masama pong mangyari kay Carisa" nag-aalalang tugon ni Mang Berto at agad na itong napatayo sabay suot sa kaniyang sumbrero na gawa sa banig.
"Ngunit malakas pa ang ulan Mang Berto baka maglasakit po kayo----" hindi na natapos ni Fidel ang sasabihib niya dahil dali-dali ng lumabas sa panciteria si Mang Berto. "Ayos lang ho ako Senor, mas nagaalala ho ako sa kalagayan ni Carisa" sagot ni Mang Berto habang tinatahak na nito ang daan papalabas at lumusob na ito sa ulan.
Wala naman ng nagawa si Fidel dahil nakatakbo na papalabas si Mang Berto "S-sino po si Carisa? Senor" nagtatakang tanong ni Salome, napatingin naman sa kaniya si Fidel at natawa ito dahil mukhang gulong-gulo si Salome sa ngalan ng babae na tinutukoy ni Mang Berto at Fidel.
"Carisa ang ngalan ng kabayo" natatawang sagot ni Fidel, magkahalong saya naman at kilig ang naramdaman ni Salomr dahil nasilayan na naman muli niya ang tawa ni Fidel na labas ang mga ngipin nito, mas lalo pa siyang namangha dahil may dimple pala ang binata sa kaliwang pisngi.
natawa rin si Aling Teodora dahil may sariling pangalan pala ang kabayo ng mga Montecarlos "Sino naman po ang nagpangalan sa inyong kabayo? kay gandang babae pa ang napiling pangalan"
"Si Patricio ang nagpangalan sa kabayo, Hindi ko rin mawari kung bakit pinapangalanan niya ang mga alagang hayop sa hacienda, Sinabi rin niya noon sa akin na pagbalik niya galing Maynila ay bibili siya ng lima pang kabayo... siguradong may kani-kaniyang pangalan na ang mga kabayong iyon bago pa makarating dito sa San Alfonso" tugon pa ni Fidel, animo'y tuwang-tuwa siya sa kalokohan ng kaniyang pinsan.
"Kailan ba ang dating ni Senor Patricio rito? tatlong buwan na siya sa Maynila hindi po ba Senor" wika pa ni Aling Teodora.
"Kamakailan lang nitong Linggo nagpadala si Patricio sa akin ng sulat mula sa Maynila, baka raw abutin pa siya hanggang Agosto sa Maynila dahil hinihintay niya ang pagdating ng barkong Galleon mula Acapulco at makapamili ng mga bagong buto ng iba't-ibang uri ng prutas na kayang mabuhay dito sa tropikal na klima ng Pilipinas" sagot ni Fidel, napatango naman si Aling Teodora samantalang taimtim naman na nakikinig sa kanila si Salome. Hindi niya akalain na ang kaniyang amo ay kabilang sa mayayamang negosyante na nakikipagkalakalan sa galleon trade.
Makikibalita pa sana si Aling Teodora ngunit tinawag na siya ng kaniyang asawa dahil nagsimula ng magpaluto ng makakain ang mga taong nakisilong din sa kanilang kainan. "Sandali lang, ako'y papanhik lamang sa kusina, Dadalhan ko na rin kayo ng kapeng bigas upang mainitan ang inyong mga sikmura" tugon ni Aling Teodora at umalis na ito.
Naiwan nang mag-isa si Fidel at Salome sa mesa kung kaya't agad nakaramdam ang dalawa ng pagkailang sa isa't-isa. Isinuot na lang muli ni Fidel ang kaniyang sumbrero upang paglaruan ito at mawasan ang tensyon sa pagitan nila. Kung kaya't si Fidel na ang naunang bumasag sa katahimikan nilang dalawa "N-nasabihan mo na ba ang iyong mga kapatid na nais sumali sa aking klase?"
gulat namang napatingin sa kaniya si Salome at napayuko rin ito bigla dahil nakatingin pala si Fidel sa kaniya "O-opo Senor, ang akin pong kapatid na si Danilo at Julio ang nais pong lumahok sa inyong klase"
"Hindi na ako makapaghintay na makilala sila" tugon ni Fidel at hindi na iyon nasundan pa muli dahil hindi na niya alam ang susunod niya pang sasabihin. kung kaya't binalot naman sila ng katahimikan.
"Senor---"
"Lumeng---"
pareho silang nagitla sa hindi sinasadyang pagkakasabay ng kanilang sasabihin sa isa't-isa. "S-sige ikaw na ang mauna, Ano ang iyong sasabihin?" tugon ni Fidel sabay hubad muli sa sumrerong suot niya at ipinatong ulit iyon sa mesa.
"Uhh--K-kayo na po ang mauna Senor, hindi naman po mahalaga ang aking sasabihin" sagot ni Salome at hindi na siya mapakali sa kaniyang kinuupuan, paulit-ulit din niyang hinahawi ang hibla ng buhok na tumatama sa kaniyang mata dahil maka-ilang ulit itong nahuhulog sa pagkakatali sa kaniyang buhok dahil magalaw siya at hindi mapalagay dulot na rin ng matinding kaba na nararamdaman niya dahil sa presensiya ni Fidel.
"Marapat lamang na mauna magsalita ang babae hindi ba? Binibini" sagot ni Fidel dahilan para biglang lumakas ang kabog ng puso ni Salome. Magsasalita na sana siya ngunit biglang dumating si Aling Teodora dala ang dalawang tasa ng kapeng bigas.
"Ang kapeng ito ay gawa sa magandang klase ng bigas na sinunog ng mainam at pinakuluan" wika ni Aling Teodora habang inalalapag ang dalawang tasa ng kape sa mesa. Napangiti naman si Salome habang nakapikit na inamoy ang napakabangong amoy ng kapeng bigas. Naalala niya bigla na ginagawa rin ito noon ng kaniyang lolo Pablo at palihim silang pinapainom ng kape ni Danilo kahit pa mga bata pa sila, gustong-gusto kasi ni Salome at Danilo ang matapang na lasa ng kape.
Matapos amuyin ang kape agad na itong tinikman ni Salome. Animo'y para siyang bata na nasasabik sa paboritong pagkain, hindi naman mapigilan ni Fidel na mapangiti habang pinagmamasdan ang ginagawa ni Salome. "Napakasarap po nito Aling Teodora, Maraming Salamat po" tugon ni Salome lalong lumawak naman ang ngiti ni Aling Teodora.
"Nawa'y mapadalas ang pagbisita mo rito hija, ipaghahain kita ng kapeng bigas" magiliw na tugon ni Aling Teodora. Ininom naman na ni Fidel ang kape at napatango rin siya dahil sa sarap nito.
"Sige na maiwan ko na muli kayo" paalam ni Aling Trinidad at nagtungo na muli ito sa kusina. Napayuko naman si Salome at binagalan niya ang pag-inom sa kaniyang kape upang magpanggap na abala. "Ano nga pala ang iyong sasabihin? Binibini" patuloy ni Fidel, bigla namang nasamid si Salome.
"Ayos ka lang ba? Binibini" ulit pa ni Fidel, tatayo na sana siya upang kumuha ng tubig para kay Salome ngunit agad namang nahimasmasan na si Salome sa pagkakasamid. "A-ayos na po ako Senor, Huwag na po kayong mag-abala" sagot ni Salome habanv hawak-hawak ang kaniyang lalamunan. Hindi na rin niya magawang tumingin pa kay Fidel dahil sa hiya. Lalo pa't nasamid siya sa harapan nito.
"May nasabi ba akong hindi mo nagustuhan?" tanong pa ni Fidel, animo'y mahihimatay naman si Salome dahil sa pagkakatitig ni Fidel sa kaniya. Napailing naman si Salome habang nakatitig lang sa tasa na nasa harapan niya. "Hindi ka naman masasamid ng ganiyan kung wala akong nasabing hindi mo nagustuhan" patuloy pa ni Fidel. Napahinga na lamang ng malalim si Salome at nilakasan niya ang kaniyang loob upang tumingin kay Fidel.
"H-hindi po ako nararapat na tawagin niyong Binibini... Senor" pag-amin ni Salome, napangiti naman si Fidel at sumandal sa kaniyang upuan. Sumulyap naman saglit si Salome kay Fidel pero agad rin siyang napaiwas ng tingin.
Senor! tama na, sasabog na ang puso ko dahil sa ginagawa mo.
"Lahat naman ng dalaga ay nararapat lamang na tawaging Binibini, tinawag na rin naman kitang Binibini noong una tayong magkita" sagot ni Fidel habang nakangiti pa rin ito. Mas lalong napayuko sa hiya si Salome nang maalala niya na tinawag nga siyang Binibini ni Fidel noong una silang makarating sa hacienda Montecarlos at pinakilala sila ni Manang Estelita kay Fidel.
"Batid ko na naiilang ka sa akin dahil hindi mo pa ako ganoon kakilala, bago pa lamang kayo rito sa San Alfonso at kakapasok mo pa lamang sa hacienda kung kaya't naiintindihan ko na hindi ka pa komportable sa akin" patuloy pa ni Fidel. Napatango naman si Salome bilang sagot. Ininom muli ni Fidel ang kaniyang kape at napatingin ito sa gilid, sa bintana na nasa tabi nila. Umuulan pa rin ng malakas sa labas.
"Hayaan mong ibahagi ko sa iyo ang ilang detalye ng buhay ko----"
"Alam ko na po Senor, Dalawampu't-pitong taong gulang na kayo, Kayo po ay Kastila na naparito sa Pilipinas kasama ang inyong pinsan na may-ari ng hacienda, at kayo rin po ay binata pa na naghahanap ng mapapangasawa" tuloy ni Salome at agad siyang napahawak sa kaniyang bibig dahil sa huling sinabi niya.
Baka kung anong isipin ni Senor Fidel sa huling sinabi ko na naghahanap siya ng mapapangasawa!
Magkahalong gulat at tawa ang reaksyon ni Fidel dahil sa sinabi ni Salome. Nilaklak na lang ni Salome ang kape hanggang sa huling patak nito dahil labis na siyang kinakabahan. "P-paano mo naman nalaman ang mga bagay na iyon tungkol sa akin?" nagtatakang tanong ni Fidel pero nababakas sa mukha nito na natatawa na siya.
Hindi naman masabi ni Salome na si Ising at Piyang ang nagkwento sa kaniya ng lahat tungkol kay Senor Fidel. "H-hula ko lang po Senor"
Mas lalong napangiti si Fidel dahil sa palusot ni Salome "Kung gayon... siguro nahulaan mo na rin na ang aking ina ay purong Kastila samantalang ang aking ama ay may dugong Pilipino, At Tama rin ang hula mo na ako'y binata pa na nagbabakasakali na makahanap ng mapapangasawa" natatawang tugon ni Fidel, halos mangamatis naman sa pula ang kulay ng pisngi ni Salome.
"Biro lang" bawi ni Fidel upang hindi na lalong mailang si Salome. "Kalimutan mo na iyon... Tingnan mo tumitila na ang ulan" habol pa ni Fidel, dahan-dahan namang napalingon si Salome sa bintana. Palihim namang napangiti si Fidel habang tinitingnan ang dalaga dahil unti-unti nang umaliwalas muli ang mukha nito.
Kinabukasan, bago sumikat ang araw ay nagtungo na sa palengke si Manang Estelita, Salome at Piyang. Habang naiwan naman sa mansyon si Susana at Ising upang asikasuhin ang mga panggatong para sa pugon. Inihatid ni Mang Berto gamit ang kalesa sila Manang Estelita dahil tuwing Miyerkules namamalengke ang mayor doma.
"Ano po bang putahe ang ihahain natin mamayang tanghalian?" tanong ni Piyang kay Manang Estelita, kasalukuyan silang nasa bagsakan ng isda sa palengke. Nakasunod naman sa kanila sa likuran si Salome. Si Piyang ay payat at matangkad, mahaba rin ang buhok nito na hanggang balakang. Morena ang kulay ng balat ni Piyang ngunit ang kaniyang mga mata ay may pagkasingkit.
"Sinabawang isdang tulingan hija" sagot ni Manang Estelita habang abala sa pagpili ng sariwang isdang tulingan. Tumulong naman sa pagpili ng isda si Piyang at Salome.
Ngunit habang nasa kalagitnaan sila ng pagpili sa mga isda biglang napatigil si Manang Estelita at napatingin sa bayong na hawak niya. "Sus maryusep! Nakalimutan kong bumili ng luya... Lumeng! Bumalik ka sa tindahan ng mga luya sa unahan, bumili ka ng tatlong kilong luya" utos ni Manang Estelita kay Salome, agad namang tumango si Salome at sumunod sa utos. Dali-dali siyang bumalik sa unahang bahagi ng palengke kung saan nakapwesto ang mga tindahan ng gulay. Medyo malayo ito kung kaya't binilisan ni Salome ang paglalakad. mabuti na lamang dahil kakaunti pa lang ang namamalengke bago magbukang liwayway.
Pagdating ni Salome sa tindahan ng luya, wala doon ang tindera nito. Ang tindahan ay punong-puno ng iba't-ibang kalidad ng luya, may magandang klase at may mumurahin lamang, ang iba ay galing pa sa ibang bansa at ang iba naman ay napatuyo na rin at dinikdik ng mabuti upang gawing salabat. Napatigil din siya ng maalala niya na nakalimutan pala siyang bigyan ni Manang Estelita ng pera, pilak na pambili ng luya, at naainis din siya sa sarili niya dahil nakalimutan din niyang humingi ng pambili. Napapadyak na lang siya sa inis dahil babalik na naman siya sa bagsakan ng isda at nasa kabilang dulo pa iyon ng palengke. Bigla naman siyang nanghinaan ng loob nang maalala niya ang layo ng nilakad niya papunta sa tindahan ng gulay.
"Magandag umaga, ano ang iyong hanap Hija?" tanong ng tindera na medyo may katandaan na. maputi na ang buhok nito at kulubot na rin ang balat. Naisip ni Salome na makiusap na lang sa tindera at sasabihin niyang para iyon sa hacienda Montecarlos para pautangin siya, saka na lamang niya babayaran sa susunod na Miyerkules. Magsasalita na sana si Salome nang biglang sumingit ang isang binatang kastila na posturang-postura.
"Magandang umaga Aling Diday, kukunin ko na po ang salabat na pinareserba ko noong nakaraang linggo" panimula ng binata habang nakangiti kay Aling Diday. Nanlaki naman ang mga mata ni Salome sa gulat nang makilala niya kung sino ang binatang kastilang nasa tabi niya.
"Kahapon ko pa inaasahan ang pagdating mo Senor Patricio, Sandali lamang kukunin ko lang sa loo bang salabat" tugon ni Aling Diday. Dahan-dahan namang iniangat ni Salome ang bayong kapantay sa kaniyang mukha at humakbang na rin siya paatras upang pasimpleng umalis na sa lugar na iyon nang hindi napapansin ni Patricio ngunit huli na ang lahat dahil biglang napalingon sa kaniya si Patricio, agad sumilay ang malaking ngiti sa labi ng binata.
"Palagi na lang tayong pinagtatagpo ng tadhana... hindi kaya tayo ay para sa isa't-isa Binibini?" tugon ni Patricio. Napatigil naman sa paglalakad si Salome at inis niyang nilingon ang binata. Naalala niya bigla na nagawa nitong utuin ang kaniyang ate Felicidad.
Ang lalaking ito! Dapat matuto siya ng leksiyon!
"Paumanhin Ginoo ngunit sa tingin ko ay kailangan mo ng magpatingin sa manggagamot dahil malala na ang sayad ng iyong utak" banat ni Salome habang nakapamewang pa, mahabang halakhak naman ang naging reaksyon ni Patrcio sa kaniya.
"Nagkakamali ka Binibini ngunit hindi utak ang malala sa akin... kundi ang puso ko ang tunay na malala kung magmahal" buwelta ni Patricio at napahawak pa ito sa kaniyang tiyan dahil sa kakatawa.
Nais sanang sigawan ni Salome ang binatang kausap niya ngunit biglang dumating na si Aling Diday at iniabot na kay Patricio ang maliit na sako ng salabat at isang mainit ng tasa ng salabat "Tanggapin niyo po ito Senor Patricio, nagpakulo po ako ng salabat upang mainitan ang sikmura niyo" tugon ni Aling Diday. Agad namang nagpasalamat si Patricio at ininom na niya ang mainit na salabat na binigay ng matanda.
Ininom na ito ni Patricio sa harapan ni Salome, at nang matapos siya ay ibinalik na niya ang tasa kay ALing Diday. Napangiti siya kay Salome, hinubad niya ang kaniyang sumbrero at itinapat ito sa kaniyang dibdib bilang pagbigay galang sa dalaga.
Napakunot lamang ang noo ni Salome at napailing-iling sa kahambugang inaasta ng binata. Tumalikod na siya at babalik na lang sa bagsakan ng isda nang biglang magsalita si Patricio mula sa likuran niya. "Sandali... Lumeng!" tawag nito dahilan para gulat na mapalingon si Salome sa binata na ngayon ay binigyan siya ng ngiting nakakaloko.
May inihagis itong maliit na bagay sa kaniya na agad naman niyang sinalo "Batid ko na kailangan mo iyan kahit di mo pa sabihin" wika ni Patricio sabay kindat kay Salome at tuluyan na itong naglakad papalayo. Naistatwa naman si Salome sa kinatatayuan niya habang tinatanaw si Patricio na naglalakad papalayo, sinilip niya ang bagay na inihagis nito sa kaniya at laking gulat niya nang makita ang isang piraso ng pilak ang nasa palad niya.
"Hija, may bibilhin ka ba?" tanong ni Aling Diday, napatingin naman si Salome sa matanda at bumili na siya ng tatlong kilo ng luya na pinapabili sa kaniya ni Manang Estelita gamit ang pambayad na binigay sa kaniya ni Patricio.
"Narito na sila!" sigaw ni Ising, agad namang napatakbo papalabas si Salome at sinalubong sina Danilo at Julio na papasok na sa gate ng Hacienda Montecarlos. Kasabay nila ang pagdating din ng sampu pang mga mag-aaral na pawang kalalakihan na nasa edad pito hanggang labing-apat. Naka-suot sila ng puting pang-itaas at may dala-dala silang kani-kaniyang kuwaderno.
"Maraming Salamat Kuya" tugon ni Salome nang makalapit na siya sa kanila. kasama rin si Ernesto na siyang naghatid kay Danilo at Julio. May dala rin itong pinakuluang saba ng saging. "Pinapaabot din pala ni inay ang miryendang ito bilang pasasalamat kay Senor Fidel sa kaniyang kabutihan" tugon ni Ernesto sabay abot ng miryenda kay Salome na nakabalot sa dahon ng saging.
Agad namang nagpasalamat si Salome at yumakap sa kaniyang kuya Ernesto, tatlong oras din ang itatagal ng klase kung kaya't babalikan na lamang ni Ernesto si Danilo at Julio para ihatid pauwi. "Mga bata tara na!" magiliw na tugon ni Salome at hinawakan niya sa magkabilang kamay si Danilo at Julio habang nakasunod naman sa kanila ang iba pang mga mag-aaral.
Alas-nuwebe pa lamang ng umaga kung kaya't hindi pa ganoon kataas ang sikat ng araw. sa malawak ng lupain ng hacienda sa tabi ng lawa ng luha gaganapin ang klase dahil presko ang klima doon dahil sa lawa.
Malayo pa lang ay natanaw na nila si Fidel na inaayos ang kumpol ng mga kuwaderno at pluma sa ibaba ng pisara na pinagawa niya kay Mang Berto. Isang malaki at mahaba ang parisukat na pisara na nakadikit sa isang malaking puno. Napatulala naman si Salome habang papalapit sila ng papalapit kay Fidel dahil napakaganda ng tindig at bihis nito. May hawak rin itong mahabang baston.
"Bumati kayo mga bata" hikayat ni Salome sa mga bata nang makalapit na sila kay Fidel. Napangiti naman ang mga bata at sabay-sabay na hinubad ang kanilang mga sumbrero at itinapat iyon sa kanilang dibdib at bumati kay Fidel.
"Magandang umaga po Senor Fidel" sabay-sabay nilang bati nang may mga ngiti sa kanilang labi. Hindi naman mapigilan ni Salome na pagkagigil sa kaniyang kapatid na si Julio kung kaya't pasimple niyang kinurot ang pisngi nito.
"Magandang umaga rin mga bata... handa na ba kayo sa unang araw ng ating klase?" panimula ni Fidel at bakas din sa kaniyang mukha ang saya na nararamdaman niya dahil matutulungan niya ang mga bata magkaroon ng bagong kaalaman.
"Opo Senor" sabay-sabay nilang sagot. Agad namang ginabayan ni Salome ang mga bata na maupo na sa damuhan, magkatulong naman sila ni Fidel sa pag-aabot ng mga bagong kuwaderno at pluma sa kanila. binigyan din sila ng tig-iisang tinta. Labis naman ang saya ng mga bata dahil sa mga bagong gamit sa pag-aaral na binigay sa kanila ni Fidel.
"Ako nga pala Si Maestro Fidel Montecarlos" pakilala ni Fidel at isinulat niya ang pangalan niya sa pisara. Napaupo naman si Salome sa pinakalikod sa gilid at manghang-mangha siya habang tinititigan ang pangalan ni Fidel na nakasulat sa pisara. Sinubukan niyang basahin iyon sa kaniyang isipan ng dahan-dahan, kahit papaano ay may kakaunti naman na siyang nalalaman sa alpabeto.
"Sa wikang Kastila... Mi Nombre es Fidel Montecarlos" (My name is Fidel Montecarlos)
Bakas sa mga mukha ng mga bata na nasasabik silang matuto. Maging si Salome ay nakikinig din ng mabuti habang nakaupo sa gilid. hindi nga lang niya dala ang kaniyang kuwaderno kung kaya't minemorya na lang niya ang mga naunang itinuro ni Fidel. Nag-umpisa sila sa pagkakabisado muna ng bawat letra ng alpabeto.
Makalipas ang tatlong oras, alas-dose na ng tanghali. Dumating sina Manang Estelita kasama sila Ising, Piyang at Susana bitbit ang kanin at ulam na niluto nila para sa tanghalian. Naglatag sila sa damuhan ng dalawang malalaking dahon ng saging at doon nila nilagay ang mga pagkain. Tuwang-tuwa naman ang mga bata at nag-unahan sila umupo sa tabi ni Maestro Fidel. Nagulat naman si Salome nang lumapit si Julio kay Fidel at kumandong ito sa binata.
Agad siyang tumakbo papalapit sa kanila at akmang kukunin sana si Julio dahil nakakahiya na magpapakandong pa ito sa kanilang amo pero binuhat ni Fidel si Julio at iniayos ito ng upo sa kaniyang binti. "Hayaan mo na nagagalak akong malapit na agada ng loob nila sa akin" tugon ni Fidel habang kalong-kalong si Julio na animo'y anak niya ito.
"Maupo ka na rin at saluhan mo kaming kumain" wika pa ni Fidel at sinenyasan niya si Salome na maupo sa kaniyang tabi. Napalunok na lamang si Salome dahil sa pagkabigla. Inayos na lamang niya ang kaniyang saya at naupo na sa tabi ni Fidel. Malinis naman ang damuhan kung kaya't hindi na kailangan pang pagpagan.
"Tayo'y manalangin na" wika ni Manang Estelita at ang lahat ay tumahimik na. si Manang Estelita ang nanguna sa pagdadasal, habang nakapikit ang lahat at taimtim na sumusunod sa kaniyang pagdadasal.
"Amen"
"Maraming Salamat po sa pagkain" sabay-sabay na wika ng mga bata at nagsimula na silang kumain. inasikaso na muna ni Salome ang mga bata sa pagkain, habang si Manang Estelita, Ising at Piyang ay bumalik muna sa mansyon upang kumuha ng tubig at ng panghimagas nila.
"Hindi ka ba kakain? Ako na muna ang bahala sa kanila" bulong ni Fidel kay Salome dahilan para mabigla si Salome dahil nagdikit ang balikat nilang dalawa. "A-ayos lang po ako Senor, mauna na po kayong kumain" tugon ni Salome at napausog siya ng kaunti dahil halos makuryente na ang buo niyang katawan sa tuwing magdidikit ang katawan nila ni Fidel. "J-julio halika rito sa akin para makakain na si Senor" patuloy pa ni Salome at akmang bubuhatin na niya si Julio na nasa kandungan pa rin ni Fidel pero biglang hinawakan ni Fidel si Julio dahilan para aksidenteng mahawakan ni Fidel ang kamay ni Salome na nasa tagiliran ni Julio dahil bubuhatin na niya ito.
"A-ayos lang din ako, huwag mo akong alalahanin... at isa pa ang makita kong ganito kasaya ang lahat ay isang kabusugan na sa akin" tugon pa ni Fidel, agad namang inalis ni Salome ang kamay niya na hawak ni Fidel dahil sa pagkabigla at napayuko na lamang siya dahil nag-iinit na ang kaniyang mga pisngi.
"Bukod doon ay hindi mo man lang sa akin nasabi na may kapatid ka na ubod ng bait at talino" patuloy pa ni Fidel at ginulo-gulo niya ang buhok ni Julio na kalong-kalong niya. nakiliti naman si Julio dahil sa ginawa ni Fidel at nagtawanan sila.
Hindi naman mapigilan ni Salome na mapangiti habang pinagmamasdan ang lalaking kaniyang hinahangaan at ang pinakamamahal niyang bunsong kapatid na nagkakatuwaan at nagkakasundo ngayon.
Mas lalo mo akong pinapa-ibig dahil sa ginagawa mo Fidel...
"Ate Lumeng!" natauhan lang siya nang bigla siyang tapikin sa balikat ni Danilo na noo'y nakaupo pala sa tapat nila "Kanina pa kita tinatawag ate" reklamo pa ni Danilo sabay tingin kay Fidel at ibinalik niya ulit ang tingin sa kaniyang ate Salome.
Bigla namang kinabahan si Salome dahil nararamdaman niyang may kakaibang iniisip si Danilo "A-ano ba iyon Danilo?" tanong ni Salome, napailing-iling naman si Danilo at bigla itong ngumiti na nakaasar. "Wala... asikasuhin mo na lang ate ang pagtitig mo---" hindi na natapos ni Danilo ang sasabihin niya dahil biglang dinampot ni Salome ang kumpol ng kanin at agad na sinubo iyon sa bunganga ni Danilo.
"Danilo hindi namin akalain na nagpapasubo ka pa gayong ang laki-laki mo na" biro pa ng isa niyang kaklase dahilan para magtawanan ang lahat. sinamaan na lang ni Danilo ng tingin ang kaniyang ate Salome dahil sa ginawa nito. Sinenyasan naman ni Salome si Danilo na manahimik ito.
Kailangan kong mag-ingat... mukhang nakakahalata na si Danilo
Matapos ang tanghalian ay tumulong ang mga bata sa pagliligpit ng mga gamit sa kanilang klase, tumulong din sila sa paghuhugas ng mga pinagkainan at sa pagtatapon ng basura bago sila nagpaalam kay Maestro Fidel. "Aasahan kong mabibigkas niyo na sa akin ang pagkakasunod ng letra ng alpabeto bukas mga bata" bilin ni Fidel. Sabay-sabay namang napatango ang mga bata at nagbigay galang kay Fidel bago sila nag-unahan sa pagtakbo papalabas sa hacienda kung saan nag-aabang ang kanilang mga magulang upang sunduin sila.
Napakaway naman si Salome sa kaniyang kuya Ernesto na noo'y buhat-buhat na si Julio at hawak na rin si Danilo bago ito umalis. Nang makaalis na ang lahat, dinampot na ni Salome ang iilang kuwaderno na sobra na nakalagay sa gilid ng puno, "Senor saan kop o ilalalgay ito?" tanong niya kay Fidel na noo'y naupo na muli sa damuhan at nagsimulang magbasa ng libro.
Mukhang mananatili pa rito si Fidel upang magbasa-basa ng aklat.
"Hayaan mo lang muna iyan, kumuha ka ng isang kuwaderno at maupo ka rito sa tabi ko" wika ni Fidel habang nakatuon ang pansin niya sa librong binabasa niya. nagulat naman si Salome at biglang kumabog ng malakas ang puso niya, iniisip pa lang niya na makakatabi niya muli si Fidel ay halos himatayin na siya dahil sa kaba.
Nagitla si Salome at aksidente niyang nabitawan ang mga kuwadernong hawak niya nang biglang lumingon sa kaniya si Fidel "Halika na rito... tuturuan din kita upang matulungan kita sa istoryang nais mong isulat" patuloy pa ni Fidel sabay ngiti kay Salome dahilan para mas lalong magwala ang puso ng dalaga.
Nang bumalik sa ulirat ay agad na dinampot ni Salome ang nabitawan niyang mga kuwaderno at inilagay iyon sa gilid ng puno, kumuha siya ng isa at dali-daling naupo sa tabi ni Fidel ngunit sinigurado niya na may isang dipa ang layo nila sa isa't-isa.
Napatingin muli sa kaniya si Fidel at natawa na lamang ito dahil ang layo ni Salome sa kaniya "Paano kita matuturuan ng maayos kung ganiyan ka kalayo sa akin?" natatawang usisa ng binata. Tumawa na lang din si Salome kahit pilit upang hindi siya mapahiya sa harapan ng binata. Tumayo siya at naupo na malapit kay Fidel, ngunit sinigurado niya pa rin na may dalawang dangkal na layo sila sa isa't-isa.
Kinuha ni Fidel ang kuwaderno na hawak ni Salome at nagsimula siyang magsulat doon. Nasa kabilang gilid ni Fidel nakalagay ang kaniyang pluma at ang tinta nito. "Isusulat ko ngayon dito ang sunod-sunod na letra ng alpabeto" wika ni Fidel habang sinusulat ang a, b, c, d, e... sa kuwaderno.
"Batid kong nakakabasa ka na rin ng alpabeto hindi ba?" patuloy pa ni Fidel sabay tingin sa dalaga. Nanlaki naman ang mga mata ni Salome dahil nahuli siya ni Fidel na tinititigan niya ang mukha nito. Ayaw palagpasin ni Salome ang pagkakataon na matitigan ng ganoon kalapit ang mukha ni Fidel.
"AHH! O-opo Senor" sagot ni Salome at bigla siyang napatingin sa kuwadernong sinusulatan ni Fidel. "Pamilyar sa akin ang mga letrang iyan.. at iyon rin po... maging ang letrang ito" patuloy pa ni Salome habang tinuturo ang mga letra na naisulat na ni Fidel sa kuwaderno. Nais niyang ibahin ang usapan lituhin si Fidel at hindi na nito maaalala na nahuli niyang nakakatitig sa kaniya si Salome.
Napangiti na lamang si Fidel at nagsulat na muli sa kuwaderno. "Bukod sa pagbabasa at pagsusulat... nais mo rin bang matuto magbilang?" tanong pa ni Fidel, napatango naman si Salome nang hindi tumitingin sa binata dahil hindi na niya magawang harapin ito sa sobrang kahihiyan.
"O-opo Senor hanggang milyon lamang ang kaya kong bilangin" sagot ni Salome, napangiti naman si Fidel at isinara na niya ang kuwaderno at hinarap si Salome. "Kung gayon ikaw pala ay magaling sa matematika" tugon ni Fidel. Nagtataka namang napatingin sa kaniya si Salome.
"Pagbibilang lang po ang kaya ko at simpleng aritmetik" sagot ni Salome. Mas lalong namangha sa kaniya si Fidel. "Kung kaya mo magbilang hanggang sampu kaya mo ring magbilang hanggang milyon... ang numero ay hindi natatapos, ang numero ay walang katapusan at paulit-ulit na nangyayari" paliwanag ni Fidel, napatingin naman sa kaniya si Salome at pilit na iniintindi ang nais ipabatid ni Fidel.
"Kung mapapansin mo, ang numero ay paulit-ulit lamang ang ikot nito, mag-uumpisa ka sa 0 at magtatapos sa numero na may 0 din sa huli, ang sampu, dalawampu, tatlumpu, isang daan, isang libo hanggang sa isang milyon ay nagtatapos sa 0 at maguumpisa muli sa bilang na 1,2,3,4,5,6,7,8,9 at magtatapos muli sa 0" paliwanag ni Fidel, napangiti naman si Salome nang maunawaan niya ang sinasabi ng binata.
"Tama nga... paulit-ulit lang" sambit ni Salome, at hindi na niya maikubli ang saya na nararamdaman niya dahil sa panibagong kaalaman na kaniyang natutunan kay Fidel.
~Kay sarap ng may minamahal
Ang daigdig ay may kulay at buhay
At kahit na may pagkukulang ka
Isang halik mo lang limot ko na~
~Sa tuwina'y naaalala ka
Sa pangarap laging kasama ka
Ikaw ang ala-ala sa 'king pag-iisa
Wala nang iibigin pang iba~
"Ang numero ay parang isang masaklap na katotohanan na paulit-ulit na nangyayari at... hindi maaaring magbago" patuloy pa ni Fidel habang nakatingin ng diretso sa mga mata ni Salome. Sa pagkakataong iyon, biglang umihip ng marahan ang hangin, habang ang mga dahon sa ilalim ng puno na kanilang kinauupuan ay unti-unting humahalik sa lupa.
Ang kwento ba nating dalawa ay katulad ng numero na paulit-ulit na nangyayari at hindi maaaring magbago?
******************
Featured Song:
'Naaalala ka' by Shamrock
https://youtu.be/SgvCcp00m9Y
"Naalala ka" by Shamrock
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top