Epilogo

[Epilogo]

Pilipinas 2085

"Ma! Anong gusto mo pong kainin? Nagluto po ako ng paborito niyong Kaldereta" nakangiting tanong ng isang babae na nagngangalang Elisa, nasa edad limampu't-anim na taong gulang na (56). Maputi ang balat nito na namana niya sa kaniyang inay at medyo singkit din ang kaniyang mga mata.

Hinawakan niya ang buhok ng kaniyang ina na nasa edad walumpu't-siyam na (89), kulubot na ang balat ng matandang babae at nitong mga nagdaang buwan ay napansin nila na madalang na itong magsalita, palaging nanghihina at tulala na lang sa tapat ng bintana.

Napatingin ang matandang babae sa kaniya bagama't malabo na ang mga mata nito pilit niya pa ring pagmasdan ang nag-iisang anak na si Elisa. Sinubukan niyang hawakan ang mukha ng anak na agad naman siyang nginitian pabalik.

"Sabi ko na nga ba basta usapang Kaldereta hindi ka makakatanggi mama" ngiti pa ni Elisa sabay halik sa noo ng kaniyang ina na matandang-matanda na. "Sige ma, kukuhaan lang kita ng kalderet----" hindi na niya natapos pa ang kaniyang sasabihin dahil biglang nagsalita ang matandang babae.

"M-maraming salamat sa pag-aalaga at pagmamahal mo sa akin anak, n-nasaan na nga pala ang tito Alex mo? Makakarating ba siya ngayon?" tanong ng matandang babae, hindi naman nakapagsalita si Elisa at napahinga na lang siya ng malalim saka hinawakan muli ng mahigpit ang kamay ng kaniyang ina na makakalimutin na.

"Ma, hindi ba't nasabi ko na po sa inyo noong isang araw na hindi makakarating ngayong piyesta si tito Alex dahil hindi siya pinayagan ng kaniyang mga anak doon sa Espanya na bumyahe papunta rito. Hindi na po kaya ni tito Alex na bumyahe pa ng matagal" sagot ni Elisa, napayuko na lang ang kaniyang ina saka ngumiti kahit pa nababakas naman sa mukha nito na nananabik na siya na muling makita ang kapatid.

Tulad niya matanda na rin si Alex na nasa edad walumpu't-anim na (86). Nitong nakaraang linggo ay nakapag-usap sila gamit ang telepono at marami rin itong kinuwento sa kaniya lalo na ang buhay sa Espanya. Nang makatapos si Alex sa kolehiyo halos narating na niya ang iba't-ibang bansa dahil madalas siyang kasama sa mga research tungkol sa mga gamot. Sa Espanya na siya namalagi at doon na rin siya nakapag-asawa ng isang pilipina na nagtatrabaho roon.

"Don't worry ma, tatawagan natin sila tito Alex mamayang gabi para mabalita mo naman sa kaniya ang piyesta ngayon dito" patuloy pa ni Elisa. Ngayon ang piyesta sa kanilang barangay at kakatapos lang nila magsimba kaninang umaga, kasalukuyan silang abala sa pagaasikaso sa kanilang mga bisita na isa-isa nang dumarating ngayong hapon.

Nagpaalam saglit si Elisa sa kaniyang ina para kumuha ng Kaldereta at iba pang pagkain na inihanda nila ngayong piyesta. Pagkababa niya sa hagdan agad siyang sinalubong ng isang anak niyang kakarating pa lang galing sa trabaho. Alas-singko na ng hapon ngunit maliwanag pa rin ang paligid kahit na panaka-naka ang ambon sa labas.

"Mom! I made it" nakangiting bati ni Raenvien na kaniyang panganay na anak, kakatapos lang nito sa kolehiyo noong nakaraang taon at maganda na agad ang naging trabaho nito bilang guro sa isang kilalang pribadong paaralan.

"Buti naman nakaabot ka, mag-bless ka sa lola mo noong isang linggo ka pa niya hinahanap" tugon ni Elisa sa anak niyang si Raenvien na abala sa pagbaba ng mga dala nitong mga libro. Isang guro sa matematika si Raenvien, bagay na namana niya sa kaniyang lola na magaling sa matematika.

"Oo nga pala ma, kasama ko ngayon ang co-teacher ko at ang asawa niya" saad pa ni Raenvien saka pinakilala ang isang babae at isang lalaki na kasama niya. "Siya po si Carmela, history major naman po siya. Naalala niyo po ba si tita Emily na kaibigan ni lola?" patuloy pa ni Raenvien, bigla namang napangiti ang inay Elisa niya saka hinawakan ang kamay ni Carmela.

"Ikaw ang apo ni tita Emily? Siguradong matutuwa si mama kapag nakita ka niya, nabalitaan namin ang pagkamatay ng iyong lola noong nakaraang taon, pasensiya na hindi kami nakapunta hija dahil hindi na rin kayang bumyahe ni mama papuntang San Alfonso" tugon ni Elisa habang nakangiti kay Carmela.

"Ayos lang po, oo nga pala maligayang piyesta dito sa bayan niyo" sagot ni Carmela, nasa edad dalawampu't-tatlong taong gulang na si Carmela at kasalukuyan siyang buntis sa panganay nilang anak ng kaniyang asawa.

"Oo nga pala ma, si Juanito po asawa ni Carms, gusto niya rin sumama dito para ma-check up na rin si lola, nakwento ko kasi sa kanila kahapon na nanghihina na si lola" wika pa ni Raenvien, napatingin naman si Elisa sa lalaking kasama ni Carmela. Matangkad ito at mababakas sa tindig pa lang ang taglay nitong kagwapuhan at sa isang ngiti lang ay mararamdaman mong isa itong maginoong binata.

"Maligayang piyesta po sa inyo" bati ni Juanito at nagmano siya kay Elisa. "Isa kang doktor hijo? Nakakatuwa naman, alam mo bang ang aking mama ay isang nurse... Raenvien anak ipakilala mo sila sa lola mo siguradong matutuwa siya kapag nakita niya kayo" ngiti ni Elisa, nagtungo na siya sa kusina upang kumuha ng mga pagkain at inasikaso na rin niya ang ibang bisita habang ang anak naman niyang si Raenvien ang nagpatuloy kay Carmela at Juanito paakyat sa ikalawang palapag ng bahay nila na kung saan naroroon ang kaniyang lola.

"Medyo mahina na rin ang pangrinig ni lola kaya lakasan niyo na lang din ang boses niyo" nakangiting tugon ni Raenvien saka kumatok ng tatlong beses sa pinto ng silid ng kaniyang lola bago niya binuksan ito.

Pagbukas ng pinto tumambad sa kanilang harapan ang malinis na kwarto ng matanda. Isang old Spanish house ang disenyo ng bahay nila na binili pa ng kaniyang lola at lolo nang makaipon ang kaniyang asawa ng sapat na pera para magkaroon sila ng sariling bahay.

"Mahilig talaga si Lola sa mga lumang bagay kaya si lolo puro mga lumang gamit ang nireregalo sa kaniya. Maging ang bahay na ito ay pinag-ipunan talaga ni lolo kasi ayaw ni lola ng mga modern style na bahay" tugon pa ni Raenvien habang naglalakad sila papasok sa kwarto ng matanda.

Natanaw na nila ang matandang babae na ngayon ay nakatalikod sa kanila habang nakaharap ito sa malaking bintana at tinatanaw ang dahan-dahan na pagbagsak ng ulan. Nakaupo ang matandang babae sa isang malaking upuan na gawa sa kahoy at tahimik lang itong nakatulala sa labas.

"Mahilig din kami sa mga lumang bagay, yung bahay nga namin sa San Alfonso ipapa-renovate namin ulit para maging matibay lalo. Ilang daang taon na rin ang edad ng bahay na 'yon" sagot naman ni Carmela, ilang buwan pa lang sila magkatrabaho ni Raenvien bilang mga guro sa isang pribadong paaralan ngunit malapit na agad ang loob nila sa isa't-isa.

"Ah, sa inyo ba yung hacienda Montecarlos sa San Alfonso? palagi kasi sa'ming kinukwento ni lola na makasaysayan daw ang bahay na 'yon, noong kabataan niya tuwing bakasyon lagi siyang nandoon kasama ni tita Emily" saad ni Raenvien, si Emily Isabella Nuestro ay isang dentista na palaging nakakasama ng lola ni Raenvien sa mga medical mission noon.

"Hacienda Alfonso naman ang sa asawa ko, balak din namin ipa-renovate ulit 'yon kaso nag-iipon muna kami para sa panganganak ko" ngiti pa ni Carmela na medyo namula pa ang pisngi. Napangiti naman si Juanito dahil maging siya ay nasasabik na masilayan na ang kanilang panganay na anak.

"Kailan ka ba manganganak?" tanong ni Raenvien saka hinawakan niya ang tiyan ni Carmela na medyo may kalakihan na. "Sa February pa, tatlong buwan na lang manganganak na ko kaya nga inaasikaso ko na ang leave sa trabaho natin" sagot ni Carmela, bigla naman silang natawa ni Raenvien dahil madalas nilang pag-usapan ni Carmela tuwing break time ang bagal ng proseso ng leave sa trabaho nila.

"Tulog ba ang lola mo?" tanong ni Juanito inilabas na rin niya sa kaniyang bag ang kaniyang stethoscope at ilang gamit sa panggagamot. Samantala, inilibot naman ni Carmela ang kaniyang mga mata sa loob ng kwarto ng matanda. Napatigil siya nang makita ang isang obra na nakasabit sa dingding, "Pa-nga-ko" basa ni Carmela sa tatlong letra ng baybayin na nakasulat sa lumang papel at nakalagay sa malaking frame.

"Marunong ka rin pala magbasa ng baybayin, hanga na talaga ako sayo history teacher" pang-asar ni Juanito sa asawa sabay ngiti. Napakunot na lang ang noo ni Carmela dahil mukhang inaasar na naman siya ng asawa niya ngunit bumibigay din naman agad siya dahil sa ngiti nitong nakakatunaw.

"Gamutin na ang lola ni Raenvien, hanga na rin talaga ako sayo doktor Juanito VII" bawi naman ni Carmela, palagi niyang tinatawag na 'the seventh' ang kaniyang asawa na ikinaasar naman nito kasi napaka-haba na ng salinlahi na pinagpasahan ng kanilang pangalan.

Sa kabilang banda, dahan-dahan namang lumapit si Raenvien sa kaniyang lola at hinawakan niya ang balikat nito. "La, checheck up po muna kayo saglit ng kaibigan ko, nandito rin ang asawa niya na apo ni tita Emily" tugon ni Raenvien sa kaniyang lola, dahan-dahan namang napalingon ang matandang babae sa mga bisita na tila hindi niya inaasahan ang pagdating ng mga ito ngayong araw.

"Siya pala ang lola ko, Aleeza Mae Agcaoili Enriquez, Lola Aleng na lang ang itawag niyo sa kaniya" wika ni Raenvien, agad namang lumapit si Carmela at Juanito sa matanda at nagmano sila rito.

"Magandang hapon po lola Aleng" sabay na wika ni Carmela at Juanito habang nakangiti sa matanda. Sa pagkakataong iyon, isang pamilyar na ngiti ang kanilang nasaksihan ng ngumiti ito pabalik sa kanila.

Agad namang naupo si Juanito sa kabilang silya saka chineck up ang heartbeat, pulse rate at blood pressure ni lola Aleng na ngayon ay pinagmamasdan siyang mabuti. "Sa wakas naging doktor ka rin" wika ni lola Aleng, bigla namang napangiti si Juanito. "Akala ko nga po hindi ako makakatapos sa pag-aaral pero sabi nga po nila kapag gusto mo talaga palaging may paraan" sagot ni Juanito sabay ngiti habang chineck up pa rin ang matanda. Napangiti na lang si lola Aleng dahil alam niyang hindi naintindihan ni Juanito ang kaniyang sinabi.

Habang sa kabilang banda naman ay abala si Carmela at Raenvien sa pagtingin sa palibot ng silid. "Sampung taon nang patay si lolo Oscar pero alam kong lagi niya kaming ginagabayan" kwento ni Raenvien kay Carmela sabay turo sa isang wedding picture ni Aleeza at Oscar na nakasabit sa dingding.

"Alam mo ba ang kwento sa'kin noon ni lolo, matagal na raw siyang may gusto noon kay lola. College pa lang noon si lola habang siya naman ay high school graduate lang kasi mahirap lang sila kung kaya't nag-siside line siya sa pagbubuhat ng banyera ng isda sa palengke. Matalik na magkaibigan si lolo Oscar at ang kapatid ni lola na si tito Alex. Ang sabi pa noon sa'kin ni lolo na-love at first sight daw siya kay lola nung una niya itong makita. Kaya lang alam niyang may ibang napupusuan daw noon si lola kaya nagsikap na lang siya na makatapos sa pag-aaral para naman kahit papaano ay may maipagmalaki siya kay lola kasi naka-graduate na si lola at nagtrabaho na bilang nurse" panimula ni Raenvien, napangiti naman si Carmela habang nakatitig sa wedding picture ni Aleeza at Oscar.

"Ang sabi pa ni lolo, halos sampung taon daw niyang niligawan si lola kasi sawing-sawi raw talaga noon si lola sa first love nito, hindi naman niya sa'kin nakwento kung sino ba yung first love ni lola pero nabanggit niya na prof daw iyon dati ni lola" patuloy pa ni Raenvien, bigla namang nakaramdam ng lungkot si Carmela at napatulala na lang siya sa wedding picture na iyon.

Magsasalita pa sana si Carmela ngunit bigla na siyang tinawag ng kaniyang asawa "Mahal, gusto ka raw makausap ni lola Aleng" tugon ni Juanito habang nililigpit na niya ang gamit niya sa panggagamot. Agad naman silang naglakad ni Raenvien papalapit kay lola Aleng.

Napatingin si Raenvien kay Juanito na ngayon ay malungkot ang itsura, "Ah, Raenvien saan ba ang cr niyo dito?" tanong ni Juanito saka sumenyas na gusto niyang makausap si Raenvien at ang pamilya nito tungkol sa kalagayan ng lola nila.

"Mahal, maiwan muna namin kayo rito" paalam ni Juanito sa kaniyang asawa na ngayon ay nakaupo na sa katabing silya ng matanda. Napatango naman si Carmela at naglakad na papalabas ng kwarto si Raenvien at Juanito saka dumirteso sa kusina kung nasaan naroon si Elisa.

"Kamusta po kayo?" panimula ni Carmela, nagulat naman siya nang dahan-dahang inabot ni lola Aleng ang kamay niya. "Sa ikatalong pagkakataon nagkita ulit tayo" tugon ni lola Aleng sabay ngiti ng marahan. Napatulala lang sa kaniya si Carmela at bigla itong napatingin sa kamay niya na hawak ngayon ng matanda. Naramdaman niyang may isang bagay na inilagay ang matanda sa loob ng kamay niya at nang buksan niya iyon napatulala siya sa singsing na gawa sa kahoy na hawak na niya ngayon.

"A-ano po ito?" nagtataka niyang tanong, ngumiti lang si lola Aleng saka muling ibinaling nito ang kaniyang tingin sa tapat ng bintana kung saan umuulan ngayon sa labas.

"Sayo ang singsing na iyan, kamakailan lang ay napagtanto ko na siguro kaya napunta kay Oscar ang singsing na iyan ay dahil nakatadhana talaga na sa panahong ito ay bigyan ko ng pagkakataon ang pag-ibig niya para sa'kin. Ang singsing na iyan ang naglapit sa aming dalawa at ang singsing na iyan rin ang naging tulay upang magkita tayong muli" tugon ni lola Aleng, hindi naman agad nakapagsalita si Carmela at napatitig na lang siya sa singsing na iyon na gawa sa kahoy.

Nanlaki ang mga mata niya nang mabasa niya ang nakaukit na salita sa singsing na iyon, I Love you since 1892.

"I-ibig sabihin matagal na po ang singsing na ito?" gulat na tanong ni Carmela sabay tingin sa matanda. Marahan namang napatango si lola Aleng sa kaniya.

"Sa sobrang tagal nang paglipas ng panahon may mga bagay na dapat ibinabaon na sa limot, ngunit may mga bagay din na dapat inaalala dahil ito ay magsisilbing babala upang hindi na muling maulit ang nakaraan. Kung ano man ang nagawa ng isang tao noon, hindi na dapat niyang hayaang mangyari ulit iyon ngayon" saad pa ni lola Aleng saka muling hinawakan ang kamay ni Carmela.

"Naniniwala ka ba sa reincarnation?" diretsong tanong ng matanda dahilan upang mapatulala na lang si Carmela at hindi agad siya nakapagsalita. "Nais kong sabihin sayo na kung ano man ang mga naging pagkukulang mo sa buhay na ito dapat gawin mo ang lahat upang mahanap mo ang kapayapaan at kasiyahan sa puso mo. Ngayon pa lang siguraduhin mo na magiging mapayapa at masaya ang buhay mo kahit anong mangyari at huwag mon ang hihilingin pa na isilang ka muli sa ibang panahon dahil patuloy ka lang aasa na siguro sa susunod na panahon ay magtatagpo muli ang landas namin at magtatapos ng masaya ang kwento naming dalawa" patuloy pa ni lola Aleng, sa pagkakataong iyon habang nakatitig si Carmela sa mga mata ng matanda hindi niya maunawaan kung bakit parang pamilyar sa kaniya ang babaeng kaharap. Parang minsan na rin niyang nakapiling ito at nakausap kahit pa ngayon pa lang niya ito nakita.

"A-ano pong ibig niyong sabihin?" tanong muli ni Carmela, naramdaman niya ang unti-unting pagbigat ng kaniyang pakiramdam ngunit sa tuwing ngingiti ang matandang babae sa kaniya tila gumagaan ang kaniyang saloobin.

Napahinga naman ng malalim si lola Aleng saka muling napatulala sa tapat ng bintana. "May isang babae na nagkaroon ng pambihirang karanasan sa ibang panahon. Ang lahat ng alaala ng nakaraan ay dala-dala niya hanggang sa kasalukuyan ngunit alam mo kung anong magandang bagay na natanggap niya?" saad ni lola Aleng, napailing naman si Carmela.

"Muling naisulat ang pag-iibigan nilang dalawa ng kaniyang sinisinta. At ngayon alam ko at nararamdaman ko na sa panahong ito magiging masaya na silang dalawa" ngiti pa ni lola Aleng sabay tingin sa tiyan ni Carmela na malaki na. Batid niyang hindi maiintindihan ngayon ni Carmela na siya at si Juanito ang tinutukoy niya. Ang pag-iibigan ng dalawang taong minsan na niyang nakasalamuha at dumanas ng matitinding pagsubok at pasakit ay ngayo'y magiging maligaya na.

"Sino po ang tinutukoy niyo?" tanong pa muli ni Carmela, ngumiti lang ng marahan si lola Aleng sa kaniya.

"May nakapagsabi noon sa'kin na mas mabuting huwag nang alamin ang alaala ng buhay mo sa nakaraan dahil siguradong sa oras na maalala mo ito ay magiging hadlang ito upang mahanap mo ang kapayapaan at kasiyahan sa puso mo" tugon pa ni lola Aleng saka muling tumingin ng diretso sa mga mata ni Carmela. "Sa buhay na ito hangad kong mahanap mo at ni Juanito ang kapayapaan at kasiyahan sa mga puso niyo" dagdag pa niya, napatulala naman sa kaniya si Carmela, tila nakaramdam ito ng kakaibang paggaan ng kaniyang pakiramdam.

Ilang sandali pa, itinuro ni lola Aleng ang tanawin sa labas kung saan natatanaw nila ngayon ang papalubong na araw mula sa di-kalayuan. Kasabay niyon ang patuloy pa ring pagbagsak ng ulan mula sa kalangitan.

"Nakikita mo ang araw na iyon na papalubog na? bakit sa tingin mo kahit may araw ngayon ay patuloy pa rin ang pagbuhos ng ulan?" tanong ni lola Aleng, napatulala naman si Carmela sa labas ng bintana. Kulay orange na ang kalangitan at napakaganda ng tanawin sa labas kung saan nasasaksihan nila ngayn ang paglubog ng araw habang patuloy din ang pagbagsak ng ulan sa paligid.

"Kasi... may kinakasal na tikbalang?" sagot ni Carmela dahilan upang bigla silang matawang dalawa. "Kahit kailan palaging saya ang hatid mo sa amin hija, alam mo ba ang ibig sabihin ng churva ek ek?" tanong pa muli ni lola Aleng na ngayon ay halos sumingkit na ang mga mata dahil muli na naman niyang naalala ang kalokohan at pang-uuto sa kaniya noon ni Carmela.

"Lola? Saan niyo po natutunan 'yan? nako! daig niyo pa po pala si Raenvien, millennial lola po pala kayo churva ek ek" tawa ni Carmela, sa pagkakataong iyon napuno ng tawanan ang loob ng kwarto ni lola Aleng. Animo'y parang magka-edad lang sila ni Carmela na nagkwekwentuhan ng mga nakakatawang bagay.

Ilang sandali pa, napatigil sila sa pagtatawanan nang mapansin ni Carmela ang isang libro na hawak ni lola Aleng. "Our Asymptotic Love Story?" basa ni Carmela sa pamagat ng librong iyon. Unti-unti namang napawi ang ngiti ni lola Aleng saka napayuko at napatingin sa librong hawak niya.

"Nabasa ko na rin po iyan lola, hindi ko rin matanggap kung bakit hindi nagkatuluyan si Salome at Fidel sa kwentong iyan" saad ni Carmela, inabot naman sa kaniya ni lola Aleng ang librong iyon at pinagmasdan niya ito ng mabuti.

"Alam mo ba kung sino ang nagsulat ng librong iyan?" tanong muli ni lola Aleng, napailing-iling naman si Carmela. Napatitig naman si Carmela sa pangalan ng author na nakasulat sa ibaba.

f(x – 1)

"Ang "F" ay tumutukoy sa apat na pangalan... si Franco, Fidel, Fabricio Rolando at Francis Nathan" paliwanag ni lola Aleng.

"Hindi po ba ang "F" dito ay tumutukoy sa functions?" nagtatakang tanong ni Carmela, kahit history major siya ay paborito rin niya ang math.

Napangiti naman si lola Aleng sa kaniya "Ang 'x' naman ay tumutukoy sa salitang 'Xian' na ang ibig sabihin sa Chinese ay enlightened person. Bukod doon ang Xian ay tumutukoy din sa mga Shaman. Ang kwento sa librong ito ay nag-ugat sa pag-ibig ng isang Shaman o Babaylan sa atin" patuloy pa ni lola Aleng at bigla siyang napalingon sa lumang kuwaderno na binigay sa kaniya noon ni Sir Nathan. Ang kuwadernong iyon ay nakasulat sa baybayin at nang matuto siyang magbasa at magsulat sa baybayin nabasa na niya ang nakasulat sa lumang kuwadernong iyon.

"Ang sumulat ng kwentong ito ay dalawang tao. Si (F) ang nag-ayos at nag-publish ng librong ito na binase niya sa kwento ng buhay at pag-ibig ni (X) na siyang pinakamamahal niya" dagdag pa ni lola Aleng. Napatulala at napanganga na lang sa gulat si Carmela dahil hindi niya akalain na dalawang tao pala ang sumulat ng istoryang iyon. Ang pag-iibigan ng dalawang tao na pilit pinaglalayo ng tadhana.

"At gaya nga ng sabi mo ang buong pangalan ng may akda ng kwentong ito ay tumutukoy sa functions ng mathematics. In mathematics, to solve an equation you need to find its solution. Wherein, x = 1" tugon pa ni lola Aleng saka sumulat siya sa likod ng librong iyon at sinagutan niya ito.

"f[x(1) – 1] = 0" sagot ni lola Aleng, nanlaki naman ang mga mata ni Carmela at napatitig sa sagot na nakasulat sa papel.

"Ang sagot ay 0" muling tugon ni lola Aleng. "Ang sagot sa kwentong ito ay 0, at kahit anong solution ang gamitin, kahit anong paraan ang hanapin ang magiging sagot pa rin hanggang sa huli ay 0. Kung saan kahit anong mangyari patuloy na iikot at iikot lang ang kwento, paulit-ulit lamang ito at walang katapusan" patuloy pa ni lola Aleng. Sa pagkakataong iyon, tila parang sinaksak ang kaniyang puso ng mga salitang iyon. Ang malaman niya na wala nang paraan ang asimptotang pag-iibigan nila ay tila unti-unting sinasaksak at dinudurog nito ang kaniyang puso.

Napansin ni Carmela na tila may namumung luha sa mga mata ng matandang babae habang nakatitig ito sa librong iyon. Dahan-dahan niyang hinawakan ang kamay ni lola Aleng, naalala niya bigla ang ikinuwento ni Raenvien sa kaniya kanina na nabigo ito sa pag-ibig at ngayon ay napagtanto niya na ang lalaking tinutukoy nito ay siya pa ring lalaking nilalaman ng puso nito.

"Kung ano man po ang sakit at panghihinayang na dala-dala po ninyo sa inyong puso nawa'y pakawalan niyo na po ito. Ang mga bagay at alaala na hindi pinapakawalan ay patuloy lang na makukulong sa puso at katauhan niyo. Hindi po kayo makakausad hangga't hindi niyo binibitawan ang mga bagay na matagal nang nagpapahirap sa inyo" tugon ni Carmela habang nakatingin ng diretso sa mga mata ni lola Aleng na pakiramdam niya ay nakilala na niya noon pa man. Sa pagkakataong iyon, nang yakapain niya ang matanda tila muli niyang naramdaman ang pamilyar na presensiya nito.

Ilang sandali pa, bumukas na ang pinto sa silid ni lola Aleng, dumating na sina Juanito, Raenvien at Elisa kasama ang isang sakristan sa simbahan ng kanilang bayan. "Isang sulat po mula sa Espanya" tugon ng pari sabay abot kay lola Aleng ng isang puting sobre. Nang makuha niya ang sulat nagpaalam na ang sakristan sinamahan ito ni Elisa upang asikasuhin ang bisita.

Tila tumigil ang takbo ng paligid nang mabasa niya ang nakasulat sa likod ng sobreng iyon. Naka-address ang sobre sa simbahan ng kanilang bayan. Natanggal na rin ang seal ng sulat kung kaya't batid niyang nabuksan na iyon ng kura paroko ng simbahan.

"Lola Aleng, uuwi na po kami pero wag po kayo mag-alala babalik po kami sa susunod na linggo dahil madami pa po akong ikwekwento sa inyo" saad ni Carmela, kailangan na nilang umalis ng kaniyang asawa dahil may night shift duty pa ito mamayang gabi sa hospital sa Maynila.

Dahan-dahan namang napatingin sa kaniya ang matanda saka ngumiti ito ng marahan. Ang pagngiti niya ay para bang namamaalam na. Hindi naman mapigilan ni Raenvien na punasan ang kaniyang mga luha dahil ipinagtapat na sa kanila ni Juanito kanina na kaunting oras at araw na lang ang nalalabi kay lola Aleng dahil mahinang-mahina na ang tibok ng puso nito.

Naglakad na papalabas ng pinto si Carmela at Juanito at sa huling pagkakataon bago nila isara ang pinto napalingon sa kaniya si Carmela. Isang lingon na alam ni Aleng na iyon na ang huli nilang pagkikita.

"La, magpahinga na po kayo" saad ni Raenvien saka inalalayan ang kaniyang lola na tumayo sa silya ngunit napailing ito. "La, kailangan niyo na pong----" hindi na natapos pa ni Raenvien ang kaniyang sasabihin nang mabasa niya ang nakasulat sa sobre. Napatingin ulit siya sa kaniyang lola na ngayon ay unti-unti nang bumabagsak ang luha sa mga mata nito.

We would like to inform you that Reverent Francis Nathan Abrantes passed away this morning at 7:54 am here in Madrid, Spain. This information was addressed to the local and international churches he once served during his youthful years. A mass prayer for him should be held and our prayers may guide his journey to the Almighty God.

Nabitiwan niya ang sulat na dahan-dahang bumagsak sa lupa. Sa pagkatataong iyon, tuluyan nang bumuhos ang mga luhang pilit itinago ni Aleeza sa loob ng halos ilang dekada. Mga sakit, paghihirap, panghihinayang at pangungulila sa sinapit ng pag-iibig nila na ilang siglo na nilang pinaglaban ngunit hanggang sa huli ay hindi pa rin sila nagkatuluyan.

Agad siyang niyakap ng apo niyang si Raenvien na ngayon ay umiiyak na rin dahil hindi niya kayang makita ang matinding paghihinagpis ng kaniyang pinakamamahal na lola. Nabalot ng mga luha at pagtangis ang buong kwarto ni Aleeza na magpa-hanggang ngayon ay sariwa pa rin sa kaniya ang lahat ng saya, lungkot at pagdadalamhati na sinapit nila sa kabila nang paghahangad lamang na magkatagpo ang dalawang linya ng kanilang kapalaran.

Tila namanhid ang buong katawan ni Aleeza at hindi na rin ngayon maawat ang pagkawala ng mga luha sa kaniyang mga mata habang nagsusumamo siya at paulit-ulit na naghihinagpis at kumakawala sa yakap ng apo. Hindi niya matanggap na sa mga oras na ito, binawian na ng buhay ang taong tanging nilalaman ng puso niya.

Bagama't hindi man niya ito kapiling, masaya at kontento na siya sa mga impormasyong sinasabi sa kaniya ng kapatid niyang si Alex na nasa Espanya rin. Sa nagdaang ilang dekadang lumipas, palaging ibinabalita ni Alex sa kaniya ang kalagayan ni Nathan doon sa Espanya na kung saan aktibo itong naglilingkod sa simbahan at sa mga programa at pagkakawang-gawa na pinapangunahan ng mga charity sa simbahan.

Masaya na siya na malaman na maayos na nabubuhay si Nathan sa ibang bansa habang unti-unti nitong tinutupad ang pangako niya sa kaniyang ina at tinatanggap ang kaniyang kapalaran. Kahit pa hindi niya nakakausap si Nathan, masaya na siya na malamang buhay ito at patuloy na nagsusumikap na mabuhay kahit nasa malayo.

Ngunit ngayon ang lahat ng iyon ay tuluyan nang nagwakas dahil wala na ang lalaking ilang siglo niyang minahal ng paulit-ulit. Wala na ang lalaking sa piling niya ay naramdaman niya ang totoong kahulugan ng pag-ibig. Wala na ang lalaking siyang nagmamay-ari ng puso niya ilang taon, dekada at siglo man ang dumaan. Wala na ang lalaking tanging hahanap-hanapin niya upang muling marinig ang mga salitang nagpapagaan sa kalooban niya. At higit sa lahat wala na ang lalaking nagsakripisyo para sa kaniya at para sa kanila huwag lang maulit ang mapait na kapalaran nilang dalawa.

Alas sais na ng hapon, sandaling nagpaalam si Raenvien na kukuha lang ng tubig sa kusina upang mahimasmasan ang kaniyang lola na nabigla sa balitang nakarating sa kanila. Pilit mang pinipigil ni Aleeza ang kaniyang pagluha ngunit kahit anong gawin niya ay hindi na ito maawat pa. Dahan-dahan na lang siyang napasandal sa kaniyang silya, nanginginig man ang kaniyang kamay pilit niyang hinimas-himas ang kaniyang puso na ngayon ay durog na durog na.

Muli niyang pinagmasdan ang tanawin sa labas kung saan tuluyan nang nakalubog ang araw habang ang ulan ay patuloy pa ring bumubuhos mula sa kalangitan. Sa huling pagkakataon, bago niya ipikit ang kaniyang mga mata, bago tumigil ang pagtibok ng puso niya at bago siya malagutan ng hininga. Iisang tao pa rin ang kahuli-hulihang laman ng isipan niya...

Nararamdaman ko na ito na ang huling buhay nating dalawa. Alam ko na hindi na tayo muling magkikta pa, maging sa susunod na buhay ayoko nang umasa pa. Masaya na akong malaman na kahit ilang siglo man ang dumaan, na kahit ilang ulit maulit ang ating nakaraan, pag-ibig mo at pag-ibig ko lang ang tangi nating inaasam.

Tama nga sila, sa umpisa pa lang hindi na dapat natin hinangad na muling magkadugtong ang ating kapalaran. Ngunit hindi ko naman masisisi ang sarili kung hanggang ngayon patuloy akong umaasa na baka nga sa buhay na ito matapos ng masaya ang kwento nating dalawa.

Ngunit hindi lahat ng istorya ay nagwawakas sa kagustuhan natin. May mga bagay na kahit anong pilit natin hinding-hindi ito mapapasaatin. Gayunpaman, kahit hindi tayo ang para sa isa't-isa masaya na ako na kahit minsan naranasan ko ang ibigin ka. Na kahit hindi kita nakasama at makakasama habambuhay sapat na sa akin na naranasan ko ang pag-ibig mo.

Naiintindihan ko na kung bakit hindi lahat ng tao nagkakatuluyan sa ikalawa, ikatlo o ikaapat mang pagkakataon... Dahil hindi talaga sila ang para sa isa't-isa. Iyon ang katotohonan, isang katotohanan na mahirap at masakit mang tanggapin wala tayong magagawa dahil ito ang realidad ng buhay.

Hindi lahat ng minahal mo ng totoo ay siyang makakasama mo habang buhay. Hindi lahat ng inakala mo siya na ay siyang makakasama mong maglakad sa altar at siyang makakasama mong tumanda.

Ngayon ay malinaw na sa akin na kahit ilang beses maulit ang kwento nating dalawa. Na kahit ilang beses maisulat ang mga salita sa bawat pahina at sa kahit ilang dekada o siglo man ang lumipas ang dalawang linya ng asimptota ay kailanman ay hindi maaaring magdugtong sa isa't-isa.

Sabi nga nila, hindi ka makakausad sa paglalakad kung hindi mo bibitawan ang mga bagay na patuloy na pumipigil sayo. Hindi mo matatapos ang librong binabasa mo hangga't hindi mo inililipat ang pahina nito. Hindi mo makakalimutan ang lahat ng sakit kung patuloy kang aasa na baka sa ikalawang pagkakataon ay maging masaya na.

Nauunuwaan ko na, na ang tanging paraan upang matapos ang paulit-ulit na pangyayaring ito sa buhay natin ay ang matuto ako at ikaw na tanggapin ang kapalaran natin na kahit anong gawin natin, kahit ilang buhay pa ang dumaan hinding-hindi talaga tayo ang para sa isa't-isa.

Ngayon ay makakaasa ka na sa pagkakataong ito, sa buhay na ito handa na akong tanggapin ang lahat. Hindi ko na panghahawakan pa ang alaala ng ating nakaraan at hindi na ako magbabakasakali pa na baka sa susunod na buhay ay pwede na.

Nais kong malaman mo na sapat na sa akin na mahal mo ako at mahal din kita kahit pa hindi tayo ang nakatadhana para sa isa't-isa. Nagpapasalamat ako dahil sa ilang buhay na nagdaan kahit pinaglapit man tayo ngunit hindi itinadhana sinubukan pa rin nating lumaban kahit sa umpisa pa lang ay imposible nang makamit natin ang kaligayahan.

Nais kong wakasan na ang paulit-ulit na sakit na nararanasan nating dalawa. At sa pagkakataong ito, kung muli tayong mabubuhay sa susunod na panahon at sa ibang katauhan, hinihiling ko na sa oras na magkasalubong muli ang kapalaran nating dalawa... Ipagpatuloy mo lang ang paglalakad, huwag kang lilingon sa akin, huwag mo akong kakausapin at huwag mo na akong hintayin.

Dito ko na tatapusin ang lahat upang mahanap natin ang kapayapaan at kaligayahan sa mga puso natin kailangan nating tanggapin na ang pag-iibigan natin ay parang asimptota. Pilit mang paglapitin ang mga linya... Sa huli hindi pa rin ito magdudugtong upang maging isa. Maraming Salamat sa lahat at paalam na aking sinta...

Sa pagpatak ng huling luha mula sa kaniyang mga mata na tumuloy hanggang sa kaniyang labi na ngayon ay nakangiti habang unti-unting bumagsak ang kaniyang katawan at tuluyan na siyang binawian ng buhay.

Kasabay ng pagdating ng dapithapon ng kaniyang buhay, sa gitna ng malakas na ulan habang umiihip ang malamig na hangin, naroon ang isang babae na buong pusong tinanggap ang katotohanan na ang kaligayahan at kapayapaan ay hindi lang matatagpuan sa oras na makapiling mo ang taong minamahal mo kundi ang totoong pagkakaroroon ng kapayapaan at kaligayahan sa puso ay ang maging masaya at kontento ka na kahit papaano ay nakapiling mo ang taong tinitibok ng puso mo kahit pa ito ay sa sandaling panahon lamang.


***********************
Featured song:
'Pinilit kong limutin ka' by Nina

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top