Ang Huling Asimptota
Makulimlim ang kalangitan. Pumapatak nang marahan ang ulan. Matataas ang puno sa kahabaan ng Fernandez street sa UP Diliman.
May isang babaeng nakasuot ng puting bestida at pastel pink na sling bag. Hawak niya sa kanang kamay ang itim na payong upang hindi siya mabasa ng ulan.
Akap niya sa kaliwang kamay ang dalawang manipis na libro na may kinalaman sa kaniyang kurso bilang Political Science student.
Mabagal siyang naglalakad at sinulyapan sandali ang suot na relo. Alas-diyes pa lang ng umaga ngunit tila malapit nang dumilim dahil sa kapal ng ulap sa langit.
Napatigil siya sandali sa paglalakad saka pinagmasdan ang naglalakihang puno at ang mabagal na pagbagsak ng ulan. Hindi niya batid kung bakit siya nakakaramdam ng magkahalong saya at lungkot sa tuwing umuulan.
Makalipas ang ilang sandali ay nagpatuloy muli siya sa paglalakad. Naroon pa rin ang matinding hangarin na malaman kung bakit sumisikip ang kaniyang dibdib kasabay ng bawat patak ng ulan.
Nakasalubong niya sa daan ang isang matangkad na lalaki na nakasuot ng itim na coat, asul na necktie, itim na pantalon at sapatos. May hawak din itong itim na payong bilang panangga sa ulan.
Nang magtama ang kanilang mga mata, pareho nilang naramdaman ang pamilyar na kasiyahan at kalungkutan na kanilang nararamdaman sa tuwing bumubuhos ang ulan.
Animo'y bumabagsak ang mga alaala ng nakaraan na pilit humihiling ng isa pang pagkakataon. Nagbabakasakali na sa susunod ay muli na silang pagbigyan ng tadhana.
Nagtapat ang kanilang mga balikat nang magkasalubong sila sa daan. Tila bumagal ang oras at tumigil ang takbo ng paligid.
Ngunit naunang nagpatuloy sa paglalakad ang lalaki. Napatigil ang babae saka nilingon ang lalaking nakasalubong, pinagmasdan niya ang pamilyar na likuran nito at napahawak siya sa tapat ng kaniyang puso sa hindi malamang dahilan nang pagtibok nang mabilis bito.
Napahinga na lang nang malalim ang babae saka nagpatuloy na sa paglalakad. Napailing na lang siya sa sarili, iniisip niya na nahihibang lang siya at nananaginip na naman nang gising. Itinuon na lang niya ang isipan sa report na gagawin nilang magkakaklase ngayong araw ng Sabado.
Bumagal ang paglalakad ng lalaki at dahan-dahang lumingon sa babaeng nakasalubong. Naroon ang alaalang pipiliin niyang hindi mabura sa kaniyang isipan kailanman. Na ang mga panaginip at pamilyar na pakiramdam na iyon ay kaniyang sasariwain at papasalamatan hanggang sa kaniyang huling hininga.
Sapat na sa kaniya na muli niyang nakita sa buhay na ito ang babaeng matagal na niyang sinubukang ipaglaban. Napatingala na lang siya sa makulimlim na kalangitan.
Sa susunod na Linggo ay magtatrabaho na siya sa ibang bansa. Wala rin naman siyang balak guluhin ang buhay ng babaeng sinundan niya sa Unibersidad na ito.
Buong puso na niyang tinanggap sa sarili na ang kapalaran nilang dalawa ay tulad ng Asimptota na hindi maaaring magtagpo kailanman.
Nagpatuloy na sa paglalakad ang lalaki. Hindi na ito muling lumingon. Maging ang babae ay patuloy ang hakbang papapunta sa kabilang direksyon. Ni isa sa kanila ay wala nang lumingon upang balikan ang alaala ng nakaraan.
(Wakas)
********************
Pakinggan niyo ang Original Soundtrack na ito na handog nina Elli at Stephanie para sa OALS.
[Dapat mayroong isang GIF o video dito. I-update na ang app ngayon upang makita ito.]
Ang istoryang ito ay pawang kathang-isip lamang. Ang mga pangalan, tauhan, lugar at pangyayari ay bahagi lamang ng imahinasyon ng may akda. Ang ilan sa mga makasaysayang lugar ay nabanggit din sa istoryang ito upang magbalik tanaw sa mga pook na naging bahagi na ng ating kasaysayan. Muli, ang ilan sa mga kaganapan, pangyayari at trahedya sa kwentong ito ay walang kinalaman at walang katotohanan, hindi ito nasusulat sa kasaysayan ng Pilipinas. Maraming Salamat!
This is a work of fiction. Names, characters, businesses, places, events and incidents are either the products of the author's imagination or used in a fictitious manner. Any resemblance to actual persons, living or dead, or actual events is purely coincidental.
Plagiarism is a crime punishable by Law.
© All Rights Reserved 2017
Narito ang complete collection ng "Our Asymptotic Love Story" na hinati sa tatlong parts. Published under Bookware Publishing Corp.
For more updates, Follow us on Instagram:
@ bookwarepublishing
@ binibining_mia
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top