[7] Paalam Aking Kaibigan: Contest Entry (TAGALOG)

SEPTEMBER 2023 Write-a-Thon Challenge
Participation Award
Ambassadorsph
Theme: When September Ends

***

"Setyembre 30," bulong ng binatang si Leonard habang nakatingin sa kalendaryong nakasabit sa magarang pader ng kanilang tahanan.

Bagama't binabalot ng takot ay pinipili parin nito'ng maging positibo sa pagbabalik ng kaniyang ama na inaasahan ng lahat na makakahanap ng solusyon upang pigilan ang pagwawakas ng mundo.

Dahan-dahan nitong hinarap ang bintana kung saan makikita ang kaguluhang siyang humihigop ng kanyang pag-asang bumalik ang lahat sa dati.

"Leonard," sambit ng isang lalaking katiwala na ngayo'y nakatayo sa pintuan ng kanyang silid. "Handa na ang lahat sa inyong pag-alis sakaling hindi umabot ang iyong amang presidente."

Hindi umimik ang binata. Bahagya lang nitong itinaas ang kanyang ulo bago hinarap ang kaibigan.

Sumilay ang matamis na ngiti sa mga labi nito; mga ngiting sana'y kanyang makikita sa bawat taong nakapaligid sa kanya kung hindi lang naging uhaw sa kapangyarihan ang mga opisyales ng kanyang ama.

"Alex, naaalala mo pa ba iyong sinabi ng inay bago ito sumakabilang-buhay?"

Bagama't nalilito ay tumango parin ang kaibigan.

"Marahil ay alam na ng iyong ina na darating ang araw na ito."

Hindi lingid sa kaalaman nito ang kaguluhang hindi malabong siyang tatapos sa lahat bago paman sumabog ang mga bulkan sa loob ng natitirang tatlong oras.

"Ikaw ba, Alex, sakaling sa mismong oras na ito magtatapos ang lahat, may pagsisisihan ka ba na hindi mo nagawa na dapat ay ginawa mo?"

Biglaan ang tanong nito't pansamantalang natigilan ang kaibigan bago ito nakapagsalita.

"Lumaki ako ng walang mga magulang at tanging kayo lang ang kumupkop at ang nagparamdam sa akin ng pagmamahal. Kaya kung sasagutin ko iyang tanong mo ay wala akong pinagsisisihan dahil sobrang saya ko't naging parte ako ng inyong pamilya at napaglingkuran ko kayo hanggang sa mga huling natitirang oras."

Natahimik ang binata't kinagat na lamang ang labi para pigilan ang sariling hindi mapaluha.

"Napakabuti mong tao, Alex. Kung sino man ang dapat makaligtas sa delubyong ito ay dapat iyong mga taong katulad mo. Simula pagkabata ay wala na akong nagawang tama."

Gumapang palabas sa mga mata nito ang mainit na luhang kanina pa nagpapalabo ng kanyang mga mata.

Sapo-sapo pa nito ang dibdib na naninikip sa magkahalong takot, lungkot, at panghihinayang.

Lumingon ito sa kanan kung saan nakahiga ang kasintahang dalawang buwan nang nahihimlay. Tanging apparatus na lamang na nakakabit sa katawan nito ang tanging bumubuhay dito.

Napakainosente ng mukha nito't sa kabila ng mga galos na natamo sa mukha mula sa car accident ay lumilitaw parin ang kagandahan nitong taglay.

"Kailangan ka ni Elena, Leonard. At nangako ka sa kanyang kahit ano'ng mangyari ay magkakasama kayong muli."

Hindi nito lubusang maisip na sa mga sandaling iyon niya na lamang ito makakasama. Bilang isang hamak na tagapaglingkod ay hindi ito maaaring makapasok sa safe place na kung tawagin nila.

Napalingon ang dalawa sa pintuan nang pumasok ang isang ginang. Bakas sa mukha nito ang pagkadismaya.

"Lubos ko pong ikinalulungkot na sabihin na ang iyong amang presidente ay nabigong mabigyang solusyon ang darating na sakuna, ginoo," mahina nitong sabi sabay ng pagpasok ng tatlong mga lalaking naka suot ng itim na suit upang dalhin ang binibini sa safe place.

Pasimpleng kinapkap ng binata ang bulsa kung saan naroroon ang badge na makakapagpasok sa kanya sa safe place. Piling mga tao lang ang makakapasok sa lugar na iyon kaya naman isang badge lang sa isang tao ang maaari.

"Alex, maaari ka bang sumama sa labas?"

Tumango ito at sumunod sa kanya palabas.

Marahang nilapitan ang binata ang kasintahan saka ito maingat na niyapos.

"Iniibig kita ng lubos, aking Elena, ngunit sana'y maintindihan mo ang aking gagawin."

Bulong nito sa tainga ng dalaga at pasikretong pinahiran ang luhang muling kumawala mula sa kanyang mga mata bago ito kumalas pagkatapos ay inutusan ang kaibigang tumulong upang maipasok si Elena sa van.

Nauna ito sa loob kaya nagkaroon ng panahon ang binata upang iabot ang kanyang badge sa ginang kanina.

Wala itong nagawa kundi ang sundin ang gusto ng binata't inutusan ang isa sa mga tatlong lalaking isara ang pintuan ng van para sila na'y makaalis.

Maririnig ang sigaw ni Alex mula sa loob kaya minabuti nalang ni Leonard ang tumalikod.

"Ginoo."

Lumingon ito upang hanapin ang tumawag sa kanya at laking gulat niya nang makita ang mga tagapaglingkod nilang maiiwan lamang upang masawi.

Nakitingin ang mga ito sa kanya na may labis na pagkagulat kung bakit ang malupit na anak ng presidente ay nagpaiwan para iligtas ang kaibigan.

"Sa kabila ng lahat, busilak parin ang iyong kalooban. Hindi nagkamali ang iyong ina sa pagpapalaki sayo."

Hindi napigilan ng binatang yapusin ang ginang na sa pagkakakaalala niya ay ang tagapaglingkod na matalik na kaibigan ng kanyang ina.

"Lagi mong piliin ang magpakabuti, Leonard. Isipin mo ang kapakanan ng iba bago ang iyong sarili. Sa paraang iyon ay wala kang pagsisisihan."

"Mabuhay ka, Alex."

* * *

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top