[13] KUNWARI
APRIL WRITE-A-THON CHALLENGE
Participation Award
***

Apat na taon na ang nakakaraan simula nang makilala ako ni Kento Nakamura sa Instagram dahil sa kakulitan kong taglay bilang isa niyang tiga-hanga.
Isa lang naman siyang artista sa Japan habang ako, isang hamak na patatas lamang, kaya nga hindi ko talaga lubusang maisip kung bakit niya ako minahal.
Tatlong beses sa isang taon akong binibisita ni Kento sa Pilipinas noon, subalit walang ibang dapat makaalam no'n maliban sa akin at sa pamilya ko, iyon ay upang protektahan ang imahe niya bilang artista.
Mukha ata akong naninira ng kinabukasan at kinailangan pa talaga nila akong papermahin ng kotratra kapalit ng aking pananahimik. Sa madaling sabi, kung ano man ang meron sa amin ni Kento ay mananatili lang talagang sikreto.
Sobrang magkaiba kami ng mundo, pero kahit gano'n ay nagawa parin naming maitawid ang aming relasyon. Kahit ga'no pa nga siya ka-busy sa set nila't kahit gaano pa siya kapagod ay lagi siyang nakakapaglaan ng oras sa akin bago siya magpahinga. Kaya naniniwala talaga ako sa kasabihang wala'ng taong busy kung ikaw ang priority.
Nanatiling gano'n ang relasyon namin hanggang sa magkaroon siya ng bagong pelikula't na-link sa isang aktres dahil sa kanilang tambalan. Alam ko namang aabot ang career niya ro'n kasi isa talagang pambihirang aktor si Kento. Sobrang gwapo niya pa: singkit, maputi, matangkad, talentado—nasa kanya na ata lahat.
Alam at suportado ko rin ang sistema ng kanyang trabaho. Paano pa't naging tagahanga niya ako simula't sapol, hindi ba? Kaso nakalimutan ko atang alamin na kailangan ko rin palang nguyain at lunokin lahat ng selos ko.
Normal lang naman na may comments na I love you sa photos niya kahit lahat pa 'yon nirereplyan niya rin ng I love you, too. Ang masakit lang talaga ay kapag ako na ang nag-comment ng gano'n, magrereply lang siya sa chat tapos mawawala na 'yong comment ko, binura na pala ng manager niya.
Alam ng pamilya ko 'yon kaya lagi nila akong tinatanong kung ayos lang daw ba sa akin ang gano'ng set-up.
Syempre, kunwari oo.
Kunwari 'di ako apektado.
Kunwari naiintindihan ko.
Kunwari masaya kami ni Kento.
Totoo rin naman 'yon hanggang sa lumabas na sa sinehan ang kanilang pelikula't dinumog ng napakaraming tao.
Ando'n ako mismo pati na rin sa interviews nila ng leading lady niya. Nasa front row pa nga ako lagi, dala-dala ang banner nilang dalawa. Gano'n ako ka supportive sa kanya pero walang ibang kapalit 'yon kung hindi ang unti-unti kong panliliit sa sarili ko.
Hanggang kailan ba ako mananatiling sikreto? Hanggang kailan ko ba titiisin ang selos at sakit na nararamdaman ko? Hindi naman ako pwedeng magreklamo kasi pinili ko naman 'to.
Limang buwan na ang nakakalipas simula no'ng sumikat ang pelikula nina Kento at Sakura kaya nagkaroon muli sila ng panibagong proyekto'ng magkasama. Dahil do'n, halos hindi na kami nagkakausap ni Kento kahit sa chat man lang. Syempre, dapat ko ulit intindihin 'yon kasi wala rin naman akong magagawa.
Sa Kyoto ang setting ng pelikula kaya ando'n lagi ang team nila, habang ako, lagi lang na naiiwang mag-isa sa apartment kaya bago pa ako maulol, naisipan kong maghanap ng trabaho at 'yon ay ang pagiging food deliverer.
Hindi naman sa wala akong pera, marami ako no'n. Hindi man halata pero isa na akong licensed pharmacist. Kailangan ko lang talaga ng diversion para makalimutan ko 'yong lungkot.
"Sakura Yamamoto, Room 365," pagbasa ko sa impormasyon ng customer na pagdedeliveran ko ng pagkain at napangiti nalang. Swerte ko rin naman at makikita ko pa ang leading lady ng kasintahan ko.
Nakatayo na ako sa harapan ng kwarto ng hotel kung saan naka check in si Sakura saka pinindot ang door bell. Habang nag-aantay na pagbuksan niya'y bigla akong napaisip, "hindi ba siya sumama sa Kyoto?"
Biglang nagbukas 'yong pintuan na siyang naging agarang sagot sa tanong ko'ng 'yon.
Nanigas buo kong katawan nang bumungad sa akin si Kento na walang ibang saplot kung hindi ang tuwalyang nakatapis lang sa kanyang baywang. Basa rin ang buhok niya't parang kakatapos lang maligo.
Parehas kaming hindi nakapagsalita at nanatiling magkatitigan sa loob ng ilang segundo hanggang sa lumitaw si Sakura sa tabi nito't nakasuot lang ng manipis na bathrobe.
Sobrang saya niya't makakakain na raw silang dalawa ng kanyang nobyo. Maslalo akong nanigas sa narinig kong 'yon. Wala akong ibang nagawa kung hindi ang tignan siyang kunin ang mga bitbit kong pagkain. Namukhaan niya pa talaga ako. Ako raw kasi 'yong fan nila na laging may dala'ng banner sa lahat ng kanilang inteviews.
"Since you are our avid fan, I'll tell you a secret as a present. Kento and I are actually already dating for ten months, but you can't tell anyone, okay?"
Sa mga oras na 'yon, parang gusto ko nalang maglaho. Binigyan niya pa talaga ko ng autograph saka pinilit si Kento na pumerma rin. Kitang-kita ko kung paano nanginig ang mga kamay nito habang nagsusulat sa mismong harapan ko.
"Patawarin mo ako," pagbasa ni Sakura sa isinulat ni Kento saka ito nilingon. "What's that?"
Hindi ito sumagot at hindi ko narin hinintay ang magiging sagot niya't sinikwat 'yong papel saka mabilisang naglakad papaalis.
Umasa akong hahabulin niya ako para ipaliwanag man lang ang sarili niya pero wala.
Kasabay ng pag-apak ko sa labas ng hotel ang pagtulo ng mga luhang ilang taon ko nang pinipigilan. Nanatili lang akong nakatayo ro'n habang pilit na pinoproseso 'yong nalaman, narinig, at nakita ko mismo.
Sampung buwan na niya pala akong niloloko, wala man lang akong kaalam-alam. Saan ba ako nagkulang? Dapat bang nilakihan ko pa ang font sa banners na dinadala ko? Dapat bang maging artista rin ako?
Bakit hindi ko man lang naisip na posible palang mangyari sa'min 'to, eh, hindi man nga lang alam ng mga taong may ako na pala sa buhay ni Kento. Kahit lumantad man ako, ako parin ang magsisilbing kontrabida sa pag-iibigan nilang dalawa.
Sobrang nadudurog ang puso ko't 'di ko alam kung saan ko sisimulang pulutin ang mga piraso nito para muli itong mabuo... o kung mabubuo pa ba kaya ako? Kahit ano pa'ng pagkukunwari ang gawin ko, alam ko'ng hindi ko na kakayaning tanggapin 'to.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top