One 100 Dates
TCWDM : For Rayne.
-----
"Nasa'n ka na naman? Hindi ka ba uuwi ngayon? May memorial service mamaya para kay Lex. Sa'kin nagtatanong 'yung crew mo kung darating ka raw ba."
Tumanaw si Rayne sa labas ng sinasakyang taxi bago sumagot sa Ate Dindin niya na kausap sa cellphone, "Memorial?" Then, she remembered the actual date for the day. Nakakalituhan niya kasi. "Ah... November na pala uli."
It was November 11, 2017. Saturday. 4:57 in the afternoon. Babahagya na lang ang init ng panghapong araw. Namamaybay ang taxi sa tagiliran ng Mall of Asia, nakapila sa ilan pang sasakyan na iikot papunta sa seaside. Naaantala ng mga taong namamasyal.
Alam ni Rayne na hihinto ang sasakyan sa tagiliran ng malaking ferris wheel sa Mall of Asia eksaktong 5:02 ng hapon. At pagbaba niya mula sa loob niyon, pagkabayad niya ng pamasahe sa driver na hindi niya pa rin sinusulyapan ang mukha sa loob ng siyamnapu't siyam na hapon nang pagpapabalik-balik, paglapat ng malapad na takong ng boots niya sa magaspang na kalsada sa seaside, babalik siya sa ibang panahon.
"Oo. Birthday mo ngayon, nakalimutan mo? Saka, death anniversary ni Lex," dagdag ng ate niya. "Mag-text ka sa crew mo o kahit kay Jen para hindi ako ang kinukulit."
"Sige."
Pinutol ni Rayne ang tawag kahit na nagpahabol ng tanong ang kapatid niya. She barely heard her sister asked her again: "Nasa'n ka ba talaga?"
5:02 PM. Nagbayad siya ng pamasahe, binuksan ang pinto ng kahihinto lang na sasakyan at ibinaba ang malapad na takong ng boots na suot niya sa magaspang na konkreto sa seaside. Huminto ang paggalaw ng lahat ng bagay sa paligid niya. Nang tuluyang makalabas at maitulak pasara ang pinto ng taxi, bumalik sa paggalaw ang mga bagay.
Nagkaroon uli ng pila sa tapat ng ferris wheel ng MOA. Nabangga uli siya ng tatlong batang lalaking naghahabulan. Lumipad uli ang lobo na hawak ng isang batang babae na malapit sa kanya. May umiyak sa 'di kalayuan. May malakas na tumatawa. May naghaharutan. May nagkukuwentuhan, nagliligawan, nag-aaway, at nakatambay na mga pangkat sa gilid ng mga mata niya. Kabisado niya na lahat ng puwesto ng lahat ng bagay at lahat ng tao.
Sa pila, may lalaking kumakaway sa kanya. Nakangiti habang may sukbit na backpack. Nagmumuwestra na lumapit na siya.
"Rayne!" tawag nito.
Nanginig ang kamay niya sa ngiti ng lalaking iyon. Napabuntonghininga siya.
Sa isip niya, sinagot niya ang huling tanong ng ate niya.
Nasaan siya? Nasa nagdaang taon. Nasa November 11, 2016 kasama si Lex.
***
Rayne could go back to that one day in the past. Hindi niya alam kung bakit pero alam niya kung paano. Sa loob ng string bag na bitbit niya, may isang botelya ng maliliit na puting bato. Natanggap niya iyon bilang regalo nang nakaraang taon, matapos siyang magkasakit nang mawala si Lex. Maikli ang sulat na kasama.
Kapag inihulog niya ang isa sa mga puting bato sa loob ng taxi na sinasakyan niya, maihahatid siya sa nakaraan.
There were exactly 100 white pebbles. She was using her last today.
"Late ka na naman," puna ni Lex nang makalapit siya rito.
"Sorry na. Sabi ko naman sa'yo traffic. Nag-taxi na nga ako para sa'yo kahit nagtitipid ako. Refund mo 'yun, ha?" sabi niya rito.
Hindi traffic ng araw na 'yun. Masyado lang siyang maraming ginawa sa opisina nila kaya na-late siya ng alis kahit na nag-half day siya. Pero hindi niya kailangang sabihin 'yun sa lalaki. Sa tatlong taon nang pagiging magkaibigan at magkatrabaho nila sa production house, alam na niya. Lex would forgive her like always–for being late, for late birthday greetings, for missed deadlines, for ruined production tapes, for scene retakes, for coffee-spilled scripts, for forgotten dates.
"Oo. Doblehin ko pa. Isisi na lang uli natin sa traffic, Rayne." Lumapad ang ngiti ni Lex at hinagod siya ng tingin. "Maganda naman ang nakikita ko, eh. Nag-dress ka para sa'kin? Effort."
Hinagod niya ng palad ang suot na gray na bestida. Hanggang tuhod iyon at bahagyang hakab sa katawan. "Ang kapal mo. Kapag nag-dress ako, para sa'yo na agad? Hindi pwedeng para sa'kin? Nag-dress ako para sa'kin kasi birthday ko."
"Ang daming sinabi, oh. Sige, mag-a-adjust ako para sa'yo. Uulitin ko sinabi ko"–tumikhim ito–"Nag-dress ka para sa'yo, Rayne? Nice. Effort. Ang ganda."
"Ganda ko? Oo naman. Hindi ka pa ba sanay?"
Mahinang tumawa si Lex. Tumitig naman siya.
This isn't what she wanted. Gusto niyang hawakan ito sa kamay o yakapin pero hindi niya magagawa. Siyamnapu't siyam na beses na siyang bumalik sa hapong iyon, sa araw na iyon, kaya alam niyang hindi niya mababago ang ikikilos niya. She could only look at him and smile for him. Pwede lang siyang magbago ng maliliit na muwestra para ipalit sa kung ano ang eksaktong ginawa niya noong November 11 nang nakaraang taon. Pero hindi niya mababago nang tuluyan ang lahat ng kilos niya. Kahit ang mga gusto niyang sabihin, mananatiling nakabara sa lalamunan niya. At ang luha niya, nakaamba sa mga mata niya.
"Ga'no ka katagal sa France?" tanong ni Rayne kahit hindi iyon ang nasa isip niya. She knew that he wouldn't be able to land in France. Sasakay si Lex sa 9:00 PM flight sa Ninoy Aquino International Airport at bago matapos ang November 11 ay mawawala ang eroplano nito sa radar. Hindi na ito makababalik kahit iyakan niya.
"Sabi, six months to one year. Depende sa projects do'n. Bakit? Mami-miss mo 'ko?" he asked. Sinuklay nito ng daliri ang sariling buhok.
"Nami-miss na kita ngayon pa lang," nagawa niyang sabihin. That's why I'm here. " 'Wag mong masyadong galingan para hindi ka alilain do'n."
Umabante ang pila sa ferris wheel. Nagpapasakay na. Nadikit siya nang kaunti sa tagiliran ng binata. Naamoy niya ang pabango nito.
She was crying inside. Kaunti na lang ang oras nila.
"Natural akong magaling, eh. Pa'no 'yun?" biro nito.
"I know. Mana ka kasi sa'kin."
Bumaling ito sa kanya at nagtagal ang mata sa mukha niya. "Punta ka ka'gad do'n kapag tapos na 'yung mga projects mo rito."
Gusto niyang tumango.
He cleared his throat. "We work better together, 'di ba? Kasi kaya kong i-tolerate 'yung pagka-OC mo. Pagandahin natin mga music videos sa France."
"Gusto ko rin 'yan. Pagkatapos lang ng mga projects dito. Alam mo naman, gusto akong alila ni Boss Mart," sagot niya rito.
Sumakay si Lex sa isang cart ng ferris wheel. Pagkatapos, inilahad nito ang palad sa kanya para alalayan siya. Inabot niya.
Binitawan siya nito agad nang makaupo siya sa loob ng cart, kahit pa ayaw niya sana. Magkaharap sila.
Gumalaw ang cart nila pataas para malamnan ang kasunod.
" 'Yung birthday gift ko, dala mo?" tanong niya rito.
"Mamaya pagdating sa tuktok," sabi ni Lex.
"Okay. Ano'ng oras mo kailangang umalis? Nine ang flight mo, 'di ba?"
"Ikaw ba? May lakad ka pa after nito?"
"Dinner kasama family. Alam mo na."
"Ah. Ikaw naman pala ang busy, eh," sabi nito. Tumitig uli sa kanya.
"Bakit? Makatitig ka, ha?"
Ngumiti ito bago magkuwento tungkol sa naganap na farewell party nang nagdaang gabi. Nakinig siya. Nagkokomento paminsan-minsan. At tumitig.
Patuloy na umikot ang ferris wheel.
Pagdating sa tuktok, iniabot ni Lex ang isang pahabang kahon kay Rayne. Galaxy ang wrapper. May violet na ribbon.
"Happy birthday, Rayne Mariano," sabi nito sa kanya. " 'Wag kang mag-expect nang sobra sa regalo ko."
Kinuha niya ang kahon at itinabi sa tagiliran niya. Binuksan niya ang bag at kinuha sa loob ang isang mabigat na kahon. Royal blue ang balot. May blue ring ribbon. "Happy birthday, Alexander Torres. Mag-expect ka sa gift ko para hard kapag na-disappoint ka."
Mahina lang uling tumawa si Lex nang abutin ang kahon. "Nakaka-expect nga, ah. Mabigat."
"May hollow blocks sa loob niyan. Saka semento. Yung Lafarge para matibay."
Bumuntonghininga si Lex. Gumaya siya. Napatingin ito sa kanya na parang may sasabihin pero nanatiling tahimik. Pati paglunok nito, nabantayan niya.
What do you want to tell me?
Bumuka ang labi nito, nahinto, bago matipid na ngumiti. Nakatitig sa kanya.
"Ang ganda... ng sunset sa likod mo," sabi nito. Kinuha nito ang cellphone at itinutok sa kanya. Narinig niya ang click nang pumindot. Hindi siya tuminag.
She wanted to tell him that the sunset was beautiful in his face, too. Lumalagos sa loob ng cart ang mapupulang sinag ng araw at nagbibigay ng anino at kulay sa mukha nito. It was the same from that day. Napansin niya uli na ang singkit talaga ng mata nito sa pagngiti. Na bagay sa kulay gintong liwanag ang kapal ng kilay nito at ang anggulo ng panga. Na mami-miss niya sigurado ang ngiti na parang laging naglalaro sa labi nito kapag magkasama sila. Na may nakapanlalambot na pakiramdam sa dibdib niya kapag nagtagal ng ilang segundo ang mata nito sa mukha niya.
"Gustong-gusto mong kunan kita ng picture?" biro nito sa kawalan niya ng pagkilos.
" Ay, hindi ba 'ko ang kinukunan mo?" biro niya pabalik kahit masakit ang lalamunan niya at namumuo ang luha. I want to look at you more. Bakit hindi pwede?
"Hindi na ikaw. 'Yung sunset," sabi nito.
Lumingon siya sa paglubog ng araw sa likod niya at inilabas ang cellphone. Kinunan niya rin. Hindi niya tanda kung ilan pero tanda ng katawan niya.
Paglingon niya uli, nahuli niyang nakatitig si Lex sa kanya.
"Picture tayo," sabi nito na lumipat sa tabi niya. Itinaas ang cellphone. "Ready?"
Ngumiti siya sa front camera, kita ang brace. Click. Nag-peace sign. Click. Nag-duck face. Click. Tumingin nang masama. Click.
Inakbayan siya ni Lex at sabay silang ngumiti. Click.
Sabay nilang tiningnan ang mga pictures. Pagbaling niya uli sa katabi, hindi nito inaalis ang mata sa kanya.
"Naalala mo 'yung sinabi ko dati no'ng nalasing ako?"
"Aling pagkalasing in particular? Ang dami na no'n sa three years," sabi niya rito.
"No'ng isang beses na ang sama ng tama ng soju pero pinilit nating ubusin kasi sayang. Gumapang pauwi si Jen at umiyak si Phil. May sinabi ako no'ng nagpapababa ako ng tama, 'di ba?"
She remembered that night.
"Ano 'yung sinabi mo uli?"
Kinuha ni Lex ang kamay niya at tumungo roon. Pinisil.
"That I think I love you," sabi nito.
Gusto niyang tumigil ang oras para sa mga salita nito. She wanted to tell him about her feelings, too. Pero hindi niya magawa.
Hindi niya ginawa noon dahil nagduda siya. Baka nadadala lang siya ng sunset o ng mabagal na galaw ng ferris wheel. Baka nadadala lang siya ng lungkot dahil pamilyar at komportable si Lex at mawawala ito sa tabi niya. Gaya ng sabi nito, napagtitiyagaan nito ang pagka-OC niya sa maraming bagay at napagpapasensiyahan ang pagka-clumsy niya. Gaya ng alam niya, lagi nitong mapapalampas ang maraming bagay na hindi niya mabago–ang pagiging late, ang ligalig niya kapag trip niyang mangulit, ang pagiging makalilimutin... kahit ang pagngatngat niya sa kuko niya kapag kinakabahan, nag-iisip, o nafu-frustrate siya.
Sabi niya noon sa sarili niya, kapag nakaalis na si Lex at na-miss niya ito, kapag hinanap-hanap niya ito, kapag naramdaman niya 'yung parehong pakiramdam niya ngayon kapag nag-message na ito, aaminin niyang hindi lang ito kaibigan. Na hindi lang friendly 'yung nakakalma siya kapag ito ang kasama niya sa production. Na hindi lang familiarity 'yung saya niya kapag magkasama sila. Na hindi lang fondness 'yung napapasaya siya nito sa mga araw na mahirap itimpla ang mood niya.
Kaya hindi niya sinabi ang tatlong salita na nasa isip niya. Hindi siya nagpadala sa sunset at sa mabagal na galaw ng ferris wheel. Hindi siya nagpadala sa mabilis na pintig sa dibdib niya na dahil sa paghawak nito sa kamay niya. Hindi siya nagpadala sa nabubuhol na paghinga niya nang tumitig ito sa mata niya.
"I just want to tell you today... that I still think the same thing," halos bulong nito habang nakatitig. "I love you. I will miss you."
I love you, too. I do. I love you.
Pero pinid ang labi niya. Magkalapat. Nanlalamig ang palad niyang hawak nito; tulad ng sarili nitong palad.
"Kumain ka nang maayos pag-alis ko. 'Wag puro potato fries," bilin nito. Hindi niya mabawi ang palad. " 'Wag mong ubusin sa ngatngat ang kuko mo kapag nafu-frustrate ka. 'Wag mong tadtarin ang twitter mo kapag moody ka. Matulog ka kapag pwede kaysa browse ka nang browse sa social media. Kapag pwede kang magpahinga, unahin mo ang pahinga bago ang re-watch ng mga anime. Go out with friends, too. See them, kahit male-late ka. At kapag gusto mo ng taong aabalahin, i-message mo lang ako. Lagi akong sasagot kahit ikaw ang hindi magre-reply back."
Natahimik sila. Umihip ang hangin. Pababa na ang ferris wheel.
"Alam ko... baka hindi tayo parehas ng nararamdaman. Nagbakasakali lang akong sabihin uli kahit nananahimik ka na naman. Gusto ko lang uling sabihin para alam mo. I'm a friend to you... but I could be someone more, too. Kung gusto mo. Kung kailangan mo." Lumunok ito. "Okay?"
Tumango siya.
"Payakap," sabi pa nito bago siya marahang hilahin sa katawan nito. "Sandali lang."
Pumikit siya nang madikit sa init ng katawan nito. Lex was so alive at this time. She could hear his heart beating fast. She could feel him trembling a little. Ramdam niya kahit ang pagpipigil nito nang hininga.
"Ah... mami-miss kita," bulong nito nang haplusin ang buhok niya. "Sana pagpunta mo sa France, ito pa rin kulay ng buhok mo. Candy colors kahit ipinipilit mong galaxy."
She did as he wanted. Parehas pa rin ang kulay ng buhok niya hanggang sa ngayon: violet, gray, blue at pink.
Time could stop now. She was asking in her head for it to stop. Kahit limang minuto lang. No. Kahit isa lang. Basta 'wag muna siyang bitawan ni Lex.
She wanted to stay in his embrace.
But he let her go exactly when he did that day.
Nagbababa na ng mga sakay sa cart.
"Take care of yourself, okay?" anito.
"Have a safe trip," sabi niya kahit na hindi iyon ang nasa isip. Don't go. Don't let this time end. Don't let this be the last time I see you.
Bumukas ang pinto ng cart at inalalayan siya nitong lumabas. Tumayo sila sa ilalim ng ferris wheel habang bumababa ang iba pang sakay.
"Baka ma-traffic ka uli, isasakay na lang uli kita sa taxi. Hindi ka dapat ma-late sa dinner kasama parents mo," sabi nito. Hawak ang kamay niya ay nagsimula itong lumakad. "Babawi na lang ako sa pagkain 'pag nasa France ka na."
"Okay."
That's not what she wanted to say. Gusto niyang tumigil silang maglakad. Gusto niyang lumingon ito sa kanya para makita niya uli ang mukha nito. Ayaw niyang umalis sa araw na 'yun.
But time was already charted and they were doing exactly what they were doing that day.
Stop walking, Lex. 'Wag muna tayong umuwi. Marami pa 'kong hindi nasasabi sa'yo.
Nasa taxi bay na sila habang magkahawak ang kamay.
Hindi ko pa nasasabi sa'yong mahal kita. Na hindi ko alam kung kailan ako nagsimulang mahalin ka pero mahal kita. Hindi lang dahil masaya kang kasama. Hindi lang dahil kaya mo 'kong pagpasensiyahan. Hindi lang dahil we work great when we're together. Hindi lang dahil pamilyar ka o komportable o convenient.
Huminto ang isang sasakyan. Binuksan ni Lex ang pinto ng taxi para sa kanya.
Sorry. Mahal kita pero hindi ko napansin. I badly wanted to tell you these words. Bakit hindi ko nasabi? Bakit hindi ko masabi? Ang tanga-tanga ko.
"Enjoy the rest of your day," sabi nito nang pumasok siya sa sasakyan. Isinara nito ang pinto.
I love you, Lex. I'm sorry for being late.
By 6:36, her taxi left the bay. She cried invisible tears. Nakatingin siya sa side mirror, nakitang kumaway si Lex. Sumigaw ito nang isa pang I love you at malapad na ngumiti.
I don't want to leave this day. I'm sorry...
Pumatak ang luha niya kasabay ng pagkawala ng imahe sa side mirror ng sasakyan.
"Sa'n po tayo, Ma'am?" tanong ng taxi driver.
Kumurap siya at sumilip uli sa labas ng sasakyan. May promotional na video na nagpe-play sa globo ng MOA. She's back in 2017.
Kinuha niya ang botelya sa loob ng bag niya. Wala nang bato roon. She's never seeing Lex again. Hindi na siya makakabalik sa nakalipas para makita ito. At hanggang sa huli, hindi niya nasabi ang gusto niyang malaman nito.
Parang mawawasak ang dibdib niya sa sakit. Maingay siyang umiyak.
***
Dumiretso si Rayne sa memorial service na para kay Lex. It has been a year pero wala pa rin silang bangkay na mapagluksaan. Wala pa ring nakakaalam kung ano ang eksaktong nangyari sa eroplanong sinasakyan nito. Hindi pa rin niya malubos ang iyak niya.
Anong gagawin niya sa buhay na wala ito? Paano siya bibitaw kung ayaw niyang bumitaw?
Nagkaroon ng misa at nagpalitan ng alaala tungkol sa binata.
Nang papauwi na siya kasama ang crew, kinausap siya sandali ng ina ni Lex. May iniabot na isang kahon na kasinglaki ng lalagyan ng sapatos.
"Walang label itong kahon kaya hindi ko alam kung para saan. I looked inside and I think... it should belong to you."
Nang makauwi sa sariling bahay ay saka binuksan ni Rayne ang kahon. Pictures. 'Yung iba, stolen habang nagtatrabaho siya o nagngangatngat ng kuko. 'Yung iba, ambush shots ni Lex sa kanya kaya maraming blur. 'Yung iba, stolen shots pero silang dalawa. May notes ni Lex sa likod 'yung pictures na dalawa sila.
The last picture was dated November 11, 2016. Nakapila sila sa ferris wheel para sumakay. Nagsasalita si Lex habang nakatitig siya rito at nakangiti.
His note says: I love you for 256 days now. I wish I could tell you more often about how I feel but I'm afraid you'll draw a clear line of us being just friends. Bad, Rayne. Pictures of us like this gets my hopes up. Parang mahal mo ko kaya yun ang gusto kong paniwalaan. You love me, too, right? Late ka lang uli. I'll forgive you this time, too. #0100ma / 2032017
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top