77

Notes

“Bisente,” pagtawag ko sa kanya habang abala siya sa paghigop ng mainit na sabaw ng mami.

Umangat ang tingin niya sa akin kasabay din ng pagtaas ng dalawang kilay niya, nangangahulugang tinatanong niya ako kung ano ’yon.

Nilapag ko ang kutsara ko sa pinggan kong puno pa ng kanin at ulam bago siya seryosong tinitigan sa mga mata kahit na naiilang ako dahil bumibilis ang pagtibok ng puso ko.

“Paano kung may ka-close kang nakagawa sa ’yo ng malaking kasalanan at ilang taon siyang hindi nagparamdam sa ’yo tapos ngayon bigla lang siyang magpaparamdam. Anong gagawin mo?”

Binaba niya rin ang kutsara niya bago dumapo ang isang kamay niya sa baba niya na, senyales na nag-iisip siya.

“Paanong pagpaparamdam ba?”

“Nangangamusta.”

Tumitig pa siya sa mga mata ko at tila binabasa ang nasa isipan ko.

“Kaya ka ba nag-deact kasi nag-message ang nanay mo sa ’yo?”

Agad naman akong tumango. Hindi ko alam pero ‘pag siya ang kausap ko walang lihim na hindi nabubunyag. Para siyang buwan sa madilim na gabi na kapag nakatitig ako sa kanya magaan sa loob kong ilabas ang mga hinanakit na pilit kong tinatago sa umaga. Sobrang komportable ko na sa kanya at buong buo ang tiwala ko sa kanya.

Lumalabas ang tunay na ako kapag siya na ang kaharap ko.

“Oo. Shet. Nagulat nga ako e. Baka kailangan niya ng atay,” pagbibiro ko.

Agad siyang natawa ngunit agad na tumigil nang makita niyang seryoso pa rin ako.

“Anong gagawin mo ngayon?”

Bumuntonghininga ako at nagkibit ng balikat. “Sa totoo lang, hindi ko alam. Sobrang paghihirap ang naranasan namin ni ate nung iniwan niya kami. Wala kaming pera, wala kaming pagkain. Napilitan si ate na tumigil sa pag-aaral para magtrabaho. Siya ang sumalo sa lahat ng responsibilidad ng mga magulang namin. Naaawa ako kay ate kaya ang pangako ko sa kanya makaka-graduate ako at makakapagtrabaho sa abroad kasama siya at mamumuhay kami roon ng payapa at hindi na namin kailangan pang mamroblema kung saan kami pupulot ng pera para pangkain namin kinabukasan dahil may pera na kami hanggang mamatay kami. Akala ko nga hindi na namin makakayanan noon e pero buti nalang kinaya namin.”

Bahagyang ngumiti si Vincent at tumango.

“Kaya ngayon na muling nagparamdam si mama. Napaisip ako, sa loob ng apat na taon na wala siya, kinaya naman namin. Kaya para saan pa na muli siyang magpaparamdam?”

“Para humingi siguro ng tawad?”

Pagak akong natawa. “Sapat ba ’yon?”

Natahimik si Vincent.

Napailing ako at tinuloy na ang pag-kain habang siya ay nakatingin pa rin sa akin. Hinayaan ko nalang siya.

“Alam kong hindi sapat ang paghingi lang ng sorry lalo na kung sobrang laki ng kasalanan na ginawa niya sa inyo pero malaki rin ang nagagawa ng sorry, Luisa. Kasi ito ang unang hakbang para ipakita na nagsisisi na sila. Ito ang nagiging daan para bumawi sila sa mga pagkakamali nila.”

Napatangin ako sa kanya. Ramdam kong marami pa siyang gustong sabihin kaya hinayaan ko muna siya.

“Hindi kita minamadali na patawarin siya dahil alam kong mahirap. Forgiveness takes time and it’s also a process. Pero sana, kung sakali man na humingi siya ng tawad hayaan mo siya. Tignan mo kung sincere ba talaga siya o hindi. Minsan lang tayo mabuhay, Luisa. Kaya sana mamuhay tayong walang sama ng loob sa kapwa o kapamilya natin. Kahit na sobrang hirap magpatawad, sana kayanin natin dahil ito lang ang paraan para gumaan ang dinadala natin. Dahil ganyan ang buhay, nagkakamali, nagpapatawad. Dahil sa kabila ng sakit, naroon ang pagmamahal.”

Napakagat ako sa labi ko dahil tama naman siya.

Napatango na lang ako.

Ngayon hindi ko alam kung kaya ko pa bang kausapin si mama. Dahil alam kong kaya kong magpatawad pero natatakot ako sa posibilidad na baka iwan niya ulit kami ni ate sa ere.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top