Chapter 6: Reek of Tustos

Chapter 6: Reek of Tustos

“Totoo bang masarap ang mga taga-Melyar?” nakangising tanong ni Langas sabay taas ng kanyang sundang.

Nagpalitan kami ng tingin ni Talay at sabay na napalunok ng laway. ’Tapos, tinanguan namin sa isa’t isa na animo’y nagkausap kami gamit ang isip. Tumalikod kami at akmang tatakbo nang biglang bumunghalit ng tawa ang mabantot at hindi kaaya-ayang nilalang, dahilan upang mapatingin ulit kami sa gawi niya.

“Biro lang, mga kaibigan,” pagbawi niya. Pagkatapos, inilagay niya ang dala niyang sundang sa lalagyan nito na nakasabit sa kanyang baywang. “Nais ko nga palang humingi sa inyo ng paumanhin,” dagdag pa niya na ikinakunot ng noo ko.

“Para saan?” patakang usisa ko.

“Sa katunayan, ako ang gumising sa Tambaluslos kanina. Wala kasi akong magawa, kung kaya’t sumagi sa isipan ko na magpahabol sa kakatwang halimaw na iyon,” pag-amin niya at mabilis na ipinaling ang tingin sa ibang direksiyon. May nahihimigan akong kalungkutan sa bawat salitang lumabas sa kanyang bibig.

Siguro, para kay Langas, nakalulungkot ang mag-isa, lalo na’t hindi niya gustong maging ganiyan ang itsura niya at katakutan ng nakararami. ’Di siguro siya sanay na walang nakasasalamuhang normal na tao rito sa Kahadras.

“Ayon kay Ginoong Mounir, ang asul na salamangkero, alam mo raw ang pasikot-sikot sa buong Kahadras. Puwede mo ba kaming samahan patungo sa Kagubatan ng Sayre?” walang paliguy-ligoy na wika ni Talay. Umupo siya upang maging kapantay na niya si Langas, at saka pasimple niyang ipinuwesto sa lupa sina Saya, Alog, at Lish na kasalukuyang nakalagay sa nirolyong balabal.

Dumapo ang mga mata ni Langas kay Talay saka napabitiw ng buntonghininga. “Bukas na natin iyan pag-usapan. Bukas ko na ibibigay ang pasya ko. Sa ngayon, magpapahinga muna ako sapagkat napagod ako kaiikot sa kagubatan. Dito lang pala tayo magpapalipas ng gabi sa harapan ng gingharian ng Porras. Sa kasamaang-palad, sira na ang kahariang iyan.”

Wala kaming ibang nagawa ni Talay kundi ang tumango. ’Di naman namin siya puwedeng pilitin o kulitin, baka kung ano pa ang gawin niya sa ’min. May dala-dala pa man din siyang sundang.

Sobrang bilis lang ng oras at nagpaalam na nga sa ’min ang araw saka pumalit dito ang malaki at kulay dilaw na buwan kasama ang mga kampon nitong kumukutitap na mga bituin. Sinakop na ng kadiliman ang buong lugar, kaya naman nagdudumali kaming namulot ng mga baling sanga sa harapan ng kagubatan sa tulong ng liwanag na nagmumula sa buwan. Nang sapat na ang nakolekta naming mga kahoy, gumawa agad kami ng apoy.

Nakasandig kami ni Talay sa nakahigang katawan ng puno habang nakatitig sa apoy. Kanina, ginawa niyang plorera ang isa sa mga lalagyan namin ng tubig. Nilagyan niya ito ng kaunting lupa at inilipat niya roon sina Saya, Alog, at Lish. Kakikitaan sila ng sigla dahil gumagalaw-galaw ang kanilang mga tangkay habang binubuhusan ng tubig.

Wala pa rito si Langas kasi ginagalugad pa niya ang masukal na kagubatan para manguha ng mga prutas na aming kakainin. Gusto ko sana siyang samahan, pero ang sabi niya kanina, “Kaya ko na ito nang mag-isa.” Isa pa, puwede naman daw siyang umakyat ng puno ’pag umatake na naman ang Tambaluslos.

“May gusto lang akong malaman,” kapagkuwa’y sabi ko. Ako na ang nangahas na sumira sa katahimikan sa pagitan namin. “Ano ba’ng nangyari kay Langas? Sino ba talaga siya at bakit siya nagkagano’n? Sino’ng nagsumpa sa kanya?” sunod-sunod na tanong ko sa kanila.

“Rumor has it that he was a womanizer,” maagap na saad ni Lish.

“Tinuod na,” (Totoo ’yan) gatong naman ni Saya.

“Hayaan n’yong si Talay ang magpaliwanag. Batid kong may alam siya sa kuwento ng isinumpang nilalang na si Langas,” wika ni Alog sa amin. At kay Talay: “’Di ba? Usap-usapan kaya ’yon sa buong Melyar.”

Nabaling ang aking atensyon sa babaeng may hawak sa mga nagsasalitang bulaklak.

Pareho naming binalot ni Talay ang aming mga sarili dahil malamig dito. Inayos ko ang upo ko at inihanda ang dalawa kong tainga para makinig sa ikukuwento niya.

Nagbuga muna siya ng hangin sa pamamagitan ng ilong bago magsalita, “Ayon sa kapuwa ko tagapagsilbi, si Langas daw ang pinakamagandang lalaki sa buong Melyar. ’Di pa kasi ako naninilbihan noon sa mahal na rayna, kaya ’di ko nakita ang dati niyang itsura. Nakatira pa ako noon sa bayan namin, ang Tsey.” Kasisilayan ng lungkot ang kanyang mukha nang banggitin niya ang pinagmulan niya. “At ’yon na nga, isa nga raw siyang babaero. Pumunta siya rito sa Porras at inakit ang kababaihan noon sa pamamagitan ng kanyang iwing kaguwapuhan—”

Ngunit hindi natapos ni Talay ang kanyang pagsasalaysay nang walang ano-ano’y lumukso si Langas at bumagsak sa harapan namin, dahilan upang atakihin kami ng gulat at takot. Pasan-pasan niya ang isang buwig ng saging habang hawak pa rin niya ang matulis na sundang.

“Tama kayo. Isa akong babaero dati, kaya ako isinumpa at nagkaroon ng ganitong itsura,” tahasang sambit ni Langas habang palipat-lipat ang kanyang tingin sa ’ming dalawa ni Talay.

Maingat kong pinasada ang kamay ko sa ’king likuran upang manguha ng bato, baka magwala siya dahil pinag-usapan namin siya kani-kanina lang at inungkat ang kanyang nakaraan. Ikinuyom ko ang palad kong may lamang bato at lupa habang taimtim na nakikinig sa kaharap naming isinumpang nilalang. Diskumpyado kasi ang ikinikilos niya simula nang magkita kami.

“Ilang taon na ang nakalilipas, nagtungo ako rito sa Porras nang mabalitaan kong mayroong kasiyahan dito. Nakipagsayawan ako sa kababaihan at pagkatapos ay nakipaghalikan sa kanila. Nang pauwi na ako sa Melyar, may namataan akong nagliliwanag na babae sa gitna ng kagubatan. Sobrang ganda niya at nakahubad pa. Naakit ako sa taglay niyang kagandahan, kung kaya’t humakbang ako palapit sa kanya. Ang higit kong pinagsisihan: hinandugan ko siya ng isang mapusok na halik.”

Huminto muna siya sa pagsasalita para ilagay sa lupa ang kanyang sundang at ’yong isang buwig ng saging. Pagkatapos, bumuntonghininga siya.

“Labis kong pinagsisihan ang gabing iyon. Pagkatapos ko siyang halikan, bigla na lamang siyang naglaho na parang bula. Samantala, ako naman ay unti-unting nag-ibang-hugis hanggang sa ito na nga ang naging itsura ko simula noon. Hindi ko alam kung maibabalik ko pa ba ang dati kong mukha,” malungkot na saad ni Langas.

“Unsa diay imong tinuod nga ngalan?” (Ano pala ang totoo mong pangalan?) puno ng kuryosidad na usisa ni Saya.

“Ang totoo kong pangalan ay Lubani,” kagyat niyang tugon.

“Teka lang,” pagsingit naman ni Alog, “mabalik tayo roon sa babaeng nagsumpa sa ’yo. May alam ka ba kung sino ’yong hinalikan mo?”

“Nag-usap kami bago ko siya hinagkan. Nagpakilala siya sa akin bilang Nayasi. Subalit ngayon ko lamang napagtanto na siya pala ang diyosa ng pagnanasa at pang-aakit, si Nagmalitong Yawa Sinagmaling Diwata,” sabi niya na siyang ikinamangha ko.

Kataas sa iyang ngalan, uy! (Ang haba naman ng pangalan niya!)

“Kung gayon, totoo pala ang paniniwala ng mga kababayan ko,” anas ni Talay, dahilan para matuon sa kanya ang atensyon namin. “May isang babae raw na nakahubad, maputla, at pagala-gala sa kakahuyan. Ang mga lalaki na makikipagsapalaran o dadaan sa gubat ay kailangan daw magsuot ng anting-anting bilang proteksyon, para ’di sila madala sa tentasyon.

“At ayon pa sa kanila, iyon daw ang ganti ni Nagmalitong Yawa sa mga tao dahil sa pagkamatay ng kanyang asawa na si Saragnayan, ang panginoon ng kadiliman. Namatay raw kasi ang asawa ni Nagmalitong Yawa dahil sa mga anak ng taong nagkagusto sa kanya. Pinatay nila si Saragnayan sa pamamagitan ng pagkitil ng buhay ng isang baboy ramo sa kabundukan. Kinain nila ang puso ng baboy ramo na siyang buhay ng panginoon ng kadiliman.”

Grabe naman ’yon! May pinaghuhugutan naman pala siya. ’Di ko rin siya masisisi. Tao nga, may nagagawang ’di maganda ’pag nilamon ng galit. Diyosa pa kaya?

Pero ang mali ro’n ay dinamay niya ang lahat, pati ang bagong henerasyon. Mahihinuhang punong-puno talaga ng poot ang kanyang puso.

“Maibabalik pa ba ni Langas o Lubani ang dati niyang mukha?” pagsaboy ni Alog ng kuwestiyon.

“I don’t know,” rinig kong tugon ni Lish.

“Hala! Basin mabalik niya ang iyang nawong kung hagkan siya sa usa ka babaye!” (Hala! Baka maibabalik niya ang dati niyang mukha kapag may hahalik sa kanya na isang babae!) bulalas naman ni Saya.

Napailing-iling lang si Langas sa sinabi ni Saya. “O siya, kainin n’yo na iyang saging na kinuha ko sa kagubatan. Bukas ko na ipagbigay-alam sa inyo ang pasya ko, kung sasamahan ko ba kayo o hindi. Sa ngayon, mag-ipon muna kayo ng lakas para bukas.” Pagkatapos niyang sambitin iyon ay humiga na siya sa lupa malapit sa apoy at isinara niya ang kanyang mga mata.

Sinunod namin ni Talay ang sinabi niya na kainin ang dala niyang saging. Meron pa namang natirang tinapay na galing sa mga Banwaanon, pero mas gusto kong kumain ng saging ngayong gabi para maiba naman.

Pagkaraan ng ilang oras, unti-unti nang bumibigat ang talukap ng mga mata ko. Tulog na ang mga kasama ko rito at inatake na rin ako ng antok. Ang lamig ng hanging yumayakap sa katawan ko at tanging ingay lang ng mga kuliglig ang naglalaro sa ’king pandinig.

Madalian kong sinampal ang sarili kong pisngi para matauhan. ’Di ako puwedeng matulog. ’Di ako maaaring magpadala sa paghele sa ’kin ng hangin. Kailangan kong maging alisto, baka may biglang sumalakay sa ’min na halimaw habang tulog kami.

Ilang sandali lamang ay tumayo ako at akmang maghahanap ng maliit na kahoy para pigilan ang mga mata ko sa pagpikit nang may biglang tumunog galing sa bulsa ko. Dali-dali kong kinapa at tsinek kung ano ito. Halos lumuwa na ang mga mata ko nang mapagtantong may dala pala akong selpon!

May natanggap akong mensahe mula kay Mama: Lin, kahibaw ko kung asa ka karon. Pag-amping kanunay. (Lin, alam ko kung nasaan ka ngayon. Mag-ingat ka palagi.)

Palibhasa kinakain ng pananabik, naglakad-lakad ako para humanap ng puwesto. Kailangan kong tawagan si Mama, kumustahin, at sabihan na ayos lang ang kalagayan ko rito.

Hindi ako pumasok sa gubat sa takot na baka paglaruan na naman ako ng Tambaluslos. Maya-maya pa’y bigla na lang akong nakaamoy ng kakaibang usok, kaya napaubo ako at napatakip ng ilong. Naulinigan ko rin ang pag-iyak ng sanga na para bang nagrereklamo ito sa kung anumang bigat ang pumatong dito.

Dahan-dahan akong napalingon sa ’king likuran at nasaksihan ang pagbuga ng usok ng isang maitim na nilalang na may pambihirang laki. Nakaupo ito sa matabang sanga ng isang puno at saka may nakaipit na malaking tustos sa pagitan ng kanyang makakapal na mga labi.

Unti-unting namilog ang mga mata ko nang mapagtanto kung ano ito. Magkahalong pagkagulat, pagkamangha, at pangamba ang lumusob sa katawan ko.

“Ahhh! Agta! M-may Agta rito!” nagkukumahog na sigaw ko at saka nag-aapurang tumakbo palayo sa punong ’yon.

* * * * *

GLOSSARY

Nagmalitong Yawa Sinagmaling Diwata - the goddess of lust, seduction, and demons. She had shapeshifting abilities, and it was believed that men who approached her with evil or carnal desires would transform into beasts. Her name literally means Beguiling Demoness, Bedazzling Goddess.

Saragnayan - the god of darkness, and Nagmalitong Yawa Sinagmaling Diwata’s husband.

Tustos - a cigar; a roll of tobacco for smoking.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top