Chapter 10: Cursed Creature's Wish

Chapter 10: Cursed Creature’s Wish
Namilog ang mga mata ko dahil sa sinambit niya. Ilang sandali pa’y tuluyan akong napatayo, at saka ako naghimutok, “Cormac, nababaliw ka na ba?! ’Di mo puwedeng gawin ’yon kasi delikado! Manganganib ang buhay ng mga tagarito! ’Pag nalaman ng mga tao sa mundo natin ang tungkol sa Kahadras, alam kong gagawa sila ng hakbang para makapunta rito at lilikha ’yon ng gulo. ’Di mo ba naisip ’yon, ha?”
Nagtiim ang kanyang bagang, ang mga kamay niya’y nalipat sa magkabilang kilikili, at saka nag-iwas ng tingin. “Wala ka kasabot nako, Olin, maong naingon na nimo,” (Hindi mo ’ko naiintindihan, Olin, kaya mo ’yan nasabi) katuwiran pa niya.
Lumapit ako kay Cormac, ipinatong ko ang aking mga kamay sa kanyang balikat, at ipinihit sa ’kin ang atensyon niya. “Naiintindihan ko ang pinanggagalingan mo, Cormac,” mahinahon kong pagkasabi. “’Di ko winawalang-halaga ang paghihirap mo sa buhay. Normal lang sa tao ang sumubok ng iba’t ibang bagay. Ayos lang na matalo o hindi makamit ang inaasam-asam na titulo.
“Natural lang na panghinaan ng loob minsan at kuwestiyunin ang sariling kakayahan. Pero, tama bang isiwalat mo ang tungkol sa mundong ’to para lang dumami ang followers mo? Wala namang problema kung isipin mo ang sarili mo, pero minsan ay kailangan mo ring ikonsidera ang mga taong nakapaligid sa ’yo sa ilang desisyon mo.”
Tila umurong ang kanyang dila. Nakatitig lang siya sa ’kin.
“Hindi ka nauubusan ng oras. ’Wag kang magmadali. Wala kang kakumpitensya. Marami ka pang panahon. Marami ka pang matutuhan sa buhay saka mahahanap mo rin ang bagay na gusto mo at kung saan ka talaga magaling. Hindi mo kailangang pilitin. Hindi mo kailangang madaliin. Tayo’y tumatakbo sa sarili nating karera. Makararating ka rin sa patutunguhan mo.”
Pinangingiliran ng luha, itinulak niya ako nang marahan saka tuluyan siyang humakbang papalayo sa ’kin.
Akmang susundan ko siya para kausapin ulit, pero kaagad akong pinigilan ni Talay. “Hayaan mo muna siya, Olin,” sambit nito at binigyan ako ng maliit na ngiti.
“Hayaan?” di-makapaniwalang saad ko. “Talay, manganganib kayo rito kung itutuloy niya ang plano niya.”
Napabuga siya ng hangin, at tahasang sinabing, “Alam ko. Pero hayaan mo muna siyang mapalapit sa mga tao rito at mapamahal sa lugar na ito. Sa huli, alam kong mapagtanto niyang hindi tama ang kanyang ninanais, at maiisip niyang hindi niya kami kayang ipahamak.”
Nakahahawa ang ngiti niya, kaya unti-unti ring uminat ang mga labi ko. “Ang bait mo talaga, Talay. Nagulat nga ako kahapon kasi tinawag mo ’kong ‘tanga.’”
“Tanga ka, e,” bulalas niya at nagpakawala ng halakhak. Tumawa na rin ako.
Pabiro niya akong hinampas sa balikat, pagkatapos, gumanti naman ako. Kaya lang, medyo napalakas kaya muntikan na siyang matumba. ’Buti na lang at nahawakan ko agad ang kanyang baywang saka kumapit din siya sa braso ko. Nang tamaan ng hiya, dali-dali naming binitiwan ang isa’t isa at sabay na lumikot ang aming mga mata.
“Ano ’yon, ilog?” maang-maangan ko.
Pagkagat ng dilim ay tuluyan nang lumapit sa ’min si Cormac, pero ’di pa rin siya kumikibo. Inilatag namin ni Talay ang mga dahon ng saging sa lupa para higaan (salamat kay Langas dahil marami ang dala niya no’ng nagtungo siya sa kakahuyan). ’Tapos, hinubad namin ni Talay ang aming balabal para gawing kumot. Bale, napagitnaan kaming dalawa nina Cormac at Langas.
Mahimbing na ang tulog ng isinumpang nilalang kahit wala itong pang-itaas na damit at saka kumot. Kung sa bagay, meron naman siyang makakapal na balahibo, at parang sanay na rin siyang matulog sa labas. Samantala, si Cormac naman ay nakatalikod sa ’kin. Alam kong ’di pa siya tulog at malalim ang kanyang iniisip. Ilang minuto ang lumipas, unti-unti nang bumibigat ang talukap ng mga mata ko; dinalaw na ’ko ng antok. Hanggang sa tuluyan ko nang isinara ang aking mga mata habang nakatalukbong.
* * * * *
Pagputok ng araw, maaga kaming ginising ni Langas para pakainin ng dala niyang saging. Maaga pala siyang naglibot-libot sa kakahuyan. Gusto ko sana siyang biruin, Hindi naman kami unggoy, a, pero itinikom ko na lang ang bibig ko. Kailangan kong basahin ang paligid bago magbitiw ng mga salita, baka hatiin pa niya ang katawan ko sa dalawa gamit ang kanyang sundang. Naniniwala ako sa kasabihang, ‘Magbiro ka na sa lasing, ’wag lang sa isinumpang nilalang!’
Pagkatapos naming lagyan ang aming tiyan ay dali-daling sumugod si Talay sa ilog para sabuyan ng sapat na tubig sina Saya, Alog, at Lish. Nagdaldalan sila roon, pero ’di ko sila masyadong narinig kasi malayo sila sa kinaroroonan namin ng kaklase ko.
Samantala, si Cormac naman ay panay ang mando sa ’kin kung ano ang dapat kong gawin. Nagboluntaryo kasi siya na siya na raw ang huhubog sa ’kin, sa kakayahan ko.
Ngayong umaga ay bumalik na sa dati si Cormac. Madaldal na ulit siya at parang wala lang sa kanya ’yong naging sagutan namin kahapon. Isiniksik ko na lang sa kukote ko ’yong sinabi ni Talay na sa paglipas ng mga araw, may posibilidad na magbago ang isip niya. Sana nga, tama si Talay. Sana nga, maisip ni Cormac na mali ’yong binabalak niya at ’di niya kailangang ilagay sa peligro ang buhay ng mga tagarito para lang sumikat.
“Kailangan mo sigurong magalit, Olin, para lumabas ang powers mo. Magalit ka, Olin!” utos sa ’kin ng kaklase ko na agad kong sinunod. “Isipin mo ’yong kaklase natin na nanghiram ng ballpen. ’Tapos, nang tanungin mo na kung nasaan na ’yong hiniram niya, sabi niya’y ipinahiram niya raw sa iba. Ayos, ’di ba? Isipin mo ’yong kaklase natin na palakad-lakad tuwing lunchtime para mangolekta ng iba’t ibang ulam. Dili ingon-ana, Olin. Mura man ka og kalibangon intawon, uy!” (Hindi ganiyan, Olin. Para ka namang natatae niyan, e!) Pinasada niya ang kanyang kamay mula sa likuran ng kanyang ulo pababa sa batok niya.
Rinig kong nagtawanan sina Talay, Saya, Alog, at Lish sa ilog. Nanonood pala sila sa ’min.
Bumuntonghininga na lang ako at tuluyang sumuko. Naglakad ako papalayo sa kanya at umupo sa matutulis na mga bato. ’Di ko na naman makontrol ang kapangyarihan ni Sinrawee. Siguro, lalabas ulit ’to ’pag nalagay na naman sa alanganin ang isa sa amin.
Muli akong nagbitiw ng malalim na buntonghininga. Makokontrol mo rin ’to, Olin, puhon.
Nalipat ang atensyon ko kay Langas. Tahimik lang siya habang nakatitig sa lupa na para bang nalunod siya sa malalim na pag-iisip. Tinitimbang niya siguro kung tutulungan ba niya kami papunta sa kagubatan ng Sayre o hindi. O baka naman nag-iisip na siya ng kapalit bilang pagtulong niya sa ’min. Matatandaang ayon kay Mounir, parati raw siyang humihingi ng kapalit ’pag may ipinagawa sa kanya.
Kung anuman ang magiging desisyon niya, susubukan pa rin naming magpatuloy sa paglalakbay. Dasig lang!
Lalapitan ko na sana si Langas nang bigla akong sabuyan ni Talay ng kaunting tubig. “Ilang araw ka nang walang ligo, Olin. Baka maging katulad ka na ni ano—basta! Ha-ha-ha!” puna niya saka humagikhik.
Ngumisi ako at naisip na may punto nga si Talay. Kaya ang sunod kong ginawa ay hinubad ang suot kong kulay-abong polo at kaagad na dumako sa ilog para lumusong. Sumalok ako ng malamig na tubig at sinabuyan ko rin si Talay bilang ganti sa ginawa niya kanina. Ang lamig at ang linaw ng tubig. May namataan pa nga akong tatlong isda na lumangoy palayo sa ’min.
Subalit natigil nang makarinig ng sigaw.
“Hindi mo puwedeng gawin sa akin ito! May karapatan akong umayaw sapagkat ako ang nagmamay-ari sa katawang ito!” pagtutol ni Langas habang nagpupumiglas. Pinagtulakan kasi siya ni Cormac papunta sa kinalulugaran namin ni Talay.
“Kailangan mo nang maligo, Langas. Baka ikaw pa ang magiging dahilan ng pagkamatay namin dahil sa baho mo. Lusong!” giit pa ni Cormac at ginawang panakip sa mga butas ng ilong niya ang kanyang nguso.
Mahigpit ang pagkakahawak niya sa magkabilang balikat ng isinumpang nilalang. Sabay silang lumusob dito sa ilog at sunod-sunod na sinabuyan ni Cormac ang ulo ni Langas ng tubig. Nanlaban naman ang huli at pilit na umahon sa ilog, pero agad siyang pinabalik ng kaklase ko. Nangangatal na ang isinumpang nilalang sa lamig.
“Ikaw na nga ’tong tinutulungan,” paghihimutok ni Cormac. “O, tan-awa ra, daghan na kaayo’g buling imong lawas!” (O, tingnan mo, ang dami mo nang libag sa katawan!) Para siyang magulang na kasalukuyang sinesermunan ang suwail niyang anak.
Tawa lang kami nang tawa ni Talay habang naliligo.
“Pagkatapos talaga nito, hahatiin talaga kita sa pamamagitan ng sundang ko!” pananakot pa ni Langas. Isang matalim na tingin ang ipinukol nito sa kaklase ko.
Nirolyo ni Cormac ang dalawang mata, halatang ’di nakaramdam ng takot sa banta nito. “’Wag ka nang matakot sa tubig, Helcurt-na-kulang-ng-sampung-ligo. Hindi ’to nananakit. Lilinisin ka nito, pramis,” ganting-matuwid ng kaklase ko habang tinatanggalan niya ng dumi sa katawan ang isinumpang nilalang.
“Sana, maging ganito rin ang iyong itsura!” hirit pa ni Langas.
“Simbako! Ihigot ko na nuon imong ikog sa imong liog!” (Kung ibuhol ko ’yang buntot mo sa iyong leeg!) bulyaw naman ni Cormac.
Magkahalong sigaw ng isinumpang nilalang at halakhak nina Saya, Alog, at Lish ang pumuno sa paligid. Pagkatapos naming maligo sa ilog, sabay kaming naupo sa matutulis na bato para magpatuyo. Ipinilig ni Talay ang kanyang ulo kasi kasalukuyan niyang pinatutuyo ang buhok niya gamit ang kanyang balabal. Samantalang si Cormac naman ay napailing-iling; mahihinuhang may pumasok na tubig sa loob ng kanyang tainga.
“Oo ang tugon ko,” wika ni Langas na bumasag sa katahimikan sa pagitan namin.
“Ha? Ano’ng pinagsasabi mo?” tanong ko habang nakakunot ang aking noo.
“Ang ibig kong sabihin ay pumapayag na ako,” paglilinaw niya. “Sasamahan ko kayo patungo sa kagubatan ng Sayre. Subalit mayroon lang sana akong kahilingan . . .” Tumungo siya at pinaglaruan ang mga kuko niya sa paa. May nahihimigan akong kalungkutan sa huling mga salitang binitiwan niya.
Mariin akong napalunok. Tama nga si Mounir, may kapalit nga. Wala akong ibang sinabi kundi, “Ano ’yon?”
Nag-angat siya ng tingin at nagtama ang aming mga mata. “Hindi nalalayo ang puwersang nananalaytay sa katawan mo sa kapangyarihan ni Nagmalitong Yawa Sinagmaling Diwata. Kung kaya’t hinihiling ko na pagkatapos ng misyon ninyo, Olin, ibalik mo ang dati kong itsura . . .”
* * * * *
GLOSSARY
• Dasig Lang – a Cebuano phrase that translates to “take courage,” “hang on,” or “don’t give up.”
• Puhon – a term used when you want something happen in the future; God-willing or hopefully.
• Simbako – a term utilized to prevent unfavorable future occurrences of events or things. It is translated to “God forbid.”
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top