Chapter 8: Eight-legged Freaks

Chapter 8: Eight-legged Freaks

“May nararamdaman akong kakaiba roon sa isa.”

“Ako rin. Hindi kaya . . . siya si Olin?”

“Sa palagay ko’y siya nga ang nakatakdang kukuha sa Boac at papatay kay Helong.”

“Tara, puntahan natin ang kanang kamay ni Sinrawee—ang Mansalauan—at ipaalam sa kanya na hawak natin si Olin upang tayo ang makakukuha ng gantimpala. Ha-ha-ha!”

Naalimpungatan ako dahil sa mga boses na naririnig ko. Ramdam kong parang naipon ang dugo ko sa ’king ulo. ’Yon pala, nakabitay ako patiwarik habang nababalutan ng makakapal na sapot ng damang.

Hindi ako makagalaw at makakita nang maayos dahil sa sitwasyon ko, pero alam kong katabi ko lang ang mga kasama ko kasi parang may gumagalaw-galaw.

“Olin, umaga na. Kailangan n’yo na ring mag-isip ng paraan upang makatakas, habang patungo pa ang dalawang damang sa Mansalauan,” rinig kong sabi ni Mounir.

“Salamat sa impormasyon, Mounir. Pero paano kami makatatakas sa sitwasyon naming ’to?” tanong ko sa kanya.

“Olin? Gising ka na pala. Ano’ng pinagsasabi mo? Nandito ba si Ginoong Mounir?” sambit ni Talay. Nasa bandang kaliwa ko siya, base sa pinanggalingan ng kanyang boses.

“Olin, sabihan mo siya na tulungan tayo!” mando pa ni Langas. Tila nababanas na siya sa kalagayan namin ngayon.

“Wala man koy nadunggan nga nagsulti ganiha gawas nimo, Olin. Katol pa!” (Wala naman akong ibang narinig na nagsasalita kanina maliban sa ’yo, Olin. Katol pa!) sabi naman ni Cormac. Pareho sila ni Langas na nasa kanan ko, batay sa pinagmulan tinig nila.

“Hindi.” Iniling-iling ko ang aking ulo kahit na hindi naman nila ako nakikita nang maayos. “Kausap ko siya sa pamamagitan ng hangin, gaya no’ng ginawa niya ro’n sa silid-aralan namin noon.”

“Ba’t parang galit ka?” rinig kong anas ni Cormac.

Pinilit kong kumawala, pero paulit-ulit lang akong nabigo. Bumaligtad tuloy ang pagtulo ng pawis ko at patungo na ito sa mga butas ng ilong ko. Nademunyu. “Mounir, ano’ng gagawin namin?” pagsusumamo ko sa hangin.

“May ibinigay akong sandata kay Talay. Magagamit n’yo ’yon upang makawala na kayo riyan sa yungib,” untag ng bughaw na salamangkero.

Nanlaki naman ang mga mata ko at parang may bumbilyang lumiwanag sa ibaba ng aking ulo—ibaba kasi nakabaligtad ako ngayon!

“Talay, gamitin mo ang punyal na ibinigay ni Mounir para makawala ka. Ikaw naman, Langas, gamitin mo ang dala mong sundang para makaalpas ka na rin. ’Tapos, tulungan n’yo kaming dalawa ni Cormac. Dali!” maawtoridad kong saad.

“Wala! W-wala na ang aking sundang.” Halos hindi namin marinig nang malinaw ang mga salitang binitiwan niya dahil sa sapot.

“Ano? Ikaw, Talay, nasa ’yo pa ba ang punyal na handog ni Mounir?” agaran kong tanong.

Natahimik siya nang ilang segundo. Marahil ay tsinek na niya ang punyal sa kung saanman niya ’yon isinuksok. “Oo, Olin, nandito pa sa tagiliran ko!”

Pumapalakpak ang tainga ko dahil sa narinig. Kapagkuwa’y napabitiw ako ng buntonghininga. Hay, salamat, makatatakas na kami rito. Pero kailangan naming magmadali, kasi baka pabalik na ’yong mga damang o baka may iba pang gagambang nagbabantay sa paligid at matunugan kami.

“Talay, bilisan mo,” dikta ko. ’Di ko siya masyadong nakikita dahil na sapot, pero gumagalaw-galaw na siya ngayon, pinipilit na makaalpas.

Pagkalipas ng ilang sandali, bigla na lang rumehistro sa dalawa kong tainga ang mahinang pagdaing at pagkadurog ng ilang buto sa ibaba. ’Tapos, sunod-sunod na ang pagbagsak nina Cormac at Langas.

“Hinampak! Kaduha nako gibitay!” (Buwisit! Pangalawang beses na akong binitay patiwarik!) bugnot na wika ni Cormac.

Hindi nagtagal, pakiramdam ko’y may lumapit at unti-unting pumunit sa sapot na nakabalot sa ’kin. Hanggang sa bumungad sa ’kin ang nakangising mukha ni Cormac.

“Walang anuman, Olin,” bulong niya sa ’kin.

Maya-maya pa’y sinalo ako ng mga buto, una ang ulo. “Aray!” pakusang lumabas sa bunganga ko. Dali-dali akong tumindig, pinagpagan ang sarili, at nagpukol ng matalim na tingin sa kaklase ko. Itinaas pa niya ang kanyang hintuturo at hinlalato saka ipinakita ang mapuputi niyang mga ngipin.

“Hindi tayo maaaring magtagal dito,” sabi ni Langas, kaya bumaling kaming lahat sa kanya. “Kailangan nating lumabas kaagad bago pa makabalik ang mga damang na nagpunta sa Mansalauan.”

Mabilis kaming napatango-tango. Pansin kong pawisan kaming lahat dahil mainit sa loob ng sapot. Akmang lalabas kami sa lugar na ’to nang biglang magsalita si Talay, “Saglit lang!” Inilibot niya ang kanyang mga mata sa paligid na para bang may hinahanap.

“Ano’ng problema, Talay?” kunot-noong tanong ko sa kanya.

Napatingin siya sa ’min, masasalamin sa mukha niya ang labis na pag-aalala. “Sina Saya, Alog, at Lish ay nawawala!” mangiyak-ngiyak niyang sambit sabay luhod para maghalukay sa mga nagsama-samang kalansay. “P-palagay ko, nandito lang sila. Saya? Alog? Lish?” Para na siyang nasisiraan ng bait. Malinaw na malinaw na napalapit na ang kanyang loob sa mga bulaklak.

Dahan-dahan akong lumapit sa puwesto ni Talay at yumukod para hawakan ang magkabila niyang balikat. “Talay, tara na. ’Di ba meron pa namang isang butas no’ng pumasok tayo rito sa kuweba? Baka roon nila dinala sina Saya, Alog, at Lish.”

“Tama si Olin, Talay,” pagsang-ayon naman ni Langas.

Unti-unting tumayo si Talay at pinagpagan ang kanyang tuhod. ’Tapos, wala na kaming inaksayang oras at nagtungo kaagad kami sa isa pang butas na parang nagsisilbing kuwarto ng malalaking damang. Lumusot ang sinag ng haring-araw sa isang maliit na butas sa dakong itaas. Nadedekurasyunan ng mga sapot ang paligid at may mga butong nagpatong-patong sa gilid. Naroon din ang sundang ni Langas, kaya dali-dali niya ’yong pinulot.

“Saya! Alog! Lish!” Nagdudumaling tumakbo si Talay papunta sa isang sulok, kinuha mula roon ang mga bulaklak, at saka niyakap niya ang mga ito. “Ano’ng ginawa nila sa inyo? Ayos lang ba kayo?” agaran niyang tanong, mababanaag sa itsura ang pag-aalala at ligaya.

“We’re okay.”

“Ayos lang kami.”

“Okay ra ’mi.”

Bumaling ako kay Cormac. Inilibot niya ang dala niyang kamera sa kabuoan ng kuweba. Ilan pang sandali, itinutok niya ito kina Talay, Saya, Alog, at Lish. “Ang cool! Nagsasalita sila!”

“Mga kaibigan, kailangan na nating lisanin ang kuwebang ito ngayong buo na tayo.” Kapagkuwa’y pinutol ni Langas ang drama nila Talay habang hawak-hawak ang kanyang sundang, nakahanda na sa nakaambang panganib.

Sumang-ayon kaming lahat at walang kagatol-gatol na lumabas sa butas katulad ng sabi ni Langas. Tinatahak na namin ngayon ang daan palabas sa lunggang ito. Nasa unahan sina Cormac at Langas, samantalang nakasunod naman kami ni Talay sa kanila. Habang naglalakad, biglang sumagi sa isipan ko ’yong lalagyan ng mga tinapay at ang selpon ko. Babalik sana ako roon, kaya lang, napagtanto ko agad na mukhang wala namang signal dito. Samakatuwid, hindi ko na ’yon mapakikinabangan. Isa pa, baka panis na rin ’yong mga tinapay.

Nagbunyi ang mga kasama naming bulaklak nang matanaw na namin ang nakasisilaw na liwanag, hudyat na malapit na kaming makalabas sa yungib. Subalit sa kasamaang-palad, walang ano-ano’y natakpan ang liwanag na ’yon sa pagsulpot ng higanteng damang, kung kaya’t tumahip-tahip ang aking puso.

“At saan naman kayo pupunta, mga bubwit?” bulyaw ng gagamba, dahilan upang tambangan kami ng matinding takot. “Hindi namin kinain ang isa sa inyo no’ng isang araw dahil naghahanap pa kami ng ibang mabibiktima. Pagkatapos, nang dumating kayo rito, hindi rin namin kayo maaaring saktan sapagkat kailangan kayo ng panginoon namin na si Sinrawee. At ngayon, tatakas kayo? Mga hangal!”

Nagkatinginan kami at tila nag-uusap sa pamamagitan ng isip na kailangan naming ihanda ang aming mga sarili. Bumaling ako sa sundang ni Langas at napansing mahigpit ang pagkakahawak niya rito. Muli kong ipinihit ang atensyon kina Cormac at Talay na nakakapit sa ’king balabal; tuloy, nagmistula akong tatay na nilalapitan ng mga anak upang humingi ng saklolo. Sinenyasan ko si Talay na hihiramin ko muna ang punyal niya at walang pag-aatubili naman niyang ibinigay sa ’kin ito.

“Bumalik kayo roon sa loob!” sikmat ng dambuhalang damang. Di-kaginsa-ginsa, itinaas nito ang isang paa at saka ibinagsak papunta sa direksiyon namin.

Salamat sa ’ming angking bilis at nakailag kaagad kaming lahat. ’Yon nga lang, nagkahiwalay kaming apat. Tumakbo si Cormac patungo kay Langas sa kaliwa, habang kami naman ni Talay ay narito sa kanan. Nanatili pa rin siyang nakakapit sa ’kin habang yakap-yakap ang mga bulaklak na ngayo’y umuungot na ng dasal.

“Olin, ikaw ang bahala sa tiyan niya at ako naman ang bahala sa kanyang mga paa!” pasigaw na panuto ni Langas. Narinig ’yon ng damang na may pambihirang laki, kaya natuon sa kanya ang atensyon nito. Patay!

“Hangal!” Muli nitong itinaas ang isang paa at ibinagsak sa puwesto nina Langas at Cormac. Bunga niyon, pumailanlang ang mga nagtipong alikabok. Sa ikalawang pagkakataon, pumalya ang gagamba at napamura ito sa inis.

“’Etong sa ’yo!” hiyaw ko, hawak-hawak ang isang punyal. Tinapakan ko ang isang buto, pagkatapos, dumausdos ako sa lupa papunta sa ilalim ng gagamba. Sa isang kisapmata’y nakaharap na ’ko ngayon sa tiyan nito habang naghuhuramentado ang puso ko. “Isa . . . Dalawa . . . Tatlo!” Matapos kong magbilang ng tatlo ay madalian kong itinarak ang punyal sa sikmura ng higanteng damang. Sapagkat nagtagumpay ako sa tungkulin ko, isang napakalakas na iyak ang pinakawalan ng halimaw dahil sa sakit. “Ngayon na, Langas!” Doon ay ipinasa ko sa kanya ang responsibilidad.

Ipinihit ko ang aking leeg upang tingnan ang isinumpang nilalang na si Langas. Lumukso siya patungo sa ibabaw ng malaking gagamba. Mas diniinan ko pa ang pagbaon ng punyal sa balat nito para manghina ito at para ’di nito masaktan si Langas.

Nagpumiglas ang gagamba nang sumakay sa kanya ang isinumpang nilalang. Isang impit na ungol ang tumakas sa ’king bibig kasi gasgas na ang magkabila kong siko.

“Ahh! Buwisit na bubwit!” Magkakasunod na daing ng malaking damang ang bumulusok papasok sa tainga ko sa dahilang isa-isang pinutol ni Langas ang mga paa nito.

“Hi, guys!” rinig kong sabi ni Cormac. Siguro, itinapat niya sa ’min ang kanyang kamera. “Tan-awa ninyo! Asa man kamo makakita og unggoy nga maayo kaayo mogamit og sundang? Siyempre, dinhi ra sa Kahadras! Oh! Pak! Let Langas lead!" (Tingnan ninyo! Saan kayo makakakita ng unggoy na magaling gumamit ng itak? Siyempre, dito lang sa Kahadras!) nakaririnding sigaw ng kaklase ko.

“Olin, umalis ka na riyan!” rinig kong sigaw ni Talay.

Bago pa man bumagsak ang katawan ng dambuhalang gagamba sa lupa, madalian akong gumulong sa isang sulok, salamat sa hudyat ni Talay. Lumukso rin sa tabi ko si Langas, bitbit ang kanyang sundang na ngayo’y napapalamutian ng berdeng likido.

Pagkatapos n’on ay wala na kaming sinayang na oras at tuluyan na nga kaming lumabas sa pugad ng mga gagamba. Pero alerto pa rin kami sa paligid, kasi baka may iba pang kasama ’yong damang na sumugod sa ’min o baka pabalik na ’yong iba na nagsumbong sa Mansalauan—’yong sumalakay sa ’kin doon sa mundo namin.

“Dito,” panuto ni Langas at tinahak ang mayayabong na talahib sa gilid ng gingharian ng Porras.

Walang pagdadawalang-isip na sumunod kami sa kanya. Pero habang naglalakad at nakikidigma sa makakating halaman, may biglang sumibol na tanong sa isip ko. “Pumapayag ka na, Langas?”

Huminto ang isinumpang nilalang para humarap sa ’min (ako ang nasa gitna, habang nasa magkabilang gilid ko naman sina Cormac at Talay). No’ng una’y muntik nang magkasalubong ang mga kilay niya, pero hindi naglaon ay namilog ang kanyang mga mata na animo’y may bumbilyang lumiwanag sa itaas ng kanyang ulo. “Sa susunod na natin iyan pag-usapan. Kailangan muna nating makawala sa kamay ng mga damang na may pambihirang laki,” tugon nito at muling itinuon ang tingin sa daanan. “Kailangan nating tawirin ang tulay na nagdurugtong sa Porras at Escalwa.” Ilang sandali lamang ay muli siyang naglakad, kaya nagpatuloy rin kami sa pagsunod sa kanya.

Lakad lang kami nang lakad hanggang sa umarangkada papasok sa tainga ko ang tunog ng rumaragasang tubig sa ibaba. May natanaw rin kaming mahabang tulay na gawa sa maninipis na mga kahoy at makapal na lubid na nagsisilbing hawakan. Napalunok ako ng laway nang umihip ang malakas na hangin at sumayaw ang tulay.

Sigaw agad ng utak ko, Mapagkakatiwalaan ba ’yan?

“Tara na!” utos sa ’min ni Langas.

Aktong susunod kami sa kanya sa tulay, ngunit tila pinahiran ng asin ang sariwa naming sugat nang walang ano-ano’y sumigaw nang napakalakas ang kaklase kong si Cormac Cruz. “Tabang! Ginoo ko!” (Tulong! Diyos ko!)

Dali-dali naming ipinihit ang aming atensyon at doon ay nakita namin ang tatlong dambuhalang damang. Hawak ng isa si Cormac na kasalukuyang nagpupumilit na makahulagpos. Kung susumahin, anim silang lahat kung isasama ang dalawang naglakbay patungo sa Mansalauan at ’yong isang pinaslang namin ni Langas.

“Bitiwan mo siya!” ang naibulalas ko, nagtapang-tapangan.

“Tabangi usab ko ninyo, uy! Unsa, tutokan ra ko ninyo?” (Tulungan n’yo naman ako! Ano, tititigan n’yo lang ako?) galit na sambit ni Cormac.

“Pakakawalan ko itong bubwit na ito kapag sumama ka sa amin, Olin. Nakatitiyak akong sa oras na ito, pabalik na rito ang Mansalauan kasama ng ibang damang. Kailangan mong sumama sa kanya,” sabi ng higanteng gagamba na may hawak kay Cormac. Pinagdaop ng kaklase ko ang dalawa niyang palad.

Bumagsak ang tingin ko sa lupa habang ang puso ko’y patuloy pa rin sa paghuhuramentado. No’ng susugurin sana kami ng Tambaluslos, sa ’kin umaasa ang mga kasama ko, ngunit binigo ko lang sila. Ngayon naman, nangangailangan ng tulong ang kaklase ko, subalit wala man lang akong maapuhap na angkop na paraan sa mga oras na ’to. Ang mga salita ay nagkaisa sa isipan ko. Nasa akin ba talaga ang kapangyarihan ni Sinrawee? O baka naman ay tama sila—na hindi talaga ako ang totoong itinakda?

Habang nasa negatibong pag-iisip ang utak ko, kapagkuwa’y gumapang si Langas papunta sa gilid ko. Tumindig siya, iniangat ang kanyang sundang sa ere, at saka siya humiyaw, “Hindi ninyo maaaring kunin si Olin! Magkamatayan muna tayo!”

Narinig kong umungot ng dasal sina Talay, Saya, Alog, at Lish sa likuran namin, at nasundan iyon ng panaka-nakang pagsinghot.

“Kung iyan ang nais ninyo,” wika ng isang damang at biglang ibinagsak si Cormac sa lupa, dahilan upang siya’y mapahalinghing. Walang-kaabug-abog ay umarangkada ang paa ng gagamba patungo sa likod ni Cormac.

Ilang pulgada na lang ang layo ng paa ng higanteng nilalang at akmang tutusukin na nito ang kaklase ko nang bigla akong makaramdam ng matinding galit at nag-init ang aking leeg. ’Tapos, nag-aapura akong tumakbo patungo sa kinalulugaran ni Cormac sabay bulyaw, “’Wag!”

Pakusang bumukas ang dalawa kong palad na nakakuyom kani-kanina lang at mistulang may gustong kumawala sa mga ito.

Bunga ng pagsigaw ko, nayanig ang paligid saka bigla na lang nabitak ang lupang inaapakan ng malalaking damang at pumailanlang sila sa ere kasama niyon. Sa isang kisapmata, naging kulay puti ang mga kasama ko, pati na rin ang mga gagamba na ngayon ay nakaangat. Kulay-uling naman ang lupa, mga puno, at ang kalangitan.

Nasorpresa ako nang mapagtantong may itim na kapangyarihan na unti-unting bumabalot sa ’min ng mga kasamahan ko. May mga tipak na batong bumulusok sa direksiyon namin, pero sa kabutihang-palad, ’di kami natamaan dahil sa bilog naming pansangga.

“Ano’ng nangyayari?” naguguluhang tanong ng isang gagamba.

“’Wag! Pakiusap!” pagsusumamo pa ng isa.

Dumapo ang mga mata ko sa maputla kong braso na parang may itim na mga ugat at gumagalaw pa. Hanggang sa bigla itong lumabas sa ’king mga palad at naging bilog. Naglaban ang gulat at saya sa kalooban ko. Sinubukan kong itapat ang dalawa kong kamay sa tatlong damang na nagbabalak na pumanaog. Kapagkuwa’y unti-unting namilog ang aking mga mata nang malusaw ang mga ito na parang kandila, pati na rin ang lupa at batong sumabay sa kanila sa pagtaas kanina.

Umangat ang sulok ng aking mga labi. Parang gusto kong pasalamatan si Sinrawee.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top