Chapter 7: Uncanny Encounter
Chapter 7: Uncanny Encounter
Kumaripas ako ng takbo palayo sa punong pinupugaran ng isang Agta, pero sa kasamaang-palad, dahil sa pag-aapura ay nadulas ako nang maapakan ko ang balat ng saging, dahilan para masubsob ako sa lupa.
Rumehistro sa magkabila kong tainga ang mga yabag na papalapit sa kinalulugaran ko, kung kaya’t dali-dali kong kinusot ang isa kong mata kasi napuwing ako.
“Olin, ayos ka lang?” tanong nito.
Dahan-dahan akong nag-angat ng tingin sa kanya nang maayos na ang isa kong mata. Kapagkuwa’y nanlaki ang mga mata ko nang makita ang itsura niya. “Ahhh! Halimaw!” Halos mapigtal na ang ugat ko sa sigaw na ’yon. Mabilis pa sa alas-kuwatro akong bumangon at saka umurong nang kaunti.
“Inaalipusta mo ba ako?” nakapamaywang na tanong ni Langas habang nagpupukol ng matalim na tingin sa ’kin.
Muntikan ko nang mabitiwan ang mga salitang, Bakit, totoo naman, a? Ngunit napalunok ako nang makita ang kanyang sundang. Sa halip na sabihin ’yon, ikinumpas ko agad ang aking kamay at nagwikang: “Biro lang ’yon.” ’Tapos, alanganin kong ininat ang mga labi ko.
Tanaw ko namang papalapit na sa kinatatayuan namin si Talay habang bitbit sina Saya, Alog, at Lish. Hay, ’buti na lang at dumating sila bago pa ako tagain ng nilalang na ’to.
“What happened?”
“Ano’ng nangyari?”
“Unsay nahitabo?”
“Ayos ka lang ba, Olin? Bakit ka sumigaw nang malakas kanina?” nag-aalalang kuwestiyon ni Talay sa ’kin.
“A . . . e . . . may nakita kasi akong malaking nilalang na nakaupo ro’n sa makapal na sanga ng puno at nanabako,” pag-amin ko saka inginuso ang isa sa mga puno sa di-kalayuan.
Sinipat nila ang itinuro kong direksiyon at saka natunghayan ang makapal na usok na nanggagaling sa kulay-uling na nilalang na may pambihirang laki.
“Isang Agta?” tanong ni Langas. “Huwag kayong mag-alala, mga kaibigan. Kakilala ko ang isang iyan,” pampalubag-loob na turan niya.
“Hindi ba ’yan nananakit?” agarang usisa ni Talay, mahihimigan ang pangamba sa tinig niya. “Hindi naman niya kami kaibigan, e. Ikaw lang.”
Bumaling kami kay Langas at nakita namin siyang umiling. “Mabait ang isang iyan. Hindi iyan nananakit ng tao. May mga Agta talaga na mahilig paglaruan ang mga kagaya ninyo, ngunit ibahin ninyo ang isang iyan. Sa katunayan, ngayon ko lang din siya nakita ulit.”
Dahan-dahan kaming lumapit sa puno na tinitirhan ng Agta. Patuloy pa rin siya sa pagbuga ng usok. Naubo kaming lahat. Umabante naman si Langas para kausapin ang sinasabi niyang kaibigan.
“Aking kaibigan, ipakikilala ko pala sa iyo ang bago kong mga kaibigan na sina Olin, Talay, at ang mga nagsasalitang bulaklak.” Isa-isa niya kaming itinuro.
Inilayo ng Agta ang kanyang tustos at inipit sa pagitan ng kanyang hintuturo at hinlalato. “Magandang gabi sa inyo,” bati niya sa ’min sa malalim na boses na bumagay rin sa kanya sa dahilang malaki ang katawan niya. “Ako nga pala si Atga.”
“Agta that got away?” biro pa ni Lish.
“Gibali ra nimo ang Agta,” (Binaligtad mo lang ang Agta) ani Saya.
“Binaligtad mo lang, e. ’Wag mo nga kaming pinaglololoko riyan. Olin, pektusan mo nga ang isang ’yan sa apdo,” utos pa sa ’kin ni Alog.
Sasawayin ko na sana sila ngunit ’di natuloy dahil nagsalita ulit ang malaki’t maitim na nilalang na nakapatong sa matabang sanga.
“Wala ba kayong narinig o napansin dito sa Porras?” patakang usisa ng Agta, na Atga ang pangalan.
Nagpalitan kami ng tingin nina Langas at Talay habang suot ang ’di maipintang mukha. Maliban sa walang tao rito at sa lumang palasyo, wala naman kaming ibang napansin. ’Di kaya . . . may nagmamatyag sa ’min na ’di namin nakikita?
Bumangon ang mga balahibo ko sa braso at nagpalinga-linga sa paligid namin. “M-may nakikita ka ba na hindi namin nakikita, Atga?” nauutal kong sambit.
Dumaan sa paligid ng magkabila kong tainga ang malakas niyang tawa. “Hindi iyan ang nais kong iparating, bata,” sabi nito dahilan para mapahinga ako nang maayos. “Wala ba kayong narinig na palahaw o iyak ng paghihinagpis?”
Kumunot ulit ang noo ko. “Ano’ng ibig mong sabihin? Buong araw kaming tumambay sa harap ng gingharian ng Porras para magpahinga kasi kailangan naming mag-ipon ng lakas para bukas. Pero wala naman kaming kakaibang narinig.”
“Ano ba ang narinig mo, kaibigan?” pagsaboy ni Langas ng kuwestiyon sa malaking nilalang.
Nangalay na ang leeg ko katitingala sa kanya. Puwede ba siyang bumaba rito sa lupa at tumingkayad sa harapan namin? Ay, ambot! (Ay, ewan!)
Nag-iwas ng tingin ang Agta at dumapo ang kanyang mga mata sa malaki at maliwanag na buwan, animo’y pinipiga ang utak sa kung anumang narinig o napansin niya sa lupaing ito. “Kahapon kasi, may narinig akong sigaw ng isang tao. Parang nangangailangan siya ng tulong. Ayaw ko na lang makialam sapagkat noong huling beses na nanghimasok ako, kinitil ni Sinrawee ang kapuwa ko Agta,” pagkuwento niya sabay yuko nang bahagya.
Sa tulong ng maliwanag na buwan, nakita namin ang kalungkutan sa mga mata ni Atga. Sandali kaming nilamon ng katahimikan. Parang isang kasalanan ang magsalita pagkatapos n’on. Tanging ingay na lang ng mga kuliglig ang naglalaro sa ’ming pandinig.
Kaya pala mag-isa na lang siya ngayon. Ang sama talaga ng Sinrawee na ’yon. ’Di ko talaga hahayaan na mabawi niya ang kapangyarihang naninirahan ngayon sa ’king katawan. ’Di ko hahayaan na maghasik ulit siya ng lagim dito sa Kahadras.
“Pero mahina na si Sinrawee ngayon.” Si Talay na ang nangahas na sumira sa katahimikan sa pagitan namin. “Ibig sabihin, ibang tao o nilalang ang may gawa niyon.”
“Ang tanging paraan lang upang malaman ninyo ay kailangan ninyong pumasok doon sa yungib,” sabi ni Atga sabay turo doon sa bandang likuran ng gingharian ng Porras.
Bagama’t hindi ko maaninag ang tinutukoy ng Agta, pero lumukob na kaagad sa ’kin ang matinding takot.
“Moadto g’yod ’ta?” (Pupunta ba talaga tayo roon?) tanong ni Saya, at kakikitaan din ito ng takot.
“Hoy, ’wag! Nakatatakot kaya ro’n,” sabi naman ni Alog.
“Cowards,” rinig kong bulong ni Lish.
Ngunit natagpuan na lang namin ang aming mga sarili na tinalunton ang landas patungo sa likod ng abandonadong palasyo ng Porras. Makalipas ang ilang minutong lakaran, pumasok na kami sa yungib at ginalugad ito; salamat sa tulong ng ilaw na nagmumula sa dala kong selpon. Nakakapit sa suot kong balabal na hinahabol na ng karayom sina Langas at Talay para hindi kami magkakahiwalay.
“Wala koy nakita,” (Wala akong nakikita) rinig kong anas ni Saya.
“Tanga! ’Wag kang pumikit!”
“Shh!”
Halos kada minuto kaming inaatake ng ubo dahil sa maalikabok na paligid. Namumutiktik ng agiw ng mga damang o gagamba ang dinaraanan namin. May matutulis din na mga bato sa bandang itaas, kaya kinailangan naming yumuko nang bahagya para magpatuloy sa paghahanap.
“Totoo ba ang sinabi ng Agta na ’yon?” tanong ni Alog.
“Hindi siya sinungaling, kaibigan,” pagtatanggol pa ni Langas sa kaibigan niyang may pambihirang laki.
“Pero”—ramdam ko ang panginginig ni Talay—“pa’no kung pinatay na ’yong taong ’yon ng kung sinumang dumukot sa kanya? Pa’no kung mapahamak tayo rito, Olin? Umalis na tayo,” ninenerbiyos niyang saad. Humigpit ang pagkakahawak niya sa suot kong balabal.
Agarang sumang-ayon si Saya, “Sakto si Talay, Olin. Kinahanglan natong mopahawa dinhi.” (Tama si Talay, Olin. Kailangan na nating lumabas dito.)
Naging alerto ako sa nakaambang panganib—alam kong hindi na ’ko ligtas simula no’ng may humabol sa ’kin—at saka puno ng determinasyon akong nagwikang: “Kailangan muna nating suriin kung ano’ng meron sa loob, baka buhay pa ’yong tinutukoy ni Atga.”
Ako pa rin ang nangunguna, samantalang sina Langas at Talay nama’y nakasunod sa ’kin. Hawak-hawak pa rin ni Talay ang mga bulaklak na maya’t mayang nagrereklamo kasi natatakot na sila at kailangan na raw naming lisanin ang kuwebang ’to.
“Olin, mukhang tama sila. Kailangan na nating umalis dito. Natatandaan ko na kung kaninong lungga ito,” bulong ni Langas. Dahil doon, nabuhay ang mga balahibo ko sa braso.
“Kaninong lungga ’to?” maagap na usisa ni Talay.
“Sa nakasagupa kong malaking”—nagpalinga-linga si Langas sa paligid—“malaking damang noon,” tugon niya sa mahinang tinig.
Doon ay tuluyan akong nabahala at mabilis kong ipinihit ang atensyon sa kanya. “Malaki? Higanteng gagamba?”
Sunod-sunod na pagtaas-baba ng kanyang ulo ang tangi niyang isinukli. Parang bumagsak ang hininga ko sa ilalim ng aking lalamunan.
Ilan pang sandali, sabay naming ibinalik ang aming tingin sa harapan nang may ungol na rumehistro sa magkabila naming tainga, parang nangangailangan ng saklolo at mukhang nanghihina na ito. Muli kong itinutok doon ang liwanag na galing sa ’king selpon at may dalawang maliit na daanan kaming nakita.
Muli kaming naglakad pasulong at lumiko sa kaliwang daan sa pangunguna ko. Sumalubong sa ’min ang masangsang na amoy, kung kaya’t dali-dali kaming nagtakip ng ilong. Inilawan ko ang paanan namin at halos lumuwa na ang aking mga mata nang maaninaw ang samot-saring kalansay ng mga tao o kung anong nilalang. Yawa!
“Olin, let’s go,” ani Lish. Tuluyang bumaligtad ang lamesa; siya naman ngayon ang tinambangan ng takot.
Nang itaas ko ang ilaw ay doon na namin nasaksihan ang isang bihag na binabalutan ng makakapal na sapot. Gumagalaw-galaw ito nang matamaan siya ng nakasisilaw na liwanag.
Madalian kong kinumpiska mula kay Langas ang kanyang sundang, umabante nang kaunti, at pumatong sa malaking bato para putulin ang sapot. Bumagsak ito sa lupa na napapalamutian ng mga buto at umarangkada papasok sa ’king tainga ang mahina nitong pagdaing.
Kaagad namin siyang tinulungan upang makahinga na siya nang maayos. Para siyang saging na kasalukuyang binabalatan.
Nanlaki ang mga mata ko nang makita ang itsura ng lalaking may dala-dala pang kamera. Dinumog kaagad ang isip ko ng alaala ng huli naming pag-uusap.
“Ha? Unsa imong giingon?” (Ha? Ano’ng sabi mo?)
“Naunsa ka, uy? Okay ra ka? Katol pa!” (Ano’ng nangyari sa ’yo? Ayos ka lang? Katol pa!)
Siya ang huli kong nakausap bago ako nakapasok dito. Siya ’yong kaklase kong lalaki na nakaupo sa likuran ko. Siya si Cormac Cruz, ang aspiring vlogger ng Cebu!
“Nag-unsa ka diri? Giunsa nimo pag-abot dinhi sa Kahadras?” (Ano’ng ginagawa mo rito? Paano ka nakarating dito sa Kahadras?) di-makapaniwalang saad ko.
Sa halip na sumagot ay nakita namin siyang napatingin sa likuran namin, ang kanyang mga mata’y higit na lumaki sa orihinal nitong anyo.
At sa di-inaasahang pagkakataon, walang ano-ano’y may matulis na bagay na bumaon sa likod ko. Isang nakawiwindang na sakit ang lumukob sa ’king sistema, dahilan para unti-unti akong mahilo at ang katawan ko’y sinalo ang lupa kasama ng iilang bungo. Rinig ko rin ang sunod-sunod na pagbagsak ng mga kasama ko na nasundan ng paghalinghing hanggang sa tuluyan nang nilamon ng kadiliman ang aking paningin.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top