Chapter 1: The Bearer

Chapter 1: The Bearer

“Ania na usab ning udto nga mura ko og gigakos ni Satanas!” (Heto na naman ang tanghaling para akong niyayakap ni Satanas!) bulalas ko habang ginagawang pamaypay ang aking kanang kamay.

Kalalabas ko lang sa bahay namin at yumapos kaagad sa ’kin ang nakapapasong sinag ng haring-araw. Ipinihit ko ang aking leeg at naghalukay sa bag ko ng bagay na maaaring gamiting panangga. Nang sumang-ayon ang utak ko sa nahanap ng aking mga mata, mabilis kong inilabas ang makapal na papel at ginawang kalasag laban sa araw.

Taga-Maynila kami dati, kaso, biglang naisipan nina Mama at Papa na lumipat dito sa Cabancalan, Mandaue City, Cebu. Sa katunayan, ’di ko alam kung bakit biglaan ang pangingibang-pook namin. ’Di na rin ako naghagis ng tanong sa mga magulang ko. Mahiya man ako, uy.

Patungo ako sa eskuwelahan namin. Afternoon shift kasi ’pag Grade 10, kung kaya’t kailangan kong makipagtagisan sa init araw-araw. Kasalukuyan akong nag-aabang ng masasakyang bus papunta sa highway. Kadalasang dumaraan ay sinakop na ng mga tao, kaya ’di na nag-abalang huminto sa harapan namin.

Walang ano-ano’y bumulusok papasok sa magkabila kong tainga ang hinaing ng mga katabi ko rito dahil sa init. Naging alerto ako sa paligid. Bagama’t kasisilayan ng panghihina ang kanilang mga itsura, ngunit nakini-kinita ko na kapag may tumigil na bus sa puwesto namin, biglang sasaniban ng lakas ang mga ’to.

Ilang sandali pa ang lumipas ay laking pasasalamat ng karamihan nang may humintong bus. At kagaya ng nasa isip ko kanina, bigla silang nagkaroon ng enerhiya at buong-lakas na nakipagdigma para lang makasakay. Hindi nakatakas sa ilong ko ang pinaghalong amoy ng kilikili at pawis ng paghihirap ng mga kasabayan ko. Dagli kong itinulak ang itaas na labi ko patungo sa mga butas ng aking ilong habang nakipagsiksikan. Siyempre, hindi ako nagpatalo, kung kaya’t madalian akong nakaupo sa likurang bahagi habang may nakapulupot na unan sa leeg ko.

Isinandal ko ang aking ulo sa bintana. Sa totoo lang, pakiramdam ko talaga, tagarito ako—ang ibig kong sabihin ay parang dito talaga ako isinilang ni Mama. Parang lumipat lang kami sa Luzon ’tapos bumalik ulit dito sa Visayas.

Nang huminto na ang sinasakyan namin sa bus stop ay dali-dali akong bumaba at naglakad nang ilang metro para marating ng mga paa ko ang paaralan namin. Pagpasok ko sa tarangkahan, ini-scan kaagad ang ID card ko at tsinek ng guwardya ang dala-dala kong bag.

Pagkatapos, pumanhik ako sa ikalawang palapag at dumiretso kaagad ako sa room namin kasi wala naman akong kakilala na tumatambay sa labas. Pag-apak ko sa loob ay walang bumati sa ’kin ng, “Hi, Olin.” Inasahan ko naman ’yon. Tiyempong pag-upo ko malapit sa bintana, dumating na rin ang guro namin na nasa edad trenta, hanggang balikat lang ang haba ng buhok, ang mga mata’y may kalakihan, at ang mga labi ay napapalamutian ng kulay-presa. Binati namin siya nang sabay ’tapos nag-umpisa na siyang magturo sa ’min.

Bumuntonghininga ako.

Buhat nang mawala si Soledad Cirrano o Solci, bumalik na ulit sa tahimik ang pamumuhay ko rito sa Cebu. Siya lang kasi ang palaging nangungulit at kumakausap sa ’kin simula nang lumipat kami rito. Kapitbahay ko siya at saka katabi ko rin dito sa silid-aralan namin. Kung paano siya naglaho na parang bula ay wala na ’kong ideya roon.

“Sa wakas . . . natagpuan ko na rin ang Bearer.”

Kumunot ang noo ko at awtomatikong pumihit ang aking atensyon nang may marinig akong bulong. Dumapo ang mga mata ko sa ’king kaklase na nasa likuran ko, ’tsaka ako nagsaboy ng kuwestiyon: “Ha? Unsa imong giingon?” (Ha? Ano’ng sabi mo?)

Halos magdugtong naman ang mga kilay ng kaklase kong lalaki. ’Yong tipong natatanaw niya ’kong nakasuot ng tuxedo ngunit hindi naman ako dadalo sa matrimonyo. Ilan pang sandali, tumakas sa kanyang bibig ang mahinang tawa. “Naunsa ka, uy? Okay ra ka? Katol pa!” (Ano’ng nangyari sa ’yo? Ayos ka lang? Katol pa!)

Muli akong napatingin sa harap at napahawak sa unan na nakapulupot sa leeg ko. Sino kaya ’yon? Napalinga-linga ako sa paligid subalit abala silang lahat sa pakikinig sa diskusyon ng aming guro. Kulang lang siguro ako sa tulog.

“Olin the Bearer, masaya akong nagbalik ka na rito sa Cebu.”

Lumingon ako sa kaliwa’t kanan, pero wala talagang nakatingin sa ’kin. Para akong nakaharap sa isang math equation na hindi ko alam kung paano i-solve. Yawa!

“Olin Manayaga!” Pumailanlang ang sigaw ng aming guro sa loob ng silid. “Ibutang kana nga unlan sa imong bag”—pinanlakihan niya ’ko ng mata habang nakaturo sa nakayakap na unan sa leeg ko—“karon dayon!” (Ilagay mo ’yang unan sa loob ng bag mo—ngayon din!)

Pero sobrang bilis ng mga sumunod na nangyari. Namalayan ko na lang na sumisigaw na ang aking mga kaklase sapagkat walang-kaabug-abog ay nag-ibang-hugis ang isa sa kanila; mula sa isang inosenteng estudyante, naging kulay-uling at malaking paniki ito saka lumilipad-lipad sa itaas ng kanyang silya. Matulis ang kanyang dalawang ngipin, mabalahibo ang katawan, at may kulot na buhok.

“Olin,” pagtawag ng babaeng paniki habang nakatutok sa ’kin ang pula niyang mga mata, “sumama ka sa ’kin!”

Ang puso ko ay naghuhuramentado habang nakatitig kanya. ’Di ko alam ang gagawin sa oras na ito. Ako ang kailangan niya? Pero bakit? Ano’ng kailangan niya sa ’kin?

Napakislot at napahalinghing ako nang may biglang uminit sa ’king leeg. Napaso ang palad ko nang hawakan ko ito. Ordinaryong marka lang ito noon! Pero ano’ng nangyari dito ngayon?

Tinapunan ko ng tingin ang babaeng paniki at lumipad ito patungo sa kinalulugaran ko. Yawa! Namayani rito sa loob ang walang patid at nakatutulig na sigaw ng mga kaklase ko. Namataan kong ang ilan sa kanila’y walang kagatol-gatol na tumakbo palabas ng aming silid-aralan. Samantalang ang iba’y tumayo, humakbang, at bumuo ng alyansa malapit sa pisara.

Sa kabutihang-palad, bago pa ako madale o masaktan ng malaking paniki ay bigla siyang tumilapon palabas ng bintana, dahilan upang mabasag ito at masira. Natapunan pa ako ng mumunting bubog bago ito tuluyang saluhin ng makintab na sahig, kaya nagawa kong pansangga ang dalawa kong kamay.

“Olin! Olin, takbo!” ang utos sa ’kin ng hangin.

Mabilis pa sa alas-kuwatro akong tumindig pagkatapos kong marinig iyon at kumaripas ng takbo, iniwan ko lang ang bag ko. Habang tumatakbo, ramdam kong may sumusunod sa ’kin. Hindi kaklase o guro, kundi parang nilalang na ’di nakikita at nagtataglay ng mahika!

Kung damgo ra ni ba, sagpaa na lang ko ninyo! (Kung panaginip lang ito, sampalin n’yo na lang ako!)

“Olin! Olin, sa ’kin ka sumama! ’Wag sa matandang ’yan!” Isang matinis na sigaw ang umalingawngaw rito sa pasilyo. Hindi iyon nagustuhan ng aking pandinig, kung kaya’t napangiwi ako. Nagambala tuloy ang ilan pang klase at napahiyaw rin ang mga estudyante. Nagbalik na naman ’yong babaeng paniki!

Hindi ko siya nilingon, sa halip ay patuloy lang ako sa pagtakbo sa kahabaan ng pasilyo. Habang ramdam ko ang enerhiya ng gumagabay sa ’kin, rinig ko naman ang maya’t mayang sigaw ng babaeng paniki. Malapit lang siya base sa boses niya, kaya kailangan ko pang bilisan.

Liko! Lumiko ka, Olin!” ang mando sa ’kin ng gabay ko.

Kaagad akong tumalima sa atas niya at lumiko papuntang banyo. Nakabukas ito at tanaw kong may mga tao sa loob. Nang makapasok ako ay sinenyasan ko silang lumabas, subalit nagpukol lang sila ng masamang tingin sa ’kin. Walang ano-ano’y lumitaw sa ’ming harapan ang isang matandang nakasuot ng asul na balabal at may dala-dalang tungkod, dahilan para mapapitlag ang mga binatilyong umiihi rito at mag-apurang tumakbo palabas ng banyo.

Bumagsak ang aking panga dahil sa nakikita ko. Isang matandang lalaki na may bughaw na mga mata at pati rin ang kanyang buhok. Salamangkero? Siya ang kumausap sa ’kin kanina?

Klinaro niya ang kanyang lalamunan bago magsalita, dahilan upang mabalik ako sa tamang huwisyo: “Hindi ito ang tamang oras para titigan ako. Malapit na ang malaking paniki. Kailangan mo nang lumundag sa inidoro. Dali!” Ipinihit niya ang kanyang leeg sa pintong nakabukas nang rumehistro sa magkabila naming tainga ang matinis na tinig ng babaeng paniki.

“Olin, ’wag!” nagkukumahog na sigaw ng kakaibang nilalang.

Inihanda ng matanda ang tungkod niya at itinapat sa malaking paniki. Kapagkuwa’y naglakbay sa hangin ang kapangyarihan niyang kulay asul din. Napadaing ang paniki habang pinipigilan siya ng salamangkero na makalapit sa ’kin.

“Bilisan mo na, Olin. Pumasok ka na riyan!” muli niyang dikta habang ’di ako tinatapunan ng tingin. Patuloy pa rin sa pagpapakawala ng nakaiiritang palahaw ang kakatwang nilalang.

“Olin, sa akin ka sumama!” pagpupumilit ng malaking paniki, ang itsura nito ay halos hindi na maipinta dulot ng pagtama ng kapangyarihan ng salamangkero sa katawan nito. Panaka-naka itong humahalinghing. Di-kaginsa-ginsa, naging butiki ang ulo nito saka inilabas nito ang mahaba’t kulay-dugong dila na siyang ikinagulat ko.

Meron akong nabasa tungkol sa nilalang na ’to. Isa itong Mansalauan—maalamat na nilalang na may pakpak na parang paniki, may ulo na katulad ng hunyango o butiki, at ang mga kamay at paa nito’y maihahalintulad sa unggoy.

“Olin, tumalon ka na sa inidoro!” panuto ng salamangkero habang nakatuon pa rin ang atensyon niya sa lumilipad at nakatatakot na nilalang.

“Pero—” Bakit sa inidoro? Ano’ng mangyayari sa ’kin? “—saan naman ako mapupunta?” Nilingon ko ang inidoro at nasaksihan ng dalawa kong mata ang pag-iiba ng kulay ng tubig; ito’y naging asul at umiikot pa. Tinapunan ko ulit ng tingin ang matandang tumulong sa ’kin.

Tila paubos na ang pasensiya, muli siyang napasigaw, “Basta, sumunod ka na lang!”

Nag-aatubili, napabitiw ako ng buntonghininga at dahan-dahang lumalapit sa inidoro. Rinig ko pa rin ang walang humpay na pagdaing ng Mansalauan. Kung tanging ito lang ang paraan upang matakasan ko ang humahabol sa ’kin, marahil ang paglundag sa inidoro ang pinakamahusay na ideya?

“Ngayon na!”

Pumikit ako nang mariin saka naglabas ng hangin sa pamamagitan ng ilong. Binuksan ko ang aking mga mata at nagkrus ako nang wala sa oras. Sinunod ko ang utos ng matanda; pagpasok ko rito ay para akong nahuhulog sa napakalalim na bangin, parang walang katapusan. Muli, mariin kong isinara ang aking mga mata at saka nag-ungot ng dalangin na sana’y makasusunod sa ’kin ’yong matandang nakasuot ng bughaw na balabal.

Malakas din ang puwersa ng hanging tumatama sa mukha ko. Uminit ulit ang marka sa leeg ko, kung kaya’t napakislot ako nang kaunti. ’Di ko na ito tinangkang hawakan pa dahil alam kong mapapaso lang ang palad ko.

Maya-maya pa, tuluyang sinalo ng mga tuyong dahon at payat na mga sanga ang katawan ko, dahilan upang mabali ang mga ito at lumikha ng matinis na tunog. Dali-dali akong napatayo saka pinagpagan ko ang suot kong uniporme: kulay-abong polo, itim na shorts, at kulay-uling na sapatos.

Iginala ko ang aking mga mata, at doon ko napagtanto na bumagsak pala ako sa tapat ng itim na kagubatan. Naglakbay sa katawan ko ang di-maipaliwanag na pangamba habang tinitingnan ang gubat. Nalalagas na ang mga dahon ng mga puno rito, may namataan akong kakatwang nilalang na gumagapang sa ibaba na naipalaliman ng tuyo’t malulutong na mga dahon, at saka karamihan sa mga punongkahoy ay napapalamutian ng sapot ng mga gagamba—na sa Cebu ay tinatawag naming “kaka” o “damang.”

Mistulang napako ang nanginginig kong mga paa sa kinatatayuan ko. Ang tangi kong naisambit ay: “P-parang may sakit ang gubat na ’to.”

Panandaliang nagtaas-baba ang mga balikat ko at nasapo ko ang aking dibdib nang tumunog ang mga dahon na nasundan ng pagkaputol ng maninipis na sanga. May bumagsak sa likuran ko. Sana, siya ’yong tumulong sa ’kin kanina. Nang lingunin ko ito ay para akong nabunutan ng tinik sa lalamunan nang makumpirma kong siya nga ang salamangkerong nagligtas sa ’kin mula sa kakaibang nilalang na ’yon.

Dagli niyang pinutol ang distansiya sa pagitan namin—hindi nakaligtas sa tainga ko ang pag-iyak ng mga natapakang dahon at nabaling mga sanga—at saka pormal siyang nagpakilala, “Ako nga pala si Mounir, ang asul na salamangkero.” Sinabayan pa niya iyon ng pagyuko nang bahagya. “Kailangan na nating makaalis dito, Olin. The board is already set, and the sinister pieces are currently moving,” dagdag pa niya. Hinawakan niya nang mahigpit ang kanyang tungkod at nag-umpisang maglakad.

“Ano’ng pinagsasabi mo?” ang naibulalas ko habang nakapamaywang, dahilan para mapahinto siya’t mapatingin muli sa ’kin.

“Kumikilos na ang kadiliman, Olin. Ramdam kong isa-isa na silang nagbalik dito sa mundo namin ngayong alam na nilang narito na ang nagdadala ng itim na kapangyarihan na galing kay Sinrawee. At ikaw ’yon, Olin. Ang itim na marka sa leeg mo ang makapagpatunay.”

Mas lalo akong walang maintindihan. Marka? Itim na kapangyarihan? Sinrawee? Habang naglandas ang isa kong kamay mula sa likuran ng aking ulo pababa sa batok ko, umapela ako, “Kagubot ba, uy! Iuli na lang ko sa among eskuwelahan. Basin mas masabtan pa nako ang Math kaysa ani!” (Ang gulo-gulo! Ibalik mo na lang ako sa eskuwelahan namin. Baka mas maintindihan ko pa ang Math kaysa rito!)

Subalit, sinalakay ako ng kaba sa dahilang masasalamin sa kanyang mukha na siya’y seryosong-seryoso. “Sa ayaw at sa gusto mo, kailangan mong sumama sa ’kin, Olin. May taong nangangailangan ng tulong mo,” mariing wika ni Mounir. ’Tapos, unti-unting umangat ang kanto ng mga labi niya bago magpatuloy: “Once you go in, there’s no coming out . . .”

Ug dinhi nagsugod ang kagubot sa akong kanhi hilom nga kinabuhi. (At dito nag-umpisa ang gulo sa dati kong tahimik na buhay.)

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top