[CG] Chapter 1: Prince of Darkness

[CG] Chapter 1: Prince of Darkness
OLIN
Kanina ko pa tinalunton ang buong lugar na ’di nasisinagan ng araw. Manaka-naka akong nagpakawala ng marahas na hangin at ramdam ko rin ang pagdausdos ng pawis sa ’king noo. Ang tumatakbo sa isipan ko sa mga sandaling ito, Nasa’n ako ngayon? Ba’t ang dilim dito? ’Di kaya . . .
“Walang pagsidlan ang kaligayahan ko ngayon sapagkat dumalaw ka muli rito, Olin,” anang isang boses sa di-kalayuan, na pamilyar sa ’king mga tainga. At doon ko lang nakumpirmang tama ang hinuha ko nang sabay-sabay na umilaw ang mga nakahilerang sulo na may berdeng apoy. Naaninaw ko ang isang babaeng nakaupo sa trono na nasa itaas ng ilang baitang ng hagdan—na walang iba kundi ang diyosa ng pagnanasa, pang-aakit, at ng mga yawa na si Nagmalitong Yawa Sinagmaling Diwata.
Pero ang tanong: Pa’no ako napadpad dito?
Napabitiw ako ng buntonghininga. Inis ang nagtulak sa ’kin para pakawalan ang mga salitang, “Ikaw na naman?! Kailan ka ba titigil? Sinabi ko nang ayoko, ’di ba? Ano ba’ng mahirap intindihin sa mga katagang ’yon, ha?” Hindi na ’ko nangangamba sa presensiya niya; kayang-kaya ko na siyang labanan ngayon.
Maingat siyang tumayo at dahan-dahang humakbang papalapit sa ’kin. Kakikitaan ng tuwa ang kanyang itsura. May koronang nakaupo sa ulo niya na mukhang yari sa mga tinik ng kung anong halaman, at ang damit niyang kulay puti na nagliliwanag ay sadyang nakatatawag-pansin. Higit na lumapad ang kanyang ngiti, ’tsaka siya nagsabing, “Olin, ikaw ang ‘Prinsipe ng Karimlan.’ Hindi mo ito matatakasan. Sa Galdum ka dapat manirahan.”
Umangat ang kanto ng aking mga labi. “Oo, meron akong itim na kapangyarihan dahil isinumpa ako ni Sinrawee no’ng nasa tiyan pa lang ako ng tunay kong ina.” Nagpapanggap lang akong kalmado, subalit binabantayan ko ang bawat galaw niya. Hindi ko siya aatrasan. Itinago ko ang aking mga kamay sa magkabila kong kilikili—pero ’di ibig sabihin n’on na ibinababa ko na ang depensa ko—’tsaka ako nagpatuloy, “Pasensiya na kung papuputukin ko ang bula, pero ’di ’yon nangangahulugan na aanib ako sa kadiliman. Inaamin kong may nagawa akong ’di maganda, ngunit ’di ako masama.”
“Ang ibang diyos ay maraming naibigang mga babae, subalit si Saragnayan ay isa lamang . . . ako lamang,” may diing wika ni Nagmalitong Yawa. “Isa siyang matapat at mapagmahal na asawa, kung kaya’t labis akong nalumbay nang mawala siya. Mabuti na lamang”—tuluyang nabasag ang kanyang boses at tumulo ang mga luha niya—“mabuti na lamang at nandiyan ka pa . . . anak.”
Anak.
Matapos rumehistro sa pandinig ko ang huling salitang binitiwan niya, tuluyang bumagsak ang aking panga.
Napabalikwas ako ng bangon. Napahawak ako sa ’king dibdib habang sunod-sunod na nagbuga ng tila nagdudumaling hingal. ’Buti na lang at panaginip lang—hindi, isa ’yong bangungot! Ano raw, anak niya ’ko? Kalokohan! Iniling-iling ko ang aking ulo. ’Tapos, ipinihit ko ang atensyon ko sa malaking orasan na nakadikit sa maputlang pader. Alas-tres pa lang ng madaling-araw, kung kaya’t napagpasyahan kong matulog ulit.
* * * * *
Kinabukasan, maaga akong nagtungo sa sementeryo para dalawin ang puntod nina Mama’t Papa. Humigit-kumulang isang taon na ang nakalilipas matapos naming magwagi laban sa masasamang nilalang sa Kahadras. Salamat kay Ginoong Mounir, dinala niya rito sa normal na mundo ang mama ko. Tinulungan din ako ng mga kamag-anak nina Mama’t Papa para bigyan ng disenteng libing ang mga magulang ko.
’Buti na lang at hindi nagdalawang-isip si Rayna Helya, ang tunay kong ina, na aprubahan ang tangi kong hiling na maglabas-pasok sa Kahadras. Panatag naman daw ang loob niya sa dahilang kasama ko naman sina Solci (o Solis, ang prinsesa ng mga Banwaanon) at Cormac. Umuwi na ang huli sa kanila ’pagkat paniguradong alalang-alala na sa kanya ang mga magulang niya. Samantalang kapitbahay ko pa rin si Solci; ang mga tumatayo niyang nanay at tatay rito sa normal na mundo ay mga Banwaanon din na may pahintulot mula sa kanilang hari.
Kaunti lang ang mga tao rito sa sementeryo, at ang iba’y pauwi na. Umupo ako sa damuhang malinis ang pagkagupit at inilagay ang mga bulaklak sa gilid ng puntod nina Mama’t Papa.
Ininat ko ang mga labi ko habang nanunubig ang aking mga mata. “’Ma, ’Pa, k-kumusta na kayo? S-sana, masaya kayo sa itaas. ’Wag kayong mag-alala sa ’kin kasi kaya ko naman na ang sarili ko. Sana, maaga kong nalaman kong ano ako at nakontrol ang aking kapangyarihan nang sa gano’n ay naipagtanggol ko kayo laban sa masasama kahit papa’no.
“Pero, hindi ko na maibabalik ang oras. Nangyari na”—tuluyang tumakas ang mga luha sa mata ko—“ang nangyari. Gusto ko lang magpasalamat sa lahat. Salamat sa pagkupkop sa ’kin, sa pag-aalaga sa ’kin, sa pagmamahal, at sa pagpaparamdam na totoo n’yo akong anak kahit sa katunayan, hindi n’yo ako kadugo. Dili ko kamo malimtan, ’Ma, ’Pa. Gihigugma ko kamo.” (Hinding-hindi ko kayo makalilimutan, ’Ma, ’Pa. Mahal ko kayo.)
Ilang saglit lang ay dumapo ang mga mata ko sa mga bulaklak na nakapatong sa puntod. Sa isang kisapmata’y nanariwa ang alaalang may humigit-kumulang isang taon na ang nakararaan.
“Talay . . .”
“Olin, patawad,” mahinang aniya, kasisilayan ng lungkot at pagsisisi ang kanyang itsura. “Patawarin mo ako sa ginawa ko. At kaya ako narito ay dahil nais ko ring magpaalam sa ’yo . . .”
Kumunot ang noo ko, ’tsaka ako nag-usisa, “Ano’ng ibig mong sabihin? Sa’n ka pupunta? Talay, dito ka lang. ’Wag kang umalis. Napatawad na kita, at sigurado akong mapapatawad ka rin nila.” Nang maglakad ako patungo sa kinalulugaran niya ay siya namang paghakbang niya paurong, indikasyon na ayaw niya ’kong lumapit sa kanya.
Iniling-iling niya ang ulo niya. Pinahid muna niya ang kanyang mga luha gamit ang likod ng kanyang kamay bago siya sumagot, “May kailangan lang akong gawin. May kailangan akong hanapin.” Sa pagbitiw niya ng mga salitang ’yon ay dali-dali siyang tumakbo papalayo sa ’kin.
“Talay, teka lang!” sigaw ko habang nanlalabo na rin ang aking paningin dahil sa luha. “N-nakauwi na sina Alog, Saya, at Lish malapit sa lawa! Ayaw mo ba silang bisitahin do’n? Talay! Sabay natin silang dalawin! Talay, bumalik ka!” Matapos kong bigkasin ang mga katagang ’yon ay tuluyang bumagsak ang magkabila kong tuhod sa damuhang maayos na tinabas kasabay ng pagpatak ng aking mga luha.
Nabalik ako sa realidad. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin nakukuha ang sagot kung bakit niya ginawa ’yon at kung bakit siya umalis nang may malabong rason. Sa’n siya pupunta? Ano’ng gagawin niya? Sino’ng hahanapin niya? Ilan lang ’yan sa mga tanong na patuloy na bumabagabag sa isipan ko buhat nang iwan niya kami.
Bagama’t gano’n ang nangyari, may mga dahilan pa rin ako para maging masaya: Una, nakauwi na ang mga nagsasalitang bulaklak sa kanilang tahanan sa tulong ni Ginoong Girion; pangalawa, dahil bumalik na ang dating anyo ni Langas o Lubani, wala na siyang rason upang sumama sa ’min at nagbabalak din siyang tumira sa Horia kasama ang mga Bantay Tubig at ang kanyang kasintahan na si Madani; at panghuli, tuluyan nang gumaling ang kapatid kong si Helio, salamat sa Boac na pinitas ko sa kagubatan ng Sayre.
Matapos kong dumalaw sa libingan nina Mama’t Papa, agad akong pumara ng bus para umuwi sa ’min. Sa totoo lang, na-miss kong mag-aral, kaso, wala na ’kong planong magpatuloy kasi babalik din naman ako sa katakot-takot na mundo. Isa pala akong prinsipe sa kakaibang mundong ginawa ni Kaptan, parang ’yong pelikulang napanonood ko lang dati ang atake ng kuwento ko. No’ng una’y halos ’di ako makapaniwala, pero ako talaga ang nagmamay-ari ng mga alaalang ’yon.
Pagkarating ko sa bahay, laking gulat ko nang akmang isasara ko na ang pinto ay walang ano-ano’y may pumasok na kakaibang nilalang—hindi, pamilyar na pamilyar ito! Ang pakpak nito’y maihahalintulad sa paniki, ang itsura ay kagaya ng butiki, ’tapos katulad ng sa unggoy ang mga paa’t kamay ng nilalang na ito—isang Mansalauan! Ang kaibahan lang, makulay ang Mansalauang ito!
Madalian akong tumakbo sa sala, ngunit sa kasamaang-palad, dinagit ako ng nilalang saka marahang ibinagsak sa malambot na sopa. Kumuha ito ng babasaging baso sa lamesa at walang-pakundangang itinapon sa gawi ko. ’Buti na lang at nakailag agad ako, kung kaya’t tumama ang baso sa bintana at nabasag iyon. Yawa! Ano’ng problema ng isang ’to? agarang sigaw ng utak ko.
Sa isang iglap, may nagliliwanag na palasong bumulusok papunta sa direksiyon ko. Imbes na umiwas, nagsamo ako ng kulay-uling na espada; iwinasiwas ko ito, dahilan upang mahati ang palaso sa dalawa. Binura ko ang nilikha kong sandata. Panandalian kong iginala ang aking paningin sa kabuoan ng bahay. Napahilamos ako sa mukha habang nagngangalit ang mga ngipin, ’tsaka ako bumulalas, “Solci, Cormac, tama na! ’Di magandang biro ’to!”
Kulay pa lang ng nilalang, walang dudang si Cormac ’to na nakapambalatkayo bilang Mansalauan. Nakatitiyak din ako na ang nagpakawala ng umiilaw na palaso ay walang iba kundi ang prinsesa ng mga Banwaanon.
Ilan pang sandali, kagaya ng inaasahan, tuluyang sumulpot sa ’king haparan ang dalagang may kulay-gatas na buhok na nakadamit ng kasuotang gawa sa pinagtagpi-tagping dahon na kulay-lupa at berde. Samantala, iniluwa naman ni Cormac ang mahiwagang kabibe, dahilan para bumalik ang dati niyang anyo. Sabay pang tumakas sa bibig nila ang mahihinang tawa, na pinsala lang ang dulot sa ’king mga tainga, habang hindi nila sinasalubong ang aking tingin.
“Ang saya n’yo naman?” Dahan-dahan akong humakbang saka umupo sa pang-isahang sopa, nakadekuwatro. Pinagdaop nila ang kanilang kamay, tanda ng paghingi ng pasensiya. Kapagkuwa’y umupo na rin ang dalawa sa tapat ko. Bumuga muna ako ng hangin bago seryosong magtanong sa kanila, “Kumusta na kayo?”
“Okay lang. As usual, naglalaro na naman ng ganda-gandahan ang eabab,” iyon ang sabi ni Solci habang nagkasalikop ang mga braso sa harap ng dibdib at nakakubli ang mga kamay sa magkabila niyang kilikili.
“Ayos lang din,” si Cormac iyon habang nakatuon ang kanyang atensyon sa hawak niyang mahiwagang kabibe. Ipinaling niya ang tingin niya sa ’kin bago magdagdag, “Siyempre, gikasab-an ko sa akong mga ginikanan tungod kay dugay kaayo ko nawala. Pero happy kaayo sila pagkakita nila sa akoa.” (Siyempre, pinagalitan ako ng mga magulang ko kasi ang tagal kong nawala. Pero sobrang saya nila nang makita nila ako.)
“How about you, Olin, dear? Kumusta naman ang bebe boy ko na ’yan?” pagsaboy ni Solci ng kuwestiyon. Inaasahan ko naman na ibabato niya pabalik ang katanungang ’yon, kaya nag-ensayo na ’ko ng angkop na tugon sa isip ko kani-kanina lang.
Saktong sasagot na sana ako nang walang ano-ano’y bigla na lang napatayo si Cormac at pumailanlang ang sigaw niya, dahilan upang matengga sa dulo ng dila ko ang mga salita. ’Yon pala, naging asul ang kulay ng makapangyarihang kabibe at kasalukuyang nagliliwanag. “Ano’ng . . . ano’ng nangyayari dito?!” ang naibulalas ni Cormac, ang itsura niya ay kasisilayan ng pinaghalong sorpresa at pagkamangha.
Namilog ang mga mata ko nang may lumabas na ilaw sa mahiwagang kabibe at tumama iyon sa parihabang salaming nakahilig sa maputlang pader. Maging ang mga kaibigan ko ay nagimbal din sa natunghayan. Bunga nito, nawala ang repleksiyon namin sa salamin at napalitan ito ng kulay asul na tubig na animo’y umaalon. Bawat alon ay para bang kinakawayan kami, nang-eengganyo sa ’ming mga paa na maglakad pasulong upang pumasok kami rito.
Lumukso agad ako sa isang konklusyon at nagsabing, “Nangangahulugan ’yan na kailangan ulit tayo ng Kahadras. Ganiyan din ang nasaksihan ko bago ako napadpad sa katakot-takot na mundo. Tinatawag na tayo ni Ginoong Mounir.” Tandang-tanda ko pa ’yong unang beses na nabulabog ang dati kong tahimik na buhay dahil sa paghabol sa ’kin ng nakalilipad na nilalang (na isa pala sa mga ahente ni Sinrawee) at sa pagsulpot ng asul na salamangkero.
Nag-aapurang humakbang papalapit sa ’kin si Solci. Isinamo ulit niya ang nagliliwanag niyang pana at palaso bago siya magsalita, “Tumpak ka riyan, dear.” Mababanaag sa kanyang mukha ang pagkasabik at para bang kasingkahulugan ng tingin niya ang paghiyaw ng mga salitang, “Let’s go na!”
“Kahadras Legends, assemble!” panuto naman ni Cormac at saka siya pumosisyon sa harapan namin. Sumariwa sa alaala ko ang sinabi niya sa ’min noon na siya ang tatayong “tank” sa grupo namin; ibig sabihin, siya ang nagsisilbing kalasag laban sa mga kaaway, pumoprotekta sa ’min, at ang tumatanggap ng pinsala.
Ug dinhi nagpadayon ang among pagpanimpalad. (At dito nagpapatuloy ang aming pakikipagsapalaran.)
* * * * *
A/N: Nagbabalik na ang ating tank, marksman, at mage! (Kaya lang, kulang na sila ng fighter at assassin.)
Unang chapter pa lang, may pasabog na agad. Ano sa tingin n’yo? Comment “Puwede,” kung naniniwala kayo at makatotohanan ang panaginip ni Olin. “Itsipwera” naman kung hindi.
Thank you for reading! 💚
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top