Chapter 9: Jack of All Trades

Chapter 9: Jack of All Trades

Unti-unting naglaho ang itim na kapangyarihang bumalot sa ’min at bumalik na rin sa dati ang lahat, ang orihinal na kulay ng mga nakapaligid sa akin. Tuluyan na ring umimpis ang pagyanig ng lupa. Mabilis na tinalon nina Langas, Talay, at Cormac ang distansiya sa pagitan namin.

“Olin! Olin, ayos ka lang?” pambungad na tanong sa ’kin ni Talay, mababanaag sa kanyang itsura ng labis na pag-aalala.

Tumango lang ako bilang tugon. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala sa ginawa ko; parang gusto kong balikan ang senaryong ’yon at panoorin ang sarili ko kung paano ko ’yon nagawa.

“Siya talaga ang totoong Olin! Ang hinirang na papaslang sa nakatatakot na halimaw at kukuha sa puso ng kagubatan ng Sayre—ang Boac!” manghang sabi ni Alog at nagbunyi sa pamamagitan ng paggalaw ng kanyang tangkay. Parehong hindi makapagsalita sina Saya at Lish, nakanganga lang.

“Whoa! Ang cool mo kanina, Olin,” gatong pa ni Cormac sabay sampay ng braso niya sa leeg ko. “May powers ka pala. Astig!”

Ipinaling ko tingin kay Langas, masasalamin sa mukha niya na siya’y seryoso habang nakatingala sa kaitaasan. Ilang sandali lamang ay ipinihit niya ang kanyang leeg, dumapo ang mga mata niya sa ’kin, at saka siya nagsalita, “Ikaw nga ang sinasabi nilang may hawak sa kapangyarihan ni Sinrawee. Alam mo ba, Olin, na gamit ang kapangyarihang iyan ay kaya mong wasakin ang buong Kahadras?”

Nabuhay ang mga balahibo ko sa braso dahil sa sinabi niya.

Alam mo ba, Olin, na gamit ang kapangyarihang iyan ay kaya mong wasakin ang buong Kahadras?

Mistulang sirang plaka na paulit-ulit kong naririnig sa ’king isipan ang huling sinambit ng isinumpang nilalang. Ba’t parang tunog kontrabida ako sa istoryang ito sa dahilang dala ko ang kapangyarihan ni Sinrawee? Hindi! Hindi ako kalaban. Ayon sa panaginip ni Rayna Helya, ako ang papatay sa higante at kukuha sa bulaklak na makagagamot sa prinsipe ng Melyar. Sa maikling salita, magiging bayani ako sa katakot-takot na mundong ito.

Tama. Hindi ako kalaban. Ako ang magiging bayani rito. Ako pa rin ang bida sa sarili kong kuwento—buhay. Ang kailangan ko lang gawin ay tapusin ang misyong ibinigay sa ’kin para makauwi na ’ko sa amin.

Napabitiw ako ng isang malalim na buntonghininga.

Kasalukuyan kaming tumatawid sa tulay na nagdurugtong daw sa lupain ng Porras at Escalwa. Sobrang haba nito at tila hindi mapagkakatiwalaan. Para kasing hindi nito kayang suportahan ang bigat namin at parang mawawasak ito anumang sandali dahil sa nipis ng kahoy.

Nangunguna si Langas habang ginagamit ang parehong mga kamay at paa sa paglalakad; ang sundang na nakasabit sa kanyang baywang ay sumasayaw at kumakalansing. Sumunod naman sa kanya si Talay na yakap-yakap sina Saya, Alog, at Lish. Nasa likuran naman ng dalaga si Cormac na parang wala lang at panay ang pagkuha ng litrato sa paligid. Samantalang ako naman ang nasa hulihan. Napahawak ako sa lubid o hawakan ng tulay, manaka-nakang napabuga ng hangin, at sinusubukan pa ring ibalanse ang katawan. Maya’t maya rin ang paglingon ko sa likod, baka kasi meron pang higanteng damang na aatake sa ’min.

“Parang natatakot akong tumingin sa ibaba,” rinig kong sabi ni Alog.

“Piyong, uy, bugu!” (Pumikit ka, bobo!) bulalas ni Saya.

“Can you please shut up?” tila nababanas na wika ni Lish.

Ilang sandali pa, umihip ang napakalakas na hangin at napasigaw sina Alog at Talay dahil do’n. Tila sumasayaw ang tulay habang maingat kaming naglalakad. Sa ilalim nito ay may rumaragasang tubig na patungo sa dagat. Halos malula ako katitingin sa ibaba ng dinaraanan namin.

Nagdiwang ang lahat nang makaapak na kami sa lupa. Kaagad naman akong napahawak sa mga tuhod ko at sunod-sunod na nagpakawala ng tila nag-aapurang hangin. Inilibot ni Cormac ang kanyang kamera sa paligid. Para siyang bata na ngayon lang nakakikita ng ganito kagandang tanawin sa tanang buhay niya.

“Mga kaibigan, bago tayo tumungo sa gingharian ng Escalwa, kailangan muna nating lagyan ang ating tiyan,” suhestiyon ni Langas na kaagad naming sinang-ayunan.

At natagpuan na lang namin ang aming mga sarili na tinalunton ang landas papunta sa paanan ng bundok kung saan matatagpuan ang kaunting kakahuyan at ang malinis na ilog na natatanaw namin kanina mula sa pagewang-gewang na tulay. Nagparamdam ang butil-butil na pawis sa ’king noo at sinalakay ng pagod ang buo kong katawan.

“Kanus-a kaha ’ta maabot sa Sayre?” (Kailan kaya tayo makararating sa Sayre?) rinig kong anas ni Saya.

“’Wag kang atat, Saya. Pasalamat ka, binubuhat lang tayo ni Talay,” pambabara ni Alog.

“Alog is right,” segunda naman ni Lish.

Pagkarating namin sa paanan ng bundok, pinili kong mapag-isa. Umupo ako sa isang malaking bato na medyo masakit sa puwet upuan. Nagboluntaryo si Cormac na siya na raw ang lulusong sa ilog para manguha ng makakain naming isda sa pamamagitan ng matulis na sanga. Iniwan muna niya sa tabi ang pinakamamahal niyang kamera. Rinig ko pa ang napakalutong niyang mura sa tuwing sumasablay siya. Si Talay ang kasalukuyang lumilikha ng apoy; ipinuwesto muna niya ang tatlong nagsasalitang bulaklak sa lupa. Samantalang si Langas naman ang sumugod sa kakahuyan para maghanap ng dahon ng saging.

Bumuntonghininga ako.

Makailang sandali’y nanariwa sa ’king alaala ang pagsagip ko kanina kay Cormac, na nagpapatunay na may dala nga akong itim na kapangyarihan. Ngayon ay tumaas na ang kumpiyansa ko na magtatagumpay ako sa misyon kong ito.

Pero ang tanong: Pa’no ko nagawa ’yon?

Naglabas ako ng hangin sa pamamagitan ng ilong. Pinasada ko ang aking kamay papunta sa ’king leeg saka iminuwestra ang isang libreng kamay sa ilog, sinusubukang pagalawin ang tubig at iniimahe na magsama-sama ang mga isda malapit sa puwesto ni Cormac. Ilang minuto ang lumipas, subalit walang nangyari.

Muli akong napabitiw ng buntonghininga at isinuko ang mga kamay. Siguro nga, ’di gano’n kadali ’yon. Siguro, kailangan kong pag-aralan nang mabuti kung pa’no makontrol ang itim na kapangyarihang namamahay sa katawan ko. At ’yon ay kuwento sa susunod na araw.

“Ayos ka lang ba talaga, Olin?” walang ano-ano’y tanong sa ’kin ni Talay. Ang tinig niya ay parang musika sa ’king pandinig na gusto kong pakinggan mula pagputok ng araw hanggang sa pagsapit ng dilim. Sa lahat, siya lang ang parating nagtatanong sa kalagayan ko.

Tumango lang ako bilang sagot, pagkatapos, hinandugan ko siya ng maliit na ngiti.

Tumabi siya sa ’kin, kaya umusod ako nang kaunti. “Bakit ’di ka tumulong sa ’min?”

Nasorpresa ako sa isinaboy niyang kuwestiyon at muntikan nang bumagsak ang panga ko sa lupa.

“Biro lang,” pagbawi niya at saka tumawa nang marahan. Tuloy, nahawa na rin ako. “Sa palagay ko, hindi ka maayos,” hinuha pa niya.

Naningkit ang mga mata ko habang tinitingnan si Talay. Pinunit niya ang laylayan ng suot niyang damit, pagkatapos, ipinulupot niya ito sa siko ko. At doon lang sumuntok sa isip ko na nagalusan nga pala ako dahil do’n sa nakaengkuwentro naming malalaking damang o gagamba.

Ngumiti ako sabay sabing, “Daghang salamat, Talay.” (Maraming salamat, Talay.)

Eksaktong pagdating ni Langas, umahon na rin si Cormac sa ilog habang bitbit ang mga nahuling isda na nakatuhog sa katawan ng matulis na kahoy. Kaagad kaming nagtipon malapit sa apoy para ihawin ang mga ito.

Pagkatapos, inilagay ni Talay ang inihaw na mga isda sa dahon ng saging na kinuha ni Langas sa kakahuyan at saka sabay naming tinugunan ang pangangailangan ng aming tiyan. Tahimik dito sa puwesto namin. Tanging pagaspas ng mga ibon at lagaslas ng ilog ang naglalaro sa ’ming pandinig habang nilalantakan ang pagkain. Humalik naman sa pisngi namin ang malamig na ihip ng hangin.

Isa-isa kong sinipat ang mga kasama ko.

Si Talay, ang tagapagsilbi sa gingharian ng Melyar. Nasama lang siya sa ’ming paglalakbay dahil siya ang tagabitbit kina Saya, Alog, at Lish. Pero kung tutuosin, malaki ang ambag niya rito kasi maingat siyang tao, matulungin, maalalahanin, at ’di niya hinahayaang mawalay sa kanya ang mga nakapagsasalitang bulaklak.

Si Langas, ang magsisilbi naming gabay patungo sa kagubatan ng Sayre—’yon ay kung papayag siya. Matapang siya at parang normal na lang sa kanya na may makasalamuha siyang halimaw rito sa Kahadras. Ang kailangan lang niyang gawin araw-araw ay lumaban at mamuhay nang mag-isa (at nakalulungkot ’yon).

Si Cormac na may hangaring maging isang sikat na vlogger. Hindi ko alam kung paano siya nakapunta rito sa Kahadras. Pero pakiramdam ko, ginusto rin niyang mapadpad dito. Parang meron siyang nais sa lugar na ’to na dadalhin niya sa mundo namin. ’Di ako sigurado.

“Cormac,” ako na ang nangahas na bumasag sa katahimikan sa pagitan namin, “pa’no ka napunta rito sa Kahadras? Sinundan mo ba kami ni Mounir?” Tapos na akong kumain at lumipat na ’ko sa matulis na bato.

Natigil siya sa pagkain, lumikot ang mga mata, ’tapos bahagya siyang napayuko na animo’y kapag nagsalita siya ay may katumbas iyong parusa.

“Oo nga,” segunda ni Talay.

Makaraan ang ilang saglit, tuluyan siyang nag-angat ng tingin. Bumuntonghininga muna siya bago magsalita, “Dahil . . . m-may gusto akong p-patunayan.”

Kaagad na nalukot ang mukha ko. “Ha? Ano naman?”

Bumaling siya sa ilog. “Growing up, I earned the monicker ‘Jack of All Trades.’ I can do a lot of things, but outstanding in none,” umpisa ni Cormac, ang boses ay nababahiran ng kalungkutan. Taimtim naman kaming nakikinig sa kanya. “Masakit sa pakiramdam na ang dami ko ngang nagagawang mga bagay—halos lahat—kaya lang, ’di naman ako nag-e-excel sa mga ’yon. Marami akong sinalihan na pageant, kaso, hanggang runner up lang ako.

“Dahil mataas ang kumpiyansa ko sa sarili, ako parati ang representative ng section natin, pero hindi ko talaga magawang iangat ang section natin sa unang puwesto, Olin. Hanggang second or third place lang ako. Marunong akong mag-drawing pero hindi ako magaling, kaya certificate of participation lang ang palagi kong natatanggap. Masipag akong mag-aral, pero parating nasa dulo ng listahan ng achievers ang pangalan ko.”

Parang may kung anong tumusok sa puso ko nang marinig ko ’yong sinabi ni Cormac. Hindi ko naman naranasan ang mga naranasan niya, pero ang sakit nga n’on.

“Nando’n na ’ko, e, pero ’di ko makuha-kuha. ’Yong tipong kaunting tumbling na lang, makakamit ko na ang titulo, pero parang ayaw talagang ibigay sa ’kin ng tadhana,” pagpapatuloy ni Cormac. Nasaksihan namin ang pagdausdos ng kanyang mga luha patungo sa kanyang pisngi at baba. “Maraming nagsabi na ’di raw ako makuntento, p-pero . . .”

Tinakpan niya ang mukha niya gamit ang dalawa niyang palad at tuluyang tumakas sa kanyang bibig ang sunod-sunod na hagulgol. Nilapitan naman siya ni Talay at nagtaas-baba ang kamay nito sa likod ni Cormac.

“P-pero ’di kasi nila ako naiintindihan, e.” Ilang saglit pa, pinunasan niya ang kanyang mga luha. “May gusto akong patunayan. That’s why few weeks ago, I switched into video blogging. Pero gusto kong kakaiba ang content ko. Kaya no’ng nakahanap ako ng oportunidad, sinunggaban ko agad. Oo, sinundan ko kayo, Olin. Ngayong nandito na ’ko, gusto kong video-han ang mga kakaibang nilalang o bagay rito sa tinatawag n’yong Kahadras, at ibahagi sa iba para dumami ang followers ko—para sumikat ako.”

Nagitla kami nang tumayo siya. Inilagay niya ang kanyang mga kamay sa magkabila niyang bulsa saka isa-isa niya kaming tinapunan ng tingin. Kakikitaan ng determinasyon ang mukha niya at parang wala na talagang makapipigil sa kanya.

“Gusto kong malaman ng iba ang mala-paraisong mundong nadiskubre ko.”

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top