Chapter 5: Langas to the Rescue

Chapter 5: Langas to the Rescue

“Isa siyang Tambaluslos! Takbo!” Pumailanlang ang sigaw ko rito sa loob ng kagubatan. Dali-dali kong ibinigay kay Talay ang paso at itinulak ko siya sa ibang direksiyon, samantalang kumaripas naman ako ng takbo patungo sa kabila. “Luslus! Habulin mo ’ko! Yoo-hoo!” Pero sinuntok ko agad ang aking sarili sa isipan ko. Tunay ngang nasa dulo ang pagsisisi.

Habang tumatakbo ay tumutuloy sa ’king mga tainga ang panaka-nakang paghinga ng katakot-takot na nilalang na nasa likod ko, at gayundin ang ingay na nililikha ng mga puno’t halamang nadaraanan niya.

Nagkrus ako at nag-ungot ng madaliang panalangin na sana’y tantanan na kami ng pangit na halimaw na ’to. Ang puso ko naman ay walang humpay sa pagkabog na animo’y may karera ding nagaganap sa aking dibdib.

Umalingawngaw ang kakaiba nitong ingay at hindi ’yon nagustuhan ng pandinig ko.

Pawisan at ang dungis-dungis ko na katatakbo sa masukal na kagubatan na ’to. Punit-punit na rin ang pinahiram sa ’kin ni Mounir na balabal dahil sa malalagong halaman at sangang nasasagi ko. ’Yong iba’y may tinik, kung kaya’t tumakas sa bibig ko ang mahinang daing.

Maya’t maya akong yumuyukod, pasimpleng nangolekta ng mga bato sa daanan na may sapat na bigat lang para ihagis sa Tambaluslos kapag nagkaroon ako ng pagkakataon na umatake sa kanya.

Kapagkuwa’y naisipan kong humiling na sana’y ayos lang sina Talay, Saya, Alog, at Lish. Kailangan ko lang pagurin ang isang ’to. Hahanapin ko na lang sila pagkatapos. Pero parang ako yata ang unang mapapagod sa sitwasyong ’to. Yawa!

Rumehistro sa magkabila kong tainga ang pagkaluskos sa tabi, kaya naman higit kong binilisan ang pagtakbo. Hindi ako puwedeng sumuko rito, may naghihintay pa sa ’min sa gingharian ng Melyar. Pa’no ko ba matatakasan ang buwisit na nilalang na ’to?

Bagama’t nakatuon ang aking atensyon sa daanan, sinubukan kong magtapon ng ilang bato sa likuran ko, umaasang matamaan ko ito at mapahinto ito sa pagbuntot sa ’kin. Subalit nabigo lang ako. Ramdam ko pa rin ang presensiya nito hanggang ngayon!

“Dili na g’yod ko molukso sa inidoro sunod!” (Hindi na talaga ako tatalon sa inidoro sa susunod!)

Maya-maya pa, sa unang pagkakataon, tumigil ako at humarap sa nilalang na may malaking bibig at ari upang sabuyan ito ng bato nang sunod-sunod. Pagkatapos kong marinig ang pagdaing niya ay nagpatuloy na ’ko sa pagtakbo. Pasimple kong ipinihit ang leeg sa direksiyon  niya at nakitang sinusundan pa rin niya ako.

“Mama! Kuhaa ko dinhi, please!” (Mama! Kunin mo na ako rito, pakiusap!)

Ngunit sa kasamaang-palad, napagtanto kong pamilyar ang dinaraanan ko ngayon, kaya kaagad na kumunot ang aking noo. Hindi ako sigurado, pero parang dumaan na ’ko rito? Sinalakay muli ako ng matinding takot at saka mariing napalunok nang dumaan sa paligid ng dalawa kong tainga ang nakapangingilabot na halakhak ng Tambaluslos.

Ilang sandali lamang ay may nabangga akong tao—si Talay! At dahil sa pagtama ng aming katawan, nabitiwan niya ulit ang paso kung saan nakalagay sina Saya, Alog, at Lish. Buwisit! Ito ’yong puwesto kung saan siya natisod kanina! Isang bagay ang tiyak: pinaglalaruan kami ng Tambaluslos na ’yon!

Pagdaragdag ng pampaalab sa apoy, natanaw naming nabasag ang lalagyan ng mga nagsasalitang bulaklak at ito’y nahati sa dalawa. Sabay kaming naghagis ng isang kamay papunta sa ’ming bibig. ’Buti na lang at hindi sila namatay sapagkat nanatili pa rin sila sa lupang nakahulma na parang paso.

Biglang umihip ang malamig na hangin, dahilan para maalarma kami. Gumalaw ang mga puno na tila ba gusto nang kumawala ang mga ugat nito sa lupa. Naulinigan din namin sa di-kalayuan ang malulutong na tunog ng mga tuyong dahon at ang pagkabali ng mga sanga.

Napalunok ako ng laway.

“Ano’ng gagawin natin?” tanong ni Talay sa ’kin. Umupo siya at sinubukang ayusin ang lalagyan ng tatlong bulaklak, ngunit nabigo lang siya at napabitiw na lang ng malalim na buntonghininga.

“If you’re really the Olin, you should save us,” mangiyak-ngiyak na sambit ni Lish.

“Iwan n’yo na lang kami rito,” mungkahi pa ni Alog.

“Hindi puwede,” giit naman Talay. “Kailangan namin kayo para mahanap ang Boac.” Hindi nakatakas sa pandinig ko ang kanyang pagsinghot.

Muli akong napalunok at mariing napapikit. “Mounir . . .”

Bawat pagkaputol ng mga sanga sa paligid ay nagdaragdag sa ’min ng kaba.

Ano’ng gagawin ko? Sana pala, tinanggap ko na lang ’yong sandata kahit ’di ako marunong gumamit n’on.

Walang ano-ano’y may biglang kumalabit sa tagiliran ko. Halos mapatalon ako sa gulat nang dumapo ang tingin ko sa kanya.

Tumambad sa ’kin ang isa pang hindi kaaya-ayang nilalang na parehong ginamit ang mga paa’t kamay sa paglakad, at ito’y nakabahag lang. ’Tapos, may sundang na nakakabit sa kanyang baywang. Dagli kong itinulak ang pang-itaas kong labi patungo sa mga butas ng aking ilong nang lumusob dito ang nakasusulasok niyang amoy; parang natuyong ihi ang kanyang samyo. Mukhang isa siya sa mga nilalang na ’di ipinakilala sa salitang “ligo.”

“S-sino ka?” nauutal kong sambit dala ng pinaghalong takot at gulat.

“Ako ang hinahanap ninyo, hindi ba?” sinagot niya ang tanong ko sa pamamagitan ng paghagis ng panibagong kuwestiyon.

Doon ay nanlaki ang mga mata ko.

“Langas?” bulalas ni Talay. Dali-dali siyang tumayo at lumapit sa ’min.

Tama ba ang narinig ko? Siya si Langas? Ang nilalang na may alam sa pasikot-sikot sa buong Kahadras? Ang magiging gabay namin at makatutulong sa ’min sa pagpunta sa Kagubatan ng Sayre?

“Langas, tulungan mo kami,” nagkukumahog na pakiusap ni Talay. Maya-maya pa’y tinakpan din niya ang kanyang ilong.

Nagpalinga-linga kami sa paligid nang marinig namin ang pagkaluskos. Palapit na siya!

“Hubarin ninyo ang inyong kasuotan, baligtarin, at muling isuot—dalian ninyo!” panuto sa ’min ni Langas, ang mga kamay ay tapon dito at tapon doon. Kapagkuwa’y may tumagos na liwanag sa loob ng gubat at tumama iyon sa kanyang kulay-ginto at matutulis na ngipin. “Ano pa ang hinihintay ninyo riyan? Ang lamunin kayo ng lupa? Mga ugok! Bilisan ninyo!”

Naguguluhan, sinunod namin ang sinabi niya at tinalikuran namin ni Talay ang isa’t isa. Hinubad ko ang suot kong balabal at saka ang uniporme kong kulay-abo. Binaligtad ko ang polo ko at sinuot ulit pagkatapos.

Di-kaginsa-ginsa, biglang umalagwa mula sa halamanan ang naglalaway na Tambaluslos at unti-unting lumalapit sa kinalulugaran namin. Kakikitaan ng pagod ang itsura niya ngayon sa kahahabol sa ’kin, subalit parang gusto na niya kaming kainin.

“Humanda kayo,” ani Langas. “Kapag tumawa na iyang Tambaluslos, kailangan ninyong kuhanin ang mga bulaklak at sumunod kayo sa akin papuntang Porras.”

Tumango na lang ako at napahawak sa kamay ni Talay.

Hinarap kami ng Tambaluslos at hinagod ng tingin. Ilan pang sandali, humagalpak ito sa katatawa, dahilan upang matakpan ng kanyang malaking bibig ang mga mata niya.

“Bilis! Kunin n’yo na ang mga bulaklak,” utos ni Langas sa mahinang tinig.

Kaagad namang tumalima si Talay sa atas niya at dinampot sina Saya, Alog, at Lish. Nirolyo ni Talay ang balabal niya at inilagay roon ang mga bulaklak na nakakapit pa rin hanggang ngayon ang mga ugat sa lupa. Kinuha ko naman ang bag at balabal na ipinahiram ni Mounir sa ’kin.

Patuloy pa rin sa pagpakawala ng malakas na halakhak ang halimaw na may malaking bibig at ari.

“Dito,” bulong ni Langas.

Maingat kaming sumunod sa kanya at sinadya naming gaanan ang pagtapak sa mga dahon, sinisigurong ’di kami makalilikha ng anumang ingay. Pareho rin naming tinakpan ni Talay ang aming ilong. Hindi puwede ’to. Kasama namin siya sa paglalakbay patungo sa Kagubatan ng Sayre, baka siya pa ang magiging sanhi ng pagkamatay namin, baka ’di na kami makaaabot do’n.

Unti-unti nang humihina ang tawa ng Tambaluslos kasi medyo malayo na kami sa kinatatayuan niya. Habang nakabuntot kay Langas, iniisip ko pa rin ang nilalang na ’yon. Ngayon ay napagtagpi-tagpi ko na ang lahat. ’Pag makasasalubong namin ’yong halimaw na ’yon, kailangan pala naming hubarin ang aming damit, baligtarin ang mga ito, at saka muling isuot. Nang sa gano’n, hahalakhak ang Tambaluslos dahil sa ’ming nakatatawang kasuotan at matatakpan ng bunganga niya ang kanyang dalawang mata. ’Tapos, magkakaroon kami ng sapat na oras para tumakas.

Ang galing! Ba’t ’di ko naisip ’yon? May nabasa ako sa libro noon tungkol sa itsura ng Tambaluslos, kaya lang, ’di nakalagay roon kung pa’no ito takasan ’pag pinaglalaruan nito ang mga tao sa loob ng kagubatan.

Hindi nagtagal, nalagpasan na namin ang matataas na puno at mayayabong na halaman. Walang pagsidlan ang kaligayahan ng mga kasama naming bulaklak nang bumati sa ’min ang nakasisilaw na liwanag na nanggagaling sa dakong itaas.

Bumuntonghininga ako.

Pagkatapos, dumapo ang aming mga mata sa isang kaharian na gawa sa bato. Sinalakay iyon ng mga lumot na nagsama-sama at wasak na rin ang gilid niyon dala ng kalumaan.

“Maligayang pagdating sa patay na gingharian!” anunsyo ni Langas.

Patay na gingharian? Ito na ba ang sinasabi nilang Porras?

Unti-unting lumingon sa ’min si Langas, suot ang kahindik-hindik na ngisi. Marami pa naman ang kanyang buhok, ang mga mata niya ay may kalakihan, at may mabalahibong katawan, buntot, paa, at kamay na katulad ng unggoy.

Nang mag-angat ako ng tingin, tila kumislap ang dulo ng kanyang ngipin na kulay-ginto. Nabuhay ang mga balahibo ko sa braso habang nakatitig sa kanya, mariing napalunok, at maingat na humakbang paurong.

“Totoo bang masarap ang mga taga-Melyar?” nakangising tanong niya sabay taas ng kanyang sundang sa ere.

* * * * *

GLOSSARY

Langas – another Visayan term for loud or noisy. However, in some places in Cebu, like Aloguinsan, langas means “frisky” or “moving a lot.”

Sundang – a Filipino-made big cutting tool akin to the machete. Also known as itak in Tagalog.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top