Chapter 3: The Wrong Olin
“Lin . . . Lin, pagmata na.” (Lin . . . Lin, gumising ka.)
Iminulat ko ang mga mata ko nang may tumawag sa ’kin. Isang tao lang ang tumatawag sa ’kin ng ‘Lin,’ walang iba kundi ang pinakamamahal kong ina.
Kinusot ko ang dalawa kong mata at saka tumunghay. ’Tapos, nakita ko si Mama sa may balkonahe na napagigitnaan ng dalawang mapuputlang kurtina na sumasayaw dahil sa banayad na pagkumpas ng hangin.
“’Ma?” sambit ko saka mabilis na tumayo at tumakbo palapit sa kanya. Ngunit sa kasamaang-palad, bigla na lang akong tumalsik pabalik sa hinigaan kong kama kanina nang may puwersang nakaharang at tila hindi kami pinapayagang magkalapit. “Ahhh!” Tumakas sa bibig ko ang mahinang daing dahil sa sakit.
“Lin, paminaw nako,” (Lin, makinig ka sa akin) umpisa ni Mama. Pareho kaming pinangingiliran ng luha dahil sa sitwasyon namin. “Ipamatuod sa ila nga ikaw ang tinuod nga Olin, nga ikaw ra ang Olin nga ilang gipangita.” (Patunayan mo sa kanila na ikaw ang totoong Olin, na ikaw ang nag-iisang Olin na hinahanap nila.) Pinilit niyang ngumiti habang dumausdos ang kanyang mga luha patungo sa kanyang pisngi at baba.
Nanginginig ang aking mga labi sa sinabi ni Mama habang patuloy pa rin sa paglandas ang mainit na likido pababa sa ’king pisngi. “Gihigugma ko ikaw, ’Ma. Pag-amping kanunay.” (Mahal na mahal kita, ’Ma. Ingat ka palagi.)
* * * * *
Nagising ako dahil sa ingay. Pamilyar ang mga boses na ’yon. Bumalikwas ako ng bangon at hinanap ng mga mata ko kung saan ’yon galing. Doon ko na nakita ang tatlong bulaklak na nagsasalita, kasalukuyan silang nakalagay sa isang paso na pininturahan ng kulay-dalandan, at saka hawak iyon ng isang babae. Nakapusod ang buhok niya, nakasuot ng maputlang damit pang-itaas at saya, at wala siyang sapin sa paa. Kaya lang, ’di ko makita ang kanyang itsura kasi nakayuko siya. Palagay ko, isa siya sa mga tagapagsilbi rito sa palasyo.
“Mura og dili kana ang Olin nga atong gipangita,” (Parang hindi ’yan ang Olin na hinahanap natin) hinuha ng kulay-ubeng bulaklak.
“Pa’no mo naman nasabi? Mas magaling ka pa kay Ginoong Mounir, gano’n?” tanong naman sa kanya ng berdeng bulaklak.
“Cry all you want, but for me, he’s the wrong Olin,” nag-uumapaw na kumpiyansang wika ng asul na bulaklak.
“Magsitahimik kayong tatlo!” saway ni Mounir sa kanila, dahilan para mapalingon ako sa kanya na prenteng nakaupo sa kulay-tsokolateng salumpuwit na malapit sa bintana.
“’Wag kasi kayong maingay!”
“Don’t make noise!”
“Shudi abas!”
Napahinga ako nang maluwag. Akala ko, iniwan na ’ko ng nagligtas sa ’kin matapos kaming patuluyin dito ng isang tagapagsilbi sa dahilang may inaasikaso pa raw ang mahal na rayna.
“Mabuti naman at gising ka na, Olin.” Isinandal niya ang kanyang tungkod sa gilid. ’Tapos, dumekuwatro siya at humalukipkip. “Ayon kay Talay, parating na raw si Rayna Helya rito sa silid natin,” aniya at nabanat nang bahagya ang kanyang mga labi.
“Talay?” patakang usisa ko.
Inginuso niya ang babaeng malapit sa pintuan, at doon ay tuluyan itong nag-angat ng tingin sa ’kin saka hinandugan ako ng maliit na ngiti. Kakikitaan ng paghihirap ang itsura niya, gayunpaman, taos-puso naman niyang ginagawa ang kanyang tungkulin.
Ipinaling ko ang tingin sa bitbit niyang mga bulaklak, na tila nais akong saksakin base sa tingin nila. Pakiramdam ko, tinitiktikan ako ng mga ito at saka nakaabang sila sa bawat galaw ko.
Makalipas ang ilang sandali, gumilid si Talay nang bumukas ang malaking pinto at iniluwa niyon ang isang napakagandang babae. Napakaamo at napakakinis ng mukha niya, hindi gaanong malaki ang kanyang mga mata, may mahahabang pilik-mata, kahel na mga labi, mahaba ang kulot niyang buhok, at nakatatawag ng pansin ang nakaupong korona sa kanyang ulo. Nakasuot siya ng berdeng damit na parang kumikinang saka ang kanyang mga alahas ay mistulang sumasayaw sa bawat galaw niya.
Dali-dali siyang lumapit sa ’kin at inilapat ang magaan at malambot niyang mga kamay sa magkabila kong pisngi. “The Olin?”
Pakusang uminat ang aking mga labi. “A-ako nga po, m-mahal na rayna,” nauutal kong sagot.
“Pero . . .” Nabitin sa ere ang kanyang salita habang naglandas ang isa niyang kamay sa likuran ng aking ulo pababa sa ’king leeg. Napalunok ako. Alam ko na ang napansin niya. “. . . walang marka ang leeg mo.”
Mula sa gilid ng mata ko, ’kita kong tumayo bigla si Mounir at dahan-dahang lumalapit sa puwesto namin. “Nasaan ang marka mo, Olin?” pagsaboy ng kuwestiyon ng asul na salamangkero.
Para akong nahaharap sa isang napakahirap na suliranin: Kung lulukso ba ’ko sa bangin na parang luko-luko? O manatili sa puwesto ko at harapin ang malaking oso? Hindi ko alam kung ano ang gagawin. Wala akong maapuhap na angkop na sasabihin. Nakatutok sa ’kin ang kanilang mga mata habang hinihintay ang tugon ko sa inihagis na tanong ng matandang nakasuot ng bughaw na balabal.
Ibinuka ko ang aking bibig, ang ’Di ko rin po alam ay nasa dulo na ng dila ko. Pero sa huli, inilibing ko na lang ’yon sa ’king lalamunan at nagkibit-balikat na lang ako.
“Kailangan nating mag-usap, Mounir,” anang mahal na rayna at tinalikuran kaming lahat. Pinagbuksan naman siya ng pinto ni Talay, na hanggang ngayon ay hawak pa rin ang kahel na paso. Walang kagatol-gatol na sumunod sa kanya si Mounir.
Nang isara ni Talay ang pinto ay dagli akong tumayo at lumapit sa kinalulugaran niya. Inilapit ko nang kaunti ang kanang tainga ko sa pinto para pakinggan ang kanilang pinag-uusapan.
“You brought the wrong Olin,” rinig kong sabi ni Rayna Helya, may bahid na pagkadismaya sa kanyang boses.
“Mahal na rayna, maghunos-dili ka,” ani Mounir. Isa siya sa mga nakakita ng marka sa leeg ko, kung kaya’t alam kong hihimukin niya ang rayna na paniwalaan siya. “Nakita ko ’yong itim na marka sa leeg niya kanina at hinabol din siya ng kampon ni Sinrawee, kaya ko siya dinala rito. Maski ako’y naguguluhan din. Wala akong ideya kung bakit naglaho ang marka, pero nakasisiguro akong siya ang Olin na hinahanap natin.”
“Mounir, pinagkalooban ako ni Dalikamata ng espesyal na kakayahan sabi ng aking ginikanan. Ang mole sa eyeball ko ang makapagpatunay. Napanaginipan ko ang Olin na papatay sa halimaw na nagbabantay sa nag-iisang Boac. Malaki ang katawan ni Olin at may itim na marka sa kanyang leeg. ’Di ko lang nakita nang maayos ang mukha niya.”
Sino si Dalikamata? Nakikita ni Rayna Helya ang hinaharap? Ano ’yong Boac?
“Baka ibang Olin ang nadala mo rito o ’di kaya’y pinalitan siya ng kalaban natin no’ng papunta kayo rito para si Sinrawee ang makakukuha sa nag-iisang Boac,” giit ng rayna, mahihimigan ang pag-aalala sa kanyang tinig.
“Mahal na rayna, huminahon ka.” Pilit naman siyang pinapakalma ng asul na salamangkero. “Baka nagtago lang ang palatandaan na mayroon siyang kapangyarihang dala, o nalipat ’yon sa ibang bahagi ng kanyang katawan. Posible ’yon, ’di ba?”
“Paumanhin po, mahal na rayna, ngunit kailangan daw po kayo ni Prinsipe Helio.” Naputol ang kanilang pag-uusap nang may tagapagsilbi na umeksena.
Tuluyan ko nang tinantanan ang pinto at dahan-dahang tinalunton ang landas patungo sa balkonahe. Agad na hinaplos ng malamig na hangin ang buo kong katawan. Tanaw ko mula rito ang mga kagubatan, bukirin, karagatan, at iba pang magagandang tanawin dito sa Kahadras. Nakahahalina rin ang kalangitan na naglalaro sa kulay-uling at kulay-dalandan. Nag-aagaw-buhay na ang araw sa kaitaasan at anumang oras ay lilitaw na sa kalangitan ang buwan kasama ang mga alipores nitong kumukutitap na mga tala.
Naramdaman kong may lumapit sa ’kin.
“Ginoong Olin?”
Ipinihit ko ang atensyon ko kay Talay na bitbit pa rin ang paso hanggang ngayon. “Olin na lang,” agarang sabi ko.
“Ayos lang po ba kayo?” tanong niya.
Tumango naman ako bilang tugon.
“Ipinakikilala ko po sa inyo ang mga kaibigan ko. Itong kulay-ube ay si Saya, ang nagsasalita ng Bisaya. ’Tapos, itong berde ay si Alog, ang nagta-Tagalog at ang nag-iisang lalaki. Ito namang huli na kulay asul ay si Lish, ang nag-e-English.” Isa-isa niyang hinawakan ang tatlong bulaklak. “Iba-iba ang gamit nilang lengguwahe, pero nagkakaintindihan naman ang tatlong ’to. Kahanga-hanga, ’di ba?”
Namamangha, muli akong tumango.
“Gusto mo bang malaman ang nangyari sa prinsipe?” tanong ni Alog na siyang ikinalaki ng mga mata ko.
Kuryosidad ang nagtulak sa ’kin para sambitin ang, “Oo, gusto kong malaman.”
“Just make sure that you’ll tell him the truth,” ani Lish sabay irap.
“Kagagawan kasi ’yon ni Sinrawee kaya nagkasakit si Prinsipe Helio. Walong taon na niya ’yong iniinda. Gumagawa ng paraan si Ginoong Mounir taon-taon para hindi mamatay ang nag-iisang prinsipe, ngunit hindi talaga niya kayang palayasin ang nasa katawan ni Prinsipe Helio. At ngayon, mas lalong lumala ang kalagayan nito. Kailangan na talagang malunasan ang lason na namamahay sa kanyang katawan sa pinakamabilis na paraan,” pagsalaysay ni Alog.
“And we need the Olin to recuperate the prince,” gatong pa ni Lish. “But you’re the wrong one.”
Gumalaw ang tangkay ni Saya at lumapit kay Lish. “Giuwan na gayod ta og mga isyu sa pagsalig, ’day, ’no?” (Inuulan na talaga tayo ng mga isyu sa pagtitiwala, ’no?)
“Tumahimik na nga kayong tatlo,” pagsita ni Talay sa mga bulaklak. ’Tapos, tinapunan niya ako ng tingin. “Totoo bang may marka dati ang leeg mo?” paghagis niya ng kuwestiyon sa ’kin saka alanganin niyang ininat ang mga labi.
Sinuklian ko naman siya ng sunod-sunod na pagtaas-baba ng aking ulo. Pagkatapos ay napahawak ako sa leeg ko. “Kaso, sa ’di malamang dahilan, bigla itong nawala. Uminit pa nga rito banda, e, no’ng hinabol ako ng Mansalauan," pag-amin ko.
“Basin og gikuha na ni Sinrawee,” (Baka kinuha na ni Sinrawee) hinuha ni Saya.
“O baka naman isa kang huwad. ’Tapos, ’yong totoong Olin na dinala rito ni Ginoong Mounir ay nadakip na pala ng mga alagad ni Sinrawee,” si Alog iyon habang suot ang nag-aakusang tingin.
“Are you really telling the truth?” seryosong tanong ni Lish.
Puno ng kumpiyansa akong tumango.
“’Wag kang mag-alala, Olin. Naniniwala ako sa ’yo,” pagkonsuwelo naman ni Talay sa ’kin.
Napangiti ako dahil sa sinabi niya. Iba talaga ang pakiramdam ’pag may mga taong naniniwala sa ’kin. Parang binigyan ako ng lakas mula sa pagkakalugmok. Tila binuhusan ng isang daang porsyentong enerhiya para ipagpatuloy ang buhay.
Sabay kaming nag-iwas ng tingin at parehong nalunod sa malalim na pagmumuni-muni.
Makaraan ang ilang sandali, walang ano-ano’y nabulabog kami nang biglang lumangitngit ang pinto, hudyat na may nagbukas nito, kung kaya’t pumihit doon ang aming atensyon. Isa pang tagapagsilbi ang pumasok at nagwikang: “Ginoong Olin, pinatatawag po kayo ng mahal na rayna. Kailangan n’yo raw pong pumunta sa silid ni Prinsipe Helio.”
Nag-aapura kaming naglakad patungo sa kanya, pagkatapos, sabay kaming lumabas ng kuwarto. Hindi ko alam kung bakit, pero may namamahay na kakaibang takot sa dibdib ko.
Ang sahig na kasalukuyan naming nilalakaran ay gawa sa marmol. Lumiko kami sa isang pasilyo at may nilampasan na dalawang silid bago kami huminto. Iminuwestra ng isang tagapagsilbi ang pinto na kaharap namin saka bahagya siyang yumuko.
Bumuga ako ng hangin sa pamamagitan ng ilong bago pumasok sa loob ng kuwarto ni Prinsipe Helio. Magkasunod kaming pumasok ni Talay habang bitbit pa rin niya sina Saya, Alog, at Lish. Bumati sa ’ming mga mata ang kulay-gintong liwanag na nagmumula sa isang malaki’t pandekorasyon na bagay na naglalaman ng mga kandila at nakasabit sa kisame.
Parehong nakatayo sina Rayna Helya at Mounir malapit sa binatang nakahiga sa kulay-kapeng kama at binalutan ng puti at makapal na kumot ang kalahati ng kanyang katawan.
Nang maramdaman nila ang aming presensiya ay madalian silang bumaling sa direksiyon namin ni Talay. Masasalamin ang pag-aalala sa mukha ng rayna at parang pinipigilan niyang umiyak sa harapan ng kanyang anak.
Humakbang ako palapit sa kama at hinagod ng tingin ang kawawang prinsipe. Ang pang-itaas niya ay puting damit na may ginintuang mga butones. Namumutla na ang kanyang hugis-pusong mga labi, pero ang higit na nakaaagaw-pansin ay ang kulay-byoletang ugat sa kanyang noo at pisngi. Ilang sandali lamang ay dumapo sa ’kin ang matamlay niyang mga mata.
“O-Olin? Olin, t-tulungan mo ’ko,” pagsusumamo ni Prinsipe Helio. Pagkatapos niyang sambitin ’yon ay pumikit siya habang nakakurba ang kanyang maputlang labi.
May nagbabantang luha na gustong kumawala sa ’king mga mata habang nakatitig sa kanya. Aktong sasagot na sana ako nang may bumagsak na palad sa ’king kanang balikat, dahilan para mapapitlag ako at mapatingin sa nagmamay-ari nito.
“Olin, hinang-hina na ang mahal na prinsipe,” umpisa ni Mounir. “Kailangan n’yo nang maglakbay patungo sa Kagubatan ng Sayre upang kunin ang Boac na siyang magpapagaling kay Prinsipe Helio. Ikaw ang magdedesisyon kung anong oras kayo aalis, kung kailan kayo handa,” seryosong turan ni Mounir.
“‘Kayo’? Ibig sabihin, may kasama ako?” patakang usisa ko.
“Sasamahan ka ng isa sa mga tagapagsilbi ko na si Talay, kasi siya ang magbibitbit kina Saya, Alog, at Lish,” pagsingit ng rayna, kung kaya’t nalipat sa kanya ang atensyon ko.
“Sasama rin ang tatlong bulaklak na ’yan?” Tinuro ko sila.
Marahang tumango si Rayna Helya. “Kasi silang tatlo ang magiging daan para mahanap mo ang Boac. Paiba-iba kasi ang itsura ng bulaklak na makagagamot sa prinsipe. Kailangan mo sila, Olin,” malumanay niyang pagkasabi.
Dumapo ang dalawa kong mata sa kawawang prinsipe. Noong una, iniisip ko na isa lang itong kalokohan at gusto ko nang bumalik sa ’min. Ngunit ngayong nakita ko na ang kalagayan ng prinsipe rito sa Melyar, mukhang kailangan ko ngang isakatuparan ang napanaginipan ng rayna.
Hindi ko alam kung kakayanin ko bang maging isang bayani sa kakaiba’t katakot-takot na mundong ito, pero susubukan ko. Patutunayan ko sa kanilang lahat na ako ang itinakdang Olin.
“Kailan n’yo gustong maglakbay?” pagsaboy ng kuwestiyon ni Mounir.
“But he’s the wrong Olin,” rinig kong anas ni Lish.
Samot-saring mga salita ang nagkaisa sa isipan ko at muntikan ko nang masabing, Kahit ngayon na mismo, pero pinigilan ko ang aking sarili. Ayokong magpadalos-dalos, bagkus ay kailangan ko munang maghanda kahit kaunting panahon. Nagbitiw ako ng malalim na buntonghininga. Sa halip na isatinig ’yon, sabi ko na lang, “Bukas na bukas, aalis na kami para tumungo sa Kagubatan ng Sayre.” Nag-uumapaw ang determinasyon ko habang nakatitig sa prinsipe.
“Ngunit kailangan n’yo munang hanapin ang magiging gabay n’yo,” ani Mounir na siyang ikinakunot ng noo ko.
Bumaling ako sa kanya at naghagis ng kuwestiyon: “Sino?”
Imbes na sagutin niya kaagad ang itinapon kong katanungan, naglakad muna siya papunta sa malaking durungawan saka binuksan niya iyon.
“Tuso siya at parating humihingi ng kapalit ’pag may ipinagawa ka sa kanya. Subalit wala tayong ibang pagpipilian sa dahilang bukod sa akin, kabisado rin niya ang pasikot-sikot sa buong Kahadras. Kailangan n’yong mahanap at makasama sa paglalakbay si . . .”
Nabitin sa ere ang kanyang mga salita, dahilan para salakayin ako ng kaba; tumahip-tahip ang aking puso dahil sa antisipasyon. Pagkatapos, unti-unti siyang humarap sa ’ming lahat, suot ang seryosong mukha.
“. . . si Langas, ang isinumpang nilalang.”
* * * * *
GLOSSARY
• Boac – came from the Visayan word “buwak” which simply means “flower.” It’s a fictional flower that can cure the prince.
• Dalikamata – a clairvoyant goddess in Visayan mythology who had many eyes. Dalikamata was said to utilize butterflies and moths to keep an eye on everyone’s good and evil deeds on earth, which is why these flying insects have an eye pattern on their wings.
• Ginikanan – a Visayan term for parents.
• Shudi abas – Shudi is a slang term that means “don’t.” Abas is a reverse spelling of “saba” or noisy in English. Hence, Shudi abas is an imperative phrase which simply means “don’t make noise” or “don’t say a word.”
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top