Chapter 23 - Night Breeze

OLIN

Pinosisyon na ng mga kasama ko ang kanilang sandata sa pinanggalingan ng ingay. Nakahanda na kami sa nakaambang panganib, pero naging iregular ang pagkabog ng puso ko dahil sa antisipasyon.

Lumipas ang ilang minuto'y tuluyan nang lumabas mula sa kadiliman ang isang matandang lalaki na nakabahag at may nakaipit pang pipa sa kaniyang mga labi. Humithit siya rito at saka bumuga ng makapal na usok pagkatapos.

"Ano'ng ginagawa n'yo rito?" walang ganang wika ng matanda. Sa tulong ng liwanag na nagmumula sa buwan, napansin ko ang iba't ibang patik o tatu sa ibang parte ng kaniyang katawan—sa leeg, bisig, at binti. May nakapulupot ding kulay-dugong tela sa kaniyang noo at may kahabaan ang kulay-pilak niyang buhok.

"Manoy Bundiyo?" bulalas ni Talay. Halos matutop niya ang kaniyang bibig.

Hindi na kami nagulat nang makilala niya ang matanda na tinawag niyang Manoy Bundiyo dahil taga-rito naman siya.

Naningkit ang mga mata ng matanda. "T-Talay?"

'Di naglaon ay nagpakita na rin ang ilang mga lalaki na nakabahag din at dalawang babae na nakasuot ng itim na damit saka makulay na malong.

"Ru-An?" Bumaling si Talay sa isa sa mga babae. 'Tapos, tumakbo siya at sinarado ang distansya nila sabay yakap nang mahigpit.

"Talay?" Nanlaki ang mga mata n'ong Ru-An. "Kumusta ka na? Ang tagal nating hindi nagkita."

"Ayos lang ako." Kumalas na siya sa pagkakayakap sa kaibigan niya. "Ikaw, kumusta ka na? Si Mama?"

Kahit malamig ang simoy ng hangin ay ramdam kong may namumuong tensyon sa paligid. Parang may mali.

Hindi makasagot si Ru-An hanggang sa umabante si Manoy Bundiyo at isa-isa niya kaming tinapunan ng tingin habang nakainat ang mga labi.

"Tara sa bahay namin, baka nagugutom na kayo. Tamang-tama may natira pa kaming adobong manok at litsong baboy," paglilipat ng matanda ng paksa dahilan para makumpirma kong may mali nga rito.

Pero iwinaksi ko 'yon sa isipan ko at sumama na kami sa kanila dahil natatakam na kami sa ulam na sinabi ni Manoy Bundiyo.

* * *

"Ang galing mo kanina, Talay, ah. Pang-assassin talaga ang moves mo ro'n, legit," pagbasag ni Cormac sa katahimikan sa pagitan namin.

"Truth," dagdag pa ni Lish.

Kasalukuyan naming tinatahak ang daan patungo sa kanilang bayan. Kakaiba raw ang Tsey dahil napapaligiran ang tahanan ng mga taga-rito ng mga nakabibighaning puno.

Ang dati raw tawag sa bayang 'to ay Tsele na nagmula sa halamang maanghang—sili.

Nakaalalay si Solci sa 'kin sa paglalakad dahil nanghihina pa rin ako buhat nang nangyari kanina. Hindi ko pa rin nababawi ang lakas na inagaw sa 'kin ng Ungo.

Hindi naman kami nangapa sa dilim sapagkat may dala-dala namang mga sulo ang kasama nina Manoy Bundiyo at Ru-An. Bale, nasa gitna kami nina Solci, Talay, Cormac, at Langas habang sumusunod kina Manoy Bundiyo, Ru-An, at sa ilang mga lalaki. 'Tapos, nahati naman sa dalawang pangkat ang mga nagdadala ng sulo—may mga nasa harapan at ang iba'y nasa likuran namin.

"Pa'no mo pala nalaman na nasa likod namin ang Ungo?" usisa ni Cormac.

"Oo nga. Ang angas talaga ng pagbagsak mo kanina," dagdag naman ni Alog.

Bumuntonghininga si Talay saka dumapo ang tingin niya sa hawak niyang bulaklak. "Lumaki kasi ako rito sa bayang 'to na kung saan naglipana ang mga aswang o Ungo," panimula niya. "'Tsaka ang bilin sa 'kin ni Mama, 'pag may makita raw akong nakatatakot na hayop na papalapit sa kinaroroonan ko, ilusyon lang daw 'yon. Ang totoong Ungo raw ay nasa likuran. Kaya 'yon ang ginawa ko kanina." Tiningnan niya si Cormac matapos niyang magsalita saka hinandugan niya ito ng ngiti.

Tumango-tango lang ang kaklase ko.

Patuloy lang kami sa paglalakad hanggang sa marating ng aming mga paa ang pusod ng gubat—ang tahanan ng mga taga-rito o tinatawag ding Tribong Tselese.

Umugong ang bulungan ng mga tao nang makita kami. Nakaupo sila sa ibaba ng puno habang kumakain ng inihaw na isda.

Inilibot ko ang aking paningin at halos sumayad na ang aking panga sa lupa nang matanaw ang mga bahay ng mga Tselese sa itaas ng puno. May ilaw rin mula sa mga lamparang nakabitay sa ilang sanga ng mga puno rito na tumutulong sa buwan para bigyang liwanag ang kapaligiran.

"Maligayang pagdating sa aming bayan!" deklara ni Manoy Bundiyo. Patuloy lang kami sa paglalakad sa pangunguna niya.

Kapagkuwan ay huminto kami sa punong sagana sa mga sanga at luntiang mga dahon. Pumanhik kami sa hagdang paikot sa katawan ng puno sa utos ni Manoy Bundiyo. Habang umaakyat at umiikot sa puno, dumadampi naman sa 'ming balat ang malamig na simoy ng hangin.

May namataan din kaming ibang hagdan dito sa itaas, patungo sa ibang bahay, na gawa sa pinagbuhol-buhol na baging at kahoy. Mukha naman itong matibay kung titingnan. Pero sumasayaw nga lang 'pag inaapakan.

"Pumasok kayo. Ilalagay ko lang sa mesa ang mga pagkain," anang matanda.

"Ah . . . Manoy Bundiyo, sila na lang po ang pakainin n'yo," kagyat na sabi ni Talay. "Dadalawin ko lang si Mama sa 'min." Akmang aalis na siya nang magsalita ulit si Manoy Bundiyo.

"Mamaya mo na lang siya dalawin," nakangiting wika nito. "Samahan mo muna ang mga kaibigan mo rito. Baka mahiya sila sa akin."

"Mao g'yod, Talay," bulalas ni Saya.

["Tama siya, Talay."]

Uminat ang mga labi ni Talay at tumango-tango "Sige po."

Nabulabog at nagsilabasan ang mga tao sa kanilang kabahayan dito sa itaas ng mga puno dahil sa ingay na nilikha namin. Ang mga kababaihan dito ay nakasuot ng makukulay na mga malong. Samantalang nakabahag lang ang mga lalaki 'tapos may patik o tatu pa sila sa katawan.

Tuluyan na silang pumasok sa munting tahanan ng matandang lalaki. Bago ako sumunod ay sumilip muna 'ko sa ibaba. Mula rito, kitang-kita ko ang kaibigan ni Talay na si Ru-An, kasama ang isang babae, na nangolekta ng mga tuyong dahon at mga ligaw na sanga sa lupa. 'Tapos, tinipon nila ito sa isang tabi at naghanap sila ng dalawang bato. Kiniskis ni Ru-An ang mga ito nang paulit-ulit hanggang sa nakagawa siya ng apoy.

Dumako ang paningin ko sa isinumpang nilalang nang sumabak ito sa duyan na nakasabit sa matabang sanga. Umuugoy-ugoy pa ito, sinabayan ang pagkumpas ng preskong hangin.

"Dito lang ako. Hindi ako kakain dahil busog pa ako," anas ni Langas habang nakasara ang kaniyang mga mata at nakahalukipkip.

"Okay. Sabi mo, eh." Napagpasyahan kong pumasok sa loob ng bahay ng matanda. Simple lang ito. Wala naman siyang masyadong gamit.

"Sabi mo, ikaw ang bahala sa 'min. Ba't 'di mo pinagtanggol si Olin kanina?" rinig kong bulong ni Alog.

"Talawan man diay ka."

["Duwag ka pala, eh."]

"Sorry na po. Next time he-he." Alanganing ininat ni Cormac ang kaniyang mga labi.

Natigil sila nang ilabas ni Manoy Bundiyo ang sinabi niyang ulam at nilagay niya ang mga ito sa harapan nila—sa mababang mesa. Umupo agad ako sa tabi nila dahil nagparamdam na rin ang pasaway kong laway nang makita ang adobong manok, litsong baboy, at mga prutas na nakita namin kanina sa labas ng bayang ito.

Pinaulanan namin siya ng pasasalamat saka nilantakan namin na parang wala nang bukas ang biyayang inihandog sa 'min ni Manoy Bundiyo.

Pagkatapos naman naming kumain ay napagdesisyunan naming lumabas sa bahay ng matanda para magpahangin. Umupo kami nina Cormac at Solci malapit sa duyan kung saan payapang nakahiga si Langas. Nakapikit ang mga mata niya pero alam naming 'di pa siya tulog.

Si Talay? Hayun, sinundo ni Ru-An. Pupuntahan daw nila ang nanay ni Talay para kumustahin.

"Langas, alam kong 'di ka pa tulog," panimula ko. Ako na ang nangahas na sumira sa katahimikan sa pagitan namin. "Ba't mo inakit ang mga babae na taga-Porras noon?" pagsaboy ko ng kuwestiyon.

Sandaling huminto sa pagsayaw ang duyan nang sambitin ko 'yon. Umayos siya at klinaro niya ang kaniyang lalamunan bago magsimulang magkuwento.

Aniya, kaya raw siya nakipagtalik sa mga babae at iniwan ang mga ito pagkatapos ay dahil isang babaeng Porrasian ang pumatay sa kaniyang nakababatang kapatid na babae na nagngangalang Labuyok. Isang Mambabarang daw ang pumaslang sa kaniyang kapatid. Hindi niya kilala pero ang alam lang niya ay babae ito at taga-Porras. Ayon pa sa kaniya, isa sa pinakamasakit na paghihiganti ay ang paglaruan ang damdamin nito.

"Pero . . . nakasisiguro ka bang isa sa mga niloko mo ang Mambabarang?" pagtapon ni Cormac ng katanungan kay Langas.

Nagkibit-balikat ang isinumpang nilalang. "Hindi ko alam. Nawala rin kasi ako sa katinuan noong mga panahong iyon," aniya. "Siguro, kagagawan din iyon ng diyosa ng pagnanasa."

"So, sa lahat ng mga girlalu, si Madani lang ang minahal mo nang totoo?" Sumali na rin si Solci sa tanungan.

Kumurba ang mga labi ni Langas. "Ganoon na nga. Nag-usap kami ni Madani sa Horia. Inamin ko sa kaniya ang totoo at humingi ako ng tawad. Mabuti na lang at pinatawad niya ako kaagad. Dagdag pa niya, hihintayin daw niya ako sa kanilang gingharian."

"Uyyy! Inlababo talaga si dodong!" Lumapit si Solci kay Langas at sinundot ang tagiliran nito nang paulit-ulit. Magkakasunod na hampas naman ang natanggap niya rito.

Daldal lang sila nang daldal pagkatapos niyon. Pero sa kalagitnaan ng pag-uusap ay sabay na humikab sina Cormac at Solci. 'Tapos, humiga sila sa tabi ko. Isinara na ni Solci ang kaniyang mga mata habang si Cormac naman ay nakatitig sa maliwanag na buwan. Pinag-usapan nila ni Langas ang tungkol kay Madani—kung pa'no raw sila nagkakilala, ano raw ang nagustuhan niya sa dalaga, at kung ano-ano ang kayang gawin ng prinsesa gamit ang kaniyang sibat na may tatlong talim.

Malalim na ang gabi pero 'di pa rin ako dinadalaw ng antok.

Habang nakikinig sa kanila ay may napakalamig na hangin na dumaloy sa 'king batok saka dumampi sa tainga ko. 'Tapos, may narinig akong boses.

Pero hindi kay Mounir!

Nanayo ang mga balahibo ko sa batok at dagling tumindig dahilan para gumalaw-galaw ang hinihigaan nilang pinagdikit-dikit na mga tabla.

Sinundan ko ang tinig na parang nagtsa-chant. 'Di ko maintindihan. Ang paghinga ko ay naging iregular dahil sa kaba. Pumanaog ako sa puno at naglakad nang ilang metro palayo sa bahay ni Manoy Bundiyo. Gustong-gusto ko ang katahimikang hatid ng gabi at gustong-gusto ko na ring malaman kung sino ang nagmamay-ari ng boses na 'yon.

Kinailangan kong suungin ang mga nagkakapalang mga puno na may kakaibang hitsura—pahilis at nakabaluktot. May namataan akong tumpok ng mga nag-aawitang Tselese sa di-kalayuan habang may apoy sa gitna nila. Dahil do'n, nag-iba ako ng ruta at kumanan na lang.

Naglaho ang boses sa hangin kaya napatigil ako at napabuntonghininga. Ilang sandali pa, pumukaw ng atensyon ko ang isang buwak o bulaklak na nasumpungan ko. Akala ko, namamalikmata lang ako, pero 'di pala. Totoo palang may ganitong klase ng buwak. Kulay kahel ito at ang nakamamangha ay nagliliwanag ito!

Napalinga-linga muna ako sa paligid bago ko ito pinitas.

"Ikaw pala si Olin."

Halos mapatalon ako sa gulat. Nanunuot hanggang buto ang kilabot nang maglakbay sa bakuran ng tainga ko ang boses ng babae.

Umihip ang malakas na hangin dahilan para magsayawan ang mga puno rito.

Pinihit ko ang leeg ko sa pinanggalingan ng tinig. Doon ay halos lumuwa ang aking mga mata nang tumambad sa 'king harapan ang isang napakagandang babae—hindi, isa siyang diyosa! Tinatangay ng hangin ang kaniyang kulay-uling na buhok. Nakadamit siya ng pinakamagandang seda na tila yari sa mga asul na ulap. Hindi nakaligtas sa mga mata ko ang pagkinang ng kaniyang kasuotan na para bang sinungkit niya ang mga bituin sa kalawakan at idinikit dito.

Napako ang mga paa ko sa 'king puwesto. "S-Sino ka? Ba't mo 'ko kilala? L-Lubayan mo 'ko!" nauutal kong sambit. Nanuyo ang lalamunan ko at may namuong pawis sa aking noo.

Sumilay ang isang ngiti sa kaniyang labi. "'Wag kang matakot, Olin," aniya. "Ako nga pala si Lubay Lubyok Mahanginun si Mahuyokhuyokan. And I'm the goddess of the night breeze!"

Pagkasabi niya niyon ay saglit siyang kumanta at lumapit ang banayad na hangin sa direksyon ko na para bang inuutusan niya ito. Sa isang iglap ay tuluyan nang nawala ang kaba at pangambang sumalakay sa 'kin kanina. Gumaan na ang pakiramdam ko.

"Ano'ng pakay mo sa 'kin?" pagsaboy ko ulit ng kuwestiyon.

"Ako, waley. But si Nayasi, mayro'n. In all fairness, napi-feel ko na ang powerful mo, legit. 'Di mo nga lang knows kung pa'no gamitin. Hu-hu!" mapang-asar na wika niya.

Hindi na ako nagulat na marunong siyang magsalita ng wikang Ingles dahil gaya ng sabi sa akin ni Mounir, ang ilan sa mga taga-rito ay naglabas-pasok sa kabilang parte ng Kamariitan, ang normal na mundo.

Pero ano raw? Nayasi?

"Sino si Nayasi? Ano'ng kailangan niya sa 'kin?"

Umawang ang labi niya. "'Di mo siya kilala? Nayasi is Nagmalitong Yawa Sinagmaling Diwata! The goddess of lust! Kaloka ka!" Napahilot pa ito sa kaniyang sentido. "Anyway, you can call me Lu-Lu pala he-he."

Yumuko ako at napaisip. Si Nagmalitong Yawa Sinagmaling Diwata? Alam ko na kung ano'ng pakay niya sa 'kin. Pero 'di ba pinakawalan naman niya 'ko noong unang beses kaming nagkita? Ano, nagbago ang isip niya, gano'n? Buang.

"Like me, na-feel niya rin daw ang powers mo, Olin. Kaya naman gustong-gusto ka niya. Ikaw raw ang next na magiging king sa Galdum, the land of eternal darkness . . ."

t.f.p.

GLOSSARY

Lubay Lubyok Mahanginun si Mahuyokhuyokan – Visayan goddess of the night breeze. Her name means "Graceful Movement of the Arrogant Breeze."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top