Chapter 8 - Eight-legged Freaks
OLIN
"May nararamdaman akong kakaiba roon sa isa."
"Ako rin. Hindi kaya . . . siya si Olin?"
"Pakiramdam ko, siya nga ang nakatakdang kukuha sa Boac at papatay kay Helong."
"Tara, puntahan natin ang kanang kamay ni Sinrawee—ang Mansalauan—at ipaalam sa kaniya na hawak natin si Olin para tayo ang makakukuha ng gantimpala. Ha-ha-ha!"
Naalimpungatan ako dahil sa mga boses na naririnig ko. Ramdam kong parang naipon ang dugo ko sa 'king ulo. 'Yon pala, nakabitay ako patiwarik habang nababalutan ng makapal na sapot ng damang.
Hindi ako makagalaw at makakita nang maayos dahil sa sitwasyon ko, pero alam kong katabi ko lang ang mga kasama ko kasi parang may gumagalaw-galaw.
"Olin, umaga na. Kailangan n'yo na ring mag-isip ng paraan para makatakas hangga't patungo pa ang dalawang damang sa Mansalauan," rinig kong sabi ni Mounir.
"Salamat sa impormasyon, Mounir. Pero paano kami makatatakas sa sitwasyon naming ito?" tanong ko sa kaniya.
"Olin? Gising ka na pala. Ano'ng pinagsasabi mo? Nandito ba si Ginoong Mounir?" sambit ni Talay. Nasa kaliwa ko siya base sa boses niya.
"Olin, sabihan mo siya na saklolohan tayo!" mando pa ni Langas. Tila nababanas na siya sa kalagayan namin ngayon.
"Wala man koy nadunggan nga nagsulti ganiha gawas nimo, Olin. Katol pa!" sabi naman ni Cormac. Pareho sila ni Langas na nasa dakong kanan ko base sa tinig nila.
["Wala naman akong ibang narinig na nagsasalita kanina, maliban sa 'yo, Olin. Katol pa!"]
"Mga animal! Kausap ko siya sa pamamagitan ng hangin, gaya no'ng ginawa niya roon sa classroom namin noon," asik ko.
"Ba't parang galit ka?" rinig kong anas ni Cormac.
Pinilit kong kumawala pero ayaw talaga. Hindi rin ako bumagsak sa lupa. Bumaliktad tuloy ang pagtulo ng pawis ko at patungo na ito sa mga butas ng ilong ko. Nademunyu. "Mounir, ano'ng gagawin namin?" pagsusumamo ko sa hangin.
"May ibinigay akong sandata kay Talay. Magagamit n'yo 'yon para makawala na kayo riyan sa yungib," untag ng bughaw na salamangkero.
Nanlaki naman ang mga mata ko at parang may bumbilyang lumiwanag sa ibaba ng aking ulo. Ibaba kasi nakabaliktad ako ngayon.
"Talay, gamitin mo ang punyal na ibinigay ni Mounir para makawala ka. Ikaw naman, Langas, gamitin mo ang dala mong sundang para makaalpas ka na rin. 'Tapos, tulungan n'yo kaming dalawa ni Cormac. Dali!" maawtoridad kong saad.
"Wala! W-Wala na ang aking sundang," halos hindi niya mabigkas nang malinaw ang mga salita niya dahil sa sapot.
"Ano? Ikaw, Talay, nasa 'yo pa ba ang punyal na handog ni Mounir?" agaran kong tanong.
Natahimik siya nang ilang segundo. Marahil ay tsinek na niya ang punyal sa kung saan niya 'yon isinuksok.
"Oo, Olin, nandito pa sa tagiliran ko!"
Pumapalakpak ang tainga ko dahil sa narinig. 'Tapos, bumuntonghininga ako. Hay, salamat, makatatakas na kami rito. Pero kailangan naming magmadali kasi baka pabalik na 'yong mga damang o baka may iba pang gagambang nagbabantay sa paligid at matunugan kami.
"Talay, bilisan mo," dikta ko. 'Di ko siya masyadong nakikita dahil sa makapal na sapot, pero gumagalaw-galaw na siya ngayon, pinipilit na makaalpas.
Pagkalipas ng ilang sandali, bigla na lang rumehistro sa dalawa kong tainga ang mahinang pagdaing at pagkadurog ng ilang buto sa ibaba. 'Tapos, sunod-sunod na ang pagbagsak nina Cormac at Langas.
"Hinampak! Kaduha nako gibitay!" bugnot na wika ni Cormac.
["Darn it! Pangalawang beses na 'ko binitay patiwarik!"]
Hindi nagtagal, pakiramdam ko'y may lumapit at unti-unting pumunit sa sapot na nakabalot sa 'kin. Hanggang sa bumungad sa 'kin ang nakangising mukha ni Cormac.
"Walang anuman, Olin," bulong niya sa 'kin.
Pagkatapos n'on ay bumagsak ako sa mga buto, una ang ulo. "Aray!" kusang lumabas sa bunganga ko. Dali-dali akong tumindig, pinagpagan ang sarili, at tinapunan ng matalim na tingin ang vlogger kong kaklase. Itinaas pa nito ang kaniyang hintuturo at hinlalato saka ipinakita ang mapuputi niyang mga ngipin.
"Hindi tayo puwedeng magtagal dito," sabi ni Langas kaya bumaling kaming lahat sa kaniya. "Kailangan nating lumabas agad dito bago pa makabalik iyong mga damang na nagpunta sa Mansalauan."
Pansin kong pawisan kaming lahat dahil mainit sa loob ng sapot. Tumango-tango kaming lahat at akmang lalabas sa lugar na 'to nang biglang magsalita si Talay dahilan para mapahinto kami.
"Teka lang!" Inilibot niya ang kaniyang mga mata sa paligid na para bang may hinahanap.
"Ano'ng problema, Talay?" tanong ko habang nakakunot ang aking noo. Napatingin ako sa mga kasama ko na parang tinatanong ko sila, kung may ideya ba sila, sa pamamagitan ng isip. Nagkibit-balikat lang ang dalawa, umaktong naintindihan ang ipinarating kong mensahe.
Napatingin siya sa 'min, ang mukha ay nabahiran ng labis na pag-aalala. "Sina Saya, Alog, at Lish ay nawawala!" mangiyak-ngiyak niyang sambit sabay luhod para maghalukay sa mga nagsama-samang kalansay. "P-Pakiramdam ko, nandito lang sila. Saya? Alog? Lish?" Para na siyang nasisiraan ng bait. Malinaw na malinaw na napalapit na ang kaniyang loob sa mga bulaklak.
Dahan-dahan akong lumapit sa puwesto ni Talay at yumukod para hawakan ang magkabila niyang balikat. "Talay, tara na. 'Di ba mayro'n pa namang isang butas o silid no'ng pumasok tayo rito sa kuweba? Baka roon nila dinala sina Saya, Alog, at Lish," pagkonsuwelo ko.
"Tama si Olin, Talay," segunda naman ni Langas kaya napatingin ako sa kaniya at hinandugan siya ng pabirong kindat.
Unti-unting tumayo si Talay at pinagpagan ang kaniyang tuhod. 'Tapos, wala na kaming inaksayang oras at nagtungo kaagad kami sa isa pang butas na parang nagsisilbing kuwarto ng mga malalaking damang. Sumilip ang sinag ng haring-araw sa isang maliit na butas sa dakong itaas. Napapalamutian ng mga sapot ang paligid at may mga butong nagpatong-patong sa gilid. Naroon din ang sundang ni Langas kaya kaagad niya 'yong pinulot.
"Saya! Alog! Lish!" Dali-daling tumakbo si Talay papunta sa isang sulok, kinuha mula roon ang mga bulaklak, at saka niyakap niya ang mga ito. "Ano'ng ginawa nila sa inyo? Ayos lang ba kayo?" nag-aalalang tanong niya sa mga ito.
"We're okay."
"Ayos lang kami."
"Okay ra 'mi."
Namataan ko si Cormac na inilibot ang dala niyang camera sa paligid. 'Tapos, itinutok niya ito kina Talay, Saya, Alog, at Lish. "Ang cool! Nagsasalita sila!"
"Mga kaibigan, kailangan na nating lisanin ang kuwebang ito ngayong kumpleto na tayo," pinutol kaagad ni Langas ang drama nila Talay habang hawak-hawak ang kaniyang sundang, nakahanda na sa nakaambang kapanganiban.
Sumang-ayon kaming lahat at dali-daling lumabas sa butas gaya ng sabi ni Langas. Tinatahak na namin ngayon ang daan palabas sa lunggang 'to. Nasa unahan sina Cormac at Langas samantalang nakasunod naman kami ni Talay sa kanila. Habang naglalakad, biglang sumagi sa isipan ko 'yong bag at cell phone ko. Babalik sana ako sa loob ng butas pero napagtanto ko agad na mukhang wala namang signal dito. Hindi ko rin 'yon mapakikinabangan. At saka sigurado akong panis na 'yong tinapay sa bag ko.
Nagbunyi ang mga kasama naming bulaklak nang matanaw na namin ang nakasisilaw na liwanag, hudyat na malapit na kaming makalabas sa yungib. Subalit sa kasamaang palad, biglang natakpan ang liwanag na 'yon sa pagsulpot ng higanteng damang dahilan para halos malaglag ang aming mga puso.
"At saan naman kayo pupunta, mga bubwit?" anang gagamba dahilan upang lukuban kami ng matinding takot. "Hindi namin kinain ang isa sa inyo no'ng isang araw dahil naghahanap pa kami ng ibang mabibiktima. Pagkatapos, nang dumating kayo rito, hindi rin namin kayo maaaring saktan sapagkat kailangan kayo ng panginoon namin na si Sinrawee. At ngayon, tatakas kayo? Mga hangal!" galit nitong pagkasambit.
Nagkatinginan kami at tila nag-uusap sa pamamagitan ng isip na kailangan naming ihanda ang aming mga sarili. Bumaling ako sa sundang ni Langas at napansing mahigpit ang pagkakahawak niya rito. Muli kong tiningnan ang dalawa—sina Cormac at Talay—na nakakapit sa 'king balabal. Nagmistula akong tatay na nilalapitan ng mga anak upang humingi ng saklolo. Sinenyasan ko si Talay na hihiramin ko muna ang punyal niya at walang pag-aatubili naman niyang ibinigay sa 'kin ito.
"Bumalik kayo roon sa loob!" dikta ng dambuhalang damang at bigla nitong itinaas ang isang paa saka ibinagsak papunta sa direksyon namin.
'Buti na lang at nakailag kaagad kaming lahat. 'Yon nga lang ay nagkahiwalay kaming apat. Tumakbo si Cormac patungo kay Langas, sa kaliwa, at kami naman ni Talay ay narito sa kanan. Nanatili pa rin siyang nakakapit sa 'kin habang yakap-yakap ang mga bulaklak na umuungot na ng dasal.
"Olin, ikaw ang bahala sa tiyan niya at ako naman ang bahala sa kaniyang mga paa!" sigaw ni Langas at narinig 'yon ng damang na may pambihirang laki kaya natuon sa kaniya ang atensyon nito. Patay!
"Hangal!" Muli nitong itinaas ang isang paa at ibinagsak sa gawi nina Langas at Cormac dahilan para pumailanlang ang mga nagtipong alikabok. Sa ikalawang pagkakataon, pumalya ang gagamba at napamura ito sa inis.
"Itong sa 'yo!" sigaw ko, hawak-hawak ang isang punyal. Tinapakan ko ang isang buto dahilan upang dumausdos ako sa lupa papunta sa ilalim ng gagamba. Sa isang kisapmata'y nakaharap na 'ko ngayon sa target ko—ang tiyan niya—habang iregular ang aking paghinga. "One . . . Two . . . Three!" Pagkatapos kong magbilang ng tatlo ay dali-dali kong itinarak ang punyal sa sikmura ng higanteng damang. Nang magtagumpay ako sa tungkulin ko ay napasigaw ito nang malakas dahil sa sakit. "Ngayon na, Langas!" hiyaw ko, ipinasa sa kaniya ang responsibilidad.
Pinihit ko ang leeg ko at tiningnan ang isinumpang nilalang na si Langas. Lumukso ito patungo sa ibabaw ng malaking gagamba. Mas diniinan ko pa ang pagbaon ng punyal sa balat nito para manghina ito at para 'di nito masaktan si Langas.
Nagpumiglas ang gagamba nang sumakay sa kaniya ang isinumpang nilalang. Isang impit na ungol ang kumawala sa 'king bibig kasi gasgas na ang magkabila kong siko. Hinampak!
"Ahh! Buwisit na bubwit! Ahhh!" magkakasunod na daing ng malaking damang at saka napansin kong pinutol ni Langas ang mga paa nito isa-isa. Umangat ang sulok ng mga labi ko. Iyon lang yata ang sigaw na nagustuhan ng aking mga tainga.
"Hi, guys!" rinig kong sabi ni Cormac. Siguro, itinapat niya sa 'min ang kaniyang camera. "Tan-awa ninyo! Asa man 'mo makakita ug unggoy nga maayo kaayo mogamit ug sundang? Siyempre, dinhi ra sa Kahadras! Oh! Pak! Let Langas lead!" nakaririnding sigaw ng kaklase ko.
["Hi, guys! Tingnan n'yo! Saan kayo makakakita ng unggoy na magaling gumamit ng itak? Siyempre, dito lang sa Kahadras! Oh! Pak! Let Langas lead!"]
"Olin, umalis ka na riyan!" rinig kong sigaw ni Talay. Bago pa man bumagsak ang katawan ng dambuhalang gagamba sa lupa, gumulong kaagad ako sa isang sulok. Bumagsak din sa gilid ko si Langas, bitbit ang kaniyang sundang na napapalamutian ng berdeng likido.
Pagkatapos niyon ay wala na kaming sinayang na oras at tuluyan na nga kaming lumabas sa pugad ng mga gagamba. Pero alerto pa rin kami sa paligid kasi baka may iba pang kasama 'yong damang na sumugod sa 'min o baka pabalik na 'yong iba na nagsumbong sa Mansalauan—'yong sumalakay sa 'kin doon sa mundo namin.
"Dito," sabi ni Langas at tinahak ang mayayabong na talahib sa gilid ng gingharian ng Porras.
Kaagad naman kaming sumunod sa kaniya. Pero habang naglalakad at nakikidigma sa mga makakating halaman, may biglang sumibol na tanong sa isip ko. "Pumapayag ka na, Langas?"
Huminto siya at humarap sa 'min. Ako ang nasa gitna habang nasa gilid ko naman sina Cormac at Talay. No'ng una'y kumunot ang noo niya, pero hindi naglaon ay biglang lumaki ang kaniyang mga mata na animo'y may bumbilyang lumiwanag sa itaas ng kaniyang ulo. "Sa susunod na natin 'yan pag-usapan. Kailangan muna nating makawala sa kamay ng mga damang na may pambihirang laki," tugon nito at muling itinuon ang tingin sa harapan. "Kailangan nating tawirin ang tulay na nagdurugtong sa Porras at Escalwa." Pagkatapos, muli siyang naglakad kaya nagpatuloy na rin kami sa pagsunod sa kaniya.
Lakad lang kami nang lakad hanggang sa naglakbay sa bakuran ng tainga ko ang tunog ng rumaragasang tubig sa ibaba saka may nakita rin kaming mahabang tulay na gawa sa maninipis na mga kahoy at makapal na lubid na nagsisilbing hawakan. Napalunok ako ng laway nang umihip ang malakas na hangin at sumayaw ang tulay.
Mapagkakatiwalaan ba 'yan?
"Tara na!" utos sa 'min ni Langas.
Akmang susunod kami sa kaniya sa tulay nang biglang sumigaw nang napakalakas ang kaklase kong si Cormac Cruz. "Tabang! Ginoo ko!"
["Tulong! D'yos ko!"]
Dali-dali kaming lumingon at doon na namin nakita ang tatlo pang dambuhalang damang. Hawak ng isa si Cormac at nagpupumiglas ito.
"Bitawan mo siya!" nagtapang-tapangan kong sabi. Kung susumahin, anim silang lahat kung isasama ang dalawang naglakbay patungo sa Mansalauan at 'yong isang pinaslang namin ni Langas.
"Tabangi sad ko ninyo, uy! Unsa, tutokan ra ko ninyo?" masuk-anong matod ni Cormac.
["Tulungan n'yo naman ako! Ano, tititigan n'yo lang ako?" galit na sambit ni Cormac.]
"Papakawalan ko itong bubwit na ito kung sasama ka sa amin, Olin. Alam kong sa oras na ito, papunta na rito ang Mansalauan kasama ng ibang damang. Kailangan mong sumama sa kaniya," sabi ng higanteng gagamba na may hawak kay Cormac. Kasalukuyang ipinagdikit ng kaklase ko ang dalawa niyang palad.
Napayuko ako at dumapo ang tingin ko sa lupa habang ang puso ko'y patuloy pa rin sa paghaharumentado. Parang nangyari na 'to. No'ng susugurin sana kami ng Tambaluslos, sa 'kin umaasa ang mga kasama ko noon ngunit wala akong nagawa. Ngayon nama'y nangangailangan ng tulong ang kaklase ko subalit wala akong maisip sa mga oras na 'to. Nasa akin ba talaga ang kapangyarihan ni Sinrawee? O baka naman ay tama sila, na hindi talaga ako ang totoong itinakda?
Nasa negatibong pag-iisip na ang utak ko. Kapagkuwan ay gumapang si Langas papunta sa gilid ko. Tumindig ito at itinaas niya ang kaniyang sundang sa ere sabay sigaw ng, "Hindi ninyo maaaring kunin si Olin! Magkamatayan muna tayo!"
Narinig kong umungot ng dasal sina Talay, Saya, Alog, at Lish sa likuran namin at nasundan ng pagsinghot.
"Kung iyan ang nais ninyo," wika ng isang damang at biglang ibinagsak si Cormac sa lupa dahilan upang ito'y mapahalinghing. 'Tapos, umarangkada ang paa ng gagamba patungo sa likod ni Cormac.
Ilang pulgada na lang ang layo ng paa ng higanteng nilalang at akmang tutusukin na nito ang kaklase ko nang bigla akong makaramdam ng matinding galit at nag-init ang aking leeg. Pagkatapos, tumakbo ako nang mabilis patungo sa puwesto ni Cormac sabay sigaw ng, "'Waaag!"
Halos maputol na ang litid ko sa sigaw na 'yon. Kusang bumukas ang dalawa kong kamay na nakakuyom kani-kanina lamang at tila may gustong kumawala sa mga ito.
At dahil sa sigaw ko ay nayanig ang paligid saka bigla na lang nabitak ang lupang inaapakan ng mga malalaking damang at pumailanlang sila sa ere kasama niyon. Naging kulay puti ang mga kasama ko at ang mga gagamba na ngayon ay nakaangat. Kulay-uling naman ang lupa, puno, at pati na rin ang langit.
Nagulat ako nang mapagtantong may itim na kapangyarihan na unti-unting bumabalot sa 'min ng mga kasamahan ko. May tipak na batong bumulusok sa direksyon namin pero 'di kami nasaktan dahil sa bilog naming pansangga.
"Ano'ng nangyayari?" naguguluhang tanong ng isang gagamba.
"'Wag! Pakiusap!" pagsusumamo pa ng isa.
Dumapo ang mga mata ko sa maputla kong braso na parang may itim na mga ugat at gumagalaw pa. Hanggang sa bigla itong lumabas sa 'king mga palad at naging bilog. Naglaban ang gulat at saya sa kalooban ko. Sinubukan kong itapat ang dalawa kong kamay sa tatlong damang na nagbabalak na pumanaog. Kapagkuwan ay unti-unting namilog ang aking mga mata nang malusaw ang mga ito na parang kandila, pati na rin ang lupa at batong sumabay sa kanila sa pagtaas kanina.
Uminat ang kanto ng mga labi ko. Parang gusto kong pasalamatan si Sinrawee sa oras na 'to.
t.f.p.
A/N: Sarap patugtugan ng "Ako na ang bahala. Wala nang konsensya kahit pa na magmakaawa~" ang last scene haha. Eniwey, thanks so much for 200 reads!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top