Chapter 4: Tambaluslos
Chapter 4: Tambaluslos
Ang pagsikat ng araw ay puminta ng kulay-rosas sa kalangitan ngayong umaga. Huni ng masasayang ibon ang naglalaro sa ’ming pandinig. Kay gandang pagmasdan ang tanawin sa labas mula rito sa balkonahe. Subalit ’di mapagkaila ang kabang namamahay sa ’king dibdib sa dahilang ngayon na kami lilisan sa palasyong ’to, ngayon na kami makikipagsapalaran.
Bagama’t natatakot, kailangan kong makipagsabayan sa mga kasama ko na nuknukan ng tapang. Handang-handa na kasi sila sa paglalakbay kahit alam nilang lahat na may nagkalat na kakatwang nilalang sa paligid ng Kahadras.
Suot ko pa rin ang uniporme ko: kulay-abong polo, itim na shorts, at kulay-uling na sapatos. Ngunit ang kaibahan lang ngayon ay nababalutan na rin ako ng kulay-tsokolateng balabal na galing sa lumang tokador. ’Tapos, nakasukbit sa balikat ko ang itim na bag na naglalaman ng baon namin—tubig at tinapay na handog ng mga Banwaanon sa mahal na rayna.
Ayon kay Mounir, likas na magagaling sa paglikha ng iba’t ibang uri ng kagamitang pandigma ang mga taga-Melyar, kaya naman hinandugan ako ni Rayna Helya ng isang espada, ngunit mabilis ko ’yong tinanggihan. Sabi nga nila, may kapangyarihan ako. Kung talagang meron, siguro, sapat na ’to bilang proteksyon ko sa ’king sarili at sa mga kasama ko.
Samantala, si Talay naman ay nakasuot ng puting damit at saya, may balabal din siya na kulay-kape, may punyal na nakasabit sa baywang niya, at may sapin na ang kanyang mga paa—isang pares ng bakya. Hanggang ngayon ay hawak-hawak pa rin niya ang paso na kinalalagyan nina Saya, Alog, at Lish.
Kailangan daw naming hanapin si Langas, ang isinumpang nilalang, sabi ni Mounir. Siya kasi ang magsisilbi naming gabay. Sa usapang Boac naman, sina Saya, Alog, at Lish na raw ang bahala roon—’yon ang dahilan kung bakit sila nasama sa misyong ’to.
“’Di ka ba talaga puwedeng sumama?” patanong na sabi ko kay Mounir. Kasalukuyan naming tinalunton ang daan palabas ng palasyo habang may nakapilang mga kawal sa kaliwa’t kanan namin. Magkasabay kami nina Rayna Helya at Mounir, samantalang nasa unahan naman sina Talay, Saya, Alog, at Lish.
Marahan niyang ipinilig ang kanyang ulo. “Bukod sa kailangan ako rito, kung sakaling may sumugod dito na kampon ng kadiliman, hindi rin naman ako makapapasok sa Kagubatan ng Sayre dahil sinakop na iyon ng kapangyarihan ng halimaw na nagbabantay sa Boac, si Helong,” paliwanag sa ’kin ni Mounir, na agad ko namang tinanguan.
Nakatingala lang ako sa kanya sapagkat mas mataas siya kaysa sa ’kin habang patuloy pa rin kami sa paglalakad.
“Tanging normal na tao lang ang makatatapak doon,” gatong pa ni Rayna Helya, “at taong may dalang itim na mahika kagaya mo, Olin.”
Habang humahakbang pasulong, dumaan sa paligid ng dalawa kong tainga ang bulungan ng mga tao rito sa palasyo. Baka mamatay lang daw kami kasi ’di raw ako ang Olin na nasa panaginip ng raynang nakakikita ng hinaharap. Pero meron namang kumpiyansa na ang masasamang elemento sa Kagubatan ng Sayre ay magagapi ko. Umabot na ’ko sa punto ng buhay ko kung saan maraming kumukuwestiyon sa abilidad ko, pero doon na lang ako magpopokus sa mga naniniwala sa ’kin. Doon ako kukuha ng lakas para tapusin ’tong misyon ko at para makabalik na ’ko sa amin—sa Mandaue.
“Ngunit ’wag kang mag-alala, maaari mo naman akong kausapin sa pamamagitan ng hangin,” untag pa ni Mounir.
Binigyan ko na lang siya ng maliit na ngiti. Naintindihan ko na ngayon. ’Di niya puwedeng iwan ang mahal na prinsipe kasi habang patungo kami sa Kagubatan ng Sayre, baka may biglang sumugod sa palasyo. E ’di, mauuwi lang sa wala ang lahat.
Pagbukas ng tarangkahan ay agad na huminto ang nangunguna na si Talay para ipihit ang atensyon sa ’min. Tumigil na rin ako at sandali kaming nagkatinginan. Napabitiw ako ng malalim na buntonghininga. ’Pag tumapak na kami ni Talay sa labas nitong gingharian, alam kong may kapahamakang naghihintay sa ’min, lalo na’t hindi namin makakasama ang asul na salamangkero. Gayunpaman, dala ko naman ang kapangyarihan ni Sinrawee. At ayon kay Rayna Helya, ako ang tatapos sa halimaw na si Helong.
“Hanggang dito na lang kami, Olin,” anunsyo ni Rayna Helya. “Kailangan na naming bumalik sa loob para suriin ang kalagayan ni Helio. Mag-ingat kayo palagi.”
Tinapik-tapik ni Mounir ang kanang balikat ko. “Alam kong maraming tanong ang sumusulpot sa ulo mo, Olin. Pero ’wag kang mag-alala, masasagot din ang lahat ng ’yan sa inyong pakikipagsapalaran.” Isang maliit na ngiti ang sumilay sa kanyang mga labi. “Magtiwala ka lang sa mga diyos at diyosa.”
Magsasalita pa sana ako nang walang ano-ano’y bigla na lang silang naglaho na parang bula. Nagpakawala ako ng buntonghininga at saka nagpatuloy na lang kami ni Talay sa paglalakad palabas ng palasyo.
* * * * *
Sa ibang direksiyon kami dumaan, ’di ’yong dinaanan namin ni Mounir kahapon no’ng papunta kami sa gingharian ng Melyar.
Habang naglalakad, ’di ko maiwasang magtanong, “Bakit n’yo ’ko sinamahan?” Ang tatlong bulaklak ang tinutukoy ko. Huminto si Talay at iniharap niya sa ’kin sina Saya, Alog, at Lish. “Ang gusto kong sabihin, pakiramdam ko kasi, may iba kayong rason kung ba’t kayo pumayag agad sa atas ng rayna.”
“Utukan gayod ni si Olin,” (Matalino talaga itong si Olin) komento ni Saya.
“Ang totoo niyan, takot talaga kami sa misyong ’to,” kapagkuwa’y pag-amin ni Alog. “Pero kailangan namin—natin—itong mapagtagumpayan para makabalik na kami sa pamilya namin. ’Yon ang hiniling namin kay Rayna Helya kapag tuluyan nang gumaling si Prinsipe Helio.”
Tila may malakas na hanging sumampal sa pisngi ko. Sumagi sa isipan ko ’yong mga bulaklak na may mga mata, ilong, at bibig na nakatanim malapit sa lawa.
Biglang uminit ang sulok ng mga mata ko. Naalala ko tuloy ang mga magulang ko. Kailangan nga naming mapagtagumpayan ang misyon na ’to, nang sa gano’n, makababalik na kami sa pamilya namin.
Naglakad kami nang naglakad hanggang sa ang mga berdeng damong tinatapakan namin kanina ay napalitan ng tuyo’t malulutong na mga dahon. Nag-angat kami ng tingin sa harapan namin at tumambad ang buhay na kagubatan. Hindi kagaya no’ng nakita ko kahapon na nakatatakot, ang gubat na ito’y napapalamutian ng kulay berde, parang humihinga, mistulang sumasayaw rin ang ilang puno, may narinig pa kaming lumagitik na kawayan sa bandang gitna, at ’di nakatakas sa ’ming pandinig ang huni ng masisiglang ibon.
Lulugu-lugo kaming sumilong sa may lilim ng puno dahil sa pagod. Medyo malayo na rin kasi ang nilakad namin. Tanaw pa rin naman namin ang gingharian ng Melyar, subalit kasinglaki na lang iyon ng aming hinlalaki.
Binuksan ko ang dala kong bag at kumuha ng dalawang piraso ng tinapay ng mga Banwaanon, tig-iisa kami ni Talay. Habang ngumunguya, binuhusan din ng kasama ko ng kaunting tubig ang mga bulaklak. Agaran namang nagpasalamat ang mga ito kay Talay, pagkatapos, gumalaw-galaw ang kanilang mga tangkay.
“Hapit na ’ta sa Porras?” (Malapit na ba tayo sa Porras?) tanong ni Saya.
“Sa tingin ko, oo,” tahasang sagot ni Alog. “Kapag dumaan kayo sa gubat na ’to o malalampasan natin ’to, makararating na tayo sa Porras, sa parating pinupuntahan ni Langas. Pero ’di rin ako sigurado kung nandoon ba talaga siya, kasi pagala-gala raw ’yon, e.”
“Bukod kay Langas, ano pa ang makikita natin sa Porras?” kinakabahang tanong ko. Para kasing pangalan pa lang ng lugar, masama na agad ang kutob ko. Sa pagkakaalam ko, ang ibig sabihin ng ekspresyon na “Porras!” ay “Go to the Devil!” Pero baka naman gawa-gawa lang talaga nila ang pangalan ng lugar na ’yon.
“Wala,” anas ni Talay.
“Ha? Bakit?” tanong ko ulit.
“Because it’s a dead kingdom,” pagsingit ni Lish.
Nabuhay ang mga balahibo ko sa braso pagkatapos kong marinig ’yon. Gingharian ng mga patay? O inabandonang kaharian?
“Ang Porras ay isang mayaman at masayang lugar dati. Masagana ang ani sa kanilang mga pananim na lubi o niyog, saging, kamote, ube, at balanghoy o kamoteng kahoy. Nag-alay kaagad sila ng dasal bilang pasasalamat sa diyosa ng masaganang ani na si Lalahon,” pagkuwento ni Alog. “Ngunit sa gitna ng pagdiriwang ay may dumating na bisita sa Porras, ang masamang si Sinrawee. Nakita niya ang mga makikinang na bulawan na nakapulupot sa leeg ng pinuno ng Porras at naakit siya roon.”
“Kinabukasan, nagbalik siya sa gingharian ng Porras dala ang hangaring maagaw ang mga bulawan at lupain nito.” Nabaling ang atensyon ko kay Talay sapagkat siya ang nagpatuloy sa pagsasalaysay. “Taglay ang karunungang itim, tinawag niya ang mga yawa at sinakop ang buong lugar. Pinaalis niya ang gustong umalis at pinanatili ang gustong sumamba sa kanya. At simula noon, siya na ang naging hari doon kasama ang ibang orihinal na mamamayan ng Porras na pilit yumuyuko ’pag nakikita siya, mga kakaibang nilalang na lumilipad, at iba pang mga halimaw. Kaya lang, ’yong ibang mamamayan ng Porras na lumisan ay pinatay ni Sinrawee. Wala siyang tinira.”
“Ang sama talaga ni Sinrawee,” komento ko. “Ngayon naman, pinaghahanap ako ng mga alagad niya para kunin muli ang kanyang kapangyarihan. Para ano? Para sakupin ang maunlad na Melyar? ’Di ako papayag. ’Di ko ’to ibibigay sa kanya.”
“Why don’t you use Sinrawee’s powerful magic if you really have it?” mataray na pagkasabi ni Lish.
Wala talaga kayong tiwala sa ’kin, ’no? Maghintay kayo? Paano kung: “Sige, susubukan ko sa susunod.” At upang mabalik kay Sinrawee ang usapan, muli akong nagtanong, “Saan pala pinatay ’yong ibang mamamayan ng Porras?”
“Daghana nimo’g pangutana, Olin, uy,” (Ang dami mo namang tanong, Olin) bulong ni Saya, na sakto lang para marinig ko. Kung meron lang siyang kamay, tiyak napakamot na siya sa kanyang ulo.
“At saka, nasa’n na ngayon si Sinrawee?” pahabol ko, para na rin asarin pa lalo si Saya.
“Ang haka-haka ng iba, tinalunton daw ng mga taga-Porras ang landas patungo sa Eskalag, na ngayon ay tinatawag nang Escalwa. Sabi naman ng mga taga-Melyar, ’di pa man sila nakaabot do’n ay pinaslang na agad sila ng mga kampon ni Sinrawee,” wika ni Talay.
“Si Sinrawee naman ay kasalukuyang nagtatago sa liblib na lugar dito sa Kahadras dahil nanghihina pa siya. Ang kanyang mga tagasunod lang ang gumagalaw para bawiin sa ’yo ang kanyang kapangyarihan,” si Alog na ang sumagot sa ikalawa kong tanong. “At ngayon, bali-balita na wala nang naninirahan sa Porras, maliban kay Langas na parating tumatambay roon ayon kay Ginoong Mounir.”
Maghahagis pa sana ako ng tanong nang biglang umihip ang napakalakas na hangin. ’Tapos, nagsayawan ang mga puno rito. Bagama’t maliwanag pa ang paligid, bigla ako binisita ng pangamba. Nakaramdam akong may mga matang nagmamatyag sa ’min, kung kaya’t tumindig nang matuwid ang mga balahibo ko sa braso.
“Nararamdaman mo ba ang nararamdaman ko?” tanong ko kay Talay sa mahinang tinig habang inilibot ko ang aking mga mata sa kagubatan.
“Tanga! Wala akong gusto sa ’yo, ’no!” pagsusungit ni Talay na ’di ko inasahan.
Nagtawanan ang tatlong bulaklak.
“Mas tanga ka!” bulyaw ko rito. “Ang ibig kong sabihin ay parang may nakatingin sa ’tin mula sa loob ng gubat.”
Sa pagbitiw ko ng mga salitang ’yon ay bigla na lang kaming nakarinig ng pagkaluskos sa tabing halaman.
“What’s that?”
“Ano ’yon?”
“Unsa na, uy?”
Tumayo ako, at gayundin si Talay. “Kailangan muna nating bumalik sa gingharian ni Rayna Helya. Pakiramdam ko, may halimaw rito,” suhestiyon ko. Nag-akma akong tatakbo, subalit hinawakan ni Talay ang suot kong balabal.
“’Wag,” pagpigil niya. “’Di natin siya puwedeng dalhin sa Melyar, baka magkagulo pa ang mga tao roon. Mas mainam kung magpatuloy tayo sa paglalakbay papuntang Porras para humingi ng tulong kung naroon nga si Langas. Isa pa, kung aatras tayo ngayon, babalik at babalik pa rin naman tayo rito upang hanapin ang isinumpang nilalang. Ito lang ang tanging daan patungo sa patay na gingharian,” pagpapaintindi sa ’kin ni Talay.
“Sakto si Talay, Olin,” (Tama si Talay, Olin) pagsang-ayon naman ni Saya.
Tumango na lang ako. Ang sunod naming ginawa ay tinahak ang masukal na gubat, umaasang makalalabas kami rito o mahahagilap namin ang nilalang na magsisilbi naming gabay. Naging madilim sa loob dahil sa nagtataasan at dikit-dikit na mga puno na tumatakip sa araw.
“Dalian n’yo!”
“Faster, Talay!”
“Pagdali mo, uy!”
“Tumahimik nga kayo riyan! E, kung iwan ko kayo rito sa gitna ng gubat? Gusto n’yo ’yon?” tila nababanas na wika ni Talay dahil sa walang humpay na reklamo ng mga ito.
Habang tumatakbo ay ’kita ko pa rin sa gilid ng mga mata ko ang marahas na paggalaw ng mga berdeng halaman na may kaunting sapot ng damang o gagamba. Nasusundan pa rin kami ng humahabol sa ’min dahil sa tunog na nililikha ng mga tuyong dahon na natatapakan namin.
E, kung iligaw namin siya? Ay, mali. Tahanan niya ’to, kung sino man siya o kung anong uring nilalang man siya, baka kami pa nga ang ililigaw niya rito sa loob ng gubat.
Sa kasamaang-palad, bigla na lang natisod si Talay dahil sa bato at nasubsob ang mukha niya sa mga nagtipon-tipon na mga dahon, dahilan para mabitiwan niya sina Saya, Alog, at Lish. Yawa!
“Aray!”
“Agay!”
“Ouch!”
Walang kagatol-gatol akong tumigil para tulungan si Talay. Nang masigurong ayos lang ang kalagayan niya ay dali-dali kong tsinek ang tatlong nagsasalitang bulaklak. Nasira nang kaunti ang paso nila at may tumilapon ding lupa, pero ’buti na lang at ’di nabasag o nahati sa dalawa ang kanilang lalagyan.
“Ayos lang kayo?” usisa ko habang naghahabol ng hininga.
Imbes na tumingin sila sa ’kin at sumagot, dumapo ang mga mata nila sa itaas habang kasisilayan ng takot ang kanilang itsura.
Nagtaas-baba ang magkabila kong balikat at kasunod n’on ang pagbulusok palabas sa ’king bunganga ang sunod-sunod at nag-aapurang paghingal. Kinakabahan, dahan-dahan akong lumingon sa kung anuman ang tinititigan nilang tatlo. Doon ay tumambad sa ’king paningin ang isang nakakikilabot na nilalang na merong malaking bibig, mahaba’t kulubot na ari, at ang itlog nito ay nakalawit sa lupa.
“W-what kind of creature is that?” nauutal na saad ni Lish.
Ang ngisi ng kaharap naming nilalang ay sadyang nakatatakot, ang kanyang mahabang dila ay gumagalaw-galaw, naglalaway rin ang malaki niyang bunganga, at parehong matulis ang kanyang mga kuko at tainga.
Nanginginig, hinigit ko ang palapulsuhan ni Talay—nangangatog din siya dahil sa pinaghalong takot at sorpresa—at saka ako sumigaw, “Isa siyang Tambaluslos! Takbo!”
* * * * *
GLOSSARY
• Bulawan – a Visayan term for gold.
• Lalahon – the goddess of good harvest and volcanoes.
• Tambaluslos – In Visayan folklore, it’s a legendary creature with a big mouth, large penis, and loose testicles that dangle on the ground. Its name is derived from the term ‘luslus’ that means ‘loose or dangling.’ It pursues travelers who roam in the woods even during daytime.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top