Chapter 33 - Tale of the Maze

OLIN

Nakakaurat ang lalaking kaharap ko ngayon. Anak daw siya ng kataas-taasang diyos na si Kaptan? Ano naman ngayon? Ni hindi ko 'yon kilala. Tatapusin ko na ang bubwit na ito!

Akmang papakawalan ko na ang kapangyarihang inipon ko sa mga kamay ko nang magsalita siya.

"Olin, hindi ako lalaban!" sigaw niya at itinusok ang ginintuang espada sa lupa. "Inatake lang kita ng kidlat para magising ka. Para magising ka sa katotohanang hindi ka kalaban dito at hindi ka masama. Olin, we're brothers, for goodness' sake!"

"Manahimik ka, bubwit-"

"Olin, do you remember? Kinaibigan kita noong bata pa tayo kahit alam kong anak ka ni Sinrawee, ang taong ipinagpalit ang pagkatao sa kadiliman para lang makakuha ng kapangyarihan. Pati na rin ang kapatid niyang si Helong. I know, Olin. I know. Pero natakot ba 'ko sa 'yo? Hindi! Dahil alam kong iba ka sa ama mo, hindi ka masama. Nasasaktan mo lang ang mga nakapaligid sa 'yo dahil 'di mo pa ma-control nang tuluyan ang kapangyarihan mo ngayon. At ngayong alam ko nang magkapatid tayo, hindi ko hahayaang maging ganiyan ka habang-buhay. Hindi ko hahayaang dalhin ka ni Sisiburanen sa Kasakitan. Isa kang Melyarine. Dito ka nababagay sa Kamariitan-sa Kahadras." Pagkatapos niyang sabihin iyon ay may dumausdos na luha sa kaniyang mga mata.

Di-kaginsa-ginsa, may isang lalaking tumabi sa prinsipe. Natatakpan ng asul na tela ang kaniyang katawan. Tanging mukha lang niya ang nakikita ko. Kasalukuyan siyang lumulutang sa ere. Hindi naman nakaligtas sa paningin ko ang kulay-abo niyang mga mata at saka umiilaw rin ang letrang "H" na nakatatak sa kaniyang noo.

Kapagkuwan ay dumoble ang paningin ko. Naniningkit ang mga mata, dahan-dahan kong hinawakan ang ulo ko gamit ang magkabila kong kamay. Parang pinupukpok ng maso ang aking ulo nang paulit-ulit. Buwisit! Ano 'to?

Ilang sandali pa'y may mga pangahas na alaalang pumasok sa 'king utak. Sa dami niyon ay parang wala na 'kong maintindihan. At kasabay niyon ay ang unti-unti kong pagliit hanggang sa kasing-tangkad ko na lang ang binatilyong kaharap ko.

Si Prinsipe Helio? Ano'ng ginagawa niya rito? Dapat nagpapahinga siya! At saka isa pa, bakit hawak niya ang espada ni Burigadang Pada?

"Ano'ng nangyari?" ang tanong na lumabas sa 'king bibig.

"Olin, you're back . . ." ungot ni Helio, lumuluha.

Ngunit laking-gulat ko nang may humawak sa magkabilang balikat ko at iniharap ako sa kaniya. "Ikaw ang kasalukuyang pinakamalakas dito sa katakut-takot na parte ng Kamariitan, Olin. Ngunit mayroon lang kahinaan. Alam mo kung ano 'yon? Puso," mariing wika ni Sinrawee at dahan-dahang inilapit sa 'kin ang hawak niyang kulay-uling at patusok na bato.

Hindi ko maigalaw ang mga kamay ko. Ano'ng ginawa niya?

Akmang itatarak niya ito sa puso ko nang may palasong nagbiyak sa bato. Nilingon ko kung saan galing ang nakawalang palaso at awtomatikong uminat ang mga labi ko nang makita siya. Si Solci.

Umabante siya, suot-suot ang nang-iinis na ngisi. "At 'yan naman ang wala ka, Sinrawee. Nakakaawa ka."

Humakbang paurong si Sinrawee, nagtangis ang bagang. Ikinumpas niya ang kaniyang mga kamay saka bigla na lang lumitaw ang mga itim na lagusan sa kaniyang likuran. Kasunod niyon ay ang paglabas ng mga panibagong hukbo ng mga nilalang na may itim na balat-mga yawa. Tumabi naman kay Sinrawee ang Mambabarang at Mansalauan.

Nahagip din ng paningin ko ang berdeng salamangkero na si Girion na umalagwa galing sa ilalim ng lupa. Ano'ng ginagawa niya roon?

Lumapit naman sa 'kin sina Mounir, Helio, Solci, Rayna Helya, Madani, Lubani, at iilang nakaligtas na eskrimador ng Melyar.

Ilang sandali pa'y bigla na lang kaming nakarinig ng tunog ng trumpeta at natanaw namin sa di-kalayuan ang lehiyon ng mga kumikinang na mga nilalang, mga Banwaanon, na nakasakay sa mapuputing mga usa na may sungay na maraming sanga. Nakasuot sila ng baluting kulay berde saka may hawak-hawak na pana at palaso. Pinangunahan sila ni Haring Hestes at ng kababata ni Solci na si Garam.

"Nandito na ang father ko," masayang wika ni Solci.

Pagkaraan ng ilang segundo, dumapo naman ang aming mga mata sa pangkat ng mga taong nakabahag at nakasuot ng makukulay na malong na nagmamartsa sa 'ming gawing kanan. May dala-dala silang matatalim na sibat. Nakita ko si Manoy Bundiyo na sumasabay sa agos ng mga kasamahan niya. Hindi rin naman nakatakas sa 'ming paningin ang isang nilalang na lumilipad sa itaas ng Tribong Tselese, ang bagong Ungo na si Ru-An. Nakalilipad na siya! At napapalamutian na ngayon ng malalagong buhok ang kaniyang katawan!

"Ariba, Tribong Tselese!" sigaw ni Ru-An habang lumilipad.

"Ariba, Tribong Tselese!" tugon naman ng mga taga-Tsey.

"Tselese hangtod sa hangtod!" muling sigaw ng Ungo.

"Tselese hangtod sa hangtod!" pag-ulit ng lahat.

Sa dakong itaas naman, namataan namin ang mga kulay asul na kalag sa pangunguna ni Haring Kalak na nakasampa sa malaking dragon-si Cormac! May hawak silang palakol at maso.

Halos maiyak ako nang maalala lahat ng mga nakasalamuha namin sa paglalakbay namin noon patungo sa kagubatan ng Sayre na ngayon ay handang tumulong sa 'min sa oras ng kagipitan. Napapaligiran na namin ang mga kampon ni Sinrawee at oras na para tapusin ang lahat ng ito!

Lumundag ang mga kulay bughaw na kalag o kaluluwa sa tabi namin at kasabay ng pagbagsak ni Cormac ay ang pagbabago ng kaniyang anyo. Mula sa malaking dragon ay isa na siya ngayong mabangis na Sarangay-kalahating tao at kalahating toro-na may bitbit na maso. 'Tapos, ang dalawang sungay niya ay mahaba pero baluktot.

Nanguna si Cormac sa 'min na naging Sarangay sabay sigaw ng, "Kahadras Legends, sugoood!"

Walang kagatol-gatol na tumakbo ang mga kasama ko at ang kabilang panig na animo'y kating-kati na ang mga kamay na pumaslang. Dali-daling nagpaulan ng mga palaso ang mga Banwaanon kaya sunod-sunod na bumagsak ang ilang yawa sa lupa.

Wala nang dambuhalang gagamba pero mayro'n pa ring mga itim na lobo. Tumakbo nang mabilis ang Tribong Tselese at walang habas na tinutusok ang mga halimaw gamit ang kanilang matutulis na mga sibat.

Sa pagkakataong ito, si Ru-An naman ang sumugod sa Mansalauan dahil siya lang ang nilalang na may pakpak sa panig namin. Kinalmot-kalmot niya ang Mansalauan at saka sinakal. Humaba ang dila ng Mansalauan at pumulupot sa tiyan ni Ru-An pero agad niya itong pinutol. Muling sinakal ni Ru-An ang malaking paniki na may ulo na parang butiki, ibinagsak sa ibaba, at nangudngod ito sa lupa. Agad namang tinambangan ng mga yawa si Ru-An ngunit ibinukadkad niya ang kaniyang mga pakpak dahilan para tumilapon ang mga yawa sa malayo.

Nagpalitan ng atake ang mga asul na kalag o kaluluwa at ang mga yawa na may dalang nagbabagang espada. Hindi nila matamaan ang mga kalag at 'yon ang kalamangan nila sa digmaang ito. Naglaho saglit ang mga kalag at sa kanilang pagbabalik ay isa-isang nahati ang mga yawa sa dalawa.

Pinuntirya naman ng magkasintahan na sina Lubani at Madani ang Mambabarang na pumatay kay Labuyok. Inilapit ng Mambabarang sa bibig niya ang hawak niyang kawayan na may lamang samot-saring insekto. Pero bago pa niya mautusan ang mga ito ay may tubig na marahas na humampas sa kawayan dahilan upang bumagsak ito sa lupa. Nagkaroon ng pagkakataon si Lubani na lumapit sa pumatay sa kaniyang kapatid. Dinaganan niya ito at sinakal.

"Hayop ka! Pinaslang mo ang pinakamamahal kong kapatid!" galit na sambit ni Langas. "Ngayon, pagbabayaran mo ang ginawa mo!"

Kasabay ng pagtulo ng kaniyang mga luha ay ang pagtarak niya ng kaniyang sundang sa puso ng Mambabarang. Sumigaw nang malakas ang Mambabarang dahil sa sakit. Pagkatapos niyon ay naging daan-daang insekto ang Mambabarang at lumipad sa malayo.

Sunod-sunod na nagpakawala ng mga palaso si Solci sa direksyon ng mga yawang nagtatangkang pumasok sa gingharian ng Melyar. Magkatalikuran naman kami nina Cormac at Helio habang nilalabanan ang mga yawa at lobong itim. Si Cormac ang taga-pukpok gamit ang kaniyang maso saka kami naman ni Helio ang taga-hiwa sa mga ito gamit ang aming sandata.

Akmang tatakas na si Sinrawee pero agad kong itinapat ang kamay ko sa inaapakan niya hanggang sa nabitak ang lupa at unti-unti itong pumailanlang sa ere. Dali-dali akong lumipad kasama sina Mounir at Girion patungo sa direksyon niya.

Itinuon ni Girion ang kaniyang kamay sa gawi ni Sinrawee saka lumabas mula roon ang mga baging na parang ahas na gumagapang sa hangin. Dali-dali nitong pinuluputan ang katawan ni Sinrawee. Agad namang rumesponde si Mounir at nagpakawala ng kapangyarihan na nagkorte na parang kamay. Unti-unti itong lumapit kay Sinrawee saka paulit-ulit siyang sinampal nito hanggang sa tuluyan na siyang manghina.

"Olin, ngayon na!" mando sa 'kin ni Mounir.

May ideya agad ako kung ano ang tinutukoy niya.

Ipinilig ko ang aking ulo nang uminit ang marka ko sa leeg. At kasabay niyon ang pagbabago ng aking paningin-itim at puti. Dumapo ang mga mata ko sa mga ugat sa bisig ko na parang sumasayaw. Ilang sandali pa'y itinuon ko na ang aking kamay sa direksyon ni Sinrawee at isinaisip 'yong ginawa ko noon sa mga dambuhalang gagamba at sa halimaw na si Helong.

"At dito na magtatapos ang kasamaan mo, Sinrawee!" pirming wika ko habang nakatuon sa kaniya ang dalawang kamay ko.

Naglakbay ang kapangyarihan ko sa hangin patungo sa direksyon niya. At nang tumama ito sa kaniya ay bigla na lang siyang nanginig, sumuka ng itim na dugo, at sumigaw ng, "Olin, pakiusap . . . 'waaag!"

Pagkatapos niyon ay unti-unti nang nalusaw ang kaniyang katawan na parang kandila at tinangay ng hangin hanggang sa tuluyan na siyang naglaho sa 'ming paningin. At kasunod niyon ay unti-unti ring nagiging abo ang mga yawa at lobong itim sa paligid hanggang sa ang natira na lang ay ang mga nasawing mandirigma ng Melyar at ilang nakaligtas sa labanan. Tuluyan na ring nabura ang itim na ulap sa itaas dahilan upang umaliwalas na ang kapaligiran.

"Yahhh!" sigaw ng mga natirang Melyarine sabay taas ng kani-kanilang sandata. "Yahhh!" pag-ulit nila sa labis na kasiyahan.

"Tribong Tselese hangtod sa hangtod!" malakas na sigaw ni Ru-An habang lumilipad pa rin sa itaas. Halos maputol na ang litid niya sa sigaw na 'yon.

"Tribong Tselese hangtod sa hangtod!" sabay na pagbigkas ng mga taga-Tsey.

Pinatugtog naman ng mga Banwaanon ang kanilang trumpeta at humiyaw rin nang napakalakas ang kulay bughaw na mga kalag dahil sa wakas ay nagapi na namin ang puwersa ng kasamaan.

"Gosh! Super galing talaga ng bebe boy ko!" pahabol pa ni Solci, umaaktong parang bulateng sinabuyan ng asin. Awtomatikong uminat ang labi ko dahil sa sinabi niya.

* * *

Nang gabing 'yon ay nagkaroon ng malaking salo-salo na ginanap sa gingharian ng Melyar bilang selebrasyon sa aming pagkakaisa at pagkapanalo laban kay Sinrawee at sa kaniyang mga alagad. Narito sa gingharian ang mga Banwaanon at ang Tribong Tselese na kasama ng mga Melyarine na kumakain. At siyempre narito rin ang representante ng mga Horian na si Prinsesa Madani.

Nagpaalam sa 'min kanina ang dating hari ng Porras na si Haring Kalak at ang kaniyang mga kasama. Sasama na raw sila kay Panginoong Sidapa, ang diyos ng kamatayan. Bago sila tuluyang mawala ay humingi muna ako ng dispensa. Mabuti na lang at hindi sila galit sa 'kin, kay Sinrawee lang daw. Hindi pa man daw ako isinilang ay may alitan na sa pagitan nilang dalawa.

Masayang nakipagkuwentuhan sina Cormac, Lubani, at Madani sa ilang Banwaanon at kay Manoy Bundiyo. Nandito rin pala si Ru-An. Aniya, nakokontrol na raw niya ang pagiging Ungo. At ang sabi naman ng Tribong Tselese ay bukas ang bayan ng Tsey para sa kaniyang muling pagbabalik. Humingi na rin sila ng tawad sa dalaga sa pagsunog nila sa bahay nila Ru-An at sa katawan ng nanay niya.

Sobrang saya ng lahat habang pinagsasaluhan ang mga nakahain sa mahabang mesa. Punong-puno ng tao ang bulwagan ng gingharian. May mga nagtatawanan habang nagsasalin ng alak sa kani-kanilang kopita na nakahalik sa mesa. May mga nagsasayawan sa harapan sa pangunguna nina Mounir at Girion. Mayro'n ding nagpapatugtog ng iba't ibang instrumento tulad ng plawta, kudyapi, at saka tambol. Napuno ng ingay ang buong paligid habang nakapaskil sa mukha ng bawat isa ang matatamis na ngiti.

Kalaunan ay mag-isa akong pumanaog sa gingharian at naglakad-lakad sa labas. Kapansin-pansing may iilang Melyarine dito na nagpapalipad ng mga sky lantern malapit sa malawak na maze. Pumailanlang ang mga umiilaw na parol sa kalangitan na dumagdag sa kagandahan ng gabi.

"Kuya, what are you doing here?" pambungad na tanong sa 'kin ni Helio.

Hindi talaga ako sanay na tinatawag na "kuya." Pero oo, napatawad ko na ang aking ina na si Rayna Helya. Magkapatid kami ni Helio pero magkaiba kami ng ama. Anak siya ng kataas-taasang diyos sa Kahilwayan samantalang ako naman ay anak ng yumaong hari ng Melyar na si Haring Gumapad. Ang natutuhan ko sa pananatili ko rito sa Kahadras ay ang magpatawad at humingi ng tawad. Hindi madali, oo. Pero kailangan nating magpatawad at sinserong humingi ng tawad sa mga nagawan natin ng mali para sa ikatatahimik ng ating kalooban at para sa isang bagong simula.

"Gusto ko lang tingnan ang mga parol na 'to," sabi ko at saka tumingala. "Siya nga pala, pa'no napunta sa 'yo ang espada ni Burigadang Pada?" tanong ko habang hindi siya tinatapunan ng tingin.

"Ah, pumunta siya rito kanina at ibinigay niya sa 'kin ang sandata niya. Sinabi niya sa 'kin na hindi raw makakalaban ang mga Escalit dahil hindi sila sanay sa pakikipaglaban. Besides, busy rin daw sila kasi may hinahanap pa silang hiyas."

Tumango-tango lang ako bilang sagot.

"Alam mo ba ang story ng maze na 'yan, kuya?" tanong niya sa 'kin sabay turo sa maze na nakatayo sa gilid ng gingharian. 'Di ako sumagot. "Kapag daw pumasok ka riyan at may makatagpo kang tao sa loob habang nasa itaas n'yo ang sky lantern, kayo ang magkakatuluyan."

Kumunot ang noo ko at tiningnan siya. "Weh? 'Di nga?"

Marahan siyang tumawa. "It's true, kuya. Itanong mo pa kay Mama at kay Mounir. Sige na, pumasok ka na ro'n. Hayun si Solci, oh!" gulat na sambit ni Helio nang makitang pumasok si Solci roon.

Nanlaki naman ang mga mata ko nang masilayan siya. Sobrang ganda niya at agaw-pansin talaga ang nagliliwanag niyang kulay-gatas na buhok na ngayon ay nakatirintas.

Tinampal ni Helio ang balikat ko. "Sige na, kuya. Sure ako na magkikita kayo roon sa loob," nakangiting wika niya. May pataas-taas pa siya ng kilay.

Binigyan ko siya ng matalim na tingin. "Ba't mo 'ko binubugaw?"

Humagikhik si Helio. "Feeling ko kasi, kayo talaga ang para sa isa't isa. Malaki na kami ni Solis o Solci. Nag-iba na ang pananaw namin sa buhay, pati na rin ang feelings namin. 'Di na kami magpapakasal. Baka kayo?" Tinaasan niya ako ng kilay at nagpaskil ng nakalolokong ngiti sa mukha.

Huminga ako nang malalim bago maglakad palapit sa maze. Bago ako tuluyang pumasok ay narinig ko munang sumigaw ang kapatid ko ng, "Good luck, Kuya Olin!"

Maraming pumasok kanina kaya kinakabahan ako kung sino ang makatagpo ko rito sa loob. Sobrang liit lang ng posibilidad na magkita kami rito ni Solci. Pero kung kami talaga ang para sa isa't isa, siyempre magtatagpo kami. Ang kailangan ko lang ay huminga nang malalim at maniwala.

Nagpakawala ako ng hangin sa pamamagitan ng ilong. Lumiko ako sa kaliwa at natunghayan ang mga damong maayos na tinabas. Kumanan ako at gano'n pa rin ang nakikita ko. Simula nang pumasok ako rito ay naging iregular na talaga ang paghinga ko, at mas lalo pang lumalakas ang tibok ng puso ko sa tuwing liliko ako.

Pinagpawisan ako ng malamig. Rinig ko ang tawanan sa di-kalayuan. Nagkita na kaya sila ng taong gusto rin nilang makita rito? Kainis, gusto ko nang umatras. Sobrang lakas ng kabog dito sa dibdib ko na animo'y may karerang nagaganap.

Lumiko ulit ako pakaliwa at muling naglakad hanggang sa may nakita akong maliit na tarangkahan. Binuksan ko ito para makalabas ako 'tapos tumalikod ako para muli itong isara. Bigla akong sinampal ng malamig na simoy ng hangin. Napatingin ako sa itaas ko at nakitang may isang umiilaw na parol dahilan para salakayin na naman ako ng kaba.

Eksaktong pagdapo ng mga mata ko sa harapan ko ay siya namang pagsara ng isang babae sa tarangkahan kung saan siya galing. Lumangitngit pa iyon dala ng kalumaan.

Halos sumayad na ang panga ko sa damuhan nang magtama ang aming mga mata at nasilayan ang kakaibang ngiti ng babae na animo'y ang lalaking matagal na niyang ipinapanalangin kay Kaptan ay kaniya nang natagpuan. Nakasuot siya ng makulay na malong, ang kaniyang ulo ay natatakpan ng kulay-tsokolateng tela, at wala siyang sapin sa paa.

Tumingala ako saglit sa parol na nasa itaas namin. 'Tapos, ibinalik ko agad ang tingin sa kaniya.

"Kapag daw pumasok ka riyan at may makatagpo kang tao sa loob habang nasa itaas n'yo ang sky lantern, kayo ang magkakatuluyan."

Napalunok ako. Pagkaraan ng ilang segundo ay unti-unting uminat ang mga labi ko na para bang hindi man lang ako tinamaan ng pagkadismaya na siya ang natagpuan ko rito sa loob. Parang sa hinaba-haba ng kaba, natagpuan ko rin ang aking ginhawa.

"Talay . . ."

END OF VOLUME ONE

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top